Unang Kabanata
ANG PAGKAMATAY NG REYNA
"Nandito ka lang pala..."
Nalukot ang mukha ko nang bigla na lamang tumalon ang kuneho mula sa pagkakahawak ko. Tumayo ako saka pinagpag ang kamay ko sa aking kulay puting bestida.
Nang humarap ako sa nagsalita, kaagad na nagtama ang paningin namin. Bumungad sa 'kin ang seryoso niyang mukha.
Ngumiti ako sa kaniya ngunit kaagad din namang nag-iwas ng tingin dahil nakalulunod ang titig na ibinibigay ng itim niyang mga mata.
"Hinahanap ka na nila roon."
"Wala pa nga akong isang oras na nasa labas!" Bumalik ang tingin ko sa kaniya dahil sa sinabi niya saka sumimangot. Wala naman akong narinig na sagot sa kaniya at pinanatili niyang seryoso ang kaniyang mukha.
"Hinahanap ka ng reyna." Ang kaninang nalulukot ko nang mukha ay nagliwanag nang mabanggit niya ang salitang reyna.
Nakauwi na pala sila!
Malawak ang ngiti ko nang lampasan ko siya, nabunggo ko pa ang kaniyang balikat ngunit hindi ko na lamang ito pinansin. Mataas ang mga damong nadadaanan ko, ang iba ay umaabot sa bewang ko.
Kung kontrolado ko lang sana ang kakayahan ko sa bilis, baka nakarating na ako ngayon sa kastilyo. Hanggang ngayon kasi, hindi pa rin lumalabas ang kakayahan kong 'yon.
Ang sabi ni ama, masyado pa raw akong bata. Dumadaan daw sa proseso ang kakayahang ito, at sa tamang panahon, natural na lalabas kaya hindi ko na ipinilit ang aking sarili.
"Ang bagal mo."
Hindi katulad ko, si Thyson, gamay na kaagad ang kaniyang natural na kakayahan. Lamang lang siya ng limampung taon sa'kin kaya mas matagal na siyang nabubuhay, at mas marami siyang kaalaman. Pero halos magkasing-tanda lang naman kami sa paningin ng mga bampira.
"E 'di i-akay mo na lang ako para mabilis." Ngumisi ako sa kaniya kaya nakita ko ang pag-ikot ng kaniyang mata.
Huminga siya nang malalim saka lumuhod sa lupa gamit ang isang paa. Nanatili akong nakatingin sa kaniya nang tapikin niya ang kaniyang balikat.
"Sakay." Lumawak ang ngiti ko saka patalon na sumakay sa likod niya kaya naman narinig ko ang pagreklamo niya.
"Tayo na!"
"Ang bigat mo." Tumayo siya habang nakaalalay sa binti ko. Nanatili akong nakangiti sa kaniya nang lumingon siya sa'kin. "Humawak ka nang maigi."
"Sig---Ahh!"
Napatili ako nang bigla na lamang siyang tumakbo. Naging malabo ang nasa paligid ko. Kusang pumulupot at mahigpit na napakapit ang aking braso sa kaniyang leeg upang hindi mahulog kaya naman nadinig ko ang paghalakhak niya.
Kalaunan ay nagawa ko rin namang sanayin ang sarili ko. Malayang tinatangay ang may kahabaan kong buhok. Malakas ang hampas ng malamig na hangin pero masaya itong sinasalubong ng aking mukha.
Ganito pala ang pakiramdam kapag mabilis ka. Kapag nagkaroon na ako ng liksi, hahabulin ko lahat ng kuneho sa kaharian! Masarap ang dugo nila. Huhulihan ko rin si ina, saka si ama, saka si Thyson!
"Nandito na ba tayo?"
Huminto na si Thyson kaya naman ipinagpalagay ko na nakarating na kami sa kastilyo. Muli niyang iniluhod ang kaniyang tuhod para ibaba ako.
"Maraming salamat, Thyson!" Kumaway lang ako sa kaniya saka nagpaalam habang dali-daling tumatakbo sa hagdan, nagmamadali na makita si ina.
Matagal silang nasa labas ng kaharian kaya nangungulila na ako sa kanila ni ama! Gusto ko na sila makita.
"Ina! Ama! Nandito na ako!"
Masaya akong nagsisigaw sa pasilyo habang tinatakbo ang distansiya papunta sa bulwagan. Kumakaway ako sa mga kawal at katulong sa sobrang galak ko.
Nang makarating ako sa bulwagan, kaagad na hinanap ng paningin ko ang aking mga magulang. Parang nagsayawan naman ang mga bituin nang matagpuan ko ang kanilang mga mata.
"Ina!"
Kaagad kong naagaw ang atensiyon nila. Mukhang nasa kalagitnaan sila ng pagpupulong pero hindi ko na 'yon pinansin at masayang tumakbo papalapit sa nanay kong malawak din ang ngiti.
"Aking munting prinsesa." Kaagad kong naramdaman ang braso niyang pumulupot sa katawan ko kaya naman napapikit ako. "Kumusta ka?"
Umangat ang tingin ko sa kaniya saka ngumiti. "Marami na po akong nahuhuling kuneho!" Pagyayabang ko rito.
Marahan naman itong tumawa. "Basta 'wag ka lang lalayo ng kaharian." Magiliw akong tumango saka tumingin kay ama.
Seryoso ang kaniyang mukha habang nakatingin sa 'kin kaya bahagya akong nakaramdam ng takot. Sumiksik ako kay ina at naramdaman ko naman na hinihimas niya ang buhok ko.
"Pumaroon ka muna sa silid natin. May ini-uwi ako para sa'yo." Tumango ako bilang sagot sa ibinulong ni ina saka nagsimulang maglakad palabas ng bulwagan.
"Bakit mukha kang malungkot? Hindi ba dapat masaya ka kasi nakauwi na ang hari at reyna?"
Habang naglalakad sa pasilyo, bigla-bigla na lamang sumulpot si Thyson sa tabi ko. Malungkot akong tumingin sa kaniya kaya nakita kong nag-iba din ang kaniyang ekspresyon.
"Parang hindi naman masaya si ama na makita ako." Kumunot ang kaniyang noo sa aking tinuran. Nang buksan ko ang pinto ng aking silid, kaagad siyang sumunod sa loob.
Simula pagkabata naman ay magkasama na kami ni Thyson kaya hindi naman malaking bagay para sa 'kin na pumapasok siya ng silid ko. Pumapasok din naman kasi ako sa kaniyang silid.
"Pa'no mo naman nasabi?" Sabay kaming umupo sa aking kama. Tiningnan niya ako sa mata kaya gan'on din ang ginawa ko sa kaniya. "Pinagtabuyan ka ba niya?"
"Hindi naman." Sunod-sunod ang ginawa kong iling. "Pero alam mo 'yon? Parang hindi man lang siya natuwa nang nakita niya ako."
Tinapik niya lamang ang ulo ko saka marahang ngumiti. "'Wag ka na malungkot. Hayaan mo bukas, sasamahan kitang manghuli ng mga kuneho."
"Pangako? Hindi mo na itataboy palayo?" Itinaas niya ang kaniyang kaliwang kamay.
Sandali lang siyang nanatili sa silid ko at kaagad na ring nagpaalam na lalabas muna upang pumunta sa bayan para maglibot. Gusto ko sanang sumama ngunit kailangan ko pang hintayin ang aking ina rito.
Habang wala pa siya ay naisipan kong abalahin muna ang aking sarili sa kung ano-anong bagay. Mula sa bintana ng silid ko, sinilip ko ang mga mamamayan ng Revero.
Gusto kong makalabas ng kaharian kahit na isang beses lamang. Ang sabi ni ina, maaari ko raw 'yong gawin kapag isang daang taon na ako. Kailangan ko na lamang maghintay ng ilan pang taon.
Si Thyson kasi, lampas isang daang taon na kaya malamang, nakita niya na ang labas. Ano kayang hitsura ng labas?
Malamang ay madami ang iba pang bampira. Katulad din kaya namin sila? May bampira kaya ro'n na nanghahabol din ng kuneho?
Maraming katanungan sa aking isipan nang pumasok ang aking ina. "Nandito ka pala."
Naglakad siya palapit sa kama ko kaya naman pumunta rin ako roon. Nang makaupo ako sa kama ay kaagad niya akong pinatalikod saka sinimulang suklayin ang aking buhok.
"Gusto mo bang makita kung anong regalo ko sa 'yo?" Sunod-sunod ang tango na ginawa ko kaya narinig ko ang malumanay niyang pagtawa.
Sandali siyang umalis sa pagkakaupo at lumabas ng silid. Hindi naman nagtagal ay muling lumitaw ang kaniyang ulo sa pintuan habang malawak na nakangiti.
Pumasok siya sa loob habang nakalagay sa likod niya ang kaniyang kamay. Tumayo naman ako at hindi makapaghintay na makita ang regalo ni ina.
"Ibinili kita nito."
Bumuka ang bibig ko nang ilabas ni ina ang isang uri ng takong. Kakulay ito ng likidong lumalabas sa kunehong iniinom ko. Kakulay ito ng mata ni Thyson, ng mata ni ina't ama, at ng mata ng mga kauri ko.
Kulay pula.
Napatalon ako mula sa kama ko at nagningning ang aking mga mata nang dahil sa regalong 'yon. Hinawakan ko ang bagay na 'yon at naramdaman kong may umalon sa aking dibdib dahil sa sobrang galak.
"Maraming salamat, ina!"
Niyakap ko siya nang mahigpit. Halos buong maghapon, wala akong ginawa kun 'di tingnan 'yon. Gusto ko na itong isuot at ipakita kay Thyson ngunit masyadong maluwag sa aking paa.
Siguro, kapag lumaki pa ako lalo saka ko ito isusuot.
Balang araw, magagamit ko rin ang regalo ni ina.
"Saan ka pupunta?"
Napatingin ako kay ina nang bumungad ito sa 'kin isang umaga habang pababa ako ng hagdanan. Puting bestida pa rin ang aking suot habang nakayapak lamang dahil hindi ko makita ang aking sapin sa paa.
"Sasaglit ako kina Thyson, ina. Naulinigan kong umuwi ang kaniyang ama kaya naman pupuntahan ko siya!"
Totoo't umuwi ang ama ni Thyson, na nagkataong ninong ko kaya gusto kong salubungin siya. Ngumiti lamang ang aking ina saka ako tinanguan kaya naman mabilis akong tumakbo palabas ng kastilyo.
Dahil hindi ko kayang takbuhin ang lugar nina Thyson kahit na sakop 'yon ng kaharian na pinamumunuan ng aking ama, kinailangan kong sumakay ng kabayo.
Marunong akong mangabayo dahil isa 'yon sa mga itinuro sa 'kin ng lalaki. Ang sabi niya, hangga't hindi pa lumalabas ang liksi ko, kabayo lamang ang maaari kong gamitin.
Minaniobra ko ang kabayo palabas ng kastilyo,
pababa ng bayan. Marami akong nakakasalubong na kapwa ko bampira kaya malawak ang ngiti ko.
Kilala ako sa Revero dahil anak ako ng kamahalan. Mataas ang tingin nila sa pamilya namin, lalo na sa aking ama at ina dahil napananatili nila ang kapayapaan.
Sa loob ng daan-daang taon, hindi pa nagkakaroon ng gulo ang kaharian kaya naman paglaki ko, gusto kong maging kasing-husay ng aking ama pagdating sa pamumuno.
"Thyson!"
Kaagad kong inihinto ang aking kabayo nang makarating sa lugar na tinitirhan ng lalaki. Natanaw ko siyang nakatayo sa pintuan ng malaki nilang bahay kaya naman agad akong lumapit.
"Bakit ka nakapaa lamang, kamahalan?" Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa saka umiling. Sandali siyang nawala sa paningin ko at pagbalik niya, may dala na siyang tsinelas.
Bumungisngis ako saka ito isinuot nang ilapag niya sa paanan ko. "Asa'n na si ninong?"
"Hindi pa siya dumadat---ayan na pala."
Tumalikod ako sa kaniya at kaagad na nagalak nang makita ang lalaking ipinunta ko dito. Kahit na nakasuot siya ng itim na balabal, alam ko kaagad na siya 'yon.
"Ninong!" Lumapit kami ni Thyson sa kaniya.
Tinanggal niya naman ang balabal na tumatakip sa kaniyang ulo kaya nakita namin ang nakangiti niyang mukha. "Iha."
Tumuloy kami sa loob ng bahay nila. Isa ang pamilya nila Thyson sa mga mayayamang pamilya sa Revero. Halos magkapantay lamang ang estado ng aming buhay ngunit ang pagkakaiba, anak ako ng mga monarka.
Magkaibigan ang mga magulang namin kaya siguro kami naging magkaibigan ni Thyson. Ang kaniyang ina, namatay raw no'ng isinilang siya kaya hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon na makilala.
"Mamayang gabi po ay manghuhuli kami ni Thyson ng kuneho."
Tiningnan ko ang reaksiyon ng kaibigan ko nang dahil sa sinabi ko at nakita kong nakataas ang kilay nito. Narinig ko naman ang pagtawa ng kaniyang ama.
"Tamang-tama. Maliwanag ang buwan mamaya, hindi kayo mahihirapan." Kahit naman hindi maliwanag ang buwan, hindi mahirap hulihin ang mga kuneho.
Bukod kasi sa liksi, taglay din naming mga bampira ang kakayahan na makakita sa dilim. Ito naman ang kakayahang nakukuha kahit ng mga sanggol na bampira.
Nagtagal pa ako sa tahanan nina Thyson hanggang sa maggabi na. Si ninong ay nagpaalam na bibisitahin ang aking mga magulang sa kastilyo kaya naman naiwan kaming dalawa ni Thyson.
Kasalukuyan siyang nagsusuot ng balabal. Aalis na kami para manghuli ng mga kuneho. Sigurado mas malaking hayop ang huhulihin niya. Ako naman ay nakasuot na ng balabal kaya hinihintay ko na lamang siya.
"'Wag kang aalis sa tabi ko." Tumingin siya sa 'kin kaya ngumiti lamang ako. "Mangako ka."
"Oo na." Itinaklob ko na ang balabal sa aking ulo. "Tara na ba?"
"Malapit lamang ang gubat. Lalakarin na lamang natin." Tumango lang ako saka siya sinabayan na maglakad palabas ng bahay.
Malamig ang simoy ng hangin. Halos walang bituin na matatanaw sa labas dahil sa liwanag ng buwan. Nakasindi na ang mga lampara sa iba't ibang bahay na katabi ng tahanan nila Thyson. Ang payapa ng gabi.
Naglakad kami sa matataas na damo. Malalaki ang kaniyang hakbang kaya sinubukan ko itong sabayan. Ang madilim na kagubatan na kaagad ang bumungad sa'min matapos ang ilang minutong paglalakad.
Pinasok namin ito kaya nakita ko ang pagliwanag ng pula niyang mata. Naramdaman ko ding may dumaloy na init sa katawan ko nang maamoy ko ang dugo ng iba't ibang hayop na nasa loob ng gubat.
Nagsimula kaming manghuli. Si Thyson, umaakyat sa mga puno habang ako naman ay nanatili sa kalupaan. Mabuti na lamang at hindi marunong umakyat ng puno ang mga kuneho kaya pareho lang kami.
"Bakit ka kumakain, kamahalan? Hindi ba't iuuwi mo ang mga 'yan?"
Itinigil ko ang pagsipsip sa katawan ng kunehong hawak ko at tiningnan si Thyson. "Nagugutom ako." Sumimangot ako saka nagpatuloy sa pagsipsip sa dugo nito.
Makalat na malamang ang bibig ko dahil sa dami ng kinain kong kuneho. Nakahuli na rin si Thyson ng dalawang usa kaya naman inaya niya na akong umuwi dahil malalim na ang gabi.
"I-uwi mo ito sa hari at reyna." Nang makarating kami sa kanilang tahanan, ibinigay niya sa 'kin ang isang usa.
Ngumiti lamang ako nang malawak. "Sige! Salamat, Thyson." Inilagay ako ang wala ng buhay na usa sa likod ng aking kabayo saka sumampa roon.
Umuwi ako sa kastilyo kung saan ako nakatira gamit ang puti kong kabayo. Ang tahimik ng paligid. Tanging tunog lamang ng pagtapak ng aking kabayo sa lupa ang maririnig, kasabay ng pag-duyan ng mga dahon dahil sa mahinang hangin.
Halos wala ng nakasinding lampara sa mga tahanang nadadaanan ko. Kakaunti na lamang ang gising pero hindi man lang ako nakaramdam ng takot.
Nang makarating sa kastilyo, kaagad akong tumakbo papunta sa itaas para sana linisin ang aking mukha na noon ay puno ng dugo ng mga kuneho. Hindi kasi magugustuhan ni ama at ina na makita akong madungis.
Nanlaki ang mata ko nang makitang nakabukas ang silid nina ama at ina. Posible kayang nandito kaagad sila sa kanilang silid?
Pero hindi maaari. Kapag alam nilang wala pa ako, hindi sila tumutungo sa kanilang silid para magpahinga na. Ngunit baka si ama?
Hindi rin maaari dahil nandiyan pa ang aking pangalawang amain. Ilang taon silang hindi nagkita kaya malamang ay pinupunan nila ang mga oras na hindi nila nakita ang isa't isa.
Nagpakawala na lamang ako ng malalim na hininga. Baka naman naiwan lang nilang nakabukas.
Dahan-dahan, naglakad ako palampas sa kanilang silid. Pinilit kong 'wag gumawa ng ingay at sumilip pa nang bahagya sa kanilang silid.
Na sana hindi ko na lamang ginawa.
Noong mga panahong iyon, isinumpa ko ang kakayahan kong makita ang mga bagay na itinatago ng dilim.
Kung hindi ko ba 'yon nakita at dumeretso na lamang sa silid ko, hindi ba mangyayari sa'kin ang bagay na 'yon? Hindi ba magbabago ang aking tadhana?
Hindi ba ako magiging masama sa mata ng mga kauri ko?
"Patay na ang reyna. Pinatay siya ng prinsesa!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top