Kabanata 13: Haliya
[Kabanata 13]
Sinusundan ko ang isang matangkad na lalaki na nauunang maglakad. Binabagalan lang niya angpaglakad upang makasabay ang tulad kong bata na maliliit lang ang hakbang. Hindi ko alam kung bakit ako sumama sa kaniya. Naglalakad kami sa mahabang daan sa gitna ng maraming puno. Maliwanag ang gabi dahil sa buwan na kalahati ang hugis. Lagi kong nakikita iyon. Lagi itong nagpapakita sa akin.
Naalala ko ang sabi ni mama, hindi dapat ako sumama sa isang estranghero. Lumingon ako sa likod habang patuloy pa ring nakasunod sa lalaki. Wala akong makita sa likod. Para bang nawalan ng liwanag o puno sa mga dinaanan namin.
Nang muli akong tumingin sa harap. May mga alitaptap na lumilipad na sa paligid. Tumigil ako sa paglalakad habang inaabot ang isang alitaptap na papalapit sa akin. Tumigil din ang lalaki sa paglalakad at lumingon.
Madalas kong makita ang mga alitaptap sa mga children's book. Ang sabi nila, ito raw ang nagbibigay ng liwanag sa daan bukod sa buwan at mga bituin. Napangiti ako nang dumapo sa kamay ko ang isang alitaptap. Hindi naman pala ito mainit sa kamay. Hindi naman pala ito nakakasunog.
Lumipad ang alitaptap papalayo, patungo sa mga kasama nito. Nanlaki ang mga mata ko nang makita sa tabi ang bakawan na nagliliwanag dahil sa milyon-milyong alitaptap. Malalaki at mahahaba ang ugat ng mga puno. Malinaw ang tubig na tila ba may sarili itong liwanag sa ilalim.
Humakbang ako papalapit ngunit napatigil din ako nang marinig kong magsalita ang lalaki. "Huwag kang lumapit diyan," tumingin ako sa kaniya. Nakatingin din siya ngayon sa bakawan at mga alitaptap.
"Narinig mo na ba ang kuwento tungkol sa Mangrove of Ashes?" tanong niya. Umiling ako bilang tugon. Hindi pa ako sanay magbasa kaya sina mama at papa ang laging nagbabasa ng kuwento para sa akin. Nakikita ko ang mga drawing sa makukulay na libro.
Isinuksok ng lalaki ang kaniyang dalawang kamay sa kaniyang bulsa. "Hindi 'yon basta kuwento. Totoo iyon." Saad niya, gusto ko sanang itanong kung puwede niyang ikuwento sa akin iyon sandali ngunit tumalikod na siya at nagpatuloy sa paglalakad.
Agad akong sumunod sa kaniya sa takot na maiwan mag-isa. Nagpatuloy kami sa paglalakad nang hindi nag-uusap. Hawak ko ngayon ang pulang bookmark na binigay niya sa akin kanina.
Hindi nagtagal, napansin ko na wala nang mga puno sa paligid. Wala na ring mga alitaptap. May mga bahay kaming nadaanan pero halos walang tao. Tumigil kami sa tapat ng isang malaking bahay na ngayon ko lang nakita.
Lumingon siya sa 'kin, "Hindi ko alam kung bakit kilala mo siya." Saad niya saka napahalukipkip. "May iba siyang pangalan ngayon. Hindi ka niya kilala." Patuloy ng lalaki. Hindi ko siya maintindihan.
Inilahad niya ang palad niya sa tapat ko. "Halika na, hinihintay naniya tayo. Malapit na rin niyang malaman ang katotohanan." Saad niya. Napangiti ako at humawak sa kamay niya. Ang sabi niya kanina, maglalaro kami. Siguradong matutuwa sina mama at papa kapag nalaman nila na nagkaroon ako ng bagong kalaro at kaibigan.
NATAUHAN ako nang magsalita si ate Faye. "Hinahanap niyo ba ang may ari ng panciteria?" tanong nito. Sa palagay ko, nasa edad dalawampu't apat lang siya ngayon. Bata pa siya rito. Nakatayo kami ni Ash sa labas ng Panciteria ala Pacita. May dala siyang lampara. Lumapit siya sa amin at itinaas ang lampara para makita kami.
Nanlaki ang mga mata niya, "Mike? Anong ginagawa mo rito?!"
Ngumiti si Ash na para bang inaasahan na niya iyon. "Anong sinasabi mo?" nagulat ako sa sagot ni Ash. Para bang matagal na rin sila magkakilala.
Mas lalong itinapat ni ate Faye ang lampara sa mukha ni Ash. "Ikaw na ikaw si Mike! Umamin ka na!" napapikit si Mike na para bang pinipigilan niya ang sarili na matawa.
"Paumanhin, ngunit nagkakamali ka. Naghahanap lang kami ng makakakainan." Sagot ni Ash saka tumingin sa panciteria. "Bukas pa ba kayo?" tanong niya kahit halata naman na sarado na ito.
Napakunot ang noo ni ate Faye at nagpabalik-balik ang tingin sa aming dalawa. Inoobserbahan niya rin ang mga suot namin. "Nagmula kami sa pagdiriwang kanina sa tahanan ng pamilya Guerrero. Naubusan sila ng handa." Patuloy ni Ash dahilan para mapatingin ako sa kaniya. Agad kong kinagat ang aking labi at tumingin sa kanan upang pigilan ang tawa ko. Hindi ko akalain na mauubusan ng handa si Don Antonio.
Hindi naman tumawa si ate Faye. Bakas din sa mukha ni Ash na pinipigilan niya rin ang sariling tawa. "Hindi ko maintindihan. Bakit kamukha mo si Mike?" Ibinaba ni ate Faye ang hawak na lampara.
Tumingin siya sa 'kin. Matagal na kaming hindi nagkita. Hindi na rin siguro niya naaalala ang hitsura ko. "Sarado na kami. Bumalik na lang kayo bukas." Patuloy ni ate Faye. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkadismaya.
Akmang tatalikod na sana siya ngunit muli siyang lumingon at tumingin kay Ash. Napasingkit ang mga mata niya na para bang binabantaan niya si Ash na magsabi na ng totoo dahil malilintikan talaga ito kapag nalaman niya ang totoo.
NAGLALAKAD kami ni Ash sa isang mahabang daan sa gitna ng naglalakihang puno. Nauuna siya maglakad. Sa lalim ng iniisip niya, hindi niya napansin na pinili kong maglakad sa hulihan upang pagmasdan ang kaniyang likuran.
Ganitong-ganito ko siya tinitigan noong bata pa ako. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin nahahanap ang hiwaga na bumabalot sa kaniya.
Palaisipan sa 'kin kung bakit niya ako dinala sa loob ng kuwento noon. Hindi rin sa 'kin malinaw kung bakit bumalik kami. Sa totoo lang, sadyang kakaiba siya sa lahat. May mga pagkakataon na nangingibabaw ang gaan ng loob ko sa kaniya, kaya siguro madali akong magtiwala at sumama sa kaniya. Subalit, may mga pagkakataon din na nakakaramdam ako ng takot at pagkalito, lalo na sa tuwing may natutuklasan akong bago tungkol sa kaniya.
Napukaw ng aking pansin ang maliit na liwanag na papalapit sa akin. Napatigil ako sa paglalakad nang mapagtanto na unti-unting dumarami ang mga alitaptap sa paligid. Hindi ko namalayan ang aking sarili na napangiti habang pinagmamasdan ang liwanag ng mga alitaptap. Inilahad ko ang aking palad sa pag-asang may nais magpahinga. Hindi ako nabigo dahil dumapo ang isang alitaptap sa aking palad.
Parang kahapon lang nang una akong dalhin dito ni Ash. Walang nagbago sa paligid at sa aking pakiramdam. Napatingin ako kay Ash nang may ngiti sa labi. Nakatingin siya sa 'kin ngayon na para bang kanina niya pa ako pinapanood. Ipinakita ko sa kaniya ang alitaptap na nagpahinga sa aking palad.
Lalapit sana ako ngunit lumipad na papalayo ang alitaptap. Tinanaw ko ito hanggang sa makabalik siya sa kaniyang libo-libong pamilya. Muli akong napangiti nang makita ang mahiwagang bakawan na nagliliwanag sa ilalim ng buwan. Animo'y inaakit ako nito na lumapit at hawakan ang tubig.
Akmang hahakbang ako papalapit ngunit naalala ko ang sinabi noon ni Ash. Huwag kang lalapit diyan. Tumingin ako sa kaniya, nakatingin lang siya sa 'kin na para bang inoobserbahan niya ang mga gagawin ko.
Hindi siya nakangiti. Ang mga mata niya ay puno ng pag-aalala na para bang may malungkot na katotohanan sa napakagandang bakawan. Ngumiti ako sa kaniya, hindi ko gustong nakikita siyang ganito. Sa aking pagngiti, umaasa ako na makikita ko rin ang ngiti sa kaniyang labi.
"Ang ganda rito. Nadaanan na natin 'to dati, hindi ba?" patuloy na lumilipad ang mga alitaptap na para bang sinasalubong ang aming pagdating. "Hindi ko maalala na may ganitong lugar sa Salamisim. Hindi lang siguro nabanggit sa kuwento pero nasa imahinasyon pa rin 'to ng manunulat." Patuloy ko saka muling tumingin sa kaniya habang nakangiti.
Kahit papaano, umaliwalas ang kaniyang hitsura. Tumingin siya sa bakawan habang nasa likod ang kaniyang dalawang kamay. "Maganda nga rito," pagsang-ayon niya. "Ngunit hindi lahat ng magandang bagay ay may magandang maidudulot sa atin," patuloy niya saka tumingin sa 'kin.
Hindi ako nakapagsalita. Tama nga ang aking hinala. Sa kabila ng kaakit-akit na ganda ng lugar na ito. May malungkot itong kuwento. "Hindi mo pa nakukuwento sa akin ang tungkol sa kuwentong sinabi mo noon." Nais kong ipaalala sa kaniya ang nabanggit niyang kuwento ngunit hindi ko na maalala ang pamagat niyon.
"Ang Bakawan ng mga Abo." Wika niya saka muling pinagmasdan ang mahiwagang bakawan. "Ang sabi nila, walang maaaring tumawid o humawak sa tubig ng bakawan. Wala itong pangalan. Kilala lang ito sa tawag na bakawan ni Haliya. Nakatira siya sa lugar na ito. Si Haliya ay diyosa ng buwan. Nagpapakita lang daw si Haliya sa mga piling tao."
Patuloy ang mabagal na paglipad ng mga alitaptap sa ibabaw ng tubig na nagliliwanag mula sa repleksyon ng buwan. "Sa kabila niyon, walang sinumang nangahas na makita si Haliya. Dahil sa oras na makita ng isang tao ang kaniyang tirahan, ang lugar na ito, totoo man o sa panaginip..." tumigil si Ash at napayuko. Nanatili lang akong nakatingin sa kaniya habang hinihintay ang kaniyang sasabihin.
Muli niyang iniangat ang kaniyang ulo saka tumingin sa 'kin, "Ang mga makakakita sa lugar na ito ay ang mga taong malapit nang mamatay." Hindi ko alam ngunit bigla akong kinilabutan sa sinabi niya. Ibig sabihin, "At sa oras na dumampi ang palad ng isang tao sa tubig ng mahiwagang bakawan. Masusunog at makukulong ang kaniyang kaluluwa sa ilalim nito."
Animo'y nabalot ng kakaibang lamig ang buong paligid. Marahang sinayaw ng hangin ang buhok ni Ash habang nakatitig sa akin. Mula sa kuwento ng lugar na ito, hindi ko mapigilang isipin na maaaring may kinalaman ito kung bakit siya napapaso sa tubig.
MAGKATAPAT kaming nakaupo ni Ash sa maliit na mesa sa Panciteria ala Pacita. Tanghaling tapat, walang masyadong kumakain ngayon sa panciteria. Lumapit si Lolita upang ihatid ang dalawang pancit bihon at dalawang basong tubig.
"May kailangan pa po kayo?" tanong ni Lolita ngunit nakatitig lang siya kay Ash. Napahawak naman sa sentido si Ash habang pinipigilan ang pagtawa na para bang alam na niya na mangyayari ito. Na hindi na ito bago kay Lolita.
"Ah. Wala na. Salamat." Tugon ko ngunit parang hindi ito narinig ni Lolita dahil nakatingin at nakangiti siya kay Ash na para bang hinihintay niya na si Ash ang dapat sumagot.
Tumikhim si Ash na napahawak sa kaniyang kuwelyo. Madali niyang naintindihan na hinihintay lang ni Lolita na siya ang magsalita. "Wala na kaming kailangan. Salamat." Tugon ni Ash saka ngumiti kay Lolita tulad nang kung paano siya nakikipag-usap sa lahat.
Napatulala si Lolita at mas lalong lumaki ang ngiti. "Tawagin niyo lang ho ako Ginoo kung may kailangan pa kayo." Ngiti ni Lolita na agad nagbigay-galang at patalon-talon na pumasok sa kusina.
Nagkatinginan kaming dalawa ni Ash. Pareho kaming natawa. Namumula ang mukha niya na para bang hindi makapaniwala na mararanasan din niya ang pagkahumaling ni Lolita. "Mukhang makakalimutan na ni Lolita si Niyong." Saad ko sabay tingin kay Lolita na kakalabas lang sa kusina dala ang iba pang pagkain.
"Kaya hindi talaga ako nagpapakita sa kanila noon dito." Saad ni Ash na nagsimula nang kumain. "Magugulo silang karakter." Dagdag ni Ash na natatawa sa sarili. Ang dami kong gustong itanong sa kaniya. Hindi ko lang alam kung paano sisimulan. Medyo maingay sa labas dahil sa dami ng dumaraan na kalesa. Nasa tabi kami ng bintana.
"Ash," panimula ka habang iniikot ang pansit gamit ang tinidor. Napakagat ako sa aking ibabang labi. Nagdadalawang-isip kung dapat ko bang ituloy ang tanong ko na siguradong magpapabago sa karaniwan naming pag-uusap.
"Bakit?" tanong niya habang patuloy na kumakain. Naalala ko ang sinabi niya noon, hindi naman niya kailangan kumain o matulog. Ginagawa niya lang iyon para samahan at sabayan ako.
"Mike ba ang totoo mong pangalan?" Iyon ang pangalan na tinawag sa kaniya ni ate Faye. Mukhang magkakilala rin sila pero itinatanggi lang niya dahil siya na rin ang nagsabi na iba ang pangalan at walang naaalala ngayon si ate Faye tungkol sa 'kin.
Umiling si Ash na natawa sa tanong ko. "Hindi. Hindi Mike ang pangalan ko." Tawa niya sabay inom ng tubig. Hindi na siya napapaso ngayon sa tubig at para bang sanay na siya sa nangyayari ngayon sa kaniya.
Sumandal siya sa silya saka tumingin nang deretso sa 'kin. Nakapatong ang coat niya sa silya. Ang puting polo na panloob at itim na tsaleko ay mas bagay sa kaniya kumpara sa lahat ng damit na nakita kong suot niya.
"Si Faye. Naging bahagi siya ng misyon ko dati. Kilala niya ako bilang Mike na katrabaho niya sa isang kompanya. Pero hindi iyon ang totoo niyang buhay. Hindi mo rin masusundan dahil wala kang naging komunikasyon sa kanila sa loob ng mahabang panahon." Paliwanag ni Ash saka tumingin sa bintana kung saan abala ang mga tao sa pamilihan.
"Hindi mo rin siguro alam. Naaksidente sila noon. Sila ni Sabrina." Patuloy ni Ash dahilan upang lumaki ang mga mata ko. "Ang lahat ng nangyari sa loob ng Salamisim kung saan naroon si Faye. Lahat ng iyon nangyari pagkatapos ng akisdente. Noong hindi pa siya nagkakamalay." Hindi ako nakapagsalita. Naalala ko noong narinig ko si papa na may kausap sa phone. Nabanggit niya ang pangalan nina ate Faye at Sabrina.
Naalala ko rin ang pagdating noon ng mga ambulansya sa ospital na tinutuluyan ko. Maraming duguang pasyente ang dumating mula sa isang road accident. Hindi ko pa sila kilala noong mga panahong iyon. Ngayon, malinaw na rin sa 'kin kung bakit narinig ko ang palayaw ni Sabrina na isa sa mga sinugod sa ospital.
"Ang kailangan kong tuklasin ngayon, bakit naging karakter si Faye kuwento? Na naging dahilan ng pagkakapalit nila ng buhay ni Sebastian, ang tunay na nagsulat ng Salamisim." Paliwanag ni Ash habang nakatingin sa labas ng bintana.
Nakita ko si ate Faye na lumabas ng kusina at nagsimulang magpunas ng mesa. Napatigil siya nang makita kami. Dali-dali siyang naglakad papalapit at muling tiningnan si Ash. "Ikaw na naman? Anong ginagawa niyo rito? Ikaw talaga si Mike, ano?!" panimula niya dahilan upang gulat na mapatingin si Ash na nagmumuni-muni lang kanina sa tabing-bintana.
"Kumakain kami rito." Depensa ni Ash na nagulat sa pagsulpot ni ate Faye. Napahalukipkip si ate Faye saka tumingin sa 'kin. "Ah. Kagabi pa po kasi namin gustong kumain dito... kaya... heto." Saad ko saka sinubukan kong ngumiti kahit hindi ako sanay magsalita nang ganito sa harap niya lalo na't kailanman ay hindi kami nakapag-usap nang ganito.
Lumapit si Lolita at agad sinagi si ate Faye. May binulong siya rito na hindi namin narinig ni Ash. Nagpabalik-balik ang tingin ni ate Faye sa aming dalawa ni Ash. Tumikhim siya nang mapagtanto na hindi dapat siya sumugod agad sa 'min nang ganito. "Pasensiya na. Kamukha niya kasi talaga 'yong kakilala ko." wika ni ate Faye sa 'kin sabay tingin kay Ash.
Tumingin sa 'kin si ate Faye, "Pasensiya na binibini, baka akalain mo na may ugnayan kami ng iyong kasama. Lilinawin ko na iyon ngayon pa lang." saad ni ate Faye na nagawa pang magbigay-galang sa harap namin. Napansin ko na hindi sanay gawin iyon, mukhang pinilit lang siya ni Lolita dahil mukhang nabibilang kami ni Ash sa marangyang pamilya.
"Siya nga pala, kung hindi niyo mamasamain, magkaano-ano ho kayo? Ngayon lang ho namin kayo nakita rito." Ngiti ni Lolita na mabilis sumulyap sa 'kin dahil ang kaniyang buong paningin ay inilaan na niya kay Ash.
"Magkapa---" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil sumabay din si Ash sa pagsagot.
"Mag-asawa kami." Tugon niya dahilan upang lumaki ang mga mata ko. Maging si Lolita ay napatulala at mukhang nanghina. Nagtaka naman ang hitsura ni ate Faye.
Nagulat ako nang hawakan ni Ash ang kamay ko na nasa ibabaw ng mesa. "Nagbabakasyon lang kami ngayon dito matapos ang aming kasal noong isang Linggo." Saad ni Ash habang nakangiti sa kanila at taas-noong ipinagmamalaki ang sinabi niya.
Napalunok ako habang tulalang nakatingin kay Ash. Marahan niyang pinisil ang aking kamay sabay ngiti sa 'kin. Sa mga sandaling iyon, parang may kung ano sa sarili ko na gustong maniwala sa sinabi niya.
"P-pagbati sa inyong pag-iisang dibdib. Pasensiya na muli sa abala. Maiwan na ho namin kayo." Saad ni Lolita. Bakas sa kaniyang reaksiyon ang matinding pagkadismaya. Hindi naman nagsalita si ate Faye, tumango lang siya bilang paalam saka hinawakan ang braso ni Lolita na mukhang hindi na makagalaw sa kaniyang kinatatayuan dahil sa panghihina ng kaniyang tuhod.
Nang makaabalik na sila sa kusina, binitiwan na ni Ash ang kamay ko saka nagpatuloy sa kaniyang pagkain. "Mukhang naniwala naman sila." Ngiti ni Ash. Bakas sa kaniyang mukha na tuwang-tuwa siya sa nangyari.
Alam ko naman na ginawa niya lang iyon para hindi siya kulitin ni Lolita ngunit bakit kumakabog nang malakas ang dibdib ko? Napailing ako sa aking sarili saka uminom ng tubig. Nang tumingin ako kay Ash, hindi ko mapigilang hilingin na sana totoo na lang ito. Na sana ang lahat ng sinabi niya ay maging totoo.
Nagsimulang magkuwento si Ash tungkol sa naging misyon niya noon sa Salamisim. Marami pa siyang pangalan na binanggit na hindi ko na masundan dahil nakatitig lang ako sa kaniya. Kung paano siya magsalita, kung paano siya ngumiti, kung paano sumingkit ang kaniyang mga mata sa tuwing siya'y tumatawa. Ang lahat ng iyon ay nagpapalakas ngayon sa kabog ng puso ko.
Hindi ko na napansin ang pagdating ni Lorenzo sa panciteria. Tinuro siya ni Ash. Hindi ako tumingin sa gawi nina Lorenzo, ate Faye at Aling Pacing. Hanggang sa iabot ni Aling Pacing ang bilao ng pansit kay ate Faye. Hindi ko na napansin kung anong nangyayari sa paligid dahil kay Ash na hindi ko nais mawala sa aking paningin.
NAKATAYO kami ngayon sa labas ng panciteria kung saan kasalukuyang nagmamartsa sa gitna ng kalsada ang mga hukbo na pinapangunahan ni Heneral Sebastian. Alas-siyete na ng gabi. May bitbit na sulo ng apoy ang mga guardia bago sila paghiwa-hiwalayin sa pagroronda mamaya.
Sinundan ko ng tingin ang lalaking nakasakay sa itim na kabayo. Ayon kay Ash, si Sebastian ang tunay na manunulat ng Salamisim. Nagkapalit sila ng buhay ni ate Faye dahil sa isang pangyayari. Gusto ko rin malaman kung paano naging karakter sa kuwento si ate Faye tulad ng gustong alamin ngayon ni Ash.
"Sa tingin ko, ikaw lang ang nakakaalala ngayon ng orihinal na kuwento ng Salamisim na isinulat ni Marcus." Saad ni Ash na nakatayo sa tabi ko habang nakahalukipkip. Kumpara sa mga taong naririto. Higit na agaw-pansin ang tangkad niya. "Paano mo naalala 'yon?" patuloy niya.
Napangiti ako nang kaunti habang sinusundan ng tingin ang manunulat ng kuwentong ito. "Hmm... hindi ko rin alam. Ang alam ko lang, hindi ako madaling makalimot." Saad ko saka tumingin sa kaniya nang hindi ko na matanaw si Heneral Sebastian dahil sa dami ng ulo sa aking harapan.
"Siguro dahil wala naman ako masyadong ginagawa sa bahay at ospital. Wala naman masyadong nangyayari sa buhay ko kaya naaalala ko ang lahat." Sagot ko sabay ngiti.
"May kapalit din ang pagkakaroon ng matibay na memorya. Kapag may hindi magandang nangyari. Kapag may gusto kang kalimutan. Hindi mo magagawa agad." Saad ni Ash habang nakatingin sa mga nagmamartsang sundalo.
May punto naman siya. Lahat ng bagay may maganda at hindi magandang nadudulot sa 'tin. "Kahit na. Masaya man o hindi. Gusto ko pa rin maalala lahat. Wala akong kakayahan tulad mo na puwedeng bumalik sa oras kahit kailan ko gusto. Kaya gustong maalala lahat. Kahit pa gaano kasaya o kasakit iyon."
Tumingin siya sa 'kin. Mukhang nakuha ko ang atensyon niya. "Buti na lang din dumating ka. Ngayon, mas marami na akong babauning alaala." Ngumiti ako sa kaniya. Gusto kong maramdaman niya na lubos akong nagpapasalamat na nakilala ko siya.
Umiwas ng tingin si Ash. Ibinalik niya ang atensyon niya sa mga nagmamartsang sundalo. Hindi ko alam kung bakit bigla akong nalungkot sa ginawa niya. Akala ko pa naman ay mapapangiti ko siya. Kanina, kay dali niya lang sabihin na mag-asawa kami sa harapan nina Lolita at ate Faye. Pero ngayon, parang umiiwas siya tumingin sa 'kin.
Nang makalagpas na ang mga guardia. Bumalik na ang mga tao sa kani-kaniyang ginagawa. Nagpatuloy na ang iba sa paglalakad at pagsasara ng mga tindahan sa pamilihan. "Gusto ko sana siyang lapitan kaso baka ipadakip pa 'ko. Hindi niya rin ako naalala kahit pa lagi ko siyang kinakausap noon sa kompanya nila." Wika ni Ash habang umiiling-iling na nakatingin kay Heneral Sebastian.
Magsasalita pa sana siya tungkol kay Heneral Sebastian ngunit napatigil siya nang mahuli niyang nakatingin pa rin ako sa kaniya. "B-Bakit?" tanong niya sabay iwas ng tingin. Hindi ko rin alam kung anong nangyayari. May mga pagkakataon na nakakapag-usap naman kami tulad ng dati. Nakakapagbiruan din kami. Pero ngayon, may mga pagkakataon na umiiwas siya ng tingin. Madalas ako rin. Minsan tahimik siya. Minsan hindi ko naririnig kung anong sinasabi niya dahil nakatulala lang ako sa kaniya habang iniisip ko na nagpapanggap lang siyang masaya para itago ang kalungkutang nakikita ko sa mga mata niya.
"Ash," panimula ko habang nakatingin pa rin nang deretso sa kaniya. Tumikhim siya saka kunwaring tinanaw ang mga guardia na malayo na sa amin. "Bakit mo ako dinala rito?" Gusto kong umpisahan ang tanong sa kaniya na hindi siya maiilang sagutin.
"May gusto lang akong malaman tungkol sa inyo ni Faye." Tugon niya. Nabanggit na rin niya ito sa 'kin. "Ang tinutukoy ko, iyong dati. Noong sinama mo ako rito at sinabi mong maglalaro tayo." Saad ko. Napatigil si Ash at dahan-dahang napatingin sa 'kin. Bakas sa mukha niya ang pagkagulat dahil naaalala ko rin ang pangyayaring iyon na halos labing-tatlong taon na ang nakararaan.
"Nakita ko noon ang mahiwagang bakawan. Sinabi mo rin na huwag akong lalapit doon. Wala akong ideya tungkol sa hiwagang bumabalot sa kuwento ng bakawan ni Haliya. Pero ngayon, napapaisip ako." Napalunok ako habang nakatingin pa rin nang deretso sa kaniya.
"Ibig bang sabihin, mamamatay na dapat ako noong gabing iyon?" ganitong-ganito rin ang kaba na nararamdaman ko noong tinanong ko siya kung kailan ako mamamatay noong nasa loob kami ng kuwentong Valdore. Nanlalamig ako sa kaba, takot, at pangamba. Nangangamba sa reaksyon at isasagot niya.
"Ang sabi mo, ang mga nakakita sa bakawan ni Haliya ay ang mga taong malapit nang mamatay." Napayuko si Ash at tumingin sa kaliwa. Hindi ko gustong ilagay siya sa ganitong sitwasyon kung saan kailangan niyang magsinunggaling o magsabi ng totoo.
Sandaling naghari ang katahimikan. Nakatayo kami ngayon sa gitna na para bang wala kaming naririnig o nakikitang mga tao sa paligid. Kani-kaniyang bitbit ng lampara at mga sulo ng apoy ang mga taong nag-uuwian.
"Aurora," panimula niya. Hindi pa rin siya makatingin sa 'kin ngayon. Noong una kong tinanong sa kaniya ang tungkol sa aking kamatayan. Alam kong nagdadalawang-isip siyang sabihin ang totoo dahil naaawa siya sa 'kin. Ngunit ngayon, nararamdaman ko na hindi lang awa ang pumipigil sa kaniyang pananahimik.
Napakagat siya sa kaniyang ibabang labi. Huminga ako nang malalim saka pilit na ngumiti. "Hindi mo na kailangang sagutin. Totoo man o hindi. Nagpapasalamat pa rin ako dahil dumating ka noong gabing iyon." May kung anong kirot akong naramdaman na tumutusok sa aking puso. Hindi man sabihin ni Ash. Alam kong mamamatay na dapat ako noong gabing iyon.
Ramdam ko ang pamumuo ng luha sa aking mga mata ngunit nagagawa kong pigilan ang mga iyon sa pamamagitan nang pagngiti. "Siguro may dahilan kung bakit tayo muling nagkita. Katulad din ng sinabi ko sa 'yo noon, marami pa akong gustong gawin. Marami pa akong gustong maranasan. Kahit pa sabihin kong matagal na akong handa. Kahit pa matagal ko nang nalalaman na hindi na ako mabubuhay nang mahaba. Hindi ko pa rin mapigilang manghinayang na hindi ko magagawa ang lahat ng mga gusto kong gawin at maranasan."
Napahawak ako nang mahigpit sa aking saya habang nakatingin nang deretso sa kaniyang mga mata. Ang mga liwanag mula sa lampara at sulo ng apoy ay tila mga alitaptap sa paligid. "May isang bagay pa akong gustong maranasan muli..." napalunok ako saka napahinga nang malalim. Nakatingin lang sa akin si Ash habang nakikinig nang taimtim sa bawat salitang binibitiwan ko.
Nagsimula akong humakbang papalapit sa kaniya. Animo'y bumagal ang paligid habang sinusundan ko ang direksyon kung saan kumakabog nang malakas ang aking puso. Bihira lang ang nabibigyan ng pagkakataon madugtungan ang buhay. Higit kong nalalaman kung gaano kahalaga ang bawat oras. At hindi ko nais sayangin iyon. Hindi ko nais itago ang lahat ng ito at maghintay na lamang tulad ni Prinsesa Aurora na naghintay sa pagdating ng kaniyang prinsipe.
Nang makalapit ako ay nagawa kong tumingkayad at ipikit ang aking mga mata bago tuluyang dumampi ang aking labi sa kaniya. Hindi siya gumalaw. Hindi siya humakbang umatras. Sa mga oras na iyon, gusto kong malaman niya na nagawa niyang gisingin ang natutulog kong puso. Ang natutulog kong hangaring mabuhay nang matagal. Ginising niya ang pag-asa sa puso ko na inakala kong matagal nang nawala at naghihintay na lang sa pagsapit nang mahaba kong pagkakahimlay.
*************
#Hiraya
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top