Kabanata 10

[Kabanata 10]

NATAUHAN ako nang itapat ni Juanito ang kamay niya sa tapat ng mata ko na para bang ginigising niya ako sa pagkatulala. "Carmelita... Ikaw ba ay ayos lang?" tanong niya, napakurap ako. "Ako'y nagbibiro lamang." Patuloy niya na parang sinampal ako ng katotohanan pabalik sa reyalidad. 

Napatikhim ako, binitiwan na ni juanito ang kamay ko saka siya lumingon sa paligid. Narealize niya siguro na hindi niya dapat ginawa iyon. Gusto ko siya sabunutan dahil sa ginawa niyang pagpapakaba sa'kin. May araw din ang mokong na 'to.

"Sandali lang. Hintayin mo ako rito. Huwag kang aalis." Agad siyang sumunod kay ina. Napatingin ako sa kaliwa't kanan. Mukhang wala namang nakakita sa 'min. 

Ilang sandali pa ay patuloy kong pinagmasdan ang nangyayari sa paligid. Walang sinuman ang may ideya na hindi ako tagarito. Kung iisipin, kahit pa lumang panahon ito bakas pa rin sa mga Pilipino ang pagiging masiyahin. Binabati nila ang isa't isa, halos kilala nila ang bawat isa. Bigla tuloy akong napaisip, bakit ba hindi ko 'to napapansin dati? Bakit hindi man lang ako napadpad sa palengke para makita kung gaano ka-simple at kasaya ang buhay ng mga tao.

Natanaw ko na si Juanito papalapit, nakangiti siya habang mabilis na naglalakad. "Binibini, saan mo nais magtungo?" hinihingal niyang tanong pero nakangiti pa rin siya.

"Ha? Paano si ina? Hindi ba sabi niya..." hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita agad si Juanito. "Pinaalam na kita kay ina, pumayag siya na ipasyal kita rito, ako na rin ang maghahatid sa iyo pauwi." Sagot niya dahilan para matulala ulit ako. Mag-dadate ba kami?

"Sabihin mo lang sa akin kung saan mo nais magtungo. Ako ang bahala sa 'yo." Ngiti niya. Agad akong umiwas ng tingin. Bumibilis na naman ang tibok ng puso ko. Huwag kang magpapadala sa mga ngiti at sinasabi niya. Masyado lang siyang mabait at friendly. Uso rin ang matatamis na pananalita sa panahong 'to!

Sa huli, namalayan ko na lang na naglalakad na kami sa gitnang kalsada. Maraming nakakakilala kay Juanito, binabati rin siya ng lahat. Ngumingiti at bumabati rin si Juanito pabalik sa kanila. Mukhang famous siya rito. 

"Nais mo bang tumingin doon?" tanong niya sabay turo sa kanan. May isang store na puro mga baro't saya, palamuti, pampaganda at mga alahas ang tinda. Tumango ako at napanganga sa ganda ng mga bagay na naroon. 

"Pumili ka lang ng iyong maiibigan," patuloy niya, napatingin ako sa kaniya. Aba! galante pala si Juanito. "Ano bang kalimitang bagay ang naiibigan ng mga kababaihan?"

Inilapag ko na muna ang mga pampaganda at alahas na hawak ko saka hinarap ko siya. "Para kay Helena?" tanong ko sabay ngisi, ako naman ngayon ang mang-aasar sa kaniya. Napakamot siya sa ulo saka nahihiyang tumango. "Nako! Nahiya ka pa!" Nakakatuwa palang asarin si Juanito.

"Mahilig sa bulaklak si Helena. Pulang rosas ang paborito niya. Mahilig din siya magbasa, magluto, magburda, at sumayaw ng Cariñosa." Buti na lang na-interview ko na si Helena noong isang gabi, kung hindi, nganga na naman ako ngayon.

"Kagiliw-giliw talaga siyang binibini." Saad ni Juanito saka napangiti sa sarili. "Sa iyong palagay ba ay maiibigan niya ito?" tanong niya sabay abot sa'kin ng kuwintas na hugis puso at kulay ginto.

"S-seryoso ka?" Hindi ko namalayan na nakanganga na pala ako. Totoong ginto 'to, ang yaman pala talaga ng mga Alfonso!

"Nagmula pa ito sa aking lola. Ibinilin niya sa akin na ibigay ko raw ang kuwintas na ito sa babaeng handa kong ibigay angaking  puso nang walang pag-aalinlangan." Paliwanag niya. Tumango ako ng ilang ulit habang nagsasalita siya. Hindi pa rin maalis ang tingin ko sa kuwintas. Kung nakawin ko kaya 'yon at kapag nakabalik ako sa sa panahon ko, magkano ko kaya mabebenta?

Napailing ako. Ayoko naman masulat sa history na isang dakilang magnanakaw. No way! 

"Ano? Naantig ka ba sa kuwento ng kuwintas na ito?" tanong ni Juanito na mukhang echosero. Napataas ang kilay ko, sa totoo lang hindi din ako fan ng mga sentimental thingy. Gusto ko sana sabihin sa kaniya na Oo Naantig ako kung gaano kalaking pera ang makukuha ko kapag nabenta ko 'yan.

"Hmm... Maganda nga 'yang plano mo. Siguradong magugustuhan 'yan ni Helena." Pag-sangayon ko na lang. Ang corny at ang cheesy din pala ng lalaking 'to.

"Bakit tila hindi ka naman kumbinsido?" nagtatakang tanong ni Juanito. Napakunot na naman ang noo ko. Ano na naman bang tumatakbo sa isip niya? Ang labo niya. Kanina lang halos mapunit bibig niya kakangiti, ngayon naman ay drama ang gusto niyang eksena.  

"Fine. Para kasing ang corny ng plano mo." Gusto ko sana dagdagan na medyo nakakakilabot pero baka umiyak siya.

"Payn?K-korni? Anong ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ni Juanito. Napahinga na lang ako ng malalim. Mag-iisip na naman ako ng translation.

"Uh... Ang ibig sabihin ng corny ay parang baduy---Ah! Mali, parang... parang... hindi katanggap-tanggap." Sumasakit ulo ko.

"Tila ngayon ko lamang narinig ang salitang iyan." Saad ni Juanito na parang nag-iisip ng malalim. Matutuyo utak niya kakaisip pero hindi niya pa rin malalaman kung saan nagsimula ang salitang iyon. 

"Uh... Inembento lang namin 'yan nina Sonya at Helena." Palusot ko. napatango at ngumiti si Juanito. 

"Tila ikaw ang nang-iimpluwensiya ng mga ganyang bagay sa iyong mga kaibigan. Aking sasabihan si Sonya na layuan ka sapagkat baka mahawa pa siya sa iyo." Pang-asar ni Juanito. Napakurap ako ng ilang ulit, sinasabi niyang bad influence ako?

Inirapan ko na lang siya at tumingin-tingin na ulit ng mga make-up at accessories. Ano bang ipapabili ko kay Juanito? 

"Magandang umaga, Ginoong Juanito! Mabuti naman po at napadaan kayo rito." narinig kong bati ng isang ale na bilugan ang mukha at katawan. Siya pala ang may-ari ng tindahan. Bakit ngayon lang siya dumating?

"Magandang umaga rin po, aling Trinidad. Kumusta na po kayo?" bati ni Juanito at nagsimula na silang mag-chikahan. Napansin ko na mukhang matagal na silang magkakilala. Gala rin talaga tong lalaking 'to.

Hinayaan ko na lang sila magkwentuhan habang abala ako sa pagtingin ng mga paninda pero ilang saglit lang binaling na sa'kin ang ale ang tingin niya. "Mawalang galang na po Ginoong Juanito ngunit nais ko lang po malaman kung ang binibining kasama niyo ay ang bunsong anak ni Don Alejandro Montecarlos?" bulong ng ale kay Juanito. Nag-effort pa siya bumulong, rinig na rinig ko naman.

"Opo. Siya po pala si binibining Carmelita Montecarlos." Pakilala sa'kin ni Juanito, pero hindi ako lumingon kaya hinawakan niya ang balikat ko at iniharap ako kay aling Trinidad. At dahil  sa ginawa niya ay wala na akong nagawa kundi ngumiti at magbigay-galang.

"Pagpasensyahan niyo na po, sadyang mahiyain lang si binibining Carmelita. Ito rin po ang unang beses niya makarating sa inyong bayan." Paliwanag ni Juanito. Parang automatic na kailangan nila ipaliwanag na hindi ako lumalabas at ito ang first time ko makita ang mundo.  Napangiti si aling Trinidad. 

"Nagagalak akong makilala ka binibining Carmelita. Aking napatunayan na totoo nga ang sinasabi nila na ikaw ay nagtataglay ng isang pambihirang kagandahan." Papuri ni Aling Trinidad dahilan para mapangiti ako. Ish it rilly tru?

"Thanks---Ah! Maraming salamat po." Ngumiti ako pero parang ang awkward.

"Binibini, kung inyong mamarapatin. Nais ko po sanang samantalahin ang pagkakataong ito na humingi ng pabor sa inyo." Panimula ni aling Trinidad. Naalalala ko na palagi nga pala silang huminigi ng permiso bago magtanong o magsalita. Tumango ako. 

"Maaari niyo rin po bang ipagbigay-alam sa iyong ama na huwag na po sanang taasan ang hati ng upa sa lupa at sa mga magsasaka ng inyong hacienda? Hindi po sapat sa aming pamilya ang kinikita ng aking asawa na isa sa inyong mga manggagawa." Pakiusap ni aling Trinidad. 

Hindi ako nakapagsalita. Ano? Ginigipit ni ama ang mga magsasaka?

Napatingin ako sa kina aling Trinidad at Juanito, mukhang hinihintay nila ang sagot ko. "Ah... Sige po, ipaparating ko po iyon kay ama." Napangiti si aling Trinidad at hinawakan ang kamay ko. 

"Maraming salamat po binibini, hulog po kayo ng langit." Ngiti niya. Tumango na lang ako. Wala akong ideya kung paano patakbuhin ni Don Alejandro ang hacienda Montecarlos pero kakausapin ko siya mamaya. 

"Ano po pala ang napili niyo binibini?" tanong ni aling Trinidad. Napatingin ulit ako sa mga tinda niya. "Ah! Tumitingin-tingin lang po kami..." hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil biglang nagsalita si Juanito.

"Binibini, sa tingin ko ay bagay sa iyo ito." Saad niya sabay abot sa'kin ng isang bulaklak na pula na pangtali sa buhok. Seryoso? Magmumukha akong pang-display sa bahay niyan, saka hindi naman ako mahilig sa bulaklak. "Bibilhin ko na para sa 'yo." Dagdag pa niya saka iniabot kay Aling Trinidad ang bayad. Teka! Wala pa nga akong sinasabi na gusto ko 'yon! 

Ibinigay na sa'kin ni aling Trinidad ang pang-tali sa buhok. Sayang naman, sana pumili agad ako ng pinakamahal na paninda rito. 

"Tiyak na babagay sa inyo iyan binibini," ngiti ni aling Trinidad. Na-imagine ko pa lang, hindi sa'kin bahay. Ang panget ng fashion sense ni Juanito. 

"Kung inyo rin pong loloobin ay tanggapin niyo po sana ito bilang pasasalamat sa pagbisita niyo sa aming bayan at sa paghatid ng aking pabor sa iyong ama." Habol ni aling Trinidad saka inabot sa'kin ang isan butterfly na pang-ipit sa buhok. Mas maganda pa 'to kaysa sa napili ni Juanito. 

Nagpasalamat at muling nagbigay-galang, pero nagulat ako dahil bigla akong niyakap ni Aling Trinidad. Napatingin naman ako kay Juanito, ngumiti at tumango lang siya sa'kin, parang sinasabi niya na huwag akong umangal. 

"Mauuna na po kami, hanggang sa muli aling Trinidad." Paalam ni Juanito, at naglakad na kami papalabas. 


NAPATINGIN ako kay Juanito nang marinig ko na naman siyang magsalita. "Tila naiibigan mo na ang pagsakay sa bangka." Puna niya na parang nang-eecheos. Nakasakay na kami ngayon sa bangka na tumatawid sa lawa pabalik sa San Alfonso. Magkatabi kami ngayon, pero may mga gamit na nasa pagitan namin. 

"Sige lang. Alam ko namang sumasaya ka pag pinagtitripan mo ako...Ah! Ang ibig kong sabihin, kapag binibiro mo ako." Natawa siya sa sinabi ko, ang saya-saya niya talaga. 

"Ikaw ay nakatutuwang biruin... Nagdurugtong ang iyong kilay." Hirit pa niya dahilan para mapakunot ang noo ko. Napahawak din ako sa kilay ko saka inirapan siya. Napapagod na ako, gusto ko na umuwi.

Sandaling nanahimik si Juanito, napansin niya siguro na wala ako sa mood makipaglokohan sa kaniya. Pero akala ko lang iyon dahil ilang minuto lang ay nagsalita na ulit siya. "Carmelita, kanina sa tindahan ni aling Trinidad. Bakit nang tanungin ka kung ano ang iyong naibigan sa kaniyang mga paninda, bakit..." hindi ko na pinatapos ang sasabihin niya.

"Wala lang, wala naman akong bibilhin e." Sagot ko, hindi ko naman masabi sa kaniya na hindi ko rin matanong kanina kung anong pinakamahal doon.

"Bakit wala? Handa naman akong magbayad para sa 'yo. Nais rin sana kitang bigyan ng regalo bilang pasasalamat sa pagtulong mo sa amin ni Helena." 

"Ah. 'yon ba? Ayos lang kahit wala ng regalo." Hindi talaga ako mahilig sa regalo. Wala rin akong pakialam kung may magbibigay ba sa'kin ng gift o wala. 

"Ganoon ba? Kung sakaling may maibigan kang bagay, sabihin mo lang sa'kin." Saad niya saka ngumiti nang kaunti. Hindi labas ang ngipin pero masasabi kong bagay pa rin sa kaniya.

"Ano bang klaseng regalo ang gusto mo?" Ang daldal ni Juanito. 

Napaisip tuloy ako. Kung hingian ko kaya siya ng mga alahas na ginto at dyamante, for sure keri naman niya ibigay 'yon dahil mayaman naman sila. Napailing ako, ayoko namang maging gold-digger sa panahong 'to.

"Hmm... Kahit ano." Ang sagot ng mga taong walang maisip.

"Kahit ano? Ang hirap naman niyon." Reklamo niya. Nararamdaman kong hindi siya titigil hangga't hindi niya nalalaman. 

"Alam ko na! Kahit anong bagay basta pinaghirapan." Sagot ko. Hindi pinag-isipan at komplikado pa. 

"Pinaghirapan?" nagtataka niyang tanong. Feel ko talaga ang weird ko sa paningin niya.

"Oo. Kahit anong bagay na pinaghirapan. 'Yong hindi nabibili lang o nakukuha kung saan-saan." Sagot ko. Sana naman tumigil na siya sa kakatanong. Mukha namang mahihirapan siya makahanap ng bagay na tinutukoy ko. Kahit ako, hindi ko alam kung ano iyon.

"Ang hirap naman." Reklamo niya sabay napakamot sa ulo. Ewan ko pero bigla akong napangiti. "Syempre. Mahirap ata akong suyuin." Dagdag ko pa. Pa-hard to get talaga ang peg ng lola niyo.


PAGDATING namin sa bahay, pinahintay ko muna si Juanito sa labas at agad akong umakyat sa kwarto para kunin ang sulat ni Helena para sa kaniya. Hindi ko na rin siya pinapasok sa loob ng bahay kasi baka makita pa siya nina ama,ina, Maria, at Josefina.

"Nagmula ito kay Helena?" paniniguro ni Juanito habang nakangiting nakatingin sa sulat. Tinaasan ko siya ng kilay, "Mukha bang mag-iimbento ako ng sulat para sa 'yo?" Kawanggawa nga itong ginagawa ko. Wala naman akong nakukuhang tips mula sa kanilang dalawa. 

"Maraming salamat." Ngiti ni Juanito, sa susunod siguro mag-charge na ako ng delivery fee. Sasabihin ko sana na tapos na ang promo period service na in-avail nila ni Helena nang marinig naming tumikhim si ama mula sa likuran. "Papalubog na ang araw, hijo." Paalala ni ama. Nakatayo siya sa tapat ng pintuan, napatingin siya sa hawak na liham ni Juanito na agad nitong binulsa.  

Napangiti siya sa pag-aakalang nagpapalitan kami ng love letters ni Juanito. "M-magandang gabi po, Don Alejandro." Bati ni Juanito saka hinubad ang sumbrero at tinapat iyon sa kanyang dibdib. 

"O'siya, mag-iingat ka sa iyong pag-uwi." Paalam ni Don Alejandro, sumunod na ako sa kaniya saka sumenyas kay Juanito na umuwi na siya kasi baka ayain pa siya ng hapunan dito at asarin na naman ako nina Maria at Josefina.

Nang gabi ring iyon, kumatok ako sa opisina ni ama. Naabutan kong nagbabasa siya ng dyaryo. "Ikaw pala 'yan anak, tumuloy ka." Sabi niya, saka ibinalik ang tingin sa kaniyang binabasa. Naglakad ako papasok, iniisip ko pa kung anong itatawag ko sa kaniya, pero sinasanay ko na rin ang sarili ko na tawagin siyang ama.

"A-ama." Panimula ko, tumingin siya sa'kin. "Kanina po sa kabilang bayan, may isa pong may-ari ng tindahan doon na nakiusap sa'kin na iparating sa inyo ang pakiusap nila na..." Napahinga ako nang malalim, medyo magulo at ang haba ng sinabi ko. "Kung pwede raw po huwag sanang taasan ang hati ng upa at ng mga magsasaka sa ating hacienda?" Inilapag ni Don Alejandro ang binabasang dyaryo sa mesa.

"Maari ko bang malaman kung sino ito? Mahalagang bigayng pansin at matugunan ang mga kahilingan ng ating mga manggagawa." Nabuhayan ako ng pag-asa. Hindi pala mahirap kausap si Don Alejandro.

"Si aling Trinidad po ng kabilang bayan." Sagot ko, tumango siya. "Ako'y nagagalak na iyong inaalala ang kapakanan ng ating mga manggagawa. Bueno, bababaan ko ang hati sa upa sa susunod na linggo." Tugon ni ama at ngumiti siya. 


KINABUKASAN, may sulat na inabot sa'kin si Theresita pagkagising ko. "Binibini, mula po iyan kay binibing Helena."

Kinuha ko ang sobre at binuksan iyon. Nakasulat sa wikang Español. Hindi ko maintindhan. Napatingin ako kay Theresita, tiningnan niya ang sulat pero bakas sa mukha niya na hindi niya ito nababasa. "Ano pong nakalagay sa liham? Binibini." tanong ni Theresita.

Napalunok ako. Mahilig nga pala magbasa si Carmelita lalo na ng mga librong nakasulat sa wikang Español. "Uh--- Wala naman. Nagpadala lang siya ng tula." Nang tanungin ni Theresita kung tungkol saan ang tula, nag-imbento na lang ako na tungkol iyon sa buhay pag-ibig ni Helena. Pinapa-edit niya sa'kin ang tula niya.

Pagkatapos namin mag-miryenda sa hapon, umakyat na ulit ako sa kwarto at balak kong matulog na lang ng maaga. Feel ko nasasanay na ako sa sleeping routine dito. Ipipikit ko na sana ang mga mata ko nang may kumatok sa pinto. Bago pa ako makapagtanong ay bumukas na iyon at pumasok si Josefina. 

"Carmelita, ano pang ginagawa mo riyan? May mahalaga tayong lakad ngayon." Nagtatakang tanong ni Josefina saka napatingin sa'kin na nakabihis na pangtulog. Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. Bakit bihis na bihis siya ngayon?

"Anong oras na? Saan tayo pupunta?" Tinatamad kong sagot habang nakahilata pa rin sa kama. 

"Hindi mo ba natanggap ang sobre na pinadala ni Helena?" tanong pa niya, nakapamewang na siya ngayon. Napatingin naman ako sa sulat na nakalagay sa mesa ko, "Alin? 'Yon ba?" tanong ko sabay turo sa sobre, agad niyang kinuha iyon at binuksan.

"Imbitasyon ito sa pagdiriwang ng ika-dalawampung kaarawan ni Helena. Ikaw ba ay walang planong dumalo ngayon?" Deretso akong napabangon at gulat na napatingin kay Josefina. Malay ko ba na invitation 'yon!

Hindi ko rin alam na ngayon pala ang birthday ni Helena!

Bakit hindi man lang niya sinabi sa 'kin? Nasapol ko ang noo ko. Oo nga pala mag-bestfriends sila ni Carmelita kaya expected niya na alam ko dapat 'yon!

Agad akong nagbihis. Buti na lang dahil maraming magagandang damit si Carmelita at pasok naman sa fashion sense ko. Tinulungan rin ako nina Maria at Theresita sa pag-mamake up dahil malalate na kami.

"Ano ang iyong regalo kay Helena?" tanong ni Maria habang inaayusan niya ko. Sa totoo lang si Maria talaga ang pinakamaganda sa aming tatlo. Nanlaki ang mga mata ko habang nakaharap sa salamin. Wala pala akong pang-regalo kay Helena!

Nagulat sina Maria at Theresita nang halungkatin ko ang jewelry box ni Carmelita. Pipili na lang sana ako doon ng ibibigay kay Helena kaya lang paano kung alam niya na nasuot ko na iyon. Baka ma-offend siya na secondhand na ang ibibigay ko. 

Naghalungkat pa ako sa cabinet at napatigil ako nang makita ang pulang bulaklak na pang-ipit sa buhok na bigay sa'kin ni Juanito. Inamoy ko iyon, amoy bago pa at hindi ko pa naman iyon nagagamit. Ito na lang ang i-reregalo ko sa kaniya. 


NAGSISIMULA pa lang ang birthday party ni Helena sa kanilang mansion nang dumating kami. Marami siyang bisita at masasabi kong pinaghandaan talaga ang kaniyang birthday. White and gold ang theme ng celebration at bawat mesa ay may mga bulaklak.

Kasama ni Josefina si Natasha at iba pang kababaihan na kasama nila sa kumbento. Kausap nina ama at ina ang ilan sa mga kaibigan nila sa kabilang mesa. Naiwan naman kami ni Maria sa isang sulok. Hindi nagtagal ay dumating ang pamilya Alfonso. Agad lumapit sa amin si Sonya at niyakap niya ako. "Siya nga pala, kasama ko ngayon si Ignacio." Ngiti ni Sonya saka hinila ang isang lalaki, matangkad mestizo at masasabi kong may hitsura rin siya. 

"Magandang gabi mga binibini." Bati ng lalaki, napaisip ako, siya ata ang tinutukoy ni Sonya na asawa niya. Hindi ako sure. Paano kung hindi? Hindi na lang ako magsasalita. "Nagagalak kaming muling makita ka, Ginoong Ignacio." Ngiti ni Maria, ngumiti na rin ako para masuportahan ang sinabi niya na nagagalak kami. 

Pagdating ni Juanito agad siyang bumati sa amin. Ngumiti siya na parang close na close kami. "Tila pinaghandaan mo rin ang gabing ito, binibini." Bulong niya. Hindi ako sigurado kung compliment ba iyon o nang-aasar siya. 

"Mukhang mas handang-handa ka nga e." Banat ko naman sa kaniya. Daig niya pa ang conductor ng orchestra sa porma niya.

Lumapit naman sa amin si Laura, ang tagapagsilbi nina Helena at Natasha. "Maari niyo pong ilagay ang mga regalo niyo kay binibining Helena rito." May hawak siyang basket, nilagay namin ang mga dala naming regalo, except kay Juanito.

Napatingin sina Ignacio, Sonya at Maria sa kaniya, hindi sila makapaniwala na walang dalang regalo si Juanito. Napangiti ako sa aking sarili, buti na lang madiskarte ako.

"Mamaya ko na lang ibibigay ang akin." Saad ni Juanito, gusto kong matawa. Siguradong nagpapabili pa lang si Juanito ngayon ng ireregalo niya. 

Halos kalahating minuto na kami naghihintay pero hindi pa rin bumababa si Helena. Isinama naman ni Sonya ang kaniyang asawa at si Maria sa pakikipagkwentuhan sa iba pang bisita. Hindi ako sumama dahil baka may nakakakilala kay Carmelita at hindi ko na naman alam ang isasagot ko. Naiwan kami ni Juanito sa mesa na para sa pamilya Montecarlos. Bakit ba siya nakikiupo rito?

"Bakit hindi ka sumama sa kanila?" tanong ko sa kaniya, mukha namang kakilala rin niya ang kausap ng kaniyang kapatid. "Susunod ako mayamaya. Ikaw ay aking sasamahan sandali rito." Tugon niya, okay so ako na ang dakilang loner.

Tiningnan ko ang mga bisita. Sobrang bago sa'kin ng experience na 'to. Children's birthday party, debut at bar party lang ang normal na napupuntahan ko noon. 

"Karamihan sa mga narito, ngayon pa lang nagkakakilala, at ang mga maseswerte ay ngayon rin nila nakilala ang para sa kanila." Narinig kong sabi ni Juanito, nahalata niya siguro na sinusundan ko ng tingin ang mga tao at ang nakakamanghang paligid.

"Kung madalas kang lumabas at makipagkilala sa mga tao, ako'y nakatitiyak na marami rin ang hahanga at nais na makipagkaibigan sa iyo." Patuloy niya. Napatingin ako sa kaniya. Pinupuri niya ba ako?

"Paano mo naman nasabi na magugustuhan nila ako?" Hindi rin ako sigurado kung gusto ko ba ang sarili ko. Paano pa kaya ang iba? 

"Ikaw ay hindi mahirap kausapin at maging kaibigan." Sagot niya habang nakatingin ng deretso sa'kin. Nababasa ko sa mga mata niya na nagsasabi siya ng totoo. Muli kong naramdaman ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Agad akong umiwas ng tingin sa kaniya.

"S-sinong may sabing magkaibigan na tayo?" Sinubukang tarayan siya pero parang hindi effective. Ngumingiti lang siya. Iba talaga ang level ng confidence ng lalaking 'to. Hindi ko ma-reach.

"Para sa 'kin ay bahagi ka na rin ng aking buhay." Sagot niya dahilan para matameme ako. 

"Marahil ay hindi lang naging maganda ang ating unang pagkikita." Saad niya, napahinga ako nang malalim. Kinakabahan lang siguro ako dahil baka i-flex na naman ako ni ina at piliting mag-piano mamaya. 

"Alin? 'Yong niligtas mo ako sa paparating na karwahe?" tanong ko. Sabagay, mukhang hindi nga maganda iyon.

"Ako lang ang nakakita sa iyo, ikaw ay nawalan ng malay."

"Ah! 'Yong pinagkamalan mo akong akyat-bahay at balak mo pa akong ipalapa sa aso mo." Saad ko dahilan para matawa siya. Ewan ko pero natawa na lang din ako.  

"Parang kailan lang, ikaw ay napagkamalan kong kawatan at ngayon ay magkaibigan na tayo." Tawa niya, pinupush niya talaga na friends na kami.

"Nais mo bang baguhin ang alaala ng ating unang pagkikita?" Suhestiyon niya. Naguluhan ako sa sinabi niya. Ano raw?

"Kunwari ay hindi tayo ngayon magkilala at ito ang unang araw na makikita at makikilala natin ang isa't isa." Ngiti niya, napakunot ang noo ko. So, gusto niya kaming mag-acting now na?

"Maglalakad ako mula roon at makikita kita rito." Pilit niya pa sabay turo sa pintuan. Tatanggi sana ako at ibabash ko ang idea niya pero naglakad na siya palabas. Hindi ko na maintindihan 'tong si Juanito!

Umupo ako nang maayos. Bahala na nga. Syempre hindi ako magpapatalo. Dapat pang-best actress din acting ko. Ilang saglit lang ay natanaw ko na siyang pumasok. Naglakad siya papunta sa gitna, nagpalingon-lingon hanggang sa napatingin siya sa kinaroroonan ko at nagtama ang aming mga mata.

Unti-unting sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Sa pagkakataong iyon ay hindi ko alam kung bakit parang biglang bumagal ang takbo ng paligid. Ngayon ay dahan-dahan na siyang naglalakad papalapit sa'kin.

Parang tumahimik ang lahat. Naririnig ko na ngayon ang tibok ng puso ko habang nakatitig sa kaniya. Sa bawat paghakbang niya ay parang hindi ako makahinga.

"Isang napakagandang gabi binibini. Ako nga pala si Juanito Alfonso, maari ko bang malaman ang iyong pangalan? Marahil ay kasingganda rin ito ng liwanang ng buwan." Panimula niya habang nakangiti, at inilahad niya ang palad niya sa tapat ko.

Sandali akong napatulala sa kaniya. Hindi ko maintindihan kung bakit nakakalimutan ko ang sarili ko kapag nariyan siya. Napatitig ako sa kamay niya, iaabot ko na sana ang palad ko sa kaniya kaso biglang nagpalakpakan ang lahat ng bisita. Napatingin kami kay Helena na kasalukuyang bumababa sa hagdan. 

Puti ang suot niyang baro't saya na puno ng mga ginto. Nakapusod ang mahaba niyang buhok at nagkikislapan ang mga palamuti. Napatulala ako sa maamo niyang mukha. Para siyang prinsesa. 

Napatingin ako kay Juanito na ngayon ay nakatingin din kay Helena at sinusundan ito ng tingin hanggang sa makababa ng hagdan. Ibinaba na rin niya ang kamay niya na kanina lang ay nasa tapat ko. Parang nakalimutan niya ang pinag-uusapan namin kanina, at ngayon ay si Helena na lang ang kaniyang nakikita.

Nakangiti si Helena habang binubusog siya ng palakpakan ng mga bisita. Tiningnan ko ulit si Juanito, pumapalakpak na rin siya habang kumikislap ang kaniyang mga mata sa pagdating ni Helena.


HINAWAKAN ni Maria ang balikat ko, "Masama ba ang iyong pakiramda, Carmelita?" nag-aalala niyang tanong. Kakatapos lang namin kumain. Umuwi na ang ibang bisita pero abala pa rin si ama sa pakikipagkuwentuhan kina Kapitan Flores at Don Mariano.

Napatingin ako kina Juanito at Helena na magkausap sa balkonahe. Kasama nila sina Ignacio at Sonya. Hindi ko alam pero parang may tumutusok sa puso ko. Mula nang bumaba si Helena kanina, hindi inialis ni Juanito ang mga mata niya sa kaniya. Hindi ko na rin siya nakasama dahil sinusundan niya si Helena at halatang humahanap siya ng tyempo makausap ito.

"G-gusto ko ng umuwi. Ang sakit ng tiyan ko." Pagsisinunggaling ko. Inalalayan ako ni Maria. Si Josefina naman ang nagpaalam kina ama at ina na mauuna na kami umuwi. Bago kami sumakay sa kalesa, natanaw ko sina Juanito at Helena sa balkonahe, masaya silang nag-uusap at nagtatawanan. 


Dear Diary,

Dapat maging masaya ako para sa kanila. Pero bakit gano'n?

Hindi ko mapaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. 

Hindi ako pwedeng mahulog sa kaniya

Lalo na't may mahal na siyang iba.


Naguguluhan,

Carmela


*******************
#ILoveYouSince1892

Featured Song:

"Ferris Wheel" by Yeng Constantino


https://youtu.be/hYbAE7RZsh0

"Ferris Wheel" by Yeng Constantino

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top