Multo ng Nakaraang Buhay

"Tan-Tan, ano 'yang binabasa mo?"

"Libro."

"Saan mo nakuha?" Sinilip nito ang pabalat ng aklat.

"Sa library. Doon sa taas ng burol."

"Maganda?"

"Oo."

"Ave Santa Muerte." Ngumisi siya sa kapatid. "Buti, hindi ka tinatamad basahin 'yan. Ang kapal kaya?"

"Tamad ka lang talaga magbasa."

Hindi maiwasan ni Ethan na alalahanin ang tungkol sa librong iyon. Naaninag niya ang pagsilip ng ilang alaala mula sa usok na ibinuga habang naninigarilyo sa labas ng istasyon. Nakatulala lang siya sa langit na ilang oras na lang ay sisikatan na naman ng araw.

"Tungkol saan ang kuwento?"

"Yung bida, naghahanap siya ng iaalay para mabuhay ang kakambal niyang namatay. Lima na ang napapatay niya at kuwento ng pang-anim na biktima itong hawak ko. Pinainom niya ng lason ang biktima niya habang iniisip kung paano pa niya mahahanap ang natitirang dalawa."

"Ayos, a. May kakambal din ang bida?" Mapang-asar na ngisi ang ibinigay niya sa kakambal. "Kapag ba namatay ako, gagawin mo rin 'yan?"

Napapikit si Ethan at humugot ng malalim na hininga.

"Baliw lang ang gagawa n'on." Hinarap niya ang kapatid. "At hindi pa ako baliw."

Napadilat agad siya nang isang kamay ang biglang humatak sa kanya upang itayo sa kinauupuan. Agad siya nitong itinulak sa pader ng istasyon at sinakal gamit ang kanang braso.

"Ipaliwanag mo nga kung ano ang ibig sabihin nito?" nanggagalaiting sabi ni Inspector Iñigo sa kanya habang pinanlilisikan siya nito ng mata.

Tinitigan ni Ethan ang ipinakikitang papel sa kanya ng kasamahang inspektor.

"Eleven years nang patay si Ethan Bergorio," mariin nitong sinabi. "Ano? Ipaliwanag mo 'to nang maigi."

"At saan n'yo naman nakuha 'yan?" mariing tanong ni Ethan habang pinipilit na tanggalin ang braso ni Inspector Iñigo sa kanya.

"Sino ka bang talaga?" Lalo pa nitong idiniin ang pagkakasakal sa kasamahang kinakastigo.

"Pakawalan mo nga ako!" Itinulak niya nang malakas ang inspektor at agad niyang hinawakan ang leeg niya nang mailayo ito.

"Buhay si Nathan Bergorio at hindi siya ang namatay kundi ang kakambal niya eleven years ago. Nilason si Ethan Bergorio higit labing-isang taon na ang nakalilipas."

"At ano ang gusto mong palabasin?"

"Sino ka bang talaga? At nasaan na si Nathan Bergorio?" mariing tanong ng imbestigador. "Bakit nakalagay sa isa sa mga ebidensya natin ang pangalan niya at bakit parehong buwan, araw, at taon ang insidente kung kailan inilibing si Ethan Bergorio?"

Napangisi na lang si Ethan at saka umiling. Bakas sa reaksyon niya kung gaano kawalang-saysay ang pinagtatalunan nila ng inspektor. "Masyadong komplikado ito kaya kung ako sa 'yo, hindi ko na pakikialaman pa ang mga bagay na hindi na sakop ng trabaho ko." Maglalakad na sana siya papasok sa istasyon nang pigilan siya ni Inspector Iñigo.

"Hindi pa tayo tapos kaya huwag mo 'kong tinatalikuran."

Tinabig ni Ethan ang kamay nito sa braso niya at tiningnan agad ito nang masama.

"May kinalaman ka ba sa pagkamatay ng anim na batang 'yon at ang pagkawala ng isa nilang kasama?" tanong pa ng inspektor.

"Huwag mo 'kong pinagbibintangan ng mga bagay na hindi ko ginawa."

"Kung gano'n, paano mo ipaliliwanag ang lahat ng 'to, ha?" Halos isampal nito kay Ethan ang mga hawak na papel na naglalaman ng mga lumang balita at blotter tungkol sa kaso ni Ethan Bergorio higit sampung taon na ang nakalilipas.

Pinakatitigan iyon ng lalaki. Muling nagbalik ang mga traydor na alaala ng kahapong hindi pa nareresolba ngunit naibaon na sa limot.

"May sumpa ang mga libro ni Harmonica at walang makapagpapaliwanag n'on."

"A! Oo nga pala, may sumpa nga pala!" sarkastiko nitong sinabi habang nakadipa ang mga kamay. Padabog niya iyong ibinagsak saka nagpamaywang. "Nagkataon lang ang mga pagpatay—"

"Nagkataon lang din ba na ang tinutukoy mong Ethan Bergorio na namatay noon, ang biktimang si Trevor Henson, at ang biktima sa libro ni Harmonica na may pamagat na Ave Santa Muerte ay namatay dahil sa lason, sinala ang dugo sa katawan, at pinorma ang bibig para makagawa ng tunog na mor?"

"Hindi 'yon mor, O 'yon."

"Itanong mo pa kay Yul at doon sa nag-autopsy sa bangkay. Nakadikit sa ngala-ngala ng biktima ang dila niya para makagawa ng tunog R. Kayang-kaya kong isalaysay sa iyo ang lahat ng dahilan ng pagkamatay ng anim na biktima kahit hindi ko pa nakikita ang reports sa kanila dahil nakalagay iyon sa libro ni Harmonica."

"E di guilty ka nga! May kinalaman ka nga sa pagkamatay ng anim! At baka ikaw ang serial killer ng mga batang 'to na walang ibang solid na dahilan kundi ang walang kuwentang sumpa na 'yon!"

"Bakit ba pinipilit mo 'yan, ha?" Itinulak niya ang dibdib ng inspektor dahil sa inis. "Ano ba'ng problema mo?"

"Hoy!" Umawat na agad si Yul sa dalawa at pinaglayo na. "Nalingat lang ako sandali, nagbubugbugan na kayo?"

"Iyan ang pagsabihan mo!" Dinuro ni Ethan si Inspector Iñigo. "Kung mambibintang lang naman siya, sana yung kapani-paniwala naman! Paano ako magiging serial killer kung pare-pareho ang time of death ng mga biktima? At paano ako magiging suspect kung sa mga oras na 'yon, naroon ako sa opisina ng CIDG para mag-report ng kaso na hawak ko bago ito. Sige nga! Ipaliwanag mo 'yan."

Natahimik ang tatlo. Hingal na hingal sa galit si Ethan habang nakikipagpalitan ng masamang titig sa kasamahang inspektor.

"Kung may matibay kang alibi sa pagkamatay ng mga binatilyong nasa kaso natin ngayon, sagutin mo na rin kung nasaan si Nathan Bergorio," hamon ni Inspector Iñigo.

At wala na namang sagot mula kay Ethan. Kahit si Yul ay nais din iyong itanong sa kanya.

"Hindi na 'yon sakop ng trabaho ninyo," mahina niyang tugon at akmang papasok na sa loob ng istasyon.

"Sandali." Pinigil agad siya ni Yul bago pa man niya mahawakan ang salaming pinto. "Ang sabi mo, namatay ang kakambal mo na ang binasa ay ang Ave Santa Muerte. Kung kakambal mo nga si Nathan Bergorio, gusto ko lang malaman kung bakit nakapangalan sa kanya ang ikawalong libro ni Harmonica bilang ebidensya."

Mabigat na buntonghininga ang pinakawalan ni Ethan at tumingala sa itaas habang nakapikit. Ayaw niyang pag-usapan ang tungkol doon. Ayaw niyang ibalik ang mga pangarap ng kapatid na nilamon ng kung anong hindi maipaliwanag na pangyayari.

"Hindi ko gusto 'to. Wala sa plano ko ang maging imbestigador o magkaroon ng kung ano mang trabaho na may kaugnayan sa krimen." Nilingon niya ang dalawang kasama na masama ang tingin sa kanya. "Mahina ako sa ganito. Hindi ko kahit kailan pinangarap mag-imbestiga ng mga kaso ng ibang tao. Mahina ako sa pagmememorya. At mas lalong hindi ko ugali ang nagbabasa." Itinuro niya ang loob ng istasyon. "Yung ikawalong libro, ako ang may hawak n'on. At kahit kailan . . . kahit na kailan! Hindi ko tinangkang buklatin iyon pagkatapos ng nakita ko."

Itinuro niya ang direksyon upang tukuyin ang aklatan ng San Martin de Dios Avila. Sandaling lumingon doon ang dalawang kasamahan niyang kanina pa nanggagalaiti sa hindi niya pagsagot sa mga tanong na ibinabato sa kanya.

"Ako ang huling batang pumasok sa library na 'yon eleven years ago. Pangalan ko ang huling nakalista doon bago ang pitong batang involved sa kaso natin ngayon. Doon ko nakuha ang ikawalong aklat ni Harmonica na nag-iisa na lang na nakita ko sa lahat ng gawa niya pagkatapos mamatay ng pitong nauna. Kaya hangga't maaari, ayokong basahin ang pangwalong libro dahil alam ko sa sarili kong kapag ginawa ko 'yon; mamamatay na ako." Binuksan na niya ang pinto ng istasyon at tumuloy na sa loob.

Naiwan sina Yul at Inspector Iñigo sa labas. Mababasa sa mga mukha nila ang naghalong inis at pagkalito.

Napasuklay ng buhok ang inspector at sumagap ng hangin upang pakalmahin ang sarili.

"Ano na naman ba ang pinagtatalunan ninyong dalawa?" tanong ni Yul.

"Patay na si Ethan Bergorio. Ngayon ko lang nakita ang file ng Nathan Bergorio na pinahanap mo kanina kaya nalaman ko."

"May naiwang file sa printer mo, nakita mo rin ba ang nakasulat doon?"

"Anong file?"

"May record ang NBI kay Nathan Bergorio na nagpapalit ng pangalan five years ago sa Statistics Office para gawing Ethan." Itinuro niya ang loob ng prisinto. "File niya 'yon. Aprubado ng Director ng CIDG. Hindi sikretong file ang file ni Nathan Bergorio, ngayon lang talaga natin nalaman ang totoo sa kanya." Tinapik niya ang balikat ni Inspector Iñigo at matipid itong nginitian. "May kasalanan ka, brad. Alam mo na ang gagawin. Yung mga libro, huwag mo nang subukang basahin. Yung mga picture sa camera ng batang biktima, ipatse-check ko kay Gerry mamaya pagdating niya para malaman natin kung ano ang problema n'on."

Pumasok na si Yul sa loobat iniwang mag-isa ang kasamahang inspektor sa labas ng istasyon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top