Chapter 24
Expensive
🔥
Ilang araw ang lumipas at napansin kong madalas ko na namang nakikita si Andriuz. Alam kong sinasadya niya 'yon pero hindi ko alam kung anong dahilan niya.
Kagaya na lang ngayon, nakasunod siya sa akin papuntang palengke. Hindi nga siya lumalapit pero hindi rin naman niya itinatago ang pagsunod niya sa akin.
Huminga ako nang malalim bago siya nilingon. Huminto siya sa paglalakad kaya ako na mismo ang lumapit sa kaniya.
"Bakit ka ba sunod nang sunod?" iritadong tanong ko sa kaniya.
Ngumiti siya at umayos ng tayo kaya mas lalo akong napatingala sa sobrang tangkad niya.
"Baka kasi mapahamak ka na naman kaya binabantayan na kita," sagot niya.
Napairap na lang ako. "Naiirita ako sa pagsunod mo. Kaya nga ako nag-quit sa showbiz dahil ayaw ko nang mayroong sunod nang sunod sa akin."
"Edi, hindi na kita susundan. Sasabayan na lang kita sa paglalakad. Halika na," sabi niya at biglang hinawakan ang kamay ko.
Nanlaki ang mga mata ko sa ginawa niya kaya mabilis kong binawi ang kamay ko. Pero hindi ko magawa dahil ang higpit ng pagkakahawak niya sa akin.
"B-Bitiwan mo nga ako. Sino ka ba sa akala mo, ha? Umalis ka na nga. Naiirita ako sa mukha mo," sabi ko at maglalakad na sana paalis pero hinila niya ako pabalik.
"Kung hindi na naman kita hinila, nabunggo ka na sana ng mga batang nagtatakbuhan," bulong niya.
Hindi ako kaagad nakakilos dahil sobrang lapit niya na sa akin ngayon. Kung wala sa gitna ang mga kamay namin ay tuluyan nang magdidikit ang katawan namin.
Ngumisi siya kaya lumayo na ako kaagad. Napansin kong pinagtitinginan na kami ng mga tindera dito kaya sinamaan ko siya ng tingin bago ako umalis. At dahil talagang makulit siya, panay pa rin ang pagsunod niya sa akin.
"Magkano po sa bangus?" tanong ko sa tindera.
"120 isang kilo, iha."
Tumango ako at naglagay ng bangus sa timbangan para matimbang ng tindera. Kumuha lang ako ng kasya sa amin ni mommy dahil dalawa lang naman kami sa bahay.
"Paki-boneless po, Aling Merna."
Nilingon ko si Andriuz nang bigla siyang sumulpot sa tabi ko.
"Talagang nakasunod ka pa rin, ah. Bakit mo pinapakialaman ang binibili ko?" inis na tanong ko sa kaniya.
"Matinik ang bangus at ayaw kong matinik ka kaya ipapatanggal ko na. Para hindi na kayo mahirapang maghimay," seryosong sagot niya.
Ipinagkrus ko ang braso ko. "Huwag mo nga akong pangunahan, Andriuz. Hindi na talaga ako natutuwa."
Ngumiti lang siya at hindi talaga umalis hangga't hindi natatapos tanggalan ng tinik ang bangus. Agad kong kinuha ang isda at lumabas na ako ng palengke.
Alam kong nakasunod pa rin siya kaya binilisan ko ang paglalakad papunta sa sakayan ng tricycle. Pagkaupo ko pa lang sa loob ay tumabi rin siya kaagad sa akin.
"Bakit sumakay ka din? Bumaba ka nga!" sigaw ko sa kaniya.
"Magkapitbahay lang naman tayo kaya sasabay na ako. Mahirap na baka sa ibang bahay ka umuwi."
Pakiramdam ko sasabog na ang ulo ko sa sobrang inis. Ano bang nakain niya at ako ang napagtrip-an niya ngayon?
Sinamaan ko siya ng tingin pero hindi man lang siya tinatablan dahil nanatili siyang nakangiti. Hindi ko napansin na napadaan sa lubak ang tricycle at muntik na akong mauntog. Pero mabilis na naiharang ni Andriuz ang kamay niya sa ulo ko.
Something in my heart melt with his gestures. He's being annoying but I admit, he's also being caring and sweet today. Talagang paninindigan niya yata ang sinabi niyang babantayan niya ako. Pero ayaw ko no'n. Ayaw kong paasahin na naman niya ang puso ko sa bagay na imposible.
Ang bagay na ginagawa niya ngayon, ginagawa niya rin sa iba dahil mabait siya. At kahit sinong babae, mahuhulog sa kaniya.
"Baka matunaw ako, Cae," sabi niya kaya uminit ang pisngi ko sa hiya. Tumingin na lang ako sa labas ng tricycle at narinig ko ang pagtawa niya. "Pero ayos lang na matunaw, puwede mo akong titigan hangga't gusto mo."
Pagkahinto ng tricycle sa harap ng bahay namin ay naunang bumaba si Andriuz at inalalayan niya pa akong bumaba. Pansin ko ang mga nagtatakang tingin ng mga taong nakakita sa amin pero hindi ko na sila pinansin.
Magbabayad na sana ako ng pamasahe pero naunahan na ako ni Andriuz. Kinuha ko na lang ang mga pinamili ko at iniwan na siya.
Pagpasok ko ng bahay ay naabutan ko si mama sa harap ng bintana.
"Mommy, nandito na po ako," sabi ko.
Tumingin siya sa akin nang may mapang-asar na ngiti. "Ano 'yung nakita ko, Caelan? Magkasama kayo ni Andriuz?"
Sumimangot ako at nagtungo sa kusina. "Hindi ko siya kasama. Siya itong sunod nang sunod sa akin. Hindi ko alam kung ano bang problema niya."
"Noong sinabi mong nandito din si Andriuz, naisip ko na kaagad na mangyayari 'to. May nakaraan kayong dalawa at hindi n'yo 'yun matatakasan kaagad," makahulugang sambit niya.
Bumuntonghininga ako. "Mommy, kung sakaling malaman niya na buntis ako at siya ang ama, anong gagawin ko?"
"Sabihin mo ang totoo. Kung balak ka niyang panagutan, edi maganda, pero kung hindi niya gusto ng responsibilidad, ayos lang din. Basta nandito tayo para buhayin at palakihin ang anak mo."
"'Di ba po, ayaw n'yo kay Andriuz noon?" tanong ko.
Ngumiti si mommy. "Hindi ko siya gusto dahil alam kong balak ka niyang paghigantihan. Masiyado kang mabait at kahit kaaway mo nagawa mong mahalin kaya iyon ang kinatatakot ko. Pero ngayon, masasabi kong, isa siyang mabuting lalaki at may prinsipyo."
Pagkatapos ng pag-uusap namin ni mommy ay nalinawan na ako. Kung hindi tatanggapin ni Andriuz ang bata, masasaktan ako pero kailangan kong matanggap 'yon. Kung sakali namang handa niya akong panagutan, s'yempre magiging masaya ako. Dahil hindi lalaki ang anak ko nang walang ama.
"Gusto mo bang bigyan ng ulam si Andriuz?" tanong ni mommy pagkatapos maluto ng ulam namin.
Kumunot ang noo ko. "Bakit ko naman siya bibigyan?"
"Kasi sinamahan ka niya sa palengke. Sige na, hindi rin naman natin mauubos ito."
Wala na akong choice kundi ang pumayag sa gusto ni mommy. Naglagay siya ng ulan sa tupperware at ako mismo ang nagpunta sa bahay ni Andriuz para ibigay ito.
Kumatok ako sa pinto at bumungad sa akin ang bagong ligong si Andriuz. Nagsusuot pa lang siya ng T-shirt kaya nahagip ng paningin ko ang abs niya.
Mabilis akong pumikit. "Ano ba! Huwag ka ngang lumabas nang walang damit."
I heard him laugh. "You're acting as if you haven't seen me naked before."
Mas lalong uminit ang pisngi ko at pakiramdam ko pulang-pula na ako ngayon sa sobrang kahihiyan. Sinamaan ko siya ng tingin.
"Ano ba 'yang dala mo?" tanong niya.
Iniabot ko ang tupperware na may ulam. "Pinabibigay ni mommy. Isalin mo sa lalagyan at ibalik mo sa akin ang tupperware. Bilis."
"Pumasok ka muna sa loob para hindi ka mainitan dito," sabi niya at hinila ako papasok sa loob ng bahay niya.
Dumiretso si Andriuz sa kusina habang ako ay nagpaiwan sa sala. Katulad ng condo niya sa Manila ay maganda rin ang disenyo ng bahay niya. Inabala ko ang sarili ko sa pagtingin sa bawat painting na naka-display.
"Agent Andriuz!"
Nilingon ko ang babaeng biglang pumasok sa bahay ni Andriuz. Natigilan siya nang makita ako pero agad ding ngumiti.
Lumabas mula sa kusina si Andriuz bitbit ang tupperware kaya kinuha ko 'yon kaagad.
"Aalis na ako baka makaistorbo pa ako sa inyo," sabi ko at iniwan na silang dalawa.
Pagbalik ko sa bahay ay naghahain na si mommy ng tanghalian. Tahimik akong naupo sa harap ng hapag at kumain. Pansin ko ang bawat pagsulyap sa akin ni mommy pero hindi siya nagsasalita.
Pagkatapos kumain ay nagpahinga muna ako saglit sa kuwarto bago ko naisipang umalis ng bahay. Pupunta ako sa Casa Baltazar para bisitahin si Crystal. Miss ko na kasing makita ng cute niyang baby.
"Cae, hinihintay kita kahapon pero hindi ka napadaan," sabi ni Crystal pagkapasok ko sa gate.
"Sorry. Naki-fiesta kasi kami sa plaza kaya hindi na ako nakapunta," sagot ko.
"Talaga? Nagpunta rin kami sa plaza. Nagbigay ng opening speech ang father-in-law ko."
"Medyo late na kami dumating kaya siguro hindi namin kayo naabutan. Oo nga pala, pansin ko na abala ang mga tao dito, may importanteng event ba?"
Napansin ko kasi na busy ang mga kasambahay pati ang mga trabahador nila dito sa mansyon.
"Birthday kasi ni Art bukas. Pumunta ka, ha? Aasahan kita bukas," sabi ni Crystal kaya umiling ako kaagad.
"Nakakahiya naman pumunta. Atsaka baka puro relatives n'yo lang ang bisita," sagot ko.
"Hindi naman. Sa tuwing magbi-birthday ang family members ng mga Baltazar, binubuksan ang mansyon para sa lahat ng gustong pumunta. Kaya for sure, maraming tao bukas."
Gano'n pala sila mag-birthday. Kaya pala talagang pinaghahandaan kasi maraming bisita. Totoo ngang itinuturing nilang pamilya ang mga nakatira dito.
Alam din kaya ni Kristine ang tungkol dito? Siguradong kung alam niya, magyayaya siyang pumunta. Kung hindi niya alam, isasama ko na lang siya.
Kinabukasan ay nagpunta si Kristine sa bahay para yayain ako sa Casa Baltazar.
"Kumalma ka lang, Kristine. Alam ko ang tungkol diyan pero masiyado pang maaga para pumunta doon," sabi ko dahil mukhang nagmamadali na siyang pumunta sa mansyon.
Natawa siya at naupo na rin sa wakas. "Excited kasi akong makita si Senyorito Art. Sobrang guwapo niya kasi. Ang suwerte nga ng asawa niya, e."
Napailing na lang ako. Basta, guwapo talaga.
Pagsapit ng hapon ay umalis na kami para magpunta sa Casa Baltazar. Ibang-iba ang itsura ang ng mansyon ngayon. Sa may garden ay maraming nakalatag na mga mesa at upuan. May mga ilaw din na nakasabit sa mga halaman.
Mukhang aabutin ng gabi ang party. Kaunti pa lang ang tao dahil hindi pa naman magsisimula. Pagpasok sa gate sa sinalubong kaagad kami ni Crystal.
"Cae, nakarating ka," bati niya sa akin bago napatingin kay Kristine na mukhang natulala na sa ganda niya. "Hello."
Natawa ako dahil masiyadong natutulala si Kristine. "Crystal, siya nga pala ang kaibigan ko, si Kristine."
"Nice to meet you, Kristine. Enjoy the party, okay?" Crystal said and Kristine nodded.
Pumasok kami sa loob ng mansyon kung saan may mga mesa rin na mas malalaki kaysa sa mga mesa sa labas. Mukhang para sa mga importanteng tao ang mga upuan dito sa loob.
"Mamaya, nandito ang mga officials ng Isla Real. Pati ang buong pamilya ng asawa ko. Pero huwag kayong maiilang, ha? Bisita ko kayo kaya huwag kayong aalis basta-basta," paliwanag ni Crystal.
"Sige, Crystal. Salamat ulit sa pag-invite sa amin," nakangiting sambit ko.
Naupo kami sa isang mesa habang pinapanood ang mga abalang kasambahay. Mayamaya lang ay unti-unti na ring dumami ang mga bisita. Hanggang sa nagsimula na ang party.
The music started and the visitors are now chatting with each other. Iyong iba ay umiinom ng wine habang ang iba naman ay kumakain na.
"Grabe, ang sosyalin tingnan ng pamilya nila, 'no?" bulong ni Kristine sa akin.
Napatingin ako sa mesa kung nasaan ang Baltazar Family. Kristine is right. They all look classy and expensive. The way they talk and smile to the people, it screams power and respect.
Ang lolo at lola pa lang ni Art ang nandito dahil parating pa lang daw ang parents nila. At ilang minuto nga lang ang lumipas ay may mga sasakyang huminto sa harap ng mansyon na sa tingin ko ay sa mga magulang na ni Art.
Hindi ko masiyadong makita kung sino ang mga bumaba doon dahil na rin sa mga bisita. Hinintay ko na lang na makapasok sila ng mansyon at makaakyat sa mini stage.
Sinalubong na sila kaagad ng mga officials ng isla kaya napahinto pa sila saglit.
"Cae, dito ka muna, ha? Pupunta lang ako sa banyo," bulong ni Kristine kaya tumango ako.
"Mr. and Mrs. Baltazar, I'm so glad to meet you again. Is this your lovely daughter?"
"Yes. This is Aireen..."
Hindi ko na nasundan ang usapan na naririnig ko dahil sa nabanggit na pangalan. Nilingon ko sila at halos maestatwa ako sa kinauupuan ko.
Naisip ko na ang ganito pero hindi ko akalaing posible nga ang bagay na iyon. Dahil ang mga taong dumating ay mga magulang nila Aireen at Andriuz. Hindi ako puwedeng magkamali dahil nakita ko na sila sa hospital noon.
At mas lalo ko lang nakompirma ang lahat nang makita ang sumunod na pumasok sa mansyon. Nakasuot siya ng itim na suit at nakangiti habang inililibot ang paningin sa mga bisita.
Andriuz Frowlan Guevarra Baltazar.
Bakit ba nakalimutan ko ang bagay na 'yon? Guevarra at Baltazar. Ha!
Sa sobrang liit ng mundo, hindi ko namalayang ang islang pinagtataguan ko ngayon ay pagmamay-ari ng pamilya ng lalaking gusto ko ring layuan. Masiyado akong naniwala na coincidence lang ang lahat. Hindi ko alam na napaglaruan na naman pala ako ng tadhana.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top