Kabanata 12: Mangrove of Ashes

[Kabanata 12] 

NAKATAYO ang isang mahiwagang lalaki sa ibabaw ng matitibay na ugat ng bakawan. Malinaw ang tubig na kumikinang sa liwanag ng buwan. Nakadaragdag din sa liwanag ang kumukuti-kutitap na mga alitaptap.

Tahimik ang paligid. Marahang umaagos ang tubig sa bakawan na animo'y nagsasalin ng mainit na tsaa sa porselanang tasa. Nanatiling nakatitig ang mahiwagang lalaki sa tubig kung saan lumulutang ang nasusunog na piraso ng mga pahina mula sa librong sinunog ilang taon na ang nakararaan. 

Lumiliyab ang mga gula-gulanit na pahina sa ibabaw ng bakawan. Sinumang makakakita ay tiyak na magugulantang kung paano hindi namamatay ang apoy sa tubig. Umupo ang lalaki upang abutin ang isang punit na pahina na tinatangay ng agos papalapit sa kaniya.

Wala siyang repleksyon sa tubig kundi ang buwan na nagliliwanag sa madilim na gabi. Ibinaba niya ang kaniyang kamay hanggang sa tumama ang dulo ng kaniyang daliri sa pahina na balak niyang kunin. Sandali siyang hindi nakagalaw nang makumpirma na hindi na nga siya napapaso sa tubig.

Dahil likas sa kaniya ang hindi makontento, inilubog niya ang buong kamay upang mapatunayang totoo nga ang kaniyang nakikita. Ngayon ay naramdaman niya muli ang lamig na hatid ng tubig. Ang pakiramdam na buong akala niya ay hindi na niya muli mararamdaman.

Kinuha niya ang isang piraso ng sunog na pahina. Nababatid niya na kailangan niyang gawin ito. Kailangan niyang balikan muli ang nobelang matagal nang nawasak at naglaho. 

Isang loro na kulay luntian ang lumipad at dumapo sa balikat ng lalaki. "Balik ka na. Balik ka na."

Napangiti ang lalaki saka tinapik nang marahan ang loro, "Oo, babalik na ako."


INIANGAT ni Manang Milda ang kaniyang ulo nang marinig ang pamilyar na yabag na papalit. Sunod niyang narinig ang pagaspas ng pakpak ng alaga niyang loro na lumipad at bumalik sa loob ng hawla.

"Mabuti na lang sinundo ka ni Tara. Alam mo naman kung gaano kapanganib ang pumunta sa bakawan na iyon." Saad ng matanda na nagpatuloy sa pagbabaraha. Dahil sa katandaan ay unti-unti nang lumabo ang kaniyang mga mata hanggang sa naaaninag na lang niya ang mga kausap.

Lumapit ang lalaki sa loro at hinimas ang tuka nito, "Maaasahan talaga kita, Tara." Ngiti nito saka tumingin kay Manang Milda na malaki na ang pinagbago. Nasa edad pitumpu pataas na ito. Kulubot na ang balat, puti na ang buhok, at nakayuko na kahit nakaupo.

Naglakad papalapit ang lalaki sa matandang nagbabaraha. Hinila niya ang silya saka umupo sa tapat nito. Sandali niyang pinagmasdan si Manang Milda na ilang dekada na rin niyang nakasama. Kung may kakayahan lang siya magpagaling, hinding-hindi siya magdadalawang-isip na tulungan ang kaibigan.

"May mga parokyano ka pa?" tanong ng lalaki na hindi inaalis ang tingin sa matanda na halos puti ni ang mga mata dahil sa katarata.

Napangisi si Manang Milda, "Anong akala mo sa 'kin, laos na? Mabenta pa rin ako at dinarayo rito."

Tumango-tango ang lalaki na nagawang matawa muli. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo nila sa isa't isa. "Marami ka pa rin palang nauuto." Hirit nito dahilan para matawa si Manang Milda.

Nang matapos silang tumawa ay muling naghari ang katahimikan. Inilibot ni Ash ang kaniyang paningin, napansin niya na mas maraming mga dekorasyon ngayon sa tanggapan ni Manang Milda. Iba't ibang hugis ng buwan, tala, at ng araw. Nakasabit din sa dingding ang mga pinatuyong paru-paro Nagdagdag na rin ito ng mga prutas na nakalagay sa malalaking basket. Hindi na siya nagtangkang tikman iyon dahil sigurado siyang maaasim ang mga ito.

"Hindi ka ba masaya? Malapit nang matapos ang misyon mo, hindi ba?" napatingin ang mahiwagang lalaki kay Manang Milda dahil sa sinabi nito. "Hindi man ako nakakakita tulad ng dati, nararamdaman ko naman ang emosyon na dala mo ngayon."

Napayuko at napangiti si Ash na tila ba pinagmamalaki niya si Manang Milda dahil sa wakas ay naging ganap na itong manghuhula. "Hindi ko na pagdududahan ang kakayahan mo. Tumama ka rin sa wakas."

Nagpatuloy sa pagbabaraha si Manang Milda ngunit hindi siya tumawa sa biro ng mahiwagang lalaki. "Hindi ka na rin nasasaktan sa tubig. Hindi ba't matagal mo nang hinintay na dumating ang araw na ito? Ilang daang taon ka ring naghintay."

Sandaling hindi nakasagot ang lalaki. Hindi niya alam kung bakit ngayon ay hindi na niya gustong matapos ang lahat. Marami siyang gustong sabihin, marami siyang gustong ibahagi sa iba, marami siyang bagay na gustong marinig mula sa mga nakakaunawa sa kaniya. Ngunit hindi niya magawang buksan ang pinto ng buhay niya para sa iba.

Si Manang Milda ay matagal din niyang kaibigan. Maaari siyang magkuwento, humingi ng payo, magtanong kung ano ang dapat niyang gawin. Ngunit pinili na lang niyang ngumiti, "Sinong nagsabing hindi ako masaya? Nakikita mo gaano kaganda ang ngiti ko ngayon?" Tumawa ang lalaki dahilan para tumango-tango ang matanda na napanatag nang marinig ang tawa nito.

"Masaya tayo. Masaya tayo. Hahahaha." Wika ng loro na sumabay din sa pagtawa dahilan upang mapalingon sila sa kaniya. "Oh, tingnan mo, pati si Tara masaya para sa 'kin."

"O'siya, mukhang masaya ka naman. Kumusta ang misyon mo? Hindi ba, 'yan na ang huli?"

Napahalukipkip ang lalaki saka sumandal sa silya. "Mabuti naman. Gusto ko nga ipakilala sa 'yo si Aurora. Gusto mo ba sumama?"

Kumunot ang noo ni Manang Milda, alam na niya kung saan siya dadalhin ng mahiwagang lalaki. Idadamay na naman siya nito sa mga kuwentong puno ng suliranin. "Sinabi ko na sa 'yo, huwag na huwag mo na akong isasama sa loob ng kuwento. Matanda na ako. Anong gusto mong gawin ko roon?" natawa ang lalaki dahil bakas ang matinding pagkainis sa mukha ni Manang Milda na para bang sawang-sawa na ito sa kakulitan niya.

"Sinong may sabi na sa loob tayo ng kuwento pupunta? Sa ospital tayo, naroon siya ngayon." Napatigil sa pagbabaraha si Manang Milda saka tumingin sa mahiwagang lalaki na naaaninag na lang niya.

"Sa ospital? Anong ginagawa niya rito..." Nanlaki ang mga mata ni Manang Milda. "Huwag mo sabihing katulad siya ng babaeng karakter na pumatay doon sa manunulat?"

Umiling ang lalaki habang nakahalukipkip, "Hindi sila pareho ng sitwasyon. Pero, magkapatid sila."

Mas lalong lumaki ang mga mata ni Manang Milda. Sa loob ng ilang taong hindi siya ginambala ng mahiwagang nilalang ay ngayon na lang ulit siya nakaramdaman ng pagkagulat. 

"Magkapatid kamo? Ibig sabihin, kapatid din niya 'yong babaeng tinulungan mong hindi makita ni Haliya? Iyong naugnay sa iyong..." napatigil si Manang Milda nang maalala na hindi na dapat niya banggitin ang nangyari ilang taon na ang nakararaan. 

"Basta mahabang kuwento. Kailangan ko pa kumpirmahin ngayon. Kung gusto mo malaman agad, sumama ka sa 'min."

Umiling ng ilang ulit si Manang Milda saka nagpatuloy sa pagbabaraha. "Ikuwento mo na lang sa 'kin pagkatapos ng misyon mo. Mahina na ang tuhod ko para makasabay sa inyo."

"Ikaw ang bahala. Gusto ko pa namang makilala mo siya kaya lang mukhang mas gusto mong mabagot dito buong araw." Tumayo na ang mahiwagang lalaki saka ibinalik ang silya.

"Bakit ba gusto mong makilala ko siya? Wala ka pang dinala dito sa 'kin kahit kailan..." muling napatigil si Manang Milda sa kaniyang ginagawa saka tumingin sa lalaki na naaaninag niyang nakatayo na ngayon.

Itinuro niya ito na para bang nabuko niya ang itinatago nitong sikreto. "Ikaw ha, huwag mo sabihing may gusto ka sa taong 'yon?" tumaas ang boses ni Manang Milda na parang isang ina na natuklasang nanliligaw ang anak.

Hinawakan ng mahiwagang lalaki ang kaniyang kuwelyo saka tumikhim, "Nagkamali ako. Akala ko pa naman ganap ka ng manghuhula. Mukhang hindi pa pala. Kailangan mo pa magsanay." Wika ng lalaki sabay talikod upang maiwasan ang tanong. Ni hindi niya rin sinagot ang tanong ni Manang Milda.

"Sa tanda kong ito, suwerte na lang kung mabuhay pa ako ng sampung taon." Wika ni Manang Milda na muling kinapa ang mga baraha. Ang totoo, mas naaaninag niya at nararamdaman ang mga barahang naging bahagi ng kaniyang buhay. Mas kilala niya ang mga baraha kumpara sa mundo na kaniyang ginagalawan.

Napatigil sa paglalakad ang lalaki saka lumingon kay Manang Milda. Wala na ang ngiti sa kaniyang labi. Muling napalitan ng lungkot sa katotohanang alam niya kung kailan ito babawian ng buhay. Kahit maulanan ito ng suwerte, imposibleng umabot pa ng sampung taon ang buhay ng kaniyang kaibigan.

Nararamdaman ni Manang Milda ang malungkot na mga mata ng mahiwagang lalaki habang nakatingin ito sa kaniya. "Hindi ako sanay na ganiyan ka. Kailanman ay hindi kita nakitang nalungkot. Hindi rin ako sanay na nag-uusap tayo nang seryoso tulad nito." Tumigil si Manang Milda saka dahan-dahang tumingin sa mahiwagang nilalang naaaninag niyang nakatayo malapit sa pintuan. Tumatagos ang sinag ng araw mula sa labas.

"Ngunit, gusto kong sabihin sa 'yo na anuman ang nararamdaman mo ngayon. Anuman ang pinagdadaanan mo, huwag ka sanang panghinaan ng loob. Isang hakbang na lang, matatapos na ang iyong misyon. Sa tagal ng iyong hinintay, sa dami ng iyong pinagdaanan, huwag kang aatras o susuko anuman ang iyong matuklasan."

Napayuko ang lalaki. Ang mga sinabi ni Manang Milda ay nagpagaan sa kaniyang damdamin. Isang ngiti ang muling sumilay sa kaniyang labi, "Salamat, Milda. Tatandaan ko ang lahat ng sinabi mo."

Tumingin ang lalaki sa loro na ngayon ay lumipad at dumapo sa balikat ng matanda. "Baka matagalan din pala bago ako makabalik dito." Hindi masabi ng mahiwagang lalaki na hindi siya ngayon basta-basta makakalabas sa mga libro. Muling napayuko ang lalaki, alam niya ring malaki ang posibilidad na hindi na niya maabutan pa si Manang Milda.

Tumawa si Manang Milda, "Sa susunod magdala ka naman ng pasalubong. Dalandan sa 'kin. Mani naman kay Tara." Tumango-tango ang loro na para bang nasasabik na siyang makakain ulit ng mani.

"Sa dami ng sinakripisyo ko, muntik pa kong mamatay noon sa mga nobelang pinagdalhan mo sa 'kin, aba'y dapat lang may pabuya kami ni Tara." Hirit ni Manang Milda na sinabayan ng tawa at Oo nga. Oo nga. ng loro dahilan upang mapangiti muli ang lalaki.

"Balitaan mo ako pagkatapos ng misyon mo. Nandito lang naman kami ni Tara. Hindi kami aalis. Hindi ba, Tara?" hindi malaman ng mahiwagang nilalang kung ano ang dapat na maramdaman. Alam niyang sa una pa lang ay hindi na dapat siya naging malapit sa manghuhula at alaga nito. Ngayon ay wala siyang magawa upang pigilan ang kamatayan na huling kinahahantungan ng mga mortal na tao.

Hinawakan niya ang dulo ng suot niyang sombrero saka marahang tumango kay Manang Milda. Papalubog na ang araw, kailangan na niyang puntahan ang babaeng bahagi ng kaniyang huling misyon.


NABABATID ng mahiwagang lalaki na ang musikang naririnig niya mula sa malayo ay ang paborito ni Aurora. Mabagal ang tunog nito na tila ba naghahatid ng antok sa mga nakaririnig. Umiikot ang ballerina sa ibabaw ng music box habang umaalingangaw sa paligid ang Once Upon a Dream.

Sa bawat bagsak ng sapatos sa mahabang pasilyo ng ospital ay siya ring pagsunod ng hamog ng gabi sa kaniyang likuran. Tumigil ang takbo ng oras. Ang dalawang nurse na magkasabay na naglalakad at papasalubong sa kaniya ay hindi gumagalaw. Ang isang matandang lalaki na nakaupo sa wheelchair habang tinutulak ng apo nitong dalagita. Ang doktor na nakatayo sa gilid habang kausap ang isang mag-ina ay tila mga istatwa.

Nagsimulang humakbang ang mahiwagang lalaki papasok sa madilim na kuwarto. Naabutan niya si Aurora na dahan-dahang bumangon habang nakatitig sa kaniya. Isang ngiti ang muli niyang pinakawalan. Isang ngiti na kahit na mabigat ang kaniyang damdamin ay magagawa niya pa ring ibigay kay Aurora.

Isang malalim na buntong-hininga ang kumawala sa mahiwagang lalaki matapos lumingon sa dalawang babae na nakatayo sa labas. "Ikaw at ang iyong mga kapatid, may kakaiba sa inyo."

"Ash..." napayuko si Aurora. Alam niya na may gusto itong sabihin o itanong ngunit hindi niya magawa.

"Huwag ka mag-alala. Hindi ba, hangga't kasama mo ako. Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa 'yo." Wika ng lalaki saka dahan-dahang inilahad ang kaniyang palad sa tapat ni Aurora. Ang kaniyang sinabi, ang pangakong kaniyang binitiwan ay nababatid niyang kaya niyang panindigan hanggang dulo.

"Kailangan na nating bumalik at tapusin ito. Sasama ka ba sa 'kin patungo sa kuwentong muli nating bubuhayin?" Nang bumalik ang mahiwagang lalaki sa sagradong bakawan ay nagawa niyang kolektahin ang nobelang nawasak at nasunog. May kakayahan siyang buhayin iyon. May kakayahan siyang ibalik ang lahat ng nasunog na pahina.

Muling ngumiti ang mahiwagang lalaki nang hawakan ni Aurora ang kaniyang kamay. "Sisiguraduhin ko na hindi mo makakalimutan ito. Ang salamisim na ang siyang bahala."

Kasabay niyon ang patuloy na pagpasok ng makapal na hamog na tila naging malawak na ulap na yumakap sa kanilang dalawa. Animo'y dinala sila nito patungo sa nobelang magbibigay ng kasagutan sa mga pahinang nawawala.


DAHAN-DAHAN kong iminulat ang aking mga mata. Unti-unting naglaho ang makapal na hamog na bumalot sa aming dalawa. Nakatayo si Ash sa tapat ko habang magkahawak pa rin ang aming mga kamay.

Inilibot ni Ash ang kaniyang paningin kasabay ng muling pagsilay ng ngiti sa kaniyang labi. "Siguro nabasa mo na 'to, pero hindi mo lang maalala." Patuloy ni Ash saka nakangiting pinagmasdan ang paligid.

Nakatayo kami ngayon sa isang tulay kung saan natatanaw namin sa malayo ang mga ilaw sa pueblo at pamilihan. Napatingin ako sa mga kamay ko na hindi pa rin niya binibitawan. Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang alisin ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya. O dahil sa mas gusto kong manatili kaming ganoon.

"N-Nabasa ko na ang Salamisim." Saad ko dahilan upang mapatingin sa akin si Ash. Ngayon ko lang napansin ang suot niyang damit. Nakasuot siya ng puting polo na may mahabang manggas. Itim na tsaleko at pantalon na katerno ng itim na sombrero.

Nakasuot naman ako ng puting baro at asul na saya. Nakapusod din ang buhok ko paitaas at hawak ko sa kabilang kamay ang asul na abaniko. Ang Salamisim ay isang historical-fiction na isa rin sa mga paborito kong nobela.

"Naalala mo? Ang alin doon?" nagtatakang tanong ni Ash. Napakagat ako sa aking ibabang labi. Hindi ko alam kung bakit kumakabog ang puso ko lalo pa't magkahawak-kamay pa rin kami ngayon.

"Sina Lorenzo at Maria Florencita." Tugon ko, humarap sa 'kin si Ash dahilan upang hindi ako tuluyang makapagsalita at nanatiling nakatingala sa kaniya.

"Sino ang naaalala mong karibal sa kuwento?" tanong niya. Napansin ko na mas bagay pala sa kaniya ang kakaunting hibla ng buhok na tumatama sa kaniyang kaliwang mata.

"S-SI Heneral Roberto at Angelita." Umiwas ako ng tingin. Humarap ako sa tulay kung saan natatanaw namin ang masigla at maliwanag na gabi na puno ng mga ilaw. "

"Ah. Iyong orihinal pala ang nabasa mo," wika ni Ash na tumango nang kaunti. Tumingin ako sa kaniya saka sandaling sumulyap sa mga kamay namin. Napansin ko na naguguluhan si Ash habang nag-iisip nang malalim. "Paano mo naalala ang orihinal na Salamisim?" saad niya pero parang hindi siya nagtatanong sa akin.

Tumikhim ako. "Bakit? May iba pa bang Salamisim?" tanong ko. Muli siyang humarap sa 'kin dahilan upang tumingin ulit ako nang deretso sa tulay.

"Narito tayo ngayon sa magulong bersyon ng Salamisim. Ginulo ito ng isang karakter. Ito ang napili kong balikan dahil may kailangan akong alamin." Paliwanag niya. Tumango na lang ako kahit wala akong maintindihan sa mga sinasabi niya.

"Siya nga pala, may makikita ka rito na matagal mo nang kilala. Ngunit, hindi mo sa kanya puwedeng sabihin ang totoo. Hindi dapat malaman ng mga taong naririto na karakter lang sila sa isang kuwento." Wika ni Ash sabay tingin muli sa 'kin. Ramdam ko ang init ng kaniyang palad na sinasabaya ng pag-init ng aking mga pisngi.

"Halika na, may dadaluhan pa tayong party ngayong gabi." Ngiti ni Ash at nagsimula na kaming maglakad patungo sa pueblo ng magkahawak-kamay.

Malayo pa lang ay naririnig na namin ang musika sa mansyon ng pamilya Guerrero. Maraming kalesa ang tumitigil sa tapat, bumababa ang mga sakay niyon na nabibilang sa alta Sociedad. Marami ring mga ordinaryong mamamayan ang nakapila sa labas kung saan nagpapamahagi rin ng pagkain ang pamilya Guerrero.

"Tamang-tama pala ang suot natin," ngiti ni Ash. Muntik na niya akong mahuli na nakatingin sa kaniya, mabuti na lang dahil nakalingon agad ako sa kanan.

"Gusto mo ba pumasok sa loob?" tanong niya. Tumango ako nang hindi tumitingin sa kaniyang mga mata. Inilagay niya ang kamay ko sa kaniyang braso, "Mararanasan mo na rin ngayon kung paano mag-party ang mga tao sa panahong ito."

Napapikit ako dahil sa liwanag ng malaking chandelier na nakabungad pagpasok sa mansyon ng pamilya Guerrero na may malaking bulwagan. Nakatayo ang mga bisita kausap ang kani-kanilang mga kakilala. May mga hawak silang baso ng alak. Nasa gitna ang banda ng musika na nagbibigay sigla sa lahat. Tawanan, kuwentuhan, at palitan ng ngiti ang nangingibabaw sa pagdiriwang.

Tumigil kami ni Ash sa tabi ng isang malaking bintana kung saan natatanaw namin sa ibaba ang pila ng mga ordinaryong mamamayan. Lahat ay nasasabik sa pagkaing kanilang matatanggap.

Kumuha si Ash ng dalawang baso ng alak, inabot niya sa akin ang isa. "Mas ligtas tayo rito kumpara sa party ng mga bampira," tawa ni Ash sabay inom ng alak.

"Hindi ka na napapaso sa tubig?" tanong ko sabay turo sa hawak niyang baso. Inikot niya iyon nang kaunti tulad ng kung paano pinasasarap ang alak.

"Hindi ko rin alam." Tugon niya saka uminom ulit. "Ang mahalaga, puwede na ko maligo." Hirit niya sabay tawa. Hindi ko alam kung bakit hindi ako natawa sa biro niya. Ang totoo ay mas nag-aalala ako. Nakakabahala kapag may kakaibang nangyayari na hindi natin alam kung bakit at paano nagbago iyon.

Itatanong ko pa sana sa kaniya kung may ideya siya kung bakit hindi na siya napapaso sa tubig pero naunahan na niya ako magsalita."Bibigyan kita ng pagsubok," wika niya saka lumapit sa akin na parang may ibubulong. Ayokong isipin na iniiwasan niya lang ang mga tanong ko, o ayaw niya lang pag-usapan ang tungkol sa buhay niya dahil halatang iniiba niya ang atensyon ko.

"Kailangan mo hulaan ngayon kung sino-sino rito ang mga pangalan na nabanggit sa nobelang ito. Mahuhulaan mo ba kung sino sila base sa kanilang hitsura?" muli siyang ngumiti sa 'kin. Ang mga ngiti na iyon na pakiramdam ko ay pinipilit na lang niya upang hindi ako magtanong at mag-alala.

Sandali ko siyang tinitigan sa mata. Alam kong wala akong karapatan manghimasok at pakialaman ang buhay niya. Ngunit hindi ko mapigilan. Hindi ko mapigilang mag-alala. Lalo na noong bigla siyang naging tahimik. At ngayon, bumalik ulit siya sa dating pakikitungo niya sa akin.

"Ano? Game ka?" ngiti ni Ash na parang isang bata na nasasabik sa pustahan. At dahil ayokong sirain ang mood niya. Ngumiti ako nang kaunti at tumango tulad ng dati kong ginagawa.

"Simulan na natin... Sino kaya ang..." Ramdam ko sa mga mata niya na napanatag siya ngayon dahil hindi ko tinuloy ang mga tanong ko na makakapagpawala sa mga ngiti niya. Ayoko ring mangyari iyon, ayokong mawala ang ngiti niya. Kung kaya't sasabayan ko siya.

"Sino ang Don na 'yon na may malaking tiyan?" Tinuro ni Ash ang isang lalaki na nakasuot ng itim na amerikana na naglalakad papunta sa grupo ng mga opisyales.

"Don Severino? Ang ama ni Heneral Roberto." Tugon ko. Ngumiti si Ash saka pumalakpak ng isa.

"Mahusay! Naalala mo siguro siya dahil sa laki ng tiyan niya." Natawa ako sa sinabi niya. "E, sino naman ang dalawang Don na magkausap doon?"

Napaisip ako, sino pa ba ang dalawang Don na natitira sa kuwento. "Sina Don Florencio Garza at Don Antonio Guerrero!" Muling pumalakpak ng isa si Ash. Sa mga ngiti at tingin niya ay mukhang mas nag-eenjoy siya ngayon.

"Sino naman ang binatilyo na 'yon?"

"Si Niyong ba 'yan?" gulat akong napatingin sa binatilyo na nakasuot ng puting kamiso de tsino at asul na pantalon. Hindi ko akalain na ang gwapo pala ni Niyong.

"Kalimutan mo ng magka-crush kay Niyong kung ayaw mong makalbo ni Lolita," saad ni Ash sabay palagitik sa tapat ng mukha ko dahil hindi ko namalayan na sinundan ko ng tingin si Niyong hanggang sa makapasok ito sa kusina.

"Hindi kasi masyado nalarawan sa kuwento ang hitsura ni Niyong. Ang gwapo niya pala---"

"Hep. Hep. Bawal magkagusto sa mga karakter sa kuwento kung ayaw mong sumakit ulo mo." Bilin ni Ash na parang tatay na gusto akong pagalitan.

"Sigurado ako na mas gwapo si Lorenzo..." Napatigil ako nang makita ang isang matangkad na lalaki na pababa sa hagdan. Nakasuot ito ng uniporme ng isang heneral. Maayos ang pagkakahawi ng buhok, maganda ang tindig, at mas lalong kapansin-pansin ang seryoso nitong hitsura.

"Siya ba si Heneral Roberto? Hindi ba masyado siyang bata tingnan? Ang alam ko malaki ang agwat niya kay Maria Florencita." Bulong ko kay Ash na nakasandig sa bintana.

"Hindi 'yan si Roberto." Tugon niya sabay inom ng alak, inubos na niya ang nasa baso at inilapag sa katabing mesa. "Si Sebastian Guerrero ang bagong heneral." Patuloy ni Ash dahila upang mapatingin ako sa kaniya.

"Anak siya ni Don Antonio Guerrero? Hindi ba't wala namang anak si Don Antonio?" hindi ko na masyado maalala ang Salamisim dahil matagal ko nang nabasa iyon.

"Gaya nga ng sabi ko sa 'yo, ibang bersyon ng Salamisim'to. Maraming pagbabago, maraming bagong karakter, at marami pa tayong malalaman dito." Muli kong ibinalik ang tingin ko kay Heneral Sebastian na ngayon ay nasa azotea kausap ang mag-amang Garza.

"Ang ganda pala talaga ni Maria Florencita," sandali akong napatulala sa dalagang katabi ni Don Florencio. Para siyang Diwata nagliliwanag ngayon sa pagdiriwang. Kumikinang ang suot niyang mga alahas at dyamante.

"Para sa 'kin, mas maganda ka..." napatigil ako nang marinig ko ang sinabi ni Ash. Tumingin ako sa kaniya, nakatingin siya ngayon sa banda ng musika.

Hindi ako sigurado sa narinig ko. Pero gusto kong malaman kung totoo bang sinabi niya iyon.

Tumingin siya sa 'kin na parang wala siyang kakaibang sinabi pero halata sa mga mata niya na nagkukunwari lang siyang inosente. "Ano 'yon?" kumunot pa ang noo niya na nagpapanggap na hindi niya maintindihan ang sinasabi ko.

"S-Sinabi mo na..." napatigil ako nang mapagtanto ko na nakakahiyang sabihin iyon. Siguro kaya nagpapanggap siya ngayon na wala siyang sinabing gan'on. Napapikit ako saka muling tumingin sa azotea kung nasaan ang mag-amang Garza.

Ramdam ko ang pag-init ng aking pisngi. Kung ipapaulit ko ang sinabi niya at papanindigan niyang wala siyang sinabi, siguradong mapapahiya lang ako. Huminga ako nang malalim, "N-Nasaan kaya si Lorenzo?" ngayon alam ko na kung gaano ka-epektibo ang pag-iiba ng usapan. Maliligtas kami nito sa kahihiyan.

"Hayun!" sagot ni Ash sabay turo sa binatang nagbaba ng biyolin at palihim na umakyat sa ikalawang palapag. Nakasuot ito ng puting kamiso at puting pantalon tulad ng suot ng mga musikero.

Muli akong napatakip sa aking bibig. Ramdam kong tumingin sa 'kin si Ash. "Huwag mo sabihing nagagwapuhan ka na naman sa karakter." Puna niya dahilan para pigilan ko ang ngiti ko. Ayoko namang mahusgahan na naghahanap ng pogi sa pagdiriwang na ito.

"Magkapatid nga kayong dalawa." Patuloy ni Ash ngunit hindi ko na pinansin dahil napatulala ako sa tindig at hitsura ni Lorenzo Corpuz. Ang siyang bida sa nobelang ito. Naalala ko pa kung gaano ako kinilig at naiyak sa kanilang dalawa ni Maria Florencita.

Napansin ko ang isang lalaki na sumunod kay Lorenzo. Si Berning ang kasama niya, may kukunin silang mahalagang papeles sa opisina ni Don Antonio. Ilang sandali pa, napansin ko ang isang babae na nakasuot ng puting baro at kulay berde na saya tulad ng mga serbidora. Sumunod din ang babae paakyat sa ikalawang palapag.

Nagulat ako nang humarang si Ash sa tapat ko dahilan upang hindi ko makita kung sino ang babae. "Ang mabuti pa, sa panciteria na lang tayo kumain. Mas masarap pagkain nila roon." Ngiti ni Ash sabay hawak sa pulso ko at hinila ako papalabas sa pagdiriwang.


NAGLALAKAD kami ngayon ni Ash papunta sa Panciteria Ala Pacita. Marami rin kaming kasabay na ordinaryong mamamayan na pauwi na sa kani-kanilang tahanan matapos makakuha ng pagkain sa pagdiriwang.

Nakatingin ako sa dalawang babae at isang lalaki na naglalakad ngayon sa unahan. Inakbayan ng babae ang binatilyo at dalagita. Kung hindi ako nagkakamali, ang binatilyo ay si Niyong. Ang dalagita naman ay si Lolita.

Patuloy sa pagsasalita ang babaeng nasa gitna ngunit hindi ko masyado maintindihan dahil may sinasabi rin si Ash na kasabay ko maglakad. "Kailan mo nabasa ang nobelang ito?"

Natauhan ako at tumingin sa kaniya, "Ah. Matagal na. Twelve years old lang siguro ako." Tumango-tango si Ash. Nakalagay sa likuran niya ang dalawa niyang kamay. Para siyang kagalang-galang na ginoo kung maglakad. Masasabi kong bagay din sa kaniya ang ayos niya ngayon.

"Pambihira ang memorya mo ha. Alam mo ba na nabago ang orihinal na Salamisim? Pero ang naaalala mo ang ang orihinal na bersyon nito." Saad ni Ash. Hindi ko alam kung namamangha siya o nag-iisip nang malalim dahil parang may kakaiba sa memorya ko.

"Siya nga pala, anong nangyari kay Manolo?" Hindi ko na naabutan ang magiging kahihinatnan ng kuwento niya. Alam ko naman kung anong mangyayari sa kaniya sa dulo. Ngunit hindi ko pa rin mapigilang umasa na baka magbago ang wakas ng kuwento. Na magkaroon ng kapatawan ang puso niya at hindi na siya mabulag ng hangaring makapaghiganti.

Tumingala si Ash sa langit. Walang buwan ngunit maraming mga bituin. Animo'y sinusundan nila kami sa aming paglalakad. "Walang nagbago. Haharapin pa rin niya ang masalimuot niyang kapalaran." Hindi ako nakapagsalita. Sa tuwing naaalala ko kung ano ang sinapit ni Manolo sa kuwento ay sumasakit lang ang aking dibdib.

Sa loob ng ilang araw at gabi na paglalakad ay narating na rin ni Manolo ang kampo ng mga sundalong Hapon sa Pampanga. Sa dami ng sundalo na mahigpit na nagbabantay sa paligid ay hindi siya pinanghinaan ng loob kahit pa siya'y nag-iisa.

Mas nangingibabaw ang hangarin niyang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kaniyang mga ama at kapatid. Mas nangingibabaw ang galit at poot sa kaniyang puso. Dahilan upang makalimutan niya ang sarili at kinabukasan niya.

Muling nakapasok si Manolo sa kampo ng mga sundalo bilang agwador. Para sa mga sundalo, walang kakayahan ang isang binatilyong tulad niya na makagawa ng plano laban sa kanila. Bukod doon, nagagawa ni Manolo nang maayos ang kaniyang trabaho. Naging malaking tulong siya sa kampo.

Isang gabi. Hindi na sinayang ni Manolo ang pagkakataong makalapit sa kapitan. Inutusan siya nitong mag-igib ng tubig, nang mapuno niya ang malaking paliguan ay inabutan siya ng mangga ng kapitan.

Nanatili siya sa labas ng palikuran habang naliligo sa loob ang kapitan. Umaalingawngaw sa tanggapan ang nakakaaliw na musika. Dahan-dahang hinugot ni Manolo ang patalim sa kaniyang bulsa na matagal niyang hinasa upang magamit sa gabing ito.

Maingat niyang itinulak ang pinto ng palikuran at pumasok sa loob. Nakapikit ang mata ng kapitan habang nakababad sa tubig na may mga halamang gamot at bulaklak. Ang puso ni Manolo ay sumisigaw ng pag-uudyok, katarungan, at paghihirap. Ito na ang araw na kaniyang pinakahihintay. Sa wakas ay ibinigay na sa kaniya ang pagkakataong makapaghiganti.

Subalit bago niya mabaon ang hawak na patalim sa leeg ng kapitan ay mabilis nitong nasangga ang pag-atake ni Manolo. Pilit nilang nilabanan ang isa't isa upang sagipin ang sarili. Bagama't basa at madulas ang katawan ng kapitan ay mas nahirapan siya sa pag-atake ng binatilyo.

Nagawa nitong sugatan ang kaniyang balikat, braso, at tagiliran. Isang pag-atake na lang ni Manolo ay magagawa na niyang tapusin ang buhay ng kapitan ngunit dumating na ang ibang mga sundalong nakarinig sa sigaw ng kapitan. Nang mahila si Manolo papalayo at maagaw sa kaniya ang patalim ay nababatid niyang iyon na ang katapusan.

Kinabukasan, hindi pa sumisikat ang araw ay agad ipinataw ng kapitan ang hatol na kamatayan sa binatilyong agwador. Sa harap ng mga bilanggo, mamamayan, at sundalo ay binitay ang binatilyong hindi nakikilala ninuman.

Isang tingin ang hindi malilimutan ng kapitan habang pinapanood ang pagbitay sa binatilyo. Iyon ang tingin ng mga batang naging halimaw ng digmaan. Ang mga batang binawian ng karapatan maging bata. At ang mga batang biktima ng mga makasariling magulang.

"Nalulungkot ako kasi hindi man lang ako nakapagpaalam nang maayos sa kaniya." Patuloy ko saka napahinga nang malalim. "Kung alam ko lang na iyon na ang huli naming pagkikita, kinausap ko pa sana siya at nagawa ko sanang palakasin ang loob niya." Nanghihinayang ako na hindi ko nasabi kay Manolo na hindi niya dapat sisihin ang sarili niya sa pagkasira ng pamilya nila. Dahil hindi dapat akuin ng bata ang responsibilidad ng mga matatanda.

"Pero masaya rin ako kahit papaano dahil nakita ko ulit sina mama at papa. Dumating din sina ate Faye at Sabrina." Sinubukan kong ngumiti, nanatiling nakatingin lang sa akin si Ash.

"Paano mo nakilala ang mga kapatid mo?" tanong niya. Hindi ko alam kung mas bumagal ang paglalakad namin o hindi lang talaga namin marating ang panciteria na natatanaw namin mula sa malayo.

"Sinama ako ni papa noon sa bahay nila. May dala kaming cake at regalo. Akala ko pupunta lang kami sa anak ng kaibigan niya. Pinakilala ako ni papa sa kanila, sa araw mismo ng birthday ni Sabrina." Hindi ko alam kung masaya o malungkot ba ang alaalang iyon. Dahil pinalayas kami at tinapon ang dala naming cake.

"Hindi ko alam kung sino ang kumupkop kina ate Faye at Sabrina nang mamatay ang mama nila dahil sa breast cancer. Hindi ko rin alam ang dahilan kung bakit sila pinabayaan ni papa."

"Alam ba ng mama mo na may unang pamilya ang papa mo?" tanong ni Ash. Tumango si Aurora, "Sa palagay ko, Oo. Hindi lang namin napapag-usapan."

Tumigil kami sa paglalakad. Agad kong hinawi ang mga luha na namumuo sa mga mata ko. Wala pa akong napagsabihan tungkol sa komplikadong pamilya namin. Palaging nariyan si papa sa amin ni mama. Pero paano naman ang una niyang pamilya?

"Galit ba sila sa 'yo? Ang mga kapatid mo." tanong niya. Sandali akong napaisip. Malayo ang agwat ng edad ko sa kanila. 

"Hindi ko sigurado. Hindi ko rin alam kung saan sila nakatira. Palagi rin akong nasa ospital kaya hindi ko alam kung paano sila mahahanap." Hinawakan ni Ash ang balikat ko saka dahan-dahan niya akong niyakap.

Nang dahil sa ginawa niya ay mas lalong nadurog ang puso ko. Totoo pala na kahit anong pigil natin sa ating mga luha, kakawala pa rin iyon sa oras na may makaunawa na gusto nating umiyak. "Tulad nga ng gustong mong sabihin kay Manolo. Hindi mo kasalanan ito, Aurora. Hindi mo kasalanan na maging anak ng isang iresponsableng magulang."

Marahan niyang tinapik ang aking likod dahilan upang mas lalong bumagsak ang mga luha ko. "Intindihin mo rin sana ang iyong mga kapatid. Sila ang nauna, sila ang dating paborito, sila ang dating prinsesa ngunit sa isang iglap ay bigla silang napalitan. Nawala ang lahat ng atensyon at pagmamahal na naranasan nila."

Tumigil siya sa pagtapik sa aking likod ngunit hindi siya bumitaw sa pagkakayakap sa akin. "Alam mo kung sino ang tunay na may kasalanan? Ang mga magulang na hindi marunong magmahal nang pantay-pantay at tama. Sila ang dahilan kung bakit naghihirap ang lahat." Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko alam kung bakit mula sa tono niya ay may malalim siyang pinaghuhugutan. Galit at poot na hindi ko alam kung saan ang pinagmulan.


TUMIGIL kami sa tapat panciteria. Pumasok sa loob si Lolita at ang kasama niyang babae na hindi ko nakita dahil nauna itong pumasok sa loob. Nagpatuloy naman si Niyong sa paglalakad pauwi sa kanilang tahanan.

"Sarado na pala." Wika ni Ash habang pinagmamasdan ang malaking panciteria na pag-aari nina Aling Pacing at Mang Pedro.

"Nagugutom ka na ba? Gusto mong bumalik sa bahay ng pamilya Guerrero?" Umiling ako bilang sagot.

"Mag-uumaga na rin mayamaya," tumingin ako sa langit. Gumagalaw nang mabilis ang mga bituin at unti-unting nagiging asul ang kalangitan.

Sa sobrang ganda ng langit ay nakalimutan kong nasa tabi ko pa pala si Ash. Nang tumingin ako sa kaniya, nahuli kong nakatingin siya sa akin. Marahang umihip ang hangin na nagpagalaw sa kaniyang buhok. Hindi ko alam kung bakit bigla akong nakaramdam muli ng kaba at kabog sa aking puso.

Naalala ko na ito rin ang naramdaman ko bago niya ako halikan. Nanlaki ang mga mata ko nang maalala ko ang nangyari bago kami makalabas sa Remembrance of Time. Hindi ko alam ang dapat na gawin ngayon. Nanatili lang akong nakatingin sa kaniyang mga mata na para bang hinihintay ko ang susunod niyang hakbang. Kung sakaling lalapit ulit siya sa akin, pakiramdam ko ay walang balak umatras ang aking mga paa o lumayo sa kaniyang paglapit.

Napalunok ako nang maalala na iyon ang first kiss ko. Muling nag-init ang aking mga pisngi at ramdam ko ang pagyakap ng hamog sa gabi. Hindi ko alam kung bakit kinakabahan ako na nasasabik. Nag-iinit na nilalamig. Nalilito na hindi makapaghintay.

Nagsimulang humakbang si Ash papalapit dahilan upang mas lalong kumabog ang puso ko. Hindi ko alam kung tama bang hayaan ko lang mangyari ito ngunit hindi ko rin gustong pigilan. Akmang hahakbang pa sana siya papalapit ngunit napatigil kami nang bumukas ang pinto ng panciteria.

Napapikit ako at isinangga ko ang aking kamay sa liwanag mula sa lampara na hawak ng babaeng lumabas. Hawak nito sa kabilang kamay ang lagayan na puno ng basura. Magbubukang-liwayway na at tila magtatapon siya ng basura.

Napatigil ang babae nang makita kaming dalawa ni Ash. "Anong maitutulong ko?" tanong niya. Marahil iniisip niya ngayon na naghihintay kami sa pagbubukas ng panciteria. Dahan-dahang ibinaba ng babae ang lampara dahilan upang mas makita ko ang kaniyang hitsura.

Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ang babae. Hindi ako nagkakamali, si ate Faye ang nakatayo ngayon sa aming harapan. Lalapitan ko sana siya kaso hinawakan ni Ash ang braso ko at umiling siya nang marahan na para bang sinasabi sa 'kin na huwag kong ituloy.

Naalala ko ang sinabi niya tungkol sa mga makikilala ko sa loob ng nobela. Hindi dapat ako magsabi na lahat silang naririto ay mga karakter sa loob ng nobela. Ngunit hindi ko maintindihan kung paano nakapasok dito si ate Faye?

Sa pagkakataong iyon, isang pamilyar na hitsura ang hindi ko malaman kung bakit ngayon ko lang muli naalala.

Naalimpungatan ako dahil sa lamig. Nang imulat ko ang aking mga mata, hindi ko alam kung bakit nababalot ng hamog ang buong ospital. Nang lumingon ako sa paligid, wala sa tabi ko sina mama at papa. Wala rin akong kasama sa ward. Nakapatay ang lahat ng ilaw at tanging ang liwanag ng buwan na tumatagos sa bintana ang nagsisilbing liwanag ng paligid.

Bumangon ako at palundag na bumaba sa kama dahil sa taas nito. Kinuha ko ang teddy bear na palagi kong yakap sa gabi. Sinundan ko ang daloy ng hamog na kumakalat din sa pasilyo ng ospital. Hindi ko alam kung bakit hindi ako nakakaramdam ng takot. Ang tanging alam ko lang ay nananaginip ako at ngayon ay tinatangay sa dulo kung saan malalaman ko kung saan ako dadalhin nito.

Bumagal ang aking lakad nang maaninag ko mula sa malayo ang pamilyar na lalaki na nakatayo sad ulo habang nakatanaw sa bintana kung saan natatanaw ang buwan. Naalala ko na siya ang lalaking nagbigay sa akin ng mansanas noong isang gabi.

Tumingin sa akin ang lalaki na para bang kanina niya pa ako hinihintay doon. "Sa aking palagay ay malakas ka sa buwan," wika niya sabay ngiti. Humarap siya sa akin at humakbang papalapit saka umupo sa tapat ko upang maging magkapantay kami.

"Gusto mo bang mamasyal?" tanong niya. Hindi ako sumagot. Naalala ko ang bilin noon ni mama na hindi dapat ako sumama sa isang estranghero. Ngunit hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang tumanggi sa lalaking nakangiti sa akin ngayon.

May kinuha siya sa kaniyang bulsa at pinakita iyon sa akin. "Ibibigay mo ito sa babaeng ituturo ko sa 'yo. Hindi ka niya makikilala dahil wala siya sa katauhan niya ngayon." Napatitig ako sa pulang bookmark na hawak niya. Lumiwanag ang mga linya nito sa gilid.

"Gusto mo bang sumama?" Patuloy niya na para bang musika sa aking tainga. Hindi ako makatanggi, hindi ako makaalis, higit sa lahat, gusto ko pa itong lalong marinig.

Namalayan ko na lang ang aking sarili na dahan-dahang kinuha sa kamay niya ang pulang bookmark at pinagmasdan iyon. Muli siyang ngumiti at inilahad niya ang kaniyang palad sa tapat ko, "Maglalaro tayo. Ikaw si Adencia na isang karakter sa loob ng nobela."

Kasabay niyon ay muli kong nakita ang pagkislap ng kaniyang mga mata tulad ng liwanag ng buwan sa kalangitan. Hinawakan ko ang kaniyang kamay ngunit hindi ko alam kung bakit ako nakaramdam ng takot. Marahil ay hindi na siguro dapat ako sumama sa kaniya noong gabing ito dahil malakas ang kutob ko na ito ang naging simula ng aking ugnayan sa misteryong hatid ng buwan.


*****************

#Hiraya

Featured Music: Once Upon a December (Ethereal remix)

https://youtu.be/JZ6buLNIgs8

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top