HULING KABANATA NG IKAWALONG KATHA


Amoy ang dugo sa ina ni Veronica. Matapos mawala ang lahat sa kanya'y naging malinaw na sa kanyang buong pagkatao ang lahat--lahat ng bagay na mahahalaga sa kanya, pagkatapos ng nakalulunod na kalungkutan, hinanakit, matapos ang lahat ng sakit at paghihirap--nais pa niyang mabuhay. Mahigpit niyang hinawakan ang braso ng inang nakagapos at wala pa ring malay.

Tumayo na si Veronica at hinarap ang taong papatay sa kanya.

"Sige," anang babae, "pumapayag na ako sa plano mo."

Kinapa ni Miguelito ang kanyang bulsa at nakuha ang isang punglo. Agad niya iyong ikinarga sa baril hawak na baril. "Plano ko? Wala akong plano. At ang pakikipagkasundo mo sa akin ay walang halaga."

"Mali. Hindi ito gaya ng pakikipagkasundo mo sa mga biktima mo. Sinamantala mo ang desperasyon nila gaya ng pananamantala mo sa akin."

Naririnig ni Veronica ang panginginig ng kanyang dibdib. Pagod, gutom, sakit: nalalapit na ang kamatayan sa kanya gaya ng paglapit nito kay Miguelito, tila ba anino ng madidilim na ulap na tatakip sa malawak na kaparangan.

"Nilabag mo ang unang utos ng Panginoon, Miguelito," ani Veronica. "Tingin mo ba'y hahayaan ka niyang makalapit sa Kanya gamit ang mga dugo at buhay na sapilitan mong inumit sa iba?"

"Hindi lahat ng yumao ay tuluyang ngang namatay."

"Nakita ng kasamahan ko ang katawan ng kapatid mo sa isang kubong minsan mong tinuluyan, naaagnas na ang bangkay niya't puno na ng dumi, inabandona at wala man lang nag-abalang bigyan ng maayos na libing. Gaano ka ba tumanaw ng utang na loob sa taong nag-ahon sa iyo sa Impyernong pinanggalingan mo? Ganoon mo ba ipakita ang iyong pagmamahal?"

"Hindi na mahalaga kung paano ko ipakikita ang aking pagmamahal, gaya ng kung paano Niya ipakita ang kanya sa sanlibutan. Ikaw, Veronica, paano mo ipakikita ang pagmamahal mo?"

"Ngayon pa lang sasabihin ko na: Hindi ko ibibigay nang kusa ang sarili ko sa iyo!"

"Ikaw na ang may sabi. Kailangan mo na ngang mamatay."

"Kung ibibigay ko ang sarili ko sa iyo at maibabalik mo ang iyong kapatid kung saan siya yumao, ano sa tingin mo ang sasabihin niya sa iyo? Ano sa tingin mo ang iisipin niya sa lahat ng karumal-dumal na ginawa mo? Tingin mo ba'y hihilingin niyang pumatay ka ng napakaraming buhay para lamang sa pansarili mong kagustuhan?"

"Sa bawat segundong pagsasalita mo'y nalalapit na ang kamatayan ng iyong ina, Veronica. Sabihin mo sa aking gusto mo pa siyang mabuhay."

"Itutok mo sa akin ang baril mo, Miguelito."

Itinaas ni Miguelito ang baril na pinakatitigan naman ni Veronica.

"Pero bago iyon, ipakita mo muna sa akin kung gaano kalaki ang kagustuhan mong makuha ang huling pantig na magmumula sa mga labi ko. Sa oras na sabihin ko ang huling tunog na bubuo sa dasal mo'y magigising na ang kabaliwan at kasinungalingan mo, hindi ba?"

Pinanood lang si Veronica ng lalaki. Sa matagal na panahon ng pag-iimbestiga niya sa kaso ng pagkamatay ng pitong biktimang may kakaibang kaso--ngayon ay alam na niya, nakikita na niya, nararamdaman na niya ang pakiramdam ng desperasyon sa isang kasinungalingang hinding-hindi naman talaga magaganap.

Ang pagpipilit na makuha ang isang bagay na hindi naman talaga maaari kahit na napakalaki pa ng ialay na kapalit.

Sino nga ba ang hindi mauunawaan iyon? Lalo pa't ang pag-iisa'y nakakawala nga naman sa kadiliman.

"Nais mo bang sabihin ko ang kasinungalingan mo, Miguelito?" ani Veronica. "Kabisado ko ang lahat."

"Kung ikagagaan ng loob mo."

"I. . .Mor. . .Ta. . .Lis. . .Har. . .Mo. . .Ni--"

"Huwag mong--"

"Pareho nang nawala sa atin ang mga mahal natin sa buhay."

"Subalit buhay ang iyong ina!"

"Wala na ang aking pamilya. Wala na rin ang iyong kapatid. Wala na si Simeon."

"Nakatayo si Simeon sa harapan mo."

"Hindi. Ang nasa harapan ko ngayon ay ang kapatid niyang matagal nang nilamon na ng kalungkutan at pag-iisa. Nasa harap ko ngayon ang batang palaging nililigtas ni Simeon noon sa lahat ng pasakit sa buhay. Ngayon mo sabihin sa akin: Sino ang magliligtas ngayon kay Miguelito?"

Nakita ni Veronica ang panginginig ng katawan ni Miguelito. Ilang segundo pa'y kumalma na ito. Hanggang sa mawala.

Pananatili at katahimikan.

Matagal nang nakabaon sa kanilang libingan ang mga humihingang patay--at nakita ni Veronica ang katotohanang alam na ni Miguelito ang bagay na iyon.

Napapikit si Veronica at binanggit ang huling pantig.

"--CA."

Ibinukas ni Miguelito ang kanyang bibig na tila ba aawitin ang dasal na matagal na niyang pinaghandaan.

Sa muling pagdilat ni Veronica ay nasilayan niya ang ginawang pagtutok ni Miguelito ng baril sa bibig nito.

At binalot ang silid na iyon ng malakas na ingay ng putok ng baril.

_______________

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top