Kabanata 1
“Anak, mag-ingat ka sa syudad ha! Alam mo namang iba ang buhay doon dito sa Esperanza,” ani Nanay sabay haplos sa aking pisngi. “Pasensya na kung kinailangan mong gawin ito. Kung puwede lang talaga ako, eh.”
Ngumiti ako kay Nanay upang hindi siya malulungkot. Hindi naman kasi puwede na ganito na lang lagi ang buhay namin. Tatanda na ang mga magulang ko. Lumalaki na rin ang mga gastusin namin dahil sa mga kapatid ko na nag-aaral. At higit sa lahat, pangarap ko sa kanila na magkaroon na kami ng sariling bahay at lupa upang hindi na kami magbabayad buwan-buwan.
“Ayos lang naman, Nay! Ano ka ba? Pinalaki mo akong independent kaya sigurado ako na kakayanin ko ang syudad!”
“Ate! Maghanap ka ng mayaman doon ha para makaalis na tayo rito!”
Agad binatukan ni Nanay si Eros. Kung anu-ano na lang kasi ang lumalabas sa bibig.
“Basta mag-ingat ka, ha?”
Hinawakan ko ang kanyang kamay. “Kayo rin po, Nay. Mag-ingat po kayo ni tatay at ng ng mga kapatid ko. Kapag may problema po ay huwag kayong mag-atubling tawagan ako.”
Ibinigay na ni Eno ang bag ko at saka nang may dumaan na bus sa daan, sila na mismo ang nagpahinto nito upang makasakay ako.
“Aalis na po ako, Nay,” ani ko sabay kaway sa kanila. “Tatawag po ako kapag nakarating ako.”
“Sige, anak.” Kumaway na rin siya.
Napangiti ako bago umakyat sa bus at naupo sa puwestong paborito ko, ang upuan na malapit sa bintana.
Ito ang unang pagkakataon ko na mahihiwalay sa aking pamilya. Sa loob ng dalawampu’t tatlo, sabay-sabay naming tinitiis ang mga hirap sa buhay. Ngunit ngayon, kinailangan kong lumabas at magsikap upang mailabas sila mula sa kahirapan.
Hindi naman ako tutungo sa Nuevo na walang magandang balita para sa akin. Natanggap kasi ako sa trabaho bilang sekretarya sa isang kompanya at hindi naman puwedeng uuwi ako rito araw-araw eh 87 kilometers ang layo mula Esperanza. Wala akong 170 pesos araw-araw no! Kaya uupa na lang ako pagdating ko roon.
***
“Ikaw si Eya?” tanong ng isang babae na may dala pang balde. Mukhang siya ang landlady dahil sa aura niya.
“Opo,” sagot ko. “Ikaw po yung na-contact ko?”
“Oo, ako nga. Kay ganda mo namang dalaga. Hindi halata na isang probinsyana, ah!”
Hindi ko alam kung dapat ko bang ikatuwa ang sinabi niya pero ngumiti na lamang ako.
“Teka ah! Magsasampay lang ako saglit! Pumasok ka sa loob at maupo sa sala! Babalikan kita.”
Tumango ako at pumasok na sa loob ng malaking bahay. Tulad ng ibang mumurahin, ang malaking bahay na ito ay nasa siksikang lugar dito sa syudad. Katakot kung may sunog pero ano ba ang magagawa ko? Di ko naman afford ang mga kuwarto na mamahalin kaya tiis-tiis talaga sa ganito.
Maraming kuwarto agad ang nakita ko lalo na sa ikalawang palapag. Marami ang nangupahan. Ang iba pa nga ay kahit hindi magkakilala, sabay na nagsikainan sa isang malaking lamesa.
Para akong nasa PBB house. Pero ang kaibahan lang, walang oras ang mga tao na mag-chikahan dahil parang hinahabol nila ang oras.
Ito ang gusto ko sa syudad. Lahat ng tao ay busy. Walang oras na manghimasok sa buhay ng tao dahil may sarili silang inaalala.
Naupo na lamang ako sa sofa dito sa maliit na sala at bumuntonghininga. Bukas na ang first day ko at hindi ko maiwasan ang ma-excite dahil may trabaho na ako. Sa dami ng nag-apply sa posisyon, ako pa talaga ang napili kaya malaki ang pasasalamat ko sa panginoon dahil sa oportunidad na ito.
“Taga Esperanza ka, no?”
Napaayos ako ng upo nang pumasok ang landlady. Nakangiti na siya sa akin ngayon.
“Yes po!”
“Naku! Kahit probinsya iyan ay napakaganda! Bakit ka nandito sa Nuevo eh dami naman sigurong trabaho sa Esperanza!” aniya sabay ngisi. “Ako nga, plano ko magtayo ng bahay doon kaso ang mamahal ng mga lupain!”
“Oo nga po.”
“Napansin ko rin na ang mga babae na galing Esperanza ay mga magaganda! Dalagang Pilipina ang dating! Sana huwag kang ma-impluwensya dito sa Nuevo, ah!”
“Hindi naman po siguro.”
“Halika na. Ihahatid kita sa magiging kuwarto mo.”
Nasa ikalawang palapag ng bahay na ito ang kuwarto ko. Walo ang kuwarto sa ikalawang palapag at nasa ikatatlong pinto ako. Sakto lang naman. May kama, ceiling fan, at lalagyan ng mga damit. Suwak na ang isang 1,500 pesos kada buwan. Ito na nga yata ang pinakamura dito sa syudad eh.
“Hindi naman bawal ang mga lalaki rito kung may boyfriend ka,” ani ng landlady matapos kong mailapag ang mga gamit ko. “Pero hindi puwedeng magtagal. Mga isang oras lang na bisita. Kailangan din magdala ng I.D. para masiguro rin ang kaligtasan ninyo rito.”
“Wala po akong boyfriend.”
Ngumiwi siya. “Sa ganda mong iyan, mag-uunahan ang mga lalaki sa iyo dito sa syudad. Huwag ka lang talaga magpapaloko. Iba ang mga city boys.”
“Maraming salamat po.”
“Oh siya, iwan na kita ah. Lapitan mo lang ako kung may katanungan ka pa.”
“Sige po.”
Pag-alis ng landlady, agad kong kinuha ang luma kong selpon at nagtipa ng mensahe sa aking mga magulang upang ipaalam na ligtas akong nakarating dito sa syudad.
Wala na akong oras para mamili ng mga groceries dahil bukas na agad ang trabaho ko kaya matapos kong mag-arrange, diretso agad ang tulog ko dahil na rin sa matinding pagod mula sa tatlong oras na byahe.
***
“Ikaw ba ang bagong sekretarya?” tanong ng isang babae na naka-formal attire.
Napatayo ako mula sa pagkaupo dito sa first floor. Sabi kasi ng isang staff, maghintay lang daw ako rito dahil may lalapit sa akin. Mukhang ito na yata iyon.
“Yes po.”
“Sumunod ka sa akin. Bad trip si Sir ngayon kaya huwag mo lalong pasakitin ang ulo niya dahil baka unang araw mo pa lang ay mawawalan ka na ng trabaho.”
Napasinghap ako sa sinabi niya. “Sige po.”
Sumunod ako sa babae patungo sa elevator. Naramdaman ko ang pagkabog ng aking puso. Unang araw ko ngayon at ayaw kong mapatalsik agad. Sinilip ko ang I.D. ng babae at nakita ko na ang pangalan niya ay si Mina. Tumikhim ako.
“Miss Mina, mabait po ba ang boss dito?”
Napalingon siya sa akin. “Base sa sinabi ko, hindi. Strikto si Sir at masyadong perfectionist. Kaya pasalamat ka at ikaw kinuha. Kapag nagkakamali ka ngayon, baka maghahanap ulit iyon ng kapalit.”
Napalunok ako.
Hindi naman siguro ako magkakamali. Kapag oras ng trabaho, nilalaan ko talaga ito sa trabaho. Kaya sana ay hindi.
20th floor ang opisina ng boss dito. Kaya pagkarating namin sa floor, mas lalo lamang akong kinabahan.
“Mina, bago ba yan?” tanong ng isang lalaki na nasa kanyang cubicle.
“Oo,” sagot ni Miss Mina nang hindi tinitingnan ang lalaking nagtanong.
“Wow! Ganda niyan, ah!”
Binilisan ko ang paglalakad ko hanggang sa huminto kami sa isang pinto. Mukhang dito ko na makikilala ang boss ko.
“May sarili ka ring cubicle,” ani Miss Mina. “Pero bago iyan, kailangan muna kitang ipakilala kay Sir.”
Tumango ako at huminga nang malalim. Kinatok ni Miss Mina ang pinto ng tatlong beses bago niya ito binuksan at inaya akong pumasok.
Pagpasok ko, halos manindig ang mga balahibo ko sa sobrang ginaw at ang lawak pa ng opisina. Parang bahay sa sobrang lawak. May magandang view pa sa labas dahil sa glass wall na nagpapabigay buhay sa tahimik na opisina na ito.
“Sir, nandito na po ang bagong secretary niyo.”
Napatingin ako sa kausap ni Miss Mina at nakita ko ang isang lalaki na nakatalikod mula sa amin habang nakatingin sa labas. Kumunot ang noo ko dahil napansin ko na medyo bata pa ito.
“Very well…” Humarap na sa amin ang magiging boss ko at hindi mapigilan ng pag-awang ng aking labi nang makita ang itsura nito.
Ang guwapo…
Napakurap ako at inayos ang sarili sa pagtayo. Kita ko ang pagtingin niya kay Miss Mina bago sa akin. Kita ko na nagtagal ang kanyang titig kaya kinakabahan ako.
Paano kung kinikilatis niya ako tapos ipapatalsik agad? Sa aura pa naman ng lalaking ito, mukhang wala siyang awa sa mga makikita niya.
“You may go now,” aniya kay Miss Mina na sinunod naman at lumabas na sa opisina, iniwan ako kasama siya.
Umupo si Sir sa kanyang swivel chair bago siya muling tumingin sa akin.
“What’s your name again?”
“A-Ako po si Era Yasmin Dela Cerna.”
Tumango-tango siya at kinagat niya ang ulo ng ballpen niya.
“Era…”
Nanindig ang balahibo ko sa klase ng pagtawag niya sa pangalan ko.
“It’s illegal to be both beautiful and gorgeous while working with me, Miss Era. Hindi mo alam kung ano ang pinapasukan mo.”
Nanlumo ako. “P-Patatalsikin niyo po ba ako?”
Tumayo siya at saka humakbang palapit sa akin. Halos mawalan ako ng hininga nang nasa harapan ko na siya.
Grabe. Ang tangkad niya. Kailangan ko pang tumingala para lang makita siya nang maayos.
Lumapit siya sa akin at bumulong. “Hindi…” Hinawakan niya ang balikat ko. “Magsisimula ka na ngayon. Hanapin mo si Miss Mina at itanong kung saan ang opisina mo.”
Umatras na siya pagkatapos niyang sabihin iyon at bumalik na sa kanyang puwesto. Nakahinga ako nang maluwag nang makalabas sa kanyang opisina. Akala ko ay mapapatalsik talaga ako.
Ang weirdo naman ng lalaking iyon.
Ayaw ko na agad. Di na siya guwapo sa paningin ko dahil tingin ko, hindi magiging madali ang trabaho ko rito.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top