Hopia Sa Umaga, Asado Sa Gabi


DENS, TAWAG KA NI PAT."

Nilingon ko ang katrabaho ko na grabe makasigaw, napalabas tuloy sa opisina niya ang boss namin. Hindi naman magkamayaw sa panunukso ang ilan ko pang katrabaho—na para kaming sikat na loveteam. Hay. Araw-araw na lang.

Araw-araw na lang kaming sabay ni Patrick umuwi simula nang malaman niyang nasa iisang baranggay lang kami nakatira. Kada araw tuloy ay tumataas ang bilang ng asadong siopao na hinahain ko sa sarili.

"Uy, Pat, iba na 'yan, ha? Straight two months ka na, 'chong!" Pang-aasar ng kaibigan niya sa trabaho.

Parehas kaming nagtatrabaho under ng HR. Magkaiba kami ng department pero nasa iisang malawak na opisina lang kami. Medyo modern na kasi ang set-up ng office namin, wala na ang mga cubicle at dividers. Kaya tuloy mabilis makasagap ng chismis ang mga tao, mabilis din ang pagtahimik kapag papalabas ang boss sa maliit nitong opisina.

Tinawag ako ni Patrick. Ang sarap talaga sa tainga ang boses niya. "Tara na! Bukas na 'yan!" Pag-aya niya.

Sinimangutan ko siya. "Baka gusto mong ako ang ma-NTE kapag hindi ko tinapos ang NTE ng mga empleyado?"

"Sus! Di ka rin naman rereplyan ng mga 'yan."

Napahilamos ako sa mukha. Gusto ko na rin naman umuwi dahil pahirapan na naman ang pagsakay sapagkat rush hour na. Isa pa, gusto ko na masolo si Patrick; gusto ko nang walang-malay na magtama ang mga balikat namin, sabayan ang bawat hakbang niya, tumawa sa mga korni niyang joke, malaman ang mga interes niya, makinig sa mga problemang akala niya ay mabibigyan ko rin ng solusyon, o 'di kaya'y ayain akong mag-ikot sa Glorietta—kagaya no'ng nakaraang Huwebes, bago umuwi ay nagpasama pa siya dahil daw kailangan niya ng tulong maghanap ng panregalo sa birthday ng Mama niya. Siyempre, kinilig ako, nag-oopen up na siya tungkol sa pamilya niya.

"Kung gusto mo, mauna ka na," suhesyon ko kahit pa ang gustong isigaw ng isip ko ay hintayin niya ako.

"Hindi na. Hintayin na kita." Umupo ito sa bakanteng swivel chair sa tabi ko at saka kinalikot ang ilang papel na nacompile ko kanina.

"Uy, ang sweet talaga ni Patrick, oh." Sinimulan muli nila ang pang-aasar.

"Mga kurimaw! Umuwi na kayo!" Balik niya sa kanila bago nagsilabasan sa opisina.

Ngayo'y lima na lang kami sa loob, nakapatay na rin ang ilaw sa opisina ng Head namin kaya't paniguradong umuwi na ito. Ngayong tahimik at wala na 'yung mga mahilig manukso, nakaramdam ako ng ilang sa paligid.

Hindi naman kami awkward ni Patrick... dati. Halos isang taon na kaming magkatrabaho at kailan lang din kami naging malapit sa isa't isa. Noon, kung hindi simpleng bati ng good morning ay pekeng ngiti lang ang binibigay namin. Hindi ko kasi siya vibes. Tahimik lang ako at hindi mahilig makihalubilo sa mga katrabaho. Siguro mas gusto kong magpokus matapos ang trabaho dahil ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang mag-OT. Kaysa sa kanila na madalas kong makitang mag-break na sobra pa sa 15 minutes, sila din ang madalas panlisikan ng mata ng boss namin dahil sa ingay.

Hindi rin siya gano'n kagwapo. Inaamin ko na hindi rin naman ako kagandahan. Pero simula't sapul na makita ko siya, hindi siya 'yung lalaking makukursunadahan ko. Kaya nga't nababaliw na ako kaiisip kung nahuhulog na ba ako sa pasimpleng galawan niya sa'kin o nakorap lang ang utak ko ng panunukso nila.

***

KINAUMAGAHAN, hindi nalimutan ni Patrick na batiin ako kasama ang malaking ngiti sabay tanong, "Nag-almusal ka na?"

Madalas kong sagot ay oo kahit hindi pa... dati. Pero ngayo'y sinasagot ko na siya ng katotohanan. At madalas ay sinusundan niya 'yon ng pag-aya bumili ng aalmusalin, at kung sakaling oo naman ang sinagot ko, aayain niya akong magkape. Pero iba ngayong araw. May trabaho akong kailangang unahin kaya't hindi muna ako makasasama kay Patrick ngayong umaga.

Pagkabalik niya ay nagulat ako dahil nilapag na niya sa mesa ko ang paboritong Iced Spanish Latte. Kami na naman ang tampulan ng tukso. Maging ang mga nasa mid-40s naming katrabaho na hindi na lovelife ang problema sa buhay ay kinikilig sa amin.

Inusod ni Diane ang swivel chair niya papalapit sa'kin at saka bumulong, "Ano bang meron sa inyo ni Patrick? Nililigawan ka na ba?"

"Hindi 'no! Friends lang kami."

"Parang hindi naman friend 'yung trato niya sayo. Parang may something."

Parang. Haka-haka lang. Salitang nagpapakita ng pagbabaka-sakali.

"Well, 'yun lang talaga ang meron sa'min. Huwag mo nang bigyan ng meaning," sagot ko. Dinadagdagan niya lang ang alalahanin ko mamayang gabi.

"Kasi naman, sa tinagal-tagal ko dito, ngayon ko lang nakita 'yan si Patrick na gan'yan. Mukhang type ka talaga, 'teh," aniya habang nginunguya ang almusal niya ngayong umaga. "Hopia?"

Umiling ako sa alok niya. Hindi ko siya inintindi dahil wala naman akong mapapala kung hindi humopia.

***

NANG AYAIN ako ni Patrick kagabi sa birthday party ng Mama niya ngayong araw ay nagsitalon ang magkabilang ventricle sa puso ko. Baka nga naman totoo ang sinabi ni Diane. Baka nga naman may meaning talaga 'yung mga kinikilos niya. Ipakikilala na nga niya ako sa pamilya niya. Ibigsabihin nito, umabante na ako sa next round, diba?

Sinundo ako ni Patrick sa bahay. Nagulat ako dahil wala naman 'to sa pinag-usapan namin. Tinanong ko siya kung bakit, gusto niya daw makilala ang parents ko. Ang kaso nga lang, wrong timing dahil wala ang parents ko ngayon—pati ang buong angkan ko. Planado na kasi ang eskursyon ng pamilya namin sa Tagaytay ngayon ngunit last minute akong nag-back out para lang makasama si Patrick sa araw na 'to. Hindi naman ako nagsisi dahil malayo pa lang ay ang bango na tignan ni Patrick. Kahit black ang suot niyang polo ay para siyang artista na hindi pinagpapawisan.

Sabay kaming naglakad. Halos saulo ko na nga ang manerismo niya sa paglalakad—sa una'y may distansya ngunit kalauna'y dumidikit na ang siko niya sa akin. Hinanda ko ang sarili dahil pansin ko na unti-unti nang lumalapit ang braso ni Patrick sa akin subalit naantala ang pananabik ko nang tumigil siya. May kinawayan itong isang lalaki na kabababa lang ng tricycle, na ngayo'y naglalakad papalapit sa'min.

"Dens, si Revi nga pala."

Nginitian ko si Revi. Ngayon niya lang siya nabanggit sa akin. Hindi maganda ang kutob ko.

"Naalala mo 'yung kinukuwento ko na problema ng kaibigan ko na hindi makaamin ng tunay niyang nararamdaman sa kaibigan niya dahil hindi puwede?" Pagpapaalala sa'kin ni Patrick. "Ako 'yun, Dens. At si Revi 'yung kaibigan na tinutukoy ko."

Halos mawarak ang puso ko. Halos sumakit ang ulo ko sa sunod-sunod na impormasyong binigay niya. "B-bakla ka?" Lumabas na lang bigla sa bibig ko.

"Konti pa lang ang nakakaalam. Hindi pa rin alam ng parents ko. So, favor Dens..."

Halos lumabas na lang sa kabilang tainga ko ang sinasabi niya.

Ibigsabihin, 'yung mga matatamis niyang kilos sa'kin sa loob ng dalawang buwan na pagiging malapit namin ay wala lang? 

Ibigsabihin... wala naman talagang ibigsabihin ang lahat.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top