Kabanata 15

❄YEJIN❄

"Balita namin, lumalapit ka sa Elitian kahapon para magpapansin." Napatigil ako sa paglakad papunta sa kusina nang humarang sa harap ko sina Yessa at Yurika.

"At nalaman din naming sumabay ka sa kanila umalis ng palasyo. Saan kayo nagpunta ha, Yejin?" Si Yurika.

"Sumagot ka!" Si Yessa.

"Ang tama lang sa sinabi nyo ay kasabay ko silang umalis ng Palasyo. At kung saan kami nagpunta? Hindi nyo ba nasagap sa nagsabi sa inyo? Kawawa naman. Bilang lang ang totoo sa sinasabi sa inyo."

Sambit ko at akmang tatalikuran na sila pero hinawakan ako ni Yurika sa braso.

"Hindi ka ba nahihiya na matataas ang Elitian pero nagpapansin ka sa kanila. Hindi ka ba nag-iisip sa sasabihin sa amin dahil sa ginagawa mo!"

"Hindi naman ako ang unang lumalapit. Bakit hindi nyo tanungin mismo ang Elitian para malaman nyo?"

"Usap-usapan ka na kahit sa mahaharlika. Sa tingin mo ba makakatagal ka sa palasyo? At isa pa, wag kang lumapit-lapit sa Mahal na Prinsipe."

Binitawan ako ni Yurika at iniwan nila ako ni Yessa. Napabuntong hininga naman ako.

Habang kumakain kasabay sina ate Ylenna, ina at ama ay wala akong naging imik. Tahimik at mabilis lang akong kumilos at naging ganun ang mood hanggang sa makarating na kami sa Palasyo.

Ngayong umaga ay tumulong muna ako sa mga ginagawa nila ate Ylenna sa paglilinis. Kapag nagtatanong naman siya sa naging ganap kahapon ay kinwento ko naman ng buo at halata sa kanya ang pagiging galak sa mga narinig. Ika niya ay tulay na iyon para mapalapit sa magpinsan. Hindi na lang ako nagkomento at patuloy na tahimik lang.

Kapag naiiwan naman ako ay naririnig ko ang ibang tagapagsilbi na pinag-uusapan ako. Hindi maganda ang naririnig ko dahil tulad iyon ng paratang sa akin nina Yessa at Yurika.

Nang makita kong oras na para sa klase ni Master Vinz ay kinuha ko na ang kahon at dumiretso sa silid na gaya pa rin kahapon.

Bago pa ako makabukas ng pinto ay bumukas na ito at bumungad sa akin ang grupo nila Matt. Nagbigay daan sila sa akin at yumuko naman ako saka nilampasan sila. Ramdam ko pa ang titig nila sa akin.

Maingay kaninang pagbukas ng pinto ngunit nang makapasok ako ay biglang nawala. Habang naglalakad ay wala rin akong binigyang pansin kundi yung sa kabilang gilid na walang nakapwesto.

Wala pa rin si Master Vinz kaya siguro wala sila sa ayos.

Kumuha ako ng bakanteng upuan at umupo dun. Pinatong sa mga hita ang kahon na dala at dito lang itinuon ang pansin. Bigla na naman nagsimulang mag-ingay pero halos naririnig ko ang pangalan ko.

"Akala mo kung sino makaasta, tagapagsilbi lang naman."

"Nanalo lang akala kapantay na niya ang Elitian." 

Ang mga salitang iyon ang medyo umibabaw dahil malakas ang pagkakasabi. Mula iyon sa grupo nila Saphira. Nag-angat ako ng tingin sa kanila at binigyan lamang sila ng seryosong tingin. Tinaasan nila ako ng kilay at saka inikutan ng mata.

Napabaling kami sa pintuan nang bumukas ito at pumasok si Master Vinz. Kasama ang Mahal na Prinsesa. Nagbigay galang naman kami rito. Pagkatapos ay lumapit ang nangunguna sa grupo nila Saphira sa Prinsesa at binati ito. Ngumiti ito pero nang lumihis ang mga mata at makasalubong ako ng tingin ay nanlaki ang mga mata nito at nilampasan sina Saphira at patakbong pumunta sa akin.

"Ate Yejin!" Malakas na sambit nito at nang makalapit sa akin ay akma akong yayakapin nang pigilan ko dahil sa may kahon sa mga hita ko.

"Mahal na Prinsesa, may kahon po." Ani ko at napatingin siya rito at bumungisngis.

"Magandang araw. Ngayon ang ikalawang araw ng pagsusulit ninyo at ang nakatakdang maglaban ngayon ay ang mga Aquarian. At narito ang Mahal na Prinsesa upang manood." Si Master Vinz.

"Ate Yejin, pweding pakandong?" Nagulat ako rito.

"Ikukuha kita ng upuan, Prinsesa Thiana." Sambit ko sa kanya at mabilis na kumuha ng bakanteng upuan at inilagay iyon sa malapit sa akin pero iniurong niya ito sa upuan ko. Akala ko ay uupo na siya ngunit kinuha niya ang kahon sa upuan ko at inilagay sa upuan na para sa kanya.

"Upo ka, ate Yejin." Wala naman akong nagawa kundi ang sumunod sa kanya at umupo. Umupo naman siya sa hita ko kaya inilalayan ko siya. Nilingon niya ako at ngumiti sa akin kaya napangiti na lamang ako.

"Nandito ka lang pala, Ate. Tinanong kita kay kuya Terrence kagabi at sabi niya nandito ka daw kahapon pa. Hindi ko man lang napanood ang laban mo." Ngumuso ito.

"Mahal na Prinsesa, pinagtitinginan na tayo." Sambit ko nang maramdaman na sa amin ang tingin ng lahat. Lumingon ito sa nanonood sa amin kasabay ko.

"Nagtataka sila bakit sa akin ka umupo." Dagdag ko pero sumandal pa ito sa akin at hinawakan ang kamay ko para ilagay sa harap ng tiyan niya.

"Dito lang ako, Ate Yejin."

"Ayaw mo sa Mahal na Prinsipe magpakandong?" Mahinang tanong ko. Umiling ito at nakangusong tumingin sa akin. Hindi naman siya mabigat kaya ayos lang sa akin. Kaya lang magdudulot na naman ito ng mas malalang usapan tungkol sa akin.

Nararamdaman ko din ang masamang tingin sa akin ng grupo nila Saphira.

Nang magsimula ang laban ay hindi pamilyar sa akin ang mga tinatawag ni Master Vinz. Kapag may nasusugatan ay agad akong nagpapaalam kay Prinsesa Thiana para tumayo at may aasikasuhin. Tumatabi naman ito sa akin at nanonood sa ginagawa ko. Pagkatapos ay bumabalik kami sa ganung ayos.

"Zainah Daverro at Hestia Vamir."

Dumako ang tingin ko kay Zainah at napansin kong nakanguso ito sa akin. Nagtaka naman ako dito pero nagsabi na lamang ako ng walang boses na galingan niya.

Nang makapunta sila sa gitna ay sabay silang nagpalit ng battle armor. Namangha ako sa battle armor nila pareho. Ang ganda.

"Si ate Hestia. May gusto siya kay Kuya Terrence. Nakaraan ay nakita ko siyang sinundan si kuya sa isang pasilyo." Nilingon ko si Prinsesa Thiana.

"Hindi sila pwedi pero pinipilit niya si kuya." Dagdag nito. Hindi sila pwedi kasi ang dapat ay magmula sa Ician. Kapag naging sila ay magkakagulo.

"Gusto ko si Ate Hestia pero ayaw ko siya para kay kuya."

Napabaling ako sa laban nang makarinig ng pagsabog. Seryosong nakatingin sa isa't isa sina Zainah at Hestia habang sa gitna nila ang pinanggalingan ng pagsabog. Nagpalabas si Zainah ng bolang tubig at ibinato kay Hestia pero nasasalo ito ng sandatang perlas ni Hestia.

Nagpakawala si Hestia ng perlas sa kamay nito at naging bolang tubig ito at patungo lahat kay Zainah. Mabilis namang gumawa ng harang na tubig si Zainah at nagpakawala ng kapangyarihan sa kamay para bumalik kay Hestia ang itinira nito.

Sa palitan nila ng atake ay napapansin ko ang paghinga nila ng malalim tila napapagod na. Pareho sila ng kalagayan ngayon. Masasabi kong pantay lamang ang kakayahan nila pagdating sa paggamit ng kanilang kapangyarihan.

Napalayo sila sa isa't isa matapos sumabog ang kanilang kapangyarihan. Nag-iba ang tayo ni Zainah at pumikit ito. Sa paa niya ay umilaw at may pumaikot na nagliliwanag na tubig. Habang tumataghal ay may lumalabas na mga bula. Si Hestia ay ganun din. Maraming nakapaikot sa kanyang perlas na nagliliwanag. Ang mga ito ay naging isang bolang kapangyarihan nang sabay nilang itapat sa isa't isa ang kanang kamay.

Sabay silang nagpakawala ng kapangyarihan. Hindi ko maiwasang hindi pagmasdan ito dahil sa ganda. Nang magtama ito ay nagdulot ito ng pagsabog na maging ang dalawa ay natakpan. Nang mawala ang usok ay bumungad sa amin ang magkatapat at parehong may nakatutok sa kanila ang kanya kanyang sandata.

"Ang laban ay tabla lamang. Parehong panalo."  Anunsyo ni Master Vinz.

Sabay na napabitaw ang dalawa at napaupo. May mga sugat rin sila at pagod na pagod sa inilabas na kapangyarihan.

Napatingin kami sa lumapit na sina Zanlex at Denver sa dalawa. Tinulungan ni Zanlex si Zainah at si Denver naman kay Hestia. Nang makalapit na sila sa kinaroroonan ko ay tumayo si Prinsesa Thiana at sinamahan akong lumapit sa dalawang sugatan.

Mas malapit sa akin si Zainah kaya ito ang una kong inasikaso. Lahat ng makita kong may galos at sugat ay nilalagyan ko ng tapal na yelo. Ganun din ang ginawa ko kay Hestia.

"Kasabay ng pagkatunaw ng yelong iyon ay wala na rin ang mga sugat at galos ninyo." Sambit ko at yumuko. Nagpaalam ako at tumalikod na para bumalik sa kinauupuan.

"Yejin!" Napalingon ako kay Zainah. Hinihintay ang sunod nitong sasabihin pero dahil matagal ay tumango na lang ako sa kanya maging kina Zanlex at nagpatuloy sa pag-alis.

Pasensya na, Zainah.

*****
-btgkoorin-

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top