In Flagrante Delicto
Bata pa lang si Veronica ay kabisado na niya ang buong lugar. Kaya niyang sabihin kung nasaan na sila, gaano kapatag ang lupa, maging ang mga senyales at paalala sa dinaraanang kalsada kahit pa siya'y nakapikit. At kahit pa saan siya tangayin ng may hawak sa kanya ngayo'y alam pa rin niya kung nasaan siya.
Nasa likuran siya ng sasakyan: nakapuwesto sa gitna upang makita siya ng nagmamaneho mula sa mahabang salamin sa itaas nito. Iniisip ni Miguelito na walang dahilan upang takpan pa ang mukha ni Veronica. Walang nakatatakas sa paningin ng dalaga.
Pansin ni Veronica ang pag-iingat ng lalaking tumangay sa kanya. Nakikita niya ang mga buto sa batok nitong tila tinaniman ng malalaking pako, maging ang kamay nitong naninilaw na ang kulay. Hindi siya makapaniwalang nakasalalay ang kanyang buhay sa kamay ng isang buhay na buto't balat.
Walang ideya si Veronica sa kahihinatnan niya sa kamay ni Miguelito. Iniisip niyang baka buhay pa ang kanyang ina na hawak nito sa kasalukuyan. Alam ng lalaking wala siyang magagawa kundi ang sumama. Buhay man o hindi ang kanyang ina; tanggap na niya ang katotohanang si Miguelito na ang maaaring tumapos ng kanyang maliligayang araw sa daigdig. Alam niya dahil tinanggap na niya ang kanyang tadhana.
Sa kanyang pakiwari'y naaayon lamang ang nagaganap. Ang lahat ng iyo'y nakatakda nang mangyari sa kanyang buhay. Nakaupo siya ngayon sa sasakyang iyon kasama ang lalaking may plano na gaya sa kanya'y nagsisimula nang mawalan ng saysay. Dalawang magkaibang landas na iba ang tinatahak. Magkabilang direksyong binabaybay ngunit umabot sa puntong naging isa ang kanilang daan; pinagtagpo ng mapaglarong tadhana; parehong gumuho ang tinatapakang mundo sa nararamdamang pagkawala ng kanilang mahahalagang kaanak.
Pakiramdam niya'y siya na ang kakambal ni Miguelito.
Pakiramdam niya'y papatayin na rin siya ni Miguelito gaya ng ginawa nito sa sariling kapatid—ngunit hindi dahil sa pagmamahal.
Hindi na masukat ni Veronica ang tapang ng halamang-gamot na sapilitang ipinainom sa kanya ng lalaki na sasapat lamang upang pamanhirin ang kanyang buong katawan.
Hindi niya masukat kung gaano nga ba kalaki ang epekto ng pampamanhid upang bawasan ang pagmamahal niya o ng nararamdaman niyang galit sa loob.
Maya't maya'y nagtatanong ang lalaki kung siya ba'y nagugutom, nauuhaw, o nilalamig. Makailang ulit din siyang sumagot ng hindi. Pareho ang kanilang mga matang napapawian na ng nararamdamang takot para sa isa't isa.
Tahimik ang biyahe kahit paminsa'y nagtatanong si Miguelito na tipid namang sinasagot ni Veronica.
"Kung makikita ng mga tao kung gaano kalaki ang bansa natin at kung gaano karami ang naninirahan dito'y makararamdam sila ng kakontetuhan sa buhay," sabi ng lalaki.
"Kuntento ka ba, Miguelito?"
"Tawagin mo akong Simeon."
"Ngunit patay na si Simeon, Miguelito."
Naaninag ni Veronica ang pagtaas ng dulo ng labi ng lalaki.
"Lahat ng nagsisilbi'y marapat lamang na makaramdam ng katiwasayan at pagkakontento. Ngunit lalo kong madarama iyon kung ako'y makatatagpo ng mga tao sa iba't ibang lebel ng buhay at sila'y aking mapaglilingkuran sa abot ng aking makakaya."
Malutong na halakhak ang namutawi kay Veronica. Wari ba'y nakarinig ng malaking kasinungaling pilit tinatawid ang landas ng katotohanan. "Inuumit mo ang buhay ng mga taong ito sa kanilang mga pamilya. Ikaw ang nagbibigay-daan sa kanilang komplikado at napakasaklap na kamatayan. Iyon ba ang paglilingkod na iyong nais sabihin?"
Napuna ni Veronica ang tingin ni Miguelito. Pinilit nitong tingnan siya nang may simpatya, na sa pakiwari niya'y nakuha nito sa kapatid. Malamig ang puso ni Miguelito; bilang isang batang nabuhay nang maraming taon na walang pag-asa, at wala ni isa mang naging sandigan bago pa man ito maialis sa malungkot na lugar na kanyang kinasadlakan. Alam ni Veronica ang mga ganoong tingin. Tingin ng mga taong kinulang na sa tamang pag-iisip. Mga taong walang moral na direksyon sa buhay. Mga taong pinaaandar lamang ng pansariling kagustuhan at hindi na iniisip pa ang kaibahan ng tama sa mali.
"Iniisip mo ba na hindi ko alam ang pakiramdam ng pakikisimpatya?" mapaklang tanong ni Miguelito.
"Kung iyan ba ang tawag sa iyo at iyong gawi."
"Ngunit hindi iyon ang aking gawi. Hindi pakikisimpatya ang tawag doon. Ang pakikisimpatya ay pakikiramay sa paghihirap ng iba. Ang aki'y hindi."
"Ganoon ba?"
"Ang pagdarasal ay epektibo at lahat ay kailangang sumama. Ang gawi ko'y alok ng pag-aalay sa Kanya. Magkaibang bagay iyon."
"Subalit kumikitil ka ng buhay sa kakaibang paraan, Miguelito. Paumanhin sa aking salita, ngunit kahit ano mang sabihin mo sa aki'y mas makabubuting banggitin mo muna iyon sa iyong sarili."
Iniisip ni Veronica na malamang ay lalo pang mapadadali ang kanyang buhay dahil sa kanyang mapangahas na mga salita.
"Magkaiba tayo ng pananaw," sagot ng lalaki. "May sarili tayong paniniwala."
"Diyos ko," bulong ni Veronica. "Habang kausap kita'y hindi ko maramdamang may kapansanan ka sa pag-iisip."
Nilingon ng lalaki si Veronica habang pinatatakbo nito ang sasakyan. "Hindi mo maramdamang may kapansanan ako sa pag-iisip?"
"Tumingin ka sa daan—"
"Bakit hindi mo sabihin sa akin kung ano nga ba ako, Veronica?" Nagsisimula na nitong bilisan ang pagpapatakbo sa sasakyan. "Sa tagal na panahon mo akong inoobserbahan, malamang na iniisip mong nababaliw na ako! Iniisip mong baliw ako! Sino ako, Veronica? Sabihin mo ang pangalan ko!"
"Isa kang mamamatay-tao, Miguelito! Pinatay mo ang kakambal mo! Pumatay ka ng kapatid! Pumatay ka ng ina! Pumatay ka ng asawa—"
Biglaang hininto ng lalaki ang sasakyan sa gilid ng kalsada kaya nawalan ng balanse sa pagkakaupo si Veronica at nauntog sa pinto ng sasakyan. Nakita na lamang niya ang sariling kinakaladkad na palabas ng kotse ni Miguelito. Nakapagtataka kung saan nito nakuha ang lakas upang hilahin siya. Itinulak siya nito sa mabatong gilid ng kalsada na nakapagpahiga sa kanya at agad siyang sinakal.
"Patay na si Miguelito Contreras," saad ng lalaki. "Tapos na ang walang kuwenta niyang buhay." Humalak siya ng plema sa gilid na may kasama nang dugo. "Ngayon, isasama na kita sa mga obra maestra ko."
"Wala akong pakialam sa maaari mong gawin sa akin."
"May pakialam ka pa ba sa iyong ina?"
"Ngunit patay na ang aking ina."
"Kung naniniwala ka ngang siya'y yumao na, bakit mo piniling sumama sa akin?"
"Walanghiya ka, Miguelito."
Lalong umigting ang galit na nadarama ng lalaki at isinubsob sa lupa si Veronica. Nanlilisik ang mga mata nito habang nakatitig sa mga mata niyang nais lumaban ngunit hinahadlangan lamang ng sarili.
"Ano sa iyong paningin ang pananaw ko sa iyong katapangan, Veronica? Kapag ba nakikita ko sa iyong mga gawi ang paulit-ulit na pakikipaglaban sa buhay habang ako'y nanonood lamang sa iyo? Iniisip mo bang handa ka nang mamatay? Ngunit alam mo sa iyong sariling hindi mo kailangang panawan ng buhay. Iyan ang kaibahan mo sa kanila. Ang mga pinaglingkuran ko'y tinanggap ang mensahe ng Diyos upang hingin ko ang kanilang buhay na iaalay sa Kanya. Hinandugan ko sila ng tahimik at mapayapang kamatayan at tinanggap nila iyon bilang basbas mula sa ating Ama."
"Nararapat lamang akong mamatay."
"Ang aking hinuha'y magmamakaawa ka para sa mga salitang iyan, Veronica." Hinatak ni Miguelito paluhod ang babae. "Hindi mo lubusang kilala kung sino ako."
"Kilala ko kung sino ka," nagmamatigas na saad ni Veronica. "Pareho lamang tayo." Masamang tingin ang ipinukol niya sa ginoo. "Isa kang makasariling nilalang na nagkukubli sa mukha ng mapagkunwaring hustisya."
Pinilit na itayo ni Miguelito si Veronica gamit ang maninipis na braso. Nadinig niya ang mga buto nitong tumunog. Ibinalik nito ang babae sa likurang upuan ng lumang sasakyan.
"Lahat ng tao'y may nakatakdang oras upang panawan ng buhay," mariing salita ni Veronica habang sinisilaban sa isipan ang lalaking kumuha sa kanya. "Matagal ko nang tinanggap ang katotohanang iyan pagkatapos akong iwan ng buo kong pamilya—bagay na hindi mo nagawa hanggang sa ngayon."
"Buhay ang iyong ina." Matipid nitong sinabi pagkatapos ng lahat at hindi na inisip pa ang lahat ng narinig kay Veronica.
***
"Aray, put—" Halos masubsob si Inspector Iñigo sa dashboard ng sinasakyang mobil. Sunod-sunod na busina ang umalingawngaw sa paligid.
Tinitigan lang nila nang masama ang asong bigla na lang tumawid sa kalsada at nagmamadaling tumakbo palayo nang muntik na nilang mabangga.
"Punyetang aso." Inis na inis na isinara ng inspektor ang hawak na libro at hinagis na lang sa backseat nang magsawa na siyang basahin.
"O, kumusta ang kuwento?" tanong ni Yul na nagmamaneho.
"Pinatay ng killer ang kakambal niya."
"Akala ko ba, bubuhayin niya kaya nga siya naghahanap ng alay?"
"Iyon nga rin ang iniisip ko. Bakit niya pinatay? Kung bubuhayin niya, sige. Malinaw ang motibo dahil kakambal niya. Pero yung bubuhayin niya pagkatapos niyang patayin? A, parang gago."
"May narinig akong parte sa nabasa mo na patay na si Simeon? Ano'ng ibig sabihin n'on?"
"Ang pangalan ng killer ay Simeon sa simula. Pero sa ibang libro, nabanggit na pangalan iyon ng kakambal niya. Miguelito talaga ang real identity niya pero ayaw niyang makilala siya ng mga tao bilang Miguelito."
Saglit na huminto ang sasakyan nang pumula ang ilaw sa stoplight ng kalsadang dinaraanan.
Saglit na natahimik ang dalawa. Bigla na lang pumasok sa isipan nila si Ethan na si Nathan pala at sa paggamit nito ng pangalan ng kakambal nito.
"Brad, kaunting-kaunti na lang, iisipin ko nang may kinalaman si Ethan sa kasong 'to."
Napailing na lang si Yul at hindi na nagkomento pa. Pero hindi niya maiwasang isipin na napakaraming dahilan at lead ang kaso na may kinalaman kay Ethan. Hindi lang niya ito magawang pagbintangan dahil tama ito: nasa CIDG ang kasamahan nang mangyari ang krimen at may pagkaimposible ang kasong hawak nila para gawin lang ng iisang tao sa iisang gabi na may magkakaparehong oras.
Ilang minuto lang ay nakarating na rin sila tapat ng gate ng National Center for Mental Health na nasa itaas ng tulay ng Camarin, malapit sa Barugo Police Station.
Tiningnan ni Yul ang araw na papalubog na mula sa malawak na tuktok ng pababang kalsada.
"Ang sabi ng nakausap ko sa printing press, may kamag-anak daw si Harmonica diyan," sabi ni Inspector Iñigo nang ituro ng nguso ang gate.
"Natawagan mo ba bago tayo pumunta rito?"
Tumango naman agad si Yul. "Nagpa-schedule ako ng dalaw. Wala naman daw kaso kung para sa imbestigasyon."
"Good."
"Tara na at nang makauwi nang maaga."
Bumaba na agad sila sa sasakyan at sinalubong ang guwardiyang naroon. Ipinaalam nila ang dahilan ng pagdalaw at napayagan naman sila matapos makausap ang bantay na nagsabing maaari silang dumalaw kahit pa alanganin ang oras.
Tahimik ang paligid, bahagya nang nilalamon ng dilim ang bahaging mapuno sa bandang ibaba ng malawak na institusyon. Hindi masasabing lugar iyon ng mga may kapansanan. Mapayapa at nakakakita pa sila ng ibang namamasyal sa palibot ng tatlong malalawak na gusaling pininturahan ng puti. Akay-akay ang mga ito ng ilang nurse pabalik sa loob.
Pagpasok sa unang building ay bumungad sa kanila ang reception na may tatlong babaeng nurse na nakabantay. Si Yul na ang lumapit doon upang magtanong.
"Magandang gabi ho," bati ng imbestigador. "Ako ho si Ulysses, 'yong tumawag kanina kay Doctor Santiago."
"Yes, sir, good evening po! Saglit lang po, tatawagin ko si Doc sa opisina niya." Matamis ang ngiti ng nurse nang lisanin ang station nito at umakyat sa katabing hagdan ng mesa.
Iginala na agad ng dalawa ang paningin. Mapusyaw na asul ang pintura sa loob. Makukulay ang damit ng mga pasyenteng nakatambay sa lobby at nanonood ng cartoon na may sumasayaw at kumakanta.
Hindi mababakas sa mga pasyenteng naroon ang problema. Nakangingiti ang mga ito at nagtatawanan. May ilang sumasayaw rin at kumakanta. May pumapalakpak at umuugoy sa saliw ng musika.
"Good evening, officers."
Magkasabay na napalingon sa direksiyon ng hagdan sina Yul at Inspector Iñigo. Papalapit sa kanila ang may-edad na lalaking doktor na nakasuot ng puting coat. Makapal ang suot nitong salamin at maayos ang pagkakasuklay sa magkahalong kulay pilak at itim na buhok.
"Magandang gabi ho. Ako ho si Yul. Ito ho si Inspector Iñigo," pakilala niya sa kanilang dalawa ng kasama.
"Katatapos lang ng hapunan niya. Naroon siya sa kuwarto, puwede ninyong madalaw ngayon," sabi agad ng doktor at itinuro ang kanang pasilyo para doon sila pumunta.
Malutong ang tunog ng suwelas ng kani-kanilang mga sapatos sa makintab na tiles. Mararamdamang ligtas naman doon at walang dapat ipangamba.
"Lagi niyang binabanggit ang tungkol sa mga libro ni Harmonica," kuwento sa kanila ng doktor habang nilalakad nila ang panibagong pasilyo patungo sa isang silid kung saan maaari nilang makausap ang pasyente. "Siya raw ang isa sa mga unang nakabasa n'on at naabutan pa niya kung paano ginawa ang huling libro na gusto niya sanang matapos basahin bago siya mamatay."
Nagkatinginan ang dalawang imbestigador sa sinabi ng doktor.
Mayroon ngang huling libro, hindi lang pito.
"Hindi naman siya nananakit. Huwag lang sana kayong gumawa ng ikaaalarma niya."
Huminto sila sa tapat ng isang puting pinto. Binuksan na iyon ng doktor at pinapasok na ang dalawa.
Tahimik sa loob. Simpleng kuwarto, malinis ngunit hindi rin naman makulay gaya sa labas. Walang kahit anong makikita sa loob maliban sa isang upuan, isang single bed, at isang maliit na mesa.
Nakita nila ang isang ginoong higit saisenta anyos na ang edad at nakaupo lang sa upuan sa harap ng bintana. Malayo ang pagtanaw nito sa langit na unti-unti nang nilulubugan ng araw. Pansin nilang hindi ito payat ngunit hindi rin mataba. Paubos na ang buhok sa ulo at nakasuot lang ng asul na T-shirt at pajama.
"Excuse ho, ser," pagtawag ni Yul. "Maaari ho ba kayong makausap?"
"Malapit na niyang matapos ang huli niyang katha," sabi nito na hindi man lang nagawang tingnan ang dalawa sa likuran niya.
Nagkatinginan na naman ang dalawang imbestigador. Sabay na kumunot ang mga noo bago ibinalik ang tingin sa matanda.
"Nagpakita na ang kokompleto ng sumpa."
"Ser, ako ho si Ulysses Riverante. Maaari ho ba naming kayong—"
"Apatnapung taon ang hinintay niya upang matapos ang mga alay sa kanilang mga nakatakdang misyon."
"Ser, mga imbestigador ho kami." Si Inspector Iñigo na ang nagsalita. "Gusto ho naming malaman kung kaano-ano ninyo si Harmonica?"
"Harmonica. Hindi patay si Harmonica. Hindi lang niya natapos ang kanyang mga likha sa nakatakdang panahon bago siya pansamantalang lumisan . . ."
Napahilamos dahil sa inis si Inspector Iñigo dahil hindi siya nasagot ng pasyente. Gusto na nilang makakuha ng matinong lead sa kaso. Paulit-ulit nang tumatawag ang pamilya ng mga binatilyo sa kanila at hindi na nila alam ang ikakatwiran sa mga ito.
Lumapit na si Yul sa ginoo at tiningnan ang mukha nitong kulubot na dala ng katandaan. Kumikinang sa liwanag ang kulay abong mga mata nitong nasisinagan ng papalubog na araw.
"Ser, kilala ho ba ninyo si Harmonica?"
Unti-unting tiningnan ng matanda si Yul. "Malapit mo nang matapos ang ikawalong aklat, Harmonica. Nakita mo na ang batang huling iaalay sa Kanya?"
Kumunot naman ang noo ni Yul sa sinabi ng matanda sa kanya. Napatingin pa siya sa kaliwang brasong bigla nitong tinapik-tapik. "Natutuwa ako para sa iyo, Harmonica."
"Ser, ako ho si Yul. Imbestigador ho ako. Narito ho kami para malaman kung kaano-ano ninyo si Harmonica."
"Para sa isang sampung taong gulang na batang lalaki . . . napakagaling mong gumawa ng aklat. Ako'y naninibugho sa iyo."
Tiningnan ni Yul ang kasamang inspektor. Himas-himas nito ang noo at kitang-kita ang pagkadismaya sa naririnig sa pakay nila.
"Kapag nalaman ng iyong kapatid na nabuhay kang muli, malamang na siya'y magagalak."
Humugot ng malalim na hininga si Yul at lumuhod sa harapan ng matanda. Maikli ang pasensya ng inspektor sa mga ganoong kausap kung kaya't gusto na lang niyang siya ang makipag-usap sa matanda bago pa magkasigawan doon. "Ser, natatandaan ho ba ninyo ang itsura ni Harmonica?"
"Kailan mo huling nakita ang iyong sarili sa salamin, kaibigan?"
Napalunok si Yul at sinulyapan sandali si Inspector Iñigo na nakatuon na ang atensyon sa iba at hindi na sa pasyente. Kausap na nito ang doktor na naghatid sa kanila roon.
"Buhay ba talaga si Harmonica?" matigas na tanong ni Yul na nais talagang makakuha ng deretsong sagot.
Tumawa nang mahina ang matanda. "Kailan ka ba pumanaw?" Tinapik nito ang balikat ni Yul. "Malilinlang mo ang lahat ng tao sa iyong paligid, ngunit hindi ako, Miguelito. Maikukubli mo ang iyong pagkatao sa imahen ng pangalang Harmonica ngunit hindi mababago ang katotohanang ikaw pa rin siya."
Dinamba ng kung anong malakas na puwersa ang dibdib ni Yul na nagdulot ng matinding kaba sa kanya. Agad siyang tumayo at tiningnan nang masama ang matanda.
"Hindi Miguelito ang pangalan ko, ser. Ako ho si Ulysses."
"Maging ano pa man ang gamitin mong pangalan, ikaw pa rin iyan. Nakita mo na ang may hawak ng ikawalong katha, maaari mo na siyang ialay sa Kanya." Ibinalik nito ang tingin sa bintana. "Nakuha mo ang katawan ng batang iyan bilang alay ng ikaanim na itinakda. Kung hindi mo pa rin magagawa ang iyong misyon ngayon, malamang na mawalan na ng saysay ang lahat ng iyong pinaghirapan."
Hindi na nagugustuhan ni Yul ang naririnig. Inilipat na lang niya ang atensiyon sa kasamahan. "Iñigo, mukhang wala tayong mapapala rito."
"Mukha nga," sagot naman nito habang umiiling.
Dismayado si Yul, higit na si Inspector Iñigo. Sa layo ng ibiniyahe nila, wala man lang silang napala sa isang matandang wala sa tamang pag-iisip.
Ngunit bago pa man sila tuluyang makalabas ng silid ay nagpahabol pa ng salita ang ginoo.
"Ang sinabi mo ukol sa pagmamalaki ay tunay. Ngunit, ayon sa Bibliya, ang pagmamalaki ay pagiging arogante; at hindi iyon isang bagay na nakatataas ng dignidad. Ngunit ako'y nagmamalaki. May karapatan ako upang magmalaki sa lahat. May hustisya ang pagiging palalo ko."
Nilingon ni Inspector Iñigo ang matanda. Si Yul naman ay dumeretso lang papalabas.
"Ganoon din ba ang sa iyo?" pagsasabay ng inspektor at ng matanda.
"Ang oras ay napakahalaga. Ibibigay ko sa iyo ang kutsilyong ito, Veronica," sabi ng pasyente.
"Hindi ko papatayin ang sarili ko para sa iyo," sagot naman ni Inspector Iñigo. Napahinto tuloy si Yul at pinanood ang dalawang nagpapalitan ng linya.
"Ngunit ginawa iyon ni Kristo para sa akin—" saad ng matanda.
"Iba ang aklat na iyong binasa kumpara sa aming lahat."
"—at gabi bago iyon, naghirap siya sa hardin ng Gethsemane. Gaya ng nasasaad, pinahirapan siya. Nakaluhod siya sa hardin at ang nagpapahirap lamang sa kanya ay ang dahilang alam niya ang kanyang paghihirap."
Binulong na ni Inspector Iñigo ang huling parte ng linya ng sinasabi ng pasyente. "Ang kanyang mensahero ay nakadikit sa iyo. Ikaw ang nakatakda."
"Brad," tawag ni Yul.
Nagtatakang tiningnan ni Inspector Iñigo ang kasamahan. "Brad, kabisado niya yung linya ng killer sa libro ni Harmonica."
"At mukhang kabisado mo rin."
"E, yung sinabi niyang yung nasa librong binabasa ko roon sa kotse kanina. Bandang dulo na."
"At?"
Dali-daling lumapit si Inspector Iñigo sa matanda. "Ser, matanong ko lang ho. Iyon ho bang pangwalong libro, sasabihin kung mabubuhay ba yung kakambal ni Miguelito?"
"Ang kapatid niya ang unang alay. Ang nais lamang niya ay mabuhay nang walang hanggan."
"Inalay niya ang kapatid niya?" nagtatakang tanong ng inspektor. "Ser, may kakilala ho akong binasa ng kapatid niya ang Ave Santa Muerte. Namatay ho ang nagbasa na 'yon. May kakambal ho siya."
"Ang ikaanim na itinakda at ang kanyang alay."
Bumulong ang inspektor. "Ikaanim at alay? Sandali." Saglit niyang nilingon si Yul at lalong lumapit sa matanda para magsalita nang mahina. "Ser, ito hong kasama ko, ang tatay ho niya, dating pulis. Nakompleto n'on ang pagbabasa sa walong libro ni Harmonica."
"Ang ikalimang itinakda at ang kanyang alay."
"Ikalima?" Nagsusunod-sunod ang bilang sa lumalabas sa bibig ng matanda. Nakakakita na ng kaunti ngunit malinaw na koneksyon si Inspector Iñigo sa kaso nila na may kaugnayan nga sa mga librong nabasa niya. "May pito hong bata ang nakakuha ng libro ni Harmonica. Anim na bata ho ang namatay nito lang nakaraang buwan at nawawala ang isa hanggang ngayon."
"Ang ikapitong itinakda at ang kanyang alay."
Lalong nagtaka ang inspektor. "Paano hong ikapitong itinakda at ang kanyang alay? Ano hong itinakda at alay na 'yan? Paano ninyong binibilang?"
"Sikat siyang manunulat atminsan nang hinangaan ang kanyang mga gawa. Pitong istorya ang kanyang nilikhaat ang ikawalo ang nagtataglay ng kanyang sumpa. Basahin ang naunang pito,matatagpuan ang ikawalo. Bumilang ng tatlo, makikita mo ang salamin ng iyongpagkatao. Pasusunurin ka sa lahat ng kanyang gusto at iaalay sa kanya angkaluluwa mo. Lahat ng bagay ay may kapalit at ikinukubli ng kanyang mga likhaang sumpang puno ng pasakit. Pitong tao ang kailangang bumasa ng pito niyang akdaat isang tao lamang ang makakakita ng ikawalong katha. Wala pang nakasisira kayHarmonica at sa kanyang sumpa. Malaking kaguluhan ang mangyayari sa pagbali samatagal nang itinakda."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top