Chapter 23
Fiesta
🔥
Kinabukasan ay nagising ako dahil sa mga ingay na nanggagaling sa labas ng bahay. Sumilip ako sa bintana at nakitang abala ang mga tao sa paghahanda sa fiesta na magsisimula mamayang hapon.
May nakahain ng almusal sa mesa pero wala si mommy sa bahay. Siguro nandoon na siya sa bahay ni Aling Cely para tumulong. Kumuha ako ng gatas mula sa ref at iinumin ko na sana nang may kumatok sa pinto.
Binuksan ko iyon at nakita ko ang isang babae. Namumukhaan ko siya. Anak siya ni Aling Cely pero hindi ko alam ang pangalan niya.
"Hello, Caelan! Ang sabi sa akin ng mama mo, samahan daw muna kita. Sabay na tayong pumunta sa plaza mamaya," sabi niya at basta na lang pumasok sa loob ng bahay namin.
Alanganin akong ngumiti bago siya sinundan. "Gano'n ba? Ano nga ulit ang pangalan mo?"
Tinitingnan niya ang mga naka-display na painting sa pader namin bago siya sumagot.
"Kristine. Sige na, kumain ka na ng almusal. Baka nagugutom na ang baby mo," sabi niya kaya natigilan ako.
Napansin niya yata na nagtataka ako kung bakit alam niyang buntis ako kaya ngumiti siya.
"Nabanggit ng mama mo na buntis ka. Baka daw kasi mapaano ka mamaya sa plaza kaya dapat alam ko ang kondisyon mo," paliwanag niya.
Tumango ako bilang pag-intindi. Pumunta na ako sa mesa at nagsimula nang kumain. Pagkatapos mag-almusal ay niyaya ako ni Kristine na maghanap ng damit na isusuot namin mamaya. Marami naman akong damit sa bahay kaya sinamahan ko na lang siya sa pamilihan ng damit.
"Ito, bagay ba sa akin?" tanong niya at umikot pa para makita ko ang buong damit.
Tumango ako. "Bagay naman. Pero hindi ba masiyadong maikli?"
Natawa siya at bahagya pa akong hinampas sa balikat. "Ano ka ba, Cae. Ganito naman ang mga uso, 'di ba?"
Nagkibit-balikat na lang ako. Sabagay, noong nasa showbiz ako ay madalas na fitted at sexy ang ipinasusuot sa akin. Pero ngayong ordinaryo na lang akong tao, tapos na ako sa gano'ng stage ng buhay ko.
"Bibilhin ko na 'to. Ikaw ba, Cae? May napili ka na?" tanong niya.
"Marami akong dress sa bahay. Gusto mo tulungan mo pa akong maghanap mamaya," sabi ko.
"Sige, ikaw bahala. Babayaran ko lang 'to, wait lang."
Nagtungo siya sa tindera at mukhang nakikipagtawaran pa bago nagbayad. Ako naman ay lumabas na ng tindahan dahil medyo mainit sa loob.
"Halika na, Cae!"
Napahawak ako sa dibdib ko dahil biglang sumulpot si Kristine sa tabi ko. Kumapit siya sa braso ko at naglakad na kami papunta sa sakayan ng tricycle. Maaga pa nang makauwi kami sa bahay kaya marami pa kaming oras para maghanda.
Inilapag ko sa kama ang lahat ng mga dress na dinala ko. Noong nagpunta kami dito ni mommy, dinala ko ang ibang mga damit na nakuha ko noon sa mga sponsors ko. Sayang naman kasi hindi ko pa naisusuot lahat.
"Wow!" manghang sabi ni Kristine. "Sa 'yo lahat 'to? Ang gaganda naman. Nahiya naman bigla 'yung dress na binili ko kanina."
Natawa ako. "Puwede kang mamili ng dress diyan tapos sa 'yo na. Mukha namang magkasing-size lang tayo."
"Talaga?" Tumango ako. "Ay, hindi na. Mukhang hindi rin babagay sa akin. 'Tsaka mukhang mamahalin. Hindi ako sanay magsuot ng gan'yan, parang kinakati ang balat ko."
Napailing na lang ako sa mga sinasabi niya. Tinulungan niya akong mamili ng dress pero dahil ayaw ko namang makaagaw ng pansin sa plaza, iyong puting dress na lang ang pinili ko.
It is a square-neck with puff-sleeves dress. I took a deep breath before I went out of the bathroom.
"Ang ganda! Ang effortless ng beauty mo, Cae. Iyan na ang pinakasimpleng dress mo pero dahil maganda ka, parang naging pinaka-expensive na dress ang suot mo," sabi ni Kristine habang iniikutan pa ako.
"Kristine naman, hindi kapani-paniwala ang papuri mo pero salamat. Magbihis ka na rin," sagot ko.
"Sige. After kong magbihis, aayusan din kita, ah. Para mas lalong mapanganga ang mga tao sa plaza!"
"Sira ka talaga! Bilis na," natatawang sabi ko.
Ilang minuto ang lumipas bago natapos magbihis si Kristine. Bagay na bagay din naman sa kaniya ang dress na nabili niya kanina. Kulay pink 'yon at sleeveless kaya lumitaw ang mamula-mula niyang balat.
Kung sa pagandahan ang pag-uusapan, hindi naman magpapahuli si Kristine. Puwede nga siyang maging model kung gugustuhin niya dahil matangkad din siya. I-recommend ko kaya siya kay Mario?
"Maupo ka na sa harap ng salamin, Cae. Hairstylist mo ako ngayon," sabi niya.
Half-braid lang ang ginawa niya sa buhok ko na talagang bumagay sa dress. Pagkatapos ay nilagyan niya ako ng lip at cheek tint para magkaroon ng kaunting kulay ang mukha ko.
Nang matapos niya akong ayusan ay inayusan niya naman ang sarili niya. Malapit nang mag-alas kuwatro nang umalis kami ng bahay at nagtungo sa plaza. Marami nang tao doon at naririnig ko na rin ang ingay mula sa tambol at iba pang tumutugtog. May mga nagpe-perform din sa gitna kaya buhay na buhay na ang plaza.
"Hindi natin inabutan ang pagbubukas ng fiesta pero ayos lang. Mag-e-enjoy ka dito, Cae. Ang daming mga tindahan sa paligid na tuwing fiesta lang nagbubukas at may mga palaro din," masayang sabi ni Kristine.
Mukhang tama nga siya. Kahit nanonood pa lang ako ay nag-e-enjoy na ako. Ang dami ring iba't ibang kulay na disenyo sa paligid kaya masarap sa mata.
"May sayawan din mamaya. For sure may magyayaya sa 'yo. Huwag mong tanggihan, ah?"
Napanguso ako at kibit-balikat. Wala naman sigurong magsasayaw sa akin. Hangga't maaari ayaw ko talagang maging sentro ng atensyon. Palagi na akong nasa harap ng camera noon, kaya gusto kong maging lowkey na lang ngayon.
Napatalon ako sa gulat nang makarinig ako ng paputok. Confetti lang pala.
"Cae, tingnan mo. Ang ganda, 'di ba?" tanong ni Kristine habang ipinapakita ang isang ipit.
May nakaukit na Isla Real sa clip kaya madaling malalaman na dito ito nagmula. Naalala ko tuloy 'yung clip na ibinigay ni lola sa akin. Bigla ko rin tuloy na-miss si lola.
Masiyado yata akong sensitive. Nakakita lang ako ng clip parang gusto ko nang maiyak.
"Oo, maganda nga," sagot ko.
Nagtingin-tingin na rin ako sa ibang paninda at may nakita akong bracelet. Tatlong bracelet iyon sa isang set at iba-iba ang sizes.
"'Yan po ang family bracelet, miss. Ang dalawang malalaki ay para sa mga magulang at ang maliit naman ay para kay baby," sabi ng tindera.
"Maganda 'yan, Cae. Bilhin mo na," sabi ni Kristine. Nabayaran na pala niya ang clip na binili niya.
Ngumiti ako. "Maganda nga pero dalawa lang ang magagamit ko diyan. Sa aming dalawa ng baby ko."
"Ano ka ba, puwede mo namang isuot pareho ang dalawang bracelet. Atsaka malay mo naman, bumalik ang daddy ng baby mo, edi masaya—Aray ko!"
Kinurot ko nga siya sa tagiliran. Ang daldal masiyado, e. Hindi ko na muna binili ang bracelet dahil matagal pa naman bago ako manganak.
Lumipat kami sa ibang tindahan at panay naman ang bili ni Kristine. Talagang sinusulit niya ang paggastos ngayon dahil bukas babalik na sa normal ang mga ibinibenta nila dito.
"Halika doon, Cae! Manood tayo ng nag-f-fire dancing," pagyaya ni Kristine at hinila na naman ako sa kung saan.
Manghang-mangha sila sa pinapanood. Bumubuga ng apoy ang mga sumasayaw at ipinapaikot-ikot pa 'yon. Samantalang ako, natatakot ako para sa kanila. Baka mapaso sila sa apoy. Matalsikan pa nga lang ng mantika, masakit na, e. Paano pa kaya kapag mismong apoy na?
"Doon na lang tayo sa kabila," bulong ko kay Kristine.
Lumipat kami sa ibang nag-pe-perform. Ito naman, grupo ng mga babaeng nag-be-belly dancing. Tuwang-tuwa rin ang mga nanonood hindi ko alam kung dahil ba magaling ang sumasayaw o sa ibang dahilan.
Inilibot ko ang paningin para sana maghanap ng ibang mapapanood pero napahinto ang mata ko sa dalawang tao. Kay Andriuz at sa babaeng nakita ko doon sa bahay niya. Nasa harap sila ng tindahan ng mga patalim at seryosong nag-uusap. May sinabi ang babae kaya napangiti si Andriuz.
Ang saya niya, ah. Mukhang nag-e-enjoy siya sa trabaho nila. Baka naman ibang trabaho talaga ang inaatupag niya.
May mga nagtatakbuhang mga bata at muntik nang mabunggo ang babae pero mabilis siyang nahawakan ni Andriuz. Natawa ang babae. Halatang kinilig siya sa nangyari.
"Cae, saan ka ba nakatingin? Parang galit na galit ka, e."
Nilingon ko si Kristine at umiling. "Wala naman. Lipat na tayo sa iba."
Muli akong sumulyap kila Andriuz pero wala na sila doon. Ang bilis naman nilang umalis. Naramdaman ba nila ang matalim kong titig sa kanila?
Naglibot-libot pa kami ni Kristine sa plaza hanggang sa mapagod kami at magutom. Niyaya niya ako sa isang kainan kaya sumama na lang ako.
"Anong gusto mo, Cae?" tanong ni Kristine pagkaupo namin.
"Siopao na lang," sabi ko.
Tumayo siya para bilhin ang kakainin namin at naghintay namana ko sa mesa. May pumasok sa kainan at natigilan ako nang makita na naman sila Andriuz at 'yung babae.
Napatingin sa akin ang babae at mukhang nakilala niya ako dahil ngumiti siya bago may sinabi kay Andriuz. Nag-iwas ako ng paningin at nagkunwaring hindi sila nakita.
Sa dami ng puwedeng kainan, bakit dito pa sila nagpunta?
Bumalik din kaagad si Kristine dala-dala ang pagkain namin. Bumili rin pala siya ng fries para sa aming dalawa. May juice na rin. Mabuti na lang dahil nauuhaw na ako.
"Ilang minuto na lang bago magsimula ang fireworks display kaya dapat bilisan natin para makahanap tayo ng magandang puwesto," sabi ni Kristine bago kinagatan ang siopao niya.
Tumango ako at nilagyan na ng sauce ang siopao. Hinati ko iyon sa gitna bago ko kinain. Tama nga si Kristine, masarap ang pagkain dito. Naubos ko kaagad ang siopao at sunod kong nilantakan ang fries nila.
"Ang lakas mo pala kumain, 'no? Sabagay, may laman nga pala ang tiyan mo," natatawang sabi ni Kristine.
"Bibili ako ulit, iuuwi ko sa bahay," sabi ko.
"Sige sige. Ako na ang bibili para hindi ka na tumayo."
Binigay ko sa kaniya ang pera at bumili siya ng tatlong siopao at malaking fries. Nabawasan kahit papaano ang sama ng loob ko pagkatapos kong kumain. Pero nang makita ko ulit sila Andriuz ay na-badtrip na naman ako.
Napatingin din sa akin si Andriuz at sumulyap siya sa hawak kong pagkain. Inirapan ko muna siya bago ako lumabas ng kainan na 'yon.
Dumiretso kami ni Kristine sa lugar kung saan makikita nang maayos ang fireworks display. At maganda siyang pumili ng puwesto si Kristine dahil kitang-kita namin iyon.
Napakaganda. Para silang mga bituin na sumasabog sa langit at unti-unting nawawala.
Hinawakan ko ang tiyan ko at napangiti.
Baby, sana nakikita mo rin ang nakikita ko, siguradong magugustuhan mo. Pangako ko, gagawin ko ang lahat para mapalaki ka nang maayos. Hindi kita pababayaan. Ako ang magiging kakampi mo sa lahat ng oras.
Bandang alas-syete na ng gabi nang matapos ang fireworks display. Nagsisimula nang umuwi ang mga tao at hinintay muna naming kumaunti sila. Nang maluwag na ang daanan ay 'tsaka kami umalis ni Kristine doon.
Papunta na kami sa sakayan ng tricycle nang tumigil sa paglalakad si Kristine.
"Ano 'yon, Kristine?" tanong ko.
"Naku, nakalimutan ko ang pinapabili ni mama. Dito ka lang muna, Cae. Bibilisan ko lang ang pagbili. Hintayin mo ako!"
Hindi na ako nakapagsalita pa dahil bigla na lang siyang tumakbo palayo. Hinintay ko siya sa may sakayan ng tricycle pero masiyado na siyang natatagalan kaya naisip kong sundan na lang din siya.
Nakita ko siya sa harap ng tindahan ng mga kubyertos. Nasa kabila 'yon kaya kailangan kong tumawid. Wala namang sasakyan kaya tumawid na ako pero biglang may sumulpot na motor mula sa kung saan kaya nanlaki ang mga mata ko.
Bago pa ako makapag-react ay may humatak na sa braso ko papunta sa gilid ng kalsada.
"Shit, I'm almost late. Are you okay?"
Tiningala ko ang taong nasa harap ko at nakita ko si Andriuz. Bakas ang pag-alala at takot sa mukha niya habang tinitingnan ako.
Hindi ko magawang sumagot dahil maski ako ay nagulat sa nangyari. Kung hindi niya ako nahila kaagad, paniguradong nasagasaan na ako at ang baby ko. Hindi ko alam ang gagawin ko kung sakaling may nangyaring masama sa baby ko dahil sa kapabayaan ko.
"Caelan, talk to me. Are you okay?" he asked again.
I nodded then he suddenly hugged me. Hinayaan ko siya dahil kahit papaano ay napapawi ang takot ko. Pakiramdam ko ligtas ako dahil nandito siya.
"Hindi ka ba talaga marunong mag-ingat? Kung hindi kita nahila kaagad, ano sa tingin mo ang mangyayari? Feeling mo ba may siyam na buhay ka? Ayaw mong ginugulo kita pero hindi mo naman inaalagaan nang mabuti ang sarili mo."
Hindi ako nagsalita. Tama siya, ayaw ko nang makita siya ulit pero siya naman palagi ang nagliligtas sa akin. Kahit anong gawin ko, lapitin ako ng panganib.
Dumating ang babaeng kasama niya pero nanatiling nakayakap sa akin si Andriuz.
"Andriuz, what happened?" she asked.
"Cae!"
Ako na mismo ang kumalas sa pagkakayakap ni Andriuz nang marinig ko ang boses ni Kristine.
"Ayos ka lang ba?" tanong pa niya.
Tumango ako. "Ayos lang ako."
"Naku. Buti na lang at ligtas ka. Isipin mo naman ang baby mo bago ka kumilos para—"
"Kristine," mariin kong tawag sa kaniya. "Umuwi na tayo."
Hindi ko na nilingon pa si Andriuz dahil natatakot akong makita ang reaksyon niya. Sa sobrang lapit niya, siguradong narinig niya ang sinabi ni Kristine. At hindi ko alam ang isasagot kung sakaling magtanong siya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top