Chapter 2

Naniniwala talaga ako sa chain of events. Simula nang maghiwalay kami ni Benny, naging malungkot ako, oo... Umiyak ako, sobra. Namaga ang mata ko, grabe... Pero hindi ako minalas. Pero simula nang makasalubong ko iyong antipatikong lalaking 'yon, nagsimula na rin ang kamalasan sa buhay ko! It was as if he activated the chains of unfortunate events in my life! Sobrang nakaka-shit siya!

Six months na akong minamalas. Six months! Hindi ko alam kung hanggang saan ang aabutin ng pasensya ko.

"Nari, 'yong revisions daw."

Napabuntonghininga ako.

Napakapit sa batok ko dahil sa stress.

"Hala, 'di pa tapos," I said, because that was the truth. Iyong napag-meeting-an namin, sinunod ko naman lahat. Down to the dot, I followed everything... pero ang magaling na client, nang ipakita ko iyong design, nagbago ang isip! Kesyo may napanood daw siya na ganito at iyon daw ang gusto na peg!

Aba, ang sarap tanggalan ng TV! Kung ano-ano ang gustong gayahin!

Umakto pa siya na parang puputulan ako ng ulo.

"Bahala ka. VIP client pa naman 'yon. Yari ka kay boss 'pag 'di umabot sa deadline 'yan," sabi sa akin ni Troy, ka-work ko.

Sabi ko nga, nagsimula na ang mga kamalasan sa buhay ko. Kasi, dapat one year akong magta-travel. Marami akong ipon dahil pinanganak yata akong nagtitipid. Pati si Benny, never akong pinagbayad ng kahit ano no'ng kami pa... Tapos naman, bago mamatay si Papa ay may insurance siya kaya okay na si Mama. Si Sari naman, may educational plan naman 'yong batang 'yon kaya 'di ko na kailangang alalahanin pa.

Ako na lang talaga. Sabi nga ni Mama, kung saan ako masaya, doon ako... Kaso nga ayun, iniwan ko.

Haaay, Nari. Paano makaka-move on kung tuwi na lang, kay Benny at Benny ka babalik?

Dahil hindi natupad iyong travel plans ko, napilitan akong magwork na. Hindi naman kasi ako makapagtravel dito sa Pilipinas dahil lahat na ng sulok ng Pilipinas ay napuntahan namin ni Benny. Alam mo 'yon? Kahit saan ka lumingon, may memories. Kaya minsan nate-tempt ako na mag-abroad na, e. Doon ko yata makakamit ang clean slate na pinapangarap ko.

Kasi dito? Hindi. Malabo. Natatakan na ni Benny lahat... Walang-wala na akong pag-asang makabangon...

Pero kasalanan ko rin naman.

Hindi natupad iyong one year break ko. Hindi pa available iyong gusto kong position sa kumpanya na gusto ko. Nag-apply ako sa lugar na hindi ko gusto. May two-years contract ako kaya hindi ako makaalis...

At ang pinakamasakit, parang nauwi lang sa wala lahat ng g-in-ive up ko.

"Uy, girl! Tulaley ka na naman!" sabi ni Venice, iyong workmate ko na hanggang ngayon, hindi pa rin ako sure kung babae ba siya o bakla. Ang dami niya kasing makukulay na accessories. Hindi ko naman matanong kasi baka ma-offend. Pero curious lang talaga ako.

"Ano, jinijisip na naman si ex? Nako, girl! Wit tayo aabante 'pag laging hashtag throwback Thursday ang peg!" sabi niya habang nag-chu-chew pa ng gum. Akala mo hindi pa nabibigyan ng memo kung makanguya, e.

"Tss. Hindi, 'no. Iniisip ko lang kung paano ko aayusin 'yong project."

"Truly?"

Tumango ako.

"Truly."

She nodded, finally naniwala na rin siya sa akin dahil wala na talaga akong energy na makipagkulitan sa kanya. Naubos na ng work iyong energy ko. The only thing that kept me going was the fact that after a hard day's work, I get to go home and have a good night's sleep.

Iyon na lang talaga.

Just... to sleep.

Na wala ng panahon pa para mag-isip ng kung ano-ano. Iyang mga pesteng what ifs na 'yan.

Sobrang hassle, jusko.

Nang makaalis na si Venice, agad ko nang sinimulan iyong revisions. Hindi ko na mabilang kung pang-ilang revision na 'to. Pamangkin kasi n'ong pinaka-boss iyong nagpapagawa ng bahay kaya sobrang big deal. Hindi ko rin naman kasi alam kung bakit nakita niya iyong portfolio ko tapos sa akin agad binigay iyong project... Kaso nga lang, ang daming revisions. Sobrang hassle tuloy.

Bandang alas-nueve na no'ng natapos ako.

"Sir," sabi ko pagkatapos kong kumatok. "I'm done with the revisions."

"Miss Miranda," sabi niya. "Mr. de Marco wants to meet with you tomorrow. Is it alright with you?"

Napaawang iyong labi ko. Bukas na iyong re-sched ko ng passport appointment ko, e!

"P-po?"

"As you know, he's the nephew of the president of the firm. Bukas lang kasi ang free time niya at minamadali iyong project. Okay lang naman sa 'yo, 'di ba?"

Nagpaalam ako. Two months prior, nagsabi na ako na magli-leave ako bukas. Kasi nga 'di ba kailangan nagpapaalam nang maaga? Ginawa ko naman lahat. Sinunod ko lahat ng protocol pero bakit nangyayari sa akin 'to? Ang hirap naman talagang maging ordinaryong empleyado. Wala kang magawa. Kapag sinabi ng boss na OT, OT ka agad. Kapag sinabi na pumunta, punta agad kesahodang may appointment ka na kailangan mo ring puntahan.

I felt so abused! Wala ba 'to sa labor's code?!

"Ah... sige po."

Shit talaga. Ibig sabihin ba nito, mabubulok na talaga ako sa Pilipinas?

***

Agad kong tinawagan si Venice pagkalabas ko ng building. Gusto kong uminom. Gusto kong maglasing—iyon bang tipong gagapang ako at ang tanging problema na aalalahanin ko na lang ay kung paano ako uuwi?

"Sa'n kayo?" I asked.

"Timog, girl."

"Ha? Ang layo naman!"

Tinawanan pa ako.

"Girl, sawang-sawa na kami sa BGC. New environment naman para pak pak pak para sa ekonomiya! At saka para ibang set of cute guys naman!" sabi niya tapos humagikgik pa ang luka.

Tiningnan ko iyong relo ko. 10 P.M. na.

"Anyway highway, bakit ka nga pala tumawag? G ka na rin ba? Daming alak here! Nanlibre si Joshy baby at iniwan pala ng jowa niya! So hurt hurt for him but fun fun for me and my liver!"

Habang nagsasalita pa si Venice, medyo bumalik ako sa building namin para makasagap ulit ng Wi-Fi. Sa Makati ako nagtatrabaho at masyadong malayo ang Timog. Masyadong delikadong mag-taxi kaya magbu-book na lang ako ng Uber. Hindi naman na masyadong mahal dahil lagpas na sa rush hour at hindi naman Friday ngayon.

A few minutes later, sabi sa app, anumang oras ay nandito na ang SUV. Kaya naman nang may huminto na itim na sasakyan ay lumapit agad ako at binuksan. Sandali lang iyong byahe dahil wala ngang masyadong traffic. Pagdating ko sa Timog, bumaba na agad ako sa bar na sinabi ni Venice. And true enough, ang dami ngang alak!

"Giiiiirl! I missed you!" sabi ni Venice habang yakap-yakap ako.

"Lasing ka na," I pointed out.

Ngumiti siya. Pulang-pula na iyong mukha niya.

"Hehehehe. Daming alak! Tara, inom!" sabi niya at saka hinatak ako papasok. Pagdating namin sa loob, lasing na iyong karamihan sa mga katrabaho namin. Some were just drinking moderately, iyong iba, lasing talaga... Couldn't blame them, though. Sa sobrang stressful ng trabaho namin dahil sa rami ng revisions ng clients, minsan talaga, kailangan naming mag-relax. Dahil kung hindi? Paano kami tatagal?

"Beer or hard drinks?"

"Hard."

"Roger that, ma'am," she said and then got us a bottle of tequila. Nilapit niya sa akin iyong platito na may asin pati 'yong may lemon. I took the initiative to pour myself a shot glass of tequila.

"Aba, ate girl, lavarn lang agad?" she asked.

"Stressed na ako," I said.

"Truly. Feels kasi ni Sir, e one million yata ang sweldo natin kaya kung makapag-utos. Nakakaloka lang talaga!" she whined. "Kaya dahil d'yan, tara let's drink 'til our livers complain!" she said and then cheered with me.

And a few minutes later, I was bawling myself out.

"Hindi ko naman ginusto, e! Hindi naman sa hindi ko na siya mahal... Hindi pa lang talaga ako ready magpakasal. Twenty-one lang ako no'n! Twenty-one tapos ikakasal na ako?! 'Di ba legit naman na natakot ako?!" I said... well, more like cried. "I mean, kahit ngayon nga na twenty-two na ako, ayoko pa rin!"

Tumango si Venice.

"Oo, okay lang 'yan," sabi niya at niyakap ako. "Hindi ka na makaiyak kaya iiyak ako para sa 'yo, Ate Girl. Dead inside ka na yata dahil sa sobrang tindi ng pain!" sabi niya bago siya nagsimulang umiyak nang malakas.

Diretso lang kami. Hindi ko na nga sure kung ano ang iniinom ko. Basta kapag inabot sa akin, iniinom ko agad.

"Gusto kong tawagan si Benny..."

"Go, Ate Girl. Cheer kita," sabi ni Venice. "Go, Nari! Go, Nari!" At literal na ch-in-eer niya ako.

Kinuha ko iyong cellphone ko. Pinindot ko iyong number one. Siya pa rin naman kasi iyong nasa speed dial ko... Wala namang nagbago kahit mahigit one year na ang nakalipas... Para ngang mas lumala lang.

Ringing...

The person you are calling is currently unavailable. Please try your call later.

Tumulo iyong luha. Kaya ko pa palang umiyak. Akala ko, namanhid na ako. Kasi dati... dati isang tawag ko lang sa kanya, sumasagot agad siya. Kahit ano ang ginagawa niya, sasagot talaga agad siya.

Kasi ako 'yong tumatawag.

Pero ngayon...

Sobrang nasaktan ba kita, Benny? Galit ka ba sa 'kin?

"Akin na nga!" sabi ni Venice at saka siya ang tumawag. "Ay, pinatayan ako! Ang sungit naman ni ex!"

Mapakla akong ngumiti.

Baka ako na lang pala 'yong umaasa... Kasi hindi naman niya sinabi na hihintayin niya ako. At saka... kasi ako naman 'yong nang-iwan. Iniwan ko siya kahit hindi naman kailangan. Iniwan ko siya kahit binigay niya naman lahat ng kailangan ko.

Kaya bakit ako nasasaktan? Wala akong karapatang masaktan.

"Alis na ko, ha?" sabi ko at saka kinuha iyong mga gamit ko.

"Paano ka uuwi? Lasing ka na rin kaya."

"Uber," I said. "Pakisabi sa kanila umuwi na ako," I continued though I doubted if they'd notice that I left already. Lasing na rin silang lahat.

Paglabas ko, naupo muna ako sa gutter habang hinihintay iyong sasakyan. My head was pounding and I wanted to vomit and cry and love Benny all at once. Miss na miss ko na siya. Shit siya. Bakit kailangan niya akong mahalin nang sobra? Iyong tipo na hindi ko na kayang magmahal ng iba kasi sobra na iyong pinakita niya sa akin?

Why did he destroy me in such a beautiful way?

I couldn't love anyone but him... Sobra siya. Ang sama niya.

I whipped my phone out and texted him. I would regret this the day after, but I needed this for my sanity. I wanted to tell him what I was feeling... kung gaano kasakit. Kasi sabi niya, kahit maghiwalay kami, friends daw... Hindi siya maghihintay pero friends daw... Tanginang friendship 'yan. Posible ba? Posible ba na bumalik lang kami sa pagiging friends? Kasi minahal ko siya. Mahal na mahal ko pa nga siya, e... Kaya paanong friends? Paano iyong tanginang friendship na sinasabi niya sa akin?! P'wede bang pakibigyan ako ng instruction kung paano ko gagawing kaibigan iyong tao na mahal ko?! Kasi litong-lito na ako!

Parang tanga lang ako na umiiyak habang ginagawa iyong message para kay Benny. Hindi ko na makita nang maayos iyong screen dahil sa patak ng luha ko. Tapos biglang dumating na iyong Uber.

"Good evening po," bati ko sa driver nang makapasok na ako. Muntik pa akong mahulog kasi hindi na ako makakita ng tuwid. What the fuck did Venice make me drink?

"What the fuck are you doing?"

Napatingin agad ako.

"Hala, manong, bakit mo ako minumura? Ibabagsak ko 'yong rating mo!"

Wala na ba talagang manners ang drivers ng Uber? Totoo ba ang mga nababasa ko sa Facebook tungkol sa kanila? Tsk. Wala na yata talagang mapagkakatiwalaan sa mundo. Lahat na lang talaga ng lalaki! Wala nang matino! Kahit si Benny, hindi na siya matino!

"What are you talking about? Bakit ka ba sumakay sa sasakyan ko?" sabi n'ong driver na tunog iritable. Aba, bakit pa siya nag-driver kung ayaw niyang ipagmaneho ang mga tao?!

"Ay bakit ka huminto? 'Di ba Uber ka?"

Biglang bumukas iyong ilaw.

Nanlaki iyong mata ko. S-siya iyong—

"Ikaw?!"

"What?!" sigaw niya pabalik sa akin. "Jesus! Bakit ka ba sigaw nang sigaw?!"

At siya pa! Siya pa talaga ang may ganang magalit sa akin pagkatapos niyang sirain ang buhay ko! Nang dahil sa kanya, hindi ako agad nakarating sa appointment ko. Hindi natuloy iyong one year break ko to heal myself. Napilitan akong magtrabaho sa lugar na hindi ko gusto. Tapos hindi na naman ako makakapunta sa appointment dahil sa lintik na pamangkin ng boss ko.

Tapos makikita ko na naman siya?! Ano ba, universe?! Ano ba ang gusto mong ipahiwatig?! Lasing na nga ako, umiiyak, tapos mukha pa n'ong shit na 'yon ang makikita ko?! Hindi ba p'wedeng mukha na lang ni Benny para naman makapag-heart to heart talk kami?!

"Shit! Why are you hitting me?!" sabi niya no'ng hinampas ko siya ng bag.

"Shit ka! Isa ka ring malaking shit! Kung hindi mo ako inagawan ng taxi no'ng araw na 'yon, hindi ako mamalasin nang ganito! Pinangako ko sa sarili ko na kapag nakita ko 'yang pagmumukha mong shit ka, sasaktan talaga kita!" sabi ko habang patuloy ko pa rin siyang hinahampas ng bag. May nakalagay yata na measuring device sa bag ko kaya sigurado ako na masakit ang bawat palo. Mabuti nga sa kanya!

Pero dahil lalaki siya at biologically superior, napigilan niya rin ako... but not after inflicting damage. Sana kailanganin niya ng MRI dahil hinampas ko talaga iyong bungo niya!

"What the fuck are you talking about! Hindi kita kilala!"

"Puro ka fuck! Hindi ka ba tinuruan ng manners ng nanay mo?!"

Pero hindi na siya sumagot at saka niya binuksan iyong pintuan sa side ko at saka tinulak ako palabas. Aba't! Wala talagang manners 'tong shit na 'to!

"Walangya ka! Bakit 'di mo na lang ako pababain?! Kailangan bang itulak ako?!"

Pakiramdam ko, nabalian ako ng buto dahil tumama iyong pwet ko sa pavement. Huhubarin ko na sana iyong sapatos ko at ibabato ko roon sa shit nang biglang may magsalita sa likod.

"Kuya? What's happening?"

Napalingon ako sa nagsalita. Hindi ko sigurado kung dahil ba lasing ako o talagang sobrang ganda niya at mukha na siyang anghel sa paningin ko.

"Nothing, Imo. Let's go," sabi n'ong shit.

"Are you sure?" sabi n'ong anghel at saka bumaling sa akin. "Miss, are you alright?"

Umiling ako. I felt a stinging sensation on my knee. I scraped it when that shitty human being pushed me! Grabe! Walang manners!

"Tinulak ako n'ong kasama mo!"

"Kuya, bakit mo siya tinulak? Susumbong kita kay Papa!" sabi n'ong babae. Tinulungan niya naman akong tumayo. Ang bango niya. Ang perfect naman ng babae na 'to masyado. "Are you hurt? Do you want us to bring you to the hospital?"

Umiling ako. Marami pa akong kailangang tapusin. Kahit lasing ako, trabaho pa rin ang nasa utak ko.

"Uuwi na ako," sabi ko.

"Oh. Okay... How about we drive you home?"

"Imo!" angal n'ong kampon ng kasamaan.

"As a way of saying sorry, kuya. Why did you push her? She's a girl!"

"She attacked me first!"

"Kahit na, kuya. You should be a gentleman. 'Wag kang nanunulak basta," she calmly said. Bakit nakikipag-usap ang angel sa demonyo? "Anyway, saan ka po namin ihahatid?"

Sinasabi ko iyong address ko pero pakiramdam ko, hindi ko siya natapos sabihin kasi antok na antok na talaga ako... at nasusuka.

Pero kahit nasusuka na ako, alam ko kung nasaan ako.

And because I was sure I was in the asshole's car, tinodo ko talaga ang suka. Kung p'wede lang pati 'yong breakfast ko last week ay ilabas ko—kasama ng lahat ng dumi ng katawan ko—nilabas ko na talaga.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top