CHAPTER 35

Chapter 35: Huli na

“SINO naman ang batang iyan, apo?” tanong ni Lola Molai at nakakunot ang noo niya habang tinitingnan ang mukha ni Wez.

“Nanay mo, manong?” tanong nito sa akin na ikinatawa ko. Kinalabit pa niya ako para lang makuha ang atensyon ko.

“Hindi. Siya ang lola ko. Siya si Lola Molai,” aniko at tumango naman siya.

“Parang ako, may lola rin po. Pero ang lola ko po ay maganda at hindi pa po kulubot ang balat niya. Hindi po siya mukhang manang,” saad niya. Ang daldal din ng batang ito at sinasabi niya ba na mukhang manang si lola?

Tuluyang nakalapit ang lola ko. Nagtago sa likod ko si Wez dahil sa paraan nang pagtitig ni Lola Molai sa bata. Sino ang hindi matatakot?

“'La, tinatakot ninyo naman ho ang bata,” natatawang wika ko pero seryosong tumitig lang talaga siya kay Wez.

“Ampûta. Mangkukulam yata lola mo, manong,” bulong nito sa ’kin na may kasama pang pagmumura. “Parang mangangain ng tao. Pûta!” Mariin akong napapikit. Parang gusto kong pitikin ang bibig ng batang ito.

“Abat! Kaninong anak ’yan, apo? Ang tabas ng dila! Puputulan ko ’yan!” sigaw ng abuela ko sabay duro sa batang babae.

“Wez, ’di ba ang sabi ko ay bawal magsalita ng bad words?” tanong ko sa kaniya sabay hila ko para tumingin siya nang diretso sa mga mata ko pero ako lang ang hindi nakatatagal.

May isang tao kasi kung makatitig sa akin nang ganoon. Nalulunod ako na parang ang hirap umahon.

“Sorry naman po. Sanay na ako. Mama ko nga ganyan din.” Naitikom ko na lamang nang mariin ang bibig ko.

Sino ba ang mama nito para mapitik din ang labi nito? Kung ano-ano na ang sinasabi niya kaya nakukuha iyon ng anak niya.

“Bawal iyon. Hindi maganda para sa bata ang magmura. Hindi iyon healthy,” pangangaral ko pa at pinisil ko ang labi niya ka ikinabungisngis niya. Napangiwi na lamang ako dahil sa nakita kong ngipin niya. “Kaya ka hindi tinutubuan ng ngipin dahil ang hilig mong magmura. Tingnan mo, kulang ang ngipin mo,” sabi ko at ngumisi pa siya para makita ko iyon nang tuluyan.

Nagulat na lamang ako nang lumapit siya kay lola. “Mano po, lola,” sabi niya at nagmano nga siya. Lola ang tawag niya, samantalang sa akin ay manong.

“Sino ba ang batang ito, apo? At ano ang ginagawa niya rito? Sino ang kasama niya?” sunod-sunod na tanong niya.

Tumayo na ako. “Siya po ang bumitbit sa anak ng kabayo ko kahapon, 'La.”

“Eh, kaninong anak naman iyan?”

“Siya po ang tanungin ninyo, ’La,” ani ko sabay turo ko sa bata.

“Sino ang mga magulang mo, bata?” tanong niya kay Wez. Tinitigan pa siya nito tapos ibinaling din sa gawi ko.

“Anak po ako ng mama ko,” sagot lang nito. Napahilot ako sa sentido ko. Si lola naman ay umiling lang at bumuntong-hininga.

“Ang mabuti pa, apo ay papasukin mo muna siya. Naghanda ako ng agahan. Tara na sa loob.” Naglahad ako ng kamay sa bata at matagal niyang tinitigan iyon. Lahat yata ng bagay na nakikita niya ay kailangan pang tingnan.

“Ayaw ko po. Uwi na ako. Hanap na ako ng lola ko,” uniiling na sabi nito at hinaplos pa niya ang katawan ng kabayo.

“Ihahatid kita kapag tapos ka nang kumain. Ayaw mo bang mag-agahan?” tanong ko pa sa kaniya at umakto siya na parang may iniisip.

“Hindi po ako gutom, manong.”

“Wez, ang pangalan ko ay Azul. Huwag mo akong tawagin na manong,” sabi ko dahil hindi yata magandang pakinggan ang tinatawag niya akong ‘manong’.

“Sige po. Azul na lang,” tumatangong sabi niya. Ayos na siguro iyon kaysa sa manong.

“Pasok tayo?” pag-aayang saad ko pa rin.

“Sabi po ng mama ko ay bawal daw akong sumama sa taong hindi ko naman po kilala. Pero. . . bibigyan mo naman po ako ng kabayo kaya sige.” I smiled at him. Hindi ko na siya hinintay pa na tanggapin ang kamay ko dahil binuhat ko na siya.

Natigilan pa ako nang nasa bisig ko na siya. Bakit naman kaya ganoon? Bakit ganito ang nararamdaman ko sa batang ito? Parang nanginig ang katawan ko sa kakaibang pakiramdam.

“Ay sino po iyan, Kuya Azul?” tanong ni Anastasia.

“Si Wez,” sagot ko at ibinaba ko na ang bata sa upuan. Inalalayan ko pa siya. Kahit si Tita Aimee ay nagtataka ring napatingin dito. Nakita ko na uneasy na si Wez at tiningnan niya rin ang mga taong pinagmamasdan siya.

“Ampûta.” Pinisil ko na ang labi nito na ikinagulat niya.

“Sabi mo basic lang na huwag magmumura, Wez. Ano na naman ’to?” tanong ko at napanguso siya. Ang kulit niya.

Marahan pa niyang pinalo-palo ang munting bibig niya. “Sorry na po. Hindi ko lang po mapigilan kasi,” pagdadahilan na wika niya. Na parang mahirap na ngang iwasan iyon.

Pinisil ko ulit ang pisngi niya. “Basta huwag mo nang uulitin pa iyon, maliwanagan Wez?”

“Aye aye, captain!” Sumaludo pa nga siya. Nakatutuwa ang batang ito. Ang sarap ibulsa. Sobrang suwerte ng mga magulang niya. Napakabibo niya.

Maganang kumain si Wez. Napansin ko rin na paborito niya ang kalabasa na ginisa ni Tita Aimee. Ang dami kong inilagay sa plato niya at ganahang mauubos niya lahat. Iyon nga lang ay hindi siya makapag-concentrate dahil sa pamilya ko. Palipat-lipat nga ang tingin sa amin. Binabalewala ko na lamang iyon at inasikaso ko na lang si Wez. Kinakalabit ako kung minsan at ituturo niya gamit ang nguso niya sina lola, tita at Asthasia. Kung titingnan niya ako ay parang magmamakaawa.

“Huwag ninyo po siyang tingnan nang ganyan. Tinatakot ninyo po siya,” naiiling na wika ko. Halos dumikit na nga sa akin si Wez.

“Pasensiya ka na, Azul. Naninibago lamang ako,” nakangiwing sabi ni Tita Aimee.

“Parang ikaw lang noong bata ka pa lamang, apo. Maski ako ay ganoon din ang nararamdaman ko. Iyong ugali niya lang ang kakaiba,” paliwanag naman ng aking abuela at bumilis ang pintig ng puso ko. Dahan-dahan kong nilingon ang batang babae. Pinunasan ko ang gilid ng labi nito. Dahil sa nakakalat na kanin nito.

Ewan ko. Ewan ko kung bakit nakikita ko rin sa batang ito ang mukha ko noong bata pa lamang ako. Ang mga mata niya lang din ang naiiba at sa ugali.

“Wez, sino ba talaga ang—”

“Naiihi ako, Azul!” Napangiwi ako sa sigaw niya.

Binalingan ko naman ang pinsan ko. “Asthasia. Puwede mo bang tulungan si Wez?” pakikiusap ko kasi babae rin naman siya.

“Huwag na po! I can handle myself!” sabi pa ni Wez at tinulungan ko na lamang siyang makababa. Napatayo ako agad dahil patakbong lumabas siya.

“W-Wez, sandali lamang!” Hinabol ko siya dahil sa bilis nang pagtakbo niya. Natatakot ako na baka madapa siya.

Pagdating namin sa labas ay napanganga na lamang ako sa gulat nang makita ko ang pag-ihi niya.

“Wewee. . .” Napatampal ako sa noo ko. Kung saan-saang side na niya iwinasiwas ang ano niya na parang bumbero lang. Lagot kami kay lola nito.

Ngunit mayamaya lang ay mahinang humalakhak na ako at nang natapos siya ay inayos ko ang shorts niya.

“Hindi ka naman pala babae. Dahil isa kang lalaki. Mahaba lang ang buhok mo at may ganito ka,” sabi ko sabay turo sa buhok niyang nasa noo niya.

“Ah! Si Eljehanni po ang may gawa nito! Sabi ko po sa kaniya ay ayaw kong magpagupit pero gusto ko iyong dulo lang po. Tapos bangs po iyan,” paliwanag niya at hinila pa niya pababa ang buhok niya.

“K-Kilala mo si Eljehanni?” gulat kong tanong.

“Yup po! Si Eljehanni na love ko! Oh, my Eljehanni! My Eljeh!” masayang bulalas niya at patalon-talon na siyang pumasok ulit sa bahay namin. Naiwan akong napatulala na lamang.

Si Eljehanni, kilala niya rin ba ang batang iyon? Wala sa sariling sumunod ulit ako. Gusto ko pa sana siyang tanungin kung paano niya nakilala si Eljehanni pero ang tanging sagot niya lang ay mahal niya si Eljehanni.

Hindi pa rin naman ako susuko at pipilitin ko pa rin siya na magsalita pero nang natapos siya sa pagkain niya ay nakatulog na siya sa sofa. Wala naman akong nagawa kundi ang dalhin siya sa kuwarto ko. Naghanap si Lola Molai ng maliit na damit ni Asthasia.

Pinalitan ko ito ng damit pagkatapos kong punasan ang buong katawan niya. Kasi basang-basa na siya ng pawis niya. Iyong electricpan ay nakatutok na sa kaniya para hindi siya mainitin. Mahimbing na ang tulog niya at medyo malikot nga lang siya.

Napapansin ko na hindi naman yata pinapabayaan ang batang ito. Wala akong nakikita na kahit na ano sa katawan niya. Ni hindi yata siya pinapadapuan ng lamok. Mestiza ang kutis niya at ang mga kuko niya ay malinis at namumula iyon.

Sa katunayan ay kakaiba rin ang amoy niya. Mamahalin ang pabango niya, ang shampoo na gamit niya sa buhok ay hindi iyong mura na nabibili mo lang sa tindahan at ang lambot pa nga ng kaniyang buhok. Nagtataka lang ako kung sino ang mga magulang niya at kaano-ano niya si Eljehanni? Kapatid kaya niya? Pero posible pa na na magkakaroon pa siya ng kapatid? Ang kulay kasi ng mga mata niya ay nakuha rin ito kay Sir El.

Naguguluhan na talaga ako at parang gusto kong malaman ang katotohanan na iyon pero kinakabahan pa rin ako. May kung ano talaga kay Wez hindi ko lang alam kung ano.

“Eljehanni. . .” Nagsalubong ang kilay ko. Maski sa pagtulog niya ay naaalala pa rin niya iyon at ganoon talaga ang pagtawag niya. Nang gumalaw siya at umungot ay tinapik ko ang puwet niya. Hindi naman siya nagising.

Hinintay ko lang siyang magising at hindi man lang ako nakaramdam nang pagod kahit nakaupo lamang ako. Hindi siya nakasasawang panoorin.

Kahit noong dahan-dahan na siyang nagmulat at tuluyang nagising ay saksi pa ako niyon. Wala man lang akong nakita na tumulo ang laway niya. Namumungay pa ang mga mata niya. Ngumiti siya nang makita ako.

“Hi,” malambing na bati niya at bumilis lang lalo ang tibok ng puso ko.

“Ang himbing nang tulog mo, ah,” aniko at dumapa siya saka siya bumangon.

“Azul, gusto ko ng gatas,” munting hiling niya. Nagutom yata siya dahil ilang oras din siyang nakatulog. Pahapon na nga rin.

Binuhat ko na siya at lumabas kami. Nagtanong ako kay lola kung may gatas pero ang sabi niya ay puwede naman daw kami kumuha sa alaga niyang baka. Dahil iyon lang ang gatas na mayroon kami. Nang ginawa ko naman iyon at isang baso ang nakuha ko ay parang takot na takot na si Wez.

“Hindi ba gusto mo ng gatas?”

“H-Hindi po gatas ng baka!” naiiyak na sigaw niya. Ang bilis umiyak ng batang palamura.

“Puwede naman itong inumin, eh,” giit ko at nang sinubukan ko pang ilapit sa kaniya ay umatras pa siya. Natatawa ako sa reaksyon niya. “Wez, gusto mong initin ko muna?” suhestiyon ko pa pero umiling siya.

“Hindi naman po ako umiinom niyan!” sigaw pa niya at sunod-sunod na ang pagpatak ng mga luha niya. Ibinaba ko sa mesa ang basong may laman na gatas para aluin siya.

“Sabi mo kasi ay gusto mo ng gatas. Wala naman kaming gatas dito kaya sa alagang baka lang ni Lola Molai ang mayroon.” Natigilan ako nang tila naduduwal siya. Si Asthasia ay pinagtatawanan na siya dahil sa kaartehan niya. “Tahan na. Hindi na kita paniinumin ng gatas ng baka,” sabi ko para tumigil na siya sa pag-iyak niya at pagduwal.

Tiningala niya ako at nakaramdam agad ako nang kirot sa dibdib nang makita ko ang mga luha niya. “Sumbong kita kay Eljehanni dahil paniinumin mo ako ng gatas ng baka ninyo!” Heto na naman siya.

“Sino ba ’yang si Eljehanni at sa kaniya mo pa ako isusumbong, ha? Kaya ba ako ng Eljehanni mo?” tanong ko para lamang magsalita na siya tungkol sa babaeng iyon.

“Si Eljehanni!” pasigaw na saad niya.

“Sino nga siya?” giit ko pa.

“Mommy ko nga! Mommy ko si Eljehanni!” My lips parted in shocked. W-What? M-Mommy niya raw si Eljehanni? Paanong. . . “M-Mommy ko!” Matiim ko pang tinitigan si Wez.

Naalala ko ang huling pag-uusap namin bago siya nagtungo sa Amerika.

“Gawa tayo ng baby, Azul. Para pagbalik ko ay may pasalubong ako sa ’yo.”

“Eljehanni. . . Hindi puwede. Dapat nasa tabi mo ako kapag may laman na ang tiyan mo.”

“Pasalubong ko nga iyon sa ’yo!”

“Ang makauwi ka lang sa ’kin nang ligtas ay isa nang magandang pasalubong.”

“Oh, sige po!”

“Pero sige, pagbibigyan kita.”

Pero totoo bang nakabuo kami? Sa akin nga na si Wez? Itong nararamdaman ko sa bata.

L-Lola Molai. May. . .may nakita po ba kayo na batang lalaki na mahaba ang buhok?” Napatingin naman ako sa pintuan nang marinig ko ang pamilyar na boses ng babaeng pinag-uusapan namin ni Wez.

Batang lalaki na may mahabang buhok na kamo, Señorita Eljeh?” tanong naman ni lola.

“Ang sabi po kasi sa akin ng mga bata ay nakita po nila na nagtungo rito si Wez at kayo raw po ang may-ari ng kabayo na bitbit niya kahapon.”

Pinunasan ko ang luha ni Wez at lumabas kami. Hindi nga ako nagkamali na siya nga iyon. Siya nga ang babaeng minahal ko four years ago at ang nagmamay-ari pa rin ng puso ko.

Nang magtagpo ang mga mata namin ay parang hindi siya nagulat na makita ako. Wala akong mabasa na kahit na ano. Parang ang kaswal lang din.

“Mommy!” Bumitaw si Wez at patakbong lumapit siya rito. Ngayon alam ko na kung sino nga ang mommy niya at kung kanino siyang anak. Lumuhod siya at agad niyang binuhat ito.

Kailangan ko na ngang kumilos lalo pa na may hinala na ako kung sino ang biological father ni Wez pero hahakbang na sana ako nang mapako ang mga mata ko sa daliri niya dahil may suot siyang dalawang singsing.

“Wez, naman. Bakit ba ang tigas ng ulo mo at palagi ka na lang umaalis sa villa? Gusto mo yatang mamatay nang maaga si mama sa pag-alala sa ’yo, ha?” narining kong mahinahon na sermon niya sa bata. “At saka bakit ka ba umiiyak, hon?”

“Si Azul po, Mommy! Paiinumin niya po ako ng gatas ng baka!” sumbong nito at parang maduduwal na naman.

“Huwag ka nang umiyak. Kasama ko ang daddy mo na umuwi rito. Kanina pa siya naghihintay sa villa. May pasalubong siya sa ’yo.” Bayolenteng napalunok ako sa narinig.

M-May asawa na ba siya? At nagkamali ba ako sa hinala ko na ako ang ama ni Wez?

“Si daddy ko?! Yes!” Tumalon-talon pa sa tuwa si Wez.

“Ah, Lola Molai. Sige po, ha? Mauna na kami,” paalam ni Eljehanni at ni hindi man lang niya ako sinulyapan hanggang sa sumakay na sila sa puting sasakyan. Siya pala ang may-ari niyon.

Naiwan ako sa labas at natulala na lamang. “Apo. . .” Hinawakan ng aking lola ang braso ko.

“'La, nahuli po ba ako nang dating?” mahinang tanong ko kasabay nang pagsikip ng dibdib ko.

“Azul. . .”

“M-Mukhang may pamilya na rin po siya, 'La,” malungkot na sabi ko at bumuntong-hininga. Nang pumikit ako ay may kasama nang pagtulo ng luha ko.

Hindi ko inaasahan na ganito ang mangyayari. Akala ko ay may mababalikan pa ako. Iyon pala ay wala na.

Ikinasal na nga ang babaeng mahal ko at hindi ko na siya puwedeng bawiin pa. Wala na nga akong pag-asa pa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top