Chapter 11- HULING HININGA
Doon ko unang narinig ang kanyang pagtangis.
Sumigaw siya ngunit hindi nagmakaawa. Sumigaw siya dahil sa sakit. Nasaktan siya dahil sa...
"Tao siya ngayon," mahinang wika ko sa sarili.
Ang krus na pinapakuan kay Hesus ay mayroon nang butas ngunit hindi sakto ang kanyang kamay sa butas. Masyadong magkalayo ang mga butas nito para sumakto pa ang kanyang kamay na ngayon ay nakabaluktot na dahil sa sakit.
"Ilahad mo pa," sigaw ng sundalo sa kanya. Ngunit hindi niya kayang ilahad.
Hindi! Hindi... hindi... sigaw ng isip ko nang makita ko ang dalawang sundalo na tinaliaan ang kamay ni Hesus na hindi pa naipapako.
"Huwag!"
Umalingawngaw ang sigaw ko ngunit mas nanaig ang sigawan ng mga nanonood.
"Ipako! Ipako!"
Panginoon ko.
Hinila ng dalawang sundalo ang kamay ni Hesus na nakatali. Hinihila nila ang kanyang kamay upang maidipa ng mabuti. Kasabay ng paghila sa kanya ay ang pagkapunit ng kanyang laman sa palad na naipako na.
Napapapikit ako dahil sa awa at sa sakit na nakikita sa kanyang mukha.
"Ang anak ko." Patuloy sa pag-iyak ang kanyang ina. Yakap-yakap siya ng isang babae na umiiyak din ngunit pinipilit na magpakatatag.
At si Hesus... tuluyan ng naipako ang kanyang isang palad.
Hindi pa nasiyahan ang mga sundalo dito. Nagtulong sila upang ang paa naman niya ang maipako.
Noon, sa mga sinakulo na napapanood ko noong bata ako, natatawa ako kapag nakikita ko ito. Ang pako... walang pako sa sinakulo. Tinatali lamang ang kamay at braso ng gumaganap na Kristo ngunit ang pako na nakikita ko ngayon ay halos kasing taba ng tatlong daliri ko na pinagtabi-tabi at mahaba pa sa ruler na madalas kong kuhanin sa HR.
Ang pako na gamit nila na sa sobrang haba ay lumusot na sa krus.
"Sobra..." Napansin ng isang sundalo ang mga pako na nakausli.
Pinagmamasdan nila ang mga ito at nagtalo-talo.
"Itupi ninyo upang hindi makalas," ani ng pinaka pinuno nila.
Walang nagawa ang ibang sundalo kung hindi sumunod. Itinaas nila ang krus ngunit muling ibinagsak sa lupa. Tatama ang mukha at katawan ni Hesus sa lupa kung hindi naisangkal sa malaking bato ang ulo ng krus.
Ang mga nakausling pako ang nakatunghay na sa mga sundalo. Pinukpok nila ang mga ito. Salitan sila ng pagpalo sa pako hanggang sa naitupi nila ang pako na tuluyang nagsarado ng kapalaran ni Hesus.
Ang mga luha ko ay kusang naglandas sa aking mukha habang tinitingnan siya na itinatayo. Umaagos ang dugo sa kanyang halos basag na mukha. Ang mga sanga-sangang sugat mula sa latigo ay hindo mo mawari kung saan papunta.
"Hoy," sigaw ng isa sa dalawang nakapako sa magkabilang tabi ni Hesus. "Ikaw na gigiba sa templo, at sa ikatlong araw ay itatayo ito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!"
Narinig ito ng mga sundalo na Romano. Natawa sila at nakinig sa pang-aalipusta ng isa sa nakapako.
"Nagligtas siya ng iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya. Nagtiwala siya sa Diyos; kanyang iligtas siya ngayon kung ibig niya, sapagkat sinabi niya, 'Ako'y Anak ng Diyos.'"
Umugong ang tawanan sa mga nakarinig.
"Tumigil ka na," saway ng isa pa. "Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan? Tayo ay nahatulan ng matuwid, sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang taong ito'y hindi gumawa ng anumang masama."
Umugong ang malakas na pagtutol sa iilan na nanonood pa.
"Hesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian," wika ng isa sa dalawa.
Sumagot si Hesus, "Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso."
Ang mga uwak na naglipana sa paligid ay dumapo sa ulo ng isa sa dalawang kasama ni Hesus.
Ang alam ko sa uwak ay ang mga ibon na kumakain ng laman ng patay ngunit ang isang uwak na dumapo sa krus ng balasubas na magnanakaw ay nanuka. Tinuka niya ang mata ng magnanakaw hanggang sa ito ay magdugo at mabulag.
Nang magtatanghaling-tapat na, nagdilim sa ibabaw ng buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon, habang madilim ang araw ay may liwanag na sumilay sa ulap.
Si Hesus ay sumigaw ng malakas at nagsabi, "Ama, sa mga kamay mo ay inihahabilin ko ang aking espiritu."
At pagkasabi niya ng huling kataga ay ibinigay ni Hesus ang kanyang huling hininga para sa makasalanang lupain ng mga tao.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top