Chapter 2
✨
Scholarship
Ilang araw ang lumipas at hindi ko na ulit nakita si Art sa cafe. Siguro hindi talaga siya madalas magkape. Baka nagkataon lang iyong nakaraan.
Maaga akong nagising ngayon dahil maaga akong pupunta sa school. Nag-text kasi sa akin ang secretary ni dean at gusto niya raw akong makausap. Hindi na nga ako mapakali. Kinakabahan ako tungkol sa sasabihin ng dean. Hindi naman kasi siya nagpapatawag ng estudyante kung hindi gano'n kaimportante ang sasabihin niya.
"Bes, bakit ba nagmamadali ka?" tanong ni Lianne.
Nasa paradahan na kami ng jeep ngayon naghihintay na makasakay. Ilang pasahero na lang ay kami na ang susunod na sasakay sa jeep.
"Nag-text si dean, bes. May importante daw siyang sasabihin. Kinakabahan ako, baka matanggal ang half scholarship ko. Kalahati na nga lang e, mawawala pa," kinakabahang sagot ko.
"Huwag kang nega, bes. Matataas naman ang mga scores mo, tiwala lang," sabi niya.
Sana nga. Hindi puwedeng mawala ang half scholarship ko. Baka tuluyan akong hindi makapag aral. Actually, nag-apply ako noon para sa full scholarship pero kalahati lang ang nai-grant sa akin.
Pagdating sa campus ay agad akong dumiretso sa dean's office. Kumatok muna ako bago pumasok.
"Good morning, dean," bati ko sa kaniya.
Todo ang kaba ng dibdib ko habang nakatayo sa harap ng matandang dean. Kilala siya bilang istriktong dean. Kapag sinabi niya, iyon ang masusunod.
"Good morning, Miss Andrada. Take a seat," sabi niya at iminuwestra ang upuan sa harap ng mesa niya.
Umupo ako doon bago nagtanong. "Ano po ba iyong importanteng sasabihin ninyo?" magalang kong tanong.
Ibinaba niya ang salamin at sumandal sa kaniyang upuan bago magsalita.
"I assumed that you already know the date of the exams."
Tumango ako. "Next week, dean."
"And alam mo naman siguro na hindi ka pa fully paid sa exam fees mo. Isa sa mga rules ng school na ito na hindi maaaring mag-take ng exam ang hindi pa bayad o may kulang. Hindi lang ikaw ang ipinatawag ko tungkol dito, may iba ring mga estudyante na hindi pa nakakabayad."
Napalunok ako sa narinig ko. Hindi ko pa nababayaran ang kulang ko dito. Alam ko rin kung gaano kahigpit ang patakaran ng school na ito. Kung hindi ako makapag-exam, hindi ako makaka-graduate ng high school.
"Dean, bigyan n'yo pa po ako ng konting panahon, magbabayad po ako promise. Pakiusap dean, kailangan ko pong makapag exam," pagmamakaawa ko.
"Okay, Miss Andrada. Nakita ko naman ang mga grades mo at matataas lahat, kaya pagbibigyan kita. You may pay for your fees until next week."
"Thank you, dean."
Lumabas na ako ng office pagkatapos naming mag-usap. Nakahinga ako nang maluwag dahil pumayag si dean. Pero muli akong nanlumo nang maisip kung saan ako kukuha ng pambayad. Na-advance ko na ang sahod ko para sa susunod na buwan dahil ipinambili ng gamot ni mama noong nagkasakit siya. Baka hindi na ako payagan ng amo ko na mag-advance ulit.
Umupo ako sa bench dahil medyo maaga pa para sa klase ko. Naiiyak ako sa sitwasyon ko ngayon. Gusto ko lang namang makapagtapos ng pag aaral pero bakit ang daming hadlang? Hindi ko na alam kung sino ang lalapitan ko.
"Bes, tanggapin mo muna 'to," sabi ni Lianne habang inaabot ang pera na galing sa allowance niya.
"Hindi ko matatanggap 'yan, bes. Hindi ko pa nga nababayaran 'yung utang ko sa 'yo no'ng nakaraan," sabi ko at ibinalik ang pera sa kaniya.
Mas angat ang pamumuhay nila Lianne sa amin. Madalas niya nga akong nililibre sa pamasahe. Pero ayaw kong umabuso sa kabaitan ng kaibigan ko.
"Hay naku, huwag mo nang bayaran 'yon. Tanggapin mo na ito. Ang mahalaga makapag exam ka," sabi niya.
Umiling ako. "Hindi ko talaga matatanggap 'yan. Hahanap na lang ako ng ibang paraan," sagot ko.
Wala na din siyang nagawa dahil kahit anong pilit niya ay hindi ko talaga tinanggap ang pera. Maghahanap na lang ako ng isa pang trabaho. Kailangan ko talagang makabayad.
Bumuntonghininga si Lianne. "O sige. Basta kung kailangan mo talaga ng pera, sabihan mo lang ako."
Buong maghapon kong iniisip ang tungkol sa bagay na 'yon. Pagkauwi ko sa bahay ay lumapit na kaagad ako kay mama.
"'Ma, may ekstrang pera po ba kayo? Kailangan ko na po kasing bayaran ang kulang ko sa school," sabi ko kay mama.
Kasalukuyan siyang nagkukwenta ng nabenta niya sa palengke kaninang umaga. Ibinaba niya ang salamin sa mata bago humarap sa akin.
"Nakita mo na ngang kulang na ang pera natin para dito sa gastusin sa bahay, makikisabay ka pa? Akala ko ba nagtatrabaho ka? Saan mo dinadala ang sweldo mo?" mariing sabi ni mama.
"Pero 'ma, hindi na po kasi ako pinayagang mag-advance doon sa trabaho ko—"
"Aba'y wala na akong pakialam doon. Maghanap ka ng dagdag trabaho. Matuto kang tumayo sa sarili mong mga paa."
Sunod-sunod ang mga luhang tumulo sa mga mata ko. Agad ko itong pinunasan bago pa makita ni mama.
"Nasa'n po ba kasi si papa? Baka kapag nandito siya, hindi ganito ang buhay natin—"
Malakas na sampal ang natanggap ko mula kay mama. Hindi ko na napigilan ang pag-iyak. Madalas akong mapagalitan ni mama pero hindi niya ako sinaktan noon. Ito ang unang beses na pinagbuhatan niya ako ng kamay. Siguro ayaw niya talagang pinag-uusapan si papa.
"Hahanapin mo ang ama mo? Hindi ka niya kikilalanin bilang anak dahil may iba na siyang pamilya! At para sa akin, patay na siya!" galit na sigaw ni mama.
Hindi ko maintindihan. Pakiramdam ko, ako na ang pinakamalas na tao sa mundo. Lumaki sa mahirap na pamilya, iniwan pa ng ama. Ang sakit sobra.
Bakit kailangang masira ang pamilya ko? Bakit kailangang maging ganito ang buhay namin? May nagawa ba akong malaking kasalanan sa past life ko kaya ngayon ako pinaparusahan?
"Pasensya na po, 'ma. Hindi na po mauulit," sabi ko at muling lumabas ng bahay.
Nagtungo ako sa park dito sa lugar namin. Dito ako madalas tumambay kapag problemado ako at gusto kong mag-isip-isip. Maraming mga bulaklak dito na nagpapakalma sa sistema ko.
"Crystal?" Nilingon ko ang tumawag sa akin at nakita ko si Sean. "Anong ginagawa mo dito?"
"Nagpapahangin lang. Ikaw?"
Umupo siya sa tabi ko kaya bahagya akong umusog para magkasya kami.
"Pupuntahan sana kita sa bahay n'yo para dalhan ng paborito mong kalamares. Kaya lang nakita kita dito kaya dito na lang natin kainin," aabi niya at ipinakita ang bitbit niyang plastik na may lamang kalamares.
Napangiti ako kaagad. "Ikaw talaga, nag abala ka pa. Ano bang meron at nilibre mo 'ko?"
"Napansin ko kasi na malungkot ka nitong mga nakaraang araw kaya naisipan ko na baka makatulong 'to."
Napatitig ako sa kaniya. Napakabuti niya talagang kaibigan. Gusto niya na palagi akong masaya. Kung gano'n lang sana kadali 'yon. Kung puwede ko lang sanang kalimutan na ang lahat ng problema, matagal ko nang ginawa.
Inumpisahan na naming kainin ang dala niyang kalamares. Sa lahat ng mga street foods, ito ang pinakapaborito ko. Naalala ko noong bata pa ako, sa tuwing pagkatapos ng klase ay bumibili ako nito at dinadalhan si mama. Ngayon bihira ko na lang magawa iyon, bukod kasi sa ayaw na ni mama ng kalamares, kinukulang na rin ang pera ko.
"Sabay tayong pumasok sa trabaho mamaya," sabi ni Sean pagkaubos namin sa pagkain.
Tumango ako. "Sige ba. Dadaan na lang ako sa bahay n'yo mamaya."
Namiss ko itong ganito. Ganito kasi ang palagi naming ginagawa dati. Sabay papasok sa trabaho, tatambay sa bahay nila at sabay kakain ng kalamares.
Sa sobrang pagka-close naming dalawa, maraming nagsasabi na bagay raw kami. Pero bukod sa kaibigan lang ang turing ko sa kaniya, ayaw ni mama na siya ang magustuhan ko. Kuntento na ako na maging kaibigan si Sean. Alam ko namang palagi siyang nandiyan para sa akin at gano'n din ako sa kaniya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top