Kabanata 9: Remembrance of Time
[Kabanata 9]
HINILA ako ni Ash patayo at nagsimula kaming tumakbo sa gitna ng kaguluhan. Hindi ko masyado makita ang daan dahil sa kapal ng usok at mga alikabok. Nakakabingi ang mga eroplano na lumilipad sa himpapawid na animo'y sobrang lapit.
Ilang mga bala ang muntik nang tumama sa amin. Hindi na namin malaman kung saan nanggagaling ang mga iyon. Isang tanke pandigma ang paparating dahilan upang makita namin ang paglipat ng puwesto ng mga Amerikanong sundalo.
Sunod-sunod na malakas na pagsabog ang umalingawngaw sa paligid. Lumundag kami ni Ash sa isang bakod at dumapa sa lupa dahil sa pagsabog na ilang metro lang ang layo sa amin. "Kung sinuswerte nga naman tayo!" Hindi ko alam kung saan pa nakukuha ni Ash na magsalita gayong sa eksena pa ng digmaan kami nakarating.
Inilibot ni Ash ang kaniyang mga mata, "Doon tayo!" Saad niya na naunang gumapang papunta sa mababaw na hukay sa silong ng isang bahay-kubo. Yumuyuko at tumitigil kami sa tuwing may sumasabog dahilan upang magtalsikan ang mga bato, kahoy, at lupa.
Payuko kaming pumasok sa loob ng hukay sa silong. Agad hinila ni Ash ang isang malaking sanga ng kahoy upang ipangharang sa lagusan. "Hindi sana tayo tamaan dito ng bala," patuloy ni Ash sabay tingin sa 'kin, pareho kaming napatigil nang makita ang dalawang babae at limang bata sa hukay na pinagtaguan namin.
Magkakayakap sila at nakasuksok sa sulok habang nanginginig sa takot. Makikita ang matinding takot sa kanilang mga mata habang nakatingin sa amin. "Huwag kayong matakot, hindi kami kalaban," saad ni Ash saka itinaas ang kamay niya upang ipakita na wala kaming masamang balak.
Napatigil siya at nanlaki ang mga mata ko nang makita ang mahabang baril na hawak niya. "Ano 'to?" Gulat niyang saad at nagtatakang nakatingin sa hawak na baril. Sa bilis ng pangyayari kanina ay hindi ko napansin ang mga suot namin.
Kulay puting kamiso, itim na pantalon ang suot ni Ash, at sumbrerong gawa sa banig ang suot ni Ash. Kulay puting kimona, at pulang saya na lagpas tuhod ang suot ko. Nakalugay din ang aking buhok na magulo at puno ng alikabok. Tsinelas na gawa sa alpombra ang suot ko, samantala, gawa naman sa abaka ang suot ni Ash.
"W-wala ito. Napulot ko lang kanina. Panangga." Paliwanag ni Ash na sinubukang ngumiti saka inilagay sa likod niya ang baril upang hindi matakot ang mga bata.
"Huwag po kayong mag-alala, gusto rin po namin makaiwas sa gulo," saad ko sa takot na sumigaw ang mga bata at may makarinig sa aming pinagtataguan.
Halos sampung minuto rin kami nagtago roon hanggang sa unti-unti naming narinig na humina ang palitan ng putok ng baril at nawala na ang mga pagsabog. Mabibigat na yabag ng mga sapatos ang narinig naming tumatakbo na tila umiikot sa paligid. Nagsasalita ang mga boses sa wikang Hapones.
Napapikit kami nang marinig ang pagpasok ng mga sundalong Hapon sa ibabaw ng pinagtataguan naming bahay. Nabasag ang mga plato at nahulog sa sahig ang ilan sa mga kagamitan. Mayamaya ay lumabas na ang mga naghalughog doon at narinig namin ang paghalughog nila sa kabilang bahay.
Madilim na ang paligid nang maalimpungatan ako. Hindi ko namalayan na nakatulog ako habang nakasandal ang aking ulo sa balikat ni Ash. Nagising ako dahil sa mahihinang bungisngis ng mga bata na nilalaro ni Ash. Gamit ang isang kamay ay pinapakita niya ang isang magic trick ng batong nawawala.
"Marahil ay wala na sila," saad ng isang babae na sa palagay ko ay nanay ng mga bata. Tumahimik ang lahat. Inayos ko na ang aking sarili, tumingin sa akin si Ash. "Okay ka na?" Tanong niya, tumango ako saka umiwas ng tingin dahil sa hiya. Mukhang hindi siya masyado gumalaw ng ilang oras para hindi ako magising sa balikat niya.
"Titingnan ko lang," saad ni Ash saka dahan-dahang sumilip sa labas. Ni hindi ko rin nagawang huminga sa kaba. Baka may naiwan pang sundalo na naglilibot sa labas. Dahan-dahang itinulak ni Ash ang malaking sanga ng kahoy at gumapang papalabas upang tingnan ang sitwasyon.
Nang makalabas siya ay sunod akong sumilip sa lagusan. Kung hindi niya pala naiharang ang sanga ng kahoy ay siguradong may makakakita sa amin. Gumapang si Ash hanggang sa unti-unti siyang bumangon at nagtago sa tabi ng kabilang bahay. Hawak ang baril ay sinugurado niya munang walang aninong nakikita o ingay na naririnig bago siya payukong naglakad patungo sa katapat na bahay.
Napatakip ako sa aking bibig nang makita ang mahihinang usok mula sa mga bahay na tinupok ng apoy. Nagkalat din ang mga bangkay sa daan na karamihan ay nasunog at mulat ang mga mata.
Nakita kong sumenyas si Ash na para bang sinasabi niya na ligtas na kaming lumabas. "Makakaalis na po tayo rito," saad ko saka isa-isang inalalayan ang dalawang babae at mga bat ana makalabas. "Maghawak-hawak tayo ng kamay," patuloy ko saka hinawakan ang kamay ng batang babae na nasa likod ko. Nasa gitna ang nanay nila, nasa dulo naman ang isang babae na nasa edad dalawampu.
Payuko kaming naglakad at sumunod sa mga dinaanan ni Ash. Tatlong bahay na ang layo ni Ash sa amin. Ramdam ko ang panginginig at takot ng batang kasunod ko habang hawak ang kaniyang nanlalamig na kamay. Hindi mapigilan ng kanilang nanay ang maluha nang makita ang mga kapitbahay na wala ng buhay.
Napatigil kami nang makitang dumapa si Ash at sumenyas sa amin na dumapa rin. Agad kong niyakap ang batang babae padapa. Natanaw namin ang ilaw na paparating mula sa sasakyan. Tumigil ang sasakyan at bumaba ang driver para kumuha ng tubig sa tabing-ilog.
Nagulat ako nang makita dahan-dahang tumatayo si Ash. Gusto ko siyang tawagin para pigilan sa kung anuman ang tumatakbo ngayon sa isip niya pero tuluyan na siyang nakalapit sa lalaking kumukuha ng tubig.
Nagitla ang driver na napaupo sa gulat nang makita si Ash at ang hawak nitong baril, "Papunta kayo sa Maynila?" Tanong ni Ash sabay tingin sa sasakyan na lulan ang halos labingdalawang tao.
Muling inilagay ni Ash ang baril sa likod niya, "Wala akong ibang kasama. Pangtanggol ko lang ito sa sarili ko," paliwanag ni Ash dahil hindi nakakilos sa gulat ang driver. Dumungaw na ang mga sakay nito ngunit nang makita ang baril ni Ash ay agad nilang ibinalik ang ulo nila sa loob.
"S-sa Bataan kami patungo," tugon ng driver. Tumango si Ash saka muling tiningnan ang sasakyan na pag-aari ng mga Amerikano. Unti-unting humupa ang aking kaba nang makita ang cross sign sa gilid ng sasakyan, senyales na ito ang sasakyan ng mga doktor at medical staffs.
Lumingon sa akin si Ash saka tumango na para bang sinasabi niya na ligtas na kaming magpakita sa mga kausap niya. "Puwede ba kaming makisakay? Kailangan lang namin makarating sa bayan," saad ni Ash. Hinawakan ko na ang kamay ng bata saka tumango sa iba pa naming kasama na maglakad na papalapit sa kalsada.
Dahan-dahang napatayo ang driver, "A-akala ko ba ay nag-iisa ka lang?" Tanong nito kay Ash. Bakas sa mukha ng driver na nagdadalawang-isip siyang pasakayin kaming lahat dahil hindi na kasya sa sasakyan.
"Hindi naman mapangib ang mga kasama ko," saad ni Ash saka hinawakan ang mahabang baril na para bang pinapakita niya kung ano ang magagawa niyon. Nanlaki ang mga mata ko sa ginawa ni Ash, "Hindi rin naman mabigat ang mga bata," patuloy niya sabay ngiti. Hindi ko alam kung matatawa ako sa ginawa niya dahil tumango agad ang driver at inutusan ang isang kasama na buksan ang likod para isakay kami.
"M-maluwag pa naman dito," saad ng driver na hindi na nagawang inumin ang sinalok niyang tubig dahil sa kaba. Pagpasok namin sa loob ay napansin ko na hindi mga doktor at nurse ang lulan ng sasakyan. Mga bata, matanda, at madre na nagsisiksikan. Sa sahig na kami uupo dahil wala ng ibang mauupuan.
"Ginamit lang namin ito para ihatid sa mga doktor sa bayan," paliwanag ng driver na ngayon ay medyo nahiya dahil ayaw niya pa sana kaming pasakayin kanina.
"Kaya pala nagtaka ako dahil wala man lang sundalong nakasunod sa inyo," saad ni Ash sabay ngiti at tinapik ang balikat ng driver na nasamid pa sa sariling laway.
PAPASIKAT na ang araw nang makarating kami sa bayan. Tahimik ang buong paligid at muli kaming napayuko nang makita ang mga sundalong hapon na siyang komukontrol na sa pamilihan.
Bago kami makarating sa checkpoint ay pasimpleng inihulog ni Ash ang dalang baril sa daan. Mabuti na lang dahil tambakan iyon ng mga sirang bahay at piraso ng kahoy kung kaya't walang nakapansin.
Halos walong minuto rin ang itinagal bago kami papasukin sa loob. Nagpaliwanag ang driver na ihahatid niya ang sasakyan na ginagamit sa mga medical emergencies at naghahatid sa mga medical staff sa bayan matapos itong mapagitna sa engkwentro sa isang barrio.
Umikot pa ang dalawang sundalo sa palibot ng sasakyan at pinababa kaming lahat bago pumayag ang sundalong kausap ng driver na papasukin kami. Sasakay na sana ulit kami nang magsalita ang sundalo at pinigilan kaming bumalik sa loob.
Napaatras kami nang sapilitan kaming paghiwalayin. Hinila sa kaliwa ang mga babae at sa kanan ang mga lalaki. Hindi ko alam ang gagawin. Hindi ako puwedeng mahiwalay kay Ash. Tumingin si Ash sa driver na pinalakad pasakay sa sasakyan.
May sinabi si Ash sa kanila na tanging sila lang ang nagkakaintindihan. Nakuha niya ang atensyon ng mga sundalong Hapon dahil nakakapagsalita siya ng lenggwahe nila.
Alam kong walang imposible sa kaniya. Pero hanggang ngayon ay nagugulat pa rin ako sa mga kaya niyang gawin.
Tumikhim ang sundalo saka tumingin sa 'kin. Siguro ay nagtataka siya sa suot namin ni Ash. May sinabi ang pinuno nila saka hinila ako ng isang sundalo pasakay sa sasakyan kasama si Ash. Napatingin ako sa mga naiwan naming mga bata at matanda. Gusto ko man silang isama ngunit alam kong hindi namin puwedeng pakialaman ang lahat ng tauhan sa kuwentong ito.
May binulong ang pinuno sa isang sundalo habang nakatingin sa amin ni Ash. Sinundan nila kami ng tingin hanggang sa makalayo ang sasakyan.
Hindi nagtagal ay tumigil ito sa tapat ng dalawang malaking bahay-kubo na magkatabi. Sa labas pa lang ay nakakalat na ang mga banig kung saan nakaratay ang mga duguang sundalo at sibilyan.
Iilan lang ang mga nag-aasikaso sa kanila. Nasa lima lang ang mga nurse at may isang doktor. Hindi nila alam ang uunahin sa dami ng pasyente. Ang malulubha ay nasa loob at pilit inaagapan ang pagdanak ng dugo.
Isang lalaking nurse ang tumakbo papalapit sa amin para salubungin ang sasakyan. "May dala kayong mga gamit? Mga gamot?" Marumi na ang kaniyang damit na may bahid ng dugo at lupa. Hindi nakasagot ang driver sa tanong nito. Nang tumingin sa amin ang lalaki ay nawala ang pag-asa sa kaniyang mga mata dahil wala kaming dalang medical supplies o kahit anong gamot.
Dahan-dahang itinaas ni Ash ang kaniyang kamay. Ramdam ko na nakokonsensiya rin siya dahil ginamit namin ang sasakyan ng medical team. "Kailangan niyo ba ng tulong?"
Tumango ang lalaking nurse, "Marami pang hindi natitingnan sa loob," tugon nito saka binuksan ang pinto upang tulungan kaming makababa sa mataas na sasakyan. "Paubos na rin ang mga morphine, wala na rin kaming balita sa Maynila. Naputol na ang mga linya," saad ng lalaking nurse na nagmamadaling maglakad pabalik sa pagamutan habang sumasabay kami sa lakad niya.
"Mapanganib din bumyahe ngayon. Kaliwa't kanan ang digmaan," patuloy nito bago tumigil sa isang pasyente na namimilipit sa sakit ng nabali nitong binti. Maluha-luha ang kaniyang mga mata at panay ang paghinga nang malalim habang tinitiis ang baling buto.
"Saang ospital kayo nanggaling?" Tanong sa amin ng lalaki, nagkatinginan kami ni Ash. Gusto sana naming itanggi kaso nakita namin ang sasakyan ng mga sundalo na paparating. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang sundalong binulungan ng pinuno kanina. Siguradong pinasundan niya kami ngayon dito.
"Sa Malolos," tugon ni Ash. Tumango ang lalaking nurse, "Malayo pala ang pinanggalingan niyo."
"Kailangan natin ng tela, itali natin ito pataas," saad ng lalaki na nagsimulang maghanap ng kumot o balabal para magamit pangtali. "Dante! Kailangan ka sa loob!" Tawag ng isang babaeng nurse na may bitbit na mga maliliit na bote na naglalaman ng mga gamot.
Tumingin sa amin si Dante, "Kayo na ang bahala sa kaniya," saad nito sabay tapik sa balikat namin ni Ash at mabilis na sumunod sa loob. Muli kaming nagkatinginan ni Ash, hinihintay kong magsalita siya baka-sakaling magawan niya ng paraan ang sitwasyon naming ito.
Napakamot si Ash sa ulo, "Wala akong kakayahang magpagaling." Naalala ko na minsan na niyang sinabi sa akin iyon noong inakala kong magagawa niyang pagalingin ako sa sakit. "Pero tingnan natin... ano bang pwedeng gawin dito." Napasingkit ang mga mata ni Ash habang tinitingnan ang na-dislocate na tuhod ng lalaking nasa edad tatlumpu. Nakasuot ito ng puting abrigo at pantalon.
Napatingin ako sa paligid, ang sitwasyon ngayon ay madalas kong matunghayan sa ospital noong bata pa ako.
Nakaupo ako sa kama habang nilalaro ang teddy bear na regalo sa akin ni Papa. "Aurora, can you stay here? Bibili lang ng gamot si Mama," saad ni Mama matapos makausap ang doktor at kinuha ang papel na binigay nito.
Tumango ako habang patuloy pa ring nilalaro ang teddy bear. Ilang minuto makalipas ang pag-alis niya sa ward, sunod-sunod kong narinig ang pagdating ng mga ambulansya. Napatingin ako sa nakabukas na pintuan, maraming taong dumarating at pabalik-balik ang mga nurse.
Bumaba ako sa kama bitbit ang aking teddy bear, kakatanggal pa lang ng dextrose sa akin. Sumilip ako sandali sa pintuan, hindi ko maintindihan kung bakit maraming tao ang umiiyak habang dinadala ang iba sa emergency room.
Hindi ko namalayan na naglalakad na ako papalapit sa Emergency room. Napalingon ako sa likod nang dumating ang isa pang ambulansya. Isang duguang babae ang binaba mula roon. Wala itong malay at puro dugo ang ulo.
"Sab!" Sigaw ng babae na halos ka-edad ni Mama. Sinundan ko ng tingin ang duguang pasyente na dinala sa ER, napabagsak sa sahig ang babaeng umiiyak na agad inalalayan ng ibang nurse.
Sa katabing kama ay nakita ko ang isang matandang lalaki na sumisigaw dahil sa nabali niyang tuhod. "Another car accident? Ilan po ang casualities?" Tanong ng isang nurse na nasa information desk sa isang matangkad na lalaki na nakasuot ng police uniform.
"Fifteen. Nahulog ang bus sa bangin. Sinubukan daw iwasan ng driver ang truck na nag-counterflow," tugon ng police officer, bakas ang pag-aalala sa mukha nilang lahat. "Five of the passengers were dead on the spot." Ang ibang pasyente ay dinala sa kalapit pang hospital.
"Lasing daw ang driver ng truck. Puyat naman ang driver ng bus." Napatingin ang lahat sa driver ng bus na sumisigaw sa sakit. Pilit siyang pinapakalma ng mga nurse at doktor. Magmula sa araw na iyon ay madalas akong dumaan sa Emergency room kapag wala akong bantay. Kung minsan ay tumatayo lang ako sa malayo dahil pinapabalik ako ng mga nurse kapag nakita na nila ako.
"Huwag muna natin siyang galawin," saad ko kay Ash saka lumapit sa lalaki upang pakalmahin ito. "Makinig po kayo, kailangan niyong huminga nang malalim." Kahit papaano ay tumigil na sa pagsigaw ang lalaki at sinubukang huminga kasabay ng pagbilang ko.
"Ash, kunin mo 'to." Inabot ko kay Ash ang isang tampipi na nasa tabi para gawing patungan ng binti. Naalala ko kung paano binigyan ng first aid ng doktor at nurse ang driver ng bus na nabali rin ang tuhod.
Tiningnan kong mabuti ang tuhod ng lalaki, kumpara sa nakita ko noon ay hindi ito masyadong na-dislocate. Napahinga ako nang malalim, alam kong wala akong karanasan sa mga ganito, tutulungan ko siya hanggang sa matapos ang doktor sa iba pang pasyente na nag-aagaw buhay.
Kinausap ko ang lalaki na ngayon ay unti-unti nang kumalma. Ramdam kong nakatingin sa akin si Ash. Nilinisan ko muna ang iba pang sugat ng pasyente. May mga galos din siya sa braso at mukha. "Hintayin po natin ang doktor. Sa ngayon, paulit-ulit lang po kayong huminga nang malalim at huwag niyong gagalawin ito," saad ko sabay turo sa tuhod niya. Hindi dapat siya gumalaw dahil mas lalong sasakit ito at baka lumala pa ang bali.
Tumingin ako kay Ash na abala sa paglalagay ngayon ng sasandalan ng binti ng lalaki para hindi ito magalaw. "Ash, bantayan mo muna siya, tutulungan ko lang ang iba," saad ko saka lumapit sa iba pang mga pasyente na karamihan ay may malalaking sugat na kailangan agad mapigilan ang pagkaubos ng kanilang dugo.
Ilang sandali pa ay lumabas si Dante na ngayon ay puno ng dugo maging ang kaniyang mga kamay, "Wala na tayong tubig. Nasaan si Olong?" Tanong nito habang palinga-linga sa paligid.
"Iyon siya!" Wika ng isang nurse sabay turo sa binatilyo na tumatakbo papalapit bitbit ang dalawang balde na puno ng tubig.
"Olong, kailangan pa natin ng maraming tubig," saad ni Dante saka bumalik sa loob. Napatingin kami ni Ash sa binatilyong pawisan at hinihingal sa bigat ng dala niyang tubig. Siya ang protagonista sa kuwentong ito.
Si Manolo San Vicente na mas kilala sa palayaw na Olong ay labing-apat na taong gulang pa lamang. Bago ang digmaan ay isa siyang karaniwang bata na nakakapag-aral nang dahil sa pagsusumikap ng kaniyang ama na isang agwador.
Pito silang magkakapatid, siya ang pang-apat at tanging nag-aaral dahil hindi sila lahat kayang paaralin. Matalino at mataas ang pangarap ni Manolo. Gusto niya maging guro at tulungan ding makapag-aral ang iba pang mga kapatid.
Ilang araw pa lang ang nakalipas nang mamatay ang kaniyang ama at tatlong nakakatandang kapatid. Ang kaniyang ina at mga mas bata kapatid naman ay nawawala. Nagkahiwalay-hiwalay sila nang lusubin ang kanilang barrio.
Ang kaniyang ama na siyang cabeza ay kinumbinse ng kapitan ng mga sundalong Hapon na ituro ang ilang mga kasapi sa mga rebeldeng lumalaban sa pangakong ililigtas ang kanilang pamilya. Ang kaniyang ama ay naging makapili na siyang nagturo sa mga kababayan na namumundok.
Nang maituro ng kaniyang ama ang halos dalawampung kalalakihan at kababaihan na kabilang sa mga rebelde ay binaril ang mga ito sa kanilang harapan. Buong akala ng pamilya ni Manolo ay palalayain sila, subalit dinala ang kaniyang ama at tatlong nakakatandang kapatid na lalaki sa isang liblib na gubat at kinabukasan ay nakita na lang na nakabigti ang mga ito. Sinasabing nagpakamatay daw dahil sa matinding konsensiya at pagsisisi ang pamilya San Vicente, ayon naman sa iba ay pinatay ito ng mga rebelde dahil sa pagtataksil.
Ngunit naniniwala si Manolo na hindi iyon totoo. Sumunod siya sa gubat noong gabing iyon at natunghayan niya mismo kung paano pinabitay ng kapitan ang kaniyang ama. Nagtago siya hanggang sa makarating sa Bataan upang sundan ang kapitan na nabalitaan niyang nasa Pampanga.
Tumakbo pabalik si Manolo sa sapa kung saan siya sasalok ng tubig. Napatingin ako kay Ash na ngayon ay nakatingin din pabalik sa akin. Alam ko ang gusto niyang ipahiwatig sa mga tingin na iyon. Alam kong gusto niyang maunawaan ko na hindi dapat namin guluhin ang kuwentong ito kahit pa nadudurog ang puso namin sa kalagayan ni Manolo.
KINAGABIHAN, hindi ako makatulog. Nakahiga ako ngayon sa banig katabi ang mga babaeng nurse. Wala kaming unan at kumot, ni wala rin kaming pamalit ng damit. Halos nakatulog ang lahat dahil sa pagod.
Nasa kabilang kubo sina Ash kasama ang doktor, si Dante, at ang driver. Bantay sarado ang mga sundalo. Malayo kami sa kampo pero binabantayan din nila ang bayan. May isang kandila ang nagsisilbing liwanag sa tinutuluyan namin. Paubos na ito, mayamaya lang ay mawawala na ang ilaw at walang binigay sa amin na pamalit.
Nakatitig ako sa bintana na iniwan naming nakabukas dahil sa init. Buwan ng Mayo ngayon kaya mas mainit ang panahon. Pinagmasdan ko ang langit, walang buwan ngayon pero naroon ang mga bituin.
Napansin ko ang isang aninong dumaan sa bintana. Dahan-dahan akong bumangon. Buong ingat akong gumapang papalapit sa bintana upang hindi magising ang mga kasama ko. Nang sumilip ako sa bintana ay nakita ko ang isang binatilyo na payukong nagtatago sa mga silong ng kubo hanggang sa makarating sa dulo. May dala siyang mga itak.
"Bilib ako sa tapang niya." Napalingon ako sa kaliwa nang marinig ang boses ni Ash. Nasa labas siya habang nakasandal sa tabi ng bintana at nakahalukipkip. Sinusundan din niya ng tingin si Manolo.
"Mag-isa na lang siya, pero kinakaya niya," patuloy ni Ash nang hindi tumitingin sa 'kin. Lumingon ako sa mga babaeng nurse na mahimbing ang tulog. Ang iba ay humihilik pa. Ipinatong ko ang aking braso sa bintana at tumingin kay Ash. Mabuti na lang dahil may sulo ng apoy sa tapat na kubo kaya naaaninag ko ang hitsura niya.
"Hindi pa rin ako makapaniwala na nandito na tayo. Wala ka namang sugat?" Tanong ko saka sinuri ang kaniyang mukha. Tiningnan ko rin ang braso niya na nakahalukipkip. Tumingin siya sa 'kin kasabay ng pagsilay ng ngiti sa kaniyang labi.
"Nakalimutan mo na ba? Hindi tayo masusugatan sa loob ng nobela. Totoong tao ka, hindi ka isang kathang-isip," tugon niya habang nakangiti. Kahit papaano ay gumaan ang dibdib ko. Ang lahat kasi ng nangyayari ay parang totoo. Nangangamba rin ako sa sarili kong buhay.
"Siya nga pala, pinabilib mo rin ako sa ginawa mo kanina. Kung hindi kita kilala ay aakalain kong doktor o nurse ka rin." Napangiti ako sa sinabi niya. Tila nakalimutan ko rin kanina ang sarili ko. Ni hindi ko rin naramdaman ang oras sa dami ng pasyenteng inasikaso namin.
"Alam mo ba... pangarap kong maging doktor," saad ko sabay tingin kay Ash. Nakatingin lang siya sa akin tulad ng kung paano siya handang makinig sa mga sinasabi ko. "Gusto ko ring magligtas ng buhay. Gusto kong dugtungan ang pag-asa nila," patuloy ko saka tumingala sa langit. Kung naririto lang ang buwan ay siguradong sasang-ayon siya sa 'kin dahil ilang beses kong sinabi sa kaniya ang pangarap kong maging doktor.
Kung minsan ay hindi ko naiintindihan ang sinasabi ng mga doktor habang kausap ang magulang ko dahil nakatitig lang ako sa kanila. Kung paano sila kumilos, kung paano sila magsalita, kung paano sila gumagawa ng paraan para madugtungan ang buhay ko. Gusto ko ring maging katulad nila.
Itinaas ni Ash ang kaniyang kamay na parang ginuhit ang pangalan ko sa hangin, "Doktora Aurora Grace Lacamiento, ang gandang pangalan!" Ngiti ni Ash habang nakatingin kami sa karatula na ginawa niya na hindi namin nakikita. Hindi ko mapigilan ang aking ngiti, tunay na masaya mangarap.
"Siguradong magiging magaling kang doktor." Nang tumingin ako sa kaniya ay naramdaman ko ang sinseridad sa sinabi niya. Sana nga nagkakatotoo ang sinasabi ni Ash. Sana totoo na lang ang lahat.
"Ikaw? Anong pangarap mo?" Tanong ko sa kaniya. Ang tagal na naming magkasama pero hindi pa ganoon karami ang nalalaman ko tungkol sa kaniya. "Kung hindi ka isang mahiwagang nilalang... anong gusto mong gawin?" Patuloy ko. Napansin ko ang pagbabago ng emosyon sa mga mata ni Ash. Nakangiti pa rin siya pero ngayon ay may bahid ng lungkot ang kaniyang mga mata.
Muli siyang napahalukipkip saka tumingala sa langit, "Hindi ako sigurado... hindi kami nangangarap," saad ni Ash saka tumingin sa 'kin na para bang sinasabi niya na wala siyang maisasagot sa tanong ko. "Ang pangarap ay para lang sa tao," patuloy niya. Sa mga salitang binitiwan niya ay ramdam ko ang panghihinayang.
Napaisip ako, hangga't maaari ay ayoko malungkot siya sa tanong ko. Ginagawa niya ang lahat para mapasaya ang mga tao sa paligid niya. "Alam mo 'yong parallel universe? May mga nabasa akong kuwento tungkol sa ibang mundo kung saan may nabubuhay doon na ibang version natin," paliwanag ko. Alam kong may ideya siya sa ganoong kuwento bilang tagapagbantay ng mga libro pero gusto ko pa ring ipaliwanag sa kaniya.
"Paano kung sa parallel universe ay nabubuhay ka roon bilang tao? Ano ang gusto mong gawin niya? Ano ang pangarap mo para sa kaniya?" Ngumiti ako. Gusto kong maramdaman niya na walang dapat ikalungkot sa nais kong malaman tungkol sa kaniya.
Napaisip si Ash saka muling tumingala sa langit, wala na ang bahid ng lungkot sa kaniyang mga mata. Ngayon ay pinag-iisipan niyang mabuti kung ano ba ang gusto niya, "Hmm... Siguro puwede siyang maging manunulat. Magsusulat siya ng mga kuwento na magbibigay ng karanasan sa mga mambabasa. Malay natin may isang maging doktor dahil sa kaniya." Ngiti ni Ash dahilan upang matawa ako.
"Sana makilala natin sa parallel universe ang writer at doctor na tinutukoy mo," saad ko, pareho kaming natawa. Parehong natuwa sa aming mga munting pangarap. Napansin namin ang unti-unting pagpapalit ng kulay ng langit, ang kaninang itim ay nagiging asul na ngayon, madaling-araw na.
"Bakit nga pala naging paborito mong kuwento ito?" Tanong ni Ash, pareho kaming hindi nakakaramdam ng pagod.
"May nakasama ako noon sa ward na isang matandang lalaki. Isa siyang beteranong sundalo. Pinahiram niya sa akin ang librong ito. Ang sabi niya, marami raw akong matutunan at matutuklasan sa panahong naabutan niya," tugon ko habang inaalala ang halos isang linggo na nakasama ko siya sa ospital. Marami siyang ikinuwento sa akin. Marami rin siyang binigay na candies na hindi nalaman ng magulang ko kahit kailan.
Niyakap ko ang aking sarili dahil sa malamig na simoy ng hangin. "Hindi ko na naibalik sa kaniya ang libro niya dahil nilipat siya ng ospital. Ilang araw lang ang lumipas, sinama ako ni mama sa burol niya, akala ko noon ay natutulog lang siya sa kabaong. Hindi kasi siya makatulog sa ospital kaya napanatag ako kahit papaano na mahimbing na ang tulog niya." Napayuko ako. Sa tuwing naaalala ko iyon ay nalulungkot pa rin ako.
Sinubukan kong basahin ang librong binigay niya pero hindi ko maintindihan. Masyadong malalalim ang salita sa English. Lumipas ang mga taon, fourteen years old ako nang makita ko ulit ang nobelang iyon sa mga luma kong gamit na ibibigay sana ni mama sa mga donation charity. Binasa ko ang kuwentong sumasalamin sa pinagdaanan ng mga tao noong panahon ng digmaan.
"Alaala ang iniwan niya sa 'yo. Alaala niyo, at alaala ng librong binahagi niya sa 'yo. Iyon naman ang higit na mahalaga, hindi ba?" Saad ni Ash, tumango ako bilang pagsang-ayon sa sinabi niya. Maikli nga ang buhay, ngunit sa sandaling iyon, kahit isang Linggo ko lang nakasama si Lieutenant Colonel Wilfredo Fernandez ay nag-iwan naman siya ng isang mahalagang alaala.
"Dinadala tayo ng mga ganitong kuwento sa panahon na imposible nating mapuntahan. At iyon ang isa sa kapangyarihan ng mga istorya," patuloy ni Ash at muli kaming napangiti. Nanatili akong nakatingin sa kaniya habang nakatingin siya sa langit. Isa na rin ito sa mga alaala na nais kong baunin habambuhay, ang lalaki sa aking tabi na puno ng hiwaga.
KINABUKASAN, maaga pa lang ay pinatayo kaming lahat sa labas ng pagamutan. Dumating ang isang kapitan at isa-isa kaming pinagmasdan. Nakayuko kaming lahat sa takot na kami ang mapili. Tinuro ng kapitan si Dante na agad hinila ng sundalo sa harap.
Nanlaki ang mga mata ko nang ituro si Ash na hinila rin at pinatayo sa tabi ni Dante. Napapikit ako at muling napayuko nang tumigil sa tapat ko ang kapitan. Narinig ko ang mahinang pagtikhim bago niya ako ituro. Tila nanghina ang tuhod ko nang hilahin din ako papunta sa tabi ni Ash.
Naramdaman ko ang tingin ni Ash. Hindi ko mapigilang kabahan dahil kadalasan napapahamak ang mga napipili at pinapatayo sa harap. "Huwag kang matakot..." Bulong ni Ash habang nakayuko. Gusto kong kumapit sa braso niya upang masiguro na hindi kami magkakahiwalay. "Kasama mo ako," patuloy ni Ash, dahan-dahan akong napatingin sa kaniya. Sa tuwing sinasabi niya ang mga salitang iyon ay humuhupa ang pagkabog ng dibdib ko dahil sa takot.
Sunod na itinulak sa tabi ko ang doktor na ilang segundo pang pinag-isipan ng kapitan. Sunod na napili si Manolo na nanatiling nakayuko habang pinipigilan ang panginginig ng kaniyang kamay at paa.
Sumigaw ang kapitan at agad kaming pinasakay sa sasakyan kasama ang limang tanke na pandigma at apat na sasakyan lulan ang mga sundalo.
Magkatabi kami ni Ash, nasa kanan ko naman ang tulalang doktor habang nasa tapat namin sina Dante at Manolo na wala rin sa sarili. Naalala ko na ang sunod na eksena, makakarating si Manolo sa Pampanga dala ang kaniyang planong paghihiganti sa kapitan na namumuno sa kampo roon.
Makalipas ang ilang oras ay nagsalita si Dante, "Ano palang mga pangalan niyo?" Tanong niya sabay tingin sa amin.
"Ash," tugon ni Ash sabay abot ng kamay. Nagtaka ang hitsura ni Dante, ngayon niya lang siguro narinig ang pangalan na iyon. "Ashiro," patuloy ni Ash sabay ngiti. Napahawak na lang ako sa sentido, masyado niyang nagustuhan ang pangalan na tinawag ko sa kaniya kaya kahit nasa 1940s kami ay iyon pa rin ang ginamit niya.
"Hapon ka?" Tanong ni Dante, napatingin na rin sa kaniya si Manolo at ang doktor. Tumawa si Ash, hindi naman siya mukhang Hapon.
"Hindi. Gan'on lang talaga pangalan ko," tugon ni Ash na nanatiling nakangiti. Siguro nagsisisi siya kung bakit hindi siya nag-isip ng ibang pangalan na nababagay sa panahong ito. Tumingin sa 'kin si Dante, ngayon ay ako naman ang hinihintay nilang magpakilala.
"Aurora," tugon ko sabay tingin kay Ash. Inabot ko ang kamay ko pero hindi ako sanay gawin iyon kaya hindi ko alam kung tama ba o hindi. Nakipag-kamay naman sila sa akin. "Dante," tugon ng lalaking nurse na narinig na namin ang pangalan kanina.
"Richard," pakilala naman ng doktor. Kahit papaano ay hindi na siya namumutla ngayon. Tumingin kaming lahat sa binatilyong tahimik kanina pa. Wala na siyang nagawa kundi ang magsalita, "Manolo."
"Ngayong magkakakilala na tayo. Gawin natin ang lahat para tuparin ang sinumpaan nating tungkulin. Dadalhin nila tayo sa Pampanga," wika ni Dante dahilan upang mapatingin sa kaniya si Manolo. Hindi niya alam na gumagawa ang tadhana ng paraan upang dalhin siya papalapit sa taong gusto niyang paghigantihan. Hindi niya alam na ang manunulat mismo ng kuwentong ito ang gumawa ng paraan upang paglapitin sila.
"Siya nga pala, mga taga-saan kayo?" Tanong ni Dr. Richard. Nasa edad apatnapu pataas na ito at nakakalbo na ang puyo.
"Taga-rito ako sa Bataan," tugon ni Dante.
"Ako sa Maynila, dinala ako rito. Pinaghiwalay-hiwalay ang mga doktor," saad ni Dr. Richard. Tumingin sila sa amin nina Ash at Manolo.
"Bataan po," tugon ni Manolo nang hindi tumitingin sa amin. Nilalaro niya lang ang hibla ng palay na nakita niya sa sahig ng sasakyan.
"Nanggaling kami sa Malolos. Dinala rin kami rito." Paliwanag ni Ash na halatang ginaya lang niya ang sinabi ng doktor.
"Kayong dalawa? Magkaano-ano kayo?" Usisa ni Dante dahilan para magkatinginan kami ni Ash. Magkaano-ano ba kami?
Napasingkit ang mata ni Dr. Richard, "Kayong dalawa, huwag niyo sabihing nagtanan kayo?" Saad nito dahilan upang gulat akong mapatingin sa kanila. Siguro ay nagtataka na sila sa edad at hitsura namin ni Ash dahil hindi naman kami mukhan nakapagtapos sa kolehiyo sa edad naming ito.
Napatingin kaming lahat kay Ash na biglang tumawa, "Doc, ano bang hula 'yan?" Napakurap ako sa sinabi niya. Animo'y magkabarkada lang sila ni Dr. Richard para kausapin niya nang pabiro.
"Ang totoo, hindi pa nakakatapos ng nursing itong si Aurora, pero 'wag kayong mag-aalala, may alam naman siya kahit papaano," saad ni Ash sabay tingin sa 'kin. Eighteen years old pa lang ako kaya may punto naman ang sinabi niya.
"Ako palang ang nagtatrabaho bilang assistant nurse aid, magkamag-anak kami. Pamangkin ko siya," patuloy ni Ash sabay akbay sa 'kin at ngumiti sa mga kausap namin.
Nagtaka ang hitsura nina Dante at Dr. Richard. Wala namang reaksyon si Manolo pero nakuha namin ang atensyon niya. "Paanong... Magkalapit lang naman yata ang edad niyo," saad ni Dante.
Tumawa muli si Ash na nanatili pa ring nakaakbay sa akin, "Ganito kasi 'yan, malayo ang agwat namin ng kapatid kong babae na siyang nanay nitong si Aurora," panimula ni Ash sabay tapik sa ulo ko.
Nagsimula siyang magbilang gamit ang daliri niya, "Kung hindi ako nagkakamali, mga labing-limang taon ang tanda sa akin ng ate ko. Tatlong taong gulang lang ako nang ipanganak niya si Aurora. Kaya bata pa lang ako ay may pamangkin na ko," tawa ni Ash na sinubukan pang guluhin ang buhok ko sa tuwa. Halatang masaya siya sa paggawa ng mga kuwento-kuwento.
Inalis ko ang kamay niya sa ulo ko dahil nakakain ko na ang sarili kong buhok. "Mag-tiyo pala kayo, bakit hindi mo man lang siya tinatawag na kuya o tiyong?" Puna ni Dante na para bang pinapagalitan ako kasi hindi ako marunong rumespeto sa nakakatanda.
Tumawa na naman si Ash dahilan upang mapatingin ulit ang lahat sa kaniya, "Ganiyan talaga 'yan, walang galang, ano?" Tawa ni Ash dahilan upang mapapikit na lang ako. Gusto ko siyang kurutin sa tagiliran dahil masyado siyang natuwa na paniwalain sila sa kuwentong barberong gawa-gawa niya.
Magsasalita na sana ako nang biglang tumagilid ang sasakyan. Mabuti na lang dahil nahawakan agad ako ni Ash kaya napayakap ako sa kaniya. "Anong nangyari?" Gulat na napalingon sina Dante at Dr. Richard. Maging si Manolo ay dumungaw sa bintana.
Napakurap ako habang nakayakap kay Ash, nang matauhan ako ay agada ko lumayo. Bakas din sa mukha niya ang pagkagulat, kung hindi niya ako nahawakan, kung hindi ako napayakap sa kaniya ay siguradong nahulog ako sa kinauupuan namin.
"Mukhang pumutok ang gulong," saad ni Dante nang dumungaw din sa bintana. Agad kaming pinababa ng mga sundalong Hapon. Sinuri ng driver ang gulong at napakamot ito ng ulo matapos sabihing wala silang dalang extra na gulong.
Hindi ako makatingin kay Ash nang makababa kami sa sasakyan. Hindi rin naman siya nagsalita. Kanina ay nagbibiruan lang kami, ngayon ay biglang naging akward. May sinabi ang kapitan at agad kumilos ang mga sundalo na magtayo ng mga tolda. Mukhang dito muna kami magpapalipas ng gabi hangga't hindi naaayos ang sasakyan nila.
Nasa gitna kami ng gubat kung saan walang ibang kabahayan. Agad bumuo ng plano ang kapitan at mga tauhan niya, wala pang ilang minuto ay pinalibutan na ng mga sundalo ang paligid upang magbantay.
Kami naman ang inutusang magsiga ng apoy at kumuha ng tubig. Limang sundalo ang nagluluto at nag-uutos sa amin kung ilan pang panggatong ang kukunin. Nagsisibak ng kahoy sina Dr. Richard at Dante, ako naman ang nagpapaypay sa apoy. Sina Ash at Manolo naman ang nag-iigib ng tubig sa malapit na ilog.
Gabi na nang makakakain kami. Tig-iisang puting mais lang ang binigay sa amin. Malayo rin kami sa isa't isa dahil hindi nila gustong makakapag-usap-usap kami. Nakaupo ako malapit sa pinaglagyan ng mga panggatong.
Ni isa ay walang nagsalita sa amin. Naririnig lang namin ang mga sundalo na kumakain at nagkukuwentuhan. Napatingin ako kay Manolo na nililibang ang sarili sa pagguhit sa lupa. Hindi niya pa kinakain ang binigay sa kaniyang mais.
Ilang sandali pa ay nagulat kami nang marinig ang sigaw ng mga sundalo na hindi namin maintindihan ang mga sinasabi. Inalalayan nila ang tatlo papunta sa tabi kung saan sumuka ang mga ito. Napatayo kami sa gulat. Wala pang isang minuto ay may mga sundalo ring nagsitakbuhan para sumuka.
Lumabas ang kapitan sa tolda kasama ang kanang-kamay nito. Pinagmasdan niya ang nangyayari, karamihan sa mga sundalo ay nagsusuka ngayon. Ang iba naman ay tumakbo sa ilog upang magbawas.
May ibinulong ang isang sundalo sa kapitan dahilan upang mapatingin ito sa amin. Pare-parehong tumigil ang tibok ng puso namin sa takot nang makitang mabilis na naglalakad ang kapitan papalapit sa amin.
Sumigaw ang kapitan sabay turo sa amin. Nagkatinginan kaming lahat. Hindi man namin maintindihan ang sinabi niya pero sa matalim pa lang niyang tingin ay nararamdaman namin na nanganganib ang aming buhay.
Agad kaming kinapkapan ng mga sundalo. Maging ang suot naming tsinelas at sapatos ay tinapon nila. Pinadapa kami sa lupa habang isa-isang tinitingnan ang mga dala naming gamit. Hinalughog din ang sasakyan na hanggang ngayon ay hindi pa napapalitan ang gulong.
Nanginginig akong sumulyap sa kapitan saka hinahanap si Manolo. Nakadapa na rin siya habang nakasubsob ang mukha sa lupa. Sandali akong nalibang kanina dahilan upang makalimutan ko ang eksenang ito, kung saan sinubukan ni Manolo lasunin ang mga sundalong Hapon upang makapagnakaw ng maraming armas at makatakas.
Tumingin ako kay Ash na hindi kumikibo. Siguro ay ngayon lang din niya napagtanto na ang kuwentong ito ay umaayon talaga sa tunay na takbo ng kuwento. Nagulat ako nang tumigil sa harap ko ang isang sundalo saka pinakita ang dinikdik na halaman na nagmistulang polbos.
Tinuro ako ng sundalo. Gulat akong napatingin sa kapitan. Animo'y nabalot ng lamig ang aking buong katawan. Maging si Ash ay nagulat din. Sa takbo ng kuwentong ito ay hindi mahuhuli si Manolo, isa sa mga kasama niya ang mapagbibintangan... At iyon ang karakter na aking gagampanan.
Napasigaw ako nang hilahin ng isang sundalo ang buhok ko at sinampal ako nang malakas dahilan upang mapabagsak ako sa mga panggatong sa tabi. Napapkit ako nang sandaling makaramdam ng hilo, sa lakas ng pagkakabagsak ko ay nagkalat ang mga piraso ng kahoy.
Sinubukan kong bumangon ngunit hindi ako makalagaw sa pagkabigla. Narinig ko ang boses ni Ash kasunod ng pagkalabit ng gatilyo sa baril at tinutok sa kaniya.
Dahan-dahan akong lumingon sa kanila. Hindi ko masyado maaninag ang nangyayari. Nangingibabaw ang siga ng apoy na nasa likuran ng mga aninong nakatayo sa aking harapan. Hawak ni Ash ang baril na nakatutok kay Ash, nakatutok naman ang baril sa akin ng isang sundalong nakatayo sa aking likuran.
Nanatiling nakayuko si Manolo. Hindi ako makapaniwala na ako ang papalit sa karakter na papatayin sa eksenang ito upang maligtas ang protagonista ng kuwento.
Napatingin ako sa kamay ko nang maramdaman ang pagpatak ng mainit na likido. Nagtataka akong napatingin sa patak ng dugo na sinundan pa ng isa. Dahan-dahan akong napahawak sa aking ilong kung saan unti-unti kong nararamdaman ang init at hapdi mula roon.
Nang tumingin ako kay Ash ay bakas din sa mga mata niya ang magkahalong gulat at pag-aalala dahil hindi dapat ako dinudugo sa loob ng isang kathang-isip na kuwento.
***************
#Hiraya
Schedule of updates will be posted on Twitter @ BinibiningMia_
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top