Chapter 14
Selfish
🔥
"Caelan."
Dahandahan akong dumilat nang may tumapik sa balikat ko. Agad kong nakita ang mukha ni Andriuz. Bahagyang nakakunot ang noo niya.
"Caelan, bakit dito ka natulog?" tanong ni Andriuz. "I couldn't find any gasoline station nearby but I already called someone to fetch us."
Sinubukan kong magsalita pero hindi ko na talaga kaya. Ang tanging magagawa ko na lang ay titigan siya.
"Are you okay? Mas lalo ka yatang pumutla ngayon," sabi niya pa. "Bakit hindi ka nagsasalita? Naputulan ka ba ng dila?"
Hindi ko mapigilang matawa kaya sumakit lalo ang braso ko. Napadaing ako at napansin ni Andriuz 'yon. Wala na akong nagawa nang bigla niyang tingnan ang braso ko.
"What the hell? May sugat ka. Tinamaan ka pala ng bala kanina pero bakit hindi mo sinabi? You're so stupid."
Binuhat niya ako at dinala palabas ng banyo. Sinalubong kami ng matanda at mukhang nag-aalala rin siya.
"May tama siya ng baril. Saan ko siya puwedeng ihiga?" tanong ni Andriuz.
"Dito, iho. Ilapag mo siya."
Inihiga niya ako sa kung saan at parang gusto ko na kaagad matulog. Ang komportable sa pakiramdam kahit hindi ito kasinglambot ng kama ko sa condo.
Naramdaman kong pinunit ni Andriuz ang manggas ng damit ko kaya napadilat ako. Sinamaan ko siya ng tingin.
"Gagamutin ko ang sugat mo kaya huwag kang mag-inarte."
Mas lalong kumunot ang noo niya nang makita ang sugat ko. Para bang gusto niya na akong suntukin ngayon.
"Hindi ka talaga nag-iisip. Masiyado bang mataas ang pride mo kaya hindi mo magawang humingi ng tulong?"
Paano naman ako hihingi ng tulong sa 'yo? Alam kong labag sa loob mo ang pagtulong sa akin kaya hindi ko na ginawa. Ayaw kong madagdagan pa ang guilt na mararamdaman mo kapag tinulungan mo ako.
"Kukunin ko lang ang first aid kit sa kotse."
Umalis siya at wala pa yatang limang minuto ay nakabalik na siya kaagad. Inumpisahan niya nang gamutin ang braso ko. Sobrang gaan ng kamay niya na hindi man lang ako nasaktan. Kahit tapos na niya akong gamutin ay nanatili akong nakapikit.
Nararamdaman ko siya sa gilid ko pero hindi ko alam kung anong ginagawa niya. Hanggang sa tuluyan na akong nakatulog.
Nagising ako dahil sa malalakas na kulog. Ramdam ko ang bawat hampas ng hangin dahil hindi naman gawa sa bato ang bahay. Madilim na sa labas kaya sa tingin ko ay gabi na.
Wala pa ba ang susundo sa amin? Sa sobrang lakas ng ulan mukhang malabo yatang masundo kami ngayon.
Napansin ko na may nakapatong na coat sa balikat ko kaya nilingon ko si Andriuz. Nakaupo siya sa tabi ng hinihigaan ko habang nakasandal sa pader at nakapikit.
Natutulog siya nang nakaupo? Parang ang hirap naman ng posisyon niya.
Pinakatitigan ko siya. Ngayon ko lang nagawa ito. Kahit madilim, kitang-kita ko kung gaano katangos ang ilong niya. Sakto lang ang haba ng pilikmata niya pero makapal ang kilay. Kaya kapag nagsusungit siya, kitang-kita sa mukha niya.
Kumulog nang malakas kaya napapikit ako. Hindi ako sanay na nakakarinig ng kulog dahil hindi naman tumatagos 'yon sa condo ko. Tapos itong bahay... hindi ko alam kung kaya ba kaming protektahan nito kapag may tumamang kidlat.
Kinakabahan ako kaya dahandahan akong umusog palapit kay Andriuz. Gumalaw siya kaya nagkunwari akong tulog. Pero muling kumulog nang malakas kaya napatakip ako ng tainga.
Hindi naman siguro niya iisiping gising ako? Normal lang bang magtakip ng tainga ang tulog?
Naramdaman kong balak niyang umalis kaya hinawakan ko ang kamay niya. Hindi ako dumilat dahil nahihiya akong makita ang mukha niya.
"Dito ka lang," bulong ko.
Bumalik siya sa puwesto niya kaya natulog na ako ulit.
Kinabukasan ay nagising ako dahil sa ingay. Narinig ko ang boses ni Mario kaya bumangon ako kaagad. Saktong pumasok siya sa loob ng bahay at nakita ako.
"Caelan!" naiiyak na sambit niya at balak sana akong yakapin pero pinigilan siya ni Andriuz. "Anong problema mo?"
"May sugat siya sa braso," tanging sagot ni Andriuz.
Nanlaki naman ang mga mata ni Mario sa narinig. Tiningnan niya agad ang braso ko.
"Halika na, Caelan. Dadalhin kita sa ospital. Ang putla-putla mo pa rin, oh."
Tumango ako at sumama na kay Mario. Nang pasakay na kami sa van ay napansin kong hindi nakasunod si Andriuz sa amin. Nilapitan ko siya saglit.
"Hindi ka ba sasabay pabalik?" tanong ko.
"I don't think that your manager will allow me," he said.
"You saved me last night. Isasabay ka na namin pabalik bilang bayad."
He stared at me for a while before he sighed. Magrereklamo pa sana si Mario nang sumakay si Andriuz sa van pero nginitian ko lang siya.
Habang nasa biyahe ay sinubukan kong magpahinga saglit. Tumunog ang phone ko na hawak ni Mario kaya napadilat ako.
"Sinong tumatawag?" tanong ko.
Iniabot niya sa akin ang phone ko at nakita kong si Robin ang tumatawag. Agad ko itong sinagot.
"Hello, Robin? Bakit ka napatawag?"
"Caelan! Si lola..." Napatuwid ako ng upo nang marinig ko siyang umiiyak.
"Anong nangyari kay lola?"
"Isinugod ko siya sa ospital. Inatake siya sa puso, Cae."
"Ano? Saang hospital? Pupunta ako diyan."
Hindi ko mapigilan ang panginginig ng kamay ko pagkatapos kong kausapin si Robin. Tumingin ako sa driver.
"Manong, dumiretso po tayo sa Zambales," utos ko.
Hinawakan ni Mario ang kamay ko. "Cae, ano bang nangyayari? Kumalma ka nga muna."
"Mario, si lola...inatake siya sa puso. Kailangan ko siyang makita."
Napaiyak ako sa sobrang pag-aalala. Pakiramdam ko nahihilo na naman ako dahil sa nalaman. Sobrang bilis at sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko. Halos hindi ako makahinga nang maayos.
"Pero kailangan mo munang magpa-check up—"
"Magpapa-check up ako kapag nasiguro kong ligtas na si lola. Pakiusap, Mario. Payagan mo akong makita si lola," pagmamakaawa ko sa kaniya.
Hindi ko alam ang gagawin ko kapag may nangyaring masama sa lola ko. Hindi ako mapapanatag hangga't hindi ko siya nakikita. Ayaw kong mawala si lola sa akin.
Bumaba ako kaagad mula sa van pagkarating namin sa hospital. Sinalubong ako ni Robin sa may lobby at sinamahan niya ako kay lola.
"Inatake si lola sa puso nang mapanood niya sa balita ang nangyari sa 'yo, Caelan. Sobra siyang nag-alala," sabi ni Robin.
"Kumusta ang lola ko, doc? Magiging maayos naman siya 'di ba?" tanong ko sa doctor pagkalabas niya sa kuwarto ni lola.
"It's just a minor heart attack. Pero kailangan pa ring magsagawa ng mga test. Nalaman ko na madalas mapagod ang pasyente kaya I suggest na magpahinga muna siya. Dahil kapag muli siyang inatake sa puso, I'm afraid she couldn't make it. Excuse me."
Pumasok ako sa kuwarto ni lola at tahimik na umiyak sa tabi niya.
"Lola...huwag n'yo po akong iiwan, ha? Hindi ko po kayo papayagan. Hindi ko kakayanin, lola," sambit ko habang pinipigilan ang paghikbi.
"Cae, magiging okay din ang lola mo," sabi ni Mario.
"Iwan n'yo muna ako. Dito lang ako sa tabi ni lola. Hindi ko siya iiwan."
"Pero, Cae. Magpapa-check up ka pa—"
"Ang sabi ko, dito lang muna ako, Mario. Nasa hospital na ako kaya walang mangyayari sa akin dito."
Bumukas at sumarado ang pinto kaya alam kong lumabas na sila. Si Robin naman ay pinauwi ko na rin muna.
Nang kumalma ako ay naisipan kong lumabas muna para magpahangin. Naupo ako sa may bench habang pinagmamasdan ang mga puno.
Kasalanan ko. Inatake si lola sa puso nang dahil sa akin. Pati si lola, nasasaktan nang dahil sa kagagawan ko. Hindi ko kayang mawala si lola pero ako naman ang dahilan kung bakit nasa hospital siya ngayon.
Wala talaga akong kuwenta. Ginugulo ko ang lahat ng buhay nila. Pati mga taong mahal ko, sinasaktan ko.
Tumayo ako para bumalik na sana sa loob pero nakita ko si Andriuz. Nakatingin siya sa akin kaya pinunasan ko ang luha ko. Nilapitan ko siya.
"Mukhang malakas ka sa itaas, Andriuz. Unti-unti ko nang nararanasang ang sakit ng mawalan. Masaya ka ba?" tanong ko sa kaniya.
Lalampasan ko na sana siya pero hinila niya ako at niyakap. Mabilis na bumuhos ang luha ko na kanina ko pa gustong matapos. Kahit gustuhin kong maging malakas sa harap ng iba, hindi ko na talaga kaya.
"I'm sorry...hindi ko naman sinasadyang mabangga si Melanie...pinagsisisihan ko 'yon. Kaya sana...sana huwag nang madamay sa kasalanan ko ang pamilya ko. Huwag mo nang hilingin na mapahamak sila, Andriuz! Kasi pinapakinggan ka ng langit at ako hindi... Kasi mabuti ka at ako ang masama."
I suddenly felt dizzy then I lost my consciousness again.
Nagising ako at hindi na ako nahihilo ngayon. Bumukas ang pinto at pumasok si Mario.
"Cae, bakit ba napakatigas ng ulo mo? Palagi ka na lang napapahamak kasi hindi ka nakikinig sa akin," panenermon niya.
Bumuntonghininga ako. "Kumusta si lola?"
"Maayos naman na siya. Hindi ko na sinabi na naka-confine ka rin dito para hindi na siya mag-alala. Alagaan mo naman ang sarili mo para hindi na mag-alala ang lola mo, Cae. Isa pa 'yung si Andriuz, sinabi ko nang tigilan ang pagsunod sa 'yo pero ayaw talagang makinig. Kapag ako ang nainis, magdedemanda na talaga ako."
"Mario, kumalma ka," saway ko sa kaniya. "I know it's hard to believe, but he saved my life. Hindi lang isang beses, Mario."
He looked at me intently but I looked away. Alam kong pilit niyang binabasa ang isip ko.
"Palagi mo siyang ipinagtatanggol, Cae. Ginagawa mo lang ba 'to dahil gusto mong makabawi sa kasalanan mo sa kaniya o may iba pang dahilan?"
Kumunot ang noo ko at muling siyang tiningnan. "What are you talking about, Mario? Alam mo kung bakit ko ginagawa 'to. Nagi-guilty ako sa nagawa ko sa fiancee niya."
"I doubt it. You think I wouldn't notice? The way you look at him, Cae...gan'yan na gan'yan tingnan ng mama ko si papa."
Sinimangutan ko siya. "Tigilan mo nga ako, Mario. Hindi ka nakakatuwa."
Lumapit siya at naupo sa gilid ng kama ko.
"Ilang taon na kitang inaalagaan, Cae. Alam ko kung kailan ka galit, malungkot, masaya at...in love. Kapag nagmamahal ka, ibinibigay mo ang lahat sa taong 'yon. At 'yon ang nakikita ko ngayon."
Hindi ko siya pinansin. Dahil natatakot ako...na baka tama siya. Mas mabuting hindi ko na lang isipin ang bagay na 'yon. Sa sitwasyon namin, wala akong karapatang maramdaman ang gano'ng bagay.
"Caelan, wala ka talagang kuwenta!"
Biglang pumasok si mommy kaya nataranta si Mario. "Madam Clara," sabi pa niya.
Umayos ako ng pagkakaupo habang pinagmamasdan siya. Himala yatang nandito siya sa hospital ngayon.
"Mario, iwan mo muna kami," sabi ko at mukhang ayaw niya pang lumabas ng kuwarto kaya nginitian ko siya.
Nang makalabas siya ay 'tsaka ko binalingan ng tingin si mommy.
"Totoo talagang nakikipagtulungan ka sa abogadong 'yon? Alam mo bang galit na galit si Oliver?" nanggigigil na bulyaw ni mommy sa akin.
Umismid ako at napailing. "Akala ko pa naman nagpunta ka dito para kumustahin ako. Kung tungkol lang kay Oliver ang pag-uusapan natin, puwede ka nang umalis."
"Bastos ka talaga! Hindi ka pa marunong tumanaw ng utang na loob! Bakit ba mas kinakampihan mo ang Andriuz na 'yon? 'Di ba siya mismo, gusto ka ring patayin?"
Ikinuyom ko ang kamao ko. "Kumakampi ako sa alam kong tama. Si Oliver, puro kasamaan lang ang ginagawa kaya bakit ako papanig sa kaniya? Hindi pa ako tanga para gawin 'yon—"
Sinampal niya ako. Pero hindi ako nagpatinag. Ilang beses na akong nakatanggap ng sampal mula sa kaniya kaya hindi na ako naaapektuhan.
"Puwede kang ipapatay ni Oliver dahil sa katangahan mo, Caelan! Mapoprotektahan ka ba ng abogadong 'yon sa oras na patayin ka ni Oliver? Hindi! Kaya hangga't puwede pa, hihingi ka ng tawad kay Oliver at susundin mo kung anong gusto niya!"
Matapang kong tiningnan si mommy. "Ako? Hihingi ng tawad? Hindi niya tatanggapin 'yon. He doesn't want my apology. He wants my body, mommy. Naiintindihan mo? Ilang beses niya na akong binalak na gahasain pero hindi ka naniniwala!"
"Dahil sinungaling ka! Sa ayaw at sa gusto mo, makikipagkita ka kay Oliver at hihingi ka ng tawad!"
Pagkatapos sabihin 'yon ay umalis na lang siya bigla. Hindi ako makapaniwalang siya ang ina ko. Ang sarili kong ina, hindi man lang ako magawang kampihan.
Nakakasama ng loob. Wala na akong ginawang tama sa paningin niya. Kahit pa ang gusto ko lang naman ay maging masaya kaming lahat. Iniisip niya palagi na sinisira ko ang buhay niya. Pero ang buhay ko? Hindi niya ba naisip na matagal nang nasira ang buhay ko nang dahil din sa kaniya?
Why are you so selfish, mom?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top