Hush Now
Rosette's POV
Huminga ako ng malalim habang nilalanghap ang sariwang simoy ng hangin. Pasado alas onse na ng hapon at hindi parin kami nakakarating sa aming destinasyon.
Ibinaling ko nalang ang atensyon ko sa labas ng bintana kung saan makikita mo ang nagsisitaasang puno ng acacia. Tumingala ako sa himpapawid kung saan ang grupo ng mga ibon ay patuloy na winawagaswas ang kanilang mga pakpak marahil naghahanap na sila ng masisilungan dahil sa makulimlim na kalangitan na nagbibigay ng pahiwatig sa nagbabadyang buhos ng ulan.
"Mahal, malapit na ba tayo sa bahay ninyo?" Tanong ko, habang sinulyapan ko si Mateo na kasalukuyang nagmamaneho sa pasikot-sikot na daanan tungo sa bago naming tahanan.
Oo, bagong kasal lang kami ni Mateo 3 araw ng makalipas. Nagkasundo na rin kami na sa bahay sa Batangas na kami didistino. Ang bahay ng pamilya Concepcion. Ang bahay kung saan unti-unti naming tutuparin ang aming pangarap. Hindi ko mapigilang ngumiti habang iniisip ko ang bagong yugto ng pagmamahalan namin ni Mateo.
"Malapit na tayo mahal, makikita mo na nga ang mataas na pader ng bahay mula rito," sabi niya habang tinuturo ang malalaking pader na nasa itaas ng burol. Napapalibutan rin ito ng nagsisitaasang mga puno.
"Ang aming bayan ay liblib at hindi pa katulad ng maynila na modernisado na. Kakaunti rin ang mga residente rito, karamihan ay magsasaka. Habang ang plaza ay malayo rin sa ating tahanan, mga isang oras at mahigit upang makarating ka roon," sabi niya ng hindi hinihiwalay ang tingin sa kalsada
Hindi ko mapigilang mapangisi sa mga sinasabi niya. Marahan kong ipinisil ang kanyang kamay na nakapatong sa kambyo. "Mateo ano ba ang iyong tinuturan?"
"Gusto ko lamang na malaman kung ayos ka lang sa ganitong rural na pamumuhay," saad nito habang ang kanyang tsokolateng mga mata na tunay na nakabibighani ay sumulyap sa akin.
"Wag ka ng mag-alala, ako'y tunay na nagagalak na sa probinsya tayo maninirahan, malayo sa magulo at mausok na bayan," Aking tinuran upang maibsan ang pag-aalala ng aking asawa
At sa muling pagdungaw ko sa bintana, ay tumambad sa akin ang malaki at may pagkaluma ng gate na kulay itim. Concepcion ang nakasulat sa itaas niyon.
Lumabas muna si Mateo upang buksan ito. Sinundan ko ng tingin ang malawak na lupain ng mga Concepcion na tulad ng aking inaasahan ay puno rin ng matatayog na puno. Agaw pansin rin ang matataas na pader nito na medyo may lumot na marahil sa katandaan narin nito. Umalingawngaw ang nakakangilong tunog dahil sa pagbukas ni Mateo sa nangangalawang na gate.
Hindi rin nagtagal bumalik na siya at muling pinaandar ang oto. Hindi ko rin mapigilang sulyapan ang mga punong sa paningin ko ay walang hanggan. Pumapasok ang malamig na simoy ng hangin kaya't kaagad kong sinara ang bintana ng sasakyan at tinuon nalang ang atensyon sa harapan.
Sa wakas sa mahaba habang biyahe nasilayan ko na ang bahay na kinalakihan ni Mateo. Tinanggal ko muna ang aking seatbelt at lumabas na ng oto upang mas masilayan ko ng mabuti ang istraktura ng bahay.
Sa harapan ko ay isang nakatindig na bahay na bato na may dalawang palapag. Isa siyang ebolusyon ng pinagsamang arkitektura ng bahay kubo at ang kolonyal na arkitektura ng mga Kastila. Kapansin-pansin rin ang nagsisilakihang mga bintana at mga pintuan. Ang hagdan rin nito ay nasa labas na nagdagdag ng kagandahan ng bahay.
"Mahal, kailan pa ito naitayo?" Tanong ko habang patuloy na pinagmamasdan ang bahay na may pagkaluma na rin.
"Tinayo iyan ng aming mga ninuno simula pa noong panahon ng pagsakop ng mga hapon," sabi nito habang kinukuha ang aming bagahe sa trangkahe.
"Bahay ng mga Concepcion"
Samantala, marahang tinatangay ng hangin ang aking buhok at sa hindi ko malamang dahilan naninindig ang aking balahibo sa pagtanaw lamang ng bahay kung saan ay nakadungaw si mama Herminia sa isa sa mga bintana.
Binalewala ko na lamang itong kaba sa aking dibdib siguro dulot lang iyon ng nagbabadyang buhos ng ulan.
"O naririto na pala kayo! Ako'y talagang nagagalak na dito na kayo titira," bati ni tatay Romano ng may malawak na ngiti sa kaniyang mga labi.
Si tatay Romano ay nasa edad limang put apat na, nagiging singkit ang kaniyang mga mata lalo na pag siya'y nakangiti. Marami naring kulubot si tatay sa mukha dala narin ng katandaan. Kalbo na ito, habang may napakakapal na puting balbas sa bibig at sa baba.
Malugod ko namang tinanggap ang mahigpit na yakap ni tatay Romano. Tinuturing niya ako na parang tunay niyang anak, at para sa akin siya na ang tumatayong tatay ko. Sapagkat namatay na ang aking mga magulang 3 taon ng nakalilipas. At hindi ko mapigilang malungkot habang iniisip ko nanaman ang masaklap na aksidente ng aking mga magulang.
"Mahal, halina pumasok na tayo sapagkat malapit naring bumuhos ang ulan," saad ng aking Mateo.
Pumasok kami sa tanggapan ng panauhin na nasa unang palapag. At gaya ng aking inaasahan, halos lahat ng gamit rito ay gawa sa kahoy. Mayroon ring maliit na lamesa sa gitna kung saan nakapatong ang plorera na punong puno ng bagong pitas na mga bulaklak.
Napahawak ako sa aking braso dulot na rin ng lamig na hatid ng ihip ng hangin na malayang nakakapasok sa buong bahay dahil narin sa di mabilang na bintana.
"Alam kong ayaw mo sa lamig kaya heto ang mainit na tsokolate," sabay niyang binigay ang tasa ng mainit na tsokolate habang pinatong niya ang makapal na itim na jacket sa akin.
Hindi ko mapigilang mapangiti na kahit madaming masaklap na pangyayari ang aking naharap naririyan parin ang aking mahal. Maganda na ang kaniyang ugali, nabighani din ako sa kanyang taglay na kakisigan. Ang aking asawa ay moreno na may bilugang kumikislap na tsokolateng mga mata, itim na buhok na umaabot madalas sa kaniyang mga mata, makapal na kilay, matangos na ilong at higit sa lahat ang kaniyang ngiting hatid sa akin ay ligaya.
Natapos ang aking pagpapantasya ng maaninag ko ang isang pigura ng bata sa tabi ni tatay Romano. Ngayon ay nasa harapan ko ang kapatid ni Mateo na si Mary. Sa pagkakaalam ko siyam na taong gulang na si Mary ngayong taon. Ang nakakapagtaka lamang ay nasaan ang isa pa nilang kapatid?
Kaagad na naglaho ang aking mga katanungan ng nagsimulang magmano si Mary. Kumpara kay Mateo, namana ni Mary ang singkit na mga mata kay tatay Romano. Habang nakuha niya ang medyo itim na kulot niyang buhok kay mama Herminia. Hindi ko mapigilang mapangiti na mapait habang iniisip na nagiisa lang akong anak nina mama at papa kaya't wala akong kapatid.
"O siya, kumain na tayo ng tanghalian," biglang sabi ni mama Herminia na kakapasok lang mula sa pinto. Kita nanaman ang busangot na mukha nito. Unang pagkikita palang namin noon ay nakataas na kaagad ang kilay niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit, marahil ganiyan na talaga si mama Herminia.
Unang kita mo palang kay mama Herminia, ay mapapansin mo na ang dugong español na nananalaytay sa kanya. Mestiza ito na may maikling puti na buhok na laging nakaipit. Matinis at malakas rin ang tono ng kaniyang pananalita at talagang makikita mo ang lakas ng kaniyang personalidad habang kinukumpas niya ang kaniyang abaniko.
Nagtungo na kami sa hapag kainan na malapit lang din sa tanggapan ng panauhin.
Dito nakahapag ang sari-saring putahe tulad ng kaldereta, sinigang, inihaw na tilapia, meron ring ube halaya at syempre hindi mawawala ang kanin sa malaking lamesa na ito na gawa rin sa kahoy.
Di rin nagtagal ay sama-sama na kaming nagsalo sa pagkain. Pinagsasalin ko ng tubig ang aking asawa ng biglang nagsalita si mama Herminia.
"Anong plano mo niyan Rosette? Kailan ka magtatrabaho? O baka aasa ka lang sa anak kong si Mateo?" sunod sunod na tanong ni mama Herminia, dahil doon napatigil ako sa pagkain at napatingin sa kaniyang nanlilisik na mga mata.
"Magtatrabaho ako kaagad sa bayan baka po sa susunod na mga araw," ngiting sabi ko upang mabawasan ang tensyon.
"Aba't dapat lang, baka sa susunod maging palamuni--"
Naputol ang sasabihin niya ng magsalita si Mateo.
"Ma, tama na bakit ba ganiyan ang turing niyo sa asawa ko?" Tanong ni Mateo.
"Tama na, nasa harapan tayo ng hapag kainan, at Herminia hayaan mo muna si Rosette sapagkat kalilipat niya palang rito," saad ni tatay Romano na nagpatigil sa umuusbong na sagutan nila.
Pagkatapos ng tanghalian na iyon ay ipinasyal na lamang ako ni Mateo sa buong bahay. Unti-unti ko ng nakakabisado ang istraktura nito. Sa unang palapag ay naroroon ang tanggapan ng panauhin, kusina, palikuran at hagdanan tungo sa 'basement' kung nasaan ang mga libro at mga bagay na di narin masyadong nagagamit.
Habang sa pangalawang palapag naman ay naroroon ang isang maliit na salas at apat na kwarto. Pinaalam rin ni tatay Romano na nasa bandang gate ang nag-iisang telepono sa bahay dahil doon lamang malakas ang signal. Madalas rin daw na nawawalan ng power sa gabi dahil sa hindi matapos tapos na proyekto ng transformer ng bayan. Kaya't madalas pagsumasapit ang dilim ay gumagamit sila ng mga kandila.
Kahit ang cellphone ko ay walang kahit ni isang bar ng signal. Gusto ko pa namang tawagan si Tito Roy. Siya ang nag-alaga sa akin ng mawala parehas ang aking mga magulang. Nakakalungkot lang na narito ako sa batangas at nasa maynila pa siya. Iyan ang mga bagay-bagay na aking iniisip habang hawak-hawak ko ang paborito kong manika. Na binigay pa ni Ina sa akin noon.
Papatayin ko na sana ang lampara sa aking gilid ng ako'y nagulat sa isang pigura ng maliit na bata na ngayon ay nakadungaw sa pintuan.
Kahit ako'y gulat parin sa biglaang presensya niya...
"Bata anong kailangan mo?" Salamat at nabuka ko naman ang aking bibig para magtanong. Mestizang bata na bilugan ang mga itim na mata, itim rin ang mahabang kulot na buhok nito na umaabot hanggang sa kaniyang bewang. Dala-dala niya rin ang manika niya na may tsupon pa sa bibig.
"Ate, ikaw po ba yung asawa ng kuya Mateo ko po?" Tanong niya sabay ngiti, na nakapagpagaan ng aking kalooban. Ito pala ang isa niya pang kapatid.
"Oo ako nga, maari mo kong tawaging Ate Rosette," pagpapakilala ko habang sineseniyasan ko siyang lumapit. Ngayong naglalakad siya palapit, doon ko napagtanto ang malaking pagkakamukha niya kay tatay Romano. Para bang babaeng bersyon nito.
"Anong pangalan mo ba?" Tanong ko sabay tapik ko sa gilid ng kama upang siya'y umupo sa tabi ko.
"Ang pangalan ko po ay Yumi," sagot niya sabay ngiti na nagpakita sa bungi bungi niyang ngipin. Siguro nasa anim na taong gulang na si Yumi base sa kanyang tangkad at pananalita.
"Ate Rosette hindi po ba kayo galit kay mama kahit na minsa'y masungit siya?" Tanong nito habang nilalaro ang nakalambitin niyang mga paa na hindi umaabot sa sahig dahil narin nakaupo siya.
"Bakit mo naman naitanong iyan Yumi?" Tanong ko habang marahan na natatawa.
"Lagi po kasing masungit si mama lalo na sa mga bisita o sa mga ibang taong pumapasok sa bahay," saad niya.
"Hindi naman, alam kong mabait si mama Herminia baka hindi lang talaga siya sanay sa akin," sabi ko sabay ngiti. Hindi ko rin napigilang kurutin ang matatambok na pisngi nito. Napatingin ako sa pinto dahil may naririnig akong paparating na mga yabag.
"Mahal tayo na't maghapunan," sabi ni Mateo habang nakatutok ang kanyang atensyon sa mga papel na kaniyang hawak.
"Yumi, tara na kumain na tayo," aya ko kay Yumi.
"Sige po, susunod nalang po ako pagkatapos ko pong itabi ang mga laruan ko sa kwarto," ngiting sabi niya at kumaripas na ng takbo palabas.
"Mahal, tara na naghihintay na sila sa baba," banggit ni Mateo ulit, kaya't pinatay ko na ang lampara at bumaba na upang kumain.
Natapos na ang hapunan ng walang gulo tulad noong tanghalian. Ngayon nama'y nag-aayos na kami para matulog.
Nakapatong ang aking ulo sa kaniyang braso habang marahan kong hinahaplos ang maamong mukha ng aking Mateo. "Mahal, ako'y nananabik ng abutin ang ating mga pangarap ng magkasama, magta-trabaho ako ng mabuti bilang isang inhinyero para masuportahan ang pamilyang ating bubuuin," sabi nito habang hindi mawala ang ngiti sa kaniyang mga labi, at pati nadin ang akin.
"Sabay nating tuparin ang mga iyon ng magkahawak kamay," sabi ko habang diretsong nakatingin sa kanyang mapupungay na mga mata. At sa paghalik niya sa aking noo ay tuluyan na akong dinalaw ng antok.
Napabalikwas ako ng bangon sa malakas na kulog ng kidlat kasabay ng nakakabinging tili na nagmumula sa kwarto nina tatay Romano. Kahit si Mateo ay napabalikwas rin at walang sinayang na panahon ng mapagtantong sigaw ito ni...
Mama Herminia.
Hindi kaagad ito naproseso ng aking isipan habang narinig ko nalang ang sunod sunod na palahaw ng iyak na umalingawngaw sa buong bahay.
Dala ang isang kandila kumaripas ako ng takbo, tinatawid ang madidilim na pasilyo habang palakas ng palakas ang kutob kong may masamang nangyari. Patuloy rin ang pagsayaw ng mga puting kurtina dahil sa malakas na ihip ng hangin dulot ng nakakabinging buhos ng ulan na sinabayan pa ng kulog at kidlat.
Palakas ng palakas ang mga hikbi at sigaw habang papalapit ako ng papalapit. Dito naaninag ko ang bukas na pintuan na bukas ang ilaw sa loob. Ilang hakbang nalang mula sa kwarto ay mas rinig na rinig ko ang mga palahaw at hikbi nila na punong puno ng kalungkutan.
At sa puntong ito, nablangko ang aking isipan habang walang humpay na nangangatog ang aking kamay dahilan upang mabitawan ko ang hawak kong kandila, ngunit nanatili parin ang ningas nito.
Habang nililibot ko ang aking paningin sa buong kwarto tinakpan ko ang aking bibig sa panalanging tumigil ako sa kakahikbi. Hindi ko magawang umatras o gumalaw man lang hanggang hindi na kinaya ng aking nangangatog na mga binti, tuluyan akong sumalampak sa sahig. Patuloy na umaalingasaw ang masangsang na amoy. Nakakasulasok at masakit sa ilong.
Bakit?
Napapikit at napahagulgol na lamang ako sa mga kadahilanang wala na siya...
Habang nakapikit saka ko na lamang namalayan na kanina pa naguunahan ang mga luha ko sa magkabila kong mata. Marahan kong minulat ang aking mga mata. Sa pag-asang hindi ito totoo...
Sa harapan ko ay ang bangkay ng isang lalaking tinuring ko ng tatay. Siya ngayon ay nakabigti sa aming harapan habang patuloy na umaagos ang aming mga luha dahil sa kalunos lunos na sinapit nito. Halatang namatay siya ng puno ng sakit at galit. Sapagkat makikita mo ito sa nakaawang na mata nitong wala ng buhay.
Puno ng galos, mga kamay na patuloy na nagdurugo sa kadahilanang buong pwersang tinanggalan ng mga kuko. Mula kamay at paa. Walang tinira ni isa. Tila naging bukas na gripo ang dugo na patuloy na umaagos sa bibig nito na napapalibutan ng barbed wire na bumaon sa kanyang balat maging narin sa kaniyang buto. Hindi ko mapigilang mapuno ng galit sapagkat pinatay ang aking tatay ng wala man lang sigaw ng laban para sa kaniyang buhay. Ang buong mukha nito ay naliligo sa kaniyang sariling dugo dahil sa sariwang malaking sugat sa kaniyang ulo. May itak pang nakasaksak sa kanyang leeg habang tadtad ng saksak ang kaniyang tiyan. At ang mas nakapangingilabot pa roon ay ang mga saksak ng kutsilyo ay gumagawa ng imahe ng isang ngiti.
"Tatay Romano!!" Sigaw ko habang patuloy na naguunahan ang ang mga luha ko tulad ng malakas na buhos ng ulan.
Kitang kita ko ang paghihinagpis ni mama Herminia habang yakap yakap niya ang malamig na bangkay ni tatay. Hindi rin magkamayaw sa pag-iyak si Mary. Habang nakatayo lamang si Mateo habang patuloy na umaagos ang kaniyang mga luha.
Sa natitira ko pang lakas pinilit kong tumayo at bigyan siya ng isang mahigpit na yakap para lang malaman niya na naririto ako para sandalan niya. Yinakap niya ako ng mahigpit habang tuluyang nabasa ang aking damit sa kaniyang mga luhang animoy nagraragasang tubig.
"SINO?! SINONG PUMATAY KAY ROMANO??! Malakas na sigaw ni mama Herminia na sinabayan pa ng isang malakas na tunog ng kidlat. Patuloy ang pagbaba at pagtaas ng kaniyang mga balikat dahil sa kaniyang mabilis na paghinga habang nililibot niya ang kaniyang tingin sa amin.
Di kinalaunan huminto ang kaniyang nanlilisik na mga mata sa akin, puno ito ng kalungkutan at matinding galit habang ito'y nakatitig sa akin na para bang isa akong mamamatay tao.
"WALANG HIYA KANG BABAE KA! PINATAY MO ANG ASAWA KO!!" Nanindig ang aking mga balahibo sa sigaw niya, sabay diretsong tumatakbo sa posisyon ko na parang handa niya na kong kalmutin na parang tigre at ang mas masama ay gusto niya na akong patayin.
Kaagad na humiwalay sa yakap si Mateo at hinawakan ng maigi si mama Herminia upang mailayo ako sa kaniyang ina.
"WAG KANG MAGING PADALOS DALOS INA! HINDI KAYANG GAWIN NI ROSETTE IYAN!!" Sigaw ni Mateo na nagbabakasakaling matauhan na ang kaniyang ina sa kaniyang pinaggagagawa.
Kita ko ang 2 pares ng mga matang ngayon ay tinitignan ako ng may halong pagdududa. Nakatingin na ngayon sa akin si Mary ng may takot sa mga mata.
Ramdam ko ang malamig na hangin na dumadampi sa aking mukha habang patuloy akong umi-iling sa kanilang mga paratang sa akin.
Hindi ako ang pumatay kay tatay Romano.
"Rosette bumalik ka muna sa ating silid, ako na ang bahala rito," sabi ni Mateo sabay tingin sa akin ng diretso.
Wala sa sariling napatango na lang ako habang unti-unting hinahakbang papalayo ang aking mga nanginginig na binti.
Hindi ko makakayang gawin iyon...
Ng gabing iyon ni isa sa amin ay hindi nakatulog ng maayos. Hanggang tuluyan ng lukubin ng katahimikan ang buong bahay ng Concepcion. Sa mismong araw rin na iyon, nagsimula ang burol ni tatay Romano.
Nakatingin lang ako rito sa taas ng bintana habang pinagmamasdan ang mahinang patak ng ulan, na hindi alintana ng mga taong ngayon ay nakapayong, naglalakad papunta sa bahay marahil upang makiramay sa hindi malamang dahilan na pagkamatay ni tatay Romano.
Hindi ko mapigilang punasin ang takas na luha sa aking mata, dahil sa kagimbal gimbal na mga pangyayari. Una, namatay si tatay Romano. Pangalawa, wala kaming kaalam-alam kung sino ang pumatay sa kaniya. At pangatlo, ako ang pinagsususpetsyahan nila sa pagkamatay ni tatay... maliban kay Mateo, na ngayon ay pagod na at naghihinagpis pa habang inaasikaso ang hindi sinasadyang burol ng kaniyang ama.
Gusto ko man na samahan siya sa ibaba, ay hindi ko magawa dahil bilin niya ring wag munang lumabas sa aming silid para makaiwas rin sa gulo kung sakaling makita ako ni mama Herminia. Kaya heto ako ngayon nakakulong sa aming kuwarto, ayoko na rin na dagdagan pa ang problema ni mahal.
Naputol ang aking pag-iisip ng may narinig akong katok mula sa pintuan. Hanggang nakita ko ang mabagal na pagbukas ng pinto. Unti unting nabubuo ang kaba sa aking sistema.
Kumaripas ng takbo papalapit sa akin si Yumi habang tulad ng gripo ang walang tigil niyang mga luha. Hindi ko mapigilang lumuhod upang salubungin si Yumi. Hindi ko mapigilang maawa sapagkat nawalan siya ng tatay sa ganiyang murang edad.
"A-ate Rosette i-iniwan na ako ni p-papa," sabi niya habang hindi maiwasang mautal, mas lalong humigpit ang pagkakayakap ng kaniyang mga maliliit na braso.
"A-akita ko s-siya... ng m-madaling araw... p-puro dugo," sabi niya sa pagitan na pagsinghap. Tinatagan ko nalang ang aking loob upang hindi ako maiyak mismo sa harap ng bata. Kumalas ako sa yakap at hinarap siya sa akin. Namumula na ang kaniyang mata at ilong sa kakaiyak. Tumutulo pa ang sipon nito.
"Huwag kang mag-alala magiging maayos rin ang lahat, kaya tahan na, diba strong girl ka?" tanong ko upang patatagin ang kaniyang kalooban at maligaw man lang siya sa isipang wala na ang kaniyang ama. Buti naman at tumahan na siya at sabay tango.
Sinipat ko ang orasan na nasa dingding, alaa sais na pala ng gabi at wala paring naghahanda ng hapunan.
"Yumi, matulog ka muna rito, magluluto lang muna si ate ha," sabi ko habang marahang inihiga si Yumi na ngayon ay pupungay pungay na ang mata, dulot narin siguro ng walang humpay nitong pag-iyak.
Dumiretso na ako sa ibaba pagkatapos kong patulugin si Yumi. Umaambon parin hanggang ngayon at sa tingin palang ng makulimlim na kalangitan siguradong uulan nanaman ng malakas mamayang gabi.
Napasulyap ako sa puting kabaong kung saan rin nakalagay ang larawan ng namayapa ng si tatay Romano. Dito sa tanggapan ng panauhin nila nilagay ang kabaong nito dahil narin sa malawak na espasyo nito.
Hindi ko mapigilang humakbang papalapit upang masilayan pang muli si tatay. Sa malinaw na salamin na nasa pagitan namin ay payapang nakapikit na si tatay Romano. Nilagyan rin ito ng makapal na make-up upang matakpan ang sugat niya sa ulo at hiwa sa pisngi. Bumagsak nanaman ang aking mga luha ng maalala ko nanaman ang katawan niyang nakabigti noong araw na iyon.
Napahinto ako sa pagpunas ng aking mga luha ng may isang munting itim na paru-paro na winawagaswas ang kaniyang pakpak sa aking harapan. Sinundan ko ito ng tingin habang unti-unti akong akong napatingin sa aking kaliwa.
Ganun na lamang ang kaba ko ng makita ko si Mary na nakatayo di kalayuan sa akin habang nakatingin ng masama.
"Hindi ba't ikaw ang pumatay sa aking papa? Kaya ano pang ginagawa mo rito?!" saad nito habang ang kaniyang mga mata ay puno ng pagkamuhi at galit kasama na ng kaniyang nakasarang mga kamao.
"Mary hindi ako ang pumatay sa tatay mo, at naririto lang ako para lang sana maghanda ng hapunan," pagpapaliwanag ko ng may halong sakit sa aking boses lalo na't sa akin nakaturo ang kanilang mga daliri sa pagaakusang ako ang pumatay sa kanilang padre de pamilya.
Rinig ko ang pagbukas at pagsara ng pinto kung saan iniluwa nito si mama Herminia.
"Aba't ang kapal talaga ng mukha ng babaeng ito! WALA KANG UTANG NA LOOB! PINATAY MO PA ANG AKING ASAWA!!" Napaigtad ako sa gulat dahil sa malakas na boses ni mama Herminia na punong puno ng poot.
Bumukas nanaman ang pinto at iniluwa nito si Mateo na pagod at pagkalito ang makikita sa kaniyang mukha.
"PAPATAYIN KITANG BITCHESA KA!!" At tumakbo ng kay bilis ang matanda na parang leon na handa na akong kainin ng buhay.
Kaagad na tumakbo sa harapan ko si Mateo upang harangan ako sa nagwawala niyang ina.
"MA TUMIGIL NA KAYO HUWAG KAYONG MAMBINTANG NG IBANG TAO!! Kumalma lang kayo dahil iyan ay nakakasama sa inyong puso," sabi ni Mateo habang pilit paring kumakawala ang kaniyang ina sa mahigpit na yakap nito.
"Mahal, ang sabi ko sayo ay huwag ka munang lumabas diba? Umakyat kana sa ating silid," utos ni Mateo habang iniuupo na si mama Herminia na nagpupumilit at nakatingin parin sa akin ng puno ng galit.
Hindi nako nag-atubili na kumaripas na ng takbo palabas habang hindi ko mapigilang mapaluha. Muntikan pa akong matisod dahil sa kamamadali kong umakyat ng hagdan.
2 araw ng makalipas at hindi parin ako lumalabas sa aming silid. Hinahatid nalang din ni Mateo ang pagkain rito sa aming silid. Lumalabas nalang rin ako upang magbanyo sa tuwing tulog si mama Herminia para makaiwas narin sa gulo.
Hindi ko naman ginustong mangyari ito... At sino? Sino ang pumapatay?
Narrator's POV
Nakatulala nanaman si Herminia habang nakatingin sa kabaong ng kaniyang asawa. Hindi parin siya makapaniwalang nauna na siyang lumisan sa mundo.
Kukurap kurap nanaman ang ilaw marahil narin sa mahinang daloy ng kuryente. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya ng hindi na bumukas muli ang mga ilaw. Brown out nanaman.
Mabilis na sinulyapan ni Herminia ang ubos na kandila na nasa lamesa.
"Pagkaminamalas-malas nga naman," bulong nito sa sarili habang kinakamot sa yamot ang kaniyang magulong puting buhok.
Nilagpasan lamang niya ang kusina habang ang kaniyang mga paa ay patungo sa hagdan papunta sa basement kung saan nakaimbak ang mga reserbang mga kandila.
Tanging yapak lamang ng matanda ang maririnig sa madilim at makipot na hagdanan pababa ng basement. Ang amoy ng makapal na alikabok at amoy ng matandang kahoy ang sumisid sa pang amoy ni Herminia.
Dali dali niya itinakip ang kamay nitong kumukulubot na rin ang balat sa kanyang ilong upang hindi mabahing nang paligiran ito ng alikabok matapos makarating sa basement.
Gamit ang liwanag ng buwan na siyang sumusulyap sa maliit na bintana sa gitna ng lugar, nagawang tingnan ni Herminia ang buong lugar. Mga istante sa kaliwa't kanan na naglalaman ng libro at iba't ibang kagamitan na tila inulanan ng alikabok ang bumungad sa kanya.
Maging ang semento ay puno ng alikabok, nag iiwan ng bakas sa bawat tapak niya roon.
Hindi na siya nagsayang pa ng oras at dumiretso na sa istante sa kanyang kaliwa. Sandali pa siyang nagwagayway ng kanyang payat na braso upang palisin ang alikabok na dumadapo sa kanyang mga mata.
Dumapo ang kanyang paningin sa mga reserbang kandila na nakatambak sa sisidlan nito at kumuha siya ng mangilan ngilan bago makitang mayroong nakatayong pigura ng isang tao sa gitna ng lugar.
Marahan na humakbang si Herminia pabalik sa gitna. Mabigat ang kanyang hininga at tila mabibingi na ito sa lakas ng tibok ng kanyang puso. Papalapit sa pigurang iyon ay mabilis na pumalis ang kanyang nararamdaman.
"Susmaryosep na batang ito oo! Ano namang ginagawa mo rito, Mary? Gabi na at bawal kang maglaro dito! Bumalik ka na sa itaas," bulyaw ni Herminia kay Mary na nakatalikod ngunit hindi ito natinag sa halip ay humagikhik na tila nakakita ng nakatatawang bagay.
Nagsimula itong tumakbo sa loob ng mga nakatayong istante kasabay ng malakas na kulog mula sa labas ng bintana. Hindi mapirmi ang liwanag na naroroon nang dahil sa kidlat.
"Ang batang ito talaga," bubulong bulong na angal ng matanda ngunit sinundan din ang bata.
Inis itong sumunod sunod sa pagliko ni Mary bago ito mapagod at kinompronta itong muli. Magsasalita na sana ito nang makaramdam ng lamig sa kanyang kalamnan. Ang nakapangingilabot na daloy ng kuryente sa kanyang gulugod.
Dali-dali nitong inabot ang kanyang layter na nasa kanyang bulsa. Nanginginig ang kanyang kamay na sinisiklab ang layter sa itaas ng isang kandila. Matapos ang pangatlong subok ay sumiklab ang apoy.
Bumalik ang kanyang atensyon sa bata ngunit nakapagtatakang mayroon ring tumatakbo sa kanyang gilid. Nanlaki ang kanyang mga mata sa aninong ngayo'y naglalakad, na siyang sa pader lamang makikita.
"Anino?" Takhang tanong nito sa kanyang sarili. Muling bumayo ang kuryente sa kanyang gulugod at tumindig ang kanyang mga balahibo sa batok.
Nakarating na ang anino sa likuran ng bata. Hindi nito maikurap ang mga mata habang pinagmamasdan ang bata sa kanyang harapan. Pigil ang kanyang hininga.
"Kanina pa ba tumutugtog ang kantang iyon?" Pansin niya sa tunog na pumatong sa malakas na kulog na siyang dinig sa labas ng maliit na bintana.
"Mary had a little lamb
It's heart was black as coal"
"Sino ka? Anong ginagawa mo rito?!!" Tanong niya habang umihip ang malakas na hangin na siyang nagbadya sa paghina ng apoy sa kanyang hawak na kandila. Tumulo ang nakapapasong likido ng kandila sa kanyang kulubot na balat. Ngumiwi ito kasabay ng nakabibinging linya sa kanyang pandinig.
"It crept into her room one night
And ate her fucking soul!"
"Dito ka tumingin," ganun nalang ang kilabot ni Herminia ng marinig ang maliit at matinis na boses sa kaniyang kaliwang tainga. Isang malakas at nakapangingilabot na sigaw ang pinakawalan ni Herminia nang maramdaman ang dalawang pares ng malamig na kamay sa magkabila niyang pisngi.
Huli na nang titigan niyang muli ang bata. Isang malakas na lagatok ang narinig bago naputol ang kanyang hininga at dumilim ang kanyang paningin.
Nabitawan ni Mateo ang hawak hawak na tasa ng marinig ang nakahihindik na sigaw ng kaniyang ina na umalingawngaw sa buong kabahayan. Napatigil rin sa pagbabasa si Rosette. Habang napahinto sa pag-iyak si Mary.
"Ang mama," Wala sa sariling sinabi ni Rosette habang naiwang nakaawang ang kaniyang bibig.
"INA!!" Malakas na hiyaw ni Mateo habang tumatakbo pababa ng hagdan tungo sa pinanggalingan ng sigaw ng kaniyang ina. Hindi na rin nagsayang ng oras si Rosette at kaagad na sinundan ang kaniyang asawa.
Nagkasalubong pa sina Mary at Rosette sa hagdanan, ngunit hindi man lang tinapunan ng tingin ni Mary si Rosette. Bagkus dinaanan niya lamang ito habang patuloy paring tumatambol ang kaba sa kaniyang dibdib.
Nagmamadaling tinawid ni Rosette ang makipot na hagdanan pababa habang tagaktak na ito ng pawis.
At ang kaninang nagbabadyang ulan ay bumuhos na hatid ang malamig na ihip ng hangin na sinundan pa ng sunod sunod na kulog ng kidlat.
Ang kandilang dala lamang ni Rosette ang nagbigay nagbigay liwanag sa madilim na basement.
Dahil sa pagmamadali nakalimutan ni Rosette na magsuot ng panyapak kaya't ramdam niya ang lamig at maalikabok na semento. Dumoble ang kaba sa kaniyang dibdib ng mapatakip siya ng kaniyang ilong dahil sa napakasangsang na amoy na lalo pang tumitindi habang binabaybay nila ang maalikabok na istante ng mga libro.
At dahil sa liwanag na nagmumula sa apoy ng kandila, nangimbal silang tatlo habang pinagmamasdan ang bakas ng dugo na nagmumula sa...
"Aparador?" bulalas ni Rosette.
Nanginginig man ang kamay ni Mateo pinilit parin nitong ihakbang ang kaniyang mga paa papalapit sa aparador kung saan tumutulo ang umaalingasaw na amoy ng dugo.
Subalit nang buksan ni Mateo ang aparador ay mas lalo pang tumindi ang napakasangsang na amoy. Napaatras at napasinghap na lamang ako.
Oh, diyos ko...
Hindi napigilang mapahagulgol ni Rosette habang tumambad sa kanila ang bangkay ni mama Herminia. Napatili sa takot ng wala sa oras si Mary dahil sa ulong tila ba marahas na inikot, dahil habang nakaharap saamin ang kaniyang likod, ganun din ang kaniyang ulo. Ang kaniyang kahindik-hindik na bibig ay may malaking magkabilang hiwa para bang gusto ng pumatay sa kaniya na nakangiti ito kahit patay na. Sa itsura nito ay tila ba ipinagpilitan na isiksik doon ang kaniyang katawan.
Hindi na nakayanan ni Mary na tignan ang bangkay ng kaniyang ina kaya't kumaripas na ito ng takbo papalabas habang hindi maawat sa pag-bagsak ang kaniyang mga luha.
Dala narin ng matinding pag-aalala ni Rosette kay Mary sinundan niya nadin ito sa itaas.
"Mary! Hintayin mo ako! Saglit lang! Huwag mong kimkimin lahat ng sakit sa loob!!" sigaw ni Rosette kay Mary na hindi parin lumingon at patuloy paring umakyat ng hagdan.
"Mary!!!" hiyaw ni Rosette muli.
"Huwag kang lalapit sakin!!" sigaw ni Mary habang matalim na tinignan si Rosette bago padabog na isinara ang pinto.
Unti-unti naring pumatak ang mga luha ni Rosette. Sa puntong iyon gulong-gulo na ang isipan ni Rosette. Ang akala niyang mapayapang pamumuhay sa bahay na ito ay nauwi sa pinaka malagim na parte ng kaniyang buhay. Kahit na malabo na ang kaniyang mga mata dahil sa walang humpay na pag-iyak naaninag niya parin ang kaniyang asawa na lumabas ng bahay, dala-dala ang susi ng oto.
Gamit ang natitirang lakas ni Rosette hinabol niya ang kaniyang asawa na papaalis na.
"Mahal!! Saan mo balak pumunta?" Tanong ni Rosette habang hinahabol ang hininga niyo dahil sa kakatakbo.
"Kailangan nating mag-handa! Hindi ko na hahayaan pang may mamatay sa pamilya ko," galit na sabi ni Mateo habang diretsong nakatingin ang lumuluha niyang mga mata.
"Basta't ipangako mo sa akin mahal, na huwag mong iiwan ang tabi ni Mary, huwag na huwag mo siyang iiwan ng mag-isa sapagkat mabilis din akong babalik," pagpapaliwanag nito sabay binigyan ng mabilis na halik sa labi si Rosette.
Wala ng nagawa pa si Rosette kung hindi tignan ang oto nito na unti-unti ng nawala sa kaniyang paningin. Napatingala nalang siya sa malawak na kalangitan na nagbigay kalungkutan pa lalo sa kaniya, dahil ni isang bituin ay wala sa kalangitan upang magbigay liwanag sa napakalamig at nakapangingilabot niyang gabi.
Alas otso pasado na ng gabi at hindi parin nakakabalik si Mateo.
Nasa labas ng pintuan ng kuwarto ni Mary si Rosette habang hindi parin mapalagay ang kaniyang kalooban sapagkat hanggang ngayon wala parin ang kaniyang asawa.
Naputol ang kaniyang pag-iisip ng marinig ang mahinang hikbi ng isang bata malapit sa hagdan. Kaya't dahan-dahang lumakad papalapit si Rosette upang matiyak kung sino ang batang humihikbi.
At sa kaniyang pagliko nakita niya si Yumi na ngayon ay di na makahinga ng maayos dahil sa kakaiyak.
"A-ate R-rosette," nanginginig na tawag niya kay Rosette. Agad namang niyakap ni Rosette ang musmos na batang si Yumi.
"Ssshh, tahan na magiging ok na ang lahat Yumi, pupunta lang sa labas si ate Rosette para humingi ng tulong ok," ngiting sabi ni Rosette sa pag-asang gumaan ang kalooban ng bata.
"HUWAG ATE!! HUWAG MO KONG IWAN DITO!!" pagmamakaawa ni Yumi.
"Saglit lamang ako Yumi, samahan mo muna si Ate Mary mo na nasa ikaapat na silid kung nasan ang tambakan ng mga lumang gamit," saad ko habang tinatanggal ang pagkakapalupot ng kamay ni Yumi sa aking beywang.
Kailangan ko ng tumawag sa pulis.... hindi na kami ligtas rito.
"ATE ROSETTE!!" Sigaw ni Yumi habang sinusulong na ni Rosette ang malakas na buhos ng ulan.
Kailangan ko ng kumilos para ito sa kaligtasan ng lahat.
Sa gitna ng malakas na pag ulan naroon si Rosette na desperadong tumatakbo upang makarating sa linyahan ng telepono na siyang katabi ng kanilang gate. Dumagdag lamang sa kaba nito ang napakatahimik na lugar nila ng dahil sa kawalan ng tao sa paligid at makapal na mga puno.
Minsan minsa'y sumusulyap sa kanyang likuran, kaliwa at kanan. Tila ramdam na ramdam na may nagmamasid sa kanya. Nakarating siya sa gate at mabilis na tumungo sa telepono. Ang kamay niyang nabahiran ng dugo ni Herminia ngayo'y wala ng mantsa dahil sa patak ng mga ulan. Pumindot ito ng ilang numero at kabadong naghintay.
Ilang minuto ang lumipas bago ito masagot sa kabilang linya. Mabilis ang kanyang hininga at mas lalo pa nitong pinabilis ang kanyang pananalita.
"TULONG! TULUNGAN NIYO KAMI! MAY MAMAMATAY TAO SA BARYO NAMIN! PINATAY NIYA ANG MAMA AT PAPA! PARANG AWA NIYO NA PO!" huminga ito ng malalim nang magbadyang muli ang kanyang mga luha at hagulgol.
"Kalma lang po tayo, misis. Kailangan mong sabihin sa akin saan ka nakatira. Magpapadala agad ako ng tulong kaya kailangan mong kumalma," ani ng tao mula sa kabilang linya.
"S-sa--Sa baryo! Baryo ng Kapin! Uhh-2-2638 sa street ng V-Vilhem. P-Pakibilisan po!" Nauutal nitong sagot.
"Baryo ng Kapin, 2638 Vilhem St. Rumeresponda na po ang--paki--nangy--" halos wala nang naintindihan si Rosette dahil sa putol putol na linya sa kabila.
Muling nabalot ng malalakas na kulog at kidlat ang pandinig ni Rosette. Maging ang kabog ng kanyang dibdib ay bumibingi sa kanya.
Hindi kalaunan ay narinig niya ang timbre ng oto ni Mateo. Binuksan nito ang gate at sinalubong ang asawa. Napahakbang ito pabalik nang makitang galit ang ekspresyon nito sa mukha.
"Bakit mo siya iniwan?! Hindi ba't sinabi ko na sa'yong 'wag mo siyang iiwang mag-isa?!" Inis na sabi ni Mateo sa kaniyang asawa.
Pumasok na rin si Rosette sa oto at kaagad na nilagay ang kaniyang seatbelt.
"Wag ka nang mag-alala mahal, kasama niya si Yumi," pagpapaliwanag ni Rosette sabay pasok sa oto.
"SINONG YUMI??!!" Galit at takot ang makikita sa mukha ng kaniyang asawa.
"Si Yumi ang kapatid mo," nagugulumihanang sabi ni Rosette.
Napasuntok na lamang si Mateo sa manibela at mabilis na pinaharurot ang oto para puntahan si Mary.
"DALAWA LANG KAMING MAGKAPATID ROSETTE!! WALA AKONG KAPATID NA YUMI!!" Hindi na napigilang magtaas ng boses ni Mateo ngayong kasama ng kaniyang kapatid ang misteryosong batang pangalan ay Yumi.
Pagtatakha, galit, lungkot at hindi maipaliwanag na takot ang halo halong nadarama ni Rosette mula sa nangyari. Gusto nitong ilabas ang lahat ng iyon ngunit ni hindi rin niya alam kung paaano.
Kulog rito at roon. Hindi mapigilan ni Rosette na alalahanin lahat. Kaya pala hindi niya nakikita si Yumi sa basement at sa kwarto nina mama at papa. Lagi lang siyang lumilitaw tuwing namatay na ang isang miyembro ng pamilya. Kaya pala hindi niya nakikitang sumasabay si Yumi sa hapag kainan. Kung bakit laging tinitingnan siya ng kakaiba ni Mary tuwing nakikipaglaro siya kay Yumi sa salas. Kung bakit hindi niya naririnig na kinukwento ng asawa niya si Yumi. Dalawa lamang silang magkapatid. Walang Yumi. Napasabunot nalang siya dahil sa kaniyang katangahan. Unti-unting nabalot ng pagsisi at takot ang sistema ni Rosette. Takot, kung humihinga pa kaya si Mary sa silid na iyon.
Tanaw na nila ang buong bahay na bukas ang bawat ilaw, bumalik na ang kuryente. Wala ng sinayang ng panahon ang mag-asawa dali-dali silang tumakbo sa hagdanan papatungo sa ikalawang palapag ng bahay. Kung saan nila naiwan si Mary.
Kidlat. Kulog. Lalong lumalakas ang ulan.
Sobrang lakas na ng mga kulog ngunit mas rinig na rinig parin ni Rosette ang mabilis na tambol ng kaniyang puso.
Sa wakas narating na nila ang silid na pinagtaguan ni Mary. Ngunit ang pinto'y nakakandado sa loob. Buong pwersang binalibag ni Mateo ang katawan niya sa pinto ngunit hindi parin ito bumubukas. Tumulong narin si Rosette ngunit hindi parin bumubukas ang pinto. Nagkatinginan sila habang iisa lang ang nasa isip.
Isa. Dalawa. Tatlo. Sa pagkakataong iyon, tuluyan ng umawang ang pinto.
Bukas na bukas ang ilaw ng kuwarto't bumungad sa kanila ang nakatihayang katawan ni Mary habang wakwak ang tiyan nito't nasa tabi ang isang batang babaeng kumakain sa mga bituka niya. Halos masaid ang dugo't lamang-loob nito. Nakamulat ang mga mata nito't nakatingin sa kawalan pero wala nang kaluluwa sa likod niyon. Tiningnan sila ng bata at ngumiti ng pagkahindik- hindik sa kanila. Bumaling kay Rosette ang singkit na singkit nitong mga mata bago muling ngumisi.
Doon na humiyaw si Mateo. "MARYYY!!" Para bang paulit-ulit na pinagtataga ng kutsilyo ang puso ni Mateo sa kaawa-awang sinapit ng kaniyang kapatid. Gusto niyang sumugod kay Mary pero hindi siya makalapit.
"Simula palang, nasa tabi mo na ang pumapatay sa buong pamilya Concepcion, nakikipaglaro at tumatawa katabi mo Rosette," sabi naman ng batang si Yumi sabay tawa, singkit na singkit pa rin ang mga mata nito, na noon lamang napansin ni Rosette na itim na itim.
"Pero dahil mangmang kayong lahat, hindi ninyo napansin. Nakakatuwa kayong tignan habang nagtuturuan kayo kung sino ang pumapatay. Naalala ko tuloy si lolo, napakasayang maglagay ng ngiti sa kaniyang bilugang tiyan, sinaksak ko din ang matalim na kutsilyo sa kaniyang bibig dahil sobrang ingay niya. Gusto ko ding batiin ang gurang na babae na iyon, parang musika ang aking narinig dahil sa lagatok ng buto niya nang iikot ko ang ulo niya para masilayan niya ako."
Sa gitna ng magkahalong yamot, poot, pagkabagot at panlilibak, isinalaysay ni Yumi ang bersiyon niya ng mga nangyari. "Una palang dala-dala nako ni Rosette ng lumipat siya sa bahay na ito. Ako ang manikang binigay pa ng iyong ina, na pinatay ko rin kasama na ng iyong ama."
"Nang araw na iyon kung saan nagmano si Mary ay nilagyan na ng gayuma ni Yumi si Rosette. Inakala ni Rosette na 3 silang magkakapatid na Concepcion. Na may kapatid ang asawa niya na Yumi. Gabi-gabi rin niyang binubulungan ang mga ito sa pag-idlip upang malimot at ipagsawalang-bahala ang lahat ng binanggit ni Rosette tungkol kay Yumi sa maghapon."
"Ngayon alam mo na," tawang-tawa na sabi ng batang Yumi. Hindi mapigilang magsitindigan ang balahibo nila sa batok dahil sa mga rebelasyong kanilang nalaman. Tuloy-tuloy ang hagulgol ng mag-asawa habang umaalingawngaw ang nakapangigilabot na tawa ni Yumi na sinabayan pa ng sunod-sunod na kulog ng kidlat. Patay sindi na rin ang mga ilaw habang bukas-sara ang mga bintana.
Takot. Nanginginig na mga tuhod at mga luhang tila gripo na ayaw huminto, iyan ang kalagayan ng mag-asawa ng hindi na nila mabuksan ang pinto palabas.
"Hmmm, sige na nga maglaro tayo ng tagu-taguan. Kayo magtatago habang ako ang maghahanap sa inyo, ang saya nun diba?" ngiting sabi nito.
"While I humm, you better run," saad nito habang nagsimula itong humimig, ang boses nito'y napakalamig pakinggan, hindi pangkaraniwan na nagdudulot ng matinding pagkabalisa sa sistema ni Rosette. Sabay ng paghimig ni Yumi ay ang pagbukas ng pinto sa likod ng mag-asawang Concepcion.
Hinablot na ni Mateo ang malamig na kamay ng kaniyang asawa dahil mukhang tuluyan na itong naistatwa sa takot habang kaharap ang batang anumang oras ay papaslang sa kanila.
Kahit na pagod na pagod at hinihingal na si Mateo ay patuloy parin itong tumatakbo, halo-halong emosyon ang tumatakbo sa kaniyang isipan. Lungkot, galit at Takot na makikita sa kaniyang
lumuluhang mga mata.
Wala na ang kaniyang pamilya. Nakita niya mismo kung paano kainin ng demonyong bata na iyon si Mary. Nagkagulo-gulo na ang payapang pangarap nila ng kaniyang asawa. Si Rosette nalang ang natitira sa kaniya.
Wala ng pake ang mag-asawa kahit mahulog pa sila sa hagdan kakamadali dahil rinig na nila ang papalapit na bata.
"PUNYETA!! NAWAWALA ANG SUSI NG SASAKYAN!" galit na hiyaw ni Mateo habang hindi niya makapkap ang susi sa bulsa ng kaniyang pantalon.
Mas lalong nanlamig si Rosette ng banggitin ito ng kaniyang asawa. Hindi rin sila makakatawag ng tulong dahil wala naman silang kapit-bahay. Ang naiiwang pag-asa nalang nila ay ang paparating na mga pulis.
"Saglit lang, meron akong reserbang susi sa basement," sabi nito. Habang tinatakbo nila ang kusina nadaanan pa nila ang kabaong ni tatay Romano. Rinig rinig nila ang munting mga yabag ni Yumi sa taas habang patuloy itong humihimig kasabay ng di magkamayaw na kulog at kidlat.
Sinarado kaagad ni Mateo ang pinto at hinarangan pa ito ng malaking aparador. Mabibigat na hininga ang pinakawalan ni Rosette habang nanginginig na ang katawan nito dahil sa lamig pati na rin sa kaba.
"M-mahal, paano na tayo m-makaka-alis rito?" Nangangatal na sambit ni Rosette habang marahas na binubuksan ni Mateo ang mga cabinet sa pag-asang lumitaw ang reserbang susi ng kaniyang oto.
Nakahinga ng maluwag si Mateo ng hablutin nito ang kumpol ng mga susi kung nasaan isa rito ay susi sa kaniyang sasakyan.
"Sa bintanang iyon tayo lalabas," turo ni Mateo sa isang maliit na bintana na nakakandado. Sakto lamang ito para makalabas ang isang tao.
"Sumampa ka saakin, at ipasok mo ang itim na susi para matanggal ang kandado," saad ni Mateo sa kaniyang asawa habang ito'y nasa kaniyang balikat. Inabot naman nitong sunod ang kumpol ng mga susi.
Hindi mapigilang manginig ang mga kamay ni Rosette habang tinitignan ang mga susing puro itim.
Alin dito??!
Nakailang subok na si Rosette ngunit hindi parin iyon ang tamang susi ng marinig nila ang sunod sunod na kaok mula sa pinto.
"Tao po, tao po papasukin niyo na po ako," sabi nito habang humahalakhak. Baliw na ang batang iyon!
Ramdam ni Rosette ang pag-uunahan ng kaniyang pawis sa mukha habang hindi parin nito nabubuksan ang kandado ng bintana
Tumigil ang nakabibingi nitong halakhak pati narin ang malalakas na katok sa pinto.
"Ayaw niyo akong papasukin? Sige ako nalang magbubukas ng pinto," Napakalakas ng ingay sa pinto, para bang bibigay narin ang aparador na nakaharang rito.
"ROSETTE!" Hiyaw ni Mateo na puno ng nerbiyos hababg ang mga mata nito ay nakatuon sa pintong unti-unti ng nasisira.
Sa wakas nabuksan na ni Rosette ang kandado ng bintana!
"Natanggal ko na mahal!" Hiyaw ni Rosette sa tuwa habang unti-unti nitong inilulusot ang kaniyang maliit na katawan sa bintanang napakaliit rin.
"Malapit nako!" Sigaw muli ni Yumi mula sa labas. Tumutulo na ang luha ni Mateo ng makita nito ang palakol na unti-unting sinisira ang pinto.
"Mahal!" Tawag ni Rosette sa kaniyang asawa habang nilalahad ang kaniyang kamay upang maitaas siya at makaalis na sila sa magulo at madugong bahay na ito.
"Nailusot na ni Mateo ang kalahati ng kaniyang katawan sa bintana ng mapalingon ito sa nakahihindik na tawa ni Yumi habang hawak-hawak ang isang malaking palakol.
"SAAN KAYO PUPUNTA?! SABAY SABAY TAYONG PUPUNTA SA IMPIYERNO!" Galit na sigaw ni Yumi habang tumatakbo papalapit kay Mateo.
"BILIS MAHAL!" Hiyaw ni Rosette sa kaniyang asawa habang hinihila ito ng buong lakas papalabas sa bintana.
Konti nalang!
"Aaarghh!" Napasigaw si Mateo dahil sa mga kukong bumaon sa kaniyang kanang paa na patuloy na hinihila siya pabalik.
KONTING KONTI NALANG!!
Hinihila ni Rosette ang kaniyang asawa ng buong lakas habang patuloy na binabasa ng ulan ang kanilang mga katawan samantalang rinig na rinig ang maala-demonyong tawa ni Yumi.
Bago maihila papalabas ni Rosette ang kaniyang kabiyak ay umalingawngaw muna ang sigaw nitong punong-puno ng sakit. Naistatwa siya ng makita niya ang kalagayan ni Mateo.
WALA NA ANG KANANG PAA NITO!!
Masaganang lumalabas rito ang malapot na pulang likido na humahalo sa napakalakas na buhos ng ulan.
"Iwan mo na ako rito!" Hiyaw ni Mateo sa kaniyang asawa habang ang kaniyang mga luha ay walang awat sa pagbagsak.
"Hintayin niyo ako saglit, lalabas rin ako," humahagikgik na tawa ni Yumi.
"HINDI KITA IIWAN! MABUBUHAY PA TAYO MATEO!" Sigaw ni Rosette habang pinapalibot ang braso ni Mateo sa kaniyang balikat. Hirap man silang parehas pinilit nilang maglakad hanggang sa makakaya nila.
"HINTAYIN NIYO AKO!" Bulyaw ni Yumi habang tumatakbo papalabas.
Inabot na ni Mateo ang susi ng oto sa kamay ng kaniyang asawa.
"Tumakbo ka na at huwag ka ng lilingon," sabi nito sa kaniyang asawa at binigyan ito ng isang mabilis na huling halik sa kaniyang mga labi.
"Ako ng bahala rito," Ngiting sabi nito at tuluyan ng tinulak si Rosette at sinalubong ang nakapangingilabot na si Yumi.
Wala ng nagawa si Rosette kundi tumakbo ng tumakbo papalapit sa oto, rinig na rinig niya ang malakas na palahaw ng kaniyang mahal. Hindi niya na napigilang lumingon nakita niyang wala ng ulo ang kaniyang asawa habang nagliliyab sa apoy si Yumi, napakalakas ng apoy nito na hindi ito maapula ng ulan.
Mabilis na pumasok at pinaandar ni Yumi ang oto habang humahapdi na ang kaniyang mga mata dahil sa kakaiyak. Nagkandaletse-letse na ang buhay niya.
Napahinto siya ng makita ang malaking itim na gate. Lumabas muli ito upang malaman lang na nakakandado na ito. Lingon ng lingon si Rosette habang umiihip ang malamig na hangin.
WALA NAKONG PAKE! BABANGGAIN KO NALANG!
Muling bumalik si Rosette sa oto at sinara ng malakas ang pinto. Pinihit niya ang susi pero ayaw gumana ng oto, pinihit niya itong muli pero ayaw talaga.
Nagsitindigan ang bawat balahibo sa katawan ni Rosette ng marinig ang marahang himig ng isang bata sa likod niya. Pilit na binubuksan ni Rosette ang mga pinto ng sasakyan ngunit ito'y hindi na mabuksan. Hanggang ang balisang mga mata ni Rosette ay unti-unting tumingin sa rear-view mirror.
Doon kitang kita ang batang natutuklap na ang balat sa mukha, nakatingin ito ng matalim sa akin, habang nakatapat ang daliri niya sa kaniyang mga labi.
"Sshhh tahan na," sabi nito habang sumilay muli ang demonyo nitong ngiti.
"AHHHHHHH!!" Hiyaw ko hanggang unti-unting dumilim ang aking paningin.
The End
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top