Chapter 15

Misunderstanding

🔥



"Dahandahan po lola," sabi ko habang inaalalayang sumakay sa van si lola.

Nang makaupo siya ay 'tsaka ako pumasok at umupo sa tabi niya. Si Robin naman ay nasa harap katabi ng driver.

"Mabuti naman at nakalabas na ako sa ospital. Akala ko doon na ako magpapasko, e," biro ni lola.

Isang linggong na-confine sa hospital si lola dahil iyon ang gusto ko. Gusto kong makapagpahinga talaga siya bago lumabas. Paniguradong kapag umuwi siya kaagad ay hindi na naman siya magpapahinga.

"Basta lola, huwag ka na pong magpapagod masiyado. At huwag na rin po kayong mag-alala sa akin," sabi ko.

"Apo kita, Caelan. Kaya mag-aalala ako sa 'yo. Palagi mo ring iingatan ang sarili mo."

Sumandal ako sa balikat ni lola at bumuntonghininga. Ilang minuto lang ang biyahe at nakarating na kami sa bahay. Dinala ko kaagad si lola sa kuwarto para makapagpahinga siya.

"Babalik ka na sa Maynila?" tanong ni Robin.

Tumango ako. "Oo, may importante lang akong tatapusin. Bantayan mong mabuti si lola. Babalik ako bago magpasko."

"Sige, Caelan. Mag-iingat ka."

Sumakay na ulit ako sa van na maghahatid sa akin pabalik sa Manila. Pagdating sa condo ay napahinto ako nang makita si Sebastian sa harap ng unit ko.

"Sebastian, anong ginagawa mo dito?" tanong ko.

Nag-angat siya ng tingin sa akin bago tumayo. Sa itsura niya mukhang kagabi pa siya nandito. Ang gulo kasi ng buhok niya at gusot-gusot pa ang damit.

"Pumasok tayo sa loob. Kapag may nakakita sa 'yong paparazzi dito, bagong issue na naman 'to," sabi ko at binuksan ang pinto.

Naupo siya sa sofa habang hinihilot ang sentido. I crossed my arms in front of him.

"Anong nangyari?" tanong ko.

Bumuntonghininga siya. "Nag-away kami ni Aireen."

"Tapos? Bakit nandito ka? Dapat nandoon ka sa bahay niya at sinusuyo siya. Hindi 'yung dito ka magtatago," panenermon ko sa kaniya.

"Palagi na lang ako ang nanunuyo. Kahit hindi ako ang may kasalanan, ako ang nag-so-sorry. Kaya ngayon, siya naman ang umintindi."

Pinanliitan ko siya ng mata bago ko sinipa ang binti niya.

"Aray ko! Bakit ka ba naninipa?" reklamo niya.

"Nandito ka sa condo ko kaya puwede kitang saktan. Alam mo namang noon pa lang gano'ng babae na talaga si Aireen. Kung magsasawa ka rin pala sa pag-intindi, sana hindi mo na siya niligawan! Ano naman kung ikaw ang palaging nanunuyo? Nabawasan ba ang pagkalalaki mo? Ewan ko sa 'yo, Sebastian."

Nagtungo ako sa kusina para uminom ng tubig. Sumunod naman siya sa akin at naupo siya sa harap ng island counter.

"Caelan naman, hindi ko naman sinabing nababawasan ang pagkalalaki ko dahil doon. Gusto ko lang na siya naman ang mag-effort para sa relasyon namin."

Umiling-iling ako. "Huwag kang magpaliwanag sa akin. Kay Aireen mo sabihin 'yan dahil wala akong maitutulong sa problema n'yo. Single ako, 'di ba? Ano bang alam ko diyan? Hala sige, umuwi ka na! Bilis!"

Hinila ko siya palabas ng condo ko.

"Kaibigan ba talaga kita? Ang sama mo sa akin," nakabusangot na sabi niya.

Nginitian ko lang siya. "Kaya ko nga ginagawa 'to kasi kaibigan mo ako. Gusto kong maayos kayo ni Aireen. Ingat sa pag-uwi!"

Isinarado ko na ang pinto bago pa niya maisipang pumasok dito. Huminga ako nang malalim at nagpunta sa kuwarto para makaligo na.

After taking a shower, I put some body lotion then I wore a white satin dress. Balak kong matulog nang maaga dahil may trabaho pa ako bukas. Wala dito si Mario ngayon dahil may importante siyang nilakad maghapon.

Kasalukuyan akong nagpapatuyo ng buhok nang tumunog ang doorbell. Pinatay ko ang blower bago ako nagtungo sa pinto.

Bumalik na naman yata si Sebastian. Ang kulit talaga.

Hindi na ako tumingin sa monitor at basta ko na lang binuksan ang pinto dahil akala ko ay si Sebastian ang nag-doorbell. Pero hindi pala.

"Aireen?" gulat kong tanong. "Bakit ka nandito?"

"Alam mo kung bakit ako nandito. Nasaan si Sebastian? Nasa loob ba siya?"

Hindi pa man ako nakakasagot ay pumasok na siya sa loob ng condo ko. Sinundan ko siya kaagad dahil baka kung ano pang gawin niyang kalokohan.

"Wala dito si Sebastian. Puwede ka nang umalis," sabi ko.

She glared at me. "Stop lying to me. Alam kong nandito siya. Hindi ko siya makita sa ibang lugar na madalas niyang puntahan."

Hindi ko mapigilang matawa. "Ipipilit mo talaga ang gusto mo, ano? Okay fine, hanapin mo siya sa bawat sulok ng condo ko. Go on, feel at home."

Naupo ako sa sofa at hinayaan siyang maglibot. Magkapatid nga sila ni Andriuz, ipipilit ang gusto at walang pinakikinggan.

Matapos niyang libutin ang condo ko ay bumalik din siya sa sala. Tinaasan ko siya ng kilay.

"Ano? May nakita ka ba?" tanong ko.

Tinalikuran niya ako at nagpunta naman siya sa kusina. Sinundan ko na siya dahil baka bigla siyang kumuha ng kutsilyo at manaksak. Bigla siyang natigilan nang may makita.

Lumapit ako at saka ko napansin na naiwan ni Sebastian ang wallet niya. Kinuha ni Aireen 'yon at tiningnan pa ang laman.

"Caelan, naiwan ko ang wallet..."

Napalingon kami kay Sebastian nang bigla siyang dumating. Mukhang gulat na gulat siya na makita si Aireen. Nasapo ko ang noo ko dahil paniguradong matinding gulo 'to.

"Mga manloloko!" sigaw ni Aireen at bigla akong sinugod.

"Aireen, tumigil ka! Magpapaliwanag ako—"

"Shut up!" Sinubukang pigilan ni Sebastian si Aireen pero nagawa pa rin nitong sumugod sa akin.

Sinampal niya ako nang malakas. Pumikit ako nang mariin bago huminga nang malalim. Inis ko siyang tiningnan.

"Ano? Tapos ka na? Nasampal mo na ako, puwede na ba akong magpaliwanag?" mahinahong tanong ko kahit pa kating-kati na rin akong sampalin siya.

"Sinungaling ka! Ang sabi mo hindi pumupunta si Sebastian dito—"

"Wala akong sinabing gano'n. Ang sabi ko, wala siya dito! Kasalanan ko bang makitid ang utak mo at wala kang tiwala sa boyfriend mo?"

Mas lalo siyang namula sa galit. "Ang sabihin mo, malandi ka! Pati boyfriend ng iba gusto mong agawin!"

"Aireen, I said stop it! Umuwi na tayo!" sigaw ni Sebastian.

Pero hindi pa rin tumigil si Aireen. Nagawa niya pang basagin ang vase ko. Malala na siya.

Sa gitna ng pagwawala niya, biglang dumating si Andriuz. Mukhang nagulat din siya nang makita si Sebastian dito.

"Aireen, tumigil ka na! Sumama ka sa akin," sabi ni Sebastian at puwersahang inilabas si Aireen mula sa unit ko.

Napahinga ako nang malalim dahil sa kalat na ginawa ni Aireen. Napatingin ako kay Andriuz dahil hindi pa rin siya umaalis.

"Puwede ka na ring umalis. Lilinisin ko pa ang kalat na ginawa ng kapatid mo."

Kumuha ako ng panglinis at sinimulan ko nang damputin ang mga bubog sa sahig.

"Bakit nandito si Sebastian? Talaga bang may relasyon kayo?"

Pumikit ako nang mariin saglit bago ko siya nilingon. "Ano bang problema n'yong magkapatid, ha? Ilang beses ko nang sinabi na wala kaming relasyon ni Sebastian! Pumunta siya dito kanina pero pinaalis ko rin kaagad. Kung ayaw n'yong maniwala, bahala na kayo sa buhay n'yo."

Tinalikuran ko na siya dahil balak ko nang maglinis ulit pero bigla akong nakatapak ng bubog. Naikuyom ko ang kamao sa sobrang inis at padabog kong binitawan ang walis.

"You're bleeding," Andriuz said.

"And so? Umuwi ka na, Andriuz. Pakiusap, katatapos ko lang makipag-away sa kapatid mo kaya huwag mo nang sundan."

Paika-ika akong nagtungo sa kusina para kunin ang first aid kit. Nang makuha ko iyon ay 'tsaka ako naupo sa sofa. Sisimulan ko na sanang gamutin ang sugat ko nang biglang umupo sa harapan ko si Andriuz.

"Let me do it," he said.

"Hindi na kailangan. 'Di ba pinapauwi na kita? Umalis ka na at paki-lock na lang ang pinto," utos ko pero hindi man lang siya kumilos.

Basta na lang niyang kinuha ang first aid kit at siya na mismo ang gumamot sa sugat ko. Dahil sa puwesto namin, nagawa ko na naman siyang titigan. Nakakunot ang noo niya at sobrang seryoso sa ginagawa.

Sa sobrang paninitig ko sa kaniya ay hindi ko namalayang tapos na siya sa paggamot sa sugat ko.

He suddenly looked at me and caught me staring st him. Pero kahit na gano'n, hindi ko magawang umiwas ng tingin. Biglang kumunot ang noo niya habang nakatingin sa akin.

"Did my sister slap you?" he asked. Hindi ako nakasagot dahil umupo siya sa tabi ko habang tinitingnan ang pisngi ko. "Mukhang nakalmot ka ng kapatid ko. May sugat ang pisngi mo."

"Hayaan mo na. Maliit na sugat lang 'yan. Matatakpan din ng makeup," kalmadong sabi ko kahit pa parang nagwawala ang puso ko.

Ano nang nangyayari sa akin? Mukhang may problema na ang puso ko. Kailangan ko nang magpa-check up.

"I'm sorry for what Aireen did. Isinama ko siya dito dahil ang sabi niya aalamin niya lang kung nandito si Sebastian. Hindi ko alam na magwawala siya."

"It's okay. It's just a misunderstanding. Naiintindihan ko kung bakit siya nagseselos. Normal lang 'yon," sagot ko nang hindi siya nililingon.

Nang hindi siya magsalita ay 'tsaka ako tumingin sa kaniya. Siya naman ngayon ang nahuli kong nakatitig sa akin. Parang may kung anong dumadaloy sa isip niya na hindi ko mabasa.

Pinakatitigan ko ang mga mata niyang kasingdilim ng gabi. Sa sobrang dilim, hindi ko maiwasang mawala.

Hindi sinasadyang mapasulyap ako sa labi niya. Naalala ko na naman tuloy ang nangyari sa Zambales. Bago pa ako makagawa ng bagay na pagsisisihan ko ay tumayo na ako.

"Umuwi ka na, Andriuz. Ayaw kong magalit na naman si Aireen dahil nandito ka rin sa condo ko," pagpapalusot ko at iniwan na siya sa sala.

Pumasok ako sa kuwarto at bumuntonghininga. Bigla akong pinagpawisan kahit may aircon naman. Narinig ko ang pagsarado ng pinto kaya alam kong umalis na siya.

"Caelan, sigurado ka ba sa gagawin mo? Makikipagkita ka sa step-father mo?" tanong ni Mario.

Tumango ako. "Ito lang ang paraan para magawa ko ang plano ko."

Pupunta ako sa mansyon ni Oliver ngayon. Hihingi ako ng tawad atsaka ako maghahanap ng ebidensya laban sa kaniya.

"Kung ginagawa mo 'to dahil gusto mong ilabas ang katotohanan sa aksidente few months ago, huwag mo nang ituloy. Naibaba na ng korte ang desisyon. Tinanggap nilang aksidente ang nangyari at dahil umamin naman si Macoy, binabaan pa lalo ang sintensya niya."

Huminga ako nang malalim. "Hindi lang 'yon ang dahilan kung bakit gagawin ko 'to. Gusto kong matapos na ang kasamaan ni Oliver."

Sumakay ako sa kotse at nagmaneho papunta sa mansyon. Sinalubong ako ni mommy na mukhang natutuwa dahil sa wakas sinunod ko rin siya.

"Oliver, nandito na si Caelan," sabi ni mommy pagkapasok namin sa dining area.

Kasalukuyang nagbabasa ng diyaryo si Oliver. Sumenyas si mommy na lumapit ako kaya ginawa ko. Bumeso ako kay Oliver kahit pa nandidiri ako sa kaniya.

"Ang sabi ko naman sa 'yo, Oliver. Maiisip din ni Caelan na hindi ka niya dapat sinusuway. 'Di ba, Cae?" tanong ni mommy.

Tumango ako at ngumiti. "Patawarin n'yo ako sa nagawa ko. Nakalimutan kong kayo ang tumulong sa akin para hindi ako makulong. I'm sorry," I said.

"Apology accepted. Siguraduhin mo lang na susundin mo ang mga sinasabi ko. At iiwasan mo na pati na rin ang abogadong gustong magpabagsak sa akin."

I nodded my head.

Kailangan kong makuha ang tiwala nila. Kapag nagawa ko na 'yon, hindi na ako mahihirapang kumilos nang hindi nila pinaghihinalaan.

Tumunog ang cellphone ni Oliver at sinagot niya iyon sa harapan namin.

"Kumusta ang pinapatrabaho ko sa 'yo? Natapos mo na ba? Huwag mo nang pakawalan ang taong 'yan. Ako mismo ang tatapos sa kaniya."

Bigla akong kinabahan sa narinig. Sinong tinutukoy niya? Si Andriuz ba?

Ilang araw na mula nang huli kaming magkita ni Andriuz. Posibleng nag-utos na naman si Oliver ng papatay kay Andriuz at madali nilang magagawa 'yon habang hindi kami magkasama.

Tinapos niya ang tawag at halos hindi maawat ang labi niya sa kangingiti.

"Magaling ang taong inutusan ko ngayon. Ilang araw lang, nagawa na niyang madakip ang kaaway ko. Dahil diyan, magpapaluto ako ng masarap na pagkain. Feel at home, Caelan."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top