Kabanata 14: Moonless Night
[Kabanata 14]
DAHAN-DAHAN kong inilayo ang aking sarili sa kaniya. Nanatiling nakapikit ang aking mga mata. Hindi dahil sa hindi pa ako handang makita ang reaksyon niya, kundi dahil gusto ko pang damhin ang halik na nagawa kong nakawin.
Nang imulat ko ang aking mga mata. Nakatingin lang siya sa 'kin. Hindi ko mabasa ang reaksyon niya. Walang bakas nang pagkagulat o pagkalito. Sa halip, awa at lungkot ang nararamdaman ko sa kaniyang mga tingin.
Hinihintay ko siya. Hinihintay kong itanong niya kung bakit ko ginawa iyon. Ngunit hindi siya nagsalita. Nakatingin lang siya sa 'kin nang hindi ngumingiti o nagbibiro. Hinihintay ko lang din na ngumiti siya. Nang sa gayon, mawala ang kaba na nararamdaman ko ngayon.
Huminga nang malalim si Ash saka napayuko, "Kailangan na nating umalis dito." Saad niya. Hindi malinaw sa 'kin kung aalis na ba kami sa Salamisim o aalis lang kami sa bayan dahil malapit na ang oras ng curfew.
Naunang maglakad si Ash. Para akong sinampal ng hangin sa reyalidad. Ni hindi man lang siya nagtanong o humingi sa 'kin ng paliwanag kung kailan handa na akong umamin. Sinundan ko siya hanggang sa makarating kami sa isang mahabang kalsada. Wala nang katao-tao, sarado na ang mga kabahayan, at ang ilan ay nagpapatay na ng ilaw.
Napahawak ako nang mahigpit sa aking saya. Nahihiya ako na nadidismaya sa nangyari. Masyado akong nagpadala sa bugso ng aking damdamin dahilan upang mailing tuloy siya sa 'kin. Napalunok ako saka dali-daling naglakad at inunahan siya. Tumigil ako sa tapat niya upang tumigil din siya sa paglalakad.
"Ash," panimula ko. Ganoon pa rin ang reaksyon niya. Animo'y pasan-pasan niya ang libo-libong mga problema. Pakiramdam ko, nakadagdag sa problema niya ang ginawa ko. "Wala ka bang sasabihin? Hindi mo ba ako tatanungin?"
Hindi siya nagsalita. Sa halip, yumuko lang siya at umiwas ng tingin. "Bakit ikaw? Hinalikan mo rin ako noon nang walang paalam! Hindi mo ba inisip ang mararamdaman ko dahil sa ginawa mo?" hindi ko na mapigilan ang aking sarili. Sa tuwing naaalala ko 'yon, mas lalong lumalakas ang kabog ng puso ko.
Tumingin sa 'kin si Ash. "Aurora, ginawa ko lang iyon para magising ka. Kailangan mong mabakablik sa ospital." Tugon niya dahilan upang mas lalo akong madismaya. Naiitindihan ko naman na iyon talaga ang dahilan kung bakit niya nagawa iyon. Naiinis ako sa sarili ko dahil sa katangahan kong umasa na baka may iba pang rason ang nangyari.
"Wala na bang ibang paraan?" unti-unti ko nang naramdaman ang pamumuo ng luha sa mga mata ko. Gusto kong malaman kung wala na bang ibang paraan, kailangan niya ba akong halikan para magising? Gusto kong malaman kung wala na bang ibang paraan upang mabuhay ako pagkatapos nito?
Muling napayuko si Ash. "Patawarin mo 'ko. Kasalanan ko kung bakit ka naguguluhan. Hindi ako naging maingat. Masyado akong naging mabait." Saad ni Ash, ramdam ko ang sinseridad sa mga mata niya pero hindi ko mapigilang magalit.
Pakiramdam ko ngayon ay kasalanan ko kung bakit ako nahulog sa kaniya. Bnibigyan ko ng kahulugan ang mga ginagawa niya, ang pagliligtas niya sa 'kin, ang pag-aalala niya, at ang pagtulong niya. Animo'y gumuho ang aking pag-asa na kahit sa sandaling oras man lang ay maranasan kong umibig tulad ng mga nababasa kong mga nobela. Ang lahat ng kabutihan niya, ang pagpapangiti niya sa akin ay wala palang ibang kahulugan.
"Aurora, marahil ay nalilito ka lang dahil ako ang un among kaibigan. Ngunit..."
"Hindi ka na sana nagsalita. Mas mabuti kung kunwari wala na lang nangyari tulad ng dati." Saad ko saka tumalikod at naglakad pabalik sa dinaanan namin.
"Aurora!" ilang ulit niya pa akong tinawag ngunit hindi ko siya nilingon. Hindi pa ako nagalit nang ganito sa buong buhay ko. Nagsisisi tuloy ako kung bakit ko siya hinalikan. Nagsisisi tuloy ako kung bakit ako naging matapang na harapin ang aking damdamin.
Sa bilis ng aking paglalakad, hindi ko namalayan na nakarating na ako sa pueblo. Nagpatuloy lang ako sa paglalakad habang nakakakita ako ng deretsong daan. Napatigil ako nang marinig ang boses ng dalawang lalaki.
"¿Para dónde vas?" (Where are you going?) napapikit ako sa liwanag na papasalubong. May dalang sulo ng apoy ang dalawang guardia na papalapit sa 'kin. Tumigil sila sa tapat ko saka sinuri akong mabuti gamit ang kanilang mga mata.
Nagkatinginan sila. Iniisip siguro nila ngayon kung paano ako kakausapin dahil maayos ang aking pananamit. "Creo que está Perdida." (I think she's lost.) Wika ng isa sa kasama niya.
"No creo. Ella podría ser una fugitiva que se disfraza de alguien que pertenece a una familia noble." (I don't think so. She might be an escapee who disguises herself as someone who belongs to a noble family.)
Tumingin sila sa 'kin. "Mi Señorita, ¿puede por favor mostrarnos su cédula?" (Miss, can you please show us your cedula?) nagbago ang tono ng pananalita ng isang guardia. Para bang hinuhuli niya kung maiintindihan ko sila.
Animo'y humupa ang lahat ng galit at tapang ko kanina. Napatingin ako sa mahahabang baril at apoy na hawak ng dalawang guardia. Mas lalo akong kinabahan dahil hindi ko naiintindihan ang sinasabi nila. Siguradong mahahalata nila na hindi ako tagarito.
Magsasalita na sana ako nang marinig namin ang boses ng isang babae. "Señorita!" napalingon ako sa likod. Maging ang dalawang guardia ay napatingin sa gawi ng babaeng papalapit sa amin. "Kanina pa po namin kayo hinihintay. Nakahanda na ang pagkain sa hapag." Patuloy ni ate Faye na agad nagbigay-galang sa 'kin at yumukod sa dalawang guardia.
Agad kumapit sa braso ko si ate Faye. Muli siyang yumukod at humingi ng paumanhin sa dalawang guardia na sinundan lang kami ng tingin hanggang sa makapasok kami sa loob ng Panciteria ala Pacita.
NAKASUBSOB ang mukha ko sa mesa. Naramdaman ko ang paglapag ng isang baso sa mesa at umupo sa tapat na silya si ate Faye. Pinagpahinga niya muna ako sa loob ng panciteria. Nagkukuwento siya kanina habang kumukuha ng tubig sa kusina. Tulog na raw sina Aling Pacing at Mang Pedro. Wala rin silang nakaimbak na lutong pagkain ngayon kaya tubig lang ang mabibigay niya.
May isang lampara na nakasabit sa gilid ng pader ang nagbibigay ng liwanag sa buong kainan. Pinili kong itago ang mukha ko sa pagitan ng aking mga braso dahil hindi ko na mapigilan ang pagbagsak ng aking mga luha. Pilit kong pinipigilan ang paghikbi ko dahil nahihiya ako na mapansin iyon ni ate Faye.
"Anong ginagawa mo sa labas ngayong oras na 'to?" tanong niya. Gusto ko rin siyang tanungin kung bakit nasa labas din siya at mukhang hindi pa siya nakabihis pangtulog. Gusto ko siyang makausap, maraming bagay akong gustong malaman tungkol sa kaniya ngunit nanghihina ako sa katotohanang hindi ko na alam kung nasaan si Ash ngayon.
Sunod kong narinig ang yabag ng paa sa hagdan. "Ate Tanya, bakit gising ka pa?" nakilala ko ang boses ni Lolita. "Sino 'yan?" patuloy niya. Naglakad siya papalapit. Naaninag ko ang mahabang saya na kulay asul na tumigil sa tabi ng mesa.
"Matulog ka na, Lolita." Wika ni ate Faye pero narinig kong umurong ang isang silya at umupo roon si Lolita.
"Parang nakikilala ko ang kasuotan niya." Saad ni Lolita. Umupo na ako nang maayos saka kinuha ang isang basong tubig na nasa mesa at ininom iyon nang hindi tumitingin sa kanilang dalawa.
"Ikaw ang kasama ng maginoong dayo kanina!" Naituro pa ako ni Lolita sa gulat. Ibinaba ni ate Faye ang kamay ni Lolita dahil hindi magandang asal iyon.
"Anong ginagawa mo rito mag-isa? Nasaan ang asawa mo?" tanong ni Lolita na nagawa pang lumingon sa kaliwa't kanan kahit nakasarado naman ang mga bintana at pinto ng panciteria.
Napayuko lang ako. Hindi ko alam ang isasagot ko. Hindi naman kami mag-asawa. Higit pa roon, hindi ko siya nais makita at maalala ngayon. Napasingkit ang mga mata ni ate Faye, "Hindi kayo mag-asawa, ano?" saad niya dahilan upang mapatingin ako sa kaniya.
Napatakip naman ang bibig ni Lolita. "Sinasabi ko na nga ba!" saad ni Lolita. Hindi ko alam kung masaya ba siya o nagulat sa nalaman niya.
"Imposibleng maging mag-asawa kayo. Katrabaho ko ang lalaking 'yon. Feeling ko talaga siya si Mike!" saad ni ate Faye. Napatingin si Lolita sa kaniya.
"Sino si Mike" tanong ni Lolita na naguguluhan sa mga salitang ginamit ni ate Faye.
Tumikhim si ate Faye. "Katrabaho ko 'yon si Mike sa Bulakan. Iyong lalaking kasama niya." tugon ni ate Faye sabay turo sa 'kin pero agad niyang binaba ang daliri niya nang maalala na hindi tamang gawin iyon sa harap ng kausap. "Pilyo at mapang-asar 'yon si Mike. Nagkunwari pa siyang hindi niya ako kilala, tsk." Patuloy ni ate Faye na mukhang handang suntukin sa mukha si Ash anumang oras.
"Ano palang pangalan mo?" tanong sa 'kin ni ate Faye. Nagulat si Lolita kasi hindi nagagawang gumalang ni ate Faye lalo pa't ang suot ko ay natutulad sa antas ni Maria Florencita.
"A-Aurora," tugon ko. Ito ang unang beses na nakausap ko siya nang ganito. Kailanman ay hindi kami nag-usap. Pareho sila ni Sabrina, hindi nila ako nagawang tingnan at kausapin noong minsan kaming dumalaw ni papa sa kanila.
"Hindi ba talaga kayo mag-asawa ni Mike?" tanong ni Lolita na gusto munang kumpirmahin ang lahat ng impormasyon.
Magsasalita sana ako ngunit nauna na si ate Faye. "Binata 'yon si Mike. Inaasar nga ako ni Quin sa kaniya." Tugon ni ate Faye na halatang naiirita kapag naalala si Ash.
"Ah... Hindi po Mike ang pangalan niya." Saad ko habang hawak ang baso sa mesa gamit ang dalawa kong kamay. Hindi ko alam kung bakit ko nasabi iyon. Gusto ko lang din sumali sa usapan nila. Mukhang malapit na malapit silang dalawa sa isa't isa.
"Anong pangalan niya?" tanong ni Lolita na sandaling kumislap ang mga mata.
"Ash," sagot ko. Nagtaka ang hitsura ni Lolita. Bakas sa mukha niya na ngayon niya lang narinig ang pangalan na iyon sa tanang buhay niya. Samantala, nagtaka rin ang hitsura ni ate Faye na para bang inaalala niya ang buong pangalan ng katrabaho niya.
"Bakit pala kayo narito? Saan kayo nakatira? At magkaano-ano talaga kayo?" sunod-sunod na tanong ni Lolita. Nabibigla ako sa dami ng mga tanong niya. Pinasandal ni ate Faye si Lolita sa silya dahil daig pa nito ang imbestigador sa dami ng tanong.
"Lolita, matulog ka na nga. Usapang matatanda ito." Saad ni ate Faye. Napakunot ang noo ni Lolita.
"Matatanda? E, magka-edad lang kami," saad ni Lolita sabay turo sa 'kin.
"Ilang taon ka na, Aurora?" tanong ni ate Faye. Kung paano niya bigkasin ang pangalan ko, nararamdaman ko na wala siyang maalala sa tunay niyang buhay.
"Labing-walong taong gulang po,"
"Oh, mas bata ka pala Lolita. Iwan mo na kami dahil mag-uusap ang mga nasa temang edad." Ngumiti si ate Faye kay Lolita ngunit ang ngiting iyon ay tila babala na huwag na itong mangangatwiran pa.
Napatikhim si Lolita. "Labing-limang taong gulang na ako. Matanda lang naman siya ng tatlong taon," katwiran ni Lolita ngunit nang sumingkit na ang mga mata ni ate Faye, tumayo na siya saka ibinalik nang maayos ang silya.
"Politika ba pag-uusapan niyo? Marami rin naman akong maiaambag e," pabulong na saad ni Lolita habang naglalakad na pabalik sa ikalawang palapag. Nang makaalis si Lolita, muling tumingin sa 'kin si ate Faye.
"Ano pong pagkakakilala mo kay Ash?" tanong ko. Napaisip si ate Faye at napatingin sa taas. "Mabait naman siya. Madaldal nga lang at mahiling mang-asar." Tugon ni ate Faye. Napatango ako, iyon din ang pagkakakilala ko kay Ash. Iyon din ang dahilan kung bakit ko siya nagustuhan.
Sandaling naghari ang katahimikan. Nakakapanibago dahil hindi naman kami nakapag-usap nang ganito dati. Isinandig ni ate Faye ang dalawa niyang braso sa mesa. "May ideya ka ba kung anong lugar 'to?" tanong niya habang nakatingin nang deretso sa mga mata ko na para bang gusto niyang basahin kung may nalalaman ako tungkol sa hiwagang bumabalot sa Salamisim.
Naalala ko ang sinabi ni Ash. Paano nakapasok si ate Faye sa kuwento. Tumango ako nang marahan, "Alam ko na hindi po 'to totoo," tugon ko. Napasandal si ate Faye, bakas sa mukha niya na inaasahan na niya ang isasagot ko.
Napangiti siya, "Sabi ko na nga ba!" Ngayon ko lang siya nakitang ngumiti. Magkamukhang-magkamukha sila ni Sabrina. Nakuha nila ang mga ngiti ni papa. "Lagot talaga 'yan si Mike sa 'kin. Nagsinunggaling pa siyang hindi niya ako kilala ha," napahalukipkip si ate Faye. "Huwag ka nang mag-po sa 'kin, hindi naman ako ganoon katanda." Tumawa siya nang marahan.
"Siya nga pala, bakit kayo narito? Paano kayo..." napatigil siya. Mukhang wala pa siyang ideya kung bakit nandito siya sa loob ng isang nobela.
Gusto kong malaman kung hanggang saan ang nalalaman niya, "Hindi ka rin ba taga-rito? Paano ka nakapasok dito sa kuwento?"
Napabuntong-hininga si ate Faye. "Hindi ko rin alam. Hindi ko alam kung bakit nandito ako ngayon sa sinulat kong istorya." Tugon niya saka napahawak sa sentido.
Natahimik ako. Lalaki ang nagsulat ng nobelang Salamisim. Ayon kay Ash, ang lalaking iyon ay si Heneral Sebastian ngayon.
"Isa kang writer?" tanong ko. Tumango siya nang may ngiti sa labi. Hindi ko maintindihan kung paano siya ang naging manunulat ng nobelang Salamisim.
"Kung hindi ka rin taga-rito. Siguradong naghihintay ang pamilya mo," saad ko, hindi ko alam kung paano ipapasok nang maayos ang tungkol sa pamilya niya. Muling napasandal sa sandalan ng silya si ate Faye.
"Wala akong naalala kapag nakakalabas ako rito. Ang sabi nila mama, baka pagod lang ako sa trabaho kaya kung anu-anong napapanaginipan ko. Iyong kapatid ko, si Fate, wala rin masabing matino." Sagot ni ate Faye. Hindi ako nakapagsalita. Hindi niya alam ang totoo niyang buhay. Hindi niya kilala sina papa, tita Gil, at Sabrina.
"Ikaw, bakit ka narito? Kayo ni Mike." Tanong niya. Napakagat ako sa aking ibabang labi. Hindi ako sanay magsinunggaling. Hindi ko rin gusto na sa akin manggaling ang totoo na hindi talaga siya ang manunulat ng kuwentong ito. Siguradong mabibigla siya at baka hindi rin siya maniwala sa 'kin.
Napatitig ako sa baso ng tubig na hindi ko pa nauubos. Iniisip ko kung dapat ko bang sabihin ang totoo, o hayaan na lang na matuklasan niya iyon balang araw. Napatingin ako kay ate Faye, hanggang dito ba naman, ipagkakait pa rin sa kaniya ang katotohanan. Alam kong wala rin silang ideya noong ikasal si papa kay mama at noong ipanganak ako.
Napahinga ako nang malalim. Karapatan niya malaman ang totoo. Nang sa gayon, ngayon pa lang ay mapaghandaan niya anuman ang mangyayari. Magsasalita na sana ako para sabihin ang totoo ngunit napatigil kami nang marinig ang boses ni Ash.
"Aurora," tawag niya. Sabay kaming napalingon ni ate Faye sa pintuan ng panciteria kung saan siya nakatayo ngayon. Nakauwang nang kaunti ang pinto. Napatayo sa gulat si ate Faye sabay turo sa pintuan. "Paano ka nakapasok..." dahan-dahan din akong napatayo, nakadando ni ate Faye ang pinto kanina.
Agad naglakad si Ash papalapit at hinawakan ang pupulsuhan ko. Seryoso ang mukha niya dahilan upang hindi ako makapagsalita. "Aalis na tayo," saad niya habang nakatingin nang deretso sa mga mata ko. Ni hindi niya tiningnan o pinansin si ate Faye na lumapit din sa 'min at bakas ang matinding gulat sa kaniyang mukha.
"Siniguro ko na nakasarado 'yan ha, paanong..." saad ni ate Faye. Hinila na ako ni Ash ngunit binawi ko ang kamay ko. "Hindi ako sasama," saad ko. Naalala ko ang kahihiyan na ginawa ko at ang nakakailang na tensyon sa pagitan namin ngayon. Gusto ko munang makapag-isip-isip. Gusto ko munang manatili rito kasama ang kapatid ko.
Muling hinawakan ni Ash ang pupulsuhan ko. "Kailangan na natin umalis dito," ulit niya ngunit hindi ako kumibo. Magsasalita pa sana siya ngunit pumagitna na si ate Faye.
"Ayaw niya sumama sa 'yo. Huwag mo siyang pilitin." Saad ni ate Faye saka inalis ang kamay ni Ash sa pagkakahawak sa 'kin. "Isa pa, hindi naman kayo mag-asawa. Kaya hindi mo siya puwedeng dalhin kung saan-saan. Irereport kita kapag 'di ka tumigil!" hinila ako ni ate Faye at inilagay sa likuran niya.
Napapikit si Ash saka napahawak sa kaniyang sentido. "Nagkakamali ka. Pakiusap. Kailangan na namin umalis. Hindi kami maaaring manatili rito nang matagal." Saad ni Ash saka seryosong tumingin kay ate Faye na hindi natinag sa kaniya.
"Hindi ko akalain na itatanggi mo pang hindi mo ko kilala. Hindi ko akalaing ganyan ka, Mike." Saad ni ate Faye na handang makipagsagutan kay Ash. Napalunok ako nang tumingin sa 'kin si Ash, mukhang napagtanto niya na alam na ni ate Faye na hindi rin kami karakter sa kuwento.
"Anong kailangan mo sa kaniya? At bakit kayo narito? Hindi ko hahayaang..." hindi na natapos ni ate Faye ang sasabihin niya dahil humakbang na ako papalapit kay Ash. Mula sa mga tingin ni Ash, alam ko na kailangan na naming umalis ngayon. Napansin ko ang liwanag nang buwan sa labas kung saan nasa kalahting hugis na ito ngayon.
"Aurora!" sigaw ni Ash dahilan upang magitla kami ni ate Faye. "Halika na!" ulit niya. Sa pagkakataong iyon ay nagbago na ang kulay ng kaniyang mga mata. Naging kakulay ito nang buwan. Kung dati, sa isang iglap lang nangyayari ang pagbabago ng kulay ng mga mata niya. Ngayon, hindi ito bumalik sa dati.
Maging si ate Faye ay napatigil at nagulat. Hinawakan ni Ash ang kamay ko at hinila papalabas. Naistatwa si ate Faye sa kaniyang kinatatayuan. Hindi na siya gumagalaw tulad nang kung paano napapatigil ni Ash ang ang oras at ang takbo ng paligid.
Sinasalubong kami nang malakas at malamig na hangin na tumatangay sa mga patay na dahon at lupa sa daan. Ang mga uwak na lumilipad sa langit ay hindi rin gumagalaw. Tanging ang buwan na unti-unting natatakpan nang makapal na ulap ang umuusad. Mahigpit ang pagkakahawak ni Ash sa kamay ko na para bang hindi ako kailanman makakatakas sa kaniya.
Patakbo akong naglalakad upang makahabol sa bilis ng kaniyang hakbang. Malamig ang kaniyang mga kamay tulad nang kung paano niyayakap ng gabi ang mundo. Kumakabog nang malakas ang dibdib ko, hindi ko alam kung dahil ba sa presensiya niya o sa takot na nararamdaman ko ngayon.
Unti-unting bumagal ang paglalakad ni Ash hanggang sa tumigil siya. Nasa gitna kami ng gubat kung saan ito ang dinaanan namin noon nang una niya akong dalhin rito sa nobelang Salamisim.
Napansin ko na nagbago na rin ang kulay ng kaniyang buhok. Kulay abo ito tulad ng kaniyang mga mata. "Gusto mo ba talagang mamatay?" saad ni Ash. Wala nang bakas ng galit ngayon ang tono ng kaniyang pananalita.
Binitiwan ni Ash ang kamay ko saka tumingala sa langit. "Hindi ko akalaing malilinlang ako nang ganito," natatawa siya na naiinis habang binibigkas ang mga salitang iyon. Animo'y kinakausap niya ang buwan na unti-unting natatakpan ng ulap. Napagtanto ko na maging ang buwan ay natatakot sa dilim na hatid ng gabi.
Lumingon sa akin si Ash. "Alam ko na kung bakit narito si Faye." Saad niya, hindi ako makahinga sa takot at kaba. Ngunit sa kabila niyon, hindi ko nais tumakbo papalayo sa kaniya. "Alam ko na rin kung bakit ka pinagbigyan ng buwan," patuloy niya. Kasabay ng mga binitiwan niyang salita ay ang lalong pagkislap ng liwanag nang buwan sa kaniyang mga mata habang unti-unting dumidilim ang paligid dahil nagawa nang magapi ng gabi ang buwan sa kalangitan.
Hindi ko alam kung saan nanggaling ang malamig na puwersa na marahang tumulak sa 'kin pahiga na para bang nahuhulog ako sa isang malalim na bangin na halos walang katapusan.
At sa aking pagkahulog, ang tanging nakikita ko ay ang buwan na pilit sumisilip sa likod ng mga ulap na para bang nais niyang ipaunawa sa 'kin kung bakit nangyayari sa amin ito ni ate Faye.
Bago tuluyang dumilim ang aking paningin, nakita ko ang hitsura ni ate Faye. Ang kaniyang malungkot na mga mata na minsan ding humingi ng tulong sa hiwaga ng buwan.
Mula nang mabasa ni Faye ang nobelang Salamisim. Hindi na ito nawala sa kaniyang isipan. Halos araw-araw niyang iniisip ang mga karakter sa kuwento at ang mga pangyayari na ibig niyang alalahanin nang paulit-ulit.
Sa klase, hindi na siya nakikinig dahil pinipili niyang isipin ang kuwentong Salamisim. Sa trabaho, hindi rin siya nakakapagtrabaho nang lumilipad ang kaniyang isip sa mga tagpong nilalaman ng nobelang bumaon sa kaniyang puso't isipan.
Gabi-gabi niyang inuulit basahin ang akda na nais niyang maging bahagi rin ng kaniyang buhay. Si Mary Faye Lacamiento ay nasa ikatlong taon na sa kolehiyo. Kumukuha siya ng kursong Creative Writing o Malikhaing Pagsusulat. Sa umaga siya nag-aaral, sa hapon ay nagtatrabaho siya bilang tagahugas ng pinggan sa isang fast-food chain. Sa gabi, nagtatrabaho rin siya bilang tagalaba sa isang laundry express shop.
Lahat ng ito ay nagawa niya pagsabay-sabayin upang makatapos lang sa pag-aaral bilang isang working student. Matagal nang patay ang kanilang ina ni Sabrina. Mula nang iwan sila ng kaniyang ama na nagpakasal sa iba ay nanirahan sila sa kapatid ng kaniyang ina.
Hindi naging maganda ang pamumuhay nina Faye at Sabrina sa tahanan ng kaniyang tiyahin. May lima itong anak at ang asawa ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Sa murang edad, sina Faye at Sabrina ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay para sa pamilya ng kanilang tiyahin.
Madalas din silang takutin nito na ibibigay sa bahay-ampunan kung hindi sila susunod at tatamad-tamad. Lagi silang napapagalitan at napaparusahan sa tuwing hindi nila nagagawa nang maayos ang mga gawaing buhay. Pinapatayo rin sila sa labas at hindi pinapakain kapag hindi nila natatapos ang paglalaba, pagpapakain sa mga manok, at paglilinis ng bahay.
Sa hirap ng buhay, naging kanlungan ni Faye ang pagbabasa. Madalas siyang humiran ng libro sa paaralan. At dahil na rin sa pagmamahal niya sa pagbabasa, pinangarap niya ang makabuo rin ng isang kuwento. Dalawampu't tatlong taong gulang na siya ngunit hindi niya matapos agad ang kaniyang pag-aaral dahil kailangan niyang magtrabaho at hindi niya kayang bayaran nang buo ang matrikula.
Ang kanilang ama ay kilalang magaling sa sining at panitikan. Minsan na itong kinilala ng iba't ibang organisasyon at mga kompanya. Sa kabila niyon, labis niyang kinamumuhian ang kanilang ama dahil sa ginawa nito. Kung kaya't hindi na rin sila nagparamdam ni Sabrina dahil hindi nila nais humingi ng tulong sa kanilang ama na piniling kalimutan sila.
Kilala siyang matapang, mapagbiro, at may paninindigan. Nagawa niyang tumayong bilang ina kay Sabrina. At gagawin niya ang lahat upang makaalis na sila sa puder ng kanilang tiyahin. Sa lahat ng karakter sa kuwento na kaniyang nabasa, si Angelita sa Salamisim ang higit niyang hinangaan at minahal sa lahat. Labis niyang hinangaan ang katapangan nito at nakikita niya rin ang sarili sa mga tauhan ni Angelita.
Marami nang naisulat na kuwento si Faye ngunit hindi ito napapansin ng kanilang propesor o ng mga palimbagan na pinasahan niya ng manuskrito. Sa tulong ng nobelang Salamisim, nagkaroon ng inspirasyon si Faye na muling magsulat. Sinimulan niyang magsulat ng sariling bersyon ng kuwento na hango sa nobelang Salamisim.
Ngunit sa paglipas ng mga araw, hindi niya nalamayan na nilalamon na siya ng matinding pagkahumaling niya sa isang nobela. Napapabayaan na niya ang kaniyang pag-aaral, matapos lang ang sariling kuwento. Hindi na rin siya nakakapasok sa trabaho dahil pinipili niyang umuwi nang maaga at ituloy ang pagsusulat.
Napapansin na rin ni Sabrina ang pagbabago kay Faye. Minsan niya itong kinausap at dinalhan ng pagkain ngunit nakalimutan din ni Faye na kainin ang inihanda niyang pagkain dahil abala ito sa ginagawa. Isinusulat ni Faye ang kuwento sa isang makapal na kuwaderno. Wala silang laptop at wala rin silang balak pahiramin ng mga anak ni Gil.
Nakatira sila sa Coron, Palawan. Nang mabalitaan ni Faye na magkakaroon ng book signing ang manunulat ng paborito niyang akda ay hindi siya nagdalawang-isip na basagin ang kaniyang alkansiya at bilangin ang lahat ng naipon niya. Marami pa siyang bayarin tulad ng matrikula at baon ni Sabrina. Hindi na rin siya makabale sa pinagtatrabahuan dahil hindi niya pa napupunan ang mga nauna niyang binale.
Lingid sa kaalaman ni Faye, nakita ni Sabrina ang pagbibilang nito ng pera at ang pagbasagi nito sa alkansya na pareho nilang hinuhulugan. Hindi maintindihan ni Sabrina kung anong nangyayari sa kaniyang nakakatandang kapatid. Sinubukan din niyang tanungin ito ngunit wala siyang makuhang sagot dahil parang wala na itong naririnig kapag nagsusulat na sa kuwaderno.
Samantala, si Sabrina ay labing-walong taong gulang. Tumigil siya sa pag-aaral at nagtrabaho sa isang patahian. Nais niya ring ipagpatuloy ang pag-aaral ngunit makakadagdag iyon sa gastos lalo pa't hindi rin sila sinasali ng kanilang tiyahin sa pagkain at mga gamit sa bahay. Pinagkakasya nilang dalawa ang sarili sa atic kung saan naroon din ang imbakan ng ibang mga lumang gamit.
Nang gabing iyon, nagkunwaring tulog si Sabrina upang sundan ang kaniyang kapatid. Ala-una nang madaling araw nang maramdaman niyang maingat na bumangon si Faye at nagsuot ng jacket. Kinuha rin nito ang itim na backpack at dahan-dahang bumaba sa atic.
Hindi makapaniwala si Sabrina. Iniisip niya na lalayas na rin si Faye nang walang paalam tulad ng ginawa ng kanilang ama. Kinuha ni Sabrina ang kaniyang pink na jacket at sombrero. Ibinulsa rin niya ang ipon niya na halos tatlong libong piso. Palihim na sinundan ni Sabrina si Faye hanggang sa makalabas sila sa bahay ng kanilang tiyahin.
Walang kamalay-malay si Faye na sinusundan na siya ng kaniyang kapatid. Wala nang bumabyaheng jeep o tricycle nang ganitong oras. Binuksan ni Faye ang ilaw ng kaniyang maliit na phone na halos masira na ang keypad.
Napatingala si Faye sa langit, hugis gasuklay ito na siyang paborito niya sa lahat. Madalas, sa tuwing siya'y nagsusulat, lagi siyang napapatigil at napapatulala sa liwanag ng buwan. Naalala niya ang kuwento ng kanilang ina noon tungkol sa pagkakabuo ng buwan. Marami siyang alaala sa buwan dahil madalas itong mabanggit ng kanilang ina.
At ngayong wala na siya. Kinakausap niya ito at ibinubulong sa buwan ang lahat ng kaniyang mga hinanaing at kahilingan. Kung hindi dahil sa pagbabasa at pagsusulat, aminado si Faye na matagal na niyang sinukuan ang buhay.
Bumagal ang paglalakad ni Faye nang mapansin ang paglapit ng mga alitaptap sa paligid. Maging si Sabrina na ilang metro ang layo sa kaniya ay napatigil din sa maliliit na liwanag na hatid ng mga alitaptap.
Nagpatuloy sa paglalakad si Faye hanggang sa mapansin niya ang isang bakawan na nagliliwanag sa ilalim ng buwan. Nanlaki rin ang mga mata ni Sabrina na nagtago sa likod ng puno at napatulala sa kakaibang bakawan na ngayon lang nila nakita.
Tulalang naglakad si Faye papalapit sa bakawan na para bang inaakit at tinatawag siya nito. Walang kamalay-malay na ibinaba ni Faye ang backpack at phone sa damuhan. Hinubad niya rin ang suot na sapatos dahilan upang mapasigaw si Sabrina.
"Ate Faye!" tawag nito. Natauhan si Faye at lumingon sa kapatid. Dali-daling tumakbo si Sabrina papalapit. "Anong ginagawa mo?!" napatingin si Faye sa sarili, bakas sa kaniyang mukha na wala siyang ideya sa nangyayari.
"Saan ka pupunta?" patuloy ni Sabrina na ngayon ay seryoso nang nakatingin sa kaniya. Kinuha ni Sabrina ang bag na nasa sahig at binuksan iyon. "Lalayas ka rin ba tulad ni papa?!" hindi na mapigilan ni Sabrina ang sarili. Hindi niya matatanggap na dalawang beses niyang mararanasang maiwan.
"Akin na 'yan!" inagaw ni Faye ang bag sa kamay ng kapatid ngunit tumilapon ang laman nito sa tubig ng bakawan. Nahulog ang mga gamit niya sa tubig at isa na nga roon ang kuwaderno kung saan niya pinaghirapang isulat ang sariling bersyon ng nobelang Salamisim.
Hindi nakagalaw si Sabrina sa gulat. Hindi niya intensyon na itapon ang mga gamit ng kaniyang kapatid. Gusto lang niyang kumpirmahin kung maglalayas nga ito. "Ang nobela ko!" sigaw ni Faye na akmang tatalon sana sa tubig ngunit pinigilan siya ni Sabrina at hinila pabalik dahilan upang pareho silang matumba sa damuhan.
"Hayaan mo na 'yon!" pigil ni Sabrina ngunit nagpumiglas si Faye. "Bitiwan mo 'ko! Sinira mo ang..." hindi na mapigilan ni Faye ang sarili, sunod-sunod nang bumagsak ang luha sa kaniyang mga mata. Pareho nilang alam na wala na silang magagawa. Hindi sila marunong lumangoy. Makuha man nila ang kuwaderno, siguradong punit na rin iyon at hindi na mababasa ang mga nakasulat.
"Iyon na lang ang natitirang pag-asa ko para makatakas sa lintik na buhay na 'to!" sigaw ni Faye saka sinubsob ang mukha sa pagitan ng dalawa niyang tuhod. Balak niyang ipakita sa manunulat ang bersyon niya ng Salamisim. Nais niya ring ipasa ang mga istorya niya rito sa pag-asang makakapagpalimbag din siya ng sarili niyang akda.
"Kung gayon, tatakas ka? Lalayasan mo kami? Iiwan mo 'ko?" hindi na rin mapigilan ni Sabrina ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Hindi nagsalita si Faye. Ang totoo, gusto na talaga niyang lumayas at mabuhay mag-isa sa Maynila. Kapag nakakuha na siya nang maayos na trabaho roon, saka siya magpaparamdam at tatawag kay Sabrina.
Nababatid ni Faye na hindi siya hahayaan ni Sabrina na umalis mag-isa. Sasama ito kahit anong mangyari at siguradong hindi na sila tatanggapin pabalik ng kanilang tiyahin sa oras na pareho silang umalis sa tahanan nito.
Para kay Faye, mas magiging panatag ang buhay ni Sabrina sa piling ng tiyahin habang hindi pa siya nakakahanap nang magandang trabaho. Nais niyang magsimula sa Maynila. Nais niyang makipagsapalaran at tumakas sa suliranin.
"Hinahayaan kita sa kung anong gusto mong gawin. Pero sana... sana huwag mo rin akong iwan. Hindi ako magiging sagabal. Hindi ako magtatanong ng kahit ano. Huwag mo lang akong iwan, ate. Ikaw na lang ang natitira kong pamilya." Pilit na hinahawi ni Sabrina ang mga luha sa kaniyang mata, hindi na niya kayang pigilan ang kaniyang paghikbi na nakakasama sa kaniyang hika.
Napapikit si Faye saka lumapit sa kapatid at niyakap ito. Napagtanto niya na hindi rin niya kayang iwan nang ganito ang kapatid na tinuturing din niyang nag-iisang pamilya. "Patawarin mo si ate. Hindi na ako aalis nang hindi ka kasama." Wika ni Faye saka tinapik nang marahan ang likod ng kapatid na yumakap sa kaniya nang mahigpit. Napatingin si Faye sa bakawan kung saan nahulog ang kuwaderno. Napapikit siyang muli habang pilit na tinitiis ang pagkadurog ng kaniyang puso sa tuluyan nitong paglaho.
Makalipas ang dalawang araw. Napagdesisyunan nina Faye at Sabrina na magpaalam nang maayos sa kanilang tiyahin at sa mga pinagtrabahuan nila. Naihanda na rin nila ang kanilang mga gamit. Walang sinabi si Gil. Masama ang loob niya dahil wala na siyang magiging utusan sa bahay. Bukod doon, hindi na rin niya magagamit ang magkapatid para makakuha ng pera sa ama nito.
Sakay ng barko, nakarating sila sa daungan ng Batangas. Sumakay sila sa bus na magdadala sa kanila sa Maynila. Pareho nang sumagi sa isip nila ang ama na naninirahan din sa Maynila. Alam nila kung saan ito nakatira. Ngunit, pinili nilang huwag pag-usapan iyon dahil hindi nila nais lumapit sa ama na matagal na rin nilang kinalimutan.
Maulan ang byahe. Mabilis ang pagpapatakbo ng bus na sinasakyan nila kahit pa maraming kurbada sa daraanan nito. Nakasandal ang ulo ni Sabrina kay Faye habang nakatingin si Faye sa bintana kahit pa wala siyang masyadong maaninag dahil sa lakas ng ulan at labo ng paligid.
Isang malakas at matinis na tunog ang kanilang narinig nang subukang magpreno ng driver dahil sa paparating na truck na mabilis ding sumalubong sa kanila kasabay nang mahaba nitong pagbusina at ang sigaw ng mga pasahero.
NATAUHAN ako nang muling maramdaman ang malamig na kamay ni Ash. Nakatayo na akong muli sa harap niya. Narito pa rin kami sa gubat. Nakayuko siya at nakatingin sa kamay naming magkahawak. Kulay abo pa rin ang kaniyang mga mata at buhok. At patuloy din ang pag-ihip ng malamig at malakas na hangin na nagpapasayaw sa mga puno at patay na dahon.
"Ngayon malinaw na sa 'tin kung bakit nangyayari 'to. Hindi nagkataon na napunta rito ang kapatid mo. Ang kaniyang kaluluwa ay muntik nang kunin ng buwan." Saad ni Ash na unti-unting napatingin nang deretso sa akin.
Tumingala sa langit si Ash, hindi pa rin nakakalabas sa ulap ang buwan na pilit lumalaban. "Maniwala ka man o hindi, ngayon ko lang din napagtanto na ang lahat ng mga karakter sa kuwento na binabantayan ko ay mga kaluluwa ng mga namayapang taong hindi nakatawid sa kabilang buhay." Patuloy ni Ash. Ramdam ko ang malamig na hangin na dumampi sa likod ko at nagpahina sa aking tuhod.
Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. Ang lahat ng mga karakter na nakulong sa loob ng kuwento ay mga taong minsang nabuhay sa mundo. Tumingin sa 'kin si Ash, sa pagkakataong iyon, muli kong naramdaman ang parehong takot at pangamba na naramdaman ko noong una ko siyang nakita.
Dahan-dahan niyang binitiwan ang kamay ko. "Sa oras na hindi malagpasan ng isang kaluluwa ang pagsubok na binigay ng buwan sa loob ng isang kuwento, tuluyan na siyang mabubuhay sa loob ng nobela at kailanman ay hindi na siya makakalabas." Kaya pala parang totoo ang lahat ng nobela na napuntahan namin. Kaya pala parang totoong mga tao ang mga karakter na nakasalamuha ko.
"Iyon ang kapalit nang labis na paghahangad na makatakas sa reyalidad. Ang mga taong tuluyang nalunod sa kathang-isip na mundo ang siyang tinatawag ng buwan at ikinukulong sa mga pahina upang mapasakanya ang kaluluwa ng mga ito." Dagdag ni Ash dahilan upang mas lalong lumakas ang hangin habang pilit na hinahawi ng buwan ang ulap na humaharang sa kaniya.
Mula sa mga mata ni Ash, at sa mga salitang binibitiwan nito, napagtanto ko na bahagi siya ng buwan ngunit hindi siya ang buwan mismo. Dahil siya ang gabing bumabalot dito upang maging mapansin ang liwanag ng buwan na may sariling hangaring sa mga kaluluwang kaniyang tinatawag.
"Hindi ko nais linlangin ka. Hindi ko dapat sinasabi sa 'yo ang mga ito. Ngunit, sa lahat ng nakilala ko. Hindi ko alam kung bakit hindi ko kayang mabigo ka. Hindi ko kayang kamuhian mo ako kahit pa ang totoo... hindi talaga ako mabuti gaya nang inaakala mo." Ang mga mata niya, bagaman kakaiba, nakikita ko pa rin ang lungkot mula roon na nagsasabing huwag ko siyang iwan o talikuran.
Unti-unti nang nahawi ng liwanag ng buwan ang ulap na pilit na humaharang dito. Sa pagkakataong iyon, bago tuluyang matalo ng buwan ang gabi, agad akong lumapit kay Ash at niyakap siya nang mahigpit. Ipinikit ko ang aking mga mata at hinayaang pakinggan ang tibok ng kaniyang puso kahit pa wala akong marinig.
Nais kong malaman niya na hindi ko siya kailanman iiwan o tatalikuran dahil hindi ako natatakot sa gabi. Hindi ako natatakot kahit pa hindi ako panigan ng liwanag ng buwan. Matagal na akong hindi natatakot sa kamatayan.
**************
#Hiraya
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top