Chapter 11


Drink

Kinabukasan ay maaga akong nagising para makapaghanda sa pagpasok sa school. Inayos ko na rin ang mga gamit ko bago ako nagtungo sa banyo para makaligo.

Kumpleto ang mga gamit na nandito sa banyo. Hindi nga pamilyar sa akin ang mga brand na nandito, e. Basta ang alam ko, mamahalin ang mga ito.

Pagkatapos kong maligo ay isinuot ko na ang uniform ko. Palabas pa lang ako mula sa banyo nang may kumatok sa pinto.

“Crytal? Gising ka na ba?"

Binuksan ko ang pinto at bumungad sa akin si Art. Napakunot ang noo niya nang makitang nakasuot na ako ng uniform.

"Nakaayos ka na pala. The breakfast is ready. We'll wait for you downstairs."

Tumango ako. "Sige. Susunod na ako."

Pinatuyo ko ang aking buhok bago ito inipit. Nang matapos akong mag-ayos ay kinuha ko na ang bag ko bago lumabas ng kuwarto. Naabutan ko sa hapag sila Art at ang parents niya.

Ngumiti ako. "Good morning po."

Nag-angat sila ng tingin sa akin. "Good morning, Crystal. Maupo ka na at kumain," sabi ni Miss Franz.

Umupo ako sa tapat ni Art at nagsandok na ng pagkain. Parang ganito rin karami ang pagkain noong nagtanghalian ako dito. Palagi talagang pang-fiesta ang inihahain nila.

Pagkatapos kumain ay tumulong ako sa mga kasambahay na dalhin sa kusina ang pinagkainan namin. Maaga pa naman kaya tutulong muna ako sa paghuhugas ng plato.

“Crystal, stop that. You don't have to wash the dishes," sabi ni Miss Franz.

"Ayos lang po. Maaga pa naman po kaya tutulong na muna ako—"

“No," putol niya sa sinasabi ko at iginiya ako palabas ng kusina. Sakto namang nasalubong namin si Art. "Art, isabay mo na siya papunta sa school."

Umiling ako kaagad. "Hindi na po. Mag-co-commute na lang po ako," pagtanggi ko.

“Huwag ka nang makulit, Crystal. Wala rin namang pinagkaiba kung sasabay ka kay Art," sabi ni Miss Franz.

"Mom's right. Let's go," sabi naman ni Art bago ako hinila palabas ng bahay nila.

"Ang sabi mo gawin ko ang gusto ko. E, bakit hindi mo ako pinayagang mag-commute na lang papasok?" tanong ko kay Art pagkapasok niya sa kotse.

Bumuntonghininga siya. "Si mommy ang nagsabi na isabay na kita. Magtatampo 'yon kapag hindi mo siya sinunod."

"Huwag mo na lang sabihin. Ibaba mo ako sa kanto tapos sasakay na lang ako sa jeep," sabi ko.

Hindi na nga nila ako pinapayagang tumulong sa gawaing bahay tapos ayaw pa nila akong payagang mag-commute. Nakakahiya na. Masiyado silang mabait. Ayaw kong magkaroon ng malaking utang sa pamilya ni Art.

"Okay, I'll do that next time. Pero sa ngayon, ihahatid na muna kita," sabi niya.

Madali naman pala siyang kausap. Hindi na ako nagsalita hanggang sa makarating kami sa school. Dumiretso siya sa parking lot at agad akong bumaba bago pa siya makaikot sa puwesto ko. Balak na naman kasi niyang pagbuksana ko ng pinto. Hindi naman kailangan.

"Dapat sa labas mo na lang ako ibinaba," sabi ko.

“Bakit? Nahihiya ka bang makita nila na kasama mo ako?" tanong niya.

Umiling ako. "Hindi naman sa gano'n. Ayaw ko lang na may iba silang isipin. Atsaka, sana walang ibang makaalam na nakikitira ako sa inyo."

Ang mga estudyante pa naman dito mabilis magpakalat ng maling balita. Ayaw ko namang masira ang pangalan ni Art nang dahil sa akin.

Sumeryoso lalo ang mukha niya. "Ang dami mo namang kondisyon. Pero sige, kung ayaw mong malaman nila, hindi ko sasabihin. Pumasok ka na."

Tumango ako at naglakad na palayo.

"Crystal." Naphinto ako sa paglalakad at muli siyang nilingon. Nakangiti na siya ngayon. "Goodluck sa exam."

Pagkatapos sabihin 'yon ay nauna na siyang maglakad palayo. Hindi na siya sumakay sa kotse niya siguro lalakarin na lang niya papunta sa kabilang campus.

Huminga ako nang malalim. Gumaan ang pakiramdam ko dahil sa ngiti niya. Ipinilig ko ang ulo ko at tumalikod na para pumasok.

Papunta na ako sa room nang masalubong ko si Lianne. Sa itsura palang niya, halatang may gusto siyang itanong.

"Crystal, narinig ko na hinatid ka raw ni Art ngayon? Totoo ba?" tanong niya.

"Fake news 'yan," sabi ko.

"Sus! Naglilihim ka na ngayon? Ano bang nangyari after ng Night Ball nila? Hindi na kita nabalikan kasi ang hirap takasan ng mga student council."

Sinamaan ko siya ng tingin. "Alam mo bang, nahuli ako? Hinanap kasi kita dahil akala ko nahuli ka nila. Iyon pala sumama ka na doon sa engineering student."

Nanlaki ang mga mata niya. "Ano? Hala, hindi ko alam. Sorry, Crystal. Anong sabi? May parusa ka ba?"

"Buti na lang iniligtas ako ni Art. Sinabi niyang kasama niya ako kaya pinaalis na rin kami kaagad."

"Talaga?" Inalog-alog niya ang balikat ko habang kinikilig. "Ang suwerte mo naman pala, bes! Sa tingin ko, may gusto siya sa 'yo."

Umirap ako. "Tumigil ka nga. Imposible 'yang sinasabi mo."

"Edi imposible na. Galit ka naman kaagad. Oo nga pala, nalaman ko sa kapitbahay ninyo na pinaalis na kayo doon sa bahay n'yo. Saan ka nakitulog kagabi?"

Hindi ako kaagad nakasagot. Hindi ko puwedeng sabihin kay Lianne na nandoon ako kila Art nakikitira ngayon.

"Doon lang sa kaibigan ni mama," sagot ko.

Mukhang hindi siya naniniwala dahil pinanliliitan niya ako ng mga mata.

"Hindi ka magaling magsinungaling, Crystal. Pero kung ayaw mong sabihin, ayos lang. Sino ba naman ako, 'di ba?" kunwaring nagtatampong sabi niya kaya natawa ako.

"Magsisimula na ang exam. Dumiretso ka na sa room. Dadaan pa kasi ako sa locker ko," sabi ko sa kaniya.

"Hmp! Sige, mauuna na ako. Bye!" sabi niya at nagdadabog na naglakad palayo.

Napailing na lang ako sa kalokohan niya. Alam ko namang hindi talaga siya nagtatampo. Gusto niya lang na sabihin ko ang totoo na kaniya.

Nagtungo ako sa may locker room at saktong nandoon na naman sila Pauline. Silang tatlo na naman ang magkakasama. Mukhang kanina pa sila naghihintay dito.

“Oh, look who's here. The gold digger," sabi ni Pauline.

Hindi ko sila pinansin at dumiretso ako sa locker ko. Pero humarang sa harap ko ang dalawang alipores ni Pauline.

“Ano na naman ba 'to? Exam day ngayon. Imbes na ginugulo n'yo ako, 'di ba dapat mas mabuting mag-review na lang kayo para may maisagot kayo sa exams?" sabi ko sa kanila.

“Anong tingin mo sa amin? Nerd? We can pass the exam kahit hindi kami mag-review," sabi ng isa.

Tumango ako. “Mabuti 'yan. Pabayaan n'yo na lang din ako," sabi ko at nagtungo sa locker ko.

Inilagay ko sa loob ang mga libro na ginamit ko sa pag-re-review. Kinuha ko lang ang mga gagamitin ko ngayon. Aalis na sana ako pero biglang hinawakan ni Pauline ang braso ko.

“Bitiwan mo 'ko," malumanay kong sabi.

“What if I don't want to? Wala ka ng tagapagtanggol dahil wala na dito si Aireen. Kawawa ka naman," sabi pa niya at nagtawanan silang lahat.

Nababaliw na talaga sila. Pinagmasdan ko silang tatlo at nang hindi na ako makapagtimpi ay malakas kong iwinaklit ang kamay ni Pauline. Nabitawan niya ako at natumba siya sa sahig.

“Kapag sinabi kong bitiwan mo 'ko, bitiwan mo 'ko! At kapag sinabi kong tigilan mo na ako, tumigil ka na! Hindi mo pa ako kilala at hindi mo alam kung anong kaya kong gawin sa 'yo," mariin kong sambit.

"Pinagbabantaan mo ba ako?"

"Hindi!" Napaigtad siya sa pagsigaw ko. "Sinasabi ko lang na napipikon na ako sa 'yo at sa mga alipores mo. Kung ayaw mong masaktan, tumahimik ka na."

Hindi na siya kumibo kaya umalis na ako. Matagal na akong nagpipigil pero sumosobra na sila. Umalis na nga si Aireen, pinag-iinitan pa rin nila ako. Wala silang magawa sa buhay nila. Bakit hindi na lang sila magpaka-busy sa kayamanan nila! Nakakainis!

Pagkarating ko sa room ay saktong pagdating din ng proctor namin. Sinimulan na kaagad ang exam at marami akong naririnig na nagrereklamo dahil mahirap daw.

Mahirap talaga ang exam kapag hindi ka nag-review. Pero kung alam mo naman ang lesson, madali lang na masasagutan ang exam.

“Grabe, ang hirap ng exam! Lalo na 'yong Math!" reklamo ni Lianne.

Katatapos lang ng exam namin at papunta na kami ngayon sa canteen. Nagutom daw kasi si Lianne sa sobrang hirap ng exam.

“Hindi naman masiyado. Nasa lesson naman lahat ng tanong do'n," sabi ko.

“Ikaw pa?E, puro aral ang ginagawa mo. Grabe, sobra akong na-stress sa exams. What if, lumabas tayo mamaya?"

Kumunot ang noo ko. “Saan naman tayo pupunta?"

“Sa SouthClub lang naman."

Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya. “Ayoko nga! Seventeen pa lang ako, 'no! Atsaka hindi ako umiinom."

Kahit kailan, hindi pa ako nakakapasok sa mga bar at clubs. Hindi pa rin ako nakakatikim ng alak. Dahil nga, minor pa ako. Atsaka, hindi maganda sa kalusugan ko 'yon.

“Sige, sabihin mo na lang sa akin kung saan ka nakikitira? Doon na lang tayo uminom—"

"Hindi puwede!" Nagulat siya sa biglaang pagsigaw ko.

"At bakit hindi? Bahala ka nga. Ako na lang mag-isa ang pupunta sa SouthClub"

Napabuntonghininga ako nang maglakad na siya palayo. Agad ko siyang hinabol.

“Lianne!" Huminto siya sa paglalakad at nangingiting hinarap ako. "Huwag ka nang pumunta sa SouthClub. Baka mapahamak ka."

Mas lalo siyang sumimangot. "Naglilihim ka na nga sa akin, ayaw mo pa akong samahan doon. Bakit ka ba gan'yan, Crystal?"

"Sige na nga. Hindi talaga puwede doon sa tinutuluyan ko kaya sa SouthClub na lang tayo. Pero hindi ako iinom, ah. Baka atakihin ako doon bigla. Sasamahan lang kita."

Agad siyang napangiti sa sinabi ko. “Okay! Sabi ko na hindi mo ako matitiis, e. Halika na!"

Bago magtungo sa SouthClub ay dumiretso muna kami sa bahay nila Lianne. Pinahiram niya ako ulit ng dress na isusuot ko. Kulay itim na sleeveless dress ang ipinahiram niya sa akin.

Kung tutuusin, hindi naman halata na minor pa ako. Matangkad ako kumpara sa mga babaeng kasing-edad ko lang. Marami ngang nag-aakala na nineteen years old na ako.

Pagpasok sa loob ng bar ay bumungad sa amin ang malakas na tugtog. Marami ring nagsasayawan sa gitna. Nalalanghap ko ang iba't ibang klase ng alak at pabango. Hindi ko tuloy maiwasang mapangiwi dahil hindi ako sanay sa ganitong lugar.

Nagtungo kami sa upuan sa harap ng bartender at may sinabing alak si Lianne. Hindi ko 'yon masiyadong maintindihan dahil maingay ang tugtog.

"Here, Crystal. Juice lang 'yan," sabi ni Lianne at inabot sa akin ang juice.

Tinikman ko ito at napatango. Orange juice nga lang ito. Inabala ko ang sarili ko sa pagtingin sa mga taong narito. Lahat sila nagkakasiyahan na para bang wala silang mga problema.

Pero gano'n talaga 'di ba? Humahanap tayo ng paraan para sumaya kahit ilang oras lang. Para lang makalimutan kahit saglit ang mga problema.

"Crystal, gusto mo bang sumayaw?" tanong ni Lianne kaya umiling ako.

"Ikaw na lang. Dito lang ako," sagot ko.

"Sige. Kapag naubos na ang juice mo, magsabi ka lang sa kaniya. Ako na ang bahala."

Tumango ako at nagtungo na siya sa dancefloor. Hindi ko na siya agad natanaw dahil maraming tao doon. Mas lalong lumakas ang tugtog kaya mas naging wild ang mga tao sa gitna.

Habang pinagmamasdan ang mga sumasayaw sa gitna ay naubos ko na pala ang juice ko. Hihingi pa sana ako ulit pero naglapag na iyong bartender ng panibagong juice.

Bahagya akong ngumiti. "Salamat."

Tumango siya at ngumiti rin. Huminga ako nang malalim habang inililibot ang paningin sa paligid. Natanaw ko si Lianne na may kausap na lalaki. Mukhang lasing na yata ang kaibigan ko dahil panay na ang tawa niya.

Sumulyap ako sa relo at nakitang malapit nang mag-alas nuebe ng gabi. Gusto ko nang umuwi pero ayaw ko namang putulin ang pag-e-enjoy ni Lianne. Hindi ko rin naman siya puwedeng iwan na lang basta.

Inubos ko ang juice hanggang sa naramdaman kong puno na ang pantog ko. Tumayo ako para magtungo sa restroom. Paglabas ko ng restroom ay babalik na sana ako sa puwesto ko kanina nang may mabunggo ako. Agad kong tiningala ang taong 'yon at nanlaki ang mga mata ko nang makita si Art.

Kumunot ang noo niya nang makita ako. "Crystal? Why are you here?"

Napalunok ako at sinubukang hanapin si Lianne pero hindi ko na naman siya makita. Kailangan na naming umuwi!

"Ah, sinamahan ko lang si Lianne. Pauwi na rin kami," sabi ko at aalis na sana pero hinawakan niya ang braso ko.

"Did you drink?" he asked.

Mabilis akong umiling. "Hindi ako uminom. Juice lang ang ininom ko."

Mas lumapit pa siya sa akin kaya napaatras ako. Bakit niya ba ako tinititigan? Akala niya ba nagsisinungaling ako?

"Are you sure? Namumula ang pisngi mo. What juice did you drink?"

"Orange juice," sagot ko.

Mataman niya akong tinitigan bago tumango. "Where's Lianne?—"

"Crystal!" Napalingon kami sa kaibigan ko na bigla na lang sumulpot. Napatakip siya ng bibig nang makita si Art.

"Lianne, kanina pa kita hinahanap. Bigla kang nawawala," sabi ko sa kaniya.

"Ihahatid ko na si Crystal pauwi. Hindi siya puwedeng magtagal sa ganitong lugar, " sabad ni Art bago pa man makasagot si Lianne.

Napakunot naman ang noo ko sa sinabi niya. Seryoso ang mukha niya kaya hindi yata siya nagbibiro.

"Hindi mo na ako kailangang ihatid—"

"Sure, Art. Mabuti pa nga, ihatid mo na siya. Medyo nakainom na rin kasi ako kaya baka hindi ko na siya mabantayan," putol ni Lianne sa sinasabi ko. Kokontra pa sana ako pero pinanlakihan niya ako ng mata. "Crystal, magpahatid ka na pauwi. Uuwi na rin naman ako."

Napabuntonghininga na lang ako sa kalokohan niya. Talagang ipinagtutulakan niya ako kay Art.

"Let's go, Crystal." Nilingon ko si Art bago tumango.

Hinawakan niya ang kamay ko at iginiya paalis sa lugar na 'yon. Bumilis na naman tuloy ang tibok ng puso ko. Takot ba siyang takasan ko siya kaya hinawakan niya ang kamay ko? Pero hindi naman ako tatakas. Kusa akong sasama sa kaniya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top