Chapter 4
🔥
Interview
"What?"
Nasapo ni Mario ang noo niya matapos kong sabihin ang nangyari sa burol ni Melanie. Kahit naman ako ay nagulat nang makita ko si Andriuz. Sa dami ng puwedeng maging fiance ni Melanie, bakit si Andriuz pa na nakabungguan ko sa daan?
"Sinasabi ko na nga ba, hindi magandang idea na pumunta ka doon, Cae. Tingnan mo ang nangyari! Paniguradong hahanap talaga siya ng paraan para maidiin ka sa kaso lalo na dahil hindi maganda ang unang pagkikita n'yo!" saad pa niya.
I didn't say anything. I wasn't worried about that. Hindi naman ako takot na malaman niya ang totoo. Mas maganda nga 'yon, para kahit papaano ay mabawasan ang guilt na nararamdaman ko.
Ang ikinatatakot ko lang ay baka madamay sila Mario sa mangyayari. Kapag napatunayang guilty ako sa nangyari, pati sila mapaparusahan dahil pinagtakpan nila ako.
"Relax ka lang, Mario. Kahit naman narinig ng Andriuz na 'yon ang boses ni Cae, hindi naman 'yon magagamit bilang ebidensya," sabi naman ni Camill.
"Don't underestimate him." Napatingin kami kay Sebastian nang bigla siyang magsalita. "Magaling na abogado si Andriuz. Lahat ng kasong hinawakan niya, panalo. Magaling siyang humanap ng butas at ebidensya."
Malakas na napabuntonghininga si Mario at pabagsak na naupo sa sofa.
"Hayst! Sumasakit na ang ulo ko sa mga nangyayari! Kailan ba matatapos 'to!" sigaw ni Mario.
"Ang ipinagtataka ko lang, paano nagawang itago lahat ng ebidensya?" naguguluhang tanong ni Seb. "Sinong tumutulong sa 'yo, Cae?"
Hindi ako sumagot. Wala namang ibang tutulong sa pagtatago ng ebidensya kundi iyong taong takot malaman ng iba ang katotohanan.
Tumayo ako kaya naalerto sila. "Saan ka pupunta, Cae?" tanong ni Camill.
"Gusto ko lang magpahangin sa rooftop. Huwag n'yo na akong samahan," sagot ko at nagmadaling lumabas.
Alam kong hindi sila naniniwala sa sinabi ko at susunod sila kaya nagtago na muna ako saglit. Tama nga ako, lumabas din sila para hanapin ako. Nang makasakay sila sa elevator ay 'tsaka ako bumaba sa parking lot.
As soon as I entered my car, I dialed my mom's number but she's not answering her phone. Ilang beses ko pa siyang sinubukang tawagan pero hindi siya sumasagot.
Gusto ko lang namang malaman kung paano nila naitago ang mga ebidensya. Gusto kong tumulong sa imbestigasyon kahit pa ikapapahamak ko ito. Hindi ako maaaring sumuko na lang basta dahil paniguradong mas magagalit si Oliver kapag ginawa ko 'yon. Kaya kailangan kong palabasin na ang mga pulis ang nakakita ng mga ebidensya na magdidiin sa akin. At kapag nangyari 'yon, 'tsaka ko aaminin ang lahat ng nangyari.
Hindi ko alam kung anong kalalabasan ng planong ito pero susubukan ko pa rin.
Sinubukan kong tawagan ang telepono sa bahay ni mommy at pagkatapos ng ilang ring ay may sumagot na.
"Hello, Vicero residence. Sino po sila?"
Pamilyar sa akin ang boses ng sumagot. Isa siya sa mga katulong sa bahay na 'yon.
"Hello, this is Caelan. Nandiyan ba si mommy?" diretsahang tanong ko.
Saglit siyang tumahimik na akala ko'y naputol na ang tawag. Pero mayamaya lang ay muli siyang nagsalita.
"Yes po. Hindi po siya umalis ngayong araw."
Hindi maganda ang kutob ko sa sagot niya pero wala naman siyang dahilan para lokohin ako. Kaya kahit kinakabahan ay dumiretso pa rin ako sa mansyon.
Nakaabang na sa pinto ang katulong na nakausap ko at pansin ko ang pamumutla niya.
"Nasaan si mommy?" tanong ko at mas lalo siyang natakot. "Sinaktan ba siya ni Oliver? Sabihin mo kung nasaan siya!"
"Nandoon po sa...kuwarto. Hindi po siya pinapalabas ni Sir Oliver..."
Hindi ko na siya pinatapos sa pagsasalita at agad akong dumiretso sa second floor ng mansyon. Inisa-isa kong buksan ang bawat kuwarto hanggang sa makarating ako sa master's bedroom.
"Mommy? Nasaan ka? Mommy—" Napalingon ako nang biglang sumarado ang pinto ng kuwarto at nakita ko si Oliver.
He is smirking like a devil that made me shiver in disgust. Naglakad siya papalapit sa akin kaya umatras ako.
"Nasaan si mommy? Anong ginawa mo sa kaniya?" matapang kong tanong.
Humalakhak siya at hindi ko maiwasang mangilabot. Pakiramdam ko kaharap ko ngayon si Satanas.
"Relax, Caelan. I didn't do anything to your mother. Nasa labas siya kasama ang mga kaibigan niya. At tayong dalawa lang ang nandito sa kuwarto ngayon."
I gulped. That maid...she fooled me! How could she do this to me? Wala naman akong ginawang kasalanan sa kaniya!
Muli siyang umabante kaya napaatras na naman ako hanggang sa tumama na ako sa gilid ng kama. Humanap ako ng bagay na maaari kong ihampas sa kaniya kung sakaling tuluyan siyang lalapit sa akin.
Hindi na ako natatakot sa kaniya. Para matalo ko ang masamang taong katulad ni Oliver, dapat itapon ko lahat ng takot ko.
"Nandito ka ba para pasalamatan ako sa pagtulong ko sa 'yo? Kung hindi dahil sa akin, malamang nakakulong ka na ngayon."
Ngumisi ako. "Hindi mo ako tinulungan. Tinulungan mo ang sarili mo. Dahil kapag nakulong ako, idadamay kita. Siguraduhin mo lang na naitago mo ang lahat ng ebidensya dahil mahirap na, baka may makaalam ng totoong nangyari."
His face became emotionless. "Are you threatening me? Tinutukoy mo ba ang abogadong fiance ng napatay mo? Kahit pa gaano kagaling ang abogadong 'yon, hindi niya ako kaya. At kapag hindi siya tumigil sa pag-iimbestiga, susunod na rin siya sa fiancee niya."
My face paled when he said that. He is determined to hide the truth and I know that he could really kill Andriuz if he wants to.
"At kapag nangialam ka, hindi lang ikaw, kundi pati ang mommy at daddy mo, ay mamamatay."
He pushed me to the bed but I was quick to kick him. Mabilis kong inabot ang lampshade at hinampas iyon sa kaniya. Natumba siya sa sahig habang dumudugo ang ulo.
"Hindi na ako natatakot sa 'yo! Gawin mo na ang gusto mo, pagtakpan mo ang katotohanan pero huwag na huwag mong sasaktan ang mga magulang ko!"
Hinagis ko ang lampshade bago ako lumabas mula sa kuwartong 'yon.
Pababa pa lang ako sa hagdan nang masalubong ko ang katulong na nanloko sa akin. Nilapitan ko siya at daig niya pa ang tutang takot na takot.
"Miss Caelan, patawarin n'yo po ako kung nagsinungaling ako. Binantaan po ako ni Sir Oliver na papatayin niya ako kung hindi ako magsisinungaling. Pasensiya na po," nagmamakaawang sabi niya.
"Hindi kita sasaktan. Alam kong gusto mo lang mabuhay. Sige na, bumalik ka na sa trabaho mo."
Alam ko ang pakiramdam ng walang magawa kundi ang sumunod dahil pinagbabantaan ka. Kaya naiintindihan ko siya.
I drove back to my condo and I found Mario and Camill waiting for me.
"Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko sa 'yo, Caelan! Alam mong delikado pero pumunta ka pa rin doon!"
Hindi ko pinansin si Mario at dumiretso ako sa kuwarto. Agad naman silang sumunod sa akin.
"Caelan, ano ba!"
Hinarap ko sila. "Bukas, magtatrabaho ako. Hindi na ako papayag na magtago dito sa condo dahil baka tuluyan na akong mabaliw, Mario."
Uminit ang sulok ng mata ko senyales na malapit na naman akong umiyak. Suminghap ako para pigilan 'yon.
"Cae, kaya nga mas kailangan mong magbakasyon. Pero sige, kung gusto mong magtrabaho, papayagan kita," pagpayag ni Mario.
Kagaya ng napag-usapan ay bumalik na ako sa trabaho. Ayaw ko namang mas makaabala pa sa taping ng series. Ipinagkatiwala nila sa akin ang lead role kaya hindi ko sila bibiguin.
Sa mismong basement kami bumaba ni Mario para makaiwas na rin sa reporters na nag-aabang sa harap ng building.
"Good morning, Cae."
"Welcome back, Cae."
Sunod-sunod na bumati sa akin ang production crew at nginitian ko naman silang lahat. Dumiretso ako sa office ni Sebastian para malaman niyang nandito ako.
Kumatok ako nang tatlong beses bago binuksan ang pinto at naabutan ko siyang may kausap sa phone. Nang makita ako ay kumunot bigla ang noo niya. Naupo muna ako sa harap ng mesa niya.
"We can't stop him. May sariling desisyon ang kapatid mo kaya hayaan mo na siya. Hayst. Fine, I'll try to talk to him. Okay, I love you."
Napangiwi ako nang marinig ang sinabi niya. Mukhang si Aireen ang kausap niya dahil masiyado siyang malumanay magsalita.
Nang maibaba ang phone ay 'tsaka niya ako hinarap.
"Why are you here, Cae?" he asked.
"As far as I remember, I'm still the female lead in this series, right? Kaya nandito ako."
Mas lalong kumunot ang noo niya. "Huwag ka ngang mamilosopo. Naka-leave ka, 'di ba? In-adjust ko ang taping ng scenes mo dahil akala ko hindi ka papasok ng isang linggo."
"I-adjust mo na lang ulit. Basta babalik na ako sa trabaho. Maghihintay muna ako sa dressing room ko, pakitawag na lang ako kapag scene ko na. Goodluck, Direk Sebastian!"
Napahilot siya sa sentido niya kaya natawa na lang ako. Hindi ko na siya inasar pa at lumabas na ako mula sa opisina niya. Papunta na sana ako sa dressing room ko nang masalubong ko si Jade.
She immediately smiled when she saw me. "Hi, Caelan."
"What are you doing here? The last time I checked, hindi ka kasama sa cast ng series na 'to," saad ko.
Tumawa siya na parang baliw. "Well, wala pa bang nagsasabi sa 'yo? Ako ang gaganap na kontrabida sa series na 'to. It means, ako ang magpapahirap sa 'yo—I mean, sa character mo."
Paano naman nangyari 'yon? Ilang araw lang akong nawala, napalitan na agad ang gaganap sa kontrabida? Paniguradong may ginawa ang babaeng 'to para mapunta sa kaniya ang role. Imposibleng sinuhulan niya si Sebastian kaya sigurado akong sa producer siya mismo dumiretso.
I also smiled. "Well then, congrats. Mabuti na lang at nakuha mo ang role na 'yon, may pag-asa pa pala para maisalba ang nalalaos mong career. Goodluck!"
Agad na namula ang mukha niya sa inis kaya iniwan ko na siya doon. Nagtungo na ako sa dressing room ko at naupo sa harap ng vanity mirror. Binasa ko ang script na ibinigay sa akin ni Mario habang inaayos ni Camill ang buhok ko.
Sobrang intense ng series na 'to at mas magiging intense pa dahil kaming dalawa ni Jade ang gaganap na magkaribal. Siguro sinadya nilang pagtapatin kami para sa publicity. S'yempre aabangan ng viewers ang palabas kapag magkaaway sa totoong buhay ang gumaganap.
"Lights, camera, action!"
Pagkarinig ng signal ni Seb ay lumabas ako kaagad mula sa loob ng kuwarto. Hindi pa man ako nakakabuwelo ay nakatanggap agad ako ng sampal mula kay Jade.
Sobrang lakas na muntik na akong tumama sa pader.
"Cut!" Sebastian shouted. "Jade, bakit mo naman siya sinampal agad? May dialogue ka pa, 'di ba?"
"Sorry. Na-carried away lang ako sa scene," sabi niya.
Halata namang sinadya niya 'yon. Matagal na siyang artista at imposibleng magkamali siya sa simpleng scene! Gusto niya lang akong masampal nang paulit-ulit.
"I'm sorry, Cae. Gusto mo bang pekein ko na lang ang sampal?" painosenteng tanong niya pa.
I faked a smile. "No need. Mas makatotohanan kapag totoong sakitan ang ginawa natin."
Naging maayos naman ang mga sumunod na eksena pero ramdam ko pa rin ang hapdi ng pisngi ko. Humanda talaga siya sa akin kapag ako naman ang sasampal sa kaniya.
"Let's go, Cae. Didiretso tayo sa Blossom company para mapag-usapan ang brand endorsement mo," sabi ni Mario.
Tumango ako at sinundan siya papunta sa elevator. Sa parking lot ulit kami lalabas dahil ang sabi ni Mario, may mga reporters pa rin sa harap.
Pero nagulat ako nang salubungin kami ng mga reporters sa mismong parking lot.
"Miss Caelan! Maaari ka ba naming ma-interview?"
"May ilang mga katanungan lang kami, Miss Caelan."
Agad silang hinarangan ni Mario habang si Camill ay tinulungan akong makalusot sa mga reporters.
"Tumigil nga kayo! Hindi siya magpapa-interview!" pagsaway ni Mario sa kanila.
"Halika na, Cae. Bilisan natin," sabi ni Camill.
Sinubukan naming lampasan ang mga reporters pero talagang hinaharangan nila kami. Sa itsura nila, mukhang hindi sila aalis hangga't hindi nila ako nai-interview.
"Miss Caelan, totoo bang ikaw talaga ang nakasagasa kay Melanie Riques at hindi ang driver mo?"
Napahinto ako sa paglalakad nang marinig ang nagtanong no'n. Nilingon ko ang mga reporters at hinanap kung sino ang taong 'yon.
"Who's that? Sinong nagtanong ng bagay na 'yon?" tanong ko habang tinititigan sila isa-isa.
Dahandahang nagtaas ng kamay ang isang babaeng reporter. Wala pa man akong sinasabi, namumutla na siya.
"Reporter ka, 'di ba?" Tumango siya. "Bakit hindi mo malaman kung fake news ba o totoo ang balitang nasasagap mo? Kung hindi mo kayang alamin ang peke sa totoo, mabuti pa, mag-resign ka na."
I didn't waste a minute and I immediately went inside our van. They didn't bother following us. Siguro naman titigil na sila.
"Cae, ayos ka lang ba?" tanong ni Camill.
"Hindi. Pero wala naman akong magagawa," sagot ko.
Bumuntonghininga siya. "Sa sagot mo sa reporter kanina, siguradong kakalat na naman ang masasamang balita tungkol sa 'yo. Sana hinayaan mo na lang."
Pagak akong natawa. "Wala namang bago doon. Hayaan mo silang ibalita kung gaano ako kasama, totoo naman."
"Cae, naman—"
"Don't worry, Camill, hindi naman ako masasaktan sa mga binabalita nila. Hayaan mo silang isipin kung anong gusto nilang isipin."
My voice cracked but I managed to hide it. Para maka-survive ako, kailangan maging mas matigas pa ang puso ko. Hindi ko na rin hahayaang makita nila ang kahinaan ko para hindi nila magamit 'yon laban sa akin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top