ILYS 30: Proof
Siya si Gab.
"Paano?" Tanong ko sa kaniya. "Akala ko si..." Umasa ako. Shet lang.
Ang tahimik ng mga kasama namin. Walang kumikibo sa kanila. Kanina lang, excited silang papuntahin kami dito sa Azotea tapos ngayon, bakit parang ang awkward ng katahimikan nila?
Sumenyas si Ed sa mga kasama namin na sumunod sa kaniya. Tinapik ni Ed yung balikat ko. "Maiwan muna namin kayo." Poker-faced na sabi niya. Sumunod naman sa kaniya sina JB at Ian. Dumeretso na sila sa staircase.
"Bababa na rin kami. Basta kung may kailangan ka, sigaw ka lang ng Darna!" Bulong ni Eros sa'kin. Tapos tiningnan niya muna si Kenneth na may "ingatan-mo-tong-bestfriend-ko-kundi-lagot-ka-sa'kin" look. Sumunod na rin si Eros kina Ed. Mukhang ayaw pa 'kong iwan ni Ella. Hinawakan ni Eros yung kamay ni Ella para hatakin paalis. Tapos kami na lang ni Kenneth yung naiwan dito.
Umupo si Kenneth sa stool na nasa harap ng mini bar ng Azotea. Sumenyas naman si Kenneth na umupo ako sa tabi niya.
"Ang ganda ng sunset, 'di ba?" Nakatingin siya sa papalubog na araw. Totoo. Ang ganda nga ng sunset. Pero may bagay akong gustong pagtuunan ng pansin ngayon bukod sa sunset na iyon.
"Paanong ikaw si Gab?" Tiningnan niya ako. Na-gets ba niya yung tanong ko?
"Ebidensiya bang hanap mo?" Tanong niya sa'kin? Um-oo ako.
"San galing yung Gab? Kenneth pangalan mo 'di ba?" Usisa ko.
"Sa surname ko. Gavino 'diba? Gab tawag sa'kin nung mga kaklase ko sa dati kong school. Gavino. Gavs. Gav. Gab. Yon!"
"Ahh. Okay. O tapos?"
"Tapos ano?"
"Kwento ka pa. Patunayan mo sa'king ikaw si Gab."
"Kailangan pa ba 'yon, prinsesa kong mahilig sa isaw, marshamallow, at kay Pikachu?"
"Oo. Stalker!" Tinawanan niya 'ko.
"Hindi nga kasi stalker. Admirer nga kasi!" Tapos ngumiti siya. Asset niya talaga yung ngiti niya. Ang cute. Geez. Erase Erase! "Naalala mo yung sa library noon?" Kumunot ang noo ko. Inaalala ko kung anong meron. "Yung binigay mo yung paper crane kay JB."
"O 'yon! Tapos?"
"'Di ba inaalam ko kung kanino galing 'yon?" Naalala ko na. Inalam nga ni Gab sa chat kung sino yung nagpapabigay kay JB ng crane. Pero gusto ko pa ng ibang ebidensya.
"Yung Pikachu." Sabi niya.
"Sa'yo galing 'yon." Kumpirma ko.
"Pinaabot ko kay Ian." Tapos biglang pumasok sa utak ko yung sa Jail booth dati matapos akong iwan ni Ed noon. "Sabi ko kay Ed, wag siyang aalis sa jail booth para may kasama ka. Hindi rin kita pina-pyansahan sa kaniya kasi sabi ko, akong gagawa non. Kaso naunahan ako ng hiya. Kaya pinabigay ko na lang kay Ian yung dapat ako yung magbibigay sa'yo."
"Ah!" Hindi ko alam kung anong dapat sabihin. Hinayaan ko na lang siya na magkwento pa.
"Eh yung kumakain ka mag-isa sa canteen tapos puro chichirya yung kinakain mo? Naalala mo?"
"Oo."
"Tapos ang dami mong tanong sa'kin kung ilang taon na ko, kung matangkad ba 'ko. Natutuwa ako kasi curious ka sa'kin." Tapos ngumiti siya. Kainis. Wag nga siyang ngumiti nang ganiyan. Nadi-distract ako. Kailangan ko pa ng ibang ebidensiya.
"Okay. Continue." Para yata akong prosecutor nito.
"Yung marshmallows na akala mo may lason tapos binigay mo kay Eros." Nalungkot yung mukha niya sa sinabi niya. "Medyo na-disappoint ako noon kasi para sa'yo 'yon. Pero inisip ko na lang, siguro hindi ko pa nakukuha yung tiwala mo kaya okay lang. May pagkakataon naman akong bigyan ka pa ulit."
"Pero paano mo nabuksan yung locker ko?"
"Skills. Hahahaha secret ko na 'yon. Gusto mo ba ng mallows?" May plastic siyang kinuha sa mini bar tapos ang daming marshmallows. Binigay niya yun sa'kin. Tapos habang nagkkwento siya, kain ako nang kain.
"Actually, nanghinayang nga ako sa marshmallows na binigay ko kay Eros. Pero keri lang. Wala pa talaga akong tiwala kay Gab noon. I mean, sa'yo. Okay. Continue."
"Hindi pa ba sapat na katunayan 'yon, prinsesa ko?" Umiling ako habang ngumunguya ng mallows. "Okay. Sige. Yung sa gig namin sa bistro. Aamin na dapat ako sa'yo no'n. Naunahan na naman ako ng hiya. Hindi ko nagawa."
"Torpe ka pala in person." Napakamot siya ng ulo niya. Tapos umiling na napakagat-labi pa. "Pero sa chat, sobrang lakas ng awra mo ah." Geez, marshmallow is life. Kain lang ako ng kain. Kukuha sana siya ng isa kaso tinapik ko yung kamay niya. Tumawa siya kaya natawa na rin ako. Napilitan tuloy akong bigyan siya.
"Tama ka. Napaka-duwag ko nga talaga. Dinaan na nga kita sa teddy bear, chocolates, at roses pero hindi pa rin ako nagpakilala."
"Ah yon! Oo. Naaalala ko yung post-valentines na'yon. Thank you ah."
"You're welcome!" Kumakain na rin siya ng marshmallows. "Eh yung sa field trip? Naalala mo?"
Yung nag-text si Gab! Akala ko si Ian 'yon. Kasi ang weird ng mga kilos niya. Pero si Kenneth pala 'yon. Marami talagang nabibiktima ang maling akala.
"Oo." Sagot ko.
"Nagseselos ako no'n."
"Ha?"
"Kay Ian."
"Bakit?"
"Basta. Ayoko nang isipin."
"Okay." Yan na lang nasabi ko. Pero mukhang alam ko na kung bakit.
"Eh yung pinapunta kita sa gym ng school kasi nagmumukmok ka dahil pinagti-trip-an ka nung mga babaeng schoolmates namin? Naalala mo?"
"Oo. Yung naabutan ko kayo ni Ian do'n."
"Dun ko nalaman na may gusto ka kay Ian."
"Wala akong sinabi." Deny pa, Lee.
"Pero kita ko. Ramdam ko." Sobrang transparent talaga ni Kenneth. Alam ko kung nalulungkot siya, kung masaya siya, kung galit siya, o kung ano pang emosyon ang nararamdaman niya. Hindi kagaya ni Ian. Sobrang tahimik niya. Tapos magugulat na lang ako dahil bigla biglang humahaba yung mga linyahan niya. Ang hirap niyang basahin. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isip niya. "Parang ngayon. Iniisip mo bang si Ian si Gab?"
Buong akala ko si Ian at si Gab, iisa. Tama si Kenneth, gusto ko si Ian. Pero gusto ko si Gab, knowing na si Gab nga si Ian. Pero shet lang. Ngayong alam ko nang si Gab si Kenneth, naguluhan ako. Gusto ko si Gab kasi concerned siya sa'kin, kilalang kilala niya 'ko, alam niya kung paano ako papakalmahin at papasayahin. Hindi ko man siya mabigyan ng kongkretong representasyon sa utak ko, iniisip ko, si Ian siya. Maling mali pala 'yon. Hindi dapat ako nag-assume. Ayan. Nai-stress ang dati kong payapang pamumuhay.
"Sa tingin ko, iniisip mo ngang siya si Gab." Patuloy ni Kenneth. "Hindi rin naman kita masisisi. Hindi ako nagpakilala agad e. Kaya nga nung nalaman kong gusto mo siya, nagdesisyon akong ipakita ko na nang harapan sayo na gusto kita. Nililigawan na kita. Pero mukhang matimbang talaga sa'yo si Ian – o kahit si Gab – kaysa sa'kin. Kaya heto. Nagpakilala na 'ko. Na-disappoint ba kita?"
"Alam ni Eros na ikaw si Gab?" Tanong ko, umaasang makaiwas sa tanong niya. Ayoko muna siyang sagutin.
Nagkibit-balikat lang siya.
Nagkwentuhan muna kami ni Kenneth tungkol sa kung ano-anong bagay. Pilit kong nilalayo yung topic namin sa panliligaw niya sa akin at kay Ian. Basta. Ayoko munang pag-usapan. Maya-maya, lumapit na si Eros sa'min.
"Uwi na daw tayo. Nasa baba na si Kuya Marc."
Nagpaalam na 'ko kay Kenneth. Pati kina JB, Ian, at Ed na wala pa ring imik.
***
Matutulog na sana ako nang may marecieve akong text mula kay Gab.
Gab
Masaya ka bang kilala mo na kung sino ako?
Yan din yung tanong ko sa sarili ko. Masaya nga ba ako? Noon ko pa gustong malaman kung sino siya. Pero ngayong alam ko na, ewan ko. Ba't 'di ko feel?
Gab
Kalimutan mo na 'ko, Lee.
Lee
Ha?
Gab
Burahin mo na 'ko sa isip mo. I mean si Gab. Mag-focus ka na sa totoong ako. Goodnight, prinsesa ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top