Kabanata 5

YEJIN

"Anong ganap?" Agad nabaling ang tingin ko kay Zainah na kakabalik lamang at tumayo.

"Magpapaalam sana ako Zainah. Babalik na ako sa mesa namin. Naghihintay na sa akin si Lia at Lady Lorraine."

"Ay ganun ba. Sige." Lumapit siya sa akin at niyakap ako na ikinabigla ko. Agad rin syang bumitaw.

"Maraming salamat." Ngumiti ako at yumuko rin sa ibang kasama sa mesa.

Agad akong tumalikod at napansin ko pa ang ngisi ni Zanlex na sinamaan ko lang ng tingin at mabilis na naglakad papunta sa mesa namin nila Lia. Hindi ko na narinig ang pinag-uusapan nila.

Nang makarating ay inulan pa ako ng asar nila Lia at Lady Lorraine kaya't ang pamumula ko ay lumala. Napayuko na lamang ako. Hiyang hiya ako sa nagawa ko kanina. Buti ay si Zanlex lang ang may alam.

"Gumagabi na, kailangan na nating magpaalam." Ani ni Lady Lorraine na agad na nagpagulat sa amin ni Lia.

Agad kaming tumayo at naghandang tatlo. Sumunod kami ni Lia kay Lady Lorraine na patungo sa kinaroroonan ng mga magulang ni Zainah na nasa mesa pala nila Zainah at kausap ang Mahal na Prinsipe.

Nang makalapit kami ay agad na humingi ng pasensya si Lady Lorraine sa pagsingit sa usapan at nagpaalam. Sabay naman kaming nagpasalamat ni Lia. Akmang lalapit pa si Zainah sa akin ay nginitian ko na lamang siya at nagbigay galang rin kami sa Mahal na Prinsipe na hindi ko matingnan ng maayos.

Nang makalabas kami ng kanilang bahay at tarangkahan ay napabuntong hininga na lamang ako.

Ang lahat ng nangyari kanina ay mananatili lamang dito sa tahanan ng Pamilyang Daverro.

Pasensya na, Zainah, Zanlex. Masaya akong nakasalamuha ko kayo at ng buong Elitian kahit sa panggap at kunwaring katauhan ko. Sa sunod na pagkikita natin ay natitiyak kong magbabago ang pakikitungo nyo sa akin.

Nang makarating sa kina Lady Lorraine ay naghiwalay na kami ng daan ni Lia.

Nang makarating sa bahay ay ang bukas na ilaw na lamang ay ang sa sala. Nang pumasok ako ay bumungad sa akin ang tinuturing kong ina.

"Pasensya na ina, hindi ako nakapagpaalam dahil biglaan kaming isinama ni Lady Lorraine sa isang pagdiriwang." Ngumiti ito sa akin at nilapitan ako. Pinagmasdan ang itsura at kasuotan ko.

"Nasiyahan ka rin ba?"

"Opo." Sagot ko at ngumiti.

"O'sya matulog na tayo." Tumango ako at dumiretso sa aking silid.

Agad akong nagpalit ng suot at nahiga sa aking kama. Napaisip sa mga bagay-bagay. Namula sa kahihiyan. Nalungkot sa katapusan.

Bakit kaya ang bilis ng oras kapag masaya tayo at mabagal naman kapag malungkot tayo. Siguro kasi kapag masaya tayo ay hindi natin namamalayan ang oras at nakapokus lamang tayo sa bagay na nagpapasaya sa atin at kapag malungkot naman tayo ay lagi tayong nakatingin sa orasan, na habang pinagmamasdan ang paglipas nito ay palagay natin ay napakabagal.

May isang imahe ang sumakop sa isipan ko at hindi ko maiwasang hindi mamula. Nakatulog yata akong hindi maalis ang taong iyon sa utak ko.

Maaga akong nagising kinabukasan. Linggo pa lang at bukas pa ako pupunta sa palasyo. Dahil hindi ako nakapagpaalam kay Lady Lorraine ay ngayon ko na lang gagawin. Bago ako nag-asikaso ay gumawa muna ako ng gawaing bahay.

Wala na sila ina, ama at ate Ylenna at malamang ay nasa Palasyo na ito. Naiwan ang dalawang tulog pa na ikanaginhawa ko. Mabilis akong kumilos at nang matapos ay nagpalit na ng kasuotan at umalis ng tahimik.

Hindi ako magta-trabaho ngayon at ang tanging sadya ko lang talaga ay magpaalam. Kalahating araw lang din naman bukas ang tindahan kapag Linggo kaya't ayos lang na hindi ako pumasok ngayon. Pero mukhang papasok na lamang ako para ayain si Lia na magpunta kami sa baybay sa hapon.

Tulad ng plano ko ay ganun nga ang nangyari. Nalungkot pa si Lady Lorraine at wala ring nagawa kung hindi ay payagan ako. Maiksi lang naman ang dalawang linggo kaya wala naman kaso iyon sa akin.

Naglaro at naligo kami sa dagat ni Lia. Kami lang ang tao sa pinuntahan namin na sekretong lugar. At hindi niya rin ako tinigilan sa nangyaring pagdiriwang at ang pakiramdam na malapit sa Elitian. Naiiling na lamang ako sa kanya. Nang maghapon ay nagpatuyo muna kami bago umuwi.

Pagdating ng gabi ay halos mapuno ang tainga ko sa parinig ng magkapatid. Hinayaan ko na lamang ito at inayos ang damit ng tagapagsilbi sa Palasyo na susuotin ko. Simpleng bestidang kulay langit, asul na lasong pantali sa buhok at baylarinang sapatos.

Mas maaga pa sa kinaugalian kong paggising sa umaga ang naging gising ko nang kumatok si Ina sa pinto ng aking silid.

"Yejin, anak, mag-handa ka na."

"Opo."

Mabilis ang naging kilos ko. Pagkatapos maligo ay agad na nagpalit ng kasuotan. Habang tinatali ang buhok ng laso ay pinagmasdan ko ang sarili sa salamin. Malayo sa itsura ko kagabi. Lalo na sa kasuotan.

Nang matapos ay agad akong lumabas at pumunta kina ina sa hapagkainan at sumalo.

"Handa ka na ba, Yejin?"

"Opo."

"Ang mga gagawin mo ay si Ylenna ang magpapaliwanag sayo dahil sa ibang parte kami ng Palasyo nakatalaga." Tumango ako kay Ina. Nginitian naman ako ni ate Ylenna a ngumiti rin ako pabalik.

Nang umalis na kami ay dumoble ang kaba ko. Palagay ko ay lalabas na ang puso ko sa kinalalagyan nito. Unang beses ko pa lamang makakapunta ng Palasyo at kailangang maayos at walang kapalpakan akong magagawa. At magagawa ko yun kapag hindi ako lalapit o mapupunta sa utos para sa Mahal na Prinsipe.

Hanggang ngayon kasi ay sariwa pa rin sa akin na nainuman ko ang kopita ng Mahal na Prinsepe.

Habang sa tulay kami ay hindi ko maiwasang umikot ang paningin sa napakagandang tanawin mula rito. Kaya siguro marami ang nangangarap na makapunta rito ay dahil sa ganda nito. Paano pa kaya sa loob ng Palasyo.

Nang makalapit kami sa malaking pinto ay isang kapangyarihan ang dumaan sa amin bilang pagsigurado sa kaligtasan ng mga nasa loob. Pagkatapos ay agad kaming lumiko nila ina sa gilid ng palasyo. Sa laki ng Palasyo ay mahaba pa ang nilakad namin. Nalampasan rin namin ang pinakasentrong malaking pinto ng Palasyo. Pagdating sa pinakagilid ay lumiko kami sa isang pasilyo at pumasok sa isang pinto.

Pagkapasok ay bumungad sa akin ang silid para sa pahingahan ng mga tagapagsilbi at karugtong nito ang pasilyo patungo sa malaking kusina.

Sumunod ako kina Ina at inihabilin na niya ako kay Ate Ylenna. Nasa kusina pala sila nakatalaga.

Lumabas kami sa isang pasilyo ni ate Ylenna at bumungad sa amin ang malaking bulwagan. Kita ko rin ang malaking tarangkahan na kanina ay sarado at mula rito kita ko ang sentro ng bayan namin.

Hindi ko maiwasang mamangha sa nakikita at natigil lang nang may dumaang tagapagsilbi ngunit may pagkakaiba ang suot kesa sa amin.

"Iyan na ba ang kapalit ng dalawa mong kapatid, Ylenna?"

Mapanuri ako nitong tiningnan mula ulo hanggang paa at muling ibinalik kay ate Ylenna.

"Mukhang hindi sanay sa gawaing pagsisilbi. Sigurado ka bang magagawa niya ng maayos ang mga gawain rito?"

"Magagawa niya po at tutulungan ko siyang ipaintindi ang dapat at hindi dapat niyang gawin."

"Mabuti." Ani nito at umalis na. Binalingan ako ni Ate Ylenna at nginitian.

"Isa rin kasi siya sa napagsabihan sa nagawa ng dalawa kaya ganun na lamang ang sinabi niya. Ang tawag sa kanya rito ay Lady Vina Siya ang punong tagapagsilbi sa paglilinis at ang pinakapunong tagapagsilbi sa lahat ay nasa tanggapan ng Mahal na Reyna at Mahal na Hari. Siya naman si Lady Flara." Tumango ako.

"Ang mga bagay na dapat mong gawin rito ay ang mga inutos lamang. Hindi pwedi ang walang ginagawa rito. Kailangan ring maging maingat dahil halos ng kagamitan rito ay babasagin."

Kumuha siya ng telang pamunas na ginaya ko rin at nagsimulang magpunas ng mga kagamitan.

"Kapag makakasalamuha ka na mga Maharlika o ang nakakataas na Pamilya ay kailangang yumuko at hindi na kailangang magsalita pa. May mga estudyanteng maharlika ngayon ang papasok sa silid-aralan ng Palasyo at may mga nakatalaga na mga tagapagsilbi roon kaya kapag may inutos sayong patungkol doon ay huwag mo agad sundin dahil posibleng mapagalitan ka, tayo."

"Maliban na lang kapag ang nag-utos ay ang Royal Family at ang mga punong tagapagsilbi." Sunod-sunod ang pagtango ko at pagtanda sa mga sinabi niya.

"Isa sa pinagbabawal rin sa atin ay ang pumasok sa mga silid rito sa Palasyo nang walang pahintulot. At sa ngayon ang mga nabanggit ko ang mga mahalagang gawin at sundin mo."

"Naiintindihan ko po, ate Ylenna."

"Isa pa pala, Yejin." Nilingon ko ang seryosong mukha niya.

"Kahit na ganyan ang iyong kasuotan ay agaw-pansin pa rin ang itsura mo kaya kapag may sinabing hindi maganda sa iyo ang kung sino man ay huwag kang lumaban at hayaan silang magsalita ng nais nila. Lagi mong iparating na narito ka para sa ibang bagay at hindi para marinig ang sasabihin nila."

"Opo, ate Ylenna." Ngumiti ako sa kanya at pinalitan na ang ekspresyon ng pagiging seryoso.

*****
-btgkoorin

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top