Chapter 3

The thing about basically having no friends in the org, wala akong mapagtanungan kung nasa utak ko lang ba o... talagang naka-tingin sila sa akin? Kung hindi, grabe na ba iyong pagod ko para mag-overthink ako nang ganito? Kung oo... bakit?

Ano na naman ang ginawa ko?!

"Wala kayong meeting ngayon?" tanong ni James nung magpakita ako sa kanila ni Andrew. Nagkaroon ata ng emergency o kung anuman kaya hindi natuloy iyong weekly Wednesday meeting namin. Hindi na ako nagtanong pa. Honestly, masaya na ako na walang meeting.

"Wala," I simply said. Ayoko munang pag-usapan iyong org. Naging major in AIESEC na ata ako lately. Akala ko busy na ako noon sa degree ko, pero mas may ibu-busy pa pala ako. Joke's on me talaga.

Kumain lang kami at nagkwentuhan. Biglang may pumasok na group of students mula sa school namin. Napa-tingin sila sa akin... o sa isip ko lang ulit 'yon?

"Blooming ba ako lately?" bigla kong tanong.

Sabay na kumunot iyong noo ni James at Andrew. "Akala ko tubig 'yang iniinom mo?" James asked. Umiinom kasi sila habang tubig lang iyong iniinom ko. Magbabago na nga kasi talaga ako ngayong sophomore year. Akala ko medyo mahihirapan ako kasi alak is life talaga ako nung freshman pero sa dami ng ginagawa ko, nawala na talaga sa isip ko iyong alak at pagpaparty. Ang tanging natira na lang na bisyo sa buhay ko ay vape at isumpa si Joaquin sa utak ko.

Dahil pakiramdam ko talaga ay masisiraan na ako ng bait, sinabi ko na sa kanila iyong napapansin ko nitong mga nakaraang araw. As expected, sinabihan ako ni James na delusional lang ako at hindi ako blooming—in fact, ang haggard ko daw. Sinong hindi mahahaggard sa dami ng ginagawa ko?! Mukha na akong eyebags na naglalakad.

"Ah..." biglang sabi ni Andrew.

"Bakit? Ano meron? Alam mo kung bakit tinitignan ako?" I asked, really hoping na mabigyan ng explanation iyong mga nagaganap sa paligid ko. Kasi naman! Nababaliw na lang ba talaga ako?!

"Di ko sigurado pero parang narinig ko na may issue na may binubully daw sa AIESEC? Org mo 'yon, 'di ba?" sabi ni Andrew na parang hindi pa siya sigurado na org ko iyong AIESEC. Kahit na iyon na ata ang subject ng lahat ng rant ko sa buhay nitong mga nakaraang araw.

Pero... bullying?

Agad na nanlaki iyong mga mata ko.

"What the fuck..." mahinang bulong ko. "Come to think of it, na-corner na naman ako ni Joaquin tapos tinanong niya ako kung binubully niya ba ako... Iyon ba 'yon?"

Napa-tingin ako sa mukha ni James. Iyong mukha niya iyong tipong visualization ng the pieces finally come together.

"Oh!" malakas na sabi niya kaya napa-tingin sa amin iyong ibang lamesa. Walang pakielam si James at patuloy lang siya sa pagsasalita na para bang excited siya na sabihin kung anuman iyong susunod na lalabas sa bibig niya. "Narinig ko rin 'yan! Actually last, last week pa ata? Na may binubully nga raw sa AIESEC tapos unnecessary deadlines and whatever? May nasugod pa raw sa ospital dahil sa dami ng pinapagawa? Ikaw 'yon saka si Joaquin?"

Nanlaki iyong mga mata ko. "I mean... oo, pero bullying? Saan nanggaling 'yon?" takang-taka na tanong ko. Hindi lang naman ako ang may deadline sa org. Medyo tight, pero nasira naman kasi iyong laptop ko kaya nahirapan ako dahil sa library—

Mas lalong nanlaki iyong mga mata ko.

Fuck.

Sa library.

"Shit. Siguro nung nagrarant ako sa inyo sa library? Pero anong nasugod sa ospital? Saka bullying? Ang seryoso naman non!"

Fuck. Kaya pala pinagtitinginan ako sa org kasi nagka-issue bigla ng bullying dahil sa akin? Baka iniisip pa nila na kung anu-ano sinasabi ko? Kasi saan naman nanggaling iyong na-confine ako sa ospital? Na-nosebleed lang ako one time dahil kulang ako sa tulog—pero hindi naman solely dahil sa org works ko. Marami din talaga akong ginagawa sa ibang subjects ko.

Buong linggo kong iniisip 'to.

Hanggang mag-Wednesday na naman.

I did ask James and Andrew kung ano ang gagawin ko. Hindi na ako makapag-isip nang tama kasi nase-stress na ako. Sabi ni Andrew, hayaan ko lang daw. Hindi naman totoo. Sabi naman ni James, goodluck kasi daw parang first time ever na nagkaroon ng bullying allegation against Joaquin—si Joaquin na model student bago ako mapadpad sa buhay niya.

Taena talaga.

Kapag umalis ako sa org, baka mas lumala iyong bullying allegations... Mas okay siguro na umattend pa rin ako, pero lie low na lang. Maaga akong dumating sa venue para maka-pili ako ng pwesto. Nandon ako sa pinaka-dulo.

Isa-isang dumating na iyong mga ka-group ko. I just gave them a small nod tapos ay nagfocus na ako sa notebook na dala ko. Medyo na-traumatize ako sa nangyari sa laptop ko kaya notebook lang ang dala ko. Tsk. Kasama ba 'yon sa allegations? Baka sa OA na kwento ng mga tao, ang version na ay tinapunan ni Joaquin iyong laptop ko ng kape. No wonder tinanong niya ako before kung binubully niya ba ako.

Nakaka-hiya.

"Hi," Joaquin said.

"Hi," I forced myself to say back kasi taena, baka issue na naman.

But for the rest of the meeting, I kept to myself. Nakikinig naman ako dahil ayokong magtanong ulit kung may hindi ako narinig. Brief meeting lang naman dahil in all fairness kay Joaquin, efficient siya. Nagawa na namin majority ng heavy lifting kaya medyo okay na ngayon.

"Joaquin."

Umalis na lahat at kaming dalawa na lang ang naiwan. Sinadya ko talaga na kausapin siya na kami lang dahil baka magka-issue na naman. Mukhang okay naman kasi si Joaquin... Napa-isip lang ako sa sinabi ni James na ngayon lang nagka-issue si Joaquin. Medyo nagguilty talaga ako.

"Ah... Narinig ko pala 'yung issue."

"Issue?"

"Iyong sa bullying."

"Ah," he said, short and simple.

Huminga ako nang malalim. "Hindi ko rin alam kung saan nanggaling 'yon," I lied.

"So, just out of nowhere, huh?" he asked smugly. I bit my tongue. Deserve ko naman. Kahit naman ako masabihan bigla na bully, aba maiinis din ako.

I forced a smile on my face. "Anyway, I'll still do my works and stay out of your way."

"How? By being all awkward around me?"

Napa-kunot ang noo ko. "Ha?"

"A couple of people already asked me if I am bullying you," sabi niya na rinig ko sa boses niya iyong inis.

"I told you, misunderstanding—"

"Too detailed to be a misunderstanding," he said, cutting me off.

"So, ano ang gusto mong gawin ko? 'Wag maging awkward? Dumikit lang ako sa 'yo?" naiinis na rin na sabi ko. Ako na nga nagmagandang loob na unang lumapit!

"You'd like that, huh?"

Agad na kumunot ang noo ko. "Ano?" naguguluhan na tanong ko.

He placed both his hands on the table and slightly leaned in towards me. Bahagyang napaatras ako dahil sa paglapit niya sa akin. My nose quickly caught a whiff of his perfume. Fuck! Bakit ba naamoy ko 'yon?! Kahit kasi gaano siya nakaka-bwisit, ang bango pa rin niya talaga!

"Are you really doing all this just so you can force me to be nice to you in public?"

What the fuck?!

I openly scoffed. "Wow," sabi ko. Kulang na lang magslow clap ako. "Ang wild naman ng imagination mo."

Naka-tingin lang sa akin si Joaquin. He was watching me, probably waiting for me to slip and profess my undying love for him. E gwapo naman talaga siya! Na-gwapuhan ako. Ibig sabihin ba non, magiging stalker niya na ako?! Saka ano 'to? Elaborate plan para maging kami?! Baliw ba siya?!

Ugh!

Bakit ba ako nagka-crush sa sira-ulong 'to?!

"First of all, hindi kita type," I told him.

"Really."

I knew I couldn't lie my way around this dahil para naman talaga akong asong ulol nung una ko siyang nakita. Pogi naman kasi! Pero kahit anong pogi ng isang tao, kapag may attitude problem, ang sarap pa ring itapon sa basurahan.

"Fine," I said, deciding to indirectly come out to him on a fucking random Wednesday evening. "I thought you looked good," I continued. Nilagay ko rin iyong magkabilang kamay ko sa may lamesa at bahagyang lumapit sa kanya hanggang isang hinga na lang ang pagitan naming dalawa. "But you know what? The more I get to know you, the more repulsive you become."

Joaquin has always this sort of control over every expression on his face. Like every smile, every breathe, everything's been planned.

But I guess he's always been wanted all his life—ngayon lang ata siya naka-rinig ng ganito. Oh, well. There's always a first time for everything.

"So, you can relax," I said as I leaned away and grabbed my things. "I may be gay, pero may standards naman ako." 

**

This story is already at Chapter 10 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you! 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #bxb