Chapter 19

Blame

🔥


"Cae, sa music video kailangan mong tumalon mula doon. Don't worry naka-harness ka naman," sabi ng direktor.

Tiningala ko ang itinuro niya at bigla akong kinabahan. Medyo mataas 'yon. First time kong gagawin 'to at ayaw kong magkamali.

Pagkaalis ni direk ay lumapit kaagad sa akin si Mario. "Kakayanin mo ba? Ang sabi mo sumasakit ang ulo mo, sa ibang araw na lang kaya?"

Umiling ako. "Huwag na, Mario. Okay na ako ngayon. Nakatulong ang gamot na ibinigay mo."

"Okay, standby! Cae, umakyat ka na sa 'taas," utos sa akin ni direk.

Tumayo na ako at nagtungo sa likod ng pader. Kinabitan nila ako ng harness bago ako umakyat sa itaas. Mas lalo akong kinabahan nang makarating na ako sa tuktok ng pader. Para akong masusuka.

Huminga ako nang malalim at pinilit na kumalma. May sinabi si direk na hindi ko masiyadong marinig dahil para akong nahihilo. Umikot ang paningin ko at parang biglang umalon ang sahig. Hanggang sa hindi ko na alam kung anong nangyari.

Nagising na lang ako sa condo ko. Magaan na ang pakiramdam ko ngayon kumpara kanina. Bumangon ako at lalabas na sana ng kuwarto nang tumunog ang phone ko.

May tumatawag galing sa unregistered number. Sinagot ko iyon para malaman kung sino.

"Hello? Sino 'to?" tanong ko.

"Caelan."

Nabosesan ko ang nagsalita at sigurado akong si Oliver 'to. Humigpit ang pagkakahawak ko sa phone.

"Oliver, ano na namang problema mo?" mariing tanong ko.

Tumawa siya. "Huwag mo kalimutang manood ng balita. Para malaman mo kung anong ginawa ko sa mahal mong abogado."

Naputol ang tawag kaya mabilis akong lumabas ng kuwarto para buksan ang T.V.

"Cae, gising ka na pala. Anong problema?" tanong ni Mario pero itinuon ko lang ang atensyon ko sa balita.

Hindi malabong niloloko lang ako ni Oliver pero hindi rin imposibleng saktan niya talaga si Andriuz.

"Flash report: Nasagasaan ng ten-wheeler truck ang isang lalaking tumatawid sa kalsada. Napag-alamang ang lalaki ay isang abogado na si Attorney Andriuz Frowlan Baltazar..."

"Andriuz..."

Hindi ko mapigilang manghina dahil sa balita. Si Andriuz... nasagasaan siya.

"Cae, kumalma ka muna—"

"Mario, gusto kong makita si Andriuz. Samahan mo ako. Please, gusto ko siyang makita. Mario... dalhin mo ako sa kaniya," humihikbing pakiusap ko.

Sa sasakyan pa lang ay hindi na maawat ang panginginig ng mga kamay ko. Kahit pa sinasabi ni Mario na magiging maayos lang ang lahat ay hindi ko pa rin magawang kumalma.

Pagdating sa hospital ay dumiretso kaagad ako sa emergency room kung saan isinugod si Andriuz. Naabutan ko sa labas ng ER ang pamilya niya. Nakita ako ni Aireen at agad niya akong nilapitan.

"N-Nasaan si Andriuz? Ligtas na ba siya?" tanong ko pero imbes na sagutin ay naramdaman ko ang malakas niyang sampal sa akin.

"Aireen!" pagsaway sa kaniya ni Sebastian.

"Ang kapal ng mukha mo! Ikaw ang dahilan kung bakit naaksidente siya! Pinatay mo na nga si Ate Melanie, gusto mo pang isunod ang kapatid ko!" sigaw niya.

Tanging pag-iling lang ang nagawa ko. Hindi ko ginustong mapahamak si Andriuz. Hindi ko naisip na itutuloy pa rin ni Oliver ang plano niya. Akala ko, titigil na siya dahil naibigay na niya kay Andriuz ang mga ebidensya.

"Aireen, kumalma ka nga muna! Huwag mong ibunton kay Caelan ang galit mo! Wala siyang kasalanan!"

"Anong wala! Siya ang nagpapunta kay Andriuz sa lugar na 'yon! Pinigilan ko siya pero ang sabi niya, kailangan niyang makita ang babaeng 'yan!"

Muli akong umiling. "Hindi...hindi totoo 'yon."

"Nasa condo si Caelan noong mga oras na naaksidente si Andriuz. Kaya huwag mo siyang pagbintangan," sabad ni Mario sa usapan.

Napatingin ako sa mga magulang ni Andriuz na pareho ring nakatingin sa akin. Mukhang kumbinsido silang ako nga ang may kasalanan.

"Huwag kayong mag-alala, sisiguraduhin kong mapaparusahan ang sinumang nanakit kay Andriuz," sabi ko bago sila tinalikuran.

Agad na sumunod sa akin si Mario. Kinuha ko sa kaniya ang susi at mabilis na sumakay sa kotse.

"Cae! Saan ka pupunta?" tanong niya at sasakay na sana sa kotse pero ni-lock ko ang mga pinto.

Pinaandar ko ang sasakyan papunta sa bahay ni Oliver. Dumiretso ako sa opisina niya pero wala siya doon. Sunod kong pinasok ang kuwarto niya at naabutan ko siyang nakikipaglampungan sa ibang babae.

Kinuha ko ang lampshade at ibinato sa kanila 'yon. Gulat na napatingin sa akin ang babae kaya inilabas ko ang kutsilyo mula sa bag ko.

"Kung gusto mo pang mabuhay, lumayas ka na dito!" sigaw ko sa kaniya.

Halos madapa siya sa kamamadaling umalis.

"Maling desisyon na pumunta ka dito, Caelan. Dito ka na mamamatay—"

"Tumahimik ka!" sigaw ko. "Sinabi ko sa 'yong tigilan mo si Andriuz! Pero pinasagasaan mo siya! Ako mismo ang papatay sa 'yo, Oliver."

"Don't blame me, Caelan. Blame yourself. Ibinigay ko na nga sa abogadong 'yon ang ebidensya pero hindi pa rin niya ginawa ang trabaho niya. Hindi ka niya kayang ipakulong. Bilin din naman ako sa pang-aakit mo sa kan'ya."

Natawa siya at halos maiyak pa nga. Mas hinigpitan ko ang pagkakahawak sa kutsilyo at itinutok ito sa kaniya.

Napalunok ako. Aaminin ko, napapaisip din ako kung bakit wala man lang ginawang aksyon si Andriuz kahit pa nasa kan'ya na ang ebidensya. May chance na siyang ipakulong ako at makaganti sa akin pero hindi niya ginawa.

"Porke't may hawak kang kutsilyo, matapang ka na. Pustahan, ni hindi mo ako magagawang sugatan."

Ngumisi ako. "Huwag mo akong subukan, Oliver. Nakapatay na ako ng tao noon dahil sa kagagawan mo. Kaya kayang-kaya kitang patayin ngayon!"

Tumayo siya at lumapit sa akin. Hindi ako umatras dahil hindi na ako natatakot sa kaniya.

Nang tuluyan siyang makalapit ay umikot ako at malakas siyang sinipa sa mukha. Mukhang hindi niya inaasahan 'yon kaya natumba siya sa sahig.

"Don't underestimate me, Oliver. Pinaghandaan ko ang araw na 'to. Pinagbibigyan lang kita noon dahil kay mommy pero ngayon, hindi na kita aatrasan."

Muli ko siyang sinipa nang sinubukan niyang bumangon. Alam kong mahina siya sa physical combat dahil umaasa siya palagi sa baril niya.

Nitong mga nakaraang araw, palihim akong umaalis ng condo ko para mag-training. Kumuha ako ng magtuturo sa akin at saktong si Logan ang nakausap ko. Sinabihan ko siyang huwag ipagsasabi ang tungkol sa training namin.

Sa sobrang sama ni Oliver, hindi malabong saktan niya ulit ako kaya siniguro kong kaya ko na siyang labanan.

Mas diniinan ko ang pagtapak sa dibdib niya bago ako yumuko.

"Anong ipupusta mo? Gusto ko 'yung malaki. Katulad ng...buhay mo," sabi ko bago itinarak sa kamay niya ang kutsilyo.

Napasigaw siya sa sakit at mas lalo siyang napasigaw nang hugutin ko bigla ang kutsilyo. Isasaksak ko na sana ulit sa kamay niya ang kutsilyo pero nagawa niyang sanggahin ang braso ko at itinulak niya ako paalis sa ibabaw niya.

Tumayo siya at umatras malapit sa kama. Dahandahan akong lumapit.

"Ano 'tong nakikita ko, Oliver? Natatakot ka ba?" pang-aasar ko.

"Hindi ako natatakot sa 'yo!" sigaw niya at biglang naglabas ng baril.

Itinutok niya sa akin 'yon gamit ang kaliwa niyang kamay dahil may sugat ang kanang kamay niya. Alam kong nahihirapan siya dahil hindi naman siya left-handed.

Inikot ko ang kutsilyo sa kamay ko at inihagis ko iyon. Nadaplisan siya sa braso kaya nabitawan niya ang baril. Mabilis kong sinipa palayo ang baril bago pa niya makuha.

Ako naman ang kumuha nito.

"Hawak mo na ang baril, naagaw pa. Paano na 'yan?" tanong ko at ikinasa ang hawak kong baril.

Itinutok ko ito sa kaniya at nakita ko kung paano nawalan ng kulay ang mukha niya. Hindi ko siya papatayin pero sisiguraduhin kong masasaktan siya nang higit pa sa pananakit niya kay Andriuz.

I shot his shoulder and he groaned in pain. Sobra-sobra ang galit na nararamdaman ko ngayon. Gusto ko siyang pahirapan at parusahan para sa lahat ng masasamang ginawa niya sa amin.

Binaril ko ang kabilang balikat niya at halos hindi na siya maawat sa kasisigaw.

"Caelan, huwag!" Nilingon ko si mommy nang bigla siyang dumating. "Tama na, Caelan. Gusto mo ba talagang maging kriminal? Huwag mong sirain nang tuluyan ang buhay mo."

Nanginig ang kamay ko at hindi nagdalawang-isip si mommy na lapitan ako. Pinilit niya akong ibaba ang baril.

"Tama na," bulong ni mommy.

Nakarinig ako nang kalabog kaya napatingin ako ulit kay Oliver. Hawak na niya ngayon ang isang flower vase at balak nang ibato sa amin.

"Mommy!" Mabilis akong humarang at naramdaman ko ang pagtama ng vase sa ulo ko.

"Caelan!"

Natumba ako sa sahig at ginamit ni Oliver ang pagkakataon na iyon para makatakas. Sobrang sakit ng ulo ko na para akong nahihilo. Pero pinilit ko pa ring tumayo.

"Si Oliver...kailangan ko siyang habulin," sabi ko.

"Pero Caelan, mapapahamak ka lang. Dito ka lang, please."

Hinawakan ko ang braso ni mommy. "Mas lalo tayong mapapahamak kapag nakatakas siya. Susundan ko siya."

Kahit nahihilo ay pilit ko pa ring hinabol ang sasakyan ni Oliver. Hindi na siya makakatakas sa akin. Mas binilisan ko pa ang pagpapatakbo kahit ramdam ko ang pagtulo ng dugo mula sa ulo ko.

Siniguro kong hindi siya mawawala sa paningin ko. Lumiko siya sa isang kanto na walang kahit isang bahay man lang. Puro damuhan ang nasa bawat gilid.

Saan ka pupunta, Oliver?

Nakita kong mas binilisan niya pa ang pagpapatakbo kaya gano'n din ang ginawa ko. Pero bigla na lang sumabog ang sasakyan niya kaya tinapakan ko kaagad ang preno.

Naestatwa ako at hindi makapaniwala sa nakita. Sumabog mismo sa harapan ko ang sasakyan ni Oliver. Sino namang gagawa no'n? Marami siyang kalaban na posibleng gustong pumatay sa kaniya.

Bumaba ako ng sasakyan habang pinagmamasdan ang nasusunog na sasakyan.

Patay na talaga siya? Tapos na ba talaga?

"Caelan!" Lumingon ako at nakita ko si mommy na tumatakbo papalapit sa akin. Agad niya akong niyakap. "Ayos ka lang ba? Anong nangyari?"

Hindi ako nakasagot agad sa mga tanong niya. Naguguluhan pa rin ako sa nangyayari. Hindi ko maisip na sa ganito matatapos ang lahat.

"Dumudugo ang ulo mo. Kailangan na nating magpunta sa hospital. Halika na," sabi ni mommy at iginiya ako sa kotse.

Siya ang nagmaneho papunta sa hospital na sinabi ko. Agad akong inasikaso ng doktor dahil na rin sa kagustuhan ni mommy. Hanggang dito, ginagamitan niya pa rin ng pera ang lahat.

Nakatulugan ko ang paggamot nila sa akin at paggising ko ay si Mario na lang ang kasama ko. Napatingin siya kaagad nang gumalaw ako.

"Cae, kumusta ang pakiramdam mo? Sumasakit ba ang ulo mo?" tanong niya.

Umupo ako nang maayos at pinakiramdaman ang sarili. Medyo nahihilo pa nga ako pero kaya ko naman nang tiisin.

"Ayos na ako. Ilang oras ba akong tulog?" tanong ko.

"Isang araw kang tulog, Cae. Kahapon nawalan ka ng malay habang ginagamot ka ng doktor. Ayos ka na ba talaga?"

Tumango ako. "Si...Andriuz. Kumusta na siya?"

Bumuntonghininga si Mario. "Alam kong magtatanong ka kaya inalam ko na kay Seb ang tungkol sa sitwasyon ni Andriuz. Ang sabi daw ng doktor, matindi ang brain damage niya kaya hanggang ngayon wala siyang malay."

Nangilid ang luha ko habang iniisip ang kalagayan ni Andriuz. Nang dahil sa akin, napahamak na naman siya.

Bakit mo ba kasi ginawa 'yon, Andriuz? Kung ipinakulong mo na lang sana ako, hindi magagalit si Oliver at hindi ka masasaktan nang ganito. Dapat ginawa mo na lang ang matagal mo nang gustong gawin. Ang pahirapan ako.

Tumunog ang phone ni Mario kaya lumabas muna siya saglit. Sakto namang pumasok ang doktor sa kuwarto ko.

"Miss Caelan, how are you feeling?" he asked.

"Medyo nahihilo lang po ako. Pero madalas ko naman po itong maramdaman, doc."

Tumango siya. "Mabuti na lang at hindi ka masiyadong nasaktan. Kailangan mo lang gawin ngayon ay magpahinga. Hindi ka puwedeng ma-stress para hindi maapektuhan si baby."

Kumunot ang noo ko sa narinig. "A-Anong sabi mo, doc? Baby?"

"Oo, congratulations, you are five weeks pregnant."

Para akong nabingi bigla at halos hindi ako makapaniwala. Umiling ako at inalala ang gabing may nangyari sa amin ni Andriuz. Gumamit siya ng proteksyon kaya papaano ako mabubuntis?

"Nagkakamali po yata kayo, doc. Hindi po ako buntis..."

Ngumiti si doc. "Siguro nagulat ka pa sa nalaman mo. Pero dapat mas mag-ingat ka na sa mga ikinikilos mo para hindi masaktan si baby."

Marami pang sinabi ang doktor sa akin pero halos hindi ko na maintindihan ang mga 'yon. Hindi pa rin ako makapaniwalang buntis ako. Isang gabi lang may nangyari sa amin ni Andriuz pero nagbunga na kaagad.

Bumalik si Mario sa kuwarto at may daladala na siyang basket ng mga prutas. Inilapag niya iyon sa mesa bago ako nilapitan.

"Anong sabi ni doc? Bakit nakatulala ka diyan?" tanong niya.

Huminga ako nang malalim pero hindi ako sumagot. Ililihim ko na muna ang tungkol sa pagbubuntis ko hangga't hindi ko pa alam ang gagawin.

Sinubukan kong bumangon pero bigla akong nahilo. Parang bumabaliktad ang sikmura ko kaya pinilit kong pumunta sa banyo. Hindi naman ako nasuka, panay lang ang pagduwal ko.

Ngayon ko lang na-realize kung bakit palagi akong nahihilo nitong mga nakaraang araw. Panay rin ang pagsusuka ko. Akala ko, dahil lang sa mga nakain ko. Buntis na pala ako.

"Cae, anong nangyayari?" nag-aalalang tanong ni Mario.

Hinugasan ko ang bibig ko bago siya hinarap. "Wala. Masama lang siguro ang tiyan ko."

Humiga ako ulit sa kama para makapagpahinga. Nakatulog din ako kaagad at paggising ko ay natutulog naman si Mario sa sofa. Dahandahan akong bumangon at lumabas ng kuwarto.

Gusto kong makita si Andriuz kaya pupuntahan ko siya. Pero pagdating sa harap ng kuwarto niya ay hindi ko magawang buksan ang pinto. Hindi ko alam kung may karapatan ba akong makita man lang siya samantalang ako ang dahilan kung bakit siya nandito.

Kaya hindi na ako pumasok sa loob. Kahit pa sumilip ako sa pinto ay hindi ko siya makita kaya dito na lang ako. Atleast, alam kong nasa loob siya at buhay.

Hinaplos ko ang tiyan ko at napabuntonghininga. Siguradong hindi niya gusto ang magkaanak sa akin. Pero bubuhayin ko pa rin ang batang 'to. Palalakihin ko siya nang mag-isa.

Nang makontento ay 'tsaka ako bumalik sa kuwarto ko. Naabutan kong natataranta si Mario at kumalma lang siya nang makita ako.

"Cae, saan ka ba galing? Bigla ka na lang umaalis. Sabihan mo nga muna ako bago ka magpunta sa kung saan," sermon ni Mario sa akin.

Ngumiti ako. "Pinuntahan ko si Andriuz."

Biglang lumungkot ang mukha ni Mario at inakbayan niya ako.

"Hindi ko siya nilapitan. Natatakot kasi ako, e. Baka kasi...galit din siya sa akin. Well, mula pa naman noon, galit na talaga siya. Wala naman palang pinagbago. Hayaan mo na ako, Mario. Sa malayo ko lang naman siya titingnan."




Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top