Prologue
✨
Crystal
"Bilisan mo, Crystal! Ang bagal mo namang tumakbo. Baka hindi natin siya maabutan!" nagmamadaling sabi ni Lianne habang hinihila ako patungo sa school grounds.
Hindi ko alam kung bakit nagmamadali itong kaibigan ko. Kung makatakbo, akala mo may sunog.
Malayo pa lang ay tanaw ko na ang kumpol ng mga estudyante sa harap ng isang building. Karamihan ay mga kababaihan, iyong iba ay tumitili pa. Hindi ko alam kung anong pinagkakaguluhan nila doon. May artista kayang dumating?
"Bakit ka ba nagmamadali, Lianne? Ano bang pupuntahan natin doon? Nakita mong ang daming tao, e," pagrereklamo ko.
Hindi naman sa ayaw kong makita ang pinagkakaguluhan nila pero hindi lang talaga ako tumatagal sa masikip at mataong lugar. Madali akong mahilo at minsan ay nawawalan pa ng malay.
"Bes, si Art Francis nandoon!" kinikilig na sambit ni Lianne kasunod no'n ay tumili- tili pa siya.
Napakunot ang noo ko at napataas ang isang kilay. "Sino ba 'yun?Artista ba?" Pagkatapos kong sabihin 'yon ay tiningnan ako nang masama ng kaibigan ko.
Sinimamgutan ko naman siya kaagad dahil hindi ko naman talaga kilala ang tinutukoy niya. Kung artista 'yon, maliit pa rin ang chance ko na kilala ko siya dahil hindi rin ako mahilig manood ng T.V.
"Crystal, grabe ka na talaga. Bakit hindi mo siya
kilala? Nasa iisang school lang tayo! Siya lang naman ang pinakaguwapo at pinaka-hot sa lahat ng lalaki sa medical department. At minsan lang siya pumunta dito sa campus natin kaya kailangan sulitin. Halika na!" sabi niya at muli akong hinila.
Pinakaguwapo at pinaka-hot? E, halos lahat naman ng lalaki sa medical department, guwapo sa paningin ni Lianne. Basta nakasalamin, matangkad, at mukhang mayaman, guwapo na sa kaniya.
Napailing-iling na lang ako. Ilang sandali pa ay nandito na kami sa gitna ng mga estudyanteng magugulo. Hindi talaga ako makapaniwalang pinagkakaguluhan nila ang isang medical student.
Mas tumindi ang hiyawan ng mga estudyante nang bumukas ang pinto ng Dean's office at may lumabas na lalaki.
Nakasuot siya ng puting uniform ng mga medical students kaya kitang-kita kung gaano kakinis ang balat niya. Matangkad din siya dahil halos hanggang balikat niya lang si Dean.
Nagkagulo ang mga babae at mas lalong sumikip sa kinatatayuan namin. Napakapit ako kay Lianne nang medyo nahilo ako sa biglaang paggalaw ng mga tao. Sinubukan kong umalis sa gitna ng nagkukumpulang mga babae pero hindi ako makadaan.
Sinasabi ko na nga ba, hindi na dapat ako sumama kay Lianne. Ilang minuto pa lang akong nandito, para na akong aatakihin.
Sinubukan kong paypayan ang sarili gamit ang panyo pero wala talaga akong malanghap na sapat na hangin. Mukhang napansin ni Lianne na nahihirapan ako kaya agad niya akong tiningnan.
"Crystal, ayos ka lang? Namumutla ka," sabi ni Lianne.
Umiling ako bago huminga nang malalim. "Umalis na tayo dito. Hindi ako...makahinga," nahihirapang sagot ko.
"Sige, halika na."
Kumapit lang ako sa kamay ni Lianne habang hinahawi niya ang mga estudyante para makadaan kami. Habang tumatagal ay mas lalo akong nahihirapang huminga.
Nanlambot ang mga tuhod ko at para na akong babagsak anumang oras. Mabuti na lang at nagawa ko pang makarating sa clinic pero kung mamalasin nga naman, lunch break pala ng nurse.
"Nasaan ang inhaler mo?" tanong ni Lianne.
Umiling ako. "Ubos na. Hindi...pa ako...nakakabili."
"Naku, naman.Wait lang, Crystal, ah. Tatawag lang ako ng gagamot sa 'yo. Huminga ka lang nang malalim. Mabilis lang ako," bilin ni Lianne bago lumabas ng clinic.
Minasahe ko ang dibdib ko sa tapat ng puso ko habang paulit-ulit na humihinga nang malalim. Ilang beses ko nang napagdaanan 'to kaya malalampasan ko rin 'to.
Binuksan ko ang dalawang unang butones ng uniform ko para medyo lumuwag ang pakiramdam ko.
"Asthmatic attack?"
Napatingala ako sa nagsalita at nakita ko si Art Francis na tinutukoy ng kaibigan ko. Tumango ako at may kinuha siya sa medical supplies na nasa cabinet.
Hindi ko alam na puwede palang basta na lang kumuha ng gamit doon. Pero siguro dahil med student naman siya kaya ayos lang.
May kinuha siyang inhaler doon pagkatapos ay lumapit siya sa akin. Tinulungan niya akong ilagay sa bibig ang inhaler pagkatapos ay 'tsaka ipinump iyon. Dalawang beses ang ginawa niyang pag-pump bago ko ipinagpatuloy ang paghinga nang malalim.
Nakatulong ang inhaler sa akin. Mayamaya lang ay unti-unti nang bumalik sa normal ang paghinga ko.
"You should always have an inhaler with you."
Tumango ako. Mayro'n naman akong inhaler pero naubos na at wala pa akong perang pambili. Hindi ko naman alam na aatakihin pala ako ngayon.
"Ayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong niya. Tumango ulit ako at hindi siya magawang tingnan. "Iwasan mo ring magpunta sa crowded at mainit na lugar. It will trigger your asthma."
Alam ko naman 'yon. Nakakahiya. Nakita niya siguro ako kanina doon sa kumpulan ng mga estudyante. Baka iniisip niya ngayon, gano'n ako kasabik na makita siya kaya kahit may asthma ako ay nakipagsiksikan pa rin ako.
Bumuntonghininga siya kaya napatingin na ako sa kaniya. Halos magdikit na ang kilay niya dahil sa pagkakunot ng noo niya. Mas lalo tuloy siyang nagmukhang suplado. Nagtama ang paningin namin at hindi ko kayang tagalan ang titig niya kaya muli akong napaiwas ng tingin.
"I suggest na huwag ka ng pumasok sa klase mo. Magpa-excuse ka na lang sa iba mong subjects. Umuwi ka na para makapagpahinga ka," sabi niya.
Umiling ako. "Okay lang. Kaya ko naman na," sagot ko.
Ilang sandaling katahimikan ang sumakop sa buong silid. Halos marinig ko ang tibok ng puso kong nagwawala. Katatapos ko lang atakihin baka mamaya atakihin ulit ako. Kinakabahan ba ako? Pero bakit?
"Okay, if you say so. I need to go, take care."
Tinanaw ko siya hanggang sa tuluyan siyang makalabas ng clinic. Napahinga ako nang malalim at humiga na muna sa kama. Mayamaya lang ay bumalik na si Lianne.
"Crystal, ayos ka na ba? Alam kong ayaw mo, pero binilihan na kita ng inhaler. Kinulit ko pa si Manong Guard para lang palabasin ako. Ito, oh," sabi ni Lianne at inabot sa akin ang paper bag na may lamang inhaler.
"Maayos na ang paghinga ko, Lianne. Salamat dito. Babayaran kita kapag sumuweldo na ako."
"Huwag na. Na-g-guilty kasi ako dahil ako ang dahilan kung bakit inatake ka na naman. Don't worry, hindi na mauulit."
Ngumiti ako. "Ayos lang 'yon, Lianne. Huwag ka nang ma-guilty."
Alam ko namang puwede talaga akong atakihin kanina pero gusto kong samahan si Lianne. Ayaw kong maging KJ sa kaniya kaya kahit hindi ko kilala ang taong 'yon, sumama pa rin ako. Dahil kaibigan ko si Lianne. Palagi siyang nandiyan para sa akin kaya gusto kong parati rin akong nandito para sa kaniya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top