Kabanata 17: Hiram

[Kabanata 17]

NAALIMPUNGATAN si Hiram dahil sa nakasisilaw na sinag ng araw na tumatama sa kaniyang mata. Nakatulog siya sa damuhan. Hinawakan niya ang kaniyang ulo habang dahan-dahang bumangon. Pumipintig pa rin ang kaniyang ulo at nakakaramdam siya ng hilo.

Nasa paa niya ang bote ng alak na walang laman. Nasa damuhan din ang kaniyang sombrero. Inilibot niya ang mata sa paligid. Ang huli niyang naalala ay pasuray-suray na siyang naglalakad pauwi. Hindi niya matandaan kung nakauwi ba siya. At ngayon, malinaw sa kaniya na hindi nga siya nakarating sa kampo.

Sandaling napatulala si Hiram habang dinadama ang sariwang hangin ng umaga. Kahit gaano pa karami ang alak na inumin niya, bumabalik at bumabalik pa rin ang sugat sa kaniyang puso. Kinuha na niya ang sombrero at nagsimula nang maglakad. Wala siyang maalala. Pakiramdam niya ay nalugmok siya sa isang napakahabang panaginip. At sa kaniyang paggising, hindi na niya iyon maalala.

Naging abala si Hiram sa pagsasanay. Madaling araw pa lang ay bumabangon na siya at nagsasanay mag-isa. Siya rin ang pinakahuling umaalis at nagpapahinga. Napansin iyon ng heneral, nababatid niya na kapag may gumugulo sa isipan ni Hiram ay pinapagod nito ang sarili hanggang sa ang katawan na niya ang tuluyang bumigay.

Lumipas pa ang maraming araw, hinayaan niya lang si Hiram. Maging ang mga kasamahan nitong sundalo ay hindi nagsasalita o nagtatanong kay Hiram. Nababatid nila na wala silang makukuhang sagot. Bukod doon, sadyang nakakatakot si Hiram kapag hindi maganda ang araw nito.

Alas-siyete ng gabi, kasalukuyang nagsasanay si Hiram mag-isa sa malawak na damuhan kung saan sila nag-eensayo ng pamamaril. Walang palya ang pagtudla ni Hiram. Sunod-sunod niyang natatamaan ang gitna ng tudlaan. Ilang sulo lang ng apoy ang nagsisilbing ilaw sa gabi ngunit hindi iyon naging hadlang kay Hiram upang tamaan ang gusto niyang tamaan.

Nawala sa pokus si Hiram nang marinig ang boses mula sa kaniyang likuran, "Ang sabi nila, kakain na raw kayo," ibinaba ni Hiram ang baril saka lumingon sa likod. Sandali siyang hindi nakapagsalita nang makita si Libulan. Nakasuot pa ito ng karaniwang suot ng mga nag-aaral sa Ateneo.

Hindi nagsalita si Hiram, ibinalik niya ang atensyon sa pagsasanay. Tahimik na nanood si Libulan, napatunayan niya na totoo nga ang naririnig niya bali-balita. Mahusay si Hiram sa pamamaril. Kinuha ni Libulan sa kaniyang bulsa ang medalya na naiwan ni Hiram sa tirahan ng kanilang ina.

"Kalimutan mo na ang sinabi ni ina, sa aking palagay, siya'y may karamdaman," patuloy ni Libulan saka inilapag sa maliit na mesa ang medalya. Nakapatong din sa mesa ang mga bala at rebolber.

"Kalimutan? Madali lang para sa 'yo ang sabihin 'yan," saad ni Hiram na nagawang tumawa. Hindi niya pa rin inaalis ang mga mata sa pagtudla. Nais niyang masindak si Libulan sa lakas ng putok na baril na umaalingangaw sa buong paligid.

"Kahit kalimutan mo siya. Kahit ipagtabuyan mo siya. Ikaw pa rin ang hahabulin niya," patuloy ni Hiram saka lumingon kay Libulan. "Ikaw ang itinatangi niya sa lahat, hindi ba?"

Hindi nakapagsalita si Libulan. Napaiwas siya ng tingin. Hindi niya alam ang sasabihin. Totoo na siya ang pinapaburan ng kanilang ina. Subalit, para sa kaniya, hindi magandang bagay iyon. "Ang aking punto, huwag mong damdamin ang mga sinabi niya sapagkat may mga pagkakataon na wala siya sa tamang pag-iisip," saad ni Libulan ngunit tinawanan lang siya ni Hiram.

"At bakit siya humantong sa ganoon? Inamin niyo rin na kayo ang may kasalanan. Sinisisi niya sa akin ang lahat gayong kayo rin ang nagpapalala ng kaniyang sitwasyon," saad ni Hiram. Hindi nakasagot si Libulan. Kilala siyang magaling sa talastasan at pakikipag-debate ngunit sa pagkakataong ito ay wala siyang naisagot sa kapatid.

Tinititigan ni Hiram si Libulan. Kailanman ay hindi niya naranasan ang pagmamahal ng isang ina. Nagpalipat-lipat siya ng tirahan at iba-iba rin ang taong inakala niyang mag-aaruga sa kaniya. Ngunit walang natira, wala ring nanindigang kupkupin ang isang tulad niya.

Naalala ni Hiram ang mga medalya at certifico ni Libulan na sumisigaw ng karangalan. Itabi man ang nag-iisa niyang medalya roon ay hindi ito mapapansin. Malabong mapansin iyon ng kanilang ina na walang ibang nakikita kundi ang kapatid niya na laging magaling, matalino, at namamayagpag.

"Kung hindi ka dumating. Marahil hindi ko nararanasan ito. Hindi ko mararanasang maisantabi nang dahil sa 'yo," wika ni Hiram na animo'y pinapasa ang masasakit na salitang binitiwan ng kaniyang ina sa kaniya.

Napahigpit ang hawak ni Hiram sa baril. Pilit niyang pinipigilan ang damdamin. "Hilingin mo na ang nais mong hilingin kung iyan ang maghahatid sa 'yo ng kapanatagan," saad ni Libulan sabay talikod at naglakad papalayo.

Sa inis ay inihagis ni Hiram ang baril sa lupa. Hindi niya batid kung anong pumipigil sa kaniya saktan ang kapatid. Ang pangyayaring iyon ay natunghayan ng heneral na nakatanaw mula sa bintana ng ikalawang palapag.

Pinatawag ng heneral si Hiram sa kaniyang tanggapan. Hindi pa nakakapagpalit ng damit si Hiram mula sa pagsasanay mag-isa. Ang kaniyang buhok ay basa pa ng pawis. Inilapag ng heneral ang isang papeles sa mesa upang basahin ni Hiram.

"Ikaw ay aking ipapadala sa Timog. Pangungunahan mo ang pangkat ng hukbo na magbabantay sa ating hangganan," hindi umimik si Hiram. Ang pagsunod sa utos ng heneral ang dapat niyang sundin. Bagaman labag pa sa kaniyang loob ang lisanin ang Maynila, hindi na siya tumutol.

"Ang kausap mo ba kanina ay ang anak ni Don Venancio Dela Torre?" tanong ng heneral. Tumango si Hiram bilang tugon, nanatili siyang nakayuko at nakatingin sa sahig.

"Matagal ko nang naulinigan ang usap-usapan tungkol sa iyong ina. Hindi ko na itatanong kung magkaano-ano kayong tunay ng estudyanteng nagtungo rito," saad ng heneral saka tumayo at tumindig sa tapat ng bintana.

Pinagmasdan niya ang buwan na natatakpan ng ulap, "Iyong naalala? Hindi tayo sumasalakay sa gabi kapag nariyan ang buwan. Nagtatago tayo upang hindi tayo makita ng kalaban. Kumikilos tayo sa dilim hanggang sa maisakatuparan ang ating tungkulin," lumingon ang heneral kay Hiram na ngayon ay nakatingin na sa kaniya.

"Hindi kita lubusang nakikilala ngunit aking nararamdaman ang iyong pighati. Lumaki ka na rin sa akin. Nababatid ko ang iyong pinagdadanaan ngayon." Naglakad ang heneral papalapit kay Hiram saka tinapik nang marahan ang balikat nito. Hindi maitatanggi ng heneral na si Hiram ang pinakatinatangi niyang tauhan dahil sa angking galing nito sa digmaan.

"Magpakalayo ka muna, at tulad ng dati, kumilos ka sa gabi at huwag magpapahuli sa liwanag ng buwan. Pagsikapan mong gampanan ang iyong tungkulin at parusahan ang dapat parusahan." Saad ng heneral, dahan-dahang napatango si Hiram. Ang kaniyang malulumbay at malamlam na mata ay napalitan ng bagong adhikain na palakihin ang kaniyang pangalan.


HINDI nabigo si Hiram. Pinangunahan niya ang pangkat na hindi nagapi at natalo ninuman. Kabi-kabila ang laban at pagtatanggol nila sa hangganan. Mas lalo siyang kinatakutan at ang sinumang makakarinig sa kaniyang pangalan ay pinipiling manahimik.

Ang sinumang hahadlang sa kaniyang daan ay hindi makaliligtas. Tuluyan na siyang nawalan ng simpatya at awa. Nakatuon ang kaniyang layunin na makamit ang pinakamataas na posisyon upang patunayan sa ina na mas nakahihigit siya kay Libulan. Bukod doon, nais niyang higitan at pabagsakin ang pamilya Dela Torre upang pagbayarin ang mga ito sa kaniyang kapighatian.

Muli siyang nagkamit ng parangal at tumaas ang kaniyang ranggo. Siya ngayon ay isa nang tinyente. Nakalikha na rin siya ng maraming koneksyon dahilan upang dumaan na rin sa kaniya ang maraming impormasyon na nakukuha ng mga espiya. Nababatid ni Hiram ang mga korapsyon na kinasasangkutan ni Don Venancio, unti-unti niyang nililikom ang mga katibayan na balang araw ay kaniyang isisiwalat.

Sa oras na bumagsak ang pamilya Dela Torre, nakatitiyak si Hiram na mapagtatanto ng kaniyang ina na mali ang kumapit sa yaman at proteksyon ni Don Venancio. Wala na itong malalapitan sa huli kundi siya.

Sa pagbabalik ni Hiram sa Maynila, tiniis niyang huwag bumisita sa kaniyang ina. Naroon ang kagustuhan niyang muling makausap ito. Umaasa siya na sa pagkakataong ito ay masaya na siyang sasalubungin ng ina. Na maaaring marami lang problema ang kaniyang ina noong huli siyang nagtungo dahilan upang makapagsalita ito ng masasakit.

Sinikap ni Hiram na makakuha ng balita sa kalagayan ng kaniyang ina. Katulad ng dati, naninilbihan at sunud-sunuran pa rin ito sa pamilya Dela Torre. "May nasagap din po pala akong mahalagang impormasyon," wika ng espiya saka pinakita kay Hiram ang limang papel kung saan nakasulat ang mga tula. Nananatili siya sa kampo sa araw ng kaniyang pahinga.

Nakatayo sila sa tapat ng bintana kung saan natatanaw nila ang mga bagong sundalo na sinasanay sa hukbo. "Kumakalat po iyan sa pamilihan. Ayon sa mga naroroon, natagpuan na lang nila ang mga kopyang iyan sa labas ng kani-kanilang mga tindahan. Aking napag-alaman sa mga guardian a nagbabantay sa pamilihan na may namataan silang pangkat ng mga kabataang lalaki na siyang nagpapalaganap ng mga ito."

Napakunot ang noo ni Hiram nang mabasa ang isang tula na sadyang mapanganib. Hindi siya mahusay sa pagbibigay ng kahulugan sa mga panitikan ngunit naunawaan niya agad ang mensahe ng tula.

"Natunton niyo na ba kung sino ang puno't dulo nito?" tanong ni Hiram. Humakbang papalapit ang espiya. "Ako pa lang po ang nagmamanman sa pangkat ng kabataan. Silang lima ay ilang gabi kong namataan sa tindahan ng sapatos..." Hindi malaman ni Hiram kung bakit biglang tumigil ang tibok ng kaniyang puso sa susunod na sasabihin ng espiya.

"Ang anak ni Don Venancio ang natunghayan ko pong namahagi ng mga kasulatang ito. Doon sila nagtitipon sa tahanan ng inyong ina." Tila nabuhusan ng malamig na tubig ang buong katawan ni Hiram. Nababatid niya kung gaano kapanganib ang bagay na kinasasangkutan ni Libulan. Hindi rin siya makapaniwala na hahayaan lang ito ng kanilang ina.

Dali-daling nagtungo si Hiram sa tahanan ng kaniyang ina. Nais niyang kumpirmahin kung totoo ba ang kaniyang mga nalaman. Nagawa niya ring pakiusapan ang espiya na ilihim sandali ang natuklasan nito bago sila gumawa ng sunod na hakbang.

Bago makarating si Hiram sa tindahan ng mga sapatos ay nakasalubong niya ang heneral sa daan lulan ng kalesa. Agad nagbigay galang si Hiram, sumenyas ang heneral na sumakay ito sa kalesa.

Iniabot ng heneral ang isang selyadong papeles. Bukas na ito kung kaya't nabasa na ng heneral. "Ito na ang iyong pagkakataong mapalapit sa gobernador-heneral. Naglabas siya ng utos tungkol sa pagdakip sa mga nagpapakalat ng mga sulatin na ang layunin ay sirain ang pamahalaan at guluhin ang kapayapaan. Aking nababatid na narinig mo na rin ang mga balita tungkol sa pangkat ng kabataan na nagpapakalat ng mga tula at kuwentong pambata,"

Hindi nakapagsalita si Hiram. Nanginginig niyang binasa ang selyadong papeles. "Malaking pagkakataon ito upang mas patunayan mo ang iyong sarili. Malaki ang tiwala ko na marami ka pang mararating, Hiram." Saad ng heneral saka muling tinapik nang marahan ang balikat ni Hiram.

Tumuloy na sa kampo ang heneral. Nakayuko si Hiram hanggang sa makalayo ang kalesa. Sumakay siya sa kabayo saka tumuloy sa tirahan ng ina. Magtatakip-silim na nang makarating siya roon. Napangiti ang sapatero nang makita si Hiram, "Kumusta, Señor?" bati nito ngunit nagpatuloy lang sa paglalakad si Hiram at nagmamadaling umakyat sa hagdan. Napalunok na lang ang sapatero nang makita ang seryosong hitsura ng Tinyente na handang banggain ang lahat ng humaharang sa kaniyang daan.

Hindi na kumatok si Hiram nang makarating siya sa tapat ng silid ng kaniyang ina. Pagbukas niya ng pinto, naabutan niya roon si Libulan na kakauwi lang galing sa klase. Araw ng Biyernes, nababatid niyang namamalagi si Libulan sa tahanan ng kanilang ina sa araw ng Sabado at Linggo.

Pabagsak na sinara ni Hiram ang pinto sa kaniyang likuran. Tumingin sa kaniya si Libulan ngunit hindi ito nagsalita. Nagpatuloy siya sa pagpili ng kuwaderno kung saan niya isinusulat ang kaniyang mga akda. Agad lumapit si Hiram kay Libulan, "Sabihin mong hindi totoo itong mga nakarating sa akin," seryosong wika ni Hiram na nanlilisik ang mga mata saka pinakita ang kopya ng mga kumakalat na babasahin.

"Kung nais mo akong isuplong, malaya kang gawin 'yon," saad ni Libulan nang hindi tumitingin sa kaniya. Sinunggaban ni Hiram ang kuwelyo ni Hiram at iniharap ito sa kaniya. Mas matangkad at mas malakas siya kumpara kay Libulan kung kaya't hindi ito nakapalag.

"Nauunawaan mo ba ang sinasabi mo? Sinusubukan mo pa ako?!" sigaw ni Hiram, buong sikap na kumawala si Libulan at itinulak si Hiram papalayo. Natanggal ang butones sa kaniyang polo, "Anong akala mo sa akin? Hindi ako ang tipong manunuhol. Hindi rin ako makikipagkasundo sa nais mong mangyari para lang pagtakpan ito. Hindi ako katulad mo na tumatanggap ng mga suhol at bayad upang ipahamak ang inosente!" sigaw ni Libulan dahilan upang mag-init lalo ang ulo ni Hiram.

Tinamaan si Hiram sa sinabi ni Libulan. Totoo na tumatanggap siya ng mga suhol at bayad para ipahamak ang kalaban ng mga opisyal na humihingi sa kaniya ng pabor. Totoo na pumapaslang siya para sa salapi at mas lalong tumatag ang pakikisama niya sa mga mas nakakakataas. Para kay Hiram, gagawin niya ang lahat upang tumibay ang kaniyang kapit sa posisyon.

"Hindi mo ba naisip na maaaring madamay dito si ina? Dito pa sa kaniyang tahanan mo ipinamamahagi ang mga basurang ito!" sigaw ni Libulan saka pinunit ang hawak niyang papel. Sinubukang agawin ni Libulan ang papel ngunit tinulak siya ni Hiram dahilan upang mapabagsak siya sa sahig.

Hindi na rin mapigilan ni Libulan ang kaniyang galit. Higit niyang kinasusuklaman ang mga taong nasasangkot sa korapsyon at kasamaan. Natunghayan niya kung paano nalunod ang mga ito sa salapi at karangalan dahilan upang mas lalong maghirap at masadlak sa kamatayan ang mga inosenteng mamamayan.

"Tigilan mo na ito! Sunugin mong lahat ang mga katibayan na magpapahamak sa inyo. Hinding-hindi kita mapapatawad sa oras na madamay si ina sa kapabayaan mo!" banta ni Hiram habang dinuduro si Libulan. Tumalikod na siya at pabagsak na isinara ang pinto. Kung maaari lang niyang sirain ang pinto ay gagawin niya. Kung maaari lang niyang saktan si Libulan ay hindi siya magdadalawang-isip na gawin iyon.


LUMIPAS ang mga gabi. Hindi makatulog nang maayos si Hiram. Hindi rin siya makakain at pinili niyang magkulong sa sariling silid. Nagtatalo ang kaniyang isip kung isusuplong ang kapatid o pagtatakpan ang ginawa nito. Ilang ulit na ring bumalik ang espiya upang itanong kung ano ang kanilang gagawin. Pareho nilang nababatid na dapat na nila itong sabihin sa heneral subalit hindi pa makapagdesisyon si Hiram.

Nagawang pakiusapan muli ni Hiram ang espiya na bigyan siya ng isa pang araw. Nais niyang kausapin ang ina. Ang totoo, mas nangingibabaw sa kaniya ang pagmamahal sa ina kung kaya't kakausapin niya ito at papakiusapan na sabihan si Libulan na itapon na ang lahat ng katibayan. Gagawin niya rin ang lahat upang hindi mabunyag ang totoo.

Tanghaling tapat nang magtungo si Hiram sa tahanan ng kaniyang ina. Araw ng Linggo, masayang naglalabasan ang mga mamamayan na dumalo sa misa. Nakasalubong ni Hiram sa daan ang mga batang tuwang-tuwa habang nakahawak sa kamay ng kanilang mga magulang. Narinig niya pa ang ilan na kakain sa panciteria, mamamasyal sa pamilihan, at maliligo sa ilog.

Bumagal ang paglalakad ni Hiram habang pinagmamasdan ang makulay na paligid. Tila siya ang nag-iisang dilim sa gitna ng mga makukulay na ngiti ng mga tao. Lahat sila ay masaya. Lahat sila ay may pamilya.

Nagpatuloy si Hiram sa mabagal na paglalakad hanggang sa marating ang tirahan ng ina. Sarado ang tindahan ng sapatos. Sa isip ni Hiram, tiyak na kasama rin ng sapatero ang pamilya nito at sabay-sabay silang nagsimba.

Pagdating niya sa ikatlong palapag. Nakauwang ang pinto, nakabukas din ng malaki ang bintana dahilan upang pumasok ang sinag ng araw na nagbibigay ng saya at kalakasan. Magkatapat na kumakain sa maliit na mesa ang kaniyang ina at si Libulan.

Naamoy niya ang sinigang na marahang sinasandok ni Aliya sa mangkok at iniabot iyon sa anak. "Aking nabalitaan na ikaw muli ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa inyong pagsusulit. Ikaw talaga ay nagmana sa akin!" Ngiti ni Aliya habang sinasandukan ng kanin si Libulan.

Hindi umimik si Libulan. Abala ito sa pagsusulat sa kaniyang kuwaderno. "Siya nga pala, nakausap ko kanina si Elena, naroon din siya sa pamilihan," patuloy ni Aliya. Napatigil si Libulan sa pagsusulat. Tama nga ang hinala ni Aliya, apektabo pa rin ang kaniyang anak sa babaeng iyon.

"Maayos naman ang kalagayan niya. Heto ang sabaw, anak, mainit pa 'yan," dagadg ni Aliya na halatang nais ibahin ang usapan. Nagsisisi siya ngayon kung bakit binanggit niya pa si Elena.

Nagsimula na silang kumain. Si Aliya lang ang nagsasalita at nagkukuwento ng kung anu-ano. "Ina," wika ni Libulan, tumigil si Aliya sa pagsasalita saka tumingin sa anak at handang makinig sa sasabihin nito.

"Paano kung isang araw... malagay tayo sa panganib nang dahil sa 'kin? Paano kung..."

"Ano bang pumasok si isip mo, anak? Hinding-hindi mangyayari iyon. Nariyan ang iyong ama na handang gawin ang lahat para sa 'tin. Narito rin ako na handang gawin ang lahat para sa 'yo," hinawakan ni Aliya ang magkabilang pisngi ni Libulan.

"Ikaw ang aking natatanging anak siyang pinakamahalaga sa'kin sa lahat. Hinding-hindi kita iiwan o pababayaan," ngumiti si Aliya nang marahan saka niyakap ang anak at tinapik ang likod nito. Hindi kumibo si Libulan. Ngayon tumatagos sa kaniyang puso ang nagawa, naging padalos-dalos siya at nakalimutan niya na maaaring madamay ang kaniyang ina.

Samantala, sa likod ng pinto ay nakasilip si Hiram. Natunghayan at narinig niya ang lahat. Animo'y bumalik ang lahat ng masasakit na alaala kung saan hindi siya magawang tingnan ng ina. Hindi rin siya nito niyakap, hinalikan, o sinabihan ng mga salitang magpapagaan sa kaniyang damdamin. Hindi niya pa naranasan na ipagluto siya nito ng pagkain. Kailanman ay hindi rin niya narinig na tinawag siya nitong anak.

Napahigpit ang kamao ni Hiram dahilan upang magusot ang hawak niyang katibayan na nakolekta. Ipapakita niya sana iyon sa ina at susunugin sa harap nito upang ipakita sa kaniya kung gaano siya katapat bilang anak.

Subalit, ang lahat ng iyon ay napalitan ng galit, paninibugho, at pighati. Agad siyang umalis at tumakbo papalabas. Napapatabi ang mga tao at sinusundan siya ng tingin. Hindi na napigilan ni Hiram ang pagbagsak ng kaniyang luha. Nanginginig ang kaniyang katawan at animo'y sasabog ang kaniyang dibdib.

Napadaan siya sa daungan kung saan walang katao-tao. Tanghaling tapat, halos lahat ay nasa simbahan at pamilihan. Napadapa si Hiram at doon na tuluyang bumagsak ang kaniyang mga luha. Nagawa niyang sumigaw at humagugol sa labis na sakit na nararamdaman. Lumuha siya ng lumuha hanggang sa maubusan siya ng lakas.


MALAPIT na ang oras ng paghihigpit nang makabalik si Hiram sa kampo. Naabutan niya ang heneral na nagsusuot ng abrigo, pauwi na ito sana ito ngunit napatigil nang pumasok si Hiram sa kaniyang tanggapan.

Napansin ng heneral na basang-basa sa pawis si Hiram na animo'y tumakbo ito nang napakalayo. Muli rin niyang nakita ang malumbay na mga mata na tila binawian ng buhay at sigla.

Lumapit si Hiram at inilapag sa mesa ang gusot na papeles. "Nariyan po ang lahat ng impormasyon at katibayan tungkol sa taong nagpapakalat ng mga pinagbabawal na babasahin. Kayo na po ang bahala kung anong ibig niyong gawin sa kaniya."

Nagtatakang kinuha ng heneral ang papeles. Napatigil ito nang mabasa ang laman ng mga dokumento. Iyon ay mga katibayan na nagtuturo kay Libulan Dela Torre na siyang nagsulat ng mga akdang sumisira sa pamahalaan at kaayusan.

"Ikaw ba ay nakatitiyak? Hindi ba't kapatid mo ito?" gulat na tanong ng heneral sabay tingin kay Hiram na ngayon ay malayong-malayo sa masiyahin at palabirong binata na lagi nakangiti at nakatawa.

"Sa simula pa lang, wala akong pamilya," tugon ni Hiram saka yumuko at naglakad papalabas. Agad pinatawag ng heneral ang kaniyang mga tauhan. Nagpadala na rin siya ng sulat sa hukuman para sa mapadakip si Libulan sa lalong madaling panahon.

Inaresto si Libulan sa klase. Hindi siya lumaban o nagpumiglas. Tahimik siyang sumunod sa mga guardia hanggang sa dalhin siya sa bilangguan. Agad nakarating kay Don Venencio ang balita, lumapit siya sa mga kakilala at nakiusap na makausap ang heneral subalit hindi siya nito pinaunlakan.

Sinubukang lumapit ni Don Venencio kay Hiram na nababatid niyang anak ni Aliya ngunit hindi rin ito tumugon sa kaniyang liham. Nabalot ng takot ang paligid. Ang pagkaaresto sa isang estudyante ay naghatid ng takot sa lahat ng paaralan. Mas lalong naghigpit at ang bawat kilos ng mga estudyante ay minamanmanan.

Nakatayo si Hiram sa harap ng salamin habang sinusuot ang kaniyang abrigo. Kasama siya sa mga inanyayahan ng gobernador-heneral para sa isang pribadong hapunan. Naalala niya ang mga sinabi ng heneral, huwag niyang sayanging ang malaking opurtunidad na ito upang makuha ang loob ng matataas na opisyal.

Paglabas niya ng kampo, pasakay na sana siya ng kalesa nang marinig ang boses ng kaniyang ina, "Hiram!" Dahan-dahan siyang lumingon, nakita niya ang ina na naglalakad palapit sa kaniya. Namamaga ang mga mata nito habang nababakas pa ang mga namumuong luha sa mata.

"Anak," saad ng kaniyang ina dahilan upang hindi siya makapagsalita. Ito ang unang beses na tinawag siya nitong anak. Ang kahabag-habag na hitsura ng kaniyang ina ay nagpahina sa kaniyang puso.

Napayuko si Aliya saka pinunasan ang kaniyang luha. Nanginginig niyang hinawakan ang kamay ni Hiram. "S-sa laki ng aking pagkukulang at mga kasalanan sa 'yo, wala akong karapatan humingi ng tulong. Ngunit..." napapikit si Aliya habang patuloy na umaagos ang luha sa kaniyang mga mata. Nang mabalitaan niya na dinakip si Libulan sa gitna ng klase ay dali-dali siyang nagtungo sa bilangguan subalit hindi siya pinapasok. Maging si Don Venencio ay hindi rin pinapapasok at iniiwasan ng mga kaibigan nito na inaasahan nilang makakatulong sa kaniya.

"Heto ako, lumalapit sa 'yo, patawarin mo ako anak," muntik nang mawalan ng balanse si Aliya dahil sa panghihina ng kaniyang tuhod. Mabuti na lang dahil nahawakan agad siya ni Hiram. Napalunok si Hiram, halo-halo ang kaniyang emosyon. Ang galit at matinding pagkamuhi na kaniyang nararamdaman ay unti-unting napapawi.

Nagulat si Hiram nang lumuhod ang kaniyang ina at dumapa sa lupa. "A-ako'y nagmamakaawa, tulungan mo ang iyong kapatid. Pakiusap!" Hagulgol ni Aliya na halos humalik na sa lupa. Napapikit si Hiram. Hindi niya maatim na makitang nagkakaganito ang ina. Ngunit, ang pagtulong kay Libulan ay nangangahulugang hindi niya makukuha ang pabor ng matataas na opisyal.

"Pakiusap, anak!" Pagsusumamo ni Aliya na nanlalamig na rin ang mga palad. Kailangan niyang pumili ngayon. Sa oras na makapagpasiya siya, kailangan na niyang panindigan iyon habambuhay.

Umupo si Hiram saka hinawakan ang magkabilang balikat ng kaniyang inau pang alalayan itong tumayo. Wala ng luhang lumalabas sa kaniyang mga mata. Pakiramdam niya ay naubos na lahat ng luha niya sa daungan. "Huwag na kayong lumuha," napayuko si Hiram, bagaman napiga na ang lahat ng kaniyang damdamin, nababatid niya sa sarili na hindi pa rin niya kayang talikuran ang ina. "Tutulungan ko si Libulan," patuloy ni Hiram.

Niyakap ni Aliya nang mahigpit si Hiram at paulit-ulit itong nagpasalamat. Ang mahigpit na yakap ay ikinagulat ni Hiram. Kailanman ay hindi siya niyakap ng ina. Siya ang yumakap at hindi nais bumitaw noon nang pinapabalik siya sa seminaryo. Subalit, ngayong yakap siya ng ina ay tila naglaho ang lahat ng masasamang alaala at bigat na kaniyang pasan-pasan sa loob ng mahabang panahon.

Nang gabing iyon, hindi tumuloy si Hiram sa hapunan kasama ang gobernador-heneral at mga matataas na opisyal. Nagpadala na lang siya ng liham na may karamdaman siya at hindi na makakadalo pa.

Nagtungo si Hiram sa bilangguan kung nasaan si Libulan. Naabutan niya itong nakaupo sa sahig habang nagsusulat sa dilim. Paupos na ang kandilang nakatirik sa sahig. Pinagmasdan niya lang ang ginagawa ni Libulan. Nababatid niyang nararamdaman nito ang presensiya niya ngunit pinili nitong hindi kumibo ng ilang minuto.

"Huwag kang mabahala, hindi madadamay dito si ina. Wala siyang nalalaman sa aking mga ginagawa. At wala akong balak na mandamay ng mga inosente," panimula ni Libulan nang hindi tumitingin kay Hiram.

"Ngayon ko napatunayan na hindi mo siya minamahal gaya nang kung paano niya handang gawin ang lahat para sa 'yo," saad ni Hiram na nanatiling nakatayo at nakatingin sa kapatid. Tumigil si Libulan sa pagsusulat saka tumingin sa kaniya.

"Hindi mo naisip na magdudusa siya at araw-araw malulumbay sa oras na mahatulan ka. Hindi mo inisip na ikamamatay niya sa oras na mawala ka sa piling niya," patuloy ni Hiram, ibinaba ni Libulan ang pluma at sinara ang kaniyang kuwaderno.

"Ang pag-ibig ay maraming uri. Mahal ko si ina at mahalaga siya sa akin. Subalit, mahal ko rin ang bayang ito. Ako'y nakatitiyak na mauunawaan niya ang pinili kong landas. Mahal ko siya at hindi ko nais na patuloy siyang mabuhay sa mundong ito na alipin ng mga may kapangyarihan." Paliwanag ni Libulan, para sa kaniya, ang sakripisyo ay isang uri rin ng pagmamahal.

"Nasasabi mo 'yan dahil lumaki kang may pamilya. Madali lang sa 'yo ang iwan sila dahil nasanay ka na lagi silang nariyan. Sinasabi mo na mauunawaan ka nila nang hindi mo sila tinatanong. Mapalad ka ngunit hindi ka marunong magpahalaga." Wika ni Hiram bagay na tumagos sa puso ni Libulan. Libo-libong salita ang kaniyang nalalaman ngunit ni isa ay wala siyang napakawalan.

"At anong kaibahan mo sa'kin? Kung ako'y mapalad ngunit makasarili. Paano ka naiiba?" Tumingin si Libulan sa apoy ng kandila na umaandap-andap. "Aking nababatid na humingi sa 'yo ng tulong si ina. Hindi ka naman kusang magtutungo rito at kakausapin ako. Hindi ba't pagiging makasarili rin ang iyong ginagawa? Pagtatakpan niyo ang bagay na ito at magtuturo kayo ng ibang bilanggo na siyang sasalo ng lahat." Saad ni Libulan. Kabisado na niya ang galaw ng kaniyang nakakatandang kapatid na matagal na rin niyang sinusubaybayan. Nalalaman niya ang mga karaniwang gawain ng kapatid na natutulad sa ginagawa ng kaniyang ama. Ang dukha at walang kalaban-laban ang pinagbibintangan nila at siyang aako ng lahat ng parusa.

"Ang mga inosenteng dinadakip at pinaparusahan niyo ay may mga pamilya rin. Upang iligtas ang inyong mga sarili, ibang magulang o anak ang dumaranas ng hirap para sa inyong mga makasariling hangarin." Tiningnan ni Libulan nang deretso sa mata si Hiram. Hindi ito nakapagsalita. Nararamdaman niya mula sa mga nanlilisik nitong mga mata na tinamaan din ito sa kaniyang sinabi.

"Pareho lang tayong makasarili. Huwag mong asahan na magpapasalamat ako sa 'yo dahil hindi ko ipagpapasalamat na may ibang umako ng kasalanan at mamatay para sa 'kin. Oo, isa akong Dela Torre, ngunit sa pangalan lang iyon. Huwag mong sabihin sa 'kin na dapat akong magpasalamat dahil mayroon akong pamilyang kinalakihan. Hindi mo nalalaman kung gaano kahirap mabuhay sa pamilyang higit na mas mahalaga ang karangalan, reputasyon, at pakinabang mo bilang kadugo nila."

"Natupad na rin ang nais mong mangyari. Mawawala na rin ako sa landas mo." Dagdag ni Libulan. Napahigpit ang kamao ni Hiram.

"Nililinlang mo lang ang iyong sarili. Sakripisyo? Paggawa ng dakilang bagay? Pagtalikod sa pamilyang hindi mo kinalulugdan? Hindi sapat ang mga dahilan na 'yan para sabihin mong hindi ka kumikitil ng buhay," wika ni Hiram saka humakbang papalapit sa rehas. "Nagsusulat ka upang himukin ang mga tao na lumaban sa pamahalaan. Ikaw ang dahilan kung bakit nilisan nila ang kanilang trabaho. Ikaw ang dahilan kung bakit iiwan din nila ang kanilang pamilya sa oras na may mangyari sa masama sa kanila. Ikaw ang nag-udyok sa kanilang kamatayan." Hindi nakagalaw at nakapagsalita si Libulan dahil sa sinabi ni Hiram. Kasunod niyon ay tuluyan nang namatay ang sindi ng kandila.

Naghari ang dilim, may sulo ng apoy mula sa malayo subalit hindi iyon nakakaabot sa bilangguan kung saan nakakulong si Libulan. Tanging anino na lang ng bawat isa ang kanilang nakikita. Ang liwanag ng buwan ay tumatagos mula sa maliit na bintana ng selda.

Naaninag ni Hiram na dahan-dahang tumayo si Libulan. "Binibigyan ko sila ng pagkakataong pumili kung buhay para sa sarili o buhay para sa bayan. Hindi sila namamatay nang walang saysay. Hindi tulad mo na siyang pumapaslang sa mga inosente at nagmamakaawang mabuhay!" Sigaw ni Libulan na hindi na nagawang pigilan ang nag-aalab na damdamin. Kailanman ay hindi niya matatanggap ang karahasan, pang-aabuso, at pagkitil sa buhay ng mga walang kamalay-malay.

"Ano bang nais mong patunayan? Kapag nakuha mo na ang lahat ng hangarin mo ay maibabalik mo ba ang mga buhay na nawala?!" umalingangaw sa selda ang boses ni Libulan. Hindi man niya makita ang rekasyon ni Hiram ngunit handa siyang sugatan ang damdamin nito gaya nang kung paano nito tinamaan ang kaniyang damdamin.

"Oo, makasarili ako! Inaamin ko iyon! Ngunit ikaw? Nililinlang mo ang iyong sarili! Hindi mo nais tanggapin na ikaw'y makasarili at handa mong idamay ang iyong pamilya kahit pa ginagawa nila ang lahat ngayon upang iligtas ka!"

"Wala akong nais patunayan sa aking sarili dahil alam kong hindi ako mabuti at marangal tulad mo. Ngunit magkaiba tayo, kung kaya mong pagmasdan ang pamilya mo na nagdudusa at naghihirap. Hindi ko kayang tiisin iyon, dahil kung kaya kong protektahan sila ay gagawin ko hanggang sa abot ng aking makakaya!" sigaw ni Hiram na nagpatihimik sa maiingay na uwak sa labas. Hindi man niya nakikita ang hitsura ni Libulan ngayon, hinahangad niya na hinding-hindi nito malilimutan ang mga salitang nais niyang bumaon sa puso nito.


HINDI na nagsayang ng oras si Hiram, agad siyang nagtungo sa opisina ng piskal na siyang hahawak sa kaso ni Libulan. Nang madakip si Libulan ay hinalughog din ang mansyon ng pamilya Dela Torre, maging ang tirahan ni Aliya. Nababatid ni Hiram na nakakuha na ng katibayan ang mga opisyal na hahawak sa kaso.

Sa tulong ng ilang mga kakilala at kaibigan ay nakapasok si Hiram sa opisina ng piskal. Agad niyang hinalungkat ang mga gamit upang kunin ang mga katibayang nakuha laban kay Libulan. Sa isang kahon nakalagay ang mga kuwaderno at papel kung saan nakatala ang mga nailathala at hindi pa nailathalang akda ni Libulan.

Sinunog ni Hiram ang lahat ng kuwaderno na naglalaman ng mga nobela, tula, at maikling kuwento. Hindi na niya ito binasa at hinayaang maging abo na madaling humalo sa hangin. Alas-tres na ng madaling araw ngunit hindi pa rin siya nakakaramdam ng pagod. Ito na ang kaniyang pasiya. Ang tulungan si Libulan gaya ng pangako niya sa kanilang ina. Kailanman ay hindi siya umaatras sa mga salitang binitiwan niya.

Kinabukasan, nagkagulo sa opisina ng piskal at hukuman. Maging ang kampo ay nabahala sa pagkawala ng mga katibayan. Ni isang papel ay walang natira. Ang mga kumalat na babasahin ay hindi na nila matagpuan.

Dahil sa kawalan ng katibayan ay pinakawalan pansamantala si Libulan habang nagsasawa ng ibang imbestigasyon kung paano naglaho na parang bula ang lahat ng dokumento. Laking pasasalamat ni Aliya nang makauwi ang anak. Agad pinahanda ni Don Venancio ang mga gamit ni Libulan at hinimok niya itong magtungo muna sa Europa.

Wala sa loob na pumayag si Libulan. Hindi niya alam ang dapat na maramdaman. Nakahanda na siya sa kahihinatnan ng kaniyang buhay. Nababatid niya na si Hiram ang may kagagawan ng pagkawala ng mga katibayan. At ngayong tumibay ang panig nila na patunayang wala siyang kasalanan. Tiyak na mapupunta sa iba ang sisi lalo pa't hindi palalagpasin ng pamahalaan ang nangyari.

Nakarating din kay Libulan ang bagong utos mula sa gobernador-heneral, pinapakalat na ang mga kopya ng Catálogo Alfabético De Apellidos na naglalayong makapili ang bawat pamilya ng bagong apelyidong gagamitin upang magkaroon ng kaayusan at pagkakakilanlan ang bawat indibidwal.

Samantala, si Hiram ay nagpatuloy sa kaniyang tungkulin. Buong sikap niyang iniwasan ang heneral na nababatid niyang naghihinala sa nangyari. Ngunit sadyang hindi niya ito maiiwasan sa paglipas ng mga araw. Gabi nan ang makauwi si Hiram, umupo siya sa kama at akmang dudukutin ang rebolber sa bulsa upang ilagay iyon sa lagayan nito ngunit napatigil siya nang marinig ang katok mula sa kaniyang pinto.

Sandaling natigilan si Hiram nang tumambad sa kaniyang harapan ang heneral. Seryoso ang hitsura nito na madalas niya lang makita sa tuwing nakahanda ito sa digmaan. Agad sumaludo si Hiram sa heneral. Hindi nagsalita ang heneral, humakbang ito papasok dahilan upang mapaatras si Hiram.

"Ako'y hindi na magpapaligoy-ligoy pa, ikaw ba ay may kinalaman sa pagkawala ng mga katibayan laban sa anak ni Don Venancio?" Seryosong tanong ng heneral. Nanatiling nakayuko si Hiram.

"Wala po akong ideya, heneral." Tugon nito na hindi man lang natinag. Ilang segundong hindi kumibo ang heneral. Hindi niya akalaing magagawa siyang linlangin ni Hiram na halos itinuring na niyang anak. Inamin sa kaniya ng espiya ang totoo, wala na itong nagawa nang takutin niya ito na tatanggalin sa serbisyo. Ipinagtapat ng espiya ang lahat mula simula hanggang sa samahan niya si Hiram sa pagpunta sa opisina ng piskal.

Hindi na kailangan ng heneral tanungin si Hiram gayong sinabi na ng espiya ang lahat ngunit pinili niya pa ring tanungin ito upang malaman kung tapat pa rin ba ito sa sinumpaang tungkulin. At ngayon, napatunayan niyang hindi na si Hiram ang batang nakitaan niya ng potensyal at hinahangad niyang sumunod sa kaniyang yapak.

"Ano sa iyong palagay ang mararamdaman ng iyong kapatid at ina sa oras na malaman nila na ikaw din ang nagbigay sa amin ng katibayan?" Saad ng heneral. Napalunok si Hiram habang pilit na nilalabanan ang panlalambot ng kaniyang tuhod. Nararamdaman niyang may nalalaman ang heneral, huli na upang bawiin niya ang kaniyang sagot at humingi ng tawad.

"Nawa'y hindi mo pagsisihan ang iyong desisyon. Hindi ka na dapat lumihis ng landas. Hindi mo na dapat pinili ang mga taong sa simula pa lang ay tinalikuran ka na." Patuloy ng heneral saka tumalikod at lumabas.

Ngunit bago siya tuluyang makalabas ay nakita nila si Aliya na nakatayo sa tapat ng pintuan. Sa pagkabigla ni Hiram kanina ay naiwan niyang nakauwang ang pinto nang pumasok ang heneral. Nabitiwan ni Aliya ang hawak na bakol, natapon sa sahig ang mainit na sabaw ng sinigang, mainit na kanin, at mga mangga.

Ipinagluto niya ng putahe si Hiram bilang pasasalamat sa pagtulong nito kay Libulan. Bukod doon, nais din niyang bumawi at kilalanin ang anak. Nais niyang magsimula silang muli at kalimutan ang nakaraan.

Subalit malabo nang mangyari iyon. Hindi nakagalaw si Aliya sa kaniyang kinatatayuan dahil sa kaniyang narinig. Ni hindi niya rin naramdaman ang mainit na sabaw na natapon sa kaniyang paa.

Nagpatuloy sa paglalakad ang heneral papalayo. Agad kumuha ng pamunas si Hiram upang punasan ang paa ng ina ngunit humakbang ito paatras. "S-sabihin mong mali ang aking narinig..."

Sinubukang lumapit ni Hiram ngunit muling napaatras ang kaniyang ina. Hinawakan niya ang kamay nito subalit nagpumiglas ito habang halos walang kurap itong nakatingin sa kaniya. "Ikaw ang nagsuplong kay Libulan?! Ikaw pala ang dahilan kung bakit siya nadakip!" Sigaw nito na nagpatigil kay Hiram. Hindi niya akalaing muli niyang makikita sa mga mata ng ina ang pagkasuklam at pagkamuhi na bumuhay sa sugat ng kaniyang damdamin.

"Kahit kailan ay wala kang mabuting idinulot sa aming buhay! Nagmakaawa pa ko sa 'yo! Nilunok ko ang lahat ng hiya upang makiusap sa 'yo at ngayon ikaw pala ang puno't dahilan ng pagkakadakip sa aking anak!"

"Ina..." Muling humakbang si Hiram papalapit ngunit isang malakas na sampal ang muling bumakas sa kaniyang mukha. "Binalaan na kita, huwag kang lalapit sa 'min! Huwag na huwag kang lalapit sa anak ko! Ikaw ay bunga ng pagkakamali at kamalasan! Ikaw ang magpapahamak sa aking anak!" sigaw ni Aliya na halos mawala na sa sarili. Lumabas ang ilang mga sundalo na nagpapahinga sa kani-kanilang silid nang marinig ang napakalakas na sigaw at panaghoy.

"Buong akala ko ay totoo ang paghingi niyo ng tawad! Buong akala ko ay totoong nagmamalasakit ka na sa 'kin! Ang lahat ng ito ay pakitang-tao lang pala!" Hindi akalain ni Libulan na may luha pa palang natitira sa kaniya. Sunod-sunod na bumagsak ang kaniyang mga luha na ngayon ay halos hindi na matapos-tapos.

"Lagi kong tinatanong sa aking sarili kung anong mayroon kay Libulan na wala ako? Bakit mas pinapaburan mo siya? Bakit kinasusuklaman mo ako? Bakit hindi mo magawang magmahal ng pantay?!"

"Kailanman ay hindi ka ngumiti sa 'kin. Hindi mo ako tinabihan sa pagtulog. Hindi mo inalagaan sa tuwing ako'y may karamdaman. Hindi mo ako dinamayan sa tuwing ako'y nalulumbay. Ni hindi mo nga ako tinatawag na anak. Kahit ang pagmasdan ako nang matagal ay hindi mor in kayang gawin. Ngunit tiniis ko ang lahat ng iyon! Hinanap kita kahit hindi mo ako nais makita. Gusto kitang tawaging ina kahit hindi mo iyon nais marinig. Ang tagal kong hinangad na magkaroon ng isang ina kahit pa patuloy na akong tumatanda. Subalit sa tuwing nakikita mo ako, nais mong umalis, nais mong kalimutan ako na tila ba kailanman ay hindi ako naging bahagi ng buhay mo!"

Lumapit si Hiram sa kaniyang ina habang namumula ang kaniyang mga mata at hindi pa rin maawat ang pagbagsak ng kaniyang luha. "Ito ang unang beses na hihilingin ko na sana hindi na lang ikaw ang aking naging ina. Wala kang karapatan maging ina!" patuloy ni Hiram bago tumalikod at naglakad papalabas.

Sa mga ganitong sitwasyon ay maghahanap siya ng mapupuntahan kung saan magpapakalango siya sa alak upang sandaling makalimutan ang lahat. Nang makababa siya sa hagdan, napatingin sa kaniya ang mga sundalong kumakain sa hapag-kainan. Maging ang mga nasa salas ay nakatingin sa kaniya na animo'y may nagawa siyang malaking kasalanan. Sinalubong siya ng isang tauhan. "Tinyente, nabalitaan niyo na po ba?"

Nagtaka ang sundalo nang makitang namamaga ang mga mata ni Hiram. Hindi nagsalita si Hiram at umiwas ng tingin, "Nagtungo po sa hukuman si Libulan Dela Torre, inamin niya ang kaniyang kasalanan," hindi kumibo si Hiram. Wala na siyang pakialam kung maparusahan si Libulan. Wala na rin siyang pakialam kung madadamay ang kaniyang ina.

Napansin ni Hiram na tila may nais pang sabihin ang sundalo, "Sabihin mo," saad ni Hiram. Napahinga nang malalim ang sundalo, "Nadawit din ho ang inyong pangalan, kayo ang sinasabing sumira sa mga katibayan dahil magkapatid kayong dalawa." Nanlaki ang mga mata ni Hiram. Animo'y nanghina ang kaniyang tuhod at nabalot ng lamig ang kaniyang buong katawan dahil sa nalaman.

Ang mga sundalong nakatingin sa kanila ay may ideya sa pagtatapat ni Libulan sa hukuman. Ngayon ay hindi na nila magawang tingnan nang may respeto si Hiram. Agad lumabas si Hiram at sumakay sa kaniyang kabayo. Hinabol siya ng ilang tauhan upang pigilan sa pag-alis subalit wala nang ibang naririnig si Hiram kundi ang kagustuhang paslangin si Libulan.

Mabilis ang pagpapatakbo ni Hiram sa kaniyang kabayo. Paulit-ulit niya itong hinahampas upang tumakbo nang mas mabilis. Tinatahak niya ang mahabang daan sa gitna ng nagtataasang mga kawayan. Malalim na ang gabi ngunit maliwanag ang kabilugan buwan na hindi katulad noong mga nakaraan.

Hindi niya alintana ang malakas na hangin na sumasalubong at humahampas sa kaniyang katawan. Pilit na tinatakpan ng ulap ang buwan ngunit hindi ito nagpapatalo. Tuluyan nang pumatak ang mahinang ambon.

Mas lalong naghari ang galit ng binata nang matanaw ang malaking mansyon ng pamilya Dela Torre. Hindi nga siya nagkamali. May liwanag pa siyang nakikita sa silid-aklatan kung saan namamalagi ang taong kaniyang kinasusuklaman.

Samantala, mula sa loob ng tahanan ng pamilya Dela Torre, abala sa pagsusulat si Libulan sa paraang baybayin. Karamihan sa kaniyang mga isinusulat ay nakatala sa paraang baybayin. Ang mga nailathala niyang akda ang tanging naisalin niya sa alpabeto.

Hindi alintana ni Libulan ang madilim na silid-aklatan kahit pa nag-iisang lampara lang ang nagbibigay sa kaniya ng liwanag. Nagkalat ang mga gamit na papel sa sahig, maging ang mga nakalukot na hindi na niya kailangan.

Wala siyang balak matulog ngayong gabi. Ang kusa niyang pagpunta sa hukuman at pagtatapat ay nangangahulugang dadakpin na siya bukas ng umaga. Ang abogado na kinuha ng kaniyang ama ang siyang pumipigil upang siya'y dakpin lalo pa't walang katibayang hawak ang hukuman.

Nakabuklat ang isang aklat kung saan nakalista ang mga apelyido na sinasabing dapat gamitin ng mga mamamayan, ang Catalogo Alfabetico de Apellidos. Lubos na tumutututol si Libulan sa kautusang inilabas ng gobernador-heneral. Para sa kaniya, ang pagpapalit ng pangalan at apelyido ay pagpatay sa kanilang pagkakakilanlan.

Napatigil sa pagsusulat si Libulan nang marinig ang mga yapak ng kabayong paparating. Alam na niya kung sino iyon. Kung sino ang malakas ang loob na magagawang sumugod sa kalagitnaan ng gabi. Tumingin siya sa bintana, natatanaw niya ang bilog na buwan na mas lalong nagliliwanag sa kadiliman.

Ilang sandali pa, kumalabog ang pinto ng silid-aklatan. "Gusto mo ba talagang mamatay?!" sigaw ni Hiram nang mabuksan niya ang pinto. Nag-aalab ang galit at pamumula sa buong mukha nito. Basa rin sa pawis ang buhok ni Hiram. Ang suot niyang puting polo at itim na tsaleko ay nagusot na nang malakas na hangin.

hindi natinag ang lalaking nakaupo at nakatitig sa buwan. "Libulan!" sigaw ni Hiram ngunit nanatiling nakatitig sa buwan si Libulan. Naglakad si Hiram papalapit saka kinuha ang mga papel sa mesa at pinagpupunit iyon.

"Kung nais mong mamatay, huwag mo kaming idadamay!" Hindi na mapigilan ni Hiram ang sarili. Pinagpupunit at tinatapakan niya ang mga papel na nagkalat sa sahig.

Matitiis ni Libulan ang lahat ngunit hindi ang punitin at sirain ang lahat ng kaniyang pinaghirapan. Tumayo siya saka hinarap ang kapatid, "Ako lang naman ang nais mong mawala, hindi ba?!"

"Aking nababatid na nais mo na akong maglaho. Nababtid ko ang iyong mga ginagawa," patuloy ni Libulan. Nakatanggap siya ng liham mula sa hindi nagpakilalang tao, laman ng liham ang katotohanan na si Hiram ang nagsuplong sa kaniya.

Sa matinding galit ni Hiram ay hinila niya ang kuwelyo ni Libulan. "Anong ibig mong patunayan? Nais mo rin kaming idamay? Ang lahat ng mayroon ako ay aking pinaghirapan! Hindi ko hahayaan na sirain mo ang lahat!" Sa kabila ng nanlilisik na mga mata nito ay naroon ang mga luhang namumuo.

"Iyong sabihin 'yan sa lahat ng taong iyong pinaslang! Hindi ba't ginamit mo sila upang makarating ka sa puwestong 'yan?!" Sigaw ni Libulan. Isang malakas na suntok ang pinakawalan ni Hiram dahilan upang mapabagsak si Libulan sa sahig.

Napahawak si Libulan sa labing pumutok sa lakas ng pagkakasuntok ng kaniyang kapatid. "Sa palagay mo, hindi kita kayang paslangin? Matagal ko nang hinintay ang araw na 'to. Kung hindi lang dahil..."

"Ano? Iyong ituloy! Paslangin mo ako ngayon din gaya nang matagal mo nang inaasam!" sigaw ni Libulan na nanlilisik na rin ang mga mata. Agad dinukot ni Hiram ang kaniyang rebolber at itinutok sa kapatid.

"Nang dahil sa 'yo nasira ang lahat! Hindi ka na sana nabuhay pa!" sigaw ni Hiram saka kinasa ang hawak na baril. Nagsimulang bumagsak nang malakas ang ulan. Pumapasok mula sa bintana ang tubig at hangin na nagpapalipad sa mga nagkalat na papel.

Sunod-sunod din ang pagkulog at pagkidlat na gumuguhit ng liwanag at lumilikha ng ingay sa kalangitan. Nanginginig ang kamay ni Hiram habang nakatutok ang baril sa kapatid. Hindi rin nagpatinag si Libulan, nais din siyang paslangin si Hiram sa pamamagitan ng matalim niyang tingin.

Naalala ni Hiram ang lahat ng hinanakit, galit, at pagkasuklam na pilit niyang kinikimkim sa loob ng mahabang panahon. Gusto na niyang tapusin iyon. Gusto na niyang tapusin si Libulan na siyang dahilan ng lahat.

Kinalabit na niya ang gatilyo ng baril dahilan upang umalingangaw ang isang napakalakas na putok. Kasunod niyon ay isang malakas na sigaw ang narinig niya mula sa pintuan. Isang sigaw at panaghoy ng kanilang ina na hindi niya inaasahang makakakita sa kaniyang ginawa.

"Hiram!" Tawag ni Aliya upang pigilan siya ngunit huli na ang lahat. Hindi na niya mababawi ang pinakawalang bala na kumitil sa buhay ng kaniyang kapatid.

Dumanak ang dugo sa sahig. Nabitiwan ni Hiram ang baril na humalo sa dugong gumagapang patungo sa kaniyang sapatos dahilan upang maramdaman niya ang kakaibang lamig na bumalot sa kaniyang buong katawan.

Animo'y bumagal ang paligid. Napaatras si Hiram habang tumatakbo si Aliya papalapit kay Libulan. Sumisigaw ito at paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ng anak. Nahuli siya ng dating. Agad siyang sumakay sa kalesa upang sundan si Hiram ngunit sadyang napakabilis ng pagpapatakbo nito sa kabayo.

Napalingon si Hiram sa pintuan kung saan sunod-sunod na dumating si Don Venencio, ang asawa nito, at ang mga kasambahay na pare-parehong napatigil at nagulat nang makitang nakadapa si Libulan sa sahig habang naliligo sa sarili nitong dugo.

"Dakpin ang salarin na 'yan!" Sigaw ni Don Venencio sabay turo kay Hiram. Agad tumakbo papalabas si Hiram. Sinubukan siyang harangan ng mga tauhan ni Don Venencio at mga kutsero na nasa labas ngunit madali silang nahawi ni Hiram.

Tumakbo si Hiram papalayo, hindi na niya nagawang sumakay sa kabayo dahil hawak na iyon ng mga kutsero na nagtangkang humarang sa kaniya. Nagwawala na rin ang mga kabayo dahil sa ingay at malakas na hangin.

Nabalot ng sigawan ang mansyon habang sinisikap ni Don Venencio na pigilan ang pagdanak ng dugo ni Libulan. Paulit-ulit niyang sinusuri ang pulso ng anak sa leeg at kamay ngunit hindi niya magawa nang maayos dahil sa matinding kaba.

Samantala, patuloy sa pagtakbo si Hiram. Natatanaw niya ang mga tauhan ni Don Venencio at ilang mga guardia na nakarinig ng putok at sigawan. Nang lumingon si Hiram ay napansin niya na hinahabol na rin siya ng hukbo.

Lingid sa kaalaman ni Hiram, ang heneral ang nagpadala ng pahayag sa hukuman na si Hiram ang sumira sa mga katibayan. Naghain din ng petisyon ang heneral sa matataas na opisyal na sibakin na sa puwesto si Hiram at parusahan dahil sa hindi nito pagiging tapat sa tungkulin.

Ang lahat ng pinagsamahan nila ni Hiram ay madali niyang kinalimutan. Para sa kaniya, walang puwang sa hukbo ang mga sundalong trahidor sa sinumpaang tungkulin. At ngayon, siya rin ang naglabas ng utos na dakpin si Hiram upang pagbayaran nito ang pagtulong sa isang nasasakdal.

Nahihirapan na siya sa pagtakbo dahil hindi niya makita nang maayos ang daan. Malakas ang hampas ng hangin at tubig-ulan. Sunod-sunod ding nagpapaputok ng baril ang mga hukbo. Nagsimula nang maging putik ang daan. Tumuloy si Hiram sa gubat kung saan mas mahihirapan ang mga hukbo sa pagtugis sa kaniya, mahihirapan din siya ngunit umaasa siya na magagawa siyang harangan ng mga nagtataasang puno.

Ngayon ay nalalaman na niya ang pakiramdam ng mga taong tinugis niya sa digmaan. Ngayon ay naranasan na niya ang matinding takot na naramdaman ng mga taong nagsusumamo at naghahangad na makaligtas sa panganib.

Isang bala ang tumama sa kaniyang balakang dahilan upang siya'y mapadapa sa lupa. Sinubukan niyang bumangon ngunit hindi niya magawa. Buong sikap siyang gumapang at pilt na lumaban. Hindi na siya mahanap ng mga tumutugis sa kaniya dahil natatakpan siya ng malalaking ugat ng puno at makakapal na patay na dahon sa lupa.

Sa kaniyang paggapang ay napatingala siya sa langit. Hindi niya maunawaan kung bakit nagliliwanag pa rin ang buwan sa kabila ng malakas na ulan. Naririnig niya ang boses ng mga sundalo at ang mga hakbang nito kahit pa mas malakas ang bagsak ng ulan na nagpapahirap sa kanilang lahat.

Tumigil na si Hiram sa paggapang. Napapagod na siya. Nauubusan na siya ng lakas. Hindi niya alam kung bakit pa siya lumalaban gayong malabong makatakas siya sa kamay ng hukbo. Ang sandaling pagtigil ni Hiram ay naghatid ng katahimikan sa kaniyang pandinig. Naramdaman niya na unti-unting tumigil ang pagbagsak ng ulan hanggang sa maging ambon na lamang ito.

Nang iangat niya ang kaniyang ulo, napapikit siya dahil sa liwanag ng buwan. Muli niyang nakita ang mahiwagang bakawan na inakala niyang bahagi lang ng kaniyang panaginip na nakalimutan din niya di kalaunan. Ngunit ngayon ay tila nagbalik ang lahat, ilang hakbang lang ang layo ng bakawan na kanina ay hindi naman niya napansin na naroroon.

Dahan-dahan siyang bumangon at napahawak sa kaniyang balakang. Laking pagtataka ni Hiram nang mapagtanto na wala siyang maramdamang sakit sa balakang kung saan siya tinamaan ng bala. Naroon ang sugat at dugo subalit hindi niya maramdaman ang kirot at umaapoy na init nito.

Nagulat si Hiram nang muling marinig ang boses na bumubulong sa hangin. Sa pagkakataong ito ay mas malumanay ang boses na tila ba nagpapatulog sa mga nakakarinig. Nagawang tumayo ni Hiram at maglakad papalapit sa bakawan. Hindi niya malaman kung saan nagmumula ang ilaw na nasa ilalim ng tubig. Unti-unti ring lumitaw ang mga alitaptap na lumilipad sa buong paligid.

Naalala ni Hiram ang hukbong tumutugis sa kaniya. Lumingon siya sa likod ngunit wala siyang makita kundi kadiliman. Siniklaban siya ng takot nang marinig ang boses ng mga kasamahan at yabag ng mga tao nito na bumabagsak sa malulutong na dahon.

Nababatid ni Hiram na wala ng ibang daan. Kahit makatakas siya ngayon ay tiyak na hindi titigil ang paghahanap sa kaniya. Tumingin siya sa bakawan kung saan payapa at tahimik ang tubig. Ang lahat ng kaniyang pinaghirapan ay gumuho sa isang iglap. Wala na siyang babalikan. Wala rin namang pamilya na naghihintay sa kaniya.

Patuloy na naririnig ni Hiram ang mga boses na nagnanais na mahuli siya. Ang karera ng buhay na matagal na niyang nilalakbay ay magtatapos na. Ang hindi niya matanggap, malapit na siya sa dulo ngunit hindi na siya makakaabot pa dahil kailangan na niyang tapusin ang lahat.

Ang kaniyang mga pagsisikap, ang mga kaibigan na nakilala, ang mga dalamhati sa sariling ina at kapatid, ang lahat ng iyon ay nais na niyang kalimutan. Ipinikit ni Hiram ang kaniyang mga mata habang pasubsob na humiga sa tubig ng bakawan.

Dahan-dahan siyang hinila pailalim. Iminulat ni Hiram ang kaniyang mga mata nang maramdaman na tila may kakaiba sa tubig. Wala siyang maramdaman. Animo'y lumulutang lang siya sa hangin. Hindi siya basa at nagagawa niya ring huminga. Nakita niya ang kalahating buwan sa langit, mas lalo itong lumiwanag na tila ba kinukuha nito ang kaniyang kaluluwa.

Napapikit si Hiram sa matinding pagkasilaw. Sinubukan niyang gumalaw ngunit tila nahuhulog siya nang mabagal sa ilalim na walang hanggan. Patuloy niyang naririnig ang boses na ngayon ay nauunawaan na niya.

Ang iyong kamay ay puno ng dugo. Ang iyong mga mata ay puno ng galit at kasakiman. Ang iyong bibig ay puno ng kasinunggalingan. Ang iyong puso ay kasinglamig ng bangkay. At ang iyong kaluluwa ay nababalot ng dilim.

Natunghayan ni Hiram ang unti-unting paglapit ng ulap na tumatabi sa buwan.

Hindi ka maaaring mamatay dahil hindi iyon para sa 'yo. Hindi ikaw ang magpapasiya kung sino ang iyong mga nais mawala sa mundong ito. Hindi mo hawak ang buhay ng mga tao.

Unti-unting lumutang kasama niya ang mga pulang papel na kadalasang ginagamit sa mga pahina ng libro.

Pinaliyab mo ang mga mundo na pinaghirapan ng isang manunulat. Bilang kapalit, kailangan mong bantayan ang mga mundong hindi mo nais paniwalaan.

Kasabay ng mga pulang papel ay nakita niya rin ang mga pahina sa mga libro mula sa iba't ibang kuwento.

Ikaw ay magliliyab sa tubig dahil ito ang pinili mong kamatayan. Iyong mapagtatanto na impyerno ang mabuhay nang walang hanggan at sa iba't ibang katauhan. Aking nababatid na hindi ka ganap na nagsisisi sa iyong mga kasalanan. Hindi mo matanggap na nahuli ka at hindi na makakabalik sa dati ang iyong buhay.

Kamatayan ang nakikita mong daan upang makatakas ka sa iyong mga pagkakasala. Kamatayan ang pinili mong daan upang takasan ang marahas na mundo. Ngunit hindi ko iyon ibibigay sa 'yo. Kailangan mong malaman na hindi mo dapat pinaglalaruan ang buhay at kamatayan.

Ang boses ay mas lalong lumakas hanggang sa maramdaman ni Hiram ang pamilyar na lamig na minsang dumaloy sa kaniyang katawan. Hindi ito nawala tulad ng dati. Sinubukan niyang sumigaw ngunit walang boses na lumabas sa kaniyang lalamunan. Sinubukan niyang magpumiglas ngunit hindi niya kayang kalabanin ang enerhiya ng buwan.

Unti-unti siyang nanghina hanggang sa mawalan siya ng malay. Nang imulat niya muli ang kaniyang mga mata. Natagpuan niya ang sarili na nakahiga sa malamig na sahig na gawa sa marmol. Unang tumambad sa kaniyang paningin ang obra na nakaukit sa kisame na halos walang katapusan. Ito ay larawan ng buwan, araw, at mga bituin.

Wala sa sarili siyang bumangon at naglakad sa pagitan ng malalaking lagayan ng libro. Magaan ang kaniyang pakiramdam, maging ang kaniyang isipan na tila ba nakatulog siya nang napakahaba.

Tumigil siya sa tapat ng isang napakalaking bintana kung saan natatanaw ang kalahating buwan. Ang liwanag nito ay saydang nakakaakit ngunit nagdudulot din ng sakit sa sinumang nakakaalam ng totoo.

Hindi niya inalis ang tingin sa buwan hanggang sa ang kaniyang mga mata at buhok ay naging kulay abo. Nababatid niya na mahaba-habang paglalakbay muli ang kaniyang kakaharapin. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi niya alam kung kailan matatapos. Hindi niya rin alam kung saan magsisimula bilang isang nilalang na may kakaibang misyon at walang pangalan.



*****************

#Hiraya

Featured Music: "Poem of the Moon"

https://youtu.be/iJ8-G6k3Zx0

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top