Kabanata 15: Bulan
[Kabanata 15]
June 18, 2017
SUNOD-SUNOD na dumating ang mga ambulansya. Tumigil ang ilang sasakyan at marami na ring tao ang nakadungaw sa bangin kung saan nahulog ang bus. Patuloy ang pagbagsak nang mahinang ulan habang patuloy na tinatakpan ng makapal na ulap ang araw.
Isang tawag ang natanggap ni Mrs. Santos na siyang may-ari ng patahian kung saan nagtatrabaho si Sabrina. Kasalukuyan siyang nasa Maynila, dali-dali siyang nagtungo sa ospital kung saan dinala ang batang halos ituring niyang anak.
"Sab! Please, wake up!" Sigaw ng babae na napabgsak sa sahig nang iharang na ang kurtina sa emergency room. Agad siyang inalalayan ng dalawang nurse, "N-nasaan ang kapatid niya?" tumingin si Mrs. Santos sa isang nurse, nanginging ang kaniyang buong katawa. "Faye... Faye ang pangalan."
"Ma'am, maupo po muna kayo rito. Nasa ER din po siya." Tugon ng nurse matapos alalayan paupo si Mrs. Santos sa isang tabi. Tumingin ito sa dulong bahagi ng Emergency room kung saan may bakas din ng mga patak ng dugo sa sahig.
Mas lalong lumakas ang ingay sa ospital nang sumigaw ang isang matandang lalaki na nabali ang tuhod. Sa information desk, naroon ang dalawang nurse habang sinasagot ang tanong ng mga police officers.
"Another car accident? Ilan po ang casualities?"
"Fifteen. Nahulog ang bus sa bangin. Sinubukan daw iwasan ng driver ang truck na nag-counterflow," tugon ng police officer, bakas ang pag-aalala sa mukha nilang lahat. "Five of the passengers were dead on the spot."
"Lasing daw ang driver ng truck. Puyat naman ang driver ng bus." Napatingin ang lahat sa driver ng bus na sumisigaw sa sakit. Pilit siyang pinapakalma ng mga nurse at doktor. Nagpatuloy sa pagtatanong ang mga police officers. Nanatiling nakatayo si Aurora sa gilid habang yakap ang isang teddy bear.
Samantala, nagmamaneho papunta sa ospital si Mr. Lacamiento upang dalawin si Aurora. Araw ng Linggo, maaga siyang umuwi galing sa trabaho. Isa siyang executive producer sa isang kilalang kompanya. Nag-umpisa siya bilang isang manunulat at nakatanggap ng maraming parangal hanggang sa makapasok siya sa paglikha ng mga pelikula.
Napatingin si Mr. Lacamiento sa phone niya na kanina pa tunog ng tunog. Tumatawag si Gil, ang kapatid ng yumao niyang asawa. Nagpatuloy siya sa mabilis na pagmamaneho kahit malakas ang ulan. Wala siyang balak sagutin ang tawag ni Gil.
Halos dalawang buwan na ang lumipas mula noong huli silang nakapag-usap. Palagi siyang tinatawagan at pinapadalahan ng text message ni Gil tungkol sa sustento ng dalawa niyang anak. Kamakailan lang, wala pang isang linggo mula nang huli siyang magpadala ay nanghingi na naman si Gil.
Gustong kausapin ni Mr. Lacamiento si Faye upang ipadala na lang nang diretso sa kaniya ang pera ngunit hindi siya kinakausap ni Faye. Hindi rin siya nito nirereplayan sa text. Maging si Sabrina ay wala ring balak kausapin siya.
Nakaramdam siya na pineperahan na lang siya ni Gil. Bukod doon, nagagawa pa nitong magsermon at ipaalala sa kaniya ang mga nagastos nito sa pagpapalaki sa dalawa. Iyon ang naging dahilan ng huli nilang pagsasagutan sa tawag.
Hindi na niya sinasagot ang tawag ni Gil dahil nababatid niya sa sarili na hindi na niya kayang magtimpi. Pinatay niya ang phone habang pinapaharurot nang mabilis ang kaniyang sasakyan dahil sa matinding inis.
Nang maiparada na niya ang sasakyan. Napansin niya na maraming ambulansya sa labas. Sunod-sunod ding dumating ang mga reporters. Naglakad si Mr. Lacamiento papasok sa ospital kung saan natunghayan niya kung gaano ito kagulo. May mga babae at lalaki na umiiyak sa tabi habang kausap ang mga nurse.
Dumating din ang ilang police officer at mga security guards ilagay sa ayos ang mga sasakyan at tao na patuloy na dumarating. Napatigil si Mr. Lacamiento nang makita si Aurora, pinapanood nito ang mga nangyayari. Bakas sa mukha ng bata na naguguluhan siya ngunit naiintindihan niya ang lungkot at takot na bumabalot sa paligid.
Lumapit siya sa anak na agad tumingala sa kaniya. Gusto niyang pagsabihan ito na huwag lalabas lalo pa't magulo ngayon sa ospital. Ngunit nang makita niya ang mga mata nito, naunawaan niya ang batang kaisipan ng anak. Hindi rin ito masyado nakakalabas. At nasasaktan siya sa katotohanang iyon.
"Let's go back," saad ni Mr. Lacamiento saka hinawakan ang kamay ni Aurora. Naglakad sila pabalik sa ward. Bago sila tuluyang makaalis sa emergency room, napalingon sa likod si Aurora kung saan nakita niya ang pagtulak ng dalawang nurse at isang doktor sa isang babaeng pasyente na dadalhin na nila sa ICU.
Isang patak ng luha ang dahan-dahang kumawala sa mga mata ni Faye. Ang mga luhang iyon ay dulot ng mga pasakit na kaniyang nararanasan hanggang ngayon. Kung kailan nais niyang magsimula muli kasama ang kapatid. Kung kailan nais niyang magkaroon ng bagong buhay.
Pumirma si Mrs. Santos bilang guardian ng dalawang magkapatid. Tumawag siya kay Gil na siyang nag-iisang kamag-anak nina Faye at Sabrina na kilala niya. Ayon kay Gil, hihingi sila ng tulong sa ama ng dalawa. Hindi makapaniwala si Mrs. Santos na ang kilalang director at producer ay siyang ama ng dalawa.
Dinala sa magkatabing ICU room sina Faye at Sabrina. Kumpara sa dalawa, mas malubha ang sinapit ni Sabrina. Dalawang beses itong ni-revive sa emergency room at ilang minuto matapos dalhin sa Operation room kung saan kailangan niya ma-operahan dahil sa mga nabaling tadyang. Samantala, kinailangan salinan ng maraming dugo si Faye at tahiin ang malaking sugat na tinamo nito sa ulo.
Madilim ang mahabang pasilyo sa loob ng ICU Facility. Ang bawat pasyente ay tahimik na lumalaban habang patuloy ang pagtunog ng mga makinang nakakabit sa kanilang katawan.
Dahan-dahang iminulat ni Faye ang kaniyang mga mata habang naririnig niya ang mahihinang bulong na animo'y tumatawag sa kaniya. Napansin niya ang usok na bumabalot sa paligid. Nagtataka siyang bumangon, wala siyang maramdaman na anumang sakit sa kaniyang katawan. Animo'y lumulutang ang kaniyang pakiramdam.
Mas lalong lumakas ang mahinang boses na naririnig niya mula sa malayo. Hindi niya matukoy kung boses ba ito ng babae o lalaki. Hindi niya rin maintindihan ang sinasabi nito. Napalingon si Faye sa paligid, nakita niyang nakauwang ang pinto. Nakikita niya rin ang makapal na usok sa labas ng salamin ng ICU.
Napatingin si Faye sa mga nakadikit sa kaniyang dibdib at pulso. Marahan niyang inalis ang mga iyon. Maging ang dextrose na hindi niya rin naramdaman ang kirot. Suot ang asul na hospital gown, naglakad siya papalabas ng naka-paa.
Lumingon si Faye sa kaliwa't kanan nang mapansin ang direksyon ng usok. Walang ibang tao sa mahabang pasilyo. Nakikita niya ang agos ng usok dahil sa repleksyon ng liwanag ng buwan na tumatagos sa mga bintana.
Natukoy niya ang pinanggagalingan ng mga boses na bumubulong. Naglakad siya at sinundan ang direksyon nito. Sa bawat paghakbang ay wala siyang maramdaman, bukod sa malamig na usok na yumayakap sa kaniya.
Nagpatuloy siya sa mabagal na paglalakad hanggang sa marating ang dulong bahagi. Mula roon ay may malaking bintana. Tumigil si Faye at humarap sa bintana kung saan nakatingin sa kaniya ang buwan na gasuklay ang hugis.
Halos walang kurap na nakatitig si Faye sa liwanag ng buwan. Sa lahat, ito ang pinakapaborito niyang hugis ng buwan. Naalala niya kung paano niya hindi namamalayan ang takbo ng oras sa tuwing tinititigan niya ang buwan sa langit. Madalas niya rin itong kausapin at tanungin ng maraming bagay kahit pa ang lahat ng iyon ay walang katuturan.
Mas lalong lumakas ang mga bulong na tumatawag kay Faye. Kasabay niyon ang pagdating ng mas makapal na usok na lumalapit sa kaniya. Sinasayaw nang marahan na hangin ang buhok at damit niya na nagmumula sa malamig na gabi.
Hindi maunawaan ni Faye ang sinasabi ng mga boses na umaawit sa kaniyang tainga. Dahan-dahan niyang ipinikit ang kaniyang mga mata. Iisa lang ang nais niyang mangyari. Tulad ng dati, nais niyang tumakas sa reyalidad at mabuhay sa mga kathang-isip na naghahatid sa kaniya ng kapayapaan.
ILANG linggo nang hindi makatulog nang maayos si Marcus. Madalas siyang overtime sa trabaho. Umuuwing pagod at walang gana kumain. Hindi niya rin matapos-tapos ang mga sinusulat na kuwento. Pakiramdam niya ay araw-araw siyang pinipiga sa trabaho at pagsusulat dahilan upang wala nang matira sa kaniya.
Ramdam din niya ang pagiging walang imik ng ama na hindi natutuwa sa trabaho niya ngayon. Iba ang pangarap nito sa kaniya. Nais ng kaniyang ama noon na pumasok siya sa PMA ngunit pinili ni Marcus ang ibang landas. Hanggang ngayon, dala-dala niya pa rin ang kabiguan ng kaniyang ama.
Isa iyon sa mga dahilan kung bakit hindi na siya makapagsulat. Hindi niya pa nasusundan ang Salamisim na kamakailan lang ay nailathala. Ang pag-inom ng sleeping pills ay hindi gaano nakatulong sa kaniya. Madalas pa rin siyang pagod at walang gana.
Mag-isa siya sa kuwarto habang nagsasaya ang mga kasamahan sa trabaho. Dalawang araw ang kanilang team building sa isang kilalang resort. Matapos sagutin ni Marcus ang tawag mula kay Ms. Crystal, isinara na niya ang laptop. Kinuha niya sa bag ang bote ng sleeping pills. Tulad ng nakasanayan, iinom siya niyon bago matulog.
Subalit, napatigil siya at sandaling tinitigan ang gamot na unti-unting lumalamon sa kaniya. Ibinalik ni Marcus ang bote sa loob ng bag. Kinuha niya ang kaniyang sombrero at lumabas sa kuwarto upang magpahangin.
Sinalubong siya ng sayawan at tawanan ng mga katrabaho na lango na sa alak. Napatigil siya sa pagbaba sa maliit na hagdan nang iabot ni Mike ang isang beer. "Bro, isa lang oh," aya nito sabay ngiti. Umiling si Marcus bilang tugon. "Sige na nga, masakit pala ulo mo kanina," patuloy ni Mike saka inilapag ang beer sa tabing mesa.
Nagpatuloy sa paglalakad si Marcus habang nakasuksok ang isang kamay sa bulsa ng suot niyang shorts. "Saan ka pupunta?" tanong ni Mike. "Diyan lang," tipid na sagot ni Marcus nang hindi lumilingon sa kaniya.
Sinundan ni Mike ng tingin si Marcus hanggang sa makarating ito sa tabing-ilog. Tumingala siya sa langit, unti-unting natatakpan ng ulap ang gasuklay na hugis ng buwan.
"Pagbibigyan mo ang hiling ng isang karakter?" saad ng mahiwagang lalaki na animo'y kinakausap ang buwan. Gusto niyang tumawa. Gusto niyang magtanong nang marami. Ngunit batid niyang kailangan niya lang sumunod.
Dinukot niya ang pulang bookmark sa kaniyang bulsa at pinagmasdan iyon. Ang misyon niya ay dalhin ang manunulat sa loob ng kuwentong isinulat nito dahil iyon ang kahilingan ng isang karakter.
Napahinga nang malalim ang mahiwagang nilalang saka ibinulsa ang pulang bookmark. Naaaninag niya pa mula sa malayo ang likod ni Marcus na naglalakad papalayo. Nakausap na niya ang karakter na dumadaing at humihingi ng tulong habang unti-unti itong hinihila ng tubig pababa.
Muling tiningnan ng mahiwagang lalaki ang buwan bago pinalagitik ang kaniyang daliri dahilan upang tumigil ang paligid. Nagsimula na siyang maglakad papatungo sa manunulat na hindi niya aakalaing mapapahamak sa loob ng librong isinulat nito.
MAKALIPAS ang halos dalawang buwan sa ICU. Nagawa nang igalaw ni Faye ang kaniyang daliri hanggang sa unang pagkakataon ay naimulat niya ang kaniyang mga mata. Dali-daling lumapit ang nurse na nagkataong nasa tabi niya. Agad nitong tinawag ang doktor. Hindi marinig ni Faye ang sinasabi ng mga ito. Malabo rin ang kaniyang paningin ngunit naaaninag niya ang kilos ng dalawang nurse at isang doktor na papalapit sa kaniya. Naaaninag din niya ang liwanag ng ilaw sa kisame. At naaamoy niya ang usok mula sa sinunog na papel na hindi niya malaman kung saan nanggaling.
Sa loob ng dalawang linggo ay mabilis naging mabuti ang kalagayan ni Faye. Maraming test ang ginawa sa kaniya at mga therapy na makakatulong sa pagbabalik ng kaniyang kilos. Nailipat sa ibang ospital si Sabrina, sinisikap niyang magpagaling agad upang madalaw na ang kapatid.
Malaki ang pera na natanggap nila ni Sabrina sa bus at truck company. Nagawang ipagpatuloy ni Faye ang kaniyang pag-aaral. Nabigyan din siya ng scholarship sa huli niyang taon sa kolehiyo. Nang makapagtapos siya sa pag-aaral, nakapasok siya sa isang media company bilang isang content writer.
Sa loob ng isang taon ay nakitaan agad ng potensyal si Faye. Isa siya sa mga napiling ipadala sa ibang bansa para special training. Nang makuha ni Faye ang sweldo sa katapusan ng buwan ay nagtungo siya sa ospital kung saan naka-confine si Sabrina.
"Settled na po lahat ng balance niyo." Saad ng cashier. Nagtaka ang hitsura ni Faye, quarterly ang bayad niya, nakapagbayad pa siya noong nakaraan.
"Paanong..." Napatigil si Faye saka lumapit sa salamin, "Sinong nagbayad ng balance namin?" tanong niya. Ngumiti nang tipid ang cashier. "Pasensiya na po Ma'am, pumirma po kami ng NDA, hindi namin puwedeng i-disclose ito."
Huminga nang malalim si Faye. Ang unang pumasok sa isip niya ay ang ama niya na nagawang magparamdam sa kanila sa loob ng ilang taong pananahimik. Naglakad si Faye papalabas ng ospital. Nadalaw na rin niya si Sabrina kanina bago pumunta sa cashier.
Tumigil sa paglalakad si Faye saka tiningnan ang huling message ng kaniyang ama noong nakaraang buwan.
Happy Birthday
Nagdadalawang-isip siyang pindutin ang pangalan at tawagan ang numero nito. Kung tama ang hinala. Kung ang ama niya ang tumutulong sa kanila ngayon. Gusto niyang patigilin ito. Alam niya na ito rin ang gusto ni Sabrina. Hindi nila kailangan ng tulong nito.
Natauhan si Faye nang makatanggap ng text mula sa katrabaho niya. Papunta na ang mga ito sa airport. Sumakay si Faye sa taxi bitbit ang maleta na kaniyang dadalhin.
Pagdating sa airport. Sinagot ni Faye ang tawag mula kay Mrs. Santos na babyahe rin pa-Maynila.
"Huwag kang mag-alala, ako munang bahala kay Sabrina. Hindi ba't sinabi ko na sa inyo na ako na ang bahala sa inyong dalawa." Saad ni Mrs. Santos mula sa kabilang linya. Napangiti si Faye. Malaki ang pagpapasalamat niya kay Mrs. Santos na hindi umalis sa kanilang tabi lalo na kay Sabrina. Pinatuloy din siya sa tahanan nito hanggang matapos niya ang isang taon sa kolehiyo.
"Salamat po tita Gera. Tatawag din po ako lagi. Tulog si Sabrina kanina, hindi ko na siya ginising para makapagpahinga pa siya. Nag-iwan na lang ako ng sulat sa kaniya." Tugon ni Faye habang hinihila ang maleta papasok.
Kausap niya si Mrs. Santos sa phone hanggang makarating sa waiting area. Ibinaba na niya ang tawag nang magpaalam na si Mrs. Santos dahil pasakay na ito ng barko mula sa Coron. Ibinulsa ni Faye ang phone saka inilibot ang mata sa paligid upang makahanap ng bakanteng upuan.
Naglakad siya patungo sa dulo ngunit napatigil nang marinig ang tunog ng kalansing na bumagsak sa sahig. Nakita ni Faye ang isang crescent moon keychain na kulay ginto. Dinampot niya ito tulad ng kung paano siya inaakit ng paborito niyang hugis ng buwan.
Tumingin si Faye sa lalaking nakatayo sa harapan niya. Nakatingin ito sa kaniya na tila naghihintay. Inabot ni Faye ang keychain sa lalaki. "T-thanks," tugon ng lalaki saka ibinulsa ang keychain.
Magsasalita sana si Faye ngunit napalingon sila kinaroroonan ni Quinn nang sumigaw ito. "Girl! Bakit ang tagal niyo?!" tumakbo si Quinn papalapit sa kanila at agad bumeso kay Faye. Napangiti si Faye, nakatabi niya noon si Quinn sa isang summit convention at naging magkaibigan sila.
Nagpatuloy sa pagsasalita si Quinn. Muling napatingin si Faye sa lalaking may-ari ng crescent moon keychain. Nahuli niya itong nakatingin sa kaniya ngunit agad umiwas ng tingin. "Anyway, mamaya na tayo mag-chika. Naka-board na silang lahat!" saad ni Quinn sabay hila ng kaniyang maleta. Sumunod ang dalawa pang katrabaho ni Faye kay Quinn.
Hinawakan ni Faye ang dalang maleta at nagsimula na siyang maglakad. Bumagal ang lakad ng lalaki hanggang sa magkasabay sila. Tumatagos ang kahel na liwanag sa malalaking bintana ng airport.
Tumikhim ang lalaki saka inilahad ang palad sa tapat ni Faye habang naglalakad sila nang mabagal. "Marcus," pakilala nito. Ngumiti si Faye saka hinawakan ang kamay ni Marcus.
"Faye," tugon niya sabay ngiti nang ngumiti rin si Marcus. Hindi malaman ni Faye kung bakit kumakabog nang malakas ang kaniyang puso at ngumingiti sa harap ng taong ngayon lang naman niya nakilala.
Hindi siya naniniwala sa happy ending. Hindi siya naniniwala sa love at first sight. Ngunit sa pagkakataong ito, gusto niyang maniwala sa mga pangyayaring iyon na nababasa lang niya sa mga libro.
Hindi pa siya nakakasulat ng isang nobela tungkol sa pag-ibig. At iyon ang nais nais niyang simulan ngayon.
Lingid sa kanilang kaalaman, wala na ang nobelang Salamisim. Hindi na iyon maisusulat muli. Ngunit ang bagong alaala na kanilang bubuuin ang siyang magiging bagong Salamisim.
HINDI ko siya binitiwan. Pilit kong dinarama ang tibok ng kaniyang puso kahit wala akong marinig. Hindi rin siya kumawala sa yakap ko. Gusto kong maramdaman niya na hindi na siya nag-iisa ngayon. Hindi na siya nag-iisa sa gitna ng malamig at madilim na gabi.
Sabi nga niya, malakas daw ako sa buwan. Gusto kong malaman kung totoo ba iyon. Kung pagbibigayn muli ako ng buwan ngayon. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at kumawala sa pagkakayakap sa kaniya.
Hindi pa rin nagbago ang kulay ng buhok at mga mata niya. Nakatingin siya sa 'kin ngayon. At tulad ng dati niyang reaksyon, ramdam ko ang milyon-milyong tanong na tumatakbo sa kaniyang isipan ngayon kung bakit ko ito ginagawa.
Iniangat ko ang aking mga kamay at akmang hahawakan ang kaniyang pisngi ngunit hindi ko ginawa. Sa halip, mas pinili kong pagmasdan siya at basahin ang sinasabi ngayon ng kaniyang mga mata.
"Alam kong hindi na 'to magtatagal..." Mas lalong nadudurog ang puso ko sa tuwing naaalala ko na lahat ng kuwento ay may katapusan. "At sa mga natitira nating pahina, gusto kong mas makilala ka." Napansin ko ang paglunok niya sa kaniyang lalamunan. Ang mga mata niya ay nangungusap na tila ba hindi niya nais alalahanin ang lahat.
Mula sa kaniyang likuran ay natatanaw ko sa langit ang buwan na muling nagbabalik ang liwanag. Natatalo n anito ang ulap at gabing bumabalot sa kaniya. "Gusto kong malaman kung sino ka ba talaga," patuloy ko. Muling umihip ang malakas na hangin na hindi nagpatinag sa amin.
Nanatili akong nakatingin sa kaniyang mga mata at ganoon din siya sa akin. Nararamdaman ko na sa likod ng kaniyang mga ngiti ay naroon ang itinatago niyang kalungkutan at pighati. Hindi talaga siya ang Ash na masiyahin at palabiro na una kong nakilala. Dahil alam kong pilit niya lang ikinukubli ang totoo niyang emosyon at bigat na nadarama.
Las Islas Filipinas, Noviembre 1849
MABILIS ang pagpapatakbo ng isang binata sa kaniyang kabayo. Paulit-ulit niya itong hinahampas upang tumakbo nang mas mabilis. Sa edad na dalawampu't isang taong gulang ay kilala siyang mahusay sa karera at pakikipaglaban. Tinatahak niya ang mahabang daan sa gitna ng nagtataasang mga kawayan. Malalim na ang gabi ngunit maliwanag ang kabilugan buwan na hindi katulad noong mga nakaraan.
Hindi niya alintana ang malakas na hangin na sumasalubong at humahampas sa kaniyang katawan. Pilit na tinatakpan ng ulap ang buwan ngunit hindi ito nagpapatalo. Tuluyan nang pumatak ang mahinang ambon.
Mas lalong naghari ang galit ng binate nang matanaw ang malaking mansyon. Hindi nga siya nagkamali. May liwanag pa siyang nakikita sa silid-aklatan kung saan namamalagi ang taong kaniyang kinasusuklaman.
Samantala, mula sa loob ng malaking mansyon na pag-aari ng isang tanyag na propesor at negosyante. Naroon ang isang binata na nasa edad labing-siyam na taong gulang. Abala ito sa pagsusulat sa paraang baybayin. Hindi nito alintana ang madilim na silid-aklatan kahit pa nag-iisang lampara lang ang nagbibigay sa kaniya ng liwanag. Nagkalat ang mga gamit na papel sa sahig, maging ang mga nakalukot na hindi na niya kailangan.
Nakabuklat ang isang aklat kung saan nakalista ang mga apelyido na sinasabing dapat gamitin ng mga mamamayan, ang Catalogo Alfabetico de Apellidos. Lubos siyang tumutututol sa kautusang inilabas ng gobernador-heneral. Para sa kaniya, ang pagpapalit ng pangalan at apelyido ay pagpatay sa kanilang pagkakakilanlan.
Napatigil sa pagsusulat ang binata nang marinig ang mga yapak ng kabayong paparating. Alam na niya kung sino iyon. Kung sino ang malakas ang loob na susugod sa kaniya sa kalagitnaan ng gabi. Tumingin siya sa bintana, natatanaw niya ang bilog na buwan na mas lalong nagliliwanag sa kadiliman.
Ilang sandali pa, kumalabog ang pinto ng silid-aklatan. Nabuksan ito ng taong kaniyang inaasahan. "Gusto mo ba talagang mamatay?!" sigaw ng binatang galit na galit. Basa sa pawis ang buhok nito at ang suot na puting polo at itim na tsaleko ay nagusot na nang malakas na hangin.
Umalingangaw sa buong silid-aklatan ang boses nito ngunit hindi natinag ang lalaking nakaupo at nakatitig sa buwan. "Libulan!" patuloy ng binata na nanginginig na sa galit. Tinawag niya sa pangalan ang kausap ngunit hindi pa rin siya nito nilingon.
Naglakad papalapit ang binata saka kinuha ang mga papel sa mesa at pinagpupunit iyon. "Kung nais mong mamatay, huwag mo kaming idadamay!" patuloy ng binata. Hindi na niya mapigilan ang sarili. Pinagpupunit at tinatapakan niya ang mga papel na nagkalat sa sahig.
"Ako lang naman ang nais mong mawala, hindi ba?" tanong ni Libulan saka tumingin sa nakatatandang kapatid. "Aking nababatid na nais mo na akong maglaho. Nababtid ko ang iyong mga ginagawa," patuloy nito. Sa matinding galit ay hinila ng binata ang kuwelyo ni Libulan.
"Anong ibig mong patunayan? Nais mo rin kaming idamay? Ang lahat ng mayroon ako ay aking pinaghirapan! Hindi ko hahayaan na sirain mo ang lahat!" Sa kabila ng nanlilisik na mga mata nito ay naroon ang mga luhang namumuo.
"Iyong sabihin 'yan sa lahat ng taong iyong pinaslang! Hindi ba't Ginamit mo sila upang makarating ka sa puwestong 'yan?!" Sigaw ni Libulan. Isang malakas na suntok ang pinakawalan ng nakatatandang kapatid.
Natumba si Libulan at bumagsak sa sahig. Napahawak ito sa labing pumutok sa lakas ng pagkakasuntok ng kaniyang kapatid. "Sa palagay mo, hindi kita kayang paslangin? Matagal ko nang hinintay ang araw na 'to. Kung hindi lang dahil..."
"Ano? Iyong ituloy! Paslangin mo ako ngayon din gaya nang matagal mo nang inaasam!" sigaw ni Libulan na nanlilisik na rin ang mga mata. Agad dinukot ng binata ang kaniyang rebolber at itinutok sa kapatid.
"Nang dahil sa 'yo nasira ang lahat! Hindi ka na sana nabuhay pa!" Sigaw ng binata saka kinasa ang hawak na baril. Nagsimulang bumagsak nang malakas ang ulan. Pumapasok mula sa bintana ang tubig at hangin na nagpapalipad sa mga nagkalat na papel.
Sunod-sunod din ang pagkulog at pagkidlat na gumuguhit ng liwanag at lumilikha ng ingay sa kalangitan. Nanginginig ang kamay ng binata habang nakatutok ang baril sa kapatid na hindi rin nagpatinag at nais din siyang paslangin sa pamamagitan ng matalim nitong tingin.
Naalala niya ang lahat ng hinanakit, galit, at pagkasuklam na pilit niyang kinikimkim sa loob ng mahabang panahon. Gusto na niyang tapusin iyon. Gusto na niyang tapusin ang kapatid na siyang dahilan ng lahat.
Kinalabit na niya ang gatilyo ng baril dahilan upang umalingangaw ang putok nito. Isang malakas na sigaw ang narinig niya mula sa pintuan. Isang sigaw at panaghoy ng babaeng hindi niya inaasahang makakakita sa kaniyang ginawa.
"Hiram!" Tawag nito upang pigilan siya ngunit huli na ang lahat. Hindi na niya mababawi ang pinakawalang bala na kumitil sa buhay ng kaniyang kapatid. Dumanak ang dugo sa sahig. Nabitiwan ni Hiram ang baril na humalo sa dugong gumagapang patungo sa kaniyang sapatos dahilan upang maramdaman niya ang kakaibang lamig na bumalot sa kaniyang buong katawan.
****************
#Hiraya
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top