Ang Ikawalong Katha ni Harmonica
Ang Ikawalong Katha ni Harmonica
Nakaupo si Voltaire Almediere sa isang kahoy na upuan sa paanan ni Ethan na kasalukuyang nakagapos sa isang tabla. Duguan ang binatilyo, maraming laslas ang braso ng mga makalumang simbolo.
"Ulysses," tawag ni Inspector Iñigo sa kasamahang kasalukuyang nakatayo sa harap ng mga aklat ni Harmonica. Kinuha na niya ang dalang baril at itinutok kay Yul.
"A-ang libro... I-Iñigo--"
"Libero eos. . ."
Lumabas ang napakaraming dugo sa mga simbolo sa katawan ni Voltaire habang binabanggit ni Yul ang mga salitang Latin.
"Ethan, ano bang nangyayari?!" Napupuno na ng takot at pagkalito si Iñigo. "Buwisit!" Naghanap ng pinakamalapit na labasan si Inspector Iñigo kung sakaling ililigtas niya at maitatakbo ang binatilyo at si Ethan. Una niyang napansin ang babasaging bintana sa kanan. Maaari niya iyong basagin kung patatamaan ng bala. Natigilan lang siya nang makita si Yul na iba ang imahe sa salaaming bintana.
"De vinculis. . ."
Dahan-dahan niyang inililipat ang tingin kay Yul na patuloy lang sa pagbanggit ng hindi niya maunawang mga salita.
"I-Iñigo--"
Napailing na lang si Inspector Iñigo at itinututok muli ang baril kay Yul. "Bahala na!" sigaw niya at nagpapaputok ng baril para puntiryahin si Yul.
"Mortis."
Isang nakabibinging tunog ang nakapagpangilo kay Inspector Iñigo at dahilan ng kanyang mariing pagpikit.
"Tama na!" sigaw ng inspektor habang tinatakpan ang tainga niya dahil sa malakas na ingay na bumabaon sa kanyang utak.
Nakabubulag na liwanag ang bumalot sa loob ng abandonadong silid-aklatan at ilang sandali pa'y naging tahimik na muli ang paligid.
.
.
.
.
.
"Malapit ko na siyang matapos," boses ng isang bata ang narinig ni Inspector Iñigo. Dumilat ang kanyang paningin at nakita ang isang batang lalaking nakaupo sa isang mesang kainan habang nagsusulat. Hawak nito ang isang makalumang panulat at kuwadernong may kalakihan.
Naka-unipormeng marumi ang batang lalaki, bahagyang magulo ang buhok na itim at kapansin-pansin ang pasa sa kanang pisngi nito at namamaga ang kanang matang nagdudugo ang puting bahagi. Mukha itong nabugbog nang malubha at putok pa ang labi.
"Ang utos ni Ama'y huwag mo nang ipagpatuloy ang iyong mga sulatin. Tinawag ka niyang demonyo kanina. Alam mo pa ba ang ginagawa mo, Miguelito?"
Napalingon ang inspektor at nakita ang batang kahawig na kahawig ng batang nagsusulat. Ang kaibahan ay wala ito ni isang galos at napakaayos ng postura.
Inusisa ni Inspector Iñigo ang paligid at napansing nasa isang lumang bahay sila. Maging ang ayos at kasuotan ng batang nakapostura.
"Subalit, Kuya—"
"Hindi nagugustuhan ni Ama ang iyong ginagawa, Miguelito."
Napatungo ang batang manunulat. Napakunot ang noo ng inspektor nang biglaan itong ngumisi.
"I-ikaw. . ." bulong ng inspektor. Kilala niya ang ngising iyon.
Gaya ng ngisi sa larawang kinuhaan sa camera ni Voltaire Almediere.
"Malapit nang matapos ang aklat ni Harmonica, Kuya. Tatapusin ko ang ikawalo niyang katha."
"Iñigo."
Lumingon muli ang inspektor at nagbagong muli ang kanyang paligid. Nagbabalik ang madilim na silid-aklatan na biglang magbabago sa ibang lugar, babalik sa aklatan at magbabagong muli.
"Ethan!" sigaw ng inspektor.
Nagbagong muli ang paligid at napunta ang inspektor sa madilim na silid. May imahe ng tao sa pintuan. Hindi gaanong maliwanag, walang ibang nakikita si Inspector Iñigo kundi ang tulis ng kutsilyong kumikinang dahil sa pagtama ng ilaw.
"T-tulong. . ."
Nanlaki ang mga mata ni Inspector Iñigo nang makita si Voltaire Almediere na nakaupo sa isang upuang kahoy. Nababalutan ito ng dugo at ilang pag-ungol ang tanging maririnig sa binatilyo.
"Tumayo ka riyan," anang boses ng nasa pintuan.
"Mamatay ka na, kung sino ka man," matigas na sinabi ng inspektor.
"Kung nais mo pa siyang makitang buhay, susundin mo ang lahat ng aking sasabihin."
"Sino ka ba para sundin kita? Magpakita ka!"
Pumasok ang tao sa pintuan at maririnig ang pagkaskas ng posporo na agad na nagbigay-tanglaw sa buong kwarto bago pa man ito ilagay sa isang lumang lampara.
Sa likod ng hawak na liwanag ay makikita ang kanyang mukhang duguan ang sentido at may kaunting sugat sa ilong ngunit hindi mababakas sa kanyang mukha ang kahit anong sakit. Tila ba siya'y hindi nilalang ng mundong iyon, kalmado sa kabila ng lahat ng nagaganap. Makikita sa dingding ng silid ang mga larawan ng lahat ng mga naging biktima. Mga larawang walang makapagsabi kung sino ang kumuha. Mga taong nagsisilbing patunay ng totoo ang sumpa.
"Dinala kita rito upang handugan ka ng isang magandang alok. Siya ay hindi pa patay."
Napuno ng pagkagulat si Inspector Iñigo sa nakita. "Ethan?"
"Nananaginip lamang siya," saad ni Ethan na parang hindi ito ang kilalang Ethan ng inspektor. "Isang gamot para sa sakit ng katawan na sasapat upang siya'y patulugin."
"Drinoga mo siya?!" Napatayo si Inspector Iñigo at akmang susugurin si Ethan. "Walang hiya ka--!" Natigilan lamang siya nang mapansing parang may natatandaan siyang ganoong eksena noon.
"Nasa pagitan siya ng buhay at kamatayan. Isang maliit na piraso ng halamang-ugat upang pababain ang kanyang dugo at gamot para sa sakit ng katawan. Ngunit napakadelikadong kombinasyon. Maaaring huminto ang kanyang puso. Ilang patak lang ng mantika ng thyme at mabubuhay pa siya."
"Sandali. . .Iyang mga sinabi mo. Kapareha ng sa libro. Ito ang kuwento. Ito ang nasa huling bahagi ng ikawalong katha ni Harmonica."
Nanatiling walang imik si Ethan habang pinanonood ang inspektor. Maaaninag sa likod ng lampara ang maputla niyang mukha na nagliliwanag gaya ng isang gintong barya. Hawak pa rin niya ang patalim ngunit nakatutok lamang ito sa sahig.
"Ang sinabi mo ukol sa pagmamalaki ay totoo. Ngunit, ayon sa Bibliya, ang pagmamalaki ay pagiging arogante; at hindi iyon isang bagay na nakatataas ng dignidad. Ngunit ako'y nagmamalaki. May karapatan ako upang magmalaki sa lahat. May hustisya ang pagiging arogante ko." Inilapit niya nang bahagya kay Inspector Iñigo ang liwanag. "Ganoon din ba ang sa iyo?" Lumapit siya sa inspektor at makikita aang kasamaan sa likod ng kanyang napakaamong mukha. "Ang oras ay napakahalaga. Ibibigay ko sa iyo ang kutsilyong ito." Tumayo siya sa harapan ng inspektor, nakatutok ang puluhan dito.
"Huh!" Agad na umiling ang inspektor. "Hindi ko papatayin ang sarili ko para sa iyo!"
"Ngunit ginawa iyon ni Kristo para sa akin."
"Iba ang librong binasa mo kumpara sa aming lahat! Wala iyon sa Bibliya!"
Nakita na lang ni Inspector ang sariling nasa katayuan ng imbestigador na si Veronica, si Ethan sa katayuan ni Miguelito. . .at si Yul.
Nakikita niya ang sariling sinasabi ang mga litanya at maramdamang nasa loob na ng ikawalong katha ni Harmonica.
"At gabi bago iyon, naghirap siya sa hardin ng Gethsemane. Gaya ng nasasaad, pinahirapan siya. Nakaluhod siya sa hardin at ang nagpapahirap lamang sa kanya ay ang dahilang alam niya ang kanyang paghihirap." Itinutok niya ang tulis ng patalim sa labi ng inspektor. "Ang kanyang mensahero ay nakadikit sa iyo. Ikaw ang nakatakda."
"Hindi ako ang mensahero—ang mensahero."
Muli, nagbalik kay Inspector Iñigo ang huling mga salitang nasa likuran ng ikawalong aklat.
"Ikaw ang bato.
Hahagupitin ka ng kanyang mensahero.
Ilalabas ng bato ang banal na langis upang siya'y basbasan."
"A-ako ang mensahero? Ikaw si Miguelito. . . Ethan, ikaw si Miguelito?!"
"Tawagin mo pa uli akong Miguelito at isasara ko iyang bibig mo gamit ang alambre. Ano ang pangalan ko?" Inalis niya ang patalim kay Inspector Iñigo. "Alam mong may mas maganda pang gamitin para patayin ka liban sa kutsilyong ito, hindi ba? Iyon ay kung gusto mong mamatay na isang duwag."
Inilabas ni Ethan ang isang baril mula sa baywang ng pantalon nito.
Sa gitna ng pagkalito at pag-aagam-agam, unti-unti nang napagdidikit-dikit ni Inspector Iñigo ang lahat ng kaganapan.
Ang mga alay.
Ang mga itinakdang maghahandog ng alay.
Si Ethan at ang kakambal nito.
Si Yul at ang ama nito.
Ngayon, unti-unti, nagiging maliwanag na sa kanya ang lahat.
Nagaganap sa kanila kung ano ang nagaganap sa mga aklat ni Harmonica.
Tumayo na si Inspector Iñigo at hinarap ang taong papatay sa kanya.
"Sige," anang inspektor, "pumapayag na ako sa plano mo."
Kinapa ni Ethan ang kanyang bulsa at nakuha ang isang punglo. Agad niya iyong ikinarga sa baril hawak na baril. "Plano ko? Wala akong plano. At ang pakikipagkasundo mo sa akin ay walang halaga."
"Mali. Hindi ito gaya ng pakikipagkasundo mo sa mga biktima mo. Hindi ito gaya ng magaganap sa libro mo. Sinamantala mo ang desperasyon ng mga tauhan sa istorya gaya ng pananamantala mo sa mga patuloy pa ring nagbabasa ng mga libro."
Naririnig ni Inspector Iñigo ang panginginig ng kanyang dibdib. Gaya ng nabasa niya sa ikawalong katha. Gaya ng nararamdaman ni Veronica.
"Nilabag mo ang unang utos ng Panginoon, Miguelito," anang inspektor. "Sumamba ka sa ibang Diyos, gaya ng pagkakaintindi ni Veronica. Hindi ko alam kung paano ka pumatay, o kung pumatay ka nga ba. Pero alam ko, sa dulo ng lahat ng ito, matatapos at matatapos pa rin lahat ng kahibangan mo."
"Hindi lahat ng yumao ay tuluyang ngang namatay."
"Ethan, alam kong nandyan ka. Kung ano man ang nangyari sa kapatid mo, kung paano man siya namatay, kung may kinalaman man ang mga libro--" Napailing ang inspektor, hindi rin niya alam kung anong ipaliliwanag niya. "Magkaiba kayo ni Miguelito! Alam kong hindi mo magagawang pumatay! Naniniwala na akong hindi ikaw ang pumatay sa mga batang iyon!"
"Ikaw, paano mo ipakikita ang pagmamahal mo?"
"Ngayon pa lang sasabihin ko na: Hindi ko ibibigay nang kusa ang sarili ko sa iyo!"
"Ikaw na ang may sabi. Kailangan mo na ngang mamatay."
"Kung ibibigay ko ang sarili ko sa iyo at maibabalik mo ang iyong kapatid kung saan siya yumao, ano sa tingin mo ang sasabihin niya sa iyo?" tanong ni Inspector Iñigo, gaya ng tanong ni Veronica sa kuwento. "Ano sa tingin mo ang iisipin niya sa lahat ng karumal-dumal na ginawa mo? Tingin mo ba'y hihilingin niyang pumatay ka ng napakaraming buhay para lamang sa pansarili mong kagustuhan?"
"Sa bawat segundong pagsasalita mo'y nalalapit na ang kamatayan niya. Sabihin mo sa aking gusto mo pa siyang mabuhay."
"Itutok mo sa akin ang baril, Ethan," utos ng inspektor. "Kung ito ang kailangan para lang matapos ang lahat ng ito.
Itinaas ni Ethan ang baril na pinakatitigan naman ni Inspector Iñigo. Alam niyang hindi siya mamamatay. Alam niya, dahil ang lahat ng iyon ay isang imahinasyon lamang.
"Gusto mo lang namang mabuo ang mga pantig, di ba? Kaninong bibig ba dapat manggaling ang huling tunog? Sa akin ba? Kay Ethan ba? Pero ikaw si Ethan. Kanino ba?!"
Pinanood lang si Inspector Iñigo ng lalaking alam niyang hindi talaga si Ethan na kilala niya. Sa matagal na panahon ng pag-iimbestiga niya sa kaso ng pagkamatay ng pitong biktimang may kakaibang kaso—ngayon ay alam na niya, nakikita na niya, nararamdaman na niya ang pakiramdam ng desperasyon sa isang kasinungalingang hinding-hindi naman talaga magaganap.
Alam na niyang isang malaking kabalintunaan lang ng mga aklat ni Harmonica.
Imposible ang walang hanggang buhay na ninanais nito.
Isa lamang baliw ang gaya ni Harmonica na nag-aasam ng isang bagay na hinding-hindi naman talaga magaganap.
"Gusto mong sabihin ko ang mga salitang iyon. . .Miguelito?" pagsakay ni Inspector Iñigo sa nilalaman ng aklat. "Kabisado ko ang lahat. Alam ko ang lahat. Nabasa ko ang lahat ng ginawa mong aklat."
"Kung ikagagaan ng loob mo."
Muli, nagbalik kay Inspector Iñigo ang lahat ng babala ni Yul at ni Ethan sa kanya.
Ang libro, ang laman noon na makakatulong sa kanilang imbestigasyon, ang mga salitang ipinagbabawal na banggitin.
Lahat ay tama. Lahat ay nagiging totoo na.
Huwag babasahin ang libro. Subalit ginawa niya, at ngayon ay ginagawa na niya ang nakasaad sa aklat.
"I. . .Mor. . .Ta. . .Lis. . .Har. . .Mo. . .Ni--"
"I-Iñigo. . . huwag--" boses ng Ethan na kasamahan nila mula sa kung saan.
"Ito ang kailangang maganap, di ba?" tanong ni Inspector Iñigo.
"Subalit buhay silang lahat!"
"Pero sa ganitong paraan matatapos ang lahat! Patay na si Simeon! Patay na siya sa kuwento!"
"Nakatayo si Simeon sa harapan mo."
"Hindi! Ang nasa harapan ko ngayon ay ang kapatid niyang matagal nang nilamon ng kalungkutan at pag-iisa! Hindi tama ang lahat ng ito kaya kailangan na nitong matapos! Ngayon mo sabihin sa akin: Sino ang magliligtas ngayon sa iyo?"
Walang tugon. Gaya ng nasa libro. Tapos na ang lahat.
At si Inspector Iñigo ang magtatapos ng huling aklat.
"--CA."
Ibinukas ni Ethan ang kanyang bibig na tila ba aawitin ang dasal na matagal nangpinaghandaan.
Itinutok ni Ethan ang baril sa sariling bibig at pinaputok ito nang walang pagdadalawang-isip.
Umalingawngaw ang malakas na putok ng baril. Nilukob ang buong paligid ng malakas na ingay.
Nagbalik ang silid-aklatan. Naroon sa upuan ang duguang si Voltaire Almediere.
Napaawang ang bibig ni Inspector Iñigo dahil sa nasisilayan.
"E-ethan?" utal niyang tawag sa kasamahang akala niya'y imahinasyon lamang niya. "A-anong nangyari? A-akala ko ba—"
Nagbaril sa tunay na mundo si Ethan Bergorio. Sabog ang bungo at kasalukuyang naliligo sa sariling dugo.
"Ethan!" Agad na lumuhod sa tabi ng kasamahan ang inspektor na nananatiling gulat sa mga kaganapan.
"Si Voltaire Almediere," boses sa likuran ni Inspector Iñigo: si Yul. "Ang ikawalong nakatakda; at ikaw Iñigo Torifel, ang ikawalong alay."
"Baliw ka na!" sigaw ng inspektor. Kinuha niya agad ang baril mula sa kamay ni Ethan na punung-puno pala ng bala.
"Ako ang bato!" sigaw ni Yul sa harapan ng walong aklat.
Bang!
Muling pag-alingawngaw ng putok ng baril. Pinatamaan si Yul sa likod.
"Hahagupitin ako ng Kanyang mensahero!" patuloy pa rin si Yul kahit na natamaan na siya ng sunud-sunod na bala.
"Bakit mo nagawa 'to, Yul?! Bakit?!" Patuloy ang pagpapaputok ng baril si Inspector Iñigo.
"Ilalabas ng bato ang banal na langis upang ako'y basbasan!"
Natigil ang putok ng baril. Naubos na ang mga bala. Nanlumo ang inspektor at napaluhod na lamang.
Lumabas na ang mga dugo mula sa mga butas ng katawan ni Yul dulot ng mga balang nagmula kay Inspector Iñigo.
Ilang sandali pa'y bumagsak ang katawan ni Yul sa walong aklat at napuno ang mga libro ng dugong mula sa kanya.
Isang karumal-dumal na kaganapang hindi alam ni Inspector Iñigo kung paano ipaliliwanag sa iba.
Patay na si Ethan Bergorio, na gumanap bilang tauhan ni Miguelito sa loob ng kuwento ni Harmonica.
At si Yul, bilang ang mahiwagang manunulat ng ikawalong aklat.
Sa dulo'y gaya rin ang lahat ng nakasaad sa libro.
Nabuhay ang mensahero, nabuhay si Inspector Iñigong tumatayo sa tauhan ni Veronica, nabuhay ang huling tauhan ng istorya. At ang bato—si Yul—ay diniligan ang mga aklat ng sariling dugo upang basbasan ang mga ito.
Siya ang puno at ang bunga ng lahat.
Walang ibang nasa isipan ng inspektor kundi ang katotohanang hindi mamamatay si Ethan kung hindi niya binasa ng ikawalong katha ni Harmonica.
9:30 AM 6/29/2017
___________
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top