Misteryo ng Tatlo
March 28, 2004, Lunes
Kapuna-puna ang pagiging matamlay ni Nathan Bergorio habang nakatulala sa malaking aklatan ng San Martin de Dios Avila. Suot niya ang isang pawisan at maruming puting uniporme at itim na pantalong pamasok. Dama niya ang init ng lupa sa suot na tsinelas na ilang kilometro rin ang nilakad bago makarating sa library.
Bakas ang lungkot sa kanya habang wala sa sariling pinasok ang loob ng malaking aklatan.
"Ano ang kailangan mo, hijo?" tanong ng babae sa front desk.
"Titingin ho ng libro," malungkot niyang sagot habang nakatulala sa desk. Ni hindi man lang inabala ang sariling lumingon sa lugar o tingnan man lang ang kausap.
"Pakipirmahan itong log book. Pangalan, petsa ngayon saka oras."
Kinuha niya ang inabot ng babae at ginawa ang inutos nito. Inilagay niya ang pangalang 'Nathan Bergorio' sa log book, katabi niyon ay ang petsang March 27, 2004 at ang oras na 1:28 pm. Nagtaka pa ang librarian sa isinulat niya.
Pagkatapos pumirma ay pumasok na siya sa loob ng library. Ni hindi man lang niya naramdaman kung may tao ba roon maliban sa kanya dahil talagang wala siya sa sarili nang magsimulang lumibot.
Unti-unting bumabalik sa kanya ang nakakikilabot na alaalang nasaksihan kinagabihan lang.
"Tan-tan?" nag-aalalang tawag niya sa kapatid na nakaupo sa swivel chair nito. "Tan, ano'ng nangyayari sa 'yo?"
"Kkk! Kkk! Kkk!" Iyon lang ang tunog na naririnig niya sa kakambal habang pinanonood itong iginagalaw sa paiba-ibang direksyon ang ulo.
"Ethan?" Nanlaki ang mga mata niya nang mapansin ang balu-baluktot na daliri ng kapatid. "Ethan, okay ka lang ba?"
Ilang sandali ang hinintay niya at agad ding huminto sa paggalaw ang kapatid.
"Tan-tan?"
Hinawakan niya ang sandalan ng inuupuan nito at ipinaikot paharap sa kanya.
"Aaah!" Binalot ng tili niya ang buong silid hanggang makaabot sa labas ng bahay.
Bumungad sa kanya ang itsura ng kapatid na napakaputla, tumitirik ang mga mata, at kakaiba na ang itsura ng bibig.
"Mommy! Si Ethan! Daddy! Daddy, si Ethan!"
Hindi niya napansin, dinala na siya ng paa sa dulong parte ng library.
Malamlam ang mga mata niya nang tingnan ang isang lumang cabinet na isang libro na lang ang laman.
"May kulang pang isa sa mga libro niya. Pito lang kasi ang nakita namin nina Romeo."
Agad niyang naalala ang sinabi sa kanya ng kapatid nang matapos nitong basahin ang Ave Santa Muerte.
"Paanong kulang?"
Binuksan niya ang cabinet at kinuha ang librong may titulong Imortalis en Harmonica.
"May natitira pang pantig na kulang sa chant niya kapag hanggang pito lang ang binasa."
Itinakas niya ang libro sa aklatan nang walang paalam. Hindi siya nagawang sitahin ng babaeng nasa front desk dahil wala ito nang umalis siya.
Isang libro. May isang librong hinahanap ng kakambal. At iyon ang tangan-tangan niya habang balisang nilalakad ang malawak na kalsada.
"Nathan, tumawag si Wilson. Nagtatanong siya kung gusto ko raw bang basahin yung book 7 nitong libro. Pakikuha naman sa bahay nila, may pinapagawa sa 'kin si Mommy e."
"Oo, bukas na."
"Hindi ba pwede ngayon?"
"Bukas na lang. Ako na kukuha, promise."
Hind rumerehistro sa utak niya ang lahat maliban sa kabisado na ng paa niya kung saan ba ito uuwi. Mag-isa siyang naglakad pauwi sa kanila kahit napakalayo ng aklatan mula sa kanilang bahay.
Paliko na sana siya sa kanila nang matanaw sa bungad ng subdivision nila ang bahay ng kaibigan ng kapatid.
Tinungo niya agad iyon at kinatok.
"Nasaan po si Wilson?" malungkot niyang tanong sa kuya ng kaibigan pagkabukas nito ng pinto para sa kanya, ilang oras pa lang ang nakalilipas matapos niyang tunguhin ang aklatan.
"Nate, alam mo ba ang ano ang nangyari?" May bahid ng galit at kawalan ng amor sa kausap ang tanong nito.
"Ano po'ng nangyari?"
"Wala na si Willy. May nangyari sa kanya kagabi. Si Ethan daw ang huling nakausap niya."
Pinigil ni Nathan ang pagluha dahil sa nabanggit ng kuya ni Wilson. "Wala na rin po si—si Tan-tan." Suminghot siya at nagpunas agad ng matang inaapawan ng mainit na luha. "Pumunta lang po ako dito kasi—kasi may pinakukuhang libro si—si Tan-tan bago siya—" Nagtakip agad siya ng mata at tuluyan nang humagulhol. "Gusto ko lang pong makuha yung—yung libro. Ibibigay ko lang po kay—kay Tan-tan."
"Nate, umuwi ka na lang muna. Please lang. Saka ka na maghanap ng libro na 'yan."
Hindi na naman niya maiwasang madala ng mabigat na emosyon habang naaalala ang nangyari sa kapatid.
Maraming tanong ang ibinigay sa kanya nang dalhin ito sa ospital noong nakaraang gabi.
"Ano ba'ng nangyari?" nag-aalalang tanong ng mommy niya.
Wala siyang ibang naisagot kundi katahimikan lang. Naririnig niya ang paliwanag ng doktor sa di-kalayuan na hindi niya maintindihan kung ano nga ba ang ibig sabihin.
"Nalason? Pero hindi n'yo alam kung paano nalason? Ano ba'ng klaseng mga doktor kayo?" malakas na sigaw ng daddy niya.
"Anak, magsalita ka naman," pagmamakaawa sa kanya ng ina.
Hindi alam niya alam kung ano na ang nagaganap. Wala siyang naiintindihan sa mga nangyayari. Namatay ang kapatid niya sa mismong harapan niya. Naroon siya noong gumagalaw pa ito. Hindi niya alam kung paano ito nalagutan ng hininga.
"Hintayin ang mga pulis? Bakit ninyo kailangan ng pulis? Hindi pinatay ang anak ko!" Napatakip siya ng tainga dahil iyon ang unang beses na narinig niyang sumigaw ang ama.
Gusto lang niyang maghanap ng sagot sa tanong niya: kung paano ba talaga namatay ang kakambal niyang si Ethan.
Huminto siya sa paglalakad at naalalang kaibigan din ng kakambal niya ang nakatira sa bahay kung saan siya natapat. Wala na si Wilson kaya umaasa siyang isa man lang sa kabarkada nito ang may alam sa libro na tinutukoy ng kakambal—kahit pa hawak na niya iyon kung tutuusin. Kumatok siya sa pinto ng bahay upang magbakasakali.
"Tao po," matamlay niyang pagtawag. Agad na binuksan ang pinto ng nakatira doon.
"Ethan?" tanong ng isang ginang na mugtong-mugto ang mata.
Hindi na niya pinansin pa ang pagkakamali nito sa pagtawag sa kanya sa pangalan ng kakambal. "Tita Rose, nandiyan po ba si Howie?"
Agad na humagulhol ng iyak ang ina ng kaibigan ng kakambal. "Ang anak ko . . . Howard! Bakit ang anak ko pa?"
"Mama!" Dinaluhan siya agad ng mister at niyakap. Napansin nito ang batang nasa pinto. "Ethan, umuwi ka muna sa inyo."
"Hindi po ako si—"
"Sige na, umuwi ka na muna."
"Si Howie po?"
"Umuwi ka na muna, anak. Baka hinahanap ka na ng mommy mo." Isinara na nito ang pinto at hindi na niya nakuha pa ang sagot na hinihingi.
Nagpatuloy siya sa paglalakad kahit nananakit na ang mga paa. Nakauwi siya sa kanila at pansin ang katahimikan sa buong bahay.
"Mommy? Daddy?"
Wala siyang narinig na sagot. Dumeretso siya sa second floor; sa kuwarto nila ng kakambal.
Ibinagsak niya ang dalang libro sa mesa at hindi niya maiwasang titigan ang upuan kung saan niya huling nakita ang kapatid bago ito isugod sa ospital.
"Ethan." Tiningnan niya ang mesa nito at hinanap ang librong huling hawak ng kakambal. "Nasaan na yung . . . nasaan na yung libro?"
Hindi niya alam kung ano na ang nangyari sa mga libro ni Harmonica na bigla na lang naglaho nang basta ganoon na lang. Pagkatapos ilibing ng anim na kaibigan ng kakambal kasabay ng kapatid, hinanap niya sa pamilya ng mga ito ang mga aklat ni Harmonica.
Isa lang ang sagot na nakuha niya sa mga ito: wala silang nakitang libro.
Isinara ang aklatan pagkatapos ng kaliwa't kanang reklamo rito ng ilang mga residente at pamilya. Wala na ring sumusuporta sa lugar kaya nagsabi na ang baranggay ng San Martin na huwag na itong buksan sa publiko. Hindi na rin nakabalik doon si Nathan matapos nilang lumipat ng ibang siyudad pagkalibing ng kapatid. Hindi na niya naabutan pa ang tuluyang pagpapasara ng aklatan.
April 4, 2015
Wala pang maayos na tulog ang tatlong alagad ng batas at napilitan lang na umuwi sa bahay upang maligo at magpalit ng damit. Pagbalik ng mga ito sa istasyon, marami-rami nang police officer na naroon at nag-aasikaso ng mga dumudulog sa pulisya.
Kasalukuyan silang nakatunghay sa computer na kinakalikot ng IT expert na si Gerry Restituto. Iniisa-isa ang mga larawang ayaw na sana nilang makita ngunit kailangan ulit pag-aralan.
"Tingnan n'yo itong mga bagong kuha." Itinuro ni Gerry ang mga retratong kinuhaan gamit ang digicam ni Voltaire Almediere. "Walang kahit anong problema sa camera." Pansin ang pigil niyang ngiti kay Yul. "At mas lalong walang application ang ganitong camera. Lumang modelo na 'to para ipa-modify."
Napakamot tuloy ng ulo si Yul.
"At ito palang kuha ninyo at ng mga batang biktima." Nagbago ang tono ni Gerry. "Hindi siya edited. Walang problema ang camera at . . ." Halatang nahihirapan din siyang ipaliwanag ang nasa monitor. Nakailang kamot siya sa ulo para maghanap ng tamang salita upang maintindihan nila ang kakaiba sa mga kuha. ". . . hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nitong mga anino." Trinace niya ng hintuturo ang mga itim at malabong parte sa mga larawan. "Malinaw ang kuha, pareho ang pixels, ang mayroon lang na aninong ganito ay yung pitong bata at si Bergorio."
"Oo, tama nga." Si Inspector Iñigo na ang sumagot.
"Bale, walo silang may ganitong kuha. Ikaw, Iñigo, malabo ang mukha mo sa isang shot."
"Baka naman pasmado lang si Yul," sagot ng inspektor.
"Iyon nga sana ang ikakatwiran ko kaso may pagka-imposible iyon kasi fixed ang pagkakalabo ng kuha. Kung alanganing anggulo lang o maling galaw ng kamay niya ang dahilan, dapat pati itong paligid sa palibot ng ulo, malabo rin."
"Yung kuha ko. Paano 'yon?" tanong ni Yul.
"Anong kuha mo?" tanong ni Gerry.
"Yung—ito!" Itinuro niya agad ang background na istasyon nila.
"Nasaan ka diyan?"
"Iyon nga ang gusto kong malaman. Nasaan ako diyan?"
"Ayan na naman tayo e! Nagkakalokohan na naman tayo rito."
"Si Ethan ang kumuha niyan. Ang sabi niya, nandiyan daw ako sa picture nang kinuhaan niya. Pagtingin namin, wala na ako."
"A, baka naman niloloko ka lang n'on."
"Tsk! Bwisit na Ethan 'yan." Napailing na lang si Yul. "E paano yung isang kuha naming tatlo?"
"A! Isa pa 'yon!" Inilipat niya ang retrato upang makita nila ang tinutukoy ng kasama. "Present pa rin ang anino na nakayakap kay Bergorio. Mas malinaw kumpara sa mga naunang kuha. Itong kay Iñigo, hindi ko maipaliwanag kung paano ito nangyari. At ito . . ." Itinuro niya ang kakaibang binatilyong nakauniporme sa gitna.
Pare-pareho silang natahimik.
"Mga brad, naniniwala kayo sa multo?" tanong ni Gerry.
"Punyetang katwiran 'yan." Kanya-kanya silang layo kay Gerry sabay hilamos gamit ang pasmadong palad.
"Brad, multo?" Itinuro ni Inspector Iñigo ang monitor ng screen. "Ang tanda na natin para maniwala sa ganito!"
Napakamot naman ng ulo si Gerry. "E paano mo ipaliliwanag 'to? Ang sabi ninyo, si Ulysses dapat 'to. O, nasaan siya diyan at bakit iyan ang nakuhaan?"
"Kaya ka nga pinapunta rito para nga ipaliwanag mo."
"E hindi ko na alam kung paano ipaliliwanag 'to." Kinuha niya ang digicam at ibang memory card ang ginamit. "Yul, pumuwesto ka roon." Itinuro niya ang bandang pinto ng kuwarto kung saan sila nagkakagulo.
Sumunod naman si Yul at tumayo nga sa puwestong sinabi ni Gerry. Kinuhaan siya nito ng isang shot at saka sinilip ang rumehistro sa camera.
Nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa screen ng digicam. "Brad, puwesto ka nga ulit."
"Bakit?"
"Walang rumehistro e. Isa pa." Panibagong kuha ang ginawa nito ngunit pareho lang ang resulta. Walang Yul na nakita sa mga kuha. "Iñigo, ikaw nga ang pumuwesto roon."
Umiling na lang si Inspector Iñigo at tumayo nga sa pinagpuwestuhan ni Yul.
"Okay, two, three. Good." Nang matapos ay tiningnan niya ang screen ng digicam. Lalong naningkit ang mga mata niya. "Brad, malabo talaga yung mukha mo."
"Sigurado ka bang walang problema 'yang camera?" tanong pa ni Yul.
"Wala nga. Tingnan n'yo." Inilapag nito ang digicam ni Voltaire sa mesa ni Ethan at nilagyan iyon ng timer. Ito naman ang tumayo sa pinagpuwestuhan ng dalawa at nang matapos ang kuha at tiningnan niya ang retrato. Ipinakita niya iyon sa dalawang kasamahan. "Tingnan n'yo. Buong-buo ako rito sa picture. Walang labis, walang kulang. Walang anino. Nandito ako. Hindi malabo ang mukha ko." Halos ibagsak niya sa mesa ang hawak at nagpamaywang habang nakatingin sa dalawang imbestigador. "Hindi kaya nanuno na kayong dalawa?"
"Tsk! Kanina multo, ngayon nuno naman! Ano ba naman 'yan, brad?" reklamo ni Inspector Iñigo habang kamot-kamot ang ulo at pasuko na sa usapan nila.
"Ay, bahala kayo! Kung ayaw n'yong maniwalang walang problema itong camera ng biktima, problema n'yo na 'yon." Umalis na rin ito sa istasyon nang matapos na ang sagutan nila.
Napaupo na lang ang dalawa habang iniisip kung paano ba ipaliliwanag ang resulta ng mga kuha sa kanila gamit ang camera ni Voltaire.
Wala raw problema ayon sa IT expert nila. Nagpakita rin naman ito ng pruwebang wala nga. Napapabuntonghininga na lang sila kung paanong mga larawan lang nila ang nagkakaproblema sa camerang iyon.
"Nasaan na naman si Ethan?" walang ganang tanong ni Inspector Iñigo.
"Nagpaalam kanina. Babalikan daw yung pamilya ng batang may-ari ng digicam." Lumipat ng mesa si Yul at tinipong muli ang mga libro ni Harmonica na nasa desk niya. Pinagpatong-patong iyon mula sa pinakaunang aklat hanggang sa ikawalo. "Nagtataka raw siya kung bakit nawawala ang may hawak ng pampito. Eleven years ago, ang huling kasong involved ang libro ni Harmonica, lahat ng biktima, namatay."
"Nandiyan na naman tayo sa librong 'yan. Bakit ba sinisisi n'yo 'yan e wala namang kinalaman—"
Pumaling si Yul paharap sa inspektor nang may maisip na ideya.
"Brad, daan kaya tayo sa ibang city library? Baka may ibang record sila roon kay Harmonica. Kung bestseller siya dati, malamang na may lokasyon ang publication nito, di ba?"
Nagtaas agad ng hintuturo si Inspector Iñigo. "May point." Nagpagpag na ito ng pantalon at hinanda na ang sarili sa balak nilang paglabas ng istasyon. "Kung wala sa websites, baka sa card catalogs, meron."
"Ihahanda ko na angsasakyan. Hihintayin na lang kita sa labas," paalala ni Yul.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top