Chapter 1


Cafe

Ala-una pa lang ng hapon ay pauwi na kaagad ako sa amin. Hindi na rin kasi ako pinayagan ng teacher ko na pumasok dahil baka atakihin daw ako ulit. Ayaw ko naman sanang mag-absent dahil may quiz kami ngayon sa isang subject ko pero s'yempre wala akong choice.

Kabababa ko lang ng tricycle at naglalakad na ako ngayon papunta sa bahay namin. Nasa malayo pa lang ako ay rinig na rinig ko na ang sigawan nila mama at tito Eric. Si Tito Eric ang pangalawang asawa ni mama.

Mula pagkabata, siya na ang kinagisnan kong ama. Kahit kailan kasi ay hindi ko nakilala ang totoo kong tatay. Ang sabi ni mama iniwan na raw kami ni papa at may bago na itong pamilya. Pero kahit na gano'n, gusto ko pa rin siyang makilala kahit papaano.

"Hay naku, Eric! Lasing ka na naman! Hindi ka na ba talaga titino?" rinig kong sigaw ni mama pagpasok ko pa lang ng bahay.

Nakahiga sa mahabang upuan si Tito Eric habang nakapameywang sa harap niya si mama. Bumuntonghininga ako. Ganito naman palagi ang eksenang naaabutan ko sa bahay. Si Tito Eric na palaging lasing at si mama na palaging galit.

"Nandito na po ako," sabi ko. Lumapit ako kay mama at nagmano.

"O, ang aga mo yata ngayon? Baka naman nag-cutting ka ng klase mo. Aba e, kung gan'yan lang naman ang gagawin mo huminto ka na sa pag aaral. Nasasayang lang ang pinapaaral namin sa 'yo," panenermon ni mama sa akin.

Hindi muna niya tinanong kung kumain na ba ako. Pero sanay naman na ako kaya ayos lang.

"'Ma, hindi po ako nag-cutting classes. Inatake po ako ng asthma kaya hindi na ako pinapasok ng teacher ko," sabi ko.

Palaging ganito si mama. Palagi niya akong pinagdududahan. Iniisip niya na nagsisinungaling ako. Minsan nga nasasaktan na ako sa mga paratang niya. Pakiramdam ko kasi, wala siyang tiwala sa akin. Pero kahit gan'yan si mama, mahal na mahal ko siya. Hinding-hindi ko siya susukuan.

"Siguraduhin mo lang Crystal na makakatapos ka ng pag aaral mo. At kung balak mo ng mag asawa piliin mo 'yung kaya kang buhayin. Huwag ka nang maghanap ng kapwa mo mahirap na palamunin din."

Yumuko lang ako. Bata pa lang ako 'yan na ang palagi niyang sinasabi sa akin. Na piliin ko raw iyong taong may pera. Huwag daw puro pag-ibig ang pairalin. Gano'n ba talaga dapat 'yon?Kailangan turuan ko ang puso ko na magmahal ng lalaking mayaman?

Pero bakit si mama, pinili niya si Tito Eric kahit hindi naman siya mayaman. Palagi pang lasing.

Basta, magpapakasal lang ako dahil sa pag-ibig at hindi dahil sa pera.

Napahinto ako sa pag-iisio. Bakit ba iniisip ko 'to? Wala pa naman akong panahon para umibig. Kailangan kong magtapos ng pag aaral at tuparin ang mga pangarap ko. Hindi ko naman gugustuhin na habang buhay kaming maging mahirap ni mama. Gusto ko ring maranasan ang maginhawang buhay.

"Huwag ka pong mag alala, 'ma, magtatapos po ako ng pag-aaral," saad ko.

Pumunta na ako sa kuwarto pagkatapos kong sabihin 'yon. Dito sa bahay, ang kuwarto ko ang pinakapaboritong lugar ko dito. Pakiramdam ko kasi, dito ko lang nailalabas ang totoong ako. Sa kuwarto ko lang nagagawang umiyak sa tuwing hindi ko na kinakaya ang mga nangyayari sa buhay namin.

Hindi naman ito kalakihan. Sakto lang para magkasya ang kama, kabinet, at mesa ko.

Inilapag ko sa mesa ang bag ko bago ko binuksan ang bintana para pumasok ang liwanag mula sa labas. Kumuha ako ng libro at nag-umpisang magbasa. Ugali kong mag-advance reading para hindi na ako mahirapan pagdating ko sa school. Pero ngayon, masiyado yatang magulo ang isip ko dahil hindi ko maintindihan ang mga binabasa.

Kahit ulit-ulitin kong basahin ang bawat salita, hindi ko pa rin maintindihan ito. Nakatulugan ko na nga lang ang pagbabasa dahil sa pagod at antok. Nagising lang ako nang biglang dumating si Lianne dito sa bahay.

"Bes, magkuwento ka naman," sabi ng kaibigan kong si Lianne.

Katatapos lang ng klase kaya dito na siya dumiretso. Malapit lang kasi ang bahay nila Lianne dito. Mga tatlong kanto lang siguro ang layo. At saka, malakas ang loob niyang magpunta dahil gusto ni mama sa tuwing nandito si Lianne. Nagdadala kasi siya palagi ng meryenda.

Inayos ko ang mga libro bago ko hinarap si Lianne. "Ano namang ikukuwento ko? 'Di ba ikaw dapat magkuwento? Ikuwento mo ang inaral n'yo kanina. Nag-quiz ba kayo?"

"Oo, nag-quiz kami kay Mrs. Suagen. Pero ang sabi niya, puwede mo namang i-take 'yon pagpasok mo," sabi niya. "Crystal, narinig ko lang 'to kanina. Totoo bang nagpunta si Art sa clinic noong inaatake ka?"

Kumunot ang noo ko. "Saan mo naman narinig 'yan?"

"Doon sa mga estudyante malamang. Totoo nga?"

Nagkibit-balikat ako. "Oo, siya ang tumulong sa akin. Kumuha siya ng inhaler doon sa supplies."

"Hala, totoo nga!" Tumili siya na parang baliw at inalog-alog pa ang balikat ko.

Hinampas ko nga siya sa braso at sumenyas na huwag maingay dahil natutulog si Tito Eric. Tinakpan niya ang bibig at pinigilang tumili. Halos mamula ang buong mukha niya sa katatawa.

"Baliw ka na talaga, Lianne," napapailing na sabi ko.

"Kumusta? Magaling bang mag-alaga ang isang Art Francis Baltazar? Kaya pala, maayos ka na agad pagbalik ko. Ikaw ha," pang-aasar niya at sinundot pa ang tagiliran ko.

Natawa ako dahil nakiliti ako sa ginawa niya. Pero agad din akong nagseryoso dahil baka kung ano pang isipin ng baliw kong kaibigan.

"Hoy, Lianne, tumigil ka nga. Kung crush mo siya, ayos lang. Pero huwag mo akong idamay," seryosong sabi ko.

Tumawa pa siya ulit. "Crush ko talaga siya. Hindi ka ba naguguwapuhan sa kaniya? Malabo na yata ang mata mo, bes. Magpasalamin ka na kaya."

Napairap na lang ako. Biglang pumasok sa isip ko ang supladong mukha ng Art na 'yon. Kung tutuusin, guwapo nga siya. Matangos ang ilong at maganda ang mga mata. Mukha ring matalino at galing sa mayamang pamilya. Itsura ng lalaking mahirap maabot lalo na kung isang tulad ko.

Ipinilig ko ang ulo dahil sa naisip. At bakit ko naman iniisip na mahirap siyang maabot? As if namang gusto ko talagang abutin siya.

"Ano bang mapapala ko kung guwapo siya? Wala naman akong planong magka-crush man lang sa kaniya. Mas mabuti pang mag—"

"Aral. Alam ko na 'yan, Crystal. Priority mo ang pag-aaral, oo na. As if namang mapapabayaan mo ang pag-aaral mo kung sakaling magka-crush ka. For inspiration lang naman 'yon," mahabang sabi niya.

Nginitian ko na lang siya. "Oo na. May pasok pa ako sa trabaho, pang-night shift ako ngayon. Sasama ka ba?"

"Of course! Wala rin naman akong gagawin mamaya."

Working student ako. Nagtatrabaho ako sa isang cafe sa South Village. Hindi puwede ang eighteen pababa doon pero dahil may kakilala ako ay nakapasok ako agad. Kada weekdays ay panggabi ako at kapag weekends naman ay whole day ang pasok ko. Kailangan ko ang trabahong 'yon dahil hindi sapat ang ibinibigay ni mama na pang-allowance at pambayad sa tuition fee ko.

Pagpasok ko pa lang sa cafe ay sinalubong na ako ni Sean. Pansin ko na maraming customer ngayon kaya siguro nagmamadali siya.

"Crystal, buti dumating ka na. Maraming customer ngayon kaya kailangan nating kumilos agad," bungad sa akin ni Sean.

Isa sa mga matalik kong kaibigan si Sean. Siya rin ang tumulong sa akin na makapasok dito sa cafe. Kakilala niya kasi ang may-ari nito at pinakiusapan niyang bigyan ako ng part-time para sa pag-aaral ko.

"Sige, magbibihis lang ako tapos tutulungan na kitang mag-serve," sabi ko.

Nagtungo ako sa locker room at agad na isinuot ang uniform ng cafe. Itinali ko rin paitaas ang buhok ko bago ako nagsuot ng hairnet. Pagkatapos ay 'tsaka ko isinuot ang apron.

"Good evening ma'am, welcome to South cafe. What can I get you?" I asked the female customer.

Karamihan sa mga nagpupunta dito ay mga anak-mayaman na nagpapalipas ng oras. Iyong iba ay hindi pumapasok sa klase kaya dito sila tumatambay. Mayroon ding mga empleyado na dito tinatapos ang trabaho.

At dahil nga kadalasang mayayaman ang nandito, may mga nakakatagpo akong hindi maganda ang ugali. Iyong iba, porke't customer sila, feeling nila may karapatan na silang maliitin kami. Hindi ko lang pinapatulan dahil ayaw kong mawalan ng trabaho.

"Can I get a double shot soy latte?."

I nodded. "Sure, Miss. Do you want a tall or grande?"

"Just a tall."

"Alright. A tall double shot soy latte. That would be 200 pesos, Miss."

Inabot niya sa akin ang card niya at agad kong s-in-wipe 'yon sa credit card machine. Nang magawa ko ang order niya ay si Sean ang nag-serve no'n.

Sunod-sunod na dumating ang mga customers hanggang alas-otso ng gabi. Nang maibigay ko lahat ng orders nila ay naupo na muna ako habang naghihintay ng panibagong darating.

Nagpaalam muna ako kay Sean na pupunta sa restroom at siya na muna ang pumalit sa puwesto ko. Mabilis kong tinapos ang ginawa ko sa restroom para makabalik na ako agad sa counter. Pagbalik ko doon ay katatapos lang gawin ni Sean ang isang order.

"Crystal, ikaw na ang mag-serve nito. Nandoon siya sa table 8," sabi ni Sean at siya naman ang nagpunta sa restroom.

Inilagay ko ang kape sa tray bago ako nagtungo sa table 8. Nagta-type sa laptop ang lalaki kaya hindi niya ako kaagad napansin na lumapit.

"Sir, this is your coffee," I said.

Inilapag ko sa mesa ang kape at saktong tumingala siya sa akin. Natigilan ako sa ginagawa nang ma-realize na si Art pala itong kaharap ko.

"Thank you," he answered.

"E-Enjoy your coffee," nauutal kong sabi bago ako bumalik sa counter.

Ilang buwan na akong nagtatrabaho dito pero ngayon ko lang siya nakita. O baka hindi ko lang siya napapansin noon kasi hindi ko naman siya kilala.

Huminga ako nang malalim. Wala na dapat akong pakialam kung dati pa siya nagpupunta dito o hindi. Hindi rin dapat makaapekto ang presensya niya sa trabaho ko. Aarte na lang ako na parang walang nangyari. Tama, gano'n ang dapat kong gawin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top