Lihim ng Larawan

Nainip na si Inspector Iñigo sa paghihintay kay Yul kaya naisipan niyang tingnan ang mga ebidensyang hawak nila. Nasa harap siya ng computer at tinitingnan ang mga kuha sa digicam ni Voltaire na sinurrender sa kanila ng magulang ng binatilyo. Umaasa pa naman ang mga ito na makakakuha sila ng lead kung nasaan ang anak nila kung sakaling makakalkal ang laman niyon. Kunot na kunot ang noo niya habang nakikita ang mga larawang laman ng camera.

Isang malakas na kalabog ang bumagsak sa katahimikan sa loob ng istasyon.

"Ay, putris na—" Napatayo agad ang inspektor dahil sa sobrang gulat. "Ano ka ba?" sigaw niya sa nagbukas ng pinto.

"Nasaan si Yul?" bungad na tanong ni Ethan.

"Ikaw? Saan ka ba nagpupuntang siraulo ka, ha?" Wala siyang natanggap na sagot kay Ethan kaya sinundan lang niya ito ng tingin habang inilalapag ang mga gamit sa mesang nasa likod lang niya.

"Ang sabi ni Yul, walo raw ang nakitang bata noong nakaraang—" Natigilan siya nang makita ang monitor ng computer ni Inspector Iñigo. "Ano 'yan?"

Inilipat ng inspektor ang tingin sa tinitingnan ni Ethan. "Mga kuha sa digicam ng isa sa mga biktima. Hindi ka naman pwedeng mag-edit ng retrato sa digital camera na may lumang modelo, di ba?"

Lumapit si Ethan kay Iñigo at tinitigang maigi ang mga larawan. "Mata ko lang ba o may aninong nakayakap sa kanila?"

"Iyan nga rin ang gusto kong itanong. Akala ko, paningin ko lang." Itinuro niya ang background na may kuha ni Trevor Henson na nakangisi. "Sa loob pa yata ito ng library."

Tumango naman si Ethan bilang pagsang-ayon. "Oo, loob nga 'yan. Ganyan din ang nakita ko kanina. Pero bakit . . .?" Inilipat pa niya ang ibang larawan. Lahat ng kuha ng mga biktima ay kapansin-pansin dahil sa tila kamay at braso ng aninong nakayakap sa kanilang mga katawan. "Ganito lahat ng kuha ng pitong bata?"

"Gusto kong isipin na baka nasira lang ang camera. Pero napakadetalyado naman ng pagkakasira sa bawat kuha at talagang imahen ng nakayakap na anino ang pagkakapareho ng lahat."

Nahihiwagaan na si Ethan habang tinitingnan isa-isa ang lahat ng larawang nasa computer. Hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang nag-zoom in at out para lang matantiya kung naduduling lang siya, may sira ang monitor, may sira ang camera, o tunay ang mga naroon sa larawan. "Lahat kuha noong March 28. Ala-una hanggang alas-tres ng hapon."

Umupo si Inspector Iñigo sa mesa ni Ethan at tiningnan ang monitor ng computer niya mula sa malayuan. Hindi siya interesado sa kahit anong paniniwalang hindi nasasakop ng siyensiya o ng batas. Wala siyang oras para maniwala sa mga multo at mga maligno. Hindi niya balak alamin ang tungkol sa mga sumpa o mga pangungulam o kung ano-ano pang may kaparehong liga. Ngunit ngayon ay lalo nang gumugulo ang isipan niya sa mga nalalamang hindi niya alam kung saang lupalop ba makakakuha ng matinong paliwanag.

"Ito." Itinuro ni Ethan ang isang larawang kuha sa may front desk. "Ito yung nakausap ko sa library kanina." Itinuro niya rin kay Inspector Iñigo ang nakatahing pangalan sa uniporme na suot ng nasa larawan. "Barbara. Ito siya."

"O? Ano ngayon?"

"Tumawag si Yul. Ang sabi niya, wala nang empleyadong nagtatrabaho sa library. Paanong wala kung may kuha pala ang isa sa mga biktima na talagang may tao roon sa aklatan ng San Martin?"

"Teka, teka. Hindi ko na naiintindihan. Wala nang empleyadong nagtatrabaho sa library?" Nagsalubong ang kilay ni Inspector Iñigo at ipinagkrus ang mga braso. "Akala ko ba, bukas pa rin 'yon hanggang ngayon? Kaya nga nakapasok ang mga bata sa loob, di ba?"

"Sina Cedie na ang pinaaalam ko kung bukas ba talaga o hindi ang library na 'yon. Bukas nila ibibigay ang update sa pinagagawa ko."

Halos mapatalon ang dalawa dahil sa gulat nang may kumalabog na naman.

"Ano ba?" galit na sigaw ng mga ito sa nagbukas ng pinto ng station. "Punyeta ka naman, Ulysses, o!"

"Bukas nga ipaayos n'yo na kay Javier 'tong pinto. Bumabagsak na sa sahig kapag binubuksan. Masisira ang tiles nito kapag hinayaan lang." Tuloy-tuloy na pumasok si Yul sa loob at dumeretso sa mesa nito. Inilapag doon ang lahat ng dinala niyang ebidensya at tiningnan ang dalawang kasamang nakasimangot sa kanya. "Sa totoo lang, mga brad. Ang dami kong tanong; hindi ko alam kung saan magsisimula."

"Saka mo na itanong ang gusto mong itanong. Tingnan mo muna ito." Itinuro ni Ethan ang monitor ng computer ni Inspector Iñigo. Lumapit sa kanila si Yul at sinilip ang pinakikita ng kasamahang imbestigador.

"O, bakit ganiyan? Saan n'yo 'yan nakuha?" Kunot-noong tiningnan ni Yul ang lahat ng larawang nasa monitor. "Namamalik-mata lang ba ako? Parang may nakayakap na itim na kung ano sa kanila. In-edit ba 'yan?"

"Walang gumalaw ng camera ng biktima. Malinis ang desktop ng bata nang tingnan ng mga CIDU," sagot ni Ethan.

"Baka naman may sira ang camera?" tanong ni Yul at kinuha ang digicam na nakapatong sa mesa. Kinuha niya ang memory card sa card reader na nakasaksak sa computer ni Iñigo at ibinalik iyon sa camera ni Voltaire.

"Brad, kailan pa nagkaroon ng napakalinis na error gaya ng gano'n ang kahit anong gadget?" tanong ng kasamahang inspektor.

"Baka may application 'tong camera?" tanong ni Yul. "Puwede yatang i-modify ito." Lumayo siya sa dalawang kasama para kuhaan ang mga ito ng larawan. "Kaso hindi naman bago itong digicam kaya malamang na wala. Matagal na 'tong model, iba pa ang socket e."

"Tigilan mo nga 'yan, baka masira mo pa," paalala sa kanya ni Ethan.

"Titingnan nga kung ano ang problema, e. Malay mo, nagkataon lang ang mga itim sa picture." Isang kuha na solo si Ethan ang kinuha ni Yul at agad na bumalik sa computer.

Ikinonekta niya roon ang digicam upang maipakitang baka nage-error lang ang gadget.

"O, tingnan ninyo. Wala, di ba—" Maging siya ay natigilan nang makita ang malinaw na kuha ng kasamahan ngunit may malabong imahe ng itim na tila anino na nakayakap dito.

Tiningnan nina Yul at Inspector Iñigo si Ethan na pinandidilatan ang monitor.

"Baka may sira nga ang camera." Napalunok agad si Ethan pagkatapos ng sinabi niya.

"Taragis, brad. Pang-horror yung effects a," ani Inspector Iñigo dahil nagsisimula na rin itong kilabutan sa nagaganap.

"Hindi. Baka mali lang ng angle ng shot." Kinuha ni Yul ang digicam at ang memory card at naisipang kumuha ulit ng larawan. "Kung pati si Iñigo, may anino rin sa—"

"Bakit kasama ako?" reklamo agad nito. Halatang natatakot na rin.

"Titingnan nga, brad, kung camera ba ang problema e!" katwiran ni Yul.

"E paano kung may makita ka ngang anino diyan na nakayakap sa akin?"

"Paano malalaman kung mayroon nga kung ayaw mo namang magpakuha ng picture?"

"Kayo na lang! Bakit kailangang isama pa ako? Ikaw na lang kaya ang kuhaan ko ng retrato?"

"Kukuhaan ka lang! Ano ba'ng problema?"

"Tigilan mo na nga 'yan! Putaragis namang—"

Hindi na nakapagreklamo pa si Inspector Iñigo nang kumuha nang panakaw si Yul ng retrato niya. Bumalik na rin ito sa harapan ng computer para makita ang kuha ng kasamahang inspektor.

"Bwisit ka talaga, Yul," mahinang bulong ng inspektor.

Nang lumabas na ang bagong kuha, tinitigan nilang maigi ang buong larawan kung tama ba sila ng nakikita. Napalunok ang tatlo habang pinag-aaralan ang lahat ng anggulo. Nagtitindigan na ang mga balahibo nila dahil sa kilabot.

"Walang anino," mahinang sinabi ni Ethan.

"Pero bakit wala akong . . . bakit wala akong mukha?" puno ng pagtatakang tanong ng inspektor.

"Baka may sira talaga ang camera," kanina pang katwiran ni Yul.

"Brad, ikaw naman ang kukuhaan namin ng retrato," suhestiyon ni Ethan.

Tumango na lang si Yul. "Sige, payag ako." Kinuha na naman niya ang digicam at card at saka pumuwesto para kuhaan siya ni Ethan ng retrato.

"Magse-say cheese pa ba ako?" biro ni Ethan at saka niretratuhan ang kasama.

Mabilis nilang tiningnan ang kuha ni Yul at pare-pareho lang sila ng naging reaksyon.

"Ethan, duling ka ba kumuha?" tanong pa ni Yul. "Pakituro nga kung nasaan ako diyan?"

"Kanina, nandiyan ka pa nang kinuhaan ko!"

"O, e nasaan nga ako diyan e wala namang rumehistro?"

Itinuro ni Ethan ang buong larawan sa monitor. "Ito naman 'yang pwesto mo, di ba?"

"Oo nga! Yung pwesto na-picture-an mo. O, nasaan ako e wala kahit anino ko diyan?" reklamo ni Yul.

"May sira nga talaga 'yang camera."

Napalatak si Yul at naiinis na kinuha ang digicam at card upang kumuha ulit ng panibagong larawan. "Kapag may aninong nakayakap sa ating tatlo, o kapag tayong walang mukha, o kapag wala ni isa sa atin ang rumehistro, malamang na may problema na itong camera o baka may application na ginamit yung batang may-ari nito." Inilapag niya ang camera sa isang file cabinet at nilagyan ng timer.

"Ayoko sa gitna," sabi agad ni Ethan. "Baka mamatay ako."

"Ako sa gilid," saad ni Yul.

"Aba, mga hayop 'tong mga 'to!" reklamo ni Iñigo. "At ngayon n'yo pa naisipang magpapaniwala sa sabi-sabi? Sa gilid ako!"

"Anak ng tinapang—" Bago pa mag-flash ang camera, napunta na sa gitna si Yul. "Letseng mga 'to." Naiirita niyang kinuha ang camera at tiningnan ang retrato nilang tatlo.

Pagbukas ng larawan . . .

"Punyeta!" Kanya-kanya silang takip ng bibig at iwas ang tingin sa retrato nang matitigang maigi.

Lalong luminaw ang aninongnakayakap kay Ethan. Kitang-kita ang itim na brasong nakaakbay sa kanangbalikat at nakayakap sa tiyan niya. Tuluyan nang nawalan ng ulo si InspectorIñigo hindi gaya ng naunang kuha. At higit sa lahat, tatlo na silang rumehistrosa larawan . . . ngunit hindi ang Yul na kasama nila ang nasa imahen kundiisang batang lalaking nakauniporme, maputlang-maputla, at natatakpan ng buhokang parteng mata at nakangisi ng nakakikilabot sa kanila.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top