Ikaw Lang
IKAW LANG
isinulat ni Endee (loveisnotrude)
HINDI MO ALAM kung saan mo ibabaling ang iyong atensyon: sa mga kabarkada mo bang nagbibiruan at nagtatawanan o kay Justin na tahimik at abala na naman sa pagsusulat sa notebook na hindi niya mabitaw-bitawan mula pa nung kayo'y first year highschool. At hanggang ngayon na magtatapos na kayo sa junior year, wala pa rin kayong ideya sa laman ng notebook na iyon. Paano, sa hindi malamang dahilan, ayaw niya naman kasing ipabasá 'yon sa inyo . . . lalo na sa iyo.
Hindi mo na naman tuloy maiwasang hindi isipin na nasa iisang barkadahan lang kayo pero sa inyong anim, siya ang pinaka-weird. In a sense na kapag gusto niyang manahinik, mananahimik lang talaga siya buong araw. Pero kapag naman lumuwang nang kaunti ang turnilyo sa kaniyang utak, hihilingin ninyo naman na sana nanahimik na lang siya.
Kaya nga hanggang ngayon ay hindi mo pa rin mawari kung bakit ba nagkagusto ka sa isang tulad niya. Bukod sa off-limit dahil nga magkabarkada kayo, malayo rin siya sa tipo mo. Sobrang layo.
At sa puntong ito, pakiramdam mo tuloy ay mas weird ka na sa kaniya.
"Uy, Amari, nakatulala ka na naman diyan!"
"Justin, kanina pa tapos klase natin, tigilan mo naman 'yang pagsusulat!"
Dahil sa pagtawag ng mga kabarkada ninyo sa inyo, nagkatinginan na lang kayo sabay ngiti sa isa't isa at saka naiiling na natatawa.
"Hoy, kayong dalawa diyan! Ano'ng meron sa inyo? Nagkaka-in love-an na ba kayo, ha?"
"Ano?!" Ikaw ang unang nag-react. "Hindi, 'no!"
Sana hindi nila napansin na masyado kang defensive.
"Easy ka lang, 'tol! Ang defensive mo masyado," natatawang sambit ni Justin sa iyo. "Saka grabe ka maka-react! Diring-diri?"
Ayon lang, may nakapansin.
"Hindi kasi táyo talo!"
Really, Amari? Gusto mo na lang batukan ang sarili sa sinabi mong iyon.
"O siya, tama na 'yan. Iba trip nitong si Amari kaya huwag ninyo nang asarin. Kay Aly ninyo na lang ireto 'yang si Justin."
At napuno na naman ng kantiyawan ang paligid.
Nakisabay ka na rin sa pag-ship kina Justin at Aly kahit deep inside, gusto mo na lang sabihing, "Sana sinaksak ninyo na lang ako."
Isa si Aly sa mga kabarkada ninyo. Sa totoo lang, hindi kabilang sa OG. Na-recruit lang dahil sa tsismis na may gusto nga raw ito sa taong gusto mo rin---kay Justin. At ang nakakatawa pa, ikaw ang dahilan kaya naging malapit ang dalawa sa isa't isa.
"Okay, tama na ang kantiyawan! Saan ba táyo ngayon?"
Habang hinihintay ang sagot nila, nagulat ka sa biglang pag-akbay ng kung sino sa iyo. Pero dahil sa amoy ng pabango na agad nalaman ng ilong mo kung kanino, walang sabi-sabi na lang na bumilis ang pagtibok ng iyong puso.
Dugdug. Dugdug. Dugdug.
Sobrang bilis. Singlakas ng tambol ang pagkabog nito. Pakiramdam mo na nga ay anomang oras, tatalon na lang ang iyong puso palabas.
Huwag naman sana.
"'Tol, ayos ka lang?" Malinaw mong narinig ang tanong niya pero masyado kang naka-focus sa puso mong hindi mapakali kaya hindi mo ito pinansin. "Amari? Uy, Amari, ayos ka lang ba?"
At sa mahina niyang pagyugyog sa iyong balikat, doon ka na natauhan.
"H-Ha?"
"Tambay raw táyo sa may bilyaran. Pero mukhang hindi ata maayos 'yang pakiramdam mo. Gusto mo bang ihatid na lang kita sa inyo?"
Mabilis mong nilunok ang sariling laway dahil sa tono ng kaniyang pananalita. Ramdam mo kasi ang pag-aalala nito sa iyo---na siyang mas lalo lang nagpapagulo, hindi lang sa iyong isipan kundi pati na sa puso mo na pilit mong pinapakalma.
Sa sobrang pagkagulo na iyong nararamdaman, naitulak mo na lang siya palayo. "Ano bang pinagsasabi mo diyan? Ayos lang ako, 'no! Doon ka na nga sa kanila sumabay sa paglalakad. Naaalibadbaran ako sa iyo, e!"
"Ang sungit mo talaga! Concerned lang naman ako sa iyo, e. Diyan ka na nga!"
Alam mong sumobra ka sa mga sinabi mo at may posibilidad na nasaktan siya, pero hindi mo pa rin maiwasang hindi matawa dahil kahit mukhang inis na siya sa iyo, 'di pa rin nawawala ang kaniyang mga ngiti sa labi.
Kaya paano ka hindi mahuhulog sa gano'n? Wala ka na nga talagang choice kundi yakapin ang katotohanan na gusto mo---
Natigil ka sa pag-iisip nang mapansin mo ang nalaglag sa bag ni Justin habang tumatakbo ito papalapit sa iba ninyo pang kaibigan na nauna na sa paglalakad. Mabilis mo itong pinulot at agad na nanlaki ang iyong mga mata nang ma-realize na ito yung notebook na ayaw niyang ipabasá sa inyo---lalo na sa iyo.
Agad mo itong binuklat at binasá ang pahina na mukhang kanina niya lang sinulatan.
Pagkakita mo pa lang sa pangalan na nakasulat doon, tuluyan ng sumama ang pakiramdam mo. Tiningnan mo pa ang ibang pahina at pare-pareho lang ang nakalagay: Aly.
Ano pa nga ba kasing ini-expect mo?
"Amari!" Mabilis kang napalingon sa tumawag sa iyo at nakita mo ang nakangiting si Aly. "Nakita kong nalaglag 'yan sa bag ni Justin kanina. Okay lang ba kung ako na ang magsasauli pabalik?"
Biglang napahigpit ang hawak mo sa notebook. May nagtutulak sa iyo para hindi ito bitawan at ibigay sa kaniya. Kontrabida na kung kontrabida pero gagawin mo ang lahat para hindi niya mabasá ang laman nito. Ayaw mong makita niya na pangalan niya ang nakalagay rito. Na tungkol sa kaniya ang lahat---
"Ano'ng pinag-aagawan ninyo diyan?"
"Justin! Ito kasing si Amari, ayaw ibigay yung notebook na nalaglag sa bag mo kanina. Ako na sana magbabalik sa iyo."
"Notebook?"
Ngayong kaharap mo na ulit si Justin, bigla kang nag-panic at napatakbo na lang palayo matapos bitawan ang notebook sa kung saan. Hindi mo na rin namalayan na umiiyak ka na. Patuloy ka lang sa pagtakbo hanggang sa may pumigil sa iyo at yumakap nang mahigpit.
"J-Justin?"
"Bakit ka tumakbo? At bakit ka umiiyak? Masama ba talaga pakira---"
"Gusto kita!"
"Ano?"
"Oo, Justin, gusto kita! At ngayong alam kong si Aly talaga ang gusto mo, puwede bang hayaan mo na akong tumakbo palayo sa iyo?"
"Amari, ano bang pinagsasabi mo? Anong si Aly ang gusto ko? Kailan pa?"
"N-Nakita ko sa notebook . . . p-puro pangalan niya ang nakasulat."
Nagulat ka sa bigla niyang pagtawa nang mahina. Pero mas nagulat ka nang guluhin niya ang buhok mo sabay sabing, "Ikaw lang ang gusto ko, Amari Louise Yu. Ikaw lang."
WAKAS
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top