Kabanata 8
[Kabanata 8]
Oplan Tigil Kasal!
FIRST, para mailigtas si Juanito, kailangan hindi matuloy ang kasal. Ang isa sa mga paraan para matigil ito ay kailangang maging close si Juanito at Helena. Mukhang hindi naman ako mahihirapan dahil pareho silang may feelings sa isa't isa.
Second, kailangan ko maka-isip ng idadahilan kay Don Alejandro at Don Mariano para hindi na nila ipagpilitan pa ang arrange marriage na 'to. Kaya lang, wala pa akong maisip.
"Malalim na ang gabi. Bakit hindi ka pa natutulog?" nagulat ako nang marinig ko ang boses ni Josefina. Hindi ko namalayan na nakapasok na pala siya sa kwarto at ngayon ay sinisilip niya ang sinusulat ko sa diary.
Agad kong sinara ang diary, "Aking nabasa ang pangalan ni Juanito. Ano ang isinulat mo tungkol sa kaniya?" kantyaw ni Josefina saka sinagi ako.
"W-wala. Wala namang nakasulat na pangalan niya rito. Bakit ko naman gagawin 'yon?" pagtanggi ko. Inilagay ko na sa drawer ang diary saka humiga sa kama. Tumango-tango na lang si Josefina pero nakangisi pa rin siya. "O'siya, paniniwalaan ko ang iyong sinabi" saad niya, bakas sa mukha niya na pinagdududahan niya ang sinabi ko.
Nagtaklob na lang ako ng kumot. Pinatay na niya ang sindi ng lampara saka lumabas ng kwarto.
KINABUKASAN, pinatawag ako ni Doña Soledad sa silid-aklatan ng bahay. Hindi naman ako naligaw dahil naisama na ako roon ni lola Carmina. Naabutan ko si Doña Soledad na abala sa pagpapatong-patong ng mga libro sa mesa.
Ngumiti siya sa'kin nang makita ako, "Iyo na bang natapos ang lahat ng aklat na binabasa mo, anak?" tanong niya. Napalunok na lang ako, ano bang pinagbabasa ni Carmelita? Hindi naman ako mahilig magbasa ng libro.
"Opo?" sagot ko, maging ako ay hindi siguardo sa sinabi ko. "Siya nga pala, ang mga aklat na ito ay mula sa iyong tiya Rosario, para sa iyo raw ang lahat ng ito" ngiti niya, napatulala ako sa mga librong nakapatong sa mesa. Ang kakapal. Ang daming libro, at dahil diyan, ang dami ring problema. Paano ka babasahin 'yan? Halos nakasulat sa wikang Kastila ang mga librong iyon.
"Ikaw ba ay hindi nagagalak, Carmelita?" natauhan ako sa tanong ni Doña Soledad. Napansin niya siguro na namomoblema na ako kung anong sasabihin ko sa oras na may magtanong kung nabasa ko na ba mga librong iyan.
Ngumiti na lang ako kahit pilit, pinagpapawisan na naman ako. "Ang saya-saya ko po talaga" ngiti ko. Kulang na lang ay bigyan ako ng jacket ni Doña Soledad.
Nagsimula siyang humakbang papalapit sa'kin, nararamdaman ko na may sasabihin na naman siya na tanging si Carmelita lang ang makakasagot. Kailangan ko nang um-exit dito.
"Ah. Ina, pupuntahan ko lang po si tiya Rosario para magpasalamat" paalam ko. Nagtaka naman ang hitsura ni Doña Soledad.
"Ngunit nasa Laguna ang iyong tiya Rosario, pinadala niya lang ito rito. Iyo na bang nakaligtaan?" muli akong napalunok.
"A-ang ibig ko pong sabihin, susulatan ko po siya. Babalik na po ako sa kwarto ko" ramdam ko ang pawis na tumutulo ngayon sa noo ko. Ngumiti nang malumanay si Doña Soledad, "Marapat lamang na ipaabot mo sa kaniya ang iyong pasasalamat. Huwag mo ring kaligtaang pasalamatan ang Panginoon sa mga biyayang ipinagkakaloob niya sa iyo"
KINAGABIHAN, habang nag-hahapunan kami, nagpaalam ako kay Don Alejandro na pupunta ako sa bahay nila Juanito pero hindi siya pumayag dahil gabi na. Gabi na rin kasi siya umuwi kaya hindi ako nakapagpaalam agad. Hindi pa naman din uso ang cellphone ngayon, tinext ko na lang sana si Don Alejandro kanina para maaga akong nakaalis.
Nakahiga na ako ngayon sa kama at tulala sa kisame. Naiinip na ako, eight o'clock pa lang ng gabi pero oras na ng pagtulog. Napalingon ako sa pintuan nang marinig ko ang boses ni Theresita.
"Binibini, ipinahatid po ng inyong ina rito ang mga aklat na ito upang mabasa niyo na raw po" sabi ni Theresita saka inilapag sa mesa ang mga libro. Napabuntong-hininga na lang ako.
"May kailangan pa po ba kayo, binibini?" tanong ni Theresita. Nakatayo na siya ngayon malapit sa pinto. Hindi ko alam pero parang biglang may brilliant idea ang pumasok sa utak ko.
"BINIBINING Carmelita, nakatitiyak po ba kayo sa gagawin niyong ito?" bulong ni Theresita na halatang kinakabahan. Narito kami ngayon sa tapat ng bintana ng kwarto ni Juanito. Nakita ko siya kanina, nakatanaw siya sa bintana kaya alam kong kwarto niya ito. Hindi rin kami nahirapan makapasok sa hacienda Alfonso dahil naalala ko ang sikretong daan na pinakita sa'kin noon ni Juanito.
"Wag mo banggitin ang pangalan ko, baka may makarinig sayo" suway ko kay Theresita, halatang nanginginig siya habang hawak ang lampara. "Oo. Sigurado ako rito, walang makakapigil sakin" patuloy ko sabay ngiti sa kaniya. Hindi siguro talaga siya sanay gumawa ng bawal.
Medyo mahirap akyatin ang bintana ng kwarto ni Juanito dahil mataas ito. "Binibini, mag-iingat po kayo" pabulong na saad ni Theresita. Isinampa ko na ang paa ko sa bintana saka dumungaw sa kaniya sa ibaba, sumenyas ako sa kaniya na okay lang ako.
Inilibot ko ang mga mata ko sa loob ng kwarto ni Juanito. Infairness, malinis at maayos ang mga gamit niya. Marami ring makakapal na libro sa bookshelves. Napukaw ng atensyon ko ang mga inukit sa kahoy na mga hayop. Parang ganito ang mga nakikita ko sa souvenir shops.
"S-sino ka?" nagulat ako nang marinig ko ang boses ni Juanito sa likuran ko. "S-sandali! H-huwag kang lilingon!" patuloy niya. At dahil hindi ako masunurin, lumingon ako sa kaniya.
Laking-gulat ko nang makitang nakahubad siya. May puting towel lang na nakabalot sa pang-ibaba niya. Mukhang kakatapos niya lang maligo dahil basa pa ang buhok niya.
"Carmelita?" gulat niyang tanong, naistatwa na siya sa kinatatayuan niya "P-paano ka nakapasok..." hindi na niya natapos ang sasabihin niya nang ma-realize niya na nakahubad pa pala siya. Nagmadali siyang magbihis.
"Ah! 'Yon ba? Dumaan ako sa bintana" sagot ko sabay turo sa bintana. Hindi naman siya ngayon magkamayaw sa pagbibihis. Nang matapos siyang magbihis, agad niyang ni-lock ang pinto at isinara niya rin ang mga bintana.
"Paano kung nahulog ka sa bintana?" seryoso niyang sabi, pero mas mahina na. "Keri ko naman umakyat" sagot ko na halukipkip.
"Ano bang ginagawa mo rito? Baka ikaw ay mahuli nila ama. Paano ka nakatakas sa inyo? Malabong payagan ka ni Don Alejandro dahil malalim na ang gabi" sunod-sunod niyang tanong. Gusto ko sanang sabihin na eight p.m pa lang, kakatapos pa lang ng news sa TV sa ganitong oras. Aabutin pa ako ng hatinggabi sa paggamit ng internet.
"Chill ka lang" sabi ko sa kaniya, hinawakan ko ang magkabilang balikat niya, mas lalong nanlaki ang mga mata niya at napatingin siya sa kamay ko na nasa balikat niya. Agad kong binawi iyon nang maalala ko na hindi ko nga pala dapat siya hawakan.
Naglakad-lakad na lang ako sa loob ng kwarto niya at isa-isang inusisa ang mga gamit. "Una, kaya ako narito ay dahil may importante akong sasabihin sayo" panimula ko, binuklat ko ang isang makapal na libro na sa palagay ko ay pang-medisina. Sinara ko na lang ulit at binalik sa mesa dahil hindi ko naman maintindihan.
"Pangalawa, hindi ako mahuhuli ng tatay mo dahil magaling ako" patuloy ko saka pinagpagan ang aking kamay. Pinagmagsdan kong mabuti ang isang hugis aso na inukit sa kahoy. Bakit parang kamukha nito ang aso niyang si Sampaguita na may galit sa'kin?
"Pangatlo, sabi nga nila, kung gusto may paraan, kaya nagawan ko ng paraan makatakas sa'min" dagdag ko saka naupo sa kama niya. Napansin ko na hindi ito kasing-lambot ng kama ko. Nakasuot siya ngayon ng puting kamiso at puting pantalon. Para siyang nasa commercial ng Tide.
"A-ano ba ang ibig mong sabihin sa akin? Bakit hindi mo na lang ipinagpabukas?" tanong niya, medyo kumalma na siya ngayon. "Kailangan mo nang malaman. Ayokong masayang ng oras at hindi rin ako makatulog ang aga pa kaya. Sobrang nakakainip pa sa bahay" reklamo ko saka humiga sa kama, parang sumakit ang likod ko sa pag-akyat ko kanina sa bintana.
Pagtingin ko kay Juanito, tulala siyang nakatingin sa'kin. Naistatwa siya ngayon sa kinatatayuan niya. Umupo na lang ako, baka nandidiri siya kasi ang dumi ng paa koo. Ang arte naman ni Juanito.
Napatigil ako nang maalala ko na conservative nga pala ang mga tao dito! Agad akong tumayo. Baka iniisip niya na inaakit ko siya ngayon!
"N-nakainom kasi ako kaya heto padalos-dalos" saad ko saka ngumiti. Nagulat ako nang maglakad siya papalapit sa'kin.
"Hindi ka naman amoy serbesa" saad niya, inamoy niya ba ako? Hindi pa ako naliligo ngayong gabi. Nakakahiya.
Agad akong gumilid at naglakad papunta sa bookshelves. Kailangan kong ibahin ang usapan. "Nabasa mo na rin pala ang Noli Me Tangere" saad ko saka kinuha ang libro. Hindi ko maalala ang kwento dahil hindi namana ko interesado makinig sa teacher ko noong high school.
Nagulat ako nang sumunod siya sa'kin, kinuha niya sa kamay ko ang libro at inilagay iyon sa drawer na para bang itinago niya ito at hindi pwedeng makita ng sinuman. "Carmelita, ano ba ang iyong sadya rito?" medyo seryoso na siya. Nauubos na siguro ang pasensiya niya sa'kin.
Napahinga na lang ako nang malalim, "Alam ko namang hindi mo rin gusto ang kasal na 'to kaya magtulungan na lang tayo para hindi matuloy ang kasal" sabi ko, nakatingin lang sa akin si Juanito. Mukhang hindi siya convinced sa sinabi ko.
"Paano mo naman nasabi na labag sa aking kalooban ang kasal na ito?" tanong niya. Napansin ko na ang lalim pala ng adam's apple niya.
"May napupusuan kang iba, hindi ba?" saad ko saka naglakad papunta sa mesa kung saan nakalagay ang mga nakaukit na sa kahoy na mga hayop. "Tutulungan ko kayo ni Helena" patuloy ko, hindi naman siya umimik.
"May gusto rin sayo si Helena" dagdag ko. Alam kong hindi tama na binulgar ko 'yon pero kailangang mabuhayan ng pag-asa si Juanito na may pagtingin din sa kaniya si Helena.
"Mahalaga sa mga pamilya natin ang kasal na ito. Hindi ko ibig suwayin si ama. Huwag mo ring subukang suwayin ang iyong ama" paalala niya. Importante talaga sa kanila noon ang pagsunod sa mga magulang.
Humarap ako sa kaniya, kailangan ko nang gamitin ang convincing skills ko. "Paano naman ang mga pangarap mo? Paano ang puso mo? Hahayaan mo na lang ba na ibang tao ang magturo sayo?" lumapit ako sa kaniya saka winasiwas sa ere ang kamay ko.
"Crush ka ni Helena, crush mo rin siya. Crush niyo ang isa't isa. 'Wag niyo naman akong gawing epal sa love story niyo" patuloy ko, nagtaka ang hitsura niya sa sinabi ko. Napahinga na lang ako nang malalim, ang hirap naman magpaliwanag kay Juanito.
"Ano ang iyong sinasabi?"
"Ang sabi ko, dapat nating iwasan na maipit tayo sa sitwasyon na hindi naman natin gusto. Matagal nang may pagtingin sayo si Helena. Ayoko rin namang masira ang pagkakaibigan namin dahil lang sa lalaki" saad ko. Naalala ko bigla si Shae.
"Ano ang iyong dahilan? Bakit hindi mo ibig matuloy ang kasal?" nagtataka niyang tanong, napahinga ulit ako nang malalim.
"Basta" pinagpapawisan ako, sana naman hindi na siya magtanong pa. Hindi ko naman pwedeng sabihin na mamamatay siya kapag natuloy ang kasal namin. "Basta... hindi ako pumapayag sa bagay na dinidikta lang sakin ng ibang tao" dagdag ko. Unti-unting tumango si Juanito sa sinabi ko.
"Malakas pala ang iyong prinsipiyo sa buhay" papuri niya. Ngumiti na siya. Bakit lagi siyang nakangiti?
"Wag kang mag-alala, ilalakad kita kay Helena, pero sa isang kondisyon" sabi ko saka ngumisi. Iniisip niya siguro na hihingian ko siya ng pera. Pwede kaya? Magkano ba allowance nito ni Juanito?
Napailing ako sa ideyang iyon, mapapagalitan ako ni Don Alejandro kapag nalaman niyang hinihingian ko ng pera si Juanito. "Ipangako mo na lang sa'kin na kahit anong mangyari, mabubuhay ka" hindi niya alam na ang kaligtasan at buhay niya ang pinaka-importante sa'kin sa panahong 'to. Kailangan niyang mabuhay para magtagumpay ako sa misyon ko.
Nagulat kami ng biglang may kumatok at nabuksan ang pinto. Hindi ba 'yon na-lock ni Juanito?Agad akong tumakbo sa bintana. Hinarangan naman ni Juanito ang pinto pero huli na ang lahat dahil nakita na kami ni Angelito, ang bunsong kapatid ni Juanito.
Gulat na napatingin sa'kin si Angelito bago ako nakalundag sa bintana. Hinawakan ko ang lubid at mabilis na bumaba, hawak ni Theresita ang dulo nito. "Takbo!" saad ko kay Theresita nang makababa na ako at mabilis kaming tumakbo papalayo.
KINABUKASAN, naalimpungatan ako nang yugyugin ni Theresita ang braso ko. "Binibining Carmelita, gumising po kayo, nasa ibaba po si Ginoong Juanito" hindi ko alam kung bakit automatic na bumukas ang aking mata at napabangon agad ako sa kama.
"Ano? Bakit?!"
Kinakabahan ako baka isumbong ako ni Juanito kay Don Alejandro!
Dali-dali akong lumabas ng kwarto. "Binibini, sandali po, hindi pa po kayo nakaayos" narinig kong sigaw ni Theresita. Hindi ko na siya nilingon, kailangan kong pigilan si Juanito!
Pagbaba ko ng hagdan, naabutan ko salas sina Don Alejandro, Doña Soledad at Juanito. Napatingin sila sa'kin. Agad namang tumayo si Juanito, hinubad niya ang suot na sumbrero, itinatapat iyon sa kaniyang dibdib at bumati sa'kin "M-magandang umaga, binibining Carmelita"
"Carmelita, bakit ganyan ang hitsura mo? Nakakahiya kay Ginoong Juanito, umakyat ka muna sa itaas at mag-ayos ka!" nagpapanic na utos ni Doña Soledad, tumayo siya at dali-dali niya akong tinulak pabalik sa taas.
Pagdating ko sa kwarto, iniharap niya ako sa salamin. Halos lumuwa ang mata ko nang makita kung ano ang hitsura ko ngayon. Sabog-sabog ang buhok ko, namumutla ang buong mukha ko, may muta at panis na laway pa!
TANGHALI na, akala ko nakaalis na si Juanito pero nagulat ako dahil pagpunta ko sa hapag-kainan ay nakita ko siya roon. Babalik na sana ako sa kwarto kaya lang nakita na nila ako.
"Kumain ka na rito, Carmelita" tawag ni Maria. Nakatingin na silang lahat sa'kin ngayon. Nakangiti rin sila sabay tingin kay Juanito na nahihiya at nagpunas pa ng bibig.
"Kanina pa naghihintay sa iyo si Ginoong Juanito, anong oras na?" dagdag ni Josefina, para bang sinasabi niya na tanghali na at tirik na ang araw pero ngayon lang ako bumangon.
Wala na akong nagawa kundi ang umupo sa tabi ni Josefina, nakahanda na rin doon ang pagkain ko. "Marapat lamang na pasyal mo si Juanito sa ating hacienda gayong pinaghintay mo siya nang matagal" utos ni Don Alejandro, kalmado lang naman siya pero parang no choice ako sa gusto niyang mangyari.
Napatingin ako kay Juanito, pinipigilan niya ang ngiti niya. Bakit parang mas kinakampihan siya ng pamilya ko?
Nang matapos kami kumain, hinatid nila kami sa labas ng mansion. "Huwag kayong lalayo, dumito lang kayo sa loob ng hacienda" paalala ni Don Alejandro, tumango-tango at ngumiti naman sina Maria at Josefina sa likuran niya. Malumanay naman ang ngiti ni Doña Soledad.
Nagulat ako dahil sinarado pa nila ang pinto. Wow!
"Ang lakas ng karisma mo sa kanila" pang-asar ko kay Juanito, ngumiti naman siya. "Ang lakas din ng hangin nito" dagdag ko. Nararamdaman ko na itatanong niya kung siya ba ang tinutukoy ko kaya inunahan ko na siya.
"Sabi ko ang lakas ng hangin dito sa labas. Doon tayo" patuloy ko saka nauna nang maglakad. Sumunod naman siya sa'kin.
"Binibini, kumusta pala ang iyong kalagayan? Wala bang masakit sa iyo? Hayaan mong suriin kita" napatigil ako sa paglalakad saka lumingon sa kaniya.
"Ah. Akala mo siguro nabalian ako kagabi 'nong tumalon ako sa bintana. Wag ka mag-alala, kaya ko ang sarili ko, hindi ko naman ilalagay ang buhay ko sa panganib" sagot ko.
"Mabuti naman kung ganoon" saad niya sabay ngiti.
Napatikhim na lang ako saka nagpatuloy na sa paglalakad. Sinabayan na niya ako. "Teka nga, kung sakaling napilayan ako, bakit mo ako susuriin?"
"Ako ay nag-aaral ng medisina, binibini" sagot niya. Med student naman pala itong si Juanito.
"G-gano'n ba? Mabuti 'yan" hindi ko alam kung bakit iyon na lang ang nasabi ko. Hindi ko alam ang sasabihin ko, nagmumukha tuloy walang alam si Carmelita sa paligid niya.
Ilang sandali pa ay narating na namin ang lawa, "Narito na tayo" saad ko saka naupo sa damuhan.
"Bakit mo ako dinala rito sa lawa ng luha?" nagtatakang tanong ni Juanito, naupo na siya sa tabi ko. Napansin ko na parang hindi naman siya namamangha sa ganda ng paligid.
"Bakit? Maganda naman dito ah. Sariwa ang hangin, malinaw ang tubig at malamig pa" sabi ko, pero hindi pa rin siya na-aamaze. Kung nasa modern world ako, naging park na ang lugar na 'to. Marami na rin sigurong PDA sa tabi-tabi.
"Oo. Maganda naman ngunit hindi maganda ang alamat ng lawang ito" paliwanag niya. Dinampot niya ang isang bato at inihagis iyon sa lawa.
"Ayon sa mga matatanda ay nabigo raw sa pag-ibig ang isang babae. Tumangis siya nang tumangis hanggang sa bawian siya ng buhay. Ang mga luha niya ang bumuo sa lawang ito"
Hindi ko alam pero parang may lungkot akong naramdaman. Ang alamat ng lawa na ito ay ginawang katotohanan ni Carmelita nang magpakalunod siya rito.
Kumuha na lang din ako ng bato at inihagis iyon sa lawa. "Siguro gano'n nga ang nangyari sa babaeng 'yon. Pero sigurado ako na hindi iyon mangyayari sa totoong buhay. Wala ng babae ang mamamatay sa lawang ito dahil lang sa pag-ibig" wika ko habang tulalang nakatingin sa lawa.
Dear Diary,
Sisiguraduhin kong hindi na ulit mangyayari ang magpakamatay si Carmelita sa lawang ito nang dahil sa iyo... Juanito.
Nalulungkot,
Carmela
***************
#ILoveYouSince1892
I will mute/block spoilers here on wattpad.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top