Pagbabalik sa Aklatan


Dedicated to Allyloo sa superfan ni Yul hahaha! ^_^

________________________



"Ano sa tingin mo ang ibig sabihin ng mga alay na sinabi ng lalaking 'yon?" tanong ni Yul sa kasamahan.

"Sana nga alam ko kung ano ang ibig sabihin," sagot agad ni Inspector Iñigo na pabalik na sa sasakyan nila. "Kung yung sumpa nga, 'di ko mapaniwalaan, yung mga alay pa kaya na 'yan?"

Lumubog na ang araw at kailangan na nilang makabalik sa istasyon. Hindi nila alam kung may napala ba sila o wala sa pagpunta nila sa mental institution na iyon ngunit isa lang ang sigurado, mukhang matatagalan pa sila sa paglutas ng hinahawakan nilang kaso.

"Tinawagan mo na ba si Ethan?" tanong ng inspektor kay Yul.

"Paano ko tatawagan, e, nasira yung cellphone ko. May dala ako ngayong phone pero wala siyang number sa akin."

"Tsk!" Napailing na lang si Inspector Iñigo sa sagot ng kasama. Umalis na sila sa lugar na iyon at napag-isipang pumunta sa aklatan ng San Martin.

"Hindi ko pa natatapos ang ilang libro," sabi ng inspektor. "Pero kaunti na lang, paniniwalaan ko nang may kinalaman ang mga iyon sa iniimbestigahan natin. Gusto kong malaman ang panig ni Ethan dahil may mali talaga sa kanya."

"Kung si Ethan ba ang pumapatay, may ebidensya kaya tayong mailalatag sa magiging kaso niya?" tanong ni Yul. Bagay na hirap para kay Inspector Iñigo na sagutin dahil kahit saang anggulo ng imbestigasyon nila, wala siyang makitang magtuturo kay Ethan para gawin ang karumal-dumal na krimeng ibinibintang nila sa kanya.

"Nariyan yung 8th book ni Harmonica, 'di ba?" tanong ni Inspector Iñigo.

Sinilip ni Yul ang likod at nakita nga ang lahat ng libro ni Harmonica na baon nila. "Oo. Gusto mong basahin ko?"

Sinulyapan ni Inspector Iñigo si Yul nang kunin nito ang libro sa likuran nila. "Ang sabi ng pasyente, ang kakambal niya ang unang alay. Kinakatwiran niya na bubuhayin niya si Miguelito. Kung sinasabi niyang siya si Simeon, ibig sabihin si Simeon ang namatay."

"Imortalis en Harmonica," pagsisimula ni Yul.

"Nahihiwagaan lang ako sa sinabi ng pasyente na sampung taong gulang lang si Harmonica nang simulan niya ang mga kwento." Saglit niyang hininto ang sasakyan nang makarating sa kabayanan kung saan marami-rami na ang sasakyan. "Matanda na si Miguelito sa kwento. Kung bata pa ang Harmonica na original author, ano ang ibig sabihin ng pasyente tungkol sa mga alay?"

"Sandali lang, Iñigo. Nabanggit sa kwento si Veronica. Alam mo kung ano ang character niya sa kabuuan?"

"Si Veronica ang nag-iimbestiga sa kaso ng mga..." Kumunot ang noo ng inspektor at agad na tiningnan si Yul. "Imbestigador si Veronica. Hina-hunting niya ang serial killer at nalaman niyang si Miguelito 'yon dahil kinuha ni Miguelito ang nanay niya."

"Alay din ba ang nanay ni Veronica?"

"Oo."

"Teka nga, tungkol sana ba talaga ang kwento? Ano ang mga biktima? May common difference ba lahat ng pinatay niya?"

Pinaandar na ni Inspector Iñigo ang sasakyan at binaybay ang daan patungo sa San Martin de Dios Avila.

"Lahat ng pinatay ni Miguelito, mga malilinis."

"Paanong malinis?"

"Alam mo naman ang batayan kapag sinabing malinis ang tao. Clean in physical features, hindi nag-take ng kahit anong drugs. Walang piercings. Mga virgins. Nasa forensic ka, alam mo na ang mga tinutukoy ko."

"Age and gender ng mga biktima?"

"Wala siyang pinili."

"Pero sa labas ng kwento, karamihan ng mga biktima niya, mga binatilyo."

"Binatilyo na mahihilig magbasa." Tiningnan niya si Yul. "Walang koneksyon ang mga character sa kwento at mga naging biktima sa labas liban sa pareho ng dahilan ng pagkamatay at hitsura ng mga ito. Mahirap ikonekta kung iisa-isahin ang mga detalye."

"Isa pa sa gusto kong malaman ay kung para saan ang mga alay. Kada insidente, may alay na sinabi ang pasyenteng nakausap natin. Kung sa forty years na nagdaan, kumukuha ng alay ang libro--"

"Nabanggit ng matanda na alay ka, si Bergorio at yung batang Almediere." Idineretso ni Inspector Iñigo ang tingin sa daan nilang madilim na tinatanglawan lang ng headlights niya. "Sampung taong gulang na bata lang si Harmonica. Isang batang author na hindi natin alam kung buhay pa ba o patay na. Pitong libro lang ang kilalang pinublish niya. Walo ang hawak natin ngayon. Parehong-pareho ang nagaganap sa libro at sa labas ng kwento niya--" Natigilan ang inspektor at sinilip ang cellphone niyang nagri-ring. Sinagot niya agad ang tawag at binuksan ang loudspeaker.

"Iñigo, nasaan si Ulysess?" bungad na tnaong ni Ethan sa telepono.

Nagkatinginan ang dalawa sa sasakyan.

"Bakit?" tanong ni Inspector Iñigo.

"May tumawag sa akin gamit ang number ni Yul. Hawak niya si Ulysess at yung batang Almediere na nawawala. Papunta ako ngayon sa library ng San Martin. Kailangan ko ng back up."

"Ano'ng sinasabi mong hawak ako?" tanong agad ni Yul.

"Ulysess?" sagot sa kabilang linya.

"Papunta kami ng San Martin. Ano yung sinasabi mong tumawag ako sa iyo? Sira ang cellphone ko! Paanong--?"

"Mukhang kinidnap ang bata!" pagputol ni Ethan. "Pinagpipilitan ng nakausap ko ang tungkol sa ritwal ng mga libro ni Harmonica!"

"Bwisit!" Napalo tuloy ni Inspector Iñigo ang manibela ng sasakyan. "Ano ba ang meron sa mga libro na 'yan?!"

"Nasaan ang mga libro?" tanong ni Ethan.

"Dala namin lahat," sagot ni Yul.

"Pati yung ikawalo?"

"Oo."

"Kaya n'yo bang basahin yung dulong chapter? Yung huling page kung saan natapos?"

"Sige, sandali." Binuklat ni Yul ang huling pahinang may nakalimbag pang mga letra. Binasa niya ang mga nakasulat.

"Kasama ni Veronica sa sasakyan si Miguelito. Patungo ang dalawa sa lugar na pinagsimulan ng lahat. Doon nila kakatagpuin ang huling alay para sa ritwal..." Natigilan si Yul at napatingin kay Inspector Iñigo.

"'Yun lang?" tanong ni Ethan.

Pinagpatuloy ni Yul ang pagbabasa.

"...Lahat ay umaayon sa plano. Ang pagtatagumpay ng kanyang walang hanggang pagkabuhay ay malapit nang maganap. Muling magsasama-sama ang mga aklat at matatapos na ang itinakda. Ang buhay ng huling alay ang tatapos sa huling salita..."

Isinara ni Yul ang libro at tumingin nang diretso sa daan.

"Ethan, may sinabi ang tatay ko noon nang nag-imbestiga siya sa kasong kaparehong-kapareho ng kasong hawak natin ngayon." Napahugot ng malalim na hininga si Yul at mahigpit na hinawakan ang libro. "Kahit na anong mangyari, hindi ako dapat magsalita."

"Yul," tawag sa kanya ni Inspector Iñigo. "Ano ba 'yang sinasabi mo?"

May dapat sabihin si Yul ngunit pinigilan niya ang sariling magbanggit ng kahit anong sisira sa dapat na iniisip niyang mangyayari.

"Magkita-kita na lang tayo sa aklatan ng San Martin. Doon ko sasabihin sa inyo ang lahat."

__________________________

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top