Aklatan ng San Martin de Dios Avila
Isang linggo bago ang imbestigasyon . . .
"Gelo! 'Takte, kabagal! Ano man daw 'yan?"
Iritang-irita na ang anim habang hinihintay matapos sa pagsisintas ng sapatos ang kaibigan nilang kanina pa natitisod sa sintas na pualit-ulit na natatangal. "Tirik ang araw, o! Gusto mong maging daing kami rito?"
"'Kaarte, kalalaking tao," bulong ni Angelo. Tumayo na siya at mahigpit na hinawakan ang magkabilang strap ng backpack na dala. "Sandali! Ito na!" Tinakbo na niya ang mga kasamang kanina pa init na init kahihintay sa kanya.
Pupunta ang grupo nila sa Aklatan ng San Martin de Dios Avila. Bali-balita sa kolehiyo nila na pasara na ang aklatan kaya naisipan nilang bisitahin upang makakuha ng mga interesanteng libro. At bilang magkakaibigan, ilan sa mga pagkakapareho nila ay ang pagiging bookworms.
"'Tol, kapag may Gone with the Wind kayong makita, sabihin n'yo, ha?" paalala ni Junrey, binatilyong panay ang ayos sa salaming suot habang nakatingin sa listahan ng mga Wanted List niya ng mga librong gustong mailagay sa koleksyon.
"'Tol, baduy mo!" natatawang saad ni Trevor, ang pinakamatangkad sa kanila at mas madalas magpunas ng pawis sa uno gamit ang asul na face towel. "Nagbabasa ka ng mga ganoon? Dapat mga Percy Jackson ang kinokolekta mo para may thrill!"
"E pakialam mo ba?" Nag-asaran nang nag-asaran ang dalawa na paniguradong mauuwi na naman sa pikunan.
Itinuon ni Angelo ang atensiyon sa tahimik na si Eugene. "Ikaw, malamang kung hindi Jack London, Edgar Allan Poe ang hahanapin."
"Siguro namang mayroon 'yon doon," sagot ni Eugene, ang pinakatahimik sa kanilang lahat at mas inuna pang magbasa ng libro ni Agatha Christie habang naglalakad.
"Wow, mga 'tol." Natigilan silang lahat nang ituro ni Wency ang malaki at lumang gusali na natatanaw niya sa harapan. "Ayos 'tong library."
Humilera ang pito habang tinitingnan mula sa malayuan ang aklatan.
"Kamukha ng post office sa city, ano?" sabi ni Damon, ang mestizo sa magbabarkada at lumitaw agad ang brace nang ngumiti matapos akbayan ang katabi. "Ano sa tingin mo, Volt?"
Mabilis pa sa alas-kuwatro ang pagkuha ng picture ni Voltaire sa itsura ng malaking aklatan. "Greek ang structure ng building. Sayang lang kasi pinabayaan na. Akala ko, may nagme-maintain pa niyan." Inisa-isa niya ng tingin ang mga kasama. "Tara na para mabilis tayong makauwi. May curfew ako ngayon."
Tumango ang lahat at sabay-sabay na naglakad papasok sa loob ng aklatan. Pakiramdam nila'y may malakas na hangin ang bumalot sa mga katawan nila na nagpabigat sa kanilang mga timbang pagkapasok sa loob ng malamig na lugar.
"Ang weird naman dito," bulong ni Damon.
"Sinabi mo pa, 'tol," sagot ni Wency.
Mataas ang kisame mula sa puwesto nila. Isang malaking pader ang bumungad sa magbabarkada pagpasok at dalawang malalaking kahoy na pinto sa magkabilang gilid.
"Hello po," mahinang bati nila sa babaeng nasa reception.
"Pwede pong magtanong?" ani Angelo.
"Ano iyon, hijo?"
"Pwede pa po bang pumasok dito?"
Nakangiti namang tumango ang babae. "Oo naman. Ano nga pala ang hinahanap ninyo, baka sakaling matulungan ko kayo sa paghahanap."
Pasimple namang kinuhaan ni Voltaire ng picture ang librarian. "Barbara . . ." mahina niyang sinabi habang nakatingin sa picture.
"Ano po, titingin lang po kami ng mga libro," saad ni Wency. "Ang sabi po kasi sa school namin, pinadadala lang sa junkshop ang mga librong galing dito." Agad siyang napangisi. "Pwede po bang makihingi kami ng libro? Nangongolekta po kasi kami ng mga book."
"A, ganoon ba?" Kinuha ni Barbara ang logbook at pinaharap sa mga binatilyo. "Pakilagay ng mga pangalan ninyo. Petsa ngayon at oras kung kailan kayo nag-log."
Si Angelo na ang naunang pumirma. Inilagay niya ang Angelo Baldivia sa ibaba ng pangalang Nathan Bergorio. Katabi niyon ay ang petsang March 28 at 1:27 p.m.
"Gelo, ikaw na rin pumirma sa 'min," utos nina Wency at Junrey sa kanya.
Sumunod naman si Angelo at isinunod na ang pangalang Wency Comendador at Junrey Almasan. "O, Trev, ikaw na." Iniabot niya kay Trevor ang hawak na panulat para ito na ang magtuloy. "Volt, ano ulit pangalan mo?"
"Wow! Hiyang-hiya naman ako sa 'yo, Trev! Tagal na nating friends, di mo pa rin ako kilala?" At kinuhaan niya ng picture si Trevor na ang lawak ng ngisi sa kanya.
"Joke lang, 'tol! Ayaw pabiro?" Isinulat na ni Trevor ang pangalang Voltaire Almediere sa ilalim ng pangalan ni Junrey, kasunod ang pangalang Eugene Yap at Damon Valledor bago ang pangalan niyang Trevor Henson.
"Ma'am, papasok na ho kami, a!" masayang paalam ni Wency at nagpatiuna na sa pagpasok sa loob ng aklatan. Dumeretso siya sa kanang pintuan at dali-dali itong binuksan.
Sinilip naman ni Voltaire ang logbook. Kinuhaan niya ito ng retrato at tiningnan na naman ang screen ng digicam niya. "March 27 . . . 2004." Kumunot ang noo niya nang tingnan si Barbara.
"Sige po, papasok na po kami," nakangiting sinabi ni Angelo at sa kaliwa sila dumaan.
Masamang tingin lang ang ibinigay ni Voltaire sa babae sa front desk. Wala siyang sinabing kahit ano bago sila pumasok sa loob ng mismong aklatan pero nagsisimula na siyang magtaka.
Saglit niyang binangga ang balikat kay Wency habang nakatitig sa screen ng camera.
"'Tol, pansin ko lang 'to," bungad ni Voltaire paglagpas nila sa kahoy na pinto. "Bakit 2004 pa ang naroon sa logbook, e 2015 na ngay—wow."
Pare-pareho silang natigilan sa paglalakad nang makita ang napakalaking loob ng aklatan na noon lang nila napasok sa tanang buhay nila. Sinisinagan ng tanghaling araw mula sa bilog na salaming bubong ang malaking globo sa gitna. Napakaraming hilera ng bookshelves ang nagpalula sa kanilang mga mata. Nagkukrus ang repleksyon ng liwanag ng araw mula sa itaas patungo sa marmol na sahig kaya hindi na kailangan pa ng kahit anong bombilya para lang ilawan ang buong aklatan.
"Sana pala dinala ko yung van namin," sabi ni Damon.
"Parang hindi kakayanin ng three to five hours 'to," mahinang saad sa kanila ni Angelo.
"Magsisimula na kong mag-book hunting!" masayang sinabi ni Junrey at tumakbo na sa kanan nila.
Nagkanya-kanya na rin silang punta sa bawat section para maghanap ng mga interesanteng libro. Pansin nila ang kakaibang pagsasaayos ng mga aklat. Sa sobrang laki ng buong aklatan, hindi nila alam kung magagawa ba nilang mabasa kahit mga description lang ng kalahati ng bilang ng lahat ng mga librong naroon.
Sa kalagitnaan ng paghahanap ng mga maaaring maiuwi, biglang nag-ring ang phone ni Angelo na nagpaingay sa isang parte ng aklatan.
"Hello, Volt?" naiinis niyang sagot sa tumatawag. Inalis niya agad ang phone sa tainga at tiningnan ang screen na naka-hold ang tawag. Maya-maya, naging ayos na rin at pwede nang makausap si Voltaire. "Hoy! Ano na namang—"
"Guys! Tara dito sa dulo! Madali kayo!" atat na atat nitong utos.
"'Problema mo na naman?" tanong ni Trevor na nasa kabilang linya rin.
"Basta! Dali kayo! Ang cool ng nakikita ko! Saka na 'yang mga book hunting n'yo!"
"Saang dulo ba 'yan?" tanong ni Eugene.
"Dito! Nakikita n'yo ba yung malaking plank na may nakasulat na special book section? Nandito ako sa second floor, ha! Lumapit kayo sa may railings, makikita n'yo yung sinasabi ko."
Kanya-kanya nang lapit ang magbabarkada sa railings at nagkitaan na rin sila na malalayo rin ang agwat mula sa isa't isa. Tinanaw nila ang dulo ng library at nakita nga ang malaking kahoy na nakasabit sa ibaba ng barandilya sa third floor.
Binaba nilang lahat ang tawag at agad na nagtungo sa lugar ni Voltaire.
"Hoy, pangit!" pambungad ni Junrey sa kaibigan. "Ano ba yung sinasabi mo, ha?"
Lahat sila ay huminto sa tabi ni Voltaire na malaki ang ngiti sa isang cabinet na anim na talampakan ang taas at isang dipa ang lapad. Naglalaman iyon ng pitong lumang libro na kakaiba ang disenyo ng pabalat na hinaharangan ng salamin. Gawa iyon sa makapal na balat at animo'y binarnisang kahoy.
"Ayos a," sabi ni Trevor. "Ano 'yan? Ibang version ng libro ni Harry Potter?"
Lumapit sila sa cabinet at tinitigang maigi ang bawat aklat.
"Prima en Genesis," bulong ni Angelo nang makita ang isang libro. "Harmonica?"
"Itong isa ang title: Amour du Macabre," ani Eugene habang tinuturo ang isa sa mga libro. "Tapos Harmonica rin."
"Lahat kaya sila Harmonica," sabad ni Damon. "Baka 'yon yung author?"
"Pwede yatang kunin 'yan. Sayang kung junkshop lang ang makikinabang." Binuksan ni Wency ang salamin ng cabinet at nagkanya-kanya na silang kuha ng libro.
"Solid 'to, 'tol. Astigin!" masayang sinabi ni Junrey pagkabuklat ng mga pahina.
"Mystery book ba 'to?" tanong ni Damon nang himasin ng palad ang pahina ng hawak. Makapal iyon at nangungulay kupas na.
"Siguro. Mysterious ang title pati ang book cover. Saka ngayon ko lang nakita 'to. Pito lang ba yung libro?" tanong ni Angelo.
"Oo, wala nang ibang nasa shelf e," sagot ni Trevor. Unang-una niyang binuksan ang pinakahuling pahina ng hawak. "Ave Santa Muerte." Mahina niyang binasa ang ilang parte hanggang sa maakabot siya sa dulo. "Mo?"
Kinuha niya ang hawak na libro ni Voltaire at tiningnan ang pinakahuling pahina. "In Flagrante Delicto. Ito naman, Ni." Ibinalik niya ang libro at hinablot ang hawak ni Angelo.
"Hoy! Binabasa ko pa e!" reklamo nito.
"Prima en Genesis. I." Padabog pa niyang isinauli ang libro at kinuha ang kay Damon. "Parfum. Ta." Natigilan siya at tiningnan ang mga kasama niyang puno ng pagtataka ang tingin sa kanya.
"'Problema mo, Trev?" tanong ni Angelo.
"A . . . wala naman." Mabilis siyang umiling. "Ang weird lang ng last part ng bawat libro." Nagkibit-balikat siya habang kunot na kunot ang noo.
"Paanong weird?"
Binalikan niya ang hawak na aklat at ipinakita ang nakaukit na mga titik sa likurang bahagi ng pabalat mula sa loob. "Akala ko, pare-pareho tayo. Itong mga letter, o."
Sabay-sabay nilang tiningnan ang sinasabi ni Trevor.
"Oo nga, 'no?"
"May meaning ba?"
Tiningnan pa nila ang buong libro pero wala naman silang nakitang kung ano na makatutulong upang mabilis maintindihan ang mga nakaukit doon.
"Di ko gets."
Hindi rin alam ni Trevor ang ibig sabihin ng mga napansin kaya nagkibit-balikat na naman siya. "Sige, never mind. Magbasa na kayo."
Sumimangot lang ang iba sa kanya at nagkanya-kanya nang tago ng libro sa mga bag nila.
"Sa bahay ko na 'to babasahin." Isinilid na agad ni Junrey ang aklat sa bag niya saka ngumisi sa mga kasama. "Maghahanap muna ako ng ibang libro."
Lahat sila ay sumang-ayonkay Junrey kaya mabilis na agad silang nagtungo sa iba't ibang direksyon upangmakahanap ng talagang ipinunta nila roon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top