Epilogo


Epilogo



Isang magandang araw at sumasalubong sa lahat ang maaliwalas na paligid. Dinig na dinig ang ingay at tawanan ng mga dalagita sa aklatan ng San Martin de Dios Avila. Tangan ng mga ito ang mga librong hihiramin nila mula sa aklatan.

"Sir, ito po ang hihiramin namin," masayang sabi ng mga dalagita at sabay-sabay na inilapag sa front desk ang mga dalang aklat na may kakaibang pabalat.

"Pakipirmahan na lang ang log book. Title, author saka date and time kung kailan ninyo hiniram," aniya sa mga bisita ng aklatan.

"Okay po!"

"O, bes, una ka na."

"Sandali, anong title ng akin?"

"In Flagrante Delicto, sulat mo."

Pinanood lang niya ang lahat at nagbigay ng salita. "Aklat ng misteryo ang mga napili ninyo. Sigurado ba kayong babasahin ninyo iyan?"

Nagkatinginan ang magbabarkada.

"Whoah," sabay-sabay na nasabi ng mga ito.

"Tuloy po, Sir--" Tiningnan ng isa ang nameplate niya sa unipormeng pula. "Iñigo." Isang ngiti ang ibinalik nito sa kanya.

"Maganda po ba ang mga librong 'to? Bago lang po 'ata."

"Ngayon lang po kasi namin nakita."

"Maganda ang mga aklat ni Harmonica," aniya sa mga dalagita.

"Nabasa n'yo na po?"

Tumango na lamang siya bilang tugon.

"Lahat?"

"Lahat," aniya.

"Kailan po pwedeng isauli?"

Ngumiti na lamang siya sa mga dalagita.

"Huwag kayong mag-alala, kusa naman silang babalik sa aklatang ito kahit hindi ninyo personal na ibalik."

"Sir Iñigo, pwede pong magtanong?"

"Sige, ano iyon?"

Itinuro ng isa sa mga dalagita ang huling pangalan bago sila pumirma. "2015 pa po itong huling log. Ten years na po ang nakakalipas, ah. Ngayon na lang po ba ulit may pumunta dito sa library ninyo?"

Kinuha na lang niya ang log book at binasa ang mga pangalan ng mga dalagita. Nginitian niya ang mga ito at itinuro ang pinto palabas ng aklatan.

"Ngayon na lang ulit may maglalabas ng aklat mula rito. Maganda ang mga kuwento ni Harmonica, sana magustuhan ninyo. Magandang araw."

"Salamat din po!" sabay-sabay na sinabi ng mga dalagita. "Isasauli din po namin ito agad!"

"Kung maisasauli pa ninyo."

Pinanood na lang niya ang mga dalagitang ilabas ng aklatan ang walong aklat ni Harmonica.

Paglabas ng mga ito'y nagbalik ang lahat sa magulong ayos. Napatingin siya sa gilid at nakita ang dating librarian doon na nagngangalang Barbara.

"Hindi mo dapat binasa ang mga gawa niya," anito sa kanya. "Pinagsisisihan mo bang nakulong ang kaluluwa mo sa aklatang ito, Inspector Iñigo?"

Siguro nga'y tama ang sumpa ng mga aklat.

"Hindi pa rin ako makapaniwalang ikaw ang unang alay ng aklat niya,"  tanging nabanggit ni Inspector Iñigo na naging bantay na lamang ng aklatan pagkalipas ng mga naganap, sampung taon na ang nakalilipas.

At wala na siyang ibang magagawa kundi sundin ang nakatakdang maganap sa loob ng mga katha ni Harmonica. Kahit na ang kalabasan noo'y walang hanggang buhay para sa mga biktima ng nasabing mga istorya.



10:25 AM 6/29/2017

______________________________

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top