Kabanata 5 - Valdore

[Kabanata 5]

Ang sabi nila, kaya raw naghahari ang buwan sa gabi dahil sa mas makapangyarihan ang araw. Piniling magpaubaya ng buwan at piniling mabuhay sa dilim. Ngunit sa kabila niyon, hindi nakikita ng iba kung gaano siya kahalaga.

Sa tuwing sumasapit ang dilim at naghahari ang buwan sa langit. Nagtitiwala tayo sa liwanag ng buwan habang tayo ay nagpapahinga. Madalas nating nakakalimutan na naroon lang siya nagbabantay habang tayo ay mahimbing na natutulog.


HALOS walang kurap kong sinusuri ang suot kong damit ngayon habang mabagal kaming naglalakad ni Ash sa madilim na gubat. Ang tataas ng mga puno na sa tingin ko ay ilang daang taon na rin. "Ibig sabihin... Nandito tayo sa loob ng Valdore?" tanong ko, tumango si Ash. Halos mapunit ang aking labi sa laki ng aking ngiti. Hindi ako makapaniwala na ito ang nobelang Valdore na tungkol sa kaharian ng mga Bampira.

Tumingin ako kay Ash, mukhang hindi naman siya natatakot. Ang dalawa niyang kamay ay nasa likuran niya. Gusto kong sabihin na bagay sa kaniya ang ayos niya ngayon lalo na ang buhok niyang nakahawi dahilan upang makita ang kaniyang noo. Kaya lang hindi ko alam kung paano sasabihin, may mga taong hindi sanay sa compliments tulad ko. Baka mailang lang siya.

Huminga ako nang malalim saka pinagmasdan ang paligid. Kahit papaano, sariwa ang hangin at maginhawa sa pakiramdam ang malinis na paligid. "Hindi pa rin ako makapaniwala na makikita ko rin si Valdore. Parang kanina lang, kasama pa natin sina Jane, May Ann at Adam. Hindi man lang ako nakapagpaalam nang maayos sa kanila."

Napatingin sa akin si Ash, "Nakalimutan na nila tayo. Sa oras na makalabas tayo sa isang nobela, nakakalimutan tayo ng mga karakter sa nobela."

Bigla akong nalungkot sa katotohonang iyon. "Sa huli, mangyayari at mangyayari pa rin talaga kung ano ang dapat mangyari sa kuwento." Patuloy ni Ash habang nakatingin ng deretso sa daan.

Mga patay at tuyong dahon sa lupa ang natatapakan namin. Makapal ang hamog sa gubat pero nakikita pa rin namin ang daan dahil mas maliwanag ang buwan sa loob ng nobelang ito. Hindi dinadatnan ng umaga ang kaharian ng Valdore dahil isinumpa ito. Kung kaya't halos lahat ng nabubuhay dito ay mga patay na – mga bampira.

"Bakit mo ba nagustuhan ang kuwentong ito?" tanong ni Ash. Napansin niya siguro na nalungkot ako sa huling sinabi niya. Napatikhim na lang ako saka napatingala sa langit.

Lumilipad pa rin paikot ang mga paniki na parang walang katapusan. Ginagawa nila iyon dahil sila ang nagsisilbing mata ng hari.

"Mahilig din ako sa mga ganitong kuwento. 'Yong tipong may ibang klase ng mundo na puno ng hiwaga at kababalaghan. May mga nagagawa sila na hindi kayang gawin ng isang ordinaryong tao."

Ngumiti si Ash saka tinuro ang dinadaanan namin na puno ng patay na dahon, "Parang ganito?" saad niya, at nang ituro niya ang kaniyang daliri sa harap ay nahawi ang mga dahon sa gilid na tila ba nagkaroon kami ng patag na kalsada na malalakaran.

Gulat akong napatingin sa kaniya, hindi ko namalayan na napanganga ako sa pagkabigla. "Sabihin mo lang kung gusto mo makakita ng mga hiwaga." Ngiti niya saka muling inilagay ang dalawang kamay sa kaniyang likod at nauna siyang maglakad sa patag na daan na para bang isang prinsipe.

Naalala ko sa kaniya si Valdore, ang ika-siyam na prinsipe. Lumaki siyang malayo sa pamilya niya dahil may propesiya na siya ang makakapagpabagsak sa kaharian. Binalak siyang patayin ng hari na kaniyang sariling ama, ihuhulog sana ng hari sa lumiliyab na apoy ang sanggol ngunit humagulgol ang reyna at nakiusap na siya na lang mismo ang papatay sa anak sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo. Nagsinunggaling ang reyna. Pinalabas niya na patay na patay na ang bata ngunit ang totoo ay inutusan niyang itakas ito ng isa sa mga babaeng tagapagsilbi.

Nagpatuloy lang kami sa paglalakad na para bang walang katapusan. "Mukhang hindi ka naman natatakot dito." Saad ko sabay tingin sa kaniya. Animo'y dinadama niya ang paligid.

"Lahat ng karakter dito ay bampira. Kaya ko naman silang linlangin..." napatigil si Ash sa paglalakad saka tumingin sa'kin.

Napakagat siya sa kaniyang labi saka hinimas ang kaniyang baba. Nagulat ako nang ilapit niya ang sarili niya na parang sinusuri ako. Napalunok ako sa kaba. Hindi ko magawang humakbang paatras. Ang lapit ng mukha niya at tumingin siya sa leeg ko.

Tumindig na siya nang maayos, "Akala ko naging bampira ka na rin dahil sa kuwentong ito," Wika niya saka nagpatuloy sa paglalakad. Hindi ako nakapagsalita, nakatingin lang ako sa kaniyang likuran. "Sa tingin ko, hindi pwedeng magbago ang anyo mo. Tao ka pa rin kahit anong nobela ang pasukin natin."

Natauhan ako nang maalala na nasa loob kami ng nobela na puro bampira. Ako lang ang nag-iisang tao rito!

Agad akong naglakad nang mabilis at humabol kay Ash. Napahawak ako sa aking leeg, "M-mabuti ba 'yon o hindi?" napalunok ako sa kaba. Sariwang dugo ng mga hayop ang nagbibigay buhay sa mga bampirang naririto. Ilang daang taon na silang hindi nakakatikim ng dugo ng tao.

"Mabuti na hindi." Sagot ni Ash na walang bahid ng takot sa hitsura niya. Siguradong hindi naman siya natatakot dahil mas makapangyarihan siya kumpara sa mga karakter sa libro!

"Ha?"

"Mabuti dahil makakabalik ka pa rin sa iyong mundo. Pero..." tumingin siya sa'kin. Mas lalo akong kinakabahan dahil sa mga sinasabi niya at sa reaksyon niya ngayon.

"Pero, ano?"

"Baka gawin ka nilang pagkain dito." Tugon niya dahilan para maistatwa at mapanganga ako sa gulat. Sandali akong hindi nakapagsalita. Bakit niya pa ako dinala rito?!

Napapikit si Ash saka ko napansin na parang pinipigilan niya ang kaniyang pagtawa hanggang sa hindi na niya nakayanan. Tumawa siya nang malakas dahilan para mapatulala ako sa kaniya. Ilang segundo siyang tumatawa habang hawak ang kaniyang tiyan hanggang sa mapagod siya.

Napakabig siya sa katabing puno saka sumandal doon. Nang magsawa na siya tumawa ay muli siyang tumingin. "Hindi ka nila magagalaw dito hangga't kasama mo ako." Ngumiti siya. Hindi ko alam kung anong dapat na maging reaksyon ko. Dapat ba akong matuwa, mainis, o magtampo. Alinman doon, wala rin akong ideya dahil kailanman ay hindi ako nagkaroon ng kabiruan tulad nito.

Tumikhim siya nang mapansin niya na nakatingin lang ako sa kaniya. Napakamot siya ng ulo, "Pasensiya na. Sinubukan ko lang naman biruin ka." Saad niya na parang guilty, ang awkward na tuloy. Tumikhim ako saka tumawa na parang sira.

"W-wala 'yon. Pwede mo naman ako biruin... hehe" pakiramdam ko ay mas lalong naging awkward. Hindi talaga ako sanay sa mga ganito. Unti-unting sumilay ang ngiti sa labi ni Ash na parang isang bata na nagkaroon ng bagong kaibigan at aasarin.

"O'siya, sabi mo 'yan ha. Walang iyakan." Ngisi niya, siya 'yong tipong kapag bago sa isang lugar ay magkakaroon agad ng maraming kaibigan na mahihikayat niya sa kahit anong ideya o kalokohan na pumasok sa utak niya.


NAGPATULOY kami ni Ash sa paglalakad hanggang sa matanaw namin ang isang bayan. Napapaligiran ng lampara ang paligid. May mga naglalakad sa gitna, ang iba naman ay pasakay sa kani-kanilang mga itim na karwahe. Habang ang iba ay inihahatid pa lang ng kanilang mga magulang sa labas ng bahay.

Gawa sa mga brickstone. Hindi pa moderno ang paligid at parang nasa Medieval period kami. Maraming naglalakad sa gitnang kalsada na animo'y may mahalagang okasyon. Sa pagkakataong iyon ay naalala ko ang pinaghahandaan nila sa kuwento.

"Ngayon ata ang kaarawan ng reyna," saad ko habang halos walang kurap na pinagmamasdan ang paligid. Malapit na kami sa malaking arko na gawa sa lumang bato na nababalutan ng lumot. Ang makapal na pader ay gawa rin sa pinagpatong-patong na bato at napapaligiran ng makakapal na lumot.

Tumigil si Ash sa paglalakad saka tumingala sa arko. "Wala man lang nakalagay na Welcome." Puna niya na parang seryoso at hindi siya nagbibiro. Napatingin ako sa kaniya, sa kabila ng takot at kaba na nararamdaman ko, mas higit niyang pinoproblema ang disenyo ng arko.

Akmang hahakbang na sana siya papasok sa arko nang sa isang iglap ay hindi na ako nagdalawang-isip na hawakan ang kaniyang braso upang pigilan siya. Napalingon siya sa akin, "Maaamoy ba nila ako? Malalaman ba nila na tao ako?" ramdam ko ang malakas na pagkabog ng aking dibdib. Kung pwede lang ay manatili na lang ako sa gubat hanggang sa sumapit ang kalahati ng buwan at makapunta na kami sa sunod na nobela.

Ngumiti si Ash saka ginulo nang marahan ang buhok ko. "Binibiro lang kita kanina. 'Wag mong seryosohin ang mga pinagsasabi ko," ngiti niya. "Hindi nila malalaman na tao ka, nandito tayo sa mundo kung saan lahat ng naririto ay katulad nila."

Nanatili akong nakatitig sa kaniyang mga mata. Hindi ko tuloy alam kung nagsasabi ba siya ng totoo o hindi, baka binibiro na naman niya ako. Parang nagkakaroon ako ng trust issues. Tumawa si Ash, "Wag kang mag-alala, hindi kita hahayaang mapahamak." Patuloy niya saka ginulo muli nang marahan ang buhok ko.

Bumitiw na ako sa pagkakahawak sa kaniyang braso. Nauna na siyang pumasok sa arko. Huminga ako nang malalim, ang sabi nila, sa oras na umalis ang isang tao sa kaniyang comfort zone, matutuklasan niya ang iba pang magagandang bagay sa labas ng pinagtataguan niyang kahon.

Namalayan ko na lang ang aking sarili na humahakbang na papasok sa arko at sumabay kay Ash sa paglalakad. Kumpara kanina ay mas malapit akong tumabi sa kaniya, nahihiya ako sa tuwing nagdidikit ang aming braso dahil hindi naman ganoon ka-close pero mas natatakot ako na bigla siyang makalayo o mawala at maiwan ako sa loob ng istoryang ito.

Nakasalubong namin ang isang matandang bampira na nagtutulak ng kariton. Patong-patong ang mga kulungan ng pulang manok na sigurado akong kakainin ng lahat mamaya sa salo-salo. Tumingin siya nang matalim sa amin ni Ash dahilan para mapalunok ako sa kaba. "Ganiyan lang talaga sila tumingin, simulan na rin natin tumingin nang ganiyan mula ngayon." Bulong ni Ash saka naging seryoso ang mukha na parang papatayin sa tingin ang mga taong nakakasalubong namin.

Napatakip ako sa aking bibig dahil muntik na akong matawa. Halos lahat nga ng nakakasalubong naming bampira ay seryoso ang mukha at ang tatalim kung tumingin. Iniisip ko pa lang na gagayahin ko sila ay natatawa na ako.

Napatingin sa'kin si Ash saka sinagi ako nang marahan, "Gayahin mo na. Patingin nga." Kantyaw niya, umiling ako. Hindi ako sanay sa mga ganito. Ngumisi siya saka ginaya ulit ang seryosong hitsura ng mga bampira.

Napatikhim ako saka inunahan siya maglakad. Agad siyang sumabay sa'kin at pilit na pinapagawa sa'kin ang paggaya sa mga bampira pero napatigil kami nang matanaw na namin ang napakalaking palasyo na nasa gitna ng pataas na bundok.

Kulay itim ang palasyo. Nagliliwanag ang mga dilaw na ilaw sa bawat bintana. Sa kabila niyon ay may mga paniki ring lumilipad sa tuktok ng palasyo na para bang pinoprotektahan nila ito. Sunod naming narinig ang malakas na tunog ng trumpeta na hudyat na magsisimula na ang pagdiriwang. Nagsimulang maglakad ang mga bampira patungo sa palasyo.

Natauhan ako nang marinig ko ang boses ni Ash, "Pinangarap mo rin bang maging paniki?" tanong niya dahilan upang magtaka ako. Akala niya siguro nakatitig ako sa mga paniking lumilipad sa himpapawid.

Pagtingin ko sa kaniya ay muling sumilay ang ngisi sa kaniyang labi, "Sabihin mo lang, pwede tayo maging paniki." Ngayon ay hindi ko na alam kung nagbibiro ba siya, nagsasabi ng totoo, o gusto niyang hikayatin ako sa ideyang iyon.

"P-parang mas okay maglakad," sagot ko saka nagpatuloy sa paglalakad. Kailanman ay hindi pumasok sa utak ko na maging paniki. Nagsisimula na tuloy akong magtaka kung talaga bang ilang siglo na siyang nabubuhay, o baka naman bata talaga na nagpapanggap na matanda dahil sa mga gusto niyang gawin.

Sumabay siya sa'kin sa paglalakad, kasabay na rin namin maglakad ang ibang bampira na deretso lang ang tingin sa liwanag ng kaharian. Kailanman ay hindi nila nasumpungan ang liwanag ng araw kung kaya't madali silang naaakit ng liwanag mula sa apoy na malayo.

Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Ash, ilang kilometro pa ang lalakbayin namin paakyat sa bundok. "Mas madali sana nating mararating 'yon kung magiging paniki tayo. Magiging kaibigan pa natin 'yong mga nandoon sa taas." Saad niya sabay turo sa mga lumilipad na paniki. Napatingin ako sa kaniya, mukhang hindi naman siya nagbibiro. Pati paniki gusto niya maging kaibigan.

Habang papalapit kami, unti-unti na naming naririnig ang malalim na musika ng piyano mula sa palasyo. Marami ang gustong dumalo sa pagdiriwang ng kaarawan ni Reyna Adonia. Magsasalita sana ako ngunit parang umurong ang dila ko nang makita ang mga kawal ng kaharian. Matatangkad at malalaking uri sila ng paniki, may mga suot na armor at hawak na espada. Nakapwesto sila sa bawat sulok ng palasyo. Matatalim at mapupula ang kanilang mga mata.

Humilig si Ash sa'kin at bumulong, "Sila ang mga maskuladong paniki. 'Yong mga lumilipad sa ere, mga bubuwit pa 'yon" hagikhik niya dahilan upang mapatingin sa amin ang isang kawal. Umayos ng tindig si Ash saka ginaya ang seryosong mukha ng mga bampira.

Ilang sandali pa ay narating na namin ang malaking pintuan ng palasyo. Sinalubong kami ng nagliliwanag na ilaw mula sa mga naglalakihang chandelier sa mataas na kisame. Pula at makintab ang sahig. Ang dingding ay kulay itim. Disenyong baroque ang buong loob ng palasyo magmula sa kisame, sahig, dingding, mga pintuan at bintana.

Iniabot sa'kin ni Ash ang isang itim na maskara na may itim na balahibo sa dulo. Mata at ilong lang ang natatakpan nito. Sinuot na niya ang kaniyang sumbrero at ang itim na maskara na kapareho ng binigay niya sa akin.

Iniangat ni Ash ang braso niya, "Kumapit ka sa akin para hindi ka mawala. Mahirap hanapin ang daan papalabas dito. Nagbabago ang mga lagusan." Wika niya, nang lumingon ako sa pintuang pinasukan namin, naging pader na iyon.

Naalala ko na ito ang isa sa mahikang taglay ng palasyo ng mga bampira. Iniiwasan nila na may makapasok na hindi nila kauri at kabilang sa kanilang lahi. Ang nakakakita lang ng daan papalabas ay ang mga tunay na bampira ng kahariang ito.

"Makiki-party tayo ngayon dito kahit hindi tayo imbitado." Bulong niya sabay ngiti. Mukhang tuwang-tuwa siya sa ideyang iyon. Napatingin ako kay Ash, kahit nakasuot kami ng maskara ay nakikita ko pa rin ang pagsinkit ng kaniyang mga mata nang ngumiti siya.

"Paano pala tayo makakalabas?"

"Nakikita ko ang daan papalabas. Maging ang mga bintana." Tugon niya saka iniangat ulit ang kaniyang braso upang ipaalala sa akin na kumapit na ako sa kaniya. Napatingin ako sa braso niya na nag-aabang. Sa isang hindi pamilyar na lugar, kapag alam mong may kasama ka, kapag may sigurado kang may kilala ka kahit papaano, kapag magaan ang loob mo sa kaniya, kahit paano ay napanatag ang loob ko.

Kumapit na ako sa kaniya saka huminga nang malalim. Ngumiti siya na para bang sinasabi niya na magsisimula na ang gate-crashing namin. Nagsimula kaming bumaba sa mahabang hagdan kung saan nagaganap ang malaking pagdiriwang sa bulwagan. Halos hindi matapos ang pagdating ng mga bisita suot ang kani-kanilang magagarbong kasuotan. Ngayon malinaw na sa'kin kung bakit ganito rin kagarbo ang suot naming dalawa.

Naghahari ang mga malalalim na musika gamit ang piyano at biyolin. Napapahawak ako sa tapat ng aking dibdib sa tuwing kumukumpas ang malalim na nota mula sa piyano na para bang may kababalaghan o katatakutan na nag-aabang sa amin.

Nakatayo kami ni Ash sa tabi ng isang pabilog na mesa. Walang upuan. Nakatayo lang kaming lahat. Dumaan ang isang waiter, kumuha si Ash ng dalawang baso ng alak. Inabot niya ang isa sa akin. "Hindi 'yan dugo." Ngiti niya na para bang alam na niya agad ang nasa isip ko.

Inamoy ko ang kulay pulang inumin na kapareho ng naamoy ko kay papa kapag lasing siya. Pinapanood niya ngayon ang mga bampira na sumasayaw ng waltz sa gitna.

Ininom ko na ang alak, siguradong mapapagalitan ako ni mama kapag nalaman niya ang pinaggagawa ko rito pero ayokong palampasin na hindi matikman iyon kahit isang beses lang sa buhay ko.

"Nagustuhan mo?" curious na tanong ni Ash. Napaisip ako, hindi naman pala ito kasingsarap nang inaakala ko. "Medyo lasang gamot." Sagot ko na ikinatawa niya. Nakasuot kami ng maskara pero napapansin ko na sumisingkit ang mata niya kapag tumatawa siya.

"Sabi ko na nga ba 'yan ang sasabihin mo e" saad niya saka kinuha ang baso sa kamay ko at inilagay ang baso namin sa tray ng waiter na dumaan.

Nagising lalo ang diwa ko nang marinig ang musikang Sleeping Beauty Waltz ni Tchaikovsky. Ito na ngayon ang sinasayaw ng mga bampira sa gitna. Napatingin ako kay Ash, nakatingin siya sa mga sumasayaw pero nakangiti na para bang alam niyang may kutob akong may kinalaman siya sa musika tumutugtog ngayon.

Wala akong maalala na nabanggit ang kantang iyon sa nobelang ito. "Gusto mo sumayaw?" tanong niya na sandaling nagpatigil sa'kin. Ganito ang mga nababasa ko sa mga kuwento, ganito rin ang napapanood ko sa mga palabas. Ang lahat ng nangyayari ay parang hindi totoo.

Inilahad niya ang kaniyang palad sa tapat ko, napatitig ako sa kamay niya na naghihintay na magtiwala ako sa kaniya. Siya na palaging may dalang surpresa. Huminga ako nang malalim saka humawak sa kamay niya. Sabay kaming naglakad papunta sa gitna kung saan ay humalo kami sa mga sumasayaw.

Hinawakan niya ang kamay ko para ilagay iyon sa balikat niya. Ang isang kamay niya ay inilagay niya sa aking likuran. Sa bawat hakbang ay sumusunod lang ako sa kung saan niya ako dadalhin. Hindi ko mapigilang mapangiti at mamangha sa kung gaano kami kabilis nakakasabay sa indak ng musika ng orchestra.

Napangiti rin si Ash, paikot-ikot kami pero hindi ako nakakaramdam ng hilo. Umiikot kami at sa sobrang bilis ay tanging siya na lang ang nakikita ko tulad ng kung paano mabilis na lumilipas ang lahat. Nagpapalit-palit din kami ng kapareha pero babalik ulit kami sa isa't isa.

Naalala ko kung paano ako sinasayaw at binubuhat noon ni papa noong bata pa ako. Sabay kaming tumatawa, umiikot, at tumatalon na para bang hindi matatapos ang musika. Ngunit hindi nagtatagal iyon, hindi niya ako gusto mapagod dahil bawal sa 'kin iyon. Kukunin ako ni mama at siya na lang ang kakanta. Papanoorin namin siya na parang nanonood kami ng konsyerto.

Bago ko pa mamamalayan ay natapos na ang musika at sabay-sabay kaming tumigil lahat. Nagpalakpakan ang mga tao, maging kami na sumayaw sa gitna. Hinihingal ako pero sabay kaming natawa muli ni Ash dahil pareho namin hindi akalain na makakasabay kami sa kanila.

Napatitig ako sa mga mata ni Ash, kakulay nito ang buwan habang tumatagos ang liwanag mula sa bintana na nasa kisame kung saan nakasabit ang napakalaking chandelier. Nawala rin ang kulay ng buwan sa kaniyang mga mata na parang segundo lang ang itinagal.

Magsasalita sana ako ngunit narinig na namin ang martsa kung saan kasabay niyon ay dumating na ang hari at reyna. Napatingala kami sa balkonahe kung saan nakakapit ang braso ng reyna sa hari habang taas noo nilang tinatanggap ang pagyukod ng kanilang mga nasasakupan.

Matangkad ang hari ng mga bampira, malalim at kulay pula ang kaniyang mga mata. Maputla ang kanilang balat at tulad ng hari ay pula rin ang mata ni reyna Adonia tulad ng buhok nito. Itim at pula ang kulay ng kanilang magagarbong kasuotan.

Tumabi na kaming lahat habang dahan-dahan silang bumababa ng hagdan. Napatingin ako sa kasunod nila na isang babae at lalaki. Kung hindi ako nagkakamali ay iyon ang panganay na prinsipe at siyang susunod sa trono, si prinsipe Cepheus.

Ang magandang babae na kasama niya ay ang kaniyang mapapangasawa na si Margareth. Kasunod nilang bumaba ang hari at reyna. Wala ng ibang sumunod sa kanila. Naalala ko na ito na ang kabanata kung saan sunod-sunod nawala ang iba pang mga prinsipe, pinalabas ni prinsipe Cepheus na namatay sa aksidente, digmaan, at kung saang trahedya ang kaniyang mga kapatid upang masiguro na walang ibang hahadlang sa hangarin niyang maging hari.

"Huwag ka kabahan. Isipin mo na lang para tayong may VIP ticket sa isang movie premiere." Ngiti ni Ash saka inabutan ulit ako ng alak. "Kung ayaw mong inumin, hawakan mo na lang para mas cool tayo tingnan." Patuloy niya, kung minsan wala sa lugar ang mga jokes ni Ash pero masasabi kong nakakagaan talaga ng loob.

"Alam kong alam mo na ang susunod na mangyayari rito." Bulong pa ni Ash, dahil sa ganda ng palasyo at sa hindi ko inaasahang pagsayaw namin ni Ash ay nawala sa isip ko na ngayon na rin magpapakita si Valdore.

Bago pa sila tuluyang makababa ng hagdan ay bumukas ang pangunahing pinto ng palasyo. Napatingin ang lahat sa gawi ng ika-siyam na prinsipe na nakatayo sa bukana ng pintuan. Hindi masyado maaaninag ang hitsura niya dahil sa makapal na hamog na pumapasok mula sa labas.

Muntik pang pumalakpak si Ash nang maalala niya na hindi nga pala masaya at mainit ang pagtanggap ng hari sa prinsipe na inakala niyang matagal ng patay. Sinubukang sumugod ng mga sundalong paniki ngunit sa tingin pa lang ni Valdore ay naitatapon na sila nito sa ere.

Namatay ang sindi ng mga kandila sa loob ng palasyo dahilan upang matakot ang lahat. Magliliparan sana papalabas ang mga bampira ngunit agad sumara ang mga pinto at bintana. Napatakip ako sa bibig, hindi ko alam kung bakit natutuwa akong makita si Valdore kahit ang lahat ay halos sumigaw na sa takot.

Si Valdore ay bunga ng isang masamang propesiya at siyang kinatatakutan ng lahat ng bampira dahil siya ang magiging sanhi ng pagbagsak ng kanilang kaharian. Matagal nang may pagdududa ang hari kay reyna Adonia tungkol sa nangyari sa ika-siyam na prinsipe. Maging si prinsipe Cepheus ay gumagawa ng hakbang upang hanapin ang prinsipeng nabaon sa limot upang masiguro na totoong namatay nga ito pagkasilang.

Napatingin sa'kin si Ash, bakas sa mukha niya na hindi siya makapaniwala na natutuwa at kinikilig ako sa mga oras na ito kahit pa kabanatang ito ay maliligo sa dugo mayamaya. Tumingin si Ash kina reyna Adonia at Margareth na tulad ko ay masayang makita si Valdore. Ngunit may bakas ng pag-aalala sa mukha nila.

"Hindi ito ang oras para mag-fan girl, Aurora." Bulong sa'kin ni Ash dahilan para matauhan ako. Ang sabi kasi niya sa'kin isipin ko lang na nasa movie premiere kami ngayon kung saan dumaan na sa red carpet ang paborita kong artista.

Tumikhim ako saka umayos ng tindig, nasa gilid lang kami tulad ng mga bampirang nanigas at natulala sa takot. Natalo na ni Valdore ang lahat ng guwardiya sa loob ng palasyo. Ngayon ay naglalakad siya sa mahabang pulang carpet na papunta sa gitna habang nakatingin nang matalim sa kaniyang ama at kapatid.

Muling lumiwanag ang paligid. Kusang sumindi ang mga kandila. Dahan-dahang inalis ni Valdore ang suot na maskara. Nagulat ang lahat nang makita ang sunog niyang mukha. Isang mata lang ang nagagamit niya dahil an kanang mata ay nasunog noong sinubukan siyang paslangin ng hari pagkasilang.

Ngumisi si Valdore, "Totoo nga ang propesiya," panimula ni Valdore saka tiningnan ang lahat ng bampira sa loob ng palasyo. Ni isa sa kanila ay walang nag-alala at naawa sa sinapit ng inosenteng sanggol noon. Lahat sila ay sumang-ayon na paslangin na agad ang bata bago pa ito makapaghasik ng lagim sa hinaharap.

Isa-isa niyang tiningnan ang lahat na tila ba ngayon pa lang ay hawak na niya ang patay na puso ng mga ito. Muli niyang ibinalik ang tingin sa ama at panganay na kapatid. Sa loob ng mahabang panahon ay sinubaybayan niya ang hakbang ng dalawa. Nalalaman niya ang lahat ng maitim na lihim ng kaniyang pamilya.

Nang tingnan niya ang kaniyang ina ay hindi niya malaman ang dapat na maramdaman. Dahil sa pagmamahal ni reyna Adonia ay nabuhay siya. Ngunit ang totoo ay hindi niya ibig tanawing utang na loob iyon dahil ang mabuhay na mag-isa at nababalot ng sumpa ay kamatayan para sa kaniya.

"Kung papaslangin niyo ako ngayon, mas mabuti pang sama-sama tayong bumagsak sa impyerno." Patuloy ni Valdore saka ibinaling ang tingin kay Margareth na buong akala niya ay minahal siya ng totoo. Iniwan siya nito para sa mas marangyang buhay kasama ang susunod na magiging hari.

Itinaas ni Valdore ang kamay niya na parang sasakalin ang hari ngunit agad humarang si prinsipe Cepheus at sinunggaban ang kapatid. Nagkagulo ang lahat, hinawakan ni Ash ang kamay ko. Nakikita niya ang daan papalabas dahil nagbago na ulit ang puwesto ng mga lagusan.

Sunod-sunod na nabasag ang mga naglalakihang pigurin, at mga babasaging gamit sa paglalaban ng dalawang prinsipe. Agad pinalibutan ng ibang bampira ang reyna at hari upang dalhin ito pabalik sa kanilang silid.

Napatingin ako kay Ash na ngayon ay pilit na hinahanap ang daan papalabas. Tatakbo kami paakyat sa balkonahe ngunit tulad ng ibang mga bampira na tumatakas ay babalik kami pababa dahil hindi iyon ang daan.

Nagsimula na akong kabahan, maging ang mga bampira ay hindi na rin matukoy ang daan papalabas. Naalala ko na maraming namatay na bampira sa loob ng palasyo. Dumanak ang dugo sa kaarawan mismo ng reyna.

Napaptigil kami ni Ash sa tabi ng hagdan. Umaandap-andap na rin ang mga ilaw lalo na nang tumama ang dalawang prinsipe sa chandelier. Tumingin si Ash sa paligid, ngayon ko lang siya nakitang kabahan nang ganito. Bakas sa mukha niya ang pangamba at pagkagulo ng isip dahil hindi niya rin maintindihan kung bakit hindi niya makita ang daan palabas.

Pinalagitik ni Ash ang daliri niya sa pag-asang mapapatigil ang oras at ang nangyayari ngayon ngunit walang nangyari. Inulit niya ito muli ngunit hindi pa rin tumigil ang lahat. Nagkatinginan kaming dalawa, pareho naming naalala na nawawala ang bookmark. Hindi akalain ni Ash na magiging epekto iyon ng kakayahan niya sa loob ng kuwentong ito.

Sa kabanatang ito namatay ang lahat ng bisitang bampira sa loob ng palasyo bukod sa hari, reyna, at kina prinsipe Cepheus at Margareth. Kung hindi kami makakalabas ay hindi namin alam kung anong mangyayari sa amin ngayon.

Napapikit si Ash, pilit niyang iniisip kung ano ang dapat na gawin. Nakatingin lang ako sa kaniya at humawak nang mahigpit sa kaniyang kamay. Siya ang tagapagbantay ng libro na higit na may kapangyarihan sa kanilang lahat. May tiwala ako sa kaniya gaya ng kung paano ko hinawakan ang kamay niya kanina.

Patuloy ang pagkasira ng mga gamit, nagsisigawan at nagliliparan na ang mga bampira. Iminulat na ni Ash ang kaniyang mga mata saka sandaling tumingin sa'kin, wala man siyang sabihin ngunit nararamdaman ko na may gagawin siya na hindi niya dapat gawin.

Hawak niya pa rin ang kamay ko nang tumingin siya sa kinaroroonan ng dalawang prinsipe. Padapang bumagsak si prinsipe Cepheus mula sa chandelier, duguan at nanghihina. Hindi niya akalain na mas malakas sa kaniya si Valdore.

Dahan-dahang naglalakad si Valdore papalapit sa kaniya. Itinaas niya ang kaniyang kamay upang sakalin kapatid na gahaman sa kapangyarihan at trono. Nagawa nitong ipapatay ang mga kapatid sa ngalan ng kaniyang pangarap na maging hari.

Nanlilisik ang mga mata ni Valdore habang sinasakal sa ere si prinsipe Cepheus. "A-anong gagawin..." hindi ko na natapos ang sasabihin ko kay Ash nang muli kong makita ang kulay ng buwan sa kaniyang mga mata. Itinaas niya ang kaniyang kamay at sa isang iglap ay tumilapon si Valdore at bumaon sa makapal na pader.

Bumagsak muli sa sahig si prinsipe Cepheus ngunit gulat silang napatingin kay Ash. Dumanak ang dugo mula sa pader kung saan nakabaon ang katawan ni Valdore.

Sa sandaling iyon ay unti-unting nabitak ang makakapal na pader kung saan naroroon ang pintuan at mga bintana ng palasyo. Agad na nagliparan ang mga bampira papalabas na sinabayan ng mga sigaw ng pagluluksa at takot habang pumapasok sa loob ang makakapal na hamog.

Gulat na napatingin si prinsipe Cepheus kay Ash. Maging ang hari, reyna, si Margareth, at ang mga bampirang magtatakas sa kanila ay tulalang nakatingin kay Ash mula sa balkonahe. Naalala ko ang sinabi niya tungkol sa mga patakaran na kailangan niya pa ring sundin bilang tagapagbantay ng mga libro.

Tumingin siya sa'kin, nanatiling kulay buwan ang kaniyang mga mata, hindi tulad ng dati na bumabalik ito sa itim pagkalipas ng ilang segundo. Alam kong hindi niya ginusto ito, bakas sa mukha niya na wala na siyang magawa kundi ang patayin ang pangunahing tauhan sa nobelang ito upang hindi kami mapahamak.


************************

#Hiraya

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top