CHAPTER 1: I saw you in my dreams
PAALALA: Ang kwentong ito ay likha ng malikot na imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakahalintulad sa totoong buhay ay hindi sinasadya. Naglalaman ang kwentong ito ng mga lantad na salita at eksenang maaaring agresibo para sa ilang mambabasa at hindi naaangkop sa kabataan. Ang pagiging alerto ng mambabasa ay pinapayuhan
UMAALINGASAW ang amoy ng bangkay na nahukay ng mga pulis sa bakuran ng aming kapitbahay.
Napatakip ako ng ilong habang nakatingin sa kaawa-awang bangkay ng isang bata.
Ilang araw na ang nakalilipas nang mawala ang anak ng kapitbahay namin. Iniulat na namin ito sa barangay maging sa pulisya.
Napansin ng aking ama na may tinatabunan ang ama ng bata sa kanilang bakuran. Dahil sa malakas makatunog ang aking ama ay ini-report niya ito sa barangay. Nang sabihin ito sa ama ng bata na si Harry, nagsimula na itong magwala at pagbantaan ang mga lalapit sa kanya. Tumawag naman ng pulis ang aming purok kaya nahuli siya maging ang asawa nitong si Edna.
“Wala akong kasalanan! Hindi ko siya pinatay!” sigaw ni Harry kaya natuon ang atensyon namin sa kanya.
“Walang kasalanan ang asawa ko! Pakawalan niyo siya,” umiiyak na sabi ni Edna.
Napahawak ako sa aking damit habang nkatingin sa kanilang mag-asawa. Pumatay na ang asawa niya, mismong anak niya pa pero kinakampihan pa rin niya. Ano bang meron sa mga lalaki at hindi kayang bitiwan ng ibang mga babae? Parang mauubusan ng lalaki. At tama bang mas kampihan mo ang asawa kaysa sa anak?
Napasinghap ako nang may pumalo sa tiyan ko. Napatingin ako sa gumawa no’n tapos ay sa kamay niya.
Nakatingin siya sa dalawang suspek. Magagalit sana ako kung hindi lang si Cullen ang gumawa no’n. May nakaipit na papel sa daliri niya.
“I-check mo ‘yan. Tingnan mo kung sino ang nagsasabi ng totoo.”
Hinawi ko ang buhok papunta sa likuran ng tainga. Kinikilig na kinuha ko ang papel. Nandon ang pangalan ng mag-asawa, araw at oras, maging ang pangalan ng biktima.
“Love letter ba ‘to? Ang sweet mo naman,” pabebe kong wika.
Ngayon, alam ko na ang sagot sa tanong ko kanina. Maiintindihan ko si Edna kung kasing gwapo at bango ni Cullen ang asawa niya. Kaso, laging lasing iyon at mabaho.
“Tingnan mo nang maigi, ha. Lahat ng detalye, isulat mo rito.” Nag-abot siya ng kulay itim na journal.
“Ano naman ang kapalit?” wika ko sa pabebeng salita.
Napakatagal na panahon na akong nagpapahaging at nagpapapansin kay Cullen—best friend ng kuya ko—pero hindi pa rin niya ako nililigawan.
“Sagot ko na ang dinner sa linggo. Kita tayo sa paborito mong resto.” Hindi siya tumintingin sa akin. Hinawakan niya ang bangkay na ngayon ay inilalagay na sa cadaver bag.
Alam kong inappropriate pero kinilig ako sa sinabi niya. “With kiss?”
Saka ko lang nakuha ang atensyon niya. Hindi ngumingiting tumingin siya sa akin. Kinuha niya ang phone at may idinial. “Silver, ang kapatid mo—”
Agad akong lumapit sa kanya at tinakpan ang kanyang bibig. Nginitian ko siya bago inalis ang kamay ko. “Ito na nga, gagawin na.”
“Pass it tonight, I need to make a report.”
“Hindi mo ba ako sasamahan? Wala kasi si papa, mama at kuya sa bahay e. Baka kung ano ang makita ko.”
“Kaya mo na ‘yan.” Sinimangutan niya ako at nagpatuloy sa kanyang ginagawa.
Ngumiwi ako at umalis na sa crime scene. Wala pa naman ang parents ko sa bahay. Matapos kasi mag-report ni papa ay pumasok na siya sa trabaho. Habang si mama naman ay may gimmick daw sila ng barkada niya. Si kuya naman ay kaaalis lang papunta sa Davao para raw sa meeting nila sa client.
Suspect: EDNA ALEJO, HARRY ALEJO
DEC 8, 2024
Victim: TIM ALEJO
Estimated date and time of death: Nov 28, 2024 8:00 pm
Pumasok ako sa kwarto matapos kong maligo at hinanda ang dalawang bote ng tubig.
Bumuntong-hininga ako na nakatingin sa sa papel. Inipit ko iyon sa ilalim ng unan ko. Humiga na ako at pumikit.
Mayroon akong hindi pangkaraniwang kakayahan. Tanging si Cullen lang ang may alam ng lihim kong ito. Nakuha ko ito simula nang maaksidente ako 10 years ago.
Kaya kong mag-travel sa panaginip. Sa pamamagitan ng paglalagay ko ng papel sa ilalim ng unan, napapanaginipan ko ang nangyari ng araw na iyon. Kung minsan, specific, nagiging ako ang tao. Occasionally lang naman nangyayari.
Nagiging cloudy na ang paningin ko, senyales na, nagsisimula na akong managinip.
Nang idilat ko ang aking mga mata, nasa loob na ako ng bahay ng kapitbahay namin.
Nakita kong binubugbog silang mag-ina ng lasing na asawa.
Hinawakan ko ang aking braso at pinisil iyon para pigilin ko ang sarili. Ang kaya ko lang gawin ay tingnan sila habang nagkakasakitan. Hindi ko kayang baguhin ang mangyayari at wala rin akong balak gawin. Naniniwala akong hindi natin dapat baguhin ang nakaraan.
Napahiyaw ako nang makita na inumpog sa pader ni Harry ang asawa niya. Ilang beses niya iyong ginawa. Samantalang ang kanyang anak ay kumuha ng sapatos at ibinato ito sa ama. Sa pagkakaalam ko, 10 years old pa lang si Tim.
Nagalit si Harry kaya lumapit siya sa bata at inundayan ito ng sunud-sunod na suntok hanggang sa manlupaypay ang bata. Napansin din ata ng ama na nawalan nang malay kaya itinapat nito ang daliri sa ilong ng bata. Tila nataranta ito at napatayo.
Lumapit si Edna sa anak at tinatanong ang lalaki kung ano ang ginawa nito sa bata kahit naman nakita na niya. Niyakap ni Edna ang anak at pinilit gisingin pero hindi na ito magising. Sinabi nitong isugod nila ang bata sa ospital pero tumanggi ang lalaki at baka raw ay makulong siya. Binantaan niya si Edna na papatayin kapag nagsumbong ito.
Sinubukan ni Edna na linisin ang mga dugo at sugat ng bata at humihiling na sana ay tulog lang ito ngunit habang pinupunasan ay naramdaman niyang lumalamig na ang katawan nito. Sumigaw siya kay Harry na nagpatuloy sa pag-inom na parang walang nangyari.
Nataranta ang lalaki at lalong binantaan si Edna na manahimik kundi ay papatayin rin niya ito. Napag-isipan niyang ilibing ito sa kanilang bakuran.
Nag-fast forward ang senaryo at tumalon ito sa araw kung kailan iniulat ni Edna na nawawala ang kanyang anak. Sinubukan nilang hanapin ito ngunit hindi talaga nila mahanap.
Itinapon ni Harry ang damit ng anak sa may creek.
Umulan pagkakinabukasan. Matapos umulan ay napansin ni Harry na tila may nakalitaw na bahagi ng katawan ng anak kaya tinabunan niya ito. Doon na napansin ni Papa ang ginagawa ni Harry kaya tinanong niya si Harry kung anong ginagawa. Ang sabi nito’y nagtatanim lang.
Napaupo ako sa nakita. Hindi ito ang unang bagay na nakakita ako sa panaginip ng ganitong pangyayari pero ito ang unang beses na tila napapagod at nauuhaw ako. Parang gusto ko nang gumising.
“Kawawa naman pala ang sinapit niya.”
Nag-angat ako ng tingin. Nakita ko ang isang lalaki na nakatingin sa katawan na hinuhukay ng mga pulis. Nakasuot siya ng eyeglasses, matangos ang ilong, may pagka-nerdy type ang aura. Nakasuot siya ng while long sleeves at nude color na pantalon.
Pinatunog niya ang dila. “Gano’n talaga ang buhay. Tsk. Tsk.”
Tumayo ako para lapitan siya. Napansin naman niya ako. Nginitian niya ako at itinuro ang bahay.
“Malas talaga ang bahay na ito. Base sa research ko, pang-apat na silang tumira rito at ang bawat tumitira, either nababaliw, nagpapakamatay at ito, pumapatay.”
Inalala ko ang kwento ng mga kapitbahay namin bago kami lumipat sa bahay namin ngayon. Lagi nga raw maingay ang bahay na ito dahil laging may nag-aaway pero hindi nila sinabi na may nagpakamatay na roon.
“Sandali, sino ka?” tanong ko sa kanya. “Hindi kita kilala.”
“Uhm. Sabihin na lang nating napadaann lang ako. I’m Justin Asher Medina.” Naglahad siya ng kamay na inabot ko naman.
“I’m Mirari Keiko Ramirez.” Gumanti ako ng ngiti sa kanya.
Dumating na ang mga pulis. Agad na nakita ko si Cullen. Sinubukan ko siyang tawagin kahit alam kong hindi niya ako naririnig.
Nahagip ng aking tingin ang batang dumaan sa harapan ko. Lumapit siya kay Justin at naghawak-kamay sila. Napansin kong si Tim iyon. Kumaway pa siya sa akin ng nagpapaalam.
Sandali, nasa ibang dimension na ba ako? Bakit buhay na buhay si Tim at Justin sa panaginip ko?
“Ate Mirari, ikaw na ang bahala sa akin, ha?” wika ni Tim. “Tulungan mo akong makuha ang hustisya. Tulungan mo rin si mama.”
Hindi ako kaagad nakaimik. Ito ang unang beses na may kumausap sa akin. Hindi ko magawang kumilos.
“Hindi niya magagawa iyon, Tim. Patay na rin siya gaya mo,” nakangiting sabi ni Justin. Napatingin sa akin si Justin at nawala ang ngiti sa labi niya. Tila may nakita siyang bagay sa akin na ikinagulat niya.
“Sino ka? Wala akong kilalang Justin sa lugar namin.” Sa wakas ay nakabigkas ako ng salita.
“Sino ka rin? Paano ka nakapunta rito?”
Lumiwanag bigla ang paligid. Sa sobrang pagkasilaw ko ay napaupo ako sa sahig.
Habol ang hiningang bumangon ako. Sunud-sunod ang paghinga ko at agad kong hinagilap ang tubig na hinanda ko.
Painom na sana ako nang mapansin na tila hinila ko ang isang kamay. Napatingin ako sa gilid at nakita na naroon si Cullen. Tumikhim siya kaya kumalma ako. Mabuti na lang may kasama ako sa loob. Bigla akong naginhawaan. Alam ni Cullen ang password ng bahay namin. Ganoon siya pinagkakatiwalaan ng pamilya ko.
“Okay ka lang ba?” tanong niya.
Nilagok ko ang isang bote ng tubig bago sumagot. “Akala ko hindi ka pupunta. Okay lang ako.”
“Sabi mo kasi wala kang kasama.”
Kikiligin na sana ako kung hindi ko lang naalala ang misteryosong lalaki sa panaginip ko.
Kinuha ko ang itim na journal. Isusulat ko sana ang napanaginipan ko pero nandito naman siya kaya sasabihin ko na lang sa kanya.
“Si Harry ang pumatay sa kanya. Binantaan niya lang ang asawa na papatayin kaya sumunod lang ito sa utos. Itinapon niya ang damit ng bata sa may creek. Walang weapon. Namatay siya dahil sa mga suntok at untog na ginawa ng kanyang ama.”
“Kung gano’n, wala tayong concrete evidence na magdidiin sa kanya.”
“Mayron. May nakita akong ginawa ni Edna. Ini-record niya ang paglilibing sa bata. Inutusan siyang gamitin ang cellphone bilang flashlight pero naka-video pala ito. Kailangan mong mahanap ang phone ni Edna. Hindi ko iyon nakita sa panaginip ko.”
Tumayo si Cullen at tinapik ako sa balikat. “Salamat. Pahinga ka na.”
Sinamantala ko ang pagkakataon at hinawakan siya sa braso. “Sandali lang. Tuparin mo pangako mo ah.”
“Oo na.”
“May isa pa akong request.”
“’Yong kiss? Hindi ko ibibigay iyon sa ‘yo.”
“Hindi. Mayroon kasing nangyari sa panaginip ko. May nakausap ako sa unang pagkakataon. Justin daw ang pangalan niya. Pwedeng alamin mo kung may kilala silang mag-asawa na ganoon ang pangalan?”
HINDI ko napansing nakatulala pala ako habang kumakain. Narinig ko na lang na tinawag ako ni Cullen.
“Kumain ka na. What’s happening to you?”
Pinaglaruan ko ang tinidor at itinusok iyon sa karne.
“Iniisip ko pa rin kasi ‘yong lalaki sa panaginip ko.”
“Mirari,” wika niya na ikinatingin ko. “Wala silang kilala na Justin base sa kanilang mag-asawa. Hindi ko rin siya makita sa data base kung first name niya lang ang mayroon ka. Hayaan mo iyon, baka guni-guni mo lang.”
“Totoo siya, Cullen. Sinabi niya pa ngang patay na ako—”
Napahinto ako nang ibagsak ni Cullen ang kubyertos niya. Tumingin siya sa akin na parang may sinabi akong masama. “Really? Pag-uusapan natin iyan habang kumakain? Buhay na buhay ka, Mirari. Don’t even say you’re dead. Kalimutan mo ang Justin na iyon. He’s not even real.”
Ipinagpatuloy ko na lang ang pagkain. Tutal, minsan lang itong mangyari, ‘yong ilibre ako ni Cullen at sabay kaming kumain. Gusto ko sanang kiligin ang kaso ay kada tatanungin kami kung magka-date kami ay sinasabi niyang magkapatid kami. Hindi ko alam kung kapatid lang turing niya sa akin o kapatid kong lalaki ang gusto niya.
Pinag-usapan na lang namin ang mangyayari sa kaso ng pamilya. Nakuha na raw nila ang cellphone ni Edna. Binura nito ang video ngunit hindi pa tuluyang nawala. Naka-stuck lang ito sa trash bin storage ng phone kaya na-retrieve pa nila. Nalaman nilang lulong sa pinagbabawal na droga si Harry kaya dinala siya sa psychiatrist. Bukas pa niya malalaman ang resulta. Pupuntahan niya raw ang doktor.
Isang detective ng investigation unit si Cullen Jeff Salazar. Matalik siyang kaibigan ng kuya kong si Silver.
Simula nang mapanaginipan ko si Justin, ilang beses kaming nagkikita sa dream world pero sa tuwing lalapitan ko siya ay tumatakbo siya palayo.
May isang senaryo pa na nakaupo ako sa couch at lumapit siya, saka naman naglapat ang labi namin. Kapag naiisip ko iyon nandidiri talaga ako. Hindi ang mga katulad ni Justin ang tipo ko lalo pa at hindi naman siya totoong tao.
Paulit-ulit ko siyang tinatanong kung bakit niya kinuha si Tim pero tumatakbo siya at naglalaho.
Pagkagising ko ay hindi ko rin maalala ang mukha niya kaya hindi ko ma-describe sa kaibigan ni Cullen na sketch artist.
Matapos naming kumain ay inihatid ako ni Cullen sa amin. Naabutan namin si Kuya Silver na may tinatapos na trabaho. Ngumingiti at palabiro si Cullen kapag sila ang magkausap ni Kuya.
“Wow, sanaol nginingitian ni Cullen.” Napatigil sila sa pagtatawanan nang magsalita ako. Nasa sala kami. Nanonood ako sa TV habang sila ay nagkukuwentuhan. “Samantalang ako laging sinusungitan. Magjowa yata kayo e. Sabihin mo na, Cullen para hindi na ako umasa.”
Tinawanan ako ni Kuya na nagtitipa pa rin sa laptop niya.
“Tanggapin mo na kasi na hindi ka magugustuhan ng KUYA Cullen mo.”
Napasingkit ako ng mata nang ipagdiinan niya ang salitang kuya. Dalawang taon lang naman ang tanda nila sa akin. “Nakakatampo.”
“Ikaw nga e. Kumakain tayo pero ibang lalaki ang gusto mong pag-usapan,” wika ni Cullen.
“Ow.” Tumigil sa pagtipa si Kuya Silver. “I smell lover’s quarrel. May third party na ba?” Tumawa si Kuya bago nagpatuloy sa ginagawa.
“Hoy, alam mo naman kung bakit ko siya tinatanong sa ‘yo,” pagtatanggol ko sa sarili.
“Sinabi ko na rin naman na hindi siya nag-e-exist.”
Napayakap ako sa throw pillow. Sobrang curious ko talaga sa lalaking iyon. Napa-research nga rin ako. Kung matatandaan ko lang sana ang buong pangalan niya.
“Sino ba ‘yan? Baka kilala ko. Sabagay, sa totoo lang, bro, mas magkaka-third party ka pa kaysa sa kapatid ko. Alam mo namang patay na patay ‘yan sa ‘yo.”
Nginiwian ko siya. Hinablot ko ang remote at naglipat-lipat ng channel. Napahinto ako dahil sa nakita kong lalaki sa commercial.
Hindi ko alam kung bakit tinitigan ko siya.
“Tumutulo laway mo!” sigaw ni Kuya sa akin kaya natauhan ako. “Basta talaga abs natutulala, e. Sapatos ang minomodel niyan hindi katawan.”
Base sa commercial, naka-feature ang lalaki iyon na bukod sa pagiging model ay musician at real estate owner pa.
Hindi ko maiwasang mapatingin sa mukha niya. Parang kilala ko siya na hindi.
Nabitiwan ko ang remote nang makita ang pangalan niyang nag-flash sa screen.
“Justin Asher Medina”
Model/Real Estate owner/Musician
“Grabe, ang astig talaga ni Justin. Siya ang bago naming client. Parang ikaw iyan, Cullen. Tipid lang magsalita,” narinig kong sabi ni kuya.
“Mas gwapo naman ako dyan,” biro ni Cullen.
Biglang nag-sink in sa utak ko at na-refresh ang mga panaginip ko.
Agad akong lumingon kay Cullen. “Cullen, that’s him.”
Napatigil siya sa pagngiti nang sabihin ko iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top