Chapter 9
🔥
Spy
"Sa ingay mo, hindi lang kalaban ang naalerto mo. Pati na rin ang mga hayop dito sa gubat," sermon niya sa akin bago ako tuluyang binitawan.
Naglakad na ulit siya palabas ng gubat at hindi ko alam kung susunod ba ako. Napansin niya sigurong hindi ako sumunod kaya lumingon siya sa akin.
"Ano, tatayo ka na lang diyan?" tanong niya kaya kumunot ang noo ko. "Ayaw mong sumama? Sige, iiwan na kita."
"W-Wait...sasama ako."
Sumunod ako sa kaniya kahit pa walang kasiguraduhan na magiging ligtas ako. Puwedeng pinapasunod niya lang ako para magawa niya akong patayin sa ibang lugar. Pero dahil iniligtas niya ako kanina, siguro hindi kasama sa paghihiganti niya ang patayin ako.
Hindi ko alam kung gaano katagal na ba kaming naglalakad. Pero nag-uumpisa nang bumigat ang pakiramdam ko. Siguro dahil nilalamig ako at pagod na rin. Hindi pa rin pala ako kumakain mula kaninang umaga. Hindi na ako magtataka kung basta na lang akong tumumba dito.
"Malayo pa ba?" mahinang tanong ko.
Huminto siya sa paglalakad kaya nauntog ako sa likod niya. Humarap siya sa akin at kitang-kita ko kung paano niya ako pasadahan ng tingin.
"Iangat mo nga 'yang damit mo," seryosong utos niya kaya kumunot ang noo ko.
Tiningnan ko ang damit ko at napatalikod nang makitang masiyado nang expose ang cleavage ko. Pinilit kong iangat ang damit ko pero ayaw na talagang umangat. Sumikip yata lalo ang gown dahil nakainom ako ng tubig-dagat.
Mas pinilit ko pang iangat ito pero napahinto ako nang may marinig akong napunit.
Lagot na. Nasira yata ang zipper sa likod. Mas lalong hindi ko na maiaangat 'to.
"Ahm...ano kasi..." Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kaniya na nasira ang damit ko pero mukhang alam naman na niya.
"Tsk tsk! Problema talaga ang dala mo palagi," sabi niya at kahit hindi ko siya nakikita ay alam kong galit na naman siya.
May narinig akong kaluskos at nagulat ako nang ilagay niya sa balikat ko ang jacket niya. Hindi ako nakakilos agad dahil hindi ko na naman inaasahan 'to.
"Isarado mo ang zipper at sumunod ka na sa akin."
Bumuntonghininga ako bago ginawa ang sinabi niya. Mas komportable na akong kumilos ngayon dahil hindi na ako masiyadong nilalamig at hindi na rin nakikita ang dibdib ko.
Hindi na ako nagsalita pa o nagreklamo kahit sumasakit na talaga ang paa ko. Ayaw kong magalit pa siya lalo at iwan niya ako dito.
Napabahing ako bigla kaya agad kong tinakpan ang bibig ko. Hindi ko napigilan mag-ingay. Huminto siya saglit sa paglalakad pero dumiretso rin kalaunan. Umihip ang malamig na hangin kaya mas hinigpitan ko ang suot kong jacket.
Nauuhaw na ako pero wala naman akong maiinom sa lugar na 'to. Hindi ko alam kung alam ba talaga ni Andriuz kung saan kami papunta o baka naglalakad lang siya pero wala talagang patutunguhan.
Ilang minuto pa kaming naglakad bago ko natanaw ang liwanag sa bandang unahan. Inaninag ko kung ano ang mga 'yon at nakitang may mga bahay nga doon.
Nakahinga ako nang maluwag dahil mukhang magpapahinga na kami sa wakas. Muli kong naramdaman ang pananakit ng mga paa at binti ko. Napabahing ako ulit at parang naalog ang utak ko sa biglaan kong pagyuko.
Umakyat si Andriuz sa isang kubo at kumatok sa pinto no'n. Sinubukan ko ring lumapit pero nahihilo na talaga ako. Hindi ko alam kung paano ko nakayang maglakad ng gano'n kalayo sa sobrang bigat ng pakiramdam ko.
Lumalabo ang paningin ko pero pinilit ko pa ring tumayo nang tuwid. Kaunti na lang, kailangan ko lang makapasok sa loob para makahiga na ako. Kaonting-kaonti na lang.
"Frowlan? Anong nangyari?" tanong ng babaeng nagbukas ng pinto.
Teka, sinong Frowlan? Andriuz ang pangalan niya, ah. Second name niya ba 'yon?
"Pasensiya ka na sa istorbo, Minda. Nagkaroon kasi ng aberya sa misyon kaya kailangan naming tumakas. Puwede bang dito muna kami magpalipas ng gabi?"
Muntik na akong umismid. Kaya pala niyang makipag-usap nang mahinahon? Kapag kausap niya ako, palagi siyang sumisigaw. Hindi naman ako bingi.
"Oo naman. Halika pumasok kayo," sabi ni Minda.
Pumasok si Andriuz sa loob ng bahay niya kaya umakyat na rin ako. Pero parang biglang umalon ang paningin ko at hindi ko alam kung saan ako tatapak. Hindi ko na kinaya ang pagkahilo ko at tuluyan na akong bumagsak.
Hindi ko alam kung nasaang lugar ako pero bigla akong nakarinig ng nagsasalita.
"Mommy? Bakit ka po nag-iimpake?"
Sinundan ko ang boses na 'yon at nakita ko ang sarili ko noong bata pa ako. Nasa harap ako ni mommy habang nag-aayos siya ng mga gamit.
Natatandaan ko ang araw na 'to. Ito ang araw na iniwan kami ni mommy at sumama siya sa iba. Nananaginip ba ako? Siguro nga. Dahil imposible namang makabalik ako sa nakaraan.
"Aalis na ako. Hindi ko na kayang tumira dito," sagot ni mommy at basta na lang lumabas ng kuwarto bitbit ang maleta niya.
Sinundan siya ng batang ako habang umiiyak. At kahit ako, hindi ko mapigilang umiyak sa awa sa sarili ko.
"Mommy, huwag ka pong umalis! Huwag mo kaming iwan ni daddy!"
Natutop ko ang bibig nang makita ko kung paano ako nagmakaawa noon kay mommy, huwag lang siyang umalis. Iyak ako nang iyak at siguro narindi na si mommy sa pangungulit ko kaya itinulak niya ako.
Naaalala ko pa na nagkasugat ako sa kamay dahil sa pagbagsak ko. Pero hindi man lang ako nilingon ni mommy. Sumakay pa rin siya sa kotse niya at iniwan ako.
Dahandahan akong lumapit sa batang ako at umupo sa tabi niya. Ganito pala kamiserable ang buhay ko. Wala man lang lumapit sa akin para patahanin ako. Tanging sarili ko lang ang kasama ko sa mga masasakit na alaala ko sa buhay.
"M-Mommy...huwag kang umalis."
Humikbi ako nang humikbi. Paano niya ako nagawang iwan? Paano nagawa ng isang ina na iwan ang anak niya? Paano?
"Mommy, bumalik ka...M-mommy."
"Caelan, you're having a nightmare. Caelan."
May tumapik sa braso ko pero hindi ko 'yon pinansin. Mas lalo akong namaluktot dahil nanginginig ako sa lamig. Pakiramdam ko nakatodo ang aircon kung nasaan ako ngayon.
Sa isang iglap, may naramdaman akong mainit na bumalot sa akin. Ganito rin ang naramdaman ko noong nagkasakit ako. Pamilyar sa akin ang init na nagmumula sa yakap ng taong 'to.
Kung sino ka man, salamat. Magagawa ko ng matulog nang hindi iniinda ang lamig.
Nagising ako sa matinding sikat ng araw na tumatama sa mukha ko. Inilibot ko ang paningin sa kuwarto kung nasaan ako bago ako bumangon.
"Nasaan ako?" tanong ko sa sarili.
Nakita ko ang gown ko na nakatupi sa may gilid kaya napatingin ako sa suot ko. Isang oversized na T-shirt at shorts na hanggang tuhod ko ang haba. Napansin ko rin na puro sugat na naman ang mga paa ko.
Bumukas ang pinto at pumasok ang babaeng sumalubong sa amin kagabi.
"Gising ka na pala. Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong niya at inilapag sa gilid ng higaan ang pagkaing dala niya.
Tipid akong ngumiti. "Maayos naman na. Salamat."
"Mabuti naman. Sobrang taas ng lagnat mo kagabi kaya akala ko matatagalan bago ka gumaling. Medyo namumutla ka pa pero hindi ka naman na masiyadong mainit. Kumain ka na muna nitong lugaw na niluto ko," sabi niya at inilapit sa akin ang mangkok.
Biglang kumalam ang sikmura ko sa amoy pa lang ng lugaw. Halos 24-hours na akong walang kain tapos nagkasakit pa ako kagabi. Buti nabuhay pa ako.
Kinain ko ang lugaw pagkatapos ay ininom ko na rin ang gamot na ibinigay ni Minda.
"Salamat. Ahm, ikaw ba ang nagbihis sa akin?" tanong ko.
Bahagya siyang natawa. "Oo, ako nga. Basa kasi ang damit mo at hindi ka gagaling kung gano'ng damit ang suot mo magdamag."
Kinuha na niya ang pinagkainan ko at lalabas na sana nang may maalala ako.
"Minda, nasaan si Andriuz?" tanong ko.
Ayaw ko namang isipin na iniwan niya ako dito basta-basta pero hindi malabong gawin niya 'yon.
"Nasa labas lang siya. Hindi ko nga alam kung magdamag ba 'yong gising o maaga lang siyang nagising kanina. O siya sige, magliligpit muna ako. Magpahinga ka muna."
Tumango ako at hinayaan na siyang umalis.
Inisip ko ang lahat ng mga nangyari kagabi. Mula nang tumakas ako sa mansyon ni Oliver hanggang sa makita ko si Andriuz. Kung gaano katindi ang pagtakas namin para lang hindi kami abutan ng mga tauhan ni Oliver.
Normal lang bang...iligtas mo ang taong kinasusuklaman mo? Posible bang, magpakita ka ng awa sa taong sobra mong kinagagalitan?
Dahandahan akong bumangon at naisip kong lumabas ng bahay. Sinalubong agad ako ng malamig at sariwang hangin. May mga taong abala sa kanilang ginagawa habang ang iba naman ay katulad ko, magsisimula pa lang ang araw.
Naglakad-lakad ako hanggang sa makita ko si Andriuz. Nakatanaw siya sa malayo at nakakunot ang noo. Para bang ang lalim ng iniisip niya. Huminga ako nang malalim bago siya nilapitan.
Mukhang naramdaman niya kaagad ang presensya ko dahil lumingon siya sa akin.
"Bakit ka nandito?" tanong niya na para bang kakikita niya pa lang sa akin ay naiirita na siya kaagad.
Umihip ang malakas na hangin kaya nagulo ang buhok ko. Inayos ko muna ito bago ako nagsalita.
"Gusto ko lang...mag-thank you, sa pagliligtas mo sa 'kin," sambit ko.
"Hindi kita niligtas. Ayaw ko lang maging mamamatay tao," malamig niyang sagot.
Kinagat ko ang labi ko at tumingin na rin sa dagat. "Hindi mo naman kailangang gawin 'yon. Kahit naman mamatay ako sa pagkalunod, hindi mo magiging kasalanan 'yon dahil aksidente ang nangyari. Hindi ka nila tatawaging mamamatay tao kung sakaling pinili mong iwanan ako sa ilalim ng tubig."
Kalmado ang dagat pero hindi maipagkakaila na delikado pa rin ito. Sa tulad kong hindi marunong lumangoy, kahit kailan hindi magiging ligtas ang dagat para sa akin.
"Sinasabi mo bang dapat iniwan na lang kita at hinayaan sa loob ng lumulubog na sasakyan na 'yon? Oo galit ako sa 'yo, pero may konsensya pa rin ako. Hindi ako magiging katulad mo."
"Pero kung sakaling namatay nga ako, matatanggap nilang aksidente ang nangyari dahil hinahabol tayo ng mga tauhan ni Oliver. Hindi nila ipipilit na ikaw ang may kasalanan kahit pa..." Tinitigan ko siya. "Kahit pa, ikaw ang huling kasama ko."
"Gan'yan ba ang gusto mong isipin ko noong gabing nabangga mo si Melanie?"
Umiling ako. "Gusto ko lang na maintindihan mo na may mga bagay na aksidenteng nangyayari. Nakakasakit tayo ng iba hindi dahil ginusto nating gawin 'yon, kundi dahil wala tayong kontrol sa lahat ng bagay. Noong nahulog ang sasakyan sa bangin, wala kang choice kundi gawin 'yon dahil walang preno ang sasakyan. Pero kung may preno 'yon, alam kong hindi mo pipiliing mahulog sa bangin."
Hindi siya kumibo pero kitang-kita ko ang sakit at galit sa mga mata niya.
"Huwag mo akong paikutin sa mga sinasabi mo," mariing saad niya.
"Noong gabing 'yon... kung alam ko lang na makakabangga ako ng inosenteng tao, hindi na sana ako nagmaneho. Hindi ko na sana niligtas ang sarili ko. Dahil sino bang may gustong makapanakit ng iba, Andriuz? At sino bang may gustong makapatay?"
Tumulo ang luha ko pero agad ko rin iyong pinunasan. Sobrang bigat na naman ng puso ko ngayon. Palagi akong nasasaktan sa tuwing naaalala ko ang nagawa ko kay Melanie. Sinisisi ako ni Andriuz at pati ako...sobra-sobra ang paninisi ko sa sarili ko.
"Huwag mong ikumpara ang ginawa mo sa ginawa ko, Caelan. Dahil ikaw, nagawa mong tumakas sa kasalanan mo. Dahil wala kang konsensya!"
Matapang ko siyang tinitigan. "Kung tumakas ako, Andriuz, wala sana ako sa harapan mo ngayon. Hindi mo alam kung anong pakiramdam nang walang magawa dahil kahit anong desisyon ang piliin ko, makakasakit pa rin ako ng iba! Kung talagang tumakas ako, sana hindi ko nararanasan ang mga paghihiganti mo!"
"Kung totoong nagsisisi ka sa ginawa mo, sumuko ka na. Ipaubaya mo na sa batas ang lahat—"
"Hindi, Andriuz! Ikaw ang sumuko na dahil hindi mo alam kung sino ang kinakalaban mo! Hindi mo kakayaning labanan si Oliver at puwede ka niyang patayin. Kaya pakiusap, tumigil ka na!"
Sa sobrang pagnanais niyang maghiganti, ipinapahamak niya ang sarili niya. Hindi magdadalawang-isip si Oliver na patayin siya kapag naging sagabal siya.
He laughed sarcastically. "You think I'm afraid to die? At iniisip mo bang paghihiganti ang dahilan kung bakit ako nagpunta sa mansyon niya? Mali ka, Caelan. Napakaraming dahilan para ipakulong si Oliver. Kaya huwag mo na siyang protektahan."
Hindi ko na alam kung anong dapat kong sabihin para tumigil na siya. Alam kong hindi siya makikinig sa akin dahil iniisip niyang kakampi ako ni Oliver.
"Frowlan."
May dumating na lalaki kaya hindi ko na nagawang magsalita pa. Napatingin siya sa akin at bahagyang nagulat.
"Wait, totoo ba ang nakikita ko? Ikaw ba talaga si Caelan Suarez?" tanong niya.
Alanganin akong tumango. "Ako nga."
"Woah! Maganda ka pala talaga sa personal," sabi niya bago inakbayan si Andriuz. "Hindi mo nabanggit na si Caelan pala ang kasama mo."
"And why would I tell you?" Andriuz asked then he looked at me. "Bumalik ka na doon—"
"Bakit mo naman siya paaalisin? Puwede naman tayong mag-usap habang nandito si Miss Caelan," sabad ng lalaki.
Mas lalong dumilim ang mukha ni Andriuz. "Nag-iingat lang ako. Mahirap na at baka spy siya ni Oliver Vicero."
Sinamaan ko siya ng tingin bago ako naglakad palayo. Bumalik ako sa loob ng bahay at nang nilingon ko sila ay nakatingin sila pareho sa akin. Kumaway pa nga iyong lalaking kasama niya.
Naabutan ko si Minda na inaayos ang gulay sa mesa. Naupo ako sa kabilang upuan at inisip kung magtatanong ba ako o huwag na lang.
"Ano 'yon, Caelan? May kailangan ka ba?" tanong niya.
Huminga ako nang malalim. "Nagtataka lang ako. Ano ba talaga ang trabaho ni Andriuz?"
Kumunot ang noo niya. "Abogado siya. Bakit ka naman nagtataka doon?"
"Para kasing...hindi lang siya basta abogado," napapaisip kong sabi.
Natawa si Minda. "Abogado siya pero tama ka, hindi siya basta abogado lang. Para rin siyang sundalo na may misyon. Iyon lang ang alam ko. Basta tinutulungan nila ang mga tao dito para hindi kami mapaalis ng sakim na negosyante sa kabilang isla."
Agad niyang nakuha ang atensyon ko sa kaniyang sinabi. "Bakit? At sino namang negosyante ang tinutukoy mo?"
"Si Oliver Vicero. Pagmamay-ari niya ang isla sa kabila at gusto niya ring angkinin itong isla para patayuan niya ng resort. Kaya tinutulungan kami nila Frowlan para hindi kami mawalan ng tirahan."
Bigla kong naalala ang sinabi ni Andriuz kanina. Maraming dahilan para ipakulong niya si Oliver. At isa na siguro ito sa mga dahilan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top