Kabanata 2 - When Jane Met Blue

[Kabanata 2]

Madalas akong nalulunod sa liwanag ng buwan. Hindi ko namamalayan ang takbo ng oras sa tuwing inaakit ako ng liwanag niyon sa gabi bago matulog. Minsang nabanggit sa akin ni mama na ang buwan ay mailap, kaya raw ito sa gabi nagpapakita ay dahil karamihan sa mga tao ay mahimbing nang natutulog.

Nakahiligan din nito ang magtago sa likod ng mga ulap. Kung minsan ay hindi nagpapakita buong gabi. Isa itong misteryo na nababalot ng hiwaga. Ngunit mapagbigay ito, tulad ng kung paano nito ibinabahagi ang liwanag na tinataglay sa gitna ng madilim na kalangitan.

Mula pagkabata, naging kaibigan ko ang buwan. Kinakausap ko ito bago matulog. Tinatanong ng maraming bagay, kung bakit hindi ako pwede maging katulad ng ibang bata na masayang naglalaro sa labas.

Wala akong nahahanap na sagot mula sa kaniya ngunit nagiging payapa ang pakiramdam ko. Para bang mas gusto akong yakapin ng buwan sa halip na sagutin ang mga katanungan kong magdudulot lamang ng kalungkutan.

Hindi ako napagod tumingin sa kaniya tuwing gabi. Hindi ako nagsawang kausapin siya tulad ng isang kaibigan. Hindi ako tumigil na humiling, na kung sana ay malakas lang ako, baka pwede ko ring marating ang buwan balang araw.

Natauhan ako nang magsalita muli ang lalaking nasa harap ko ngayon na tulad ng buwan na misteryoso at mahiwaga. "Maswerte ka dahil napagbigyan ang kahilingan mo. Bihira lang kami maging mapagbigay sa mga mortal. Ang mga mundong tutuklasin natin ngayon ay isang mahabang paglalakbay na puno ng magagandang tanawin" wika niya saka napahalukipkip.

"Kaya 'wag ka nang mag-alala diyan. Hindi ako si Kamatayan. Kung dadalhin kita sa kabilang buhay, bakit kailangan pa kitang kumbinsihin?" patuloy niya, napaisip ako sa sinabi niya. Patuloy lang ang pagtunog ng bell at ang pagmamadali ng mag estudyante.

"Kung ako si Kamatayan, kukunin lang kita at ihahatid sa kabilang mundo. Hindi na kita kakausapin nang ganito." Dagdag niya, napatango ako sa sinabi niya. Sabagay, may punto naman siya. Masyado siyang palangiti at palakaibigan para maging si Kamatayan.

Tinaas niya ang isa niyang daliri na parang may idadagdag pa siya sa sasabihin niya, "Tandaan mo rin pala, hindi sila nagsasalita. Walang boses ang Kamatayan. Para silang mga anino na walang emosyon at walang pakiramdam." Napahawak ako sa strap ng backpack na suot ko. Magaan ito na parang walang lamang libro o anumang gamit sa pag-aaral.

Tiningnan niya ang suot niyang relo na kakulay din ng kaniyang buhok. "Ma-lalate na tayo. First day of class pa man din ngayon." Nauna na siyang naglakad papasok sa malaking paaralan.

Agad akong sumunod sa kaniya, napatitig ako sa dalawang binti ko na nagawang makatakbo. Hindi ako nakakatakbo nang ganito. "Bakit ba first day of class lagi nagsisimula ang mga nobelang 'to?" reklamo niya habang patuloy na nginunguya ang bubble gum, nakasuksok ang dalawa niyang kamay sa bulsa ng kaniyang pantalon habang pinagmamasdan ang buong paligid.

"Sabagay, ang weird naman kung nasa kalagitnaan na ng school year, puro exam at project na 'yon. Paniguradong stressed na ang mga characters dito." Patuloy niya, sinagot lang din niya ang kaniyang tanong.

Hindi ko magawang ikurap ang aking mga mata, sa TV ko lang ito noon nakikita. May mga estudyanteng nagmamadali tumakbo papasok sa kani-kanilang mga classroom. Habang ang ilan naman ay kalmadong naglalakad kasabay ang kanilang mga kaibigan.

Natatanaw din namin ang malawak na soccer field ng school kung saan nag-tatraining ang mga student athlete. Maaliwalas ang sikat ng araw, buhay na buhay ang buong paligid. "Mas maganda pala ito kaysa sa na-imagine ko," ngumiti siya sa sinabi ko, para siyang cool na estudyanteng walang planong pumasok sa klase.

Nakapasok na kami sa Senior High School Department Building, mas maingay ang loob dahil sa dami ng mga estudyanteng tuwang-tuwa na makita muli ang kanilang mga kaibigan. Napatingin ako sa kaniya, tiningnan ko rin ang ibang estudyanteng lalaki.

"Ikaw lang may kulay ang buhok. Bawal ata dito ang magpakulay ng buhok" saad ko sabay tingin sa kaniya, natawa siya sa sinabi ko saka humarap sa'kin. Nakatayo kami sa mahabang hallway.

"Natural hair color ko 'to. Hindi ako nagpakulay. Saka wala silang magagawa, ayokong gawing black 'to ngayon. Magiging kapareho ko ang ibang estudyante rito," saad niya sabay tingin sa grupo ng limang lalaking estudyante na magkakaakbay na pumasok sa classroom nila.

Napakurap ako sa sinabi niya, agaw pansin ang kulay ng buhok niya. Mukhang wala siyang balak sumunod sa school policy. Pero sabagay, hindi naman niya kailangang sumunod kahit kanino, siya pa rin ang mas makapangyarihan sa lahat ng naririto.

Tumingin siya sa'kin saka ngumiti, "Joke lang. Baka magka-disciplinary sanction pa ko. Hangga't maaari ay lie low lang tayo dito. Hindi natin pwedeng makuha ang attention nila." Nang palagitin niya ang kaniyang daliri ay nagbago na ang kulay ng kaniyang buhok. Naging itim na iyon.

Napatulala ako sa kaniya, nagugulat pa rin ako sa mga ginagawa niya. Hindi pa nag-sisink in sa utak ko lahat pero sunod-sunod niyang binabago ang paligid at ang suot namin kaya mas lalong hindi na ako makahabol sa mga nangyayari.

"Oh. Okay ka lang?" tanong niya dahilan para matauhan ako. "Bagay ba sa'kin?" patuloy niya sabay ngiti. Hindi ko namalayan na napatango na lang ako sa tanong niya. Hindi ko tuloy alam kung ginamitan niya rin ako ng mahika para kusa akong tumango o sadyang inaamin ko nga na bagay din sa kaniya ang itim na buhok.

"Let's go! Oras na para masunog ang utak natin!" wika niya saka naglakad na sa hallway. Agad akong sumunod hanggang sa tumigil siya sa pinakadulong classoom. Pagpasok namin sa loob ay napatulala ako sa ingay at gulo ng mga estudyante.

May nagpapasahan ng bola ng basketball, nagbabatuhan ng papel, nag-seselife, groupie, may kumakain ngunit karamihan ay nag-uusap gamit ang malakas nilang boses kahit katabi lang naman nila ang kausap nila.

Humilig siya sa'kin at bumulong habang nakatingin kami sa magulong classroom na iyon. "Nandito tayo sa last section, mukhang excited talaga sila sa first day of school," wika niya. Napalunok ako, sa sobrang lakas ng tawanan at sigawan ng mga estudyante ay aakalain ng lahat na may concert na nagaganap dito.

Napatingin siya sa'kin, "Sa personality mo, mukhang mas magiging komportable ka sa section A" saad niya saka naunang naglakad palabas sa magulong classroom na iyon. Napansin niya siguro na na-culture shock ako. Buong buhay ko, tahimik lang ang paligid. Tahimik lang sa ospital at mas lalo na sa bahay. Ngayon ko lang naranasan ang mapagitnaan ng mga estudyanteng halos mapaos na ang lalamunan.

Umakyat kami sa hagdan hanggang sa marating ang third floor. Sa pangalawang pinto mula sa likod kami pumasok. Napatingin ako sa paligid, maayos na nakaupo ang mga estudyante at halos abala ang lahat sa pagbabasa ng makakapal na libro.

"Wala pang teacher pero behave na sila. Dito na lang tayo," bulong niya sa'kin, naupo kami sa dalawang bakanteng upuan sa likuran. Kumakabog nang malakas ang puso ko, hindi ko maipaliwanag ang saya na nararamdaman ko dahil ito ang unang beses na mararanasan kong maging estudyante, magkaroon ng mga kaklase, makinig sa teacher at magkaroon ng sariling armchair.

Napatingin ako sa kaniya, komportable siyang nakasandal sa upuan habang pinapaikot-ikot niya sa kaniyang kamay ang hawak niyang ballpen na hindi ko alam kung saan niya nakuha. Ngumunguya pa ulit siya ng bubble gum. 

Ilang sandali pa ay tumayo ang lahat. Tumayo rin siya dahilan para mapatayo ako agad. "Good morning, Mr. Admiral" sabay-sabay na bati ng mga estudyante. Ngumiti ang teacher na nakatayo sa gitna at sumenyas na maupo na ang lahat, inilapag na niya sa mesa ang hawak na mga libro.

Matanda na si Mr. Admiral, sa tingin ko ay malapit na siya mag-retire. "How's your vacation?" ngiti ni Mr. Admiral, nagtaas ng kamay ang iba at sinagot ang tanong niya na para bang may competition kung kanino ang pinakamagandang sagot sa simpleng tanong na iyon.

Ngumiti si Mr Admiral, puti na ang buhok nito at singkit ang mata. Naglakad siya sa white board at may sinulat doon, "What is time?" agad nagtaas ng kamay ang mga estudyante. Karamihan ay based sa nabasa nilang theory at poem.

Ilang estudyante na ang sumagot ngunit bakas sa mukha ni Mr. Admiral na may hinahanap pa siyang sagot. Inilibot niya ang mata niya hanggang sa ituro niya ang mahiwagang nilalang na nakatingin lang sa bintana. Pinapanood nito ang soccer training sa baba.

"Are you a transferee?" tanong ni Mr. Admiral sa kaniya, napatingin sa kaniya ang mahiwagang nilalang. "John Carlos Olivar, Sir." Sagot niya saka tumayo. Nanlaki ang mata ko nang mabasa ang pangalan na iyon sa suot niyang ID.

"Welcome to our School, John" ngiti ni Mr. Admiral, hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan. Ito ba ang pakiramdam na tinawag sa recitation ang katabi mo kaya posibleng ako na ang susunod?

"Thank you, Sir."

"So, John Carlos. For you, what is time?" tanong nito. Nakatingin ang lahat sa kaniya ngayon. Kalmado lang siya at isinuksok niya pa ang dalawa niyang kamay sa kaniyang bulsa. "Well, I don't deny that I've been a time manipulator for centuries..." panimula niya, nagtawanan ang mga estudyante. Maging si Mr. Admiral ay natawa sa sagot niya.

"You mean, no one can dictate you? Because time is you." Sinakyan ni Mr. Admiral ang sinabi ng mahiwagang nilalang sa pag-aakala nilang biro iyon. "Yes, Sir. I can control it." ngiti ng mahiwagang nilalang saka niya itinaas ang kaniyang daliri tulad ng ginagawa niya sa tuwing may babaguhin siya sa mga pangyayari.

Nanlaki ang mga mata ko nang tumigil ang takbo ng paligid. Naistatwa ang lahat bukod sa aming dalawa. Tumingin siya sa'kin, "Hindi ko masagot ang tanong niya kaya takasan na lang natin," ngiti niya saka naglakad na papalabas sa classroom na iyon.

Napatulala ako sa mga estudyante at kay Mr. Admiral na hindi gumagalaw. Maging ang soccer ball na sinipa ng isang player ay nanatili lang sa ere. "Halika na. Hindi nila tayo pwedeng makilala rito. Ibabalik ko rin ang oras pero hindi ko ibabalik ang alaala nila nang makita nila tayo." saad niya, nakasandal na siya sa pintuan.

Kinuha ko na ang bag ko at naglakad na papalabas doon. Nang makalabas na kami ay muli niyang pinalagitik ang kaniyang daliri dahilan upang gumalaw na muli ang lahat. Napatingin muli ako sa loob ng classroom, nagpatuloy lang sa pagtatanong si Mr. Admiral at sa pagpili ng mga estudyanteng nagtataasan ng kamay.

Nauna siyang bumaba ng hagdan, "Sandali!" habol ko. Binagalan niya ang kaniyang lakad kaya nakasabay na ako sa kaniya. 

"Ang sabi mo, isa kang book keeper, pero bakit nakokontrol mo ang oras?" 

Tahimik ang bawat classroom, kaming dalawa lang ang naglalakad sa pasilyo. "Secret. Private akong nilalang 'diba?" ngiti niya, tumingin na lang ako ng deretso.

"Sige na nga. Sasabihin ko na, mukhang iiyak ka naman, e" pang-asar niya dahilan para mapakunot ang noo ko. Hindi naman ako iiyak, hindi na lang ako nagsasalita dahil baka mainis siya sa'kin at hindi na niya ibalik ang kaluluwa ko.

Lumiko na kami sa isang pasilyo, "Madali kong nakokontrol ang oras sa loob ng mga libro. Kaya ko ring kontrolin ang oras sa mundo niyong mga tao pero hindi ko 'yon basta-basta nagagawa. Kailangan ko ng maraming enerhiya mula sa buwan," sagot niya, naptingin ako sa kaniya. Pakiramdam ko ay marami pa talaga siyang kayang gawin. Sa sobrang hiwaga niya, hindi ko alam kung kakayanin ko pa malaman kung ano pa ang mga bagay na inililihim niya.

"Oh, bakit ganiyan ka makatingin? Nararamdaman kong may itatanong ka na naman. Sige, Sabihin mo na." patuloy niya habang patuloy lang kami sa paglalakad. Wala rin akong ideya kung saan kami pupunta. Nakasunod lang ako sa kaniya.

"Anong pangalan mo? John Carlos talaga?" ngumiti siya saka umiling.

"Sa dalawa mong magkasunod na tanong. Isa lang ang pwede kong sagutin. Hindi John Carlos ang pangalan ko."

"Ano ang totoo mong pangalan?"

"Iyan ang tanong na hindi ko pwedeng sagutin." Ngiti niya.

"Bakit?"

"Hindi ko rin pwedeng sagutin kung bakit."

"Bakit nga?"

Tumigil siya sa paglalakad dahilan para mapatigil din ako. Napasingkit ang mga mata niya, "May mga impormasyon at bagay tungkol sa mga tulad namin ang hindi namin pwedeng sabihin sa mga mortal. May mga batas din kaming sinusunod."

"Mga batas na may parusa kapag sinuway niyo?" tanong ko, pumikit siya saka tumango tulad ng madalas niyang ginagawa kapag sinasagot ang tanong ko.

"Masunurin ka rin naman pala sa batas."

"Dito lang talaga hindi. Ako ang batas sa mundong 'to." Tawa niya at nagpatuloy na muli kami sa paglalakad hanggang sa marating namin ang canteen. Break time na ng ibang grade level. Nanlaki ang mga mata ko sa lawak ng canteen.

Maraming food stall at ang ang haba ng counter. Malinis din ang mga dining table at ang lalaki ng mga bintana sa gilid. Katabi ng canteen ang garden na natatanaw namin ngayon mula sa bintana.

"Ganitong-ganito ko na-imagine ang canteen sa kwentong 'to!" napangiti siya sa sinabi ko, hindi ko namalayan na narating na pala namin ang pila sa counter. Bagong luto ang mga pagkain, para kaming nasa buffet restaurant.

Kumuha siya ng dalawang tray at inabot sa akin ang isa. "Pumili ka ng pagkain," wika niya, gulat akong napatingin sa kaniya. "Hindi ba 'to makakaapekto sa'kin? Bawal sa'kin ang mga---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na siya.

"Kahit anong kainin mo ngayon, hindi 'yon masama sayo. Hindi ka magkakasakit," tugon niya dahilan para mapangiti ako sa tuwa. Mukhang nagsasabi naman siya ng totoo. 

"Mula ngayon, 'wag mo na isipin na may sakit ka. Sa mundong 'to, magagawa mo ang lahat ng bagay na hindi mo nagagawa noon." Patuloy niya. Napatango ako, gumaan ang pakiramdam ko sa sinabi niya.

Agad kong tinuro sa food assistant na naroon ang mga pagkain na gusto kong kainin. Kumuha ako ng dalawa pang tray kung saan ko ilalagay ang mga desserts na noon ay pinapanood ko lang kung paano gawin.

Iba't ibang klaseng ulam, dalawang plato ng pasta, karamihan sa pinili ko ay mga fried dishes na ipinagbabawal sa'kin. Pumili rin ako ng apat na flavor ng cake at iba't ibang klase ng inumin. Nang marating namin ang cashier, napatingin ang mahiwagang nilalang sa tatlong tray na buong sikap kong inuusog.

"Mauubos mo ba 'yan?" natatawa niyang tanong. Napatingin ako sa tray niya, carbonara at isang slice lang ng chocolate cake. Napangiti ako saka tumango, kanina pa ako naglalaway sa mga pagkaing ito.

"Uhmm... Ikaw naman ang magbabayad nito 'diba? O kasama na sa tuition dito?" ngiti ko, wala akong pera. Nakasalalay ang buhay ko sa kaniya kaya kailangan kong maging masunurin at mabait.

Natawa siya sa sinabi ko, maging ang cashier ay napangiti rin. Kinuha na niya ang wallet niya sa bulsa at inabot ang bayad sa cashier, "Baka isipin nila na pinopormahan kita," tawa niya saka tumingin sa bag na suot ko.

"May pera ka diyan. Kunin mo lang sa wallet mo." Patuloy niya, nagtataka kong binuksan ang bag ko. "May wallet ako sa bahay pero wala namang pera.. 'Pag pasko lang ako nagkakapera." saad ko habang hinahanap doon ang wallet na sinasabi niya.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang pink na wallet. "Kanino 'to?" tanong ko, natawa lang siya sa sinabi ko. Hindi naman malaman ng cashier kung tatawa ba siya o hindi lalo na dahil mukha akong weirdo.

Humilig siya sa'kin at muling bumulong, "Wallet mo na 'yan ngayon. Baka maghinala sayo ang mga nandito kung bakit hindi mo alam kung kanino 'yan." bulong niya habang pinipigilan ang kaniyang tawa.

Napalunok na lang ako saka humarap sa cashier, "W-wallet ko pala 'to. Nakalimutan ko lang na bumili pala ako ng bago." paliwanag ko, tumango at ngumiti lang ang cashier. Napailing na lang ang mahiwagang nilalang habang pinipigilan pa rin niya ang tawa niya.

Tinulungan niya ako sa pagdala ng tray papunta sa napili naming table. Nasa tabi iyon ng bintana. "Para tayong nasa hotel." saad ko habang nakatitig sa magandang garden sa tabi.

Inilapag na niya ang mga pagkain sa mesa namin at naupo sa tapat na silya. "Nakapunta ka rin pala sa hotel." wika niya, tumango ako, hindi ko pa rin maialis ang aking mga mata sa magagandang bulaklak at halaman.

"Oo. 'Nung five years old ako, dinala ako nina mama at papa sa Cebu, may katrabaho siya na nagsabing may magaling daw na doctor doon. Sa hotel kami nag-stay. Dinala ako ni papa sa garden area, tumakas kami saglit kay mama kasi siguradong hindi ako papayagan ni mama lumabas." tugon ko. Ang bata ko pa noon pero sariwa pa rin sa alaala ko ang ginawa ni papa para mapabigyan akong makalabas kahit sandali.

Sumandal siya sa silya saka tumingin sa'kin. "Malinaw ang alaala mo." saad niya, napangiti ako, hindi ko alam kung compliment ba ang tawag sa sinabi niya pero masaya akong makarinig ng compliment mula sa ibang tao bukod sa mga magulang ko.

"Mahina lang ang katawan ko pero matibay ang memorya ko. Madali kong naaalala ang lahat." saad ko, tumango siya at nagsimula na kaming kumain.

"Hinay-hinay lang. Hindi kita aagawan." puna niya nang mapansin niyang sunod-sunod kong kinain ang mga nakahaing pagkain sa mesa. Gusto kong umiyak. Ang sarap ng maki, sashimi, fried chicken, baked mac, spaghetti, carbonara, pesto, cordon blue, steak, red velvet cake, blueberry cake, cheesecake at strawberry cake. Isang soda, watermelon shake at iced tea din ang ininom ko.

Napatulala siya sa akin, hindi niya pa nauubos ang kinakain niyang carbonara, "Akala ko magpapatulong ka sa'king ubusin ang mga 'yan." Saad niya, bakas sa mukha niya na hindi siya makapaniwala na naubos ko lahat at naunahan ko pa siyang matapos.

Sumandal na lang siya sa upuan at napahalukipkip muli, "Hindi naman talaga ako kumakain. Sinabayan lang kita." Patuloy niya. Napatakip ako sa bibig nang dumighay ako. Mukhang hindi naman niya narinig, inubos na niya ang pagkain niya.

"Siya nga pala, anong itatawag ko sa'yo?" tanong ko, kumuha ako ng tissue at pinunasan ko ang aking bibig at kamay.

"Kahit ano. Ikaw ang bahala," tugon niya habang ngumunguya. "Ano bang tawag mo sa'kin?" patuloy niya sabay tingin sa'kin.

"Mahiwagang nilalang." Tugon ko, napapikit siya at natawa sa sinabi ko.

"Seryoso?" ulit niya, tumango ako. Nilapag na niya sa pinggan ang hawak niyang tinidor at natawa muli. "Para kang 'yung isang karakter na naging bahagi ng misyon ko. Ganiyan din tawag niya sa'kin." tawa niya muli.

"Anong gusto mong itawag sa'kin?" tanong niya. Napatingin ako sa kaniya, gusto ko sana siyang tawagin gamit ang mabahong pangalan kaya lang naalala ko na tinututupad niya ngayon ang kahilingan ko.

"Ash." tugon ko. Napatingin siya sa'kin.

"Bakit Ash?"

"Naalala ko lang 'yung kulay ng buhok mo." Sagot ko. Napaisip siya saka tumango.

"Sige, pwede mo akong tawaging Ash." wika niya, napangiti ako. Madali naman pala siya kausap.

Tumunog muli ang bell, kinuha ko na ang bag ko at tumayo. Tumayo na rin siya at sumunod sa akin. Napatigil kami sa paglalakad nang magsimulang dumami ang mga estudyante. Sinusundan nila ang anim na lalaki na kabilang sa soccer team.

Napatayo na lang kami ni Ash sa tabi, nakahalukipkip siya habang sinusundan ng tingin ang matatangkad na lalaki na papasok sa canteen. Nakasuot sila ng varsity jacket. Ituturo ko sana ang nauunang lalaki na naglalakad pero agad ibinaba ni Ash ang kamay ko.

"Wag kang magturo. Lie low lang tayo dito." bulong niya sa'kin, napatango ako saka ngumiti. Napahawak na lang ako sa aking magkabilang pisngi. Gusto ko ring sumigaw tulad ng ibang naririto. Baka sakaling mapansin ako ni Adam na siyang bidang lalaki sa kwentong ito.

"Mahilig talaga kayo sa mga ganyan, no?" wika ni Ash. Napatango ako habang sinusundan ng tingin si Adam. Naalala ko pa kung gaano ako kinilig sa kaniya noong una kong nabasa ang kwentong ito. Fourteen years old ako noon, pero hanggang ngayon kinikilig pa rin ako lalo na dahil nakita ko siya ngayon ng personal.

"Buti na lang hindi siya napagod sa pagliligtas kay Jane. Bakit ang hilig niyo sa kwento na palaging nililigtas ng lalaki ang babae?" patuloy niya, napatingin ako sa kaniya. Parang isa siya sa mga basher na nangbabash sa kwentong ito.

"Sabi nila cliche, pero bakit patok pa rin? Lahat naman ng story ay cliche, depende lang talaga sa takbo ng kwento, sa twists, character development, at sa mga lines. Para sa'kin, hindi deserve ng isang story na mabatikos nang gano'n dahil lang sa marami na itong katulad. Lahat ng akda pinaghihirapan. At masakit din 'yon sa mga reader na tulad ko, ang ibasura ng ibang tao ang mga paborito naming kwento."

"Masaya magbasa lalo na kung ang mga paborito mong genre at flow ng story ang binabasa mo. Hindi naman lahat ng babae gustong nililigtas sila lagi. Masarap lang talaga sa pakiramdam kapag may taong kaya kang protektahan. 'Yung taong matatakbuhan mo at pwede mong sandalan."

Tumango siya sa sinabi ko at ngumiti, "Hindi naman ako basher. Gusto ko lang marinig ang panig mo." ngiti niya, akala ko ibabash niya si Adam, hindi ako papayag. Ipaglalaban ko si Adam hanggang sa dulo.

Dumiretso na si Adam at ang mga kasama niya sa paborito nilang table. Paglabas namin ni Ash sa canteen, napalingon ako sa kaniya. "Kailan ko makikita sina Jane at May Ann?" tanong ko, magkasabay kaming naglalakad sa hallway. Sina Jane at Adam ang bida sa kuwentong ito.

Napahawak ako sa tiyan ko, hindi pa ako nabusog ng ganito kahit kailan. Tinuro ni Ash ang isang babaeng nakayuko, makakasalubong namin siya sa hallway. Napatigil ako sa paglalakad, maikli ang buhok nito na hanggang balikat, maputla ang kulay niya, payat at halos makuba na sa sobrang pagyuko habang naglalakad.

Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa madaanan niya kami, "Si Jane." tulala kong saad.

"Nakakalungkot ang sinapit niya. Hindi na dapat siya nagtiwala sa kaibigan niya." wika ni Ash. Hindi pumasok si Jane sa canteen, sa halip ay tumalikod siya at bumalik sa classroom nang makita niyang makakasalubong niya sa hallway ang grupo ni May Ann.

Yumuko si Ash, bumulong siya sa'kin sabay turo sa matangkad na babae na nasa gitna kasama ang apat pa nitong kaibigan. "Alam kong makikilala mo kung sino sa kanila si May Ann." Napatulala ako sa babaeng iyon, mahaba ang buhok, maputi, masayahin at angat sa lahat.

Hindi ko alam ang dapat kong maramdaman. Isa ito sa mga paborito kong nobela, tungkol sa dalawang teenager na matalik na magkaibigan simula pagkabata ngunit nagbago ang lahat ng maging malapit ang isa sa kanila sa grupo ng mga babaeng mahilig sumabay sa uso at pagtawanan ang ibang estudyante. Malaki rin ang naging lamat sa kanilang pagkakaibigan dahil sa isang lalaki.


TULALA akong naglalakad habang hawak ang vanilla ice cream na binili namin ni Ash kanina sa canteen nang matapos ang klase. "Himala. Hindi ka natutuwa ngayon sa pagkain. Ah. Nakakakain ka naman siguro ng ice cream." Natauhan ako sa sinabi niya. Natutunaw na ang ice cream na hawak ko.

Naglalakad kami ngayon sa tabi ng isang mahabang tulay. Malinis ang ilog at marami ring ilaw. Tinatahak namin ang gilid habang ang mga sasakyan naman ang naghahari sa gitnang kalsada. Naglalakad ako sa mas mataas na gutter, sinasabayan naman niya ako maglakad sa pedestrian sidewalk.

Papalubog na ang araw, dumidilim na ang paligid pero buhay na buhay pa rin ang mundong ito kung saan ang lugar sa kwento ay nasa gitna ng siyudad. Kinain ko na ang ice cream, masarap iyon. Nakatikim na rin ako nito noong bata pa ko, dalawang kutsara lang ng vanilla ice cream dahil hindi ako pwedeng masobrahan.

"Pero alam mo, maganda rin ang nobelang 'to. Magaganda ang mga napili mong kwento, puwera lang 'don sa horror story. Ihuhuli ko talaga 'yon." Saad niya habang nakasuksok ang dalawang kamay sa kaniyang magkabilang bulsa. Tuluyan nang dumilim ang paligid ngunit mas naging maliwanag dahil sa napakaraming ilaw mula sa mga sasakyan, street lights at matataas na building.

Napatingin ako sa kaniya, "Noong nabasa ko 'to, mag-isa lang ako sa kwarto. Nasaktan ako para kay Jane at May Ann. Nasaktan ako kahit wala akong ideya kung ano ba ang pakiramdam magkaroon ng kaibigan."

Napatingala sa langit si Ash, "Makapangyarihan talaga ang mga akda. Nagagawa nitong tamaan ang damdamin natin kahit wala tayong karanasan sa bagay na iyon o hindi naman tayo ang mga karakter sa kuwento." Saad niya, napatango ako sa sinabi niya.

"Ash..." saad ko, tumingin siya sa'kin. "Nasabi mo pala kanina kay Mr. Admiral na nakokontrol mo ang oras at ilang siglo mo nang ginagawa iyon. Ilang taon ka na?"

Nang tumingin ako sa kaniya, nagulat ako dahil kulay Ash gray na ulit ang buhok niya. Ngumiti siya sabay kain sa ice cream na hawak niya ngayon. Wala naman siyang binili kanina.

"Nainggit ako sa ice cream mo." Ngiti niya sabay turo sa buhok niya. "Nagustuhan ko rin ang bagong pangalan ko ngayon. Sa tuwing tatawagin mo akong Ash, magiging ganito ang kulay ng buhok ko." Patuloy niya na parang batang natutuwa sa magic.

Nagugulat pa rin ako sa hiwaga niyang taglay. "So, curious ka kung ilang taon na ko?"

Tumango ako, napaisip siya. "Kaya lang hindi ko rin pwede sabihin," ngisi niya. Tulad ng kung paano niya sinasagot ang tanong ko kanina kung anong pangalan niya.

Tumingin na lang ako ng deretso sa daan saka kinain ag ice cream kong tunaw na. "Hindi naman sa hindi ko gustong sagutin. Hindi lang talaga pwede. Hindi namin pwedeng sabihin iyon sa mga tulad niyo." dagdag niya. Tumingin ako sa kaniya.

"Naiintindihan ko naman 'yon. Nahihiwagaan lang ako sa'yo. Hindi ko alam kung panaginip lang ba talaga 'to o totoo. Pero kahit ano man doon, masaya pa rin ako sa mga nangyayari ngayon. First time kong makakaubos ng isang buong ice cream." Ngiti ko saka pinakita sa kaniya ang ice cream na hawa ko. 

"Sige. Ililibre kita next time ng isang galon na ice cream. Hindi ka naman magkakasipon 'pag inubos mo 'yon." Ngiti niya.

"Pagkatapos pala ng teen fiction, anong kwento ang sunod nating pupuntahan?" tanong ko. 

"Sa palagay ko, fantasy." sagot niya saka kinuha niya sa bulsa ang red bookmark. "Ito ang susi natin sa..." hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil biglang humangin, nabitawan niya ang bookmark.

Tinangay ito ng hangin at bumagsak sa ilog. Gulat kaming napadungaw sa tulay. Nabitawan niya rin ang hawak niyang ice cream na natapon sa kalsada. Napatingin ako sa kaniya, tila naistatwa siya at halos lumuwa na ang kaniyang mga mata habang tinitingnan ang bookmark na unti-unting lumulubog sa ilog.

"H-hindi mo ba kukunin 'yon?" tanong ko, nasamid pa ako sa tamis ng ice cream.

"Marunong ka bang lumangoy?" tulalang tanong niya. 

Napailing ako. "Hindi."

Napapikit na lang siya at napahawak sa noo niya, "Napapaso ako sa tubig. Masusunog ako kapag lumundag ako diyan." Saad niya na parang binagsakan ng langit at lupa. Hindi ako nakapagsalita, naalala ko na ang mga superheroes ay may kahinaan din. Kahinaan niya pala ang tubig.

"P-paano tayo makakaalis dito?" tulala akong nakatitig sa kaniya. Sa reaksyon niya pa lang ay kinakabahan na ako.

Napahilamos siya sa kaniyang mukha saka tumingin sa'kin, "Hindi ko na rin alam kung paano ka makakabalik." Saad niya dahilan upang mabitawan ko ang ice cream na hawak ko. Napatulala ako sa kaniya, hindi ko rin namalayan na napanganga ako sa gulat.

Kung panaginip man ito, binabangungot na siguro ako ngayon!


****************

#Hiraya

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top