Chapter 9
✨
Kiss
Crystal
"I don't know. I just want to help you. Hindi ka kasi marunong mag-ingat."
Para akong nabigo sa sagot niya. Bakit ko pa kasi tinanong 'yon? Ano bang inaasahan ko? Masiyado lang siyang mabait kaya palagi niya akong tinutulungan. Hindi ko naman iniisip na may iba pa siyang dahilan.
"Sumama ka sa 'kin," bigla niyang sabi kaya napakunot ang noo ko.
"Saan naman? Hindi pa tapos ang night ball. Ako na lang ang uuwi. Sorry nakagulo pa ako," sabi ko.
Tatalikod na sana ako para umalis pero hinawakan niya ang kamay ko. Kumabog na naman ang dibdib ko at hindi ko ito mapigilan.
"The party will still continue even without me. Sumama ka na," pamimilit niya.
Tinitigan ko siya habang hawak-hawak niya ang kamay ko. Huminga ako nang malalim bago tumango. Hindi naman ako makatanggi sa kaniya dahil gusto ko rin talagang sumama.
Sumakay kami sa kotse niya at nag-umpisa siyang magmaneho papunta sa kung saan. Nakatingin lang ako sa labas ng sasakyan hanggang sa huminto kami sa isang lugar.
Kahit gabi na ay kitang-kita ko pa rin ang kagandahan ng paligid dahil sa mga iba't-ibang kulay na ilaw. Nakapalibot ito sa taniman ng mga bulaklak.
Ang ganda. Hindi ko akalaing may ganitong lugar dito sa Maynila.
Pinagbuksan ako ni Art ng pinto at inalalayang bumaba. Kung hindi lang sana ako naka-gown ay agad na sana akong tumakbo sa mga bulaklak. May natanaw akong maliit na kubo sa hindi kalayuan at doon ako dumiretso. Hindi ko alam kung sumunod ba si Art pero hindi na ako lumingon.
Medyo nahihirapan akong maglakad dahil sa suot kong heels kaya tinanggal ko muna ito. Nang matanggal ang heels ay dumiretso na ako sa kubo. Nilingon ko si Art na nakatayo sa labas ng kubo. Nakatingin lang siya sa akin.
"Bakit mo ako dinala dito?" tanong ko.
He shrugged. "I just want to."
Napatango lang ako. Na-disappoint na naman ako sa sagot niya. Lalabas na sana ako ng kubo pero sumabit ang gown ko sa kung saan kaya natumba ako at dumiretso kay Art.
Naramdaman ko ang pagdampi ng labi ko sa labi niya. Parang huminto ang paligid. Tanging mabilis na tibok ng puso ko lang ang naririnig ko.
First kiss ko 'yon! At nawala iyon nang dahil sa isang kalampahan.
Agad akong tumayo at lumayo sa kaniya. "S-Sorry..." Nauutal kong sabi.
Uminit ang pisngi ko dahil sa kahihiyan kaya hindi ko siya magawang tingnan. Nakakahiya talaga! Bakit ba kasi ako nadapa?
"Hindi ka nag-iingat. May sugat ka," sabi niya at nakatingin sa naka-expose kong tuhod.
May sugat nga ako. Hindi ko napansin dahil hindi naman masakit.
"Just stay here. I'll get the first aid kit in the car."
Napahinga ako nang malalim habang naglalakad siya palayo. Mukha namang wala lang sa kaniya iyong nangyari. Siguro dapat, kalimutan ko na rin. Aksidente naman 'yon. Hindi big deal.
"Cass dismiss."
Inayos ko na kaagad ang gamit ko nang magpaalam na si sir. Ito na ang huling klase ko ngayong araw kaya puwede na akong umuwi. Iyon nga lang, mag-isa lang ako ngayon dahil wala si Lianne. May importante raw kasi siyang aasikasuhin. Si Aireen naman, hindi pa rin pumapasok.
May sakit pa rin kaya siya?
Lumabas na ako ng campus at nagtungo sa abangan ng jeep. Habang naghihintay ay may sasakyan na huminto sa harap ko. Bumaba mula doon si Art.
Iiwas na sana ako pero kumaway siya sa akin. Bigla kong naalala ang nangyari kagabi kaya nahiya ako. Bakit ba kasi siya nandito?
"Hi, hindi pa pala pumasok si Aireen? Pupuntahan mo ba ang mga teachers niya?" kaswal kong tanong.
"Actually, ikaw ang sadya ko. Pauwi ka na ba? Can we grab some juice or coffee first?"
Nagtataka man ay sumama pa rin ako sa kaniya. "So, bakit mo ako pinuntahan?" tanong ko pagkatapos maibigay sa amin ang order namin.
"Aireen left. Nasa Paris na siya ngayon."
Nagulat ako sa sinabi niya. "Pero bakit? Isang buwan na lang at gagraduate na siya ah," nalulungkot na sabi ko.
"She needs it. She needs space for herself," sabi ni Art.
Wait....Huli ko siyang nakita ay noong nagyaya siyang mag-shopping. Ang sabi niya bibili siya ng album. Ano kayang nangyari ng araw na 'yon?
"Sayang hindi na ako nakapagpaalam sa kaniya," sabi ko.
"Babalik naman siya kaagad. Saglit lang siya doon."
Kahit hindi pa kami gano'n katagal na magkaibigan, mami-miss ko pa rin siya. Naging mabait siya sa akin. Sana maging okay siya.
Tumunog ang cellphone ni Art at napakunot ang noo niya.
"Sandali lang may pupuntahan lang ako," sabi niya kaya tumango ako.
Lumabas muna siya ng coffee shop at naiwan na naman ako. Palagi na lang siyang umaalis sa tuwing magkasama kami. At hindi ko alam kung bakit ako nalulungkot dahil lang sa gano'ng bagay.
Naghintay ako na bumalik siya pero ilang minuto na ang lumipas ay hindi pa rin siya bumabalik. Bayad na ang in-order namin kaya lumabas na ako. Hahanapin ko na lang siya.
Nagpunta ako sa kung saan naka-parked ang sasakyan niya. Baka mamaya iniwan na pala niya ako. Pero hindi naman siya gano'ng klaseng tao kaya imposible.
Agad kong natutop ang bibig sa nakita. Si Art at si Julianna, naghahalikan. Hindi ko alam kung bakit parang nasaktan ako. Ano ba itong nangyayari sa akin? 'Di ba dapat wala akong pakialam sa kanila?
Tumalikod ako at agad na pumara ng jeep pauwi. Hindi dapat ako masaktan. Hindi ko dapat nararamdaman ang ganitong bagay dahil makakasama ito sa akin.
Tulala ako hanggang sa pag-uwi sa bahay. Pilit kong kinakalimutan ang nakita ko kanina pero hindi ko matanggal 'yon sa isip ko. Bakit ko pa kasi siya hinanap? Dapat umuwi na lang ako kaagad.
"Aling Martha, magbabayad naman kami, e!"
"Ilang beses mo nang sinabi 'yan pero hanggang ngayon wala pa din! Wala na kayong magagawa kundi umalis. Maghanap na kayo ng ibang tirahan!"
Napatakbo ako palapit kay mama nang marinig ko siyang nakikipagsagutan kay Aling Martha. Nasa labas na ang mga gamit namin kaya nataranta ako.
"Aling Martha, bakit n'yo po kami pinapaalis? Nagbabayad naman po kami—"
"Hoy, anong nagbabayad? Tatlong buwan na kayong hindi nakakabayad!"
Hindi ako makapaniwalang tumingin kay mama. Buwan-buwan akong nagbibigay ng pambayad sa upa. Saan niya dinadala ang mga perang ibinibigay ko?
"'Ma, bakit hindi po kayo nakakabayad? Kinukuha na naman po ba ni Tito Eric ang pera?"
Hindi siya kumibo. Alam ko na ang sagot. Kahit kailan talaga walang magawang matino si Tito Eric.
"Saan na tayo maghahanap ng malilipatan? Gabi na oh," sabi ko.
Dinampot niya ang isang malaking bag na may lamang mga damit niya. Napatayo ako nang bigla siyang maglakad paalis.
"Anong tayo? May matutuluyan ako, 'no. Ikaw ang maghanap ng matutuluyan mo. Matuto ka ng mamuhay mag-isa!"
Iiwan niya talaga ako?
Sunod-sunod ang mga luhang pumatak sa mga mata ko. Kahit kailan hindi ko naisip na magagawa ni mama sa akin ito. Kaya niya ba talaga akong tiisin? Kaya niya talaga akong iwan dito?
Hinabol ko siya. "'Ma! Sasama po ako sa inyo."
"Hindi puwede! Nakakahiya naman sa Tito Eric mo."
Sumakay na siya ng tricycle at iniwan na talaga ako. Paano niya nagawa 'to? Paano nagawa ng ina na iwan ang kaniyang anak? Bakit ba gano'n si mama? Parang hindi anak ang turing niya sa akin. Napakalupit niya.
Buhat-buhat ang malaking bag ay naglalakad ako ngayon dito sa lansangan. Naghahanap ako ng puwedeng matuluyan. Wala na akong pera. Hindi pa ako kumakain ng hapunan.
Biglang kumirot ang sentido ko kaya napahinto ako sa paglalakad. Dahil siguro 'to sa gutom at pagod. Kailangan ko munang magpahinga.
Pero hahakbang palang sana ako ay bigla nang dumilim ang paligid at hindi ko na alam ang nangyari.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top