Chapter 40 - Goodbye

Hindi na pinalipas pa nina Jem at ng team niya ang ilang araw. Lumulan sila sa eroplano pauwi sa probinsiya ng dalaga para doon i-shoot ang music video ng single ng huli.

Kabababa lang nila mula sa eroplano nang hawakan ni Mark ang kaliwang kamay ni Jem, bagay na ikinagulat ng dalaga.

"M-Mark, ano ito?" Itinuro ni Jem ang mga kamay nilang magkasalikop.

"Ah, eto?" Itinaas ni Mark ang mga kamay nila. "Naalala ko lang kasi 'yung ikinuwento mo sa akin sa Amanpulo. Hindi ba't ang alam nila rito ay fiance mo ako? Pinangangatawanan ko lang." Isang ngiti ang ipinukol niya sa dalaga.

Pinamulahan si Jem ng mga pisngi. "Mark naman, eh. Baka tuluyan na silang maniwala. Magiging usap-usapan na naman ako niyan sa barangay."

"Ako'ng bahala, love." Hinawakan ng binata ang baba ng dalaga.

Kumunot ang noo ni Jem. "Love?"

"Sinisimulan ko nang maging in character sa pagiging fiance mo," saad ni Mark sabay kindat.

Wala nang nagawa si Jem kung 'di ang ipaubaya ang kaniyang kamay sa binata. Gusto rin naman niya, eh.

***

Matapos ang mahigit isang oras na biyahe lulan ng van ay narating na rin nila ang bahay nina Jem. Sa pagdating ng sasakyan ay nagsipaglabasan ang mga kapitbahay ng dilag para usisain ang bagong dating.

Nagkaroon ng bulong-bulongan nang lumabas si Jem. Mas lumakas pa iyon nang may sumunod sa kaniyang isang napakaguwapong lalaki.

"Yan na ba 'yung mamanugangin nina Ponciano at Rita?" tanong ni Aling Nena. Ang tinutukoy nitong Ponciano at Rita ay ang mga magulang ni Jem.

"Aba, ay palagay ko nga," sabad ni Aling Simona." Natatandaan ko ang hitsura niyang lalaki. Yan 'yung nasa litrato na ipinakita ni Jemelyn noon. Mapapangasawa niya raw."

"Ay talaga nga namang guwapo!" bulalas ni Aling Cecilia. "Napakasuwerte ni Rita. Mukhang mayaman din ang mamanugangin niya."

Natigil ang pagtsitsismisan nila nang lingunin sila ni Mark Feehily. Nginitian niya ang mga ito at pagkatapos ay pumasok na siya sa bahay nina Jem.

"Naku, Cecilia! Pakiramdam ko ay bumabata ako ulit. Parang nagkaka-crush ako sa batang iyon."

"Tumigil ka, Simona," pagsuway ni Cecilia. "Nakakadalawang asawa ka na, anim na ang anak mo. Aba ay may balak ka pa yatang pikutin ang batang iyon."

"Tantanan mo ako, Cecilia. Magsisingkuwenta anyos na ako. Anong pipikutin? Oh siya, makapagsaing na nga muna. Diyan na kayo."

***

Nasa tapat na ng pinto sina Jem at ang kaniyang mga kasama.

"Nanay! Tatay!"

"Sino ba are— Ay, Jemelyn! Ikaw pala!" bulalas ng ina ni Jem na may hawak na sandok. "Dyaske kang bata ka, hindi ka man lang nagpasabi na pauwi ka." Tumingin ang matanda sa mga kasama ng dalaga. "May mga kasama ka pala. Pasok kayo."

Nagmano muna si Jem sa ina bago nagsalita. "Nay, dito muna kami sa loob ng dalawang araw. Magshu-shoot kami ng music video para sa kanta ko."

"Walang problema. Halina muna kayo sa hapag-kainan. Magpapahain ako ng maagang pananghalian. Ponciano! Ponciano!" ani ng ina ni Jem na si Rita. Tinawag nito ang kaniyang kabiyak.

Mayamaya lang ay nagsalo-salo na sila sa dining room kasama ang tatay at dalawang kapatid ni Jem.

"Iho, ano nga ulit ang pangalan mo?" tanong ni Ponciano. Nakatingin ito kay Mark.

"Mark po. Mark Feehily."

Hindi maiwasan ni Jem ang mag-alala.

Kinakabahan ako, ah. Baka kung ano-ano'ng itanong ni tatay at ng mga kapatid ko.

Patay.

Binagalan ni Ponciano ang pagnguya. Kinilatis niya ang mukha ng binata. "Pamilyar 'yung mukha mo. Parang nakita na kita."

Nanlamig ang itsura ni Jem. "H-Hindi mo pa siya nakikita, 'Tay. Ngayon pa lang siya nakarating sa Aklan."

Sandaling ibinaba ni Ponciano ang hawak na kutsara at tinidor. Napatingin siya sa kisame. May pilit siyang inaalala. Hindi nagtagal ay nalipat agad ang tingin niya kay Mark. "Tama! Ikaw 'yung nasa poster na nakadikit sa kuwarto ni Jemelyn."

"Yung hinahalik-halikan ni ate gabi-gabi bago matulog," singit ng ikalawang kapatid ni Jem na si Josie.

"Josie!" Pinangmulagatan ng dalaga ang kapatid.

Nagtawanan ang lahat kabilang si Mark na napatingin sa hiyang-hiya na si Jem.

"Eh ate, ano'ng magagawa ni Ate Josie e totoo naman. No'ng minsan nga e nakita pa kita, kinakausap mong mag-isa 'yung picture niya. Sabi mo 'I'm your wife, Mark. I love you'." pagsegunda ng bunso niyang kapatid na si Raymond.

Muling napuno ng halakhakan ang hapag-kainan. Si Jem naman ay gusto nang matunaw sa kinauupuan sa sobrang hiya.

Matapos nilang magpatunaw ng kinain ay inihatid na ni Jem si Mark sa magiging kuwarto nito. Naihatid na niya kanina pa sina Paul at ang ibang staff sa kani-kanilang kuwarto.

Binuksan ni Jem ang pinto ng isang kuwarto. "Mark, this will be your temporary room."

Pumasok na sila sa loob.

"Ang aliwalas dito." Inilibot ng binata ang tingin sa kuwarto.

"Lalabas na ako. Baka 'pag nakita tayo ni tatay na magkausap nang ganito katagal sa loob ng kuwarto e baka ipakasal na tayo. Ganito pa naman ang kultura rito."

Mark chuckled. "Then let's stay here until your father see us."

"Kulit." She shook her head while smiling. "Bababa na ako ha? Mag-text ka lang 'pag may kailangan ka."

"Sure I will, love."

Pinangmulagatan ni Jem si Mark at nag-quiet sign. Humakbang na siya patungong pinto. Kinawayan pa niya ang binata bago tuluyang isara iyon.

Dalawang baitang pa lang ng hagdan ang nalalakaran ni Jem nang makatanggap siya ng isang text. Galing iyon kay Mark.

Kailangan kita.

Kusang umarko pataas ang kaniyang mga labi na sinabayan ng pagsirko ng kaniyang puso.

Iiling-iling niyang isinilid muli ang phone sa bulsa habang humihimig ng kantang Written in the Stars.

***


St. Helen Medical Center
Lucena, Quezon

"Ms. Rodriguez, kumusta ang pakiramdam mo?"

"Okay lang po ako, doc," nangangatog na sagot ni Kathryn. "Ang.. anak ko?"

Tumingin muna ang doktor sa mga magulang ni Kathryn bago nito sagutin ang tanong ng dalaga.

Unti-unting ngumiti ang doktor. "The baby is fine, Ms. Rodriguez. You're three weeks pregnant."

Kusang bumalong ang luha sa mga mata ng dalaga dahil sa saya. Para siyang nabunutan ng ilang libong tinik sa puso.

"However, you're prone to miscarriage so I merely suggest you to have a complete bed rest. I can issue a medical certificate that you can present to your work as early as now."

Tumango si Kathryn at matapos noo'y nilisan na ng doktor ang kuwarto.

***


Si Kathryn at ang mga magulang na lamang niya ang nasa loob. Isang katahimikan ang lumukob sa buong silid.

"Ma, Pa."

"Sino ang ama niyan?" tanong ni Mang Zander, ang kaniyang papa. Nakakuyom ang mga palad nito habang nakatingin sa anak.

Yumuko ang dalaga. "N-Nasabi ko na po no'ng isang araw."

"Paano?"

Pinaupo ni Kathryn ang mga magulang sa tabi niya at doon niya ikinuwento ang mga detalye.

"Hindi kita pinalaki ng gan'yan para makihati lang sa pag-ibig ng iba," ani ng ama ni Kathryn. Lumabas muna ito dahil hindi na niya matimpi ang galit.

Sinundan na lamang ni Kathryn at ni Aling Adel ng tingin si Mang Zander hanggang sa makalabas ang huli sa pinto.

"Magpahinga ka na muna, anak," saad ni Aling Adel. "Wag mong isipin ang papa mo. Ako ang bahala sa kaniya."

"Ma.." Halata ang pagkabasag sa boses nang sambitin iyon ng dalaga.

"Bakit?"

"Galit ka po ba sa akin?" tanong ni Kathryn na noo'y nabasa na ng luha ang mga mata.

Hinawakan ng ina niya ang kaniyang kamay at pinisil ito.

"Galit ako pero mas nangingibabaw ang puso kong ina. 'Wag mo na muna akong intindihin. Magpahinga ka, magpalakas ka para sa apo ko." Hinawakan ni Aling Adel ang tiyan ni Kathryn. "Apo ko, kumapit ka lang ha? Excited na akong mahawakan ka."

Napangiti si Kathryn sa pagkakataong iyon. Kahit papaano ay nabawasan ang mga aalalahanin niya. Sa wakas ay alam na ng mga magulang niya ang tungkol sa kaniyang pagdadalantao.

"May balak ka bang sabihin sa kaniya ang tungkol dito?" tanong ng kaniyang ina na ang tinutukoy ay si Kian.

Umiling ang dalaga. Sapat na iyon para maunawaan ng ina niya ang kaniyang desisyon.

***


Dublin, Ireland
Summerhill Townhouse

"Mark Feehily surprised a Filipina fan."

"A rising star is rumored to be in a relationship with a 90's boyband member."

"Netizens captured: Mark Feehily's sweet gesture while giving a bouquet of flowers to a singer."

"Gay no more! Mark Feehily is reportedly dating a Filipina."

Naihagis ni Cailean ang laptop na hawak nang mabasa ang mga iyon sa internet. Hindi pa nakuntento ay pinagbabasag niya ang flower vases na nasa tabi.

Tinawagan niya si Mark.

"One month, Mark! Kapag hindi mo tinapos ang relasyon ninyo ng babaeng 'yan, ako ang tatapos sa kaniya!" Pinutol niya ang tawag matapos niyang sabihin iyon. Tinungo niya ang winery at naglasing buong magdamag.

***

Aklan, Philippines

Pinanood nina Jem ang kinahinatnan ng music video na pinaghirapan nilang i-shoot kanina.

Pumalakpak ang noo'y proud na proud na manager ni Jem. "Good job, team! Siguradong papatok ito sa mga Pilipino lalong-lalo na sa Westlife fans."

Hindi pa nakuntento'y muli nitong pinanood ang music video. "Goods na ito. Kaunting editing na lang, puwede nang i-release." Binalingan ni Paul ang mga kasama. "Let's wrap up. Magko-conference meeting pa kami ng bosses. Kayo ba, may balak pa kayong puntahan?"

Tumango si Jem. "Ipahahatid ko na lang kayo sa driver namin pauwi. Ibinilin ko na kayo kay nanay. Siya na ang bahala sa inyo."

"Sige, mauuna na kami." Sumakay na si Paul at ang mga staff sa van nina Jem. "Mag-iingat kayo."

Tanging sina Jem at Mark na lang ang naiwan.

"Ang tahimik mo kanina pa, Mark. May malalim ka yatang iniisip?"

Pilit na ngumiti si Mark."Wala naman, love. Fatigue lang siguro dahil sa jetlag."

Pagkasabi niya noon ay napatingin siya sa malayo.

I am scared.

Scared of the thought that Cailean would hurt or kill Jem.

Pero hindi ko hahayaang nangyari iyon. Poprotektahan ko si Jem anuman ang mangyari.

Kahit katumbas noon ang sarili kong buhay.

"Gusto mo na bang magpahinga? Ipagpabukas na lang natin 'yung pupuntahan natin."

Dahil sa sinabi ni Jem ay napalingon si Mark. "H-Hindi. Tara, lumalakas naman ako 'pag nakikita kita, eh. Mayamaya okay na ako."

"Ayan ka na naman sa mga banat mo ha? Lalo tuloy akong nai-inlove sa 'yo."

"Eh, 'di ma-inlove ka sa 'kin. Hindi naman kita pipigilan, eh," ani Mark at kinindatan niya ang dalaga.

Jem bit her lower lip to suppress a smile. Pulang-pula na ang mukha niya sa kilig.

I never thought na ganito pala ka-sweet si Mark nang bumalik siya sa pagiging lalaki. Naku, konting push pa talaga hihilahin ko na ito papunta sa pinakamalapit na simbahan para pakasalan.

•••

Tinungo nila ang palengke kung saan nakahilera ang maraming tindahan ng street food.

Nanggilalas si Mark sa nakita. "So many quick quick stalls! Woooooh!" Nilapitan niya agad ang unang tindahan. Kumuha na agad siya ng stick at tumusok ng tiglimang piraso ng kwek kwek.

"One for you and one for me!" masayang sambit niya. Ibinigay niya ang isang tuhog kay Jem.

Masaya silang nagpalipat-lipat ng tindahan hanggang sa sila'y mabusog.

"Busog na busog na ako, Mark." Hinaplos ni Jem ang tiyan niya. Ngayon ay nasa may tabing-dagat na sila habang naghihintay sa paglubog ng araw sa bundok sa kabilang parte nito.

"Me too! Quick quick really tastes good."

"Sana laging ganito, Mark. 'Yung ganito lang tayo kasaya."

Napangiti ang binata sa tinuran ni Jem.

"Halika nga rito." Kinabig niya ang dalaga papunta sa kaniya. Ngayon ay nakahilig na si Jem sa may balikat niya habang ang mga braso niya ay nakapalibot sa dalaga.

"Ngayon lang ako sumaya nang ganito, Jem. Ayokong hayaan ang sinuman o anuman na pawiin na lang iyon basta-basta," sambit ni Mark na nakatingin sa dagat.

Napayakap si Jem sa baywang ni Mark sa sandaling iyon.

"Thank you, Mark."

Nginitian lang siya ng binata.

"Bumalik na tayo sa inyo. Baka hinahanap na tayo." Inalalayan ni Mark si Jem at magkahawak-kamay nilang tinahak ang daan pauwi sa bahay.

***

Dublin, Ireland
Summerhill Townhouse

Hindi na ako makapaghintay ng tatlumpung araw. Tapusin man ni Mark o hindi ang relasyon sa Jem na iyon, sisiguraduhin kong tatapusin ko ang buhay ng babaeng 'yun.

May tinawagan siyang kontak sa Pilipinas.

"Ayos na ba 'yung pinabibili ko sa 'yo? Okay, good." Ibinaba ni Cailean ang cellphone. Nandidilim ang kaniyang mukha.

"Goodbye, woman. Rest in peace." Ngumiti siya at ang ngiting iyon ay napunta sa halakhak ng isang taong nababaliw.

***

Egan's Residence

Nasa balkonahe si Kian. Hawak niya ang brown envelope na nakita niya sa ibabaw ng kama. Ito pala ang pictures nila mula noong concert sa Pilipinas hanggang sa pumunta sila sa Amanpulo.

Isa-isa niyang tiningnan at binalikan ng alaala ang bawat larawan.

I really miss you, Kathy. Sobrang saya mo naman noong mga panahong magkasama tayo at kitang-kita sa mga mata mo. Pero bakit kailangan mo akong layuan at ipagtabuyan? Gaano ba kabigat 'yung dahilan?

Malungkot na tinitigan niya ang larawan nilang dalawa at napabuntong-hininga.

Just give me a sign. One sign at ipaglalaban ko kung ano'ng meron tayo. Kung wala, masakit man sa loob ko pero.. kakalimutan na kita.

***

Rodriguez' Residence
Lucena, Quezon

"Ma, naipadala n'yo na po ba sa pinagtatrabahuhan ko 'yung maternity leave application?" tanong ni Kathryn sa ina.

"Oo, anak. Naipadala ko na kanina."

"Salamat po, Mama."

Kung tutuusin ay puwede naman niyang i-email iyon sa kaniyang boss pero mas pinili niyang sumulat na lamang. Inilayo muna niya ang sarili niya sa social media pati na rin sa cellphone para sa kapakanan niya at ng kaniyang magiging anak. Sigurado rin siya na gumagawa ng paraan si Kian na makontak siya sa kahit anong paraan kaya pinutol niya ang anumang maaaring maging daan ng komunikasyon sa kaniya. Last time she heard about the news ay Stage 2 na ang Leukemia ni Jodi Albert. She badly needs Kian at this difficult moment.

Maayos namang nakapagpaalam si Kathryn sa mga kaibigan niya at nangako na muli niyang kokontakin ang mga ito pagkapanganak. Naunawaan naman siya ng mga ito.

"Kapit lang, anak. Mahal na mahal kita.. k-kayo ng daddy mo. Lalaban tayo anak," ani Kathryn.

Binalikan niya ang alaala ng nakaraan.

"Grabe, ang popogi talaga ng hubbys natin!" ani Analisa.

"Super! Naku, kahit bigyan lang ako ni Kian kahit isang anak, tatahimik na ako," wika ni Kathryn.

Naputol ang pagbabalik-tanaw niya.

Napatawa siya dahil sa alaalang iyon. Minsan, totoo pala 'yung sabi-sabi na mag-ingat daw sa lumalabas sa bibig dahil minsan e nagkakatotoo. Totoo ngang nabigyan siya ng anak ni Kian.

Pero hindi pala gano'n kadali. Akala niya, madali lang magpaanak na gano'n-gano'n lang. Kaso hindi e, nakalulungkot din pala. Hindi lang naman katawan ang ipinaubaya niya sa binata. Kasama rin pati ang puso niya.

Napabuntong-hininga ang dalaga. "Lalaban tayo, anak. Lalaban si mommy." Malungkot niyang hinaplos ang tiyan.

***

Isang pamilyar na tao ang kabababa lang ng eroplano na nag-landing sa Kalibo International Airport. Naghihintay ito sa labas ng airport habang may iniintay na tao. Mayamaya ay dumating na ang inaabangan na lihim na iniabot ang isang brief case. Kapalit naman noon ay inabutan niya ito ng isang sobre ng lilibuhin na umaabot sa P100,000. Agad din itong lumisan pagkakuha ng pera.

Si Cailean ang lalaking kabababa lang ng airport. Tinungo niya ilang oras lang ang nakaraan ang ABS-CBN studio sa Quezon City at nagpanggap na manager ni Mark. Nalaman niya na nasa Aklan ang mga ito para sa isang music video shoot. Ibinigay ng isang staff sa kaniya ang address na pinuntahan nina Mark.

Walang sinayang na sandali si Cailean at kaagad bumili ng ticket papuntang Aklan. Ngayon nga ay nasa cab siya papunta sa bahay ng babaeng itinuturing niyang karibal.

Magpaalam ka na sa mga mahal mo sa buhay kasi tatapusin na kita.

***


Nasa tapat na ng bahay ng kaniyang pakay si Cailean. Saktong nasa labas ng bahay sina Mark at Jem para magpaaraw.

"Mark!" Umalingawngaw ang sigaw ng binata. May hawak siyang baril na itinutok niya sa dalawa.

"C-Cailean?" magkasabay na sabi nina Mark at Jem.

Hinarangan ni Mark ang dalaga upang maiiwas sa kung anuman ang binabalak ni Cailean.

"Umalis ka sa harap ng babaeng 'yan, Mark! Baka matamaan ka!" Noo'y umusbod na ang mga ugat sa sentido ni Cailean sa sobrang galit.

Nagsipaglabasan naman ang mga kapit-bahay nina Jem kabilang na sina Aling Nena, Simona, at Aling Cecilia. Nasa labas na rin ng bahay ang mga magulang ni Jem at ang mga kapatid nito.

"Ang anak ko!" Napasigaw si Aling Rita at nahimatay sa sobrang nerbiyos. Kaagad siyang sinalo ng asawa niyang si Ponciano na noo'y labis din ang pag-aalala sa anak.

"Hindi ako aalis! Poprotektahan ko ang babaeng mahal ko!" sigaw ni Mark.

Nagkaroon ng ingay sa paligid dahil sa sinabi ng binata.

Ang hilakbot na nararamdaman ni Jem ay nahaluan ng kilig.

Babaeng mahal? Pakiulit nga Mark hihihi.

Okay. Mamaya na ako kikiligin. Nasa gitna nga pala kami ng tensiyon.

"Bakla ka, Mark! Hindi ka puwedeng magmahal ng isang babae!"

Lalong lumakas ang bulungan ng mga tao dahil sa isinigaw ni Cailean.

“Bakla? May bakla bang nagmamahal ng isang babae? Meron ba? Ha?”

Tumaginting sa mga tainga ni Cailean ang sinabi ni Mark. Isang luha ang kumawala sa kanan niyang mata.

“Daraan ka muna sa ibabaw ng bangkay ko bago mo saktan si Jem. Don’t you dare hurt her, Cailean! Kapag ginawa mo iyon, kahit saang impiyerno e hahabulin kita!" ani Mark.

Matalim na tingin ang ipinukol ni Cailean kina Jem at Mark. Mayamaya pa ay umangat ang isang sulok ng kaniyang mga labi kasabay ng pagkasa niya sa baril na itinutok niya agad sa dalawa. “Masyado kang matigas, Mark. Kung hindi ka rin lang naman babalik sa akin, parehas ko na lang kayong papatayin!"

Umalingawngaw sa paligid ang dalawang magkasunod na putok ng baril.

Sino kaya ang natamaan?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top