Chapter 7
✨
Class
At katulad kanina, wala na naman akong choice kundi pumayag sa gusto ni Art. Pagkatapos naming magpahinga saglit ay 'tsaka kami umalis.
Bubuksan ko na sana ang pintuan ngunit paghawak ko sa handle ay saktong paghawak niya rin doon kaya naman nahawakan niya ang kamay ko. Para akong napaso sa hawak niya kaya agad kong hinila ang kamay ko at hinayaan siyang buksan ang pinto.
Pagdating sa sasakyan ay siya na rin ang nagbukas ng pinto sa front seat.
“Salamat," sabi ko.
Umikot siya patungong driver's seat. Binuhay niya ang makina at nag-drive.
Tahimik lang kami buong biyahe. Halos mabingi ako sa katahimikan. Hanggang sa nakarating kami sa kalye patungo sa amin ay walang nagsalita sa aming dalawa. Sobrang awkward ng nararamdaman ko ngayon.
Kulang na lang ay marinig ko ang sarili kong puso. Ano bang nangyayari sa akin? Malapit na naman ba akong atakihin?
“Diyan na lang sa gilid," sabi ko nang matanaw ang bahay namin. "Salamat sa paghatid."
Tumango lang siya at ngumiti ako bago bumaba. Binuksan ko ang pinto ng bahay namin at muli siyang nilingon. Hindi pa siya umaalis. Sinara ko ang pintuan at doon ko lang narinig ang pag-andar ng sasakyan.
“Sinong naghatid sa 'yo? Boyfriend mo? Ganda ng kotse ah. Yayamanin."
Naibagsak ko ang mga shopping bags na hawak ko dahil sa gulat. Hindi ko napansin na nandito pala si mama.
Umiling ako. “Hindi ko po siya boyfriend."
Umismid si mama na parang hindi naniniwala. “E, bakit nag-date kayo? Binilihan ka pa niya ng mga 'yan," sabi niya at itinuro ang mga shopping bags.
“Kasama ko po ang kapatid niya na mamasyal. Si Aireen po ang bumili nito at wala pong namamagitan sa amin ni Art. Pupunta na po ako sa kuwarto," paliwanag ko pagkatapos ay dumiretso na ako sa kuwarto.
Pagpasok sa kuwarto ay napahinga ako nang malalim. Bumalik sa isip ko ang nangyari ngayong araw. Hindi ko maiwasang mapangiti.
Bumilis na naman ang tibok ng puso ko kaya napahawak ako sa dibdib.
Heart, kumalma ka muna. Baka atakihin na ako niyan.
***
"Sa kanto lang po manong!" sabi ko sa driver at nang huminto ang jeep ay bumaba na kami ni Lianne.
Lunes na naman. Ang araw na pinakaayaw ng mga estudyante. Araw kung kailan bumabalik sa eskwela ang mga mag-aaral.
Maging ako ay tinatamad pumasok. Pero s'yempre kailangan kong mag-aral.
“Bes, hindi ka pa nagkukwento sa akin kung kamusta ang pamamasyal n'yo ni Aireen," sabi ni Lianne pagpasok namin sa gate ng school.
“Wala naman masiyadong importante sa nangyari. Namasyal lang kami," simpleng sagot ko.
Napalingon kami sa parking lot ng school at napansin kong wala doon ang sasakyan ni Aireen. Late ba siya? O baka ibang sasakyan ang ginamit niya.
Dumiretso na kami sa classroom at saktong dumating ang teacher namin. Nag-umpisa na siyang magturo pero lutang ang isip ko. Parang lumabas lang sa kabilang tainga ko ang mga itinuro ng teacher.
Mabilis na lumipas ang oras hanggang sa hindi ko namalayan na lunch time na.
“Bes, daan muna tayo sa room nila Aireen baka nandiyan na siya," sabi ko kay Lianne.
“Sige."
Lumabas na kami ng room at nagpunta sa katabing room. Nagsisialisan na ang mga estudyante doon pero hindi ko nakita si Aireen.
"Excuse me," sabi ko doon sa kaklase niya. "Pumasok ba si Aireen?"
“Hindi, e. Hindi din namin alam kung bakit," sagot niya.
Tumango ako. "Sige, salamat."
Umalis na kami ni Lianne sa tapat ng room ni Aireen pagkatapos no'n. Ipinagkrus ko ang braso ko habang nag-iisip.
“Bes, bakit kaya absent si Aireen?" tanong ni Lianne.
Iyon din ang iniisip ko. Bakit naman biglang um-absent si Aireen? May sakit ba siya? May pinuntahan? Magkasama lang kami no'ng Sabado, e.
“Lianne, 'di ba may number ka ni Aireen?" Tumango siya. "Baka puwede mo siyang tawagan."
"Sige, try ko siyang tawagan," sabi niya at kinuha ang cellphone para tawagan si Aireen.
Pero ilang ring na ang nakalipas ay hindi pa rin siya sumasagot. Mas lalo tuloy akong nagtaka kung anong nangyayari sa kaniya. Isang paraan na lang ang magagawa ko para malaman 'yon.
"What if, pumunta tayo sa college campus?" tanong ko kay Lianne.
Tumingin siya sa akin na parang hindi makapaniwala. “Hulaan ko, pupuntahan mo si Art doon, 'no? Ipapaalala ko lang sa 'yo na hindi tayo pwede do'n."
Napabuntonghininga ako sa sinabi niya. 'Tsaka ko lang naalala na bawal pala pumunta ang mga highschool students sa college campus. Pero magagawan naman siguro ng paraan? Reasonable naman ang pagpunta namin doon.
“Basta samahan mo na lang ako," sabi ko at hinila siya palabas ng school.
Magkabilaan lang ang highschool at college campus dito kaya umikot kami sa kabila dahil nandoon ang entrance nila. Sakto namang walang guard na nagbabantay kaya pumasok na kami sa loob.
Hindi naman agad mapapansin na highschool students kami dahil halos kapareho lang namin ng uniform ang mga first year college students dito.
Pagpasok pa lang sa gate ay natigilan na kami dahil ang lawak pala ng college campus. Sa dami ng buildings dito, hindi ko alam kung saan hahanapin si Art.
Hinarap ko si Lianne na mukhang namamangha rin sa paligid.
“Bes, 'di ba kilala mo si Art? Siguro naman alam mo kung saan dito ang room niya," sabi ko sa kaniya.
“Crystal, crush ko nga si Art pero hindi naman ako stalker. Atsaka, ngayon lang ako nakapasok dito. Baka naman may building sila per course. Hanapin na lang natin ang building ng medical students," sagot niya.
Nag-umpisa na kaming maghanap. May mga pangalan naman ang bawat building kaya mapapadali lang siguro ang paghahanap namin. Wala pang ilang minuto ay nahanap na rin namin ang building na may nakalagay na College of Medicine. Agad kaming umakyat para sumilip sa bawat rooms.
“Hey, mga high school students kayo right? Why are you here?"
Napahinto kami sa paglalakad at napalingon sa nagsalita. Base sa suot niya ay mukhang med student din siya dito.
“Ano kasi, may hinahanap kami. Kilala mo ba si Art Baltazar? Med student din siya," sabi ni Lianne.
Kumunot ang noo ng lalaki. “Anong kailangan n'yo sa kaniya?"
“May kailangan lang kaming itanong. Kung kilala mo siya, pakisabi naman na may naghahanap sa kaniya," sabi ko.
Pumasok siya sa isang room at paglabas niya ay kasama na niya si Art. Naramdaman kong bumilis na naman ang tibok ng puso ko nang magtama ang paningin namin.
“What are you doing here? Hindi n'yo ba alam ang policy sa school na 'to? Hindi puwedeng—"
"Alam ko 'yon," putol ko sa sinasabi niya. "Ano kasi, gusto kong malaman kung bakit hindi pumasok si Aireen? Hindi kasi niya sinasagot ang cellphone niya kaya nag-aalala ako."
His brows furrowed. “Aireen is sick. Kung gusto n'yo siyang makita, piwede kayong magpunta sa bahay," sagot niya.
Tumango-tango ako. "Gano'n ba? Sige, salamat. Aalis na kami, iyon lang ang ipinunta namin dito."
Hinila ko na si Lianne para makaalis na.
"Crystal."
Napahinto kami sa paglalakad nang tawagin ako ni Art. Agad ko siyang nilingon at seryoso siyang nakatingin sa akin ngayon.
“Bakit?" tanong ko.
“Ihahatid ko na kayo sa gate. Baka may makakita sa inyong teachers at i-report pa kayo," sabi niya.
Nagdadalawang-isip pa ako pero sa huli ay pumayag na rin. Mas mabuti ngang samahan niya kami pabalik.
Pagkarating sa gate ay bumalik na rin kaagad si Art sa building nila. Kami naman ni Lianne ay naglakad na paalis. Saktong papalayo kami sa gate ng college campus nang masalubong namin si Julianna.
“Crystal, what are you doing here?" tanong niya at pinagmasdan kaming dalawa ni Lianne.
Ngumiti ako. "May pinuntahan lang kami."
Tumango naman siya. "Nandito ka naman na, puwede ba tayong mag-usap?"
Nagkatinginan kami ni Lianne at mukhang nagtataka siya kung sino itong nasa harap namin. Nginitian ko siya.
“Mauna ka ng bumalik sa school, Lianne. Susunod na lang ako," sabi ko.
Tinitigan niya pa saglit si Julianna bago tumango. "Sige, basta mag-iingat ka, ha?"
Hinintay kong makaalis si Lianne bago ako sumunod kay Julianna para makipag-usap. Sa garden malapit sa parking lot ng school nila kami nagpunta. Umupo kami sa upuang gawa sa bato.
“Anong pag uusapan natin?" tanong ko.
Sumandal siya sa upuan at ipinagkrus ang mga braso. Nagmukha siyang masungit ngayon at para bang balak niya akong litisin. Hindi naman ako nagpatinag sa kaniya.
“I'm going to ask you and you should answer me honestly," sabi niya.
Hindi ako sumagot. Hinayaan ko siyang itanong ang gusto niyang itanong.
“Ano ba talagang intensyon mo sa pakikipaglapit mo kay Aireen at Art?" diretsong tanong niya.
Huminga ako nang malalim. "Pakikipagkaibigan. 'Yon lang naman ang intensyon ko."
Ngumisi siya. "Are you sure about that? Hindi kaya, ginagamit mo lang sila dahil mayaman sila?"
Ikinuyom ko ang kamay ko dahil nakakainsulto ang tanong niya. Akala ko pa naman mabait siya pero mukhang katulad niya rin 'yung mga estudyanteng walang ibang ginawa kundi ang manira ng iba.
"Bakit mo naman naisip 'yan? Dahil ba mahirap ako? Hindi porke't mahirap kami ay gagamit na ako ng ibang tao para sa sarili kong kapakanan," sagot ko.
Bahagya siyang natawa. "Nagtatanong lang ako. Mabuti na rin na nagkakalinawan tayo dito. Kung iniisip mo na makukuha mo si Art dahil kaibigan ka ni Aireen, nagkakamali ka. Hindi ka niya papatulan. Hindi siya papatol sa babaeng walang class at breeding."
"Kung gano'n, iniisip mong ikaw ang babaeng may class at breeding? Pero basura pa rin ang ugali. Sana, kung magaganda ang katangian mo, iterno mo naman ang ugali mo. Baka ma-turn off si Art sa 'yo niyan."
Namula ang mukha niya sa sobrang inis. Tumayo na ako at mariin siyang tiningnan.
"Kung wala ka nang sasabihin, aalis na ako," sabi ko at tinalikuran na siya.
Porke't mayaman siya, akala niya puwede na siyang mangtapak ng ibang tao. Bakit ba gano'n palagi ang iniisip nila sa tuwing magiging magkaibigan ang mahirap at mayaman? Akala nila pera lang palagi ang dahilan. Masiyadong mataas ang tingin nila sa sarili nila.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top