Nakakubling Katotohanan
Kumportableng nakaupo si Ethan sa sofa ng sala ng bahay ng mga Almediere. Makailang ulit siyang tumingin sa paligid at pansin ang lamya sa buong lugar kahit maaliwalas.
"Wala pa rin ho bang balita sa anak ko, Sir?" tanong ng ina ni Voltaire nang mailapag na nito ang dalang inumin para kay Ethan.
"Misis, ginagawa ho namin ang lahat para lang ho mahanap ang anak ninyo. Kaya nga ho ako narito, naghahanap ako ng sagot sa mga tanong namin." Sinulyapan ni Ethan ang hagdan ng bahay paakyat sa ikalawang palapag. "Noong araw na nawala ho ang anak ninyo, narito ho ba kayo?"
Napailing ang ina ni Voltaire at agad na napayuko. "Mag-isa lang siya rito noong gabi na nawala siya. Nasa trabaho pa kasi ang Papa niya at madaling-araw na nakakauwi. Ako naman, pumunta sa kabilang subdivision. Tinawagan kasi ako ng kapatid ko kay nagpapatulong sa pagluluto ng handa sa birthday party ng anak niyang bunso. Sanay naman si Volt na naiiwan dito sa bahay mag-isa. Hindi ko lang inaasahan na..." Napatakip ng bibig ang ginang at hindi na naituloy ang nais sabihin dahil mangiyak-ngiyak na ito sa kwento niya.
"Mahahanap rin ho namin ang anak ninyo, Misis."
"H-hindi pa..." Nagpunas ng luha ang ginang. "Hindi pa naman... p-patay si Volt, 'di ho ba?"
Napahugot ng malalim na hininga si Ethan sa tanong na iyon. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang tanong na hindi niya alam ang magandang sagot.
Tumayo si Ethan at nagpagpag ng pantalon. "Misis, titingnan ko ho uli ang kwarto ng anak ninyo, maaari ho ba?"
Pumayag naman ang ginang sa pakiusap niya. Alam niyang hindi binigyang-pansin ng mga CIDU ang kaso ni Voltaire Almediere dahil missing person lang ang inilagay nilang kaso rito hindi gaya ng iba nitong kaibigan na alangan pa ang paglalagay ng klase ng kaso-- hindi pa sigurado kung homicide ba o mass murder.
Isang tao ng Crime Investigation and Detective Unit ang inutusan niyang kunin ang librong hawak ni Voltaire Almediere na In Flagrante Delicto na gawa ni Harmonica. Tatlong araw pa ang lumipas pagkatapos ng mga nangyaring sabay-sabay na pagkamatay ng anim na binatilyo bago niya nalamang may hawak pala na libro ni Harmonica ang bata.
Pinakuha lang niya ang libro. At sa pagkakatanda niya'y iyon pa lang ang unang beses niyang makatapak sa kwarto ng nawawalang biktima.
"Ang akala namin, baka nakitulog lang siya sa mga kaibigan niya kaya hindi ko pa hinanap nung gabi..." sabi ng ina ni Voltaire. "Iniisip ko nga na baka nag-overnight na naman siya kina Trevor."
Nilibot ng tingin ni Ethan ang buong kwarto. Napakaraming libro sa loob at mga laruang binubuo. Nasa sulok ang kama na nasa ilalim lang ng bintana.
"Nagulat lang ako noong hinanap ko na siya kina Shiela kay ang sabi nito namatay raw ang anak niya dahil nalason. Hindi raw nila malaman kung paano nangyari. Dinala sa ospital kaso nagpatawag daw ng pulis pagkatapos."
"Yung libro ho na kinuha rito, saan ho nakita?" tanong ni Ethan.
Itinuro naman ng ginang ang study table ni Voltaire. "Diyan siya madalas magbasa. Yung libro na kinuha ninyo, hindi ko alam kung saan niya naunang nakuha. May may-ari ho ba ang libro na 'yon? Napansin ko ho kasing iyon lang ang kinuha ninyo rito sa bahay at hindi na nag-imbestiga pa nang maigi."
Tumango lang si Ethan at sinagot ang tanong ng ina ni Voltaire. "Importante lang ho yung libro. Narito ho ako ngayon para mag-imbestiga." Nginitian niya ang ginang. "Okay lang ho ba kung iwan n'yo muna akong mag-isa rito? Baka sakaling may makita akong makakatulong sa paghahanap sa anak ninyo."
Madaling pumayag ang ginang sa pakiusap ni Ethan. Lumabas ito ng kwarto ng anak at sinara ang pinto.
Muling inusisa ni Ethan ang buong kwarto. Lumapit siya sa isang maliit na bookshelf na nakatayo sa kanang bahagi ng kwarto. Pinadaan niya ang hintuturo roon at napansin ang kumakapal nang alikabok.
"Mukhang hindi ginalaw ang kwartong 'to, ah," mahina niyang sinabi at saka tumingala para tingnan ang kisameng flourescent light lang ang nag-iisang nakalagay roon. "Walang pwedeng pasukan o labasan mula sa taas. Diretso ang pagkakagawa sa kisame." Ibinaba niya ang tingin at idinako sa bintana. "Pwedeng tumalon mula sa bintana." Lumapit siya rito at sinilip ang ibaba ng bahay sa labas. "Mapipilayan lang ng balakang ang tatalon mula rito." Ibinalik niya ang tingin sa loob at tiningnan ang sahig. Naghahanap ng kahit ano. "Kung hindi nilinis ang kwartong ito, malamang na may makikita ako."
Naghanap siya ng kahit ano kaso malinis ang sahig na may wood design na linoleum.
"Pwedeng naglayas nga ang batang 'yon." Kinuha niya ang panyo sa suot na pantalon at inilagay muna sa seradura ng drawers sa study table bago ito buksan. Sinilip niya ang loob at napansing walang ibang laman ang drawers kundi mga examination papers na matataas ang mga marka at itim na headset.
Walang kakaiba.
Hinatak niya ang swivel chair at sinilip ang ilalim ng study table.
Walang kakaiba.
Napabuntong-hininga siya. Wala siyang ibang makita sa kwartong iyon.
Ibabalik na sana niya ang swivel chair sa pwesto nito nang may mapansing kakaiba. Lumapit pa siya para usisain ang hawak na upuan.
"Ano 'to...?" Sinundan niya ang mga guhit sa leather armrest ng swivel chair gamit ang hintuturo. "Kalmot?"
Napatayo si Ethan at agad na naghanap sa utak niya ng ilang mga detalyeng hawak nila.
Agad siyang lumabas ng kwarto para tanungin ang nanay ni Voltaire.
"Misis, kailan ho huling nilinis ang kwarto ng anak ninyo?"
"Hindi ko pa nalilinis ang kwarto niya mula nang nalaman kong nawawala siya..." malamya nitong tugon.
"Kailan ho yung araw na tinutukoy ninyo?"
"Mga... mga dalawang araw pagkatapos mamatay ng mga kabarkada niya."
"Kailan ho nakuha yung libro na kinuha rito?"
"Kinabukasan lang pagkatapos kong matanggap ang balitang wala na ang mga kaibigan ni Volt."
"Yung mga gamit ho ng anak ninyo, may gumalaw ho ba o kumuha? Gadgets? Notebooks? Kahit ano liban doon sa tinutukoy kong libro."
"Kayo ho ang nag-imbestiga rito noong nakaraan. Ang sabi ho ninyo, huwag kong linisin ang kwarto ng anak ko. Dala ho ninyo ang librong tinutukoy ninyo kanina pa. Iniwan ko ho kayo noong nakaraan sa kwarto ni Voltaire dahil ang sabi ninyo ay mag-iimbestiga kayo."
"A-ako ho? Dito?"
"Oho. Kayo ho ang kumuha ng libro. May mga sinabi kayong detalye sa akin kaya sinunod ko ho kayo dahil ang sabi ninyo, makikita ko rin ang anak ko kung gagawin ko iyon."
Agad na naguluhan si Ethan sa sinabi ng ginang.
Wala siyang matandaang pumunta siya sa bahay na iyon kahit na kailan. Wala siyang kinuha dahil alam niyang pinakuha niya ang lahat ng ebidensyang galing kay Voltaire Almediere.
"Yung camera ho ni Voltaire, sino ho sa mga tauhan ko ang kumuha?"
"Kinuha ho ba?" nagtatakang tanong ng ginang. "Ang sabi ho ninyo, titingnan n'yo lang ang computer niya. Wala ho akong alam na pati ang camera niya, kinuha ninyo."
"May iba pa bang pulis o imbestigador ang pumunta rito o pinapasok ninyo liban sa akin?"
Agad na umiling ang ginang. "Ang sabi ho kasi ninyo, kayo na ang bahala sa lahat. Walang ibang pumunta rito liban sa inyo."
Napuno ng pagkalito si Ethan dahil sa mga sinabi ng ina ni Voltaire sa kanya. Ni isa kasi doon, hindi niya matandaang ginawa nga niya. Inutos niya, oo. Pero hindi niya ginawa na siya mismo.
Hindi niya matandaang may ginawa siya tungkol sa kaso at ebidensya kay Voltaire Almediere.
Ano ang ibig sabihin ng mga sinabi sa kanya ng ina ng nawawalang biktima?
"May CCTV ho ba na malapit dito sa bahay ninyo?"
Alanganing umiling ang ginang-- senyales na hindi siya sigurado.
"Wala ho?" tanong pa ni Ethan.
"M-may camera sa kwarto ni Volt. Pinakabit iyon ng... ng Daddy niya sa telpad para nababantayan namin ang buong bahay kaso..."
Pansin ni Ethan na hirap pa sa pagsagot ang ina ng iniimbestigahan niya.
"Kaso ho ano?"
"Inalis ho ng anak ko... h-hiniwalay niya ng connection. G-gumagana ho iyon... H-hindi ko nga lang alam kung... kung saan niya tinago."
Napatango nang dahan-dahan si Ethan sa sinabi ng ginang. Walang problema doon dahil kaya niyang utusan ang mga tauhan niya na halughugin ang kwarto ni Voltaire kapag nakakuha na siya ng search warrant.
"Iyon ho bang--" Hindi niya naituloy ang sasabihin dahil tumunog ang cellphone niya. Sinilip niya ito at nakitang may tumatawag. Agad niya itong sinagot. "Sandali lang ho, Misis... hello?"
"Sa tingin mo ba mahahanap mo ang batang 'yon nang gano'n lang kadali..."
Agad na kumunot ang noo ni Ethan sa sinabi ng nasa kabilang linya. Sinilip uli niya ang screen ng cellphone para i-check kung tama ba siya ng taong kinakausap. "Ulysess?"
"Kailangan ka na ni Harmonica, Nathan Bergorio..."
"Hindi ikaw si Yul," matigas niyang tugon sa kausap sa kabilang linya. "Sino ka ba, ha?"
"Nakatakas ka noon sa hindi mo pagsunod sa ritwal... pero hindi ngayon... hindi na ngayon."
"Nasaan si Yul?! Nasaan si Voltaire?!"
"Gusto mo silang makitang buhay...? Handa ka bang ipagpalit ang sarili mo para sa kanilang dalawa...?"
"Baliw ka na! Nasaan sila?!"
"Pumunta ka sa aklatan ng San Martin... makikita mo ang sagot sa lahat ng tanong mo."
At namatay na ang tawag.
"Sir?" nag-aalalang tawag ng ina ni Voltaire. "A-ano hong b-balita?"
"Misis, mauna na ho ako. Pangako ho, ibabalik kong buhay ang anak ninyo sa inyo."
Dali-daling umalis si Ethan sa bahay ng mga Almediere upang tumungo sa aklatan ng San Martin.
_________________________
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top