Chapter 6

🔥
Drowning

"Lola, napakasarap mo pa ring magluto. The best ka talaga!" masayang sabi ko habang kumakain kami ng hapunan.

"Napakabolera mo pa rin, Caelan. Kumain ka lang nang mabuti at alam kong miss mo na ang luto ko," sambit ni lola.

Tumango ako at sinandok ang mga ulam sa plato ko. Paniguradong lagot ako kay Camill pagbalik ko dahil kakalimutan ko munang nag-d-diet ako.

"Huy, Caelan. Huwag mo naman akong ubusan ng ulam!" sabi ni Robin at kinuha ang lalagyan ng ulam.

Pinanlakihan ko siya ng mata. "Ang sabi ni lola kumain lang daw ako. Ibabalik mo 'yan dito o dadagdagan ko ang sipa ko sa 'yo kanina?"

Napakamot siya sa ulo sa sobrang inis at tumawa lang ako. Maging si lola ay napangiti.

"Ayan, madali ka naman pa lang kausap. Ang bait-bait mo talaga, Robin!" pang-aasar ko.

Gustong-gusto kong inaasar si Robin dahil hindi siya nagagalit sa akin. Hindi katulad ni Sebastian na pikunin.

Nang matapos kumain ay si Robin na ang naghugas ng plato habang ako ay lumabas na muna para magpahangin.

Ang sarap pala sa pakiramdam na marinig ang alon ng dagat habang pinagmamasdan ang mga bituin. Malamig man ang gabi, kahit papaano masaya ako.

"Caelan,"

Lumingon ako kay lola at ngumiti. Naupo siya sa tabi ko at tumingala din siya sa langit.

"Lola, pasensiya na po kayo, ha? Nagkaroon kayo ng masamang apo katulad ko." Hinayaan kong pumatak ang mga luha ko at tahimik akong umiyak.

"Huwag mong sabihin 'yan, Caelan. Kilala kita at hindi ka masamang tao. Alam kong sobrang hirap ng pinagdaraanan mo ngayon pero magpakatatag ka."

Suminghap ako. "Hindi ko alam kung magagawa pa ba nila akong patawarin. Kahit magsisi pa ako, hindi na maibabalik ang buhay ni Melanie."

Niyakap ako ni lola at humikbi ako sa balikat niya. Ganito ko naaalala ang mga panahon noong bata pa ako. Sa tuwing nakakagawa ako ng kasalanan at pinagagalitan ako nila mommy at daddy, kay lola ako tumatakbo. Dahil kahit kailan, hindi niya ako pinagalitan. Hindi niya ako sinigawan at hindi niya ako sinaktan.

Siya ang palaging umiintindi sa akin. Si lola ang unang nagtatanong kung anong dahilan kung bakit ko ginawa 'yon. Siya rin ang umaalam kung anong nararamdaman ko.

"Mapapatawad ka rin nila, Caelan. Basta taos sa puso ang paghingi mo ng tawad, matatanggap nila 'yon. Hindi naman mahilig magtanim ng galit ang ina ni Melanie na si Merlinda."

Kumunot ang noo ko at pinagmasdan si lola. "Kilala n'yo po ang mama ni Melanie?"

Tumango si lola. "Oo, apo. Iyong malaking bahay sa kabila, ang pamilya nila ang nagmamay-ari no'n. Lumuwas sila sa Maynila dahil malapit na daw ikasal si Melanie."

Mas lalo akong napahikbi sa nalaman. Siguro, sobrang saya nila dahil ikakasal na ang anak nila. Tapos sinira ko lang ang lahat ng 'yon. Binawi ko sa kanila ang kasiyahan nila.

Nagdurusa sila nang dahil sa akin. Masiyadong malaki ang sugat na ibinigay ko sa mga puso nila at alam kong mahihirapan silang patawarin ako.

Kinabukasan ay maaga akong nagising dahil balak kong maglakad-lakad sa dalampasigan. Medyo masakit din kasi ang ulo ko sa kaiiyak kagabi.

Nasa malayo pa lang ay tanaw ko na agad ang sasakyan na nakaparada sa harap ng bahay nila Melanie. Mas lumapit pa ako at nagtago sa isang puno.

Dumating na siguro sila kaninang madaling araw. Siguro ginusto nilang bumalik dito para mabawasan ang sakit na nararamdaman nila. Nakakagaan nga naman ng pakiramdam ang tanawin sa lugar na 'to. Parang tinatangay ng bawat alon ang lahat ng sakit sa puso ng isang tao.

Paalis na sana ako nang may dumating na mga lalaki. Kumatok ang isa sa pinto ng bahay nila Mrs. Riques. Masama ang kutob ko sa mga taong 'to.

"Kadarating lang namin pero pinapaalis n'yo na kami kaagad?" sabi ni Mrs. Riques.

Naglabas ng pamalo ang isa sa kanila kaya agad akong lumapit.

"Hoy, anong ginagawa n'yo?" matapang kong tanong at pumagitna sa kanila.

"Caelan?" gulat na sabi ni Mrs. Riques.

"Kailangan na nilang umalis agad dahil hindi naman sila nagbayad ng pantubos sa bahay na 'to," sabi ng isang lalaki.

"Hindi totoo 'yan. Nagbigay kami ng kalahati sa inyo at sinabi naming sa susunod na linggo na ang kalahati," sagot ni Mrs. Riques.

Ipinagkrus ko ang braso ko. "'Yun naman pala. Bakit ba kayo nagmamadali? Hindi n'yo ba alam na puwede namin kayong idemanda?"

Ang totoo, hindi ko naman alam kung anong isasampang kaso sa kanila pero bahala na. Basta alam ko puwede silang mademanda sa pambabanta nila. Maniningil lang ng bayad, may dala pang pamalo.

"Sinong tinakot mo, Miss? Baka masaktan ka sa akin!"

Napapikit ako nang akmang ihahampas niya sa akin ang bitbit niyang pamalo pero ilang segundo na ang nakalipas ay wala namang tumama sa akin.

"Sa akin kayo masasaktan kapag hindi kayo tumigil sa pambabanta n'yo."

Napadilat ako nang marinig ang boses na 'yon. Nakatalikod siya sa akin pero nakikilala ko siya. Si Andriuz. Sinalo niya ang pamalo na balak ihampas sa akin no'ng lalaki.

"Sandali nga, hindi naman kayo ang kausap namin tungkol dito sa bahay. Sinong nag-utos sa inyo? Sinong nag-utos na paalisin sila dito?" mariing tanong ni Andriuz sa kanila.

Pinagmasdan ko ang tatlong lalaki at nahagip ng paningin ko ang tattoo ng isa sa kanila. Pamilyar 'yon sa akin.

Saan ko ba nakita ang gano'ng tattoo?

Inisip kong mabuti hanggang sa maalala ko noong gabi na tinurukan ako ng drugs, nakita ko ang braso ng tumurok sa akin. Pareho sila. At sa tingin ko, hindi lang 'yon basta simpleng tattoo.

Mukhang may kinalaman si Oliver dito.

Umalis ako agad at tinawagan si mommy. Sumagot din naman siya kaagad.

"At bakit ka naman napatawag?" bungad na tanong niya sa akin.

"'Yang asawa mo, hindi ba talaga niya titigilan ang pamilya ni Melanie! Pati ba naman dito sa Zambales, manggugulo sila?"

"Ano bang sinasabi mo, Caelan? Wala ka na bang ibang pagbibintangan kundi si Oliver—"

"Oo! Dahil kitang-kita ko ang tattoo ng tauhan niya! Sabihin mo sa kaniya, kapag hindi pa rin siya tumigil, aaminin ko ang totoo at wala na akong pakialam sa mga pambabanta niya!"

Pinatay ko ang tawag at nagpakawala ng mabigat na hininga. Sa sobrang pagmamadali ko kanina, hindi ko napansin na nasa loob na pala ako ng hanging cottage. Sa itsura nito mukhang hindi na matibay. Hindi naman masiyadong mataas sa tubig ang cottage pero delikado pa rin.

Aalis na sana ako pero nabigla ako dahil biglang sumulpot si Andriuz. He was glaring at me and if looks could only kill, I'm pretty sure that I'm already dead by now.

"So, pakana na naman pala ito ng step-dad mo," seryosong sambit niya.

Lumunok ako at hinigpitan ang pagkakahawak sa phone ko. Mukhang narinig niya ang usapan namin ni mommy.

Dahandahan siyang naglakad palapit kaya mas lalo akong kinabahan. Lumingon ako sa likod habang naririnig ang langitngit ng kahoy sa bawat paghakbang namin.

"Ano ba talagang gusto n'yong mangyari, ha? Sumunod ka pa talaga dito sa Zambales para guluhin ang buhay ng pamilya ni Melanie! At pati buhay ko ginugulo mo na rin!"

Sa isang iglap ay nasa harap ko na siya at mahigpit niyang hinawakan ang balikat ko. Hindi ko alam kung saan ako mas matatakot, sa marupok na cottage na malapit nang mabutas o sa galit ng taong nasa harapan ko.

"Hindi ba puwedeng mawala ka na lang! Nabuhay ka lang ba para guluhin ang buhay ng iba!"

Napahikbi ako. Tagos na tagos sa akin ang bawat salitang sinasambit niya. Parang isang kutsilyong sumasaksak sa puso ko. Paulit-ulit akong pinapatay.

"Tama na...please."

"Tama na? Matapos mong sirain ang buhay ko, ang kapal ng mukha mong patigilin ako!"

Umiling ako at muling lumingon sa dagat. Parang sumisikip ang dibdib ko. Hindi ko kaya.

"Nanginginig ka sa takot. Natatakot din pala ang mamamatay-taong katulad mo. Bakit? Hindi ka marunong lumangoy?"

Kumapit ako sa braso niya pero iwinaksi niya lang ang kamay ko. Nang dahil doon ay tuluyan nabiyak ang dulong sahig ng cottage at nahulog ako sa tubig.

Lumubog ako sa dagat. Sinubukan kong umahon pero bumabalik lang ako sa paglubog.

"Tu...long!"

Sa una at pangalawang pag-ahon ay nandoon pa siya. Nakatingin lang siya sa akin. Hanggang sa pangatlong pag-ahon ay hindi ko na siya nakita.

Tama siya. Hindi ako marunong lumangoy. Hindi ko sinubukang matutunan dahil takot ako sa tubig. Masaya na ako na pagmasdan ang dagat sa malayo pero hindi ko kayang lumusong.

"Iuwi n'yo na po ako! Hinahanap na ako nila mommy at daddy! Bad kayo! Iuwi n'yo na ako!"

Habang pilit kong umahon ay bumalik sa isip ko ang alaalang gusto ko nang kalimutan. Naririnig ko ang boses ng batang babae na umiiyak at gusto nang umuwi.

"Tumahimik ka, bata! Hoy, anong ginagawa mo! Tumigil ka mababangga tayo!"

"Gusto ko nang umuwi! Ihinto mo ang kotse! Uuwi na ako!"

Naaalala ko kung paano nahulog sa bangin ang sasakyan. Walang magawa ang batang ako para makalangoy. Sobrang dilim ng tubig at palubog nang palubog ang kotse.

Mula noon, hanggang ngayon, ako pa rin ang batang walang magawa sa tubig. Walang magawa kundi hayaang malunod ang sarili. Dahil katulad noon, ang huling taong kasama ko, ay hindi rin ako gustong mabuhay.

Gusto ko nang tumigil sa pagliligtas ng sarili ko. Siguro, kapag namatay na ako dito, mababawasan nang kaunti ang galit nila sa akin. Hindi ko na magugulo ang buhay nila.

Handa na akong magpaubaya kay kamatayan pero may kamay na humawak sa braso ko at hinila ako paitaas. Napaubo ako nang malakas pagkaahon namin sa tubig.

"Caelan! Tinakot mo ako nang sobra! Bakit ka ba kasi nagpunta sa cottage na 'yon? Hindi mo ba nakita 'yung sign?" nag-aalalang tanong ni Robin.

Wala akong lakas para magsalita. Nilingon ko ang taong malaki ang galit sa akin. Nandoon siya, nakatanaw sa akin sa malayo.

Siguro dismayado siya dahil nabuhay pa ako. Hindi ako nagagalit. Makatuwiran naman na hindi niya ako sinubukang iligtas. Dahil sino ba namang gugustuhing iligtas ang taong pumatay sa taong minamahal mo? Wala.

"Tahan na, Cae. Huwag ka nang umiyak, ligtas ka na."

Hindi ko namalayang umiiyak pala ako. Kung hindi pa binanggit ni Robin, hindi ko mapapansin.

Wala akong karapatang umiyak. Ito ang dapat sa akin. Hindi dapat ako masaktan dahil ito ang karma ko. Sa lahat ng mga kasalanan ko, kulang pa 'to para pagbayaran ko ang mga 'yon. Kahit buhay ko, hindi magiging sapat na kabayaran.

Inalalayan niya akong bumalik sa bahay. Naghahain si lola ng almusal at nang makita ako ay nag-aalalang lumapit siya sa akin.

"Cae, anong nangyari? Lumusong ka ba sa dagat?" tanong ni lola.

"Lola, hindi marunong lumangoy si Cae, 'di ba? Pumasok kasi siya doon sa lumang cottage kaya ayan nahulog. Muntik na ngang malunod kung hindi ko pa nakita," sagot ni Robin.

"Ay Diyos ko, halika. Ayos ka lang ba, apo? Mabuti pa magbihis ka na para hindi ka magkasakit."

Tumango ako at dumiretso na sa kuwarto. Nagpalit ako ng damit pagkatapos ay humiga ako sa kama. Ang bigat ng pakiramdam ko. Gusto ko na lang matulog maghapon. Wala pang ilang minuto ay nakatulog na ako kaagad.

"Mommy! Daddy! Nasa'n na po kayo! Mommy! Daddy!"

"Bata, gusto mo bang makita ang mga magulang mo?"

"Opo. Gusto ko na pong umuwi."

"Sumama ka sa akin. Bibigyan kita ng maraming candy."

"Caelan, gumising ka, apo."

Ang lamig. Hindi ako makagalaw. Nanunuot sa katawan ko ang lamig na para bang nagyeyelo ang nasa paligid ko. Ang hirap huminga.

Naririnig ko ang boses ni lola pero hindi ko siya makita. Hindi ko maidilat ang mga mata ko. Ano bang nangyayari?

"Nasa'n na po tayo? Hindi po ito papunta sa bahay namin."

"Tumahimik ka muna, bata. Gagamitin muna kita para magkapera ako."

"Bad ka! Iuwi mo na ako sa bahay namin! Gusto kong makita sila mommy at daddy!"

"Tumahimik ka, bata! Hoy, anong ginagawa mo! Tumigil ka mababangga tayo!"

"Gusto ko nang umuwi! Ihinto mo ang kotse! Uuwi na ako!"

"Caelan, Diyos ko po. Inaapoy ka ng lagnat. Apo, gumising ka. Robin! Robin, halika dito!"

Gusto kong gumising. Gusto ko nang dumilat. Ayaw ko na dito sa panaginip na 'to. Bakit ba hindi ako makagalaw? At bakit sobrang lamig? Sobrang bigat din ng katawan ko.

"L-Lola..." Nagawa kong sambitin iyon pero para akong kakapusin ng hininga.

"Apo, nandito ako. Robin! Humingi ka ng tulong! Dadalhin natin si Cae sa ospital!"

"Lola...ang...l-lamig..."

Pakiramdam ko mas lalo akong nanghihina. Ang hapdi ng lalamunan ko at nanginginig ako. Sa tuwing sinusubukan kong gumalaw ay napapaiyak na lang ako sa sobrang sakit.

"Lola, tumawag na po ako ng tulong. Nandito po siya. Dalhin natin siya sa ospital."

"Pakiusap, dalhin natin sa ospital ang apo ko. Sobrang taas ng lagnat niya."

Naramdaman kong may dumampi na kamay sa noo ko at napadaing ako dahil sa lamig no'n. Hindi ko alam kung paano nangyari pero para na akong lumulutang.

Ramdam na ramdam ko ang init mula sa taong bumubuhat sa akin at gusto ko na lamang dumikit sa kaniya. Nawala lahat ng pangamba ko at pakiramdam ko ay ligtas na ako. Hanggang sa tuluyan akong nagpahila sa antok.

Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatulog pero paggising ko, puting kisame ang nakita ko. Lumingon ako sa gilid at nakita ko si Robin na natutulog sa sofa.

"R-Robin..." Umubo ako para mawala ang pagkapaos bago ako muling nagsalita. "Robin."

This time, gumalaw na siya. Nang makitang gising na ako ay agad siyang bumangon.

"Cae! Buti at gising ka na. Teka, tatawagin ko lang ang doktor—"

"Sandali lang," pigil ko sa kaniya. "Bakit ako nandito?"

Bumuntonghininga siya. "Ang taas ng lagnat mo kahapon. Akala namin pagod ka lang kaya natulog ka tapos nagulat si lola kasi inaapoy ka na ng lagnat. Mabuti na lang talaga at may tumulong sa amin na dalhin ka dito sa ospital."

Kumunot ang noo ko. "Sino naman?"

"Hindi ko kilala. Nakita ko siya na nasa dalampasigan kaya hiningian ko na ng tulong. Noong una ayaw niyang pumayag pero kinonsensya ko kaya ayun, pumayag din."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top