Chapter 16


Stupid

"Crystal, yayaman na tayo! Nanalo ako sa raffle ng isang milyon!"

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni mama. Hindi ko alam na sumasali pala siya sa mga raffle. Tapos nanalo siya ngayon ng isang milyon?

“Talaga po?" hindi makapaniwalang tanong ko.

“Oo anak. Nagbaka-sakali lang ako na mabubunot kaya sumali ako sa raffle. Tapos kanina tinawagan nila ako para i-claim ang premyo. Fifty thousand lang ang inuwi ko at dineposit ko sa bangko ang iba," sagot ni mama.

Napangiti ako at niyakap si mama. Malaking tulong nga 'yon sa amin. Puwede kaming makalipat sa mas maayos na bahay at puwede ring gamitin ang pera para makapag-negosyo si mama. Atleast, hindi na kami mahihirapan at hindi na rin namin kailangan ang tulong ng tatay ko.

Pagkatapos kong kumain ay dumiretso na ako sa kuwarto para makapagpahinga. Pahiga pa lang ako nang tumunog ang cellphone na ibinigay sa akin ni Art. Sinagot ko ito kaagad.

“Hello, Art?"

Hindi siya kaagad nagsalita kaya kumunot ang noo ko. Tiningnan ko ang tawag at hindi naman ito naputol.

"Art?" sambit ko.

"I just called to say goodnight."

Hindi ko mapigilang mapangiti. Huminga ako nang malalim dahil ang bilis na naman ng tibok ng puso ko.

“Goodnight din. Huwag ka nang magpupuyat," sagot ko.

"You too. Sweet dreams, Crystal."

Nakatulog din ako kaagad pagkatapos naming mag-usap. Sobrang gaan din ng pakiramdam ko pagkagising ko kinabukasan. Siguro dahil sa good news na natanggap ni mama kahapon.

Nag-ayos na ako kaagad dahil may pasok pa ako. Paglabas ko ng bahay ay naghihintay na ulit si Art sa akin. Hindi na siya nakasandal sa motor kundi sa kotseng itim na.

Masiyado siyang agaw-pansin sa mga tao dito. Ang iba, talagang lumabas pa ng bahay para makita siya. Daig niya pa ang artista.

“Good morning, Crystal. Nakatulog ka ba nang mabuti kagabi?" tanong niya.

“Good morning. Maayos naman ang tulog ko. Ikaw? Bakit ang aga mo naman dito?"

Ngumiti lang siya at pinagbuksan ako ng pinto. May isang bungkos ng tulips na nakalagay sa upuan kaya kinuha ko iyon. Hindi ko na talaga mapigilan ang pagngiti.

“May pa-bulaklak na naman," bulong ko.

Pagkasakay ko sa kotse ay umikot naman siya patungo sa driver's seat. Habang nasa biyahe ay hindi ko maiwasang isipin ang sinabi ni Lianne.

Sa mga ikinikilos ni Art, hindi ko maiwasang mag-isip ng iba. Para siyang nanliligaw pero wala naman siyang sinabi sa akin. Posible bang, mabait lang siya masiyado kaya niya ginagawa 'to?

“Crystal, the guy that you were with yesterday, is he your classmate?" biglang tanong ni Art.

Kumunot ang noo ko. "Sino? Si Kryan?"

"So, his name is Kryan." Nakasimangot na naman siya habang binabanggit ang pangalan ni Kryan.

“Hindi ko siya classmate. Kahapon ko lang siya nakilala dahil tinulungan niya ako," paliwanag ko. "Bakit mo naitanong?",

“Nothing."

Hindi na ako sumagot. Nakarating kami sa school at pinagbuksan niya ako ng pinto. Bitbit ang bag at bulaklak ay sabay kaming naglakad papuntang room.

“I'll fetch you again later. Don't go anywhere, wait for me."

Natawa ako sa itsura niya. Para siyang magulang na nagbibilin sa anak na huwag sumama kahit kanino.

“I'm serious, Crystal. Lagot ka sa 'kin kapag nagpahatid ka sa iba."

Natahimik ako nang makita kong seryoso siya. Baka magalit na naman.

“Oo na. Hihintayin kita sa parking lot. Sige na, baka ma-late ka pa," sabi ko.

Pinagmasdan ko siyang maglakad paalis. Bumuntonghininga ako at papasok na sana sa loob ng room nang makita ko si Kryan. Kumaway siya sa akin.

“Hi, Shanna," bati niya.

“Hi. Anong ginagawa mo dito?" tanong ko.

“May dinaanan lang ako sa kabilang room. Dito pala ang room mo?" sabi niya at sumilip pa sa room namin.

Tumango ako. "Oo. Kryan, salamat nga pala kahapon."

"Nagpasalamat ka na kahapon tapos nagpasalamat ka ulit ngayon. Wala lang 'yon. Basta mag-iingat ka na sa susunod."

Ngumiti ako at tumango. Napatingin naman siya sa bulaklak na dala ko.

“Galing sa suitor mo?"

Umiling ako. “Hindi. Sa kaibigan ko galing."

“Kaibigan? Baka naman may gusto siya sa 'yo? Iyon ba 'yong sumundo sa 'yo kahapon sa parking lot?"

“Oo, siya nga. Pero magkaibigan lang talaga kami."

"I don't think so. Kung makatingin siya sa akin kahapon parang gusto niya na akong itumba. Anyway, kailangan ko nang umalis. See you when I see you!"

Napailing na lang ako sa mga sinabi niya. Pareho sila ni Lianne. Ipinipilit nila kahit na hindi naman totoo. Imposible naman talagang magkagusto sa akin si Art dahil hindi ako ang tipo niyang babae. Ang mga tipo niya ay iyong katulad ni Julianna.

Pumasok na ako sa room at inilagay sa ilalim ng upuan ang dala kong bulaklak. Mamaya nga sasabihan ko si Art na huwag na akong bigyan nito kaya pinagtitinginan nila ako.

“Crystal, bakit hindi ka na bumalik kahapon? Ano bang nangyari?" bungad na tanong ni Lianne sa akin.

Bumuntonghininga ako. "May nagkulong sa akin sa banyo."

Kitangkita ko ang panlalaki ng mata niya. "Talaga? Naku, for sure iyong mga babaeng inggit sa 'yo ang may gawa no'n. Paano ka naman nakalabas? Don't tell me, doon ka natulog magdamag?"

"Buti na lang tinulungan ako ni Kryan. Kung hindi, talagang doon ako matutulog," sabi ko.

Mas lalo siyang nagulat. "Kryan? You mean, Kryan Soriano? Iyong member ng basketball team?" Tumango ako at bahagyang natawa. “Ang swerte mo talaga, bes. Ang dami mong knight in shining armor. Ang haba ng hair mo. May Art ka na may Kryan ka pa."

Paano naman ako naging swerte dahil doon? Puro sikat ang mga nakakasalamuha ko kaya naman maraming nagagalit sa akin. Paniguradong madaragdagan na naman ang mang-aawa sa akin.

Dumating na ang teacher namin kaya naman nakinig na kaming lahat. Tapos naman na ang gawaan ng grades kaya naman puro requirements na lang ang inaasikaso namin ngayon. Puwede na kaming mag-relax.

“Announcement, your Senior ball will be two weeks from now. You can start finding suits and gowns for the night ball. There will be a special guests."

Matapos ang announcement na iyon ay sunod-sunod na ingay ang narinig ko. Marami ang na-e-excite at nagkwentuhan agad kung ano ang isusuot nilang damit at kung gaano ito kamahal.

Nag-iisip na rin sila kung sino ang gusto nilang maging date. Habang ako? Nakikinig lang sa kanila. Wala akong balak na sumali sa prom. Wala akong hilig sa mga gan'yan. Maraming estudyante ang hinihintay ang araw ng Senior ball pero hindi ako.

“Bakit ang tahimik mo? Don't tell me hindi ka sasama sa senior hall?" tanong ni Lianne.

Umiling ako kaya napasimangot siya.

“Hindi puwede. Huling taon na natin 'to sa high school kaya dapat sumama ka. Kung gown ang problema mo, ako na ang bahala—"

“Bes, huwag na. Hindi ko naman problema ang gown. Pero ayaw ko lang talaga sumama," putol ko sa sinasabi niya.

“Kailangan mong sumama. Sige na, please. Crystal, naman, e!"

Ayan na naman siya. Kahit na umayaw na ako, ipipilit niya pa rin. Palibhasa alam niyang kaunting pilit lang sa akin ay papayag na ako.

"Pag-iisipan ko," tanging sagot ko.

Niyakap niya naman ako. Tuwang tuwa kahit na hindi pa naman ako pumapayag.

Paglabas ng room ay nagulat ako kasi nandoon si Kryan. Ngumiti siya sa akin kaya ngumiti rin ako.

“Hi, Shanna," bati niya sa akin.

Siniko ako ni Lianne bago bumulong. “Haba ng hair ah. Shanna ang tawag sa 'yo,"bulong ni Lianne.

Pinanlakihan ko siya ng mata at tinawanan niya lang ako. Baliw talaga 'to si Lianne.

“Sinong hinihintay mo?" tanong ko kay Kryan.

“Actually, I am waiting for you. I just want to ask you out if it's okay."

“Of course, it's okay for her. Wala naman siyang gagawin e," sabad ni Lianne.

Kinurot ko si Lianne sa braso at alanganin akong ngumiti kay Kryan. Mukhang napansin niyang nagdadalawang-isip ako.

“Puwede ka namang tumanggi kung may gagawin ka. Next time na lang kita—"

"Hindi siya tatanggi," sabi na naman ni Lianne. "Sige na, Crystal, sumama ka na. Kakain lang naman sa labas, e."

Hinila ko muna si Lianne palayo. Napipikon na ako sa ginagawa niya. Masiyado siyang halata na ipinagtutulakan niya ako kay Kryan.

"Lianne, naman. Susunduin ako ni Art. Baka magalit siya," sabi ko.

Umirap si Lianne. "At bakit siya magagalit? Boyfriend mo ba siya? Manliligaw? O asawa? Hindi naman. At saka, maaga pa naman bago ang uwian nila Art kaya makakabalik ka na bago pa siya dumating. Halata namang type ka ni Kryan, bakit hindi mo bigyan ng chance? O baka naman, ayaw mo kasi si Art ang gusto mo?"

Sinamangutan ko siya. "Hindi naman sa gano'n..."

"Then, go! Pagbigyan mo na si Kryan."

Huminga ako nang malalim bago nilapitan si Kryan. Sa itsura niya, mukhang umaasa siyang papayag ako. Tama nga si Lianne, wala namang masama kung kakain kami sa labas. Ang usapan lang naman namin ni Art ay susunduin niya ako. Kaya babalik na lang ako bago siya dumating.

"Sige. Pero bilisan lang natin, ha," sabi ko.

Agad naman siyang napangiti. "Thank you. Let's go."

Sabay kaming tatlo na nagpunta sa may parking lot at umalis din si Lianne. Pinagbuksan ako ni Kryan ng pinto at sumakay na ako sa kotse niya.

Sa isang restaurant niya ako dinala kung saan maganda ang ambiance sa loob. Magaan sa pakiramdam kaya panatag ako.

“Shanna, I just want to ask you something," sabi ni Kryan pagkatapos mailapag ang mga order namin.

“Ano 'yon?"

“Puwede ba kitang maging date sa Senior's ball?"

Nabitin ang pagsubo ko sa tanong niya. Tama ba ang narinig ko?Gusto niya akong maging date sa Senior's ball?

“Sorry, nabigla yata kita. Hindi mo naman kailangang pumayag ngayon. Two weeks pa naman bago ang Senior's ball kaya puwede mo pang pag-isipan," natatarantang sabi niya.

Inilapag ko ang kutsara bago ako nagsalita.

"Hindi naman sa ayaw kong pumayag. Hindi pa kasi ako sigurado kung sasama ba ako sa Senior's ball," sabi ko.

“It's okay. If ever na sasama ka, puwede mo akong maging date."

Natawa ako. Para kasi siyang nahihiya. Kanina pa siya namumula.

“Bakit ako ang gusto mong ka-date? For sure, maraming babae sa school na gusto kang maging date. Mas maganda sila kaysa sa akin."

Umiling siya kaagad. “You're beautiful, Shanna. Para sa akin, ikaw ang pinakmaganda."

Hindi ako nakakibo kaagad dahil bigla akong nahiya. Hindi talaga ako sanay nang may pumupuri sa akin. Lalo na kung katulad ni Kryan.

Naging maayos naman ang paglabas namin ni Kryan. Palakuwento kasi siya kaya hindi ako na-a-awkward habang magkasama kami.

“Thank you dahil pumayag ka, Shanna. Sana maulit 'to," sabi ni Kryan.

Ngumiti ako. "Salamat din. Sige, bababa na ako. Mag-iingat ka sa pagmamaneho."

Nagpahatid ulit ako sa parking lot dahil baka nando'n na si Art. Medyo maaga pa naman kaysa sa oras ng pagdating niya dito kaya naghintay muna ako saglit. Tiningnan ko ang cellphone kung may text ba siya pero na-drain na pala ang cellphone ko.

Hinintay ko siya nang halos isang oras pero hindi siya dumating. Kung alam ko lang, edi sana hindi na ako naghintay.

Umuwi na lang ako sa bahay at naabutan ko si mama na nag-aayos ng mga gamit. Bumili na pala siya ng ibang mga gamit dito sa bahay. Naghahanap pa kami ng malilipatan kaya pili lang muna ang mga gamit na nabili ni mama.

“Crystal, sa'n ka ba galing? Nagpunta dito si Art hinahanap ka. Hindi ka daw sumasagot sa mga tawag niya."

Pagkasabi no'n ni mama ay dumiretso na ako sa kuwarto para mag-charge. Nang mabuksan ko ang cellphone ko ay nakita ko kung gaano karami ang missed calls at texts na galing kay Art.

Ibig sabihin, dumating siya? Pero naghintay naman ako doon. Maaga ba niya akong sinundo?

Tatawagan ko sana siya pero may kumatok sa pinto namin kaya lumabas ako ng kuwarto.

Pinagbuksan ko ng pinto ang kumatok at bumungad sa akin si Art.bMadilim ang mukha at seryoso. Mukha siyang galit at the same time para siyang nakahinga nang maluwag.

“Art. Gabi na, bakit nandito ka?" tanong ko.

“Saan ka ba nagpunta? Sinundo kita pero hindi ka naman dumating. 'Di ba may usapan tayo na huwag kang aalis?"

Lumabas ako ng bahay at sinarado ang pinto para hindi na namin maistorbo si mama. 'Tsaka ko siya hinarap.

“Lumabas ako kasama ang kaibigan ko pero bumalik naman ako sa parking lot. Hinintay kita doon pero hindi ka dumating," malumanay kong sabi.

“Liar. You're with a friend? Nakita ko si Lianne, hindi naman kayo magkasama. Kaya sinong kaibigan ang tinutukoy mo?"

Huminga ako nang malalim. "Si Kryan. Hindi lang naman si Lianne ang kaibigan ko na puwede kong samahan, Art."

"I knew it. Sumama ka sa kaniya kahit na may usapan tayo—"

“Wala naman sigurong masama kung sumama ako sa kan'ya, 'di ba? Kasi kaibigan ko siya. Gano'n din naman ako sa 'yo. Kaibigan kita kaya pumapayag ako na ihatid-sundo mo ako."

Saglit siyang natigilan dahil sa sinabi ko. Wala naman akong sinabing mali. Magkaibigan lang naman kaming dalawa. Simula ngayon, hindi na ako mag-a-assume nang sobra dahil masasaktan lang ako.

“Seriously? I can't believe this. Gan'yan ka ba kamanhid?" mariing tanong niya.

Suminghap ako. "Alam mo, Art. Naguguluhan na ako sa 'yo. Sabihin mo nga sa akin, ano ba talagang kinagagalit mo? Hindi ko naman sinabing ihatid at sunduin mo ako palagi. Hindi ko rin naman sinabing bigyan mo ako ng mga bulaklak. Kung iyon ang ikinagagalit mo, puwede ka nang tumigil."

Kabaligtaran iyon sa gusto kong mangyari. Ang gusto ko lang naman, linawin niya sa akin kung ano ba itong ginagawa niya. Gusto kong aminin niya ang totoo. Dahil kung hindi niya sasabihin, paano ko malalaman?

"You're right. Maybe, I should stop doing these stupid things. Goodbye, Crystal."

Napayuko ako nang tumalikod na siya at sumakay sa kotse niya. Wala na siya. Siguro, hindi niya talaga ako gusto. Dahil ang bilis niya lang akong iniwan.

Sobrang bilis niya akong tinalikuran. Hindi iyon ang inaasahan ko. At hindi ko rin inaasahan na masasaktan ako nang ganito. Mas masakit pa ito kaysa sa mga naranasan kong asthmatic attack noon. Ang bigat sa puso at hindi ako makahinga.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top