Hindi ka na uuwi, Jana
MADALING-ARAW NA pero maingay pa rin ang syudad. Naghahalo sa ere ang tunog ng mga busina, boses ng mga tao, at ng makina ng mga sasakyan. Habang isa-isang pumapasok at sumasakay ang pasahero sa jeepney ay umuusog din siya hanggang sa makapuwesto na siya sa dulo, sa likod ng tsuper. Hindi nagtagal ay napuno na rin ang jeep. Siksikan ang mga pasahero na gustong-gusto nang makauwi. Nabuhay na rin ang makina ng jeep at umalis na ito. Tahimik lang ang lahat, halatang pagod na pagod sa buong-araw na pakikipagsapalaran. Gusto na niyang matulog pero hindi niya magawa dahil masyadong maalog ang jeep at maya't mayang tumitigil dahil sa bigat ng trapiko.
Habang bumabyahe ay naging abala naman siya sa kaniyang smartphone. Tinignan niya ang news feed ng Facebook at nanood din ng mga videos habang nagpapalitan ng mensahe sa kaniyang nobyo na nasa probinsya. Ikinuwento niya rito ang nangyari sa shift niya at kung gaano siya kaabala sa pag-aasikaso niya sa mga pasyente. Makalipas ang ilang minuto ay nagpaalam na rin ang kaniyang nobyo at natulog na. Tumigil na rin siya sa paggamit ng kaniyang phone at isinilid ito sa kandong-kandong niyang backpack.
Iginala niya ang tingin sa paligid at napansing siksikan pa rin ang mga pasahero. Walang ni isang bumaba sa kanila. Napakatahimik. Tanging tunog lang ng makina at ang marahang pag-alog ng sasakyan ang naririnig niya. Diretso lang ang tingin ng lahat ng pasahero sa daan. At napansin niya rin na nag-iba na ang paligid ng kanilang dinadaanan. Paunti-unti ang mga bahay na nadaraanan nila, pati na rin ang mga poste ng liwanag. Hanggang sa hindi nagtagal ay binalot ng purong kadiliman ang paligid. Tanging ang liwanag na lang ng jeepney ang pumupunit sa kadiliman at nagbibigay-liwanag sa mga nakapaligid na puno. Kumunot ang noo niya nang manibago siya sa daan.
Sa iilang buwan niyang pagbabiyahe tuwing gabi ay ngayon lang siya dumaan dito. Marahil iba ang ruta na dinaanan ng tsuper. Pinansin niya ang ibang mga pasahero ngunit wala pa ring kumikibo o wala man lang reaksyon. Napatingin siya sa orasan niya at isang oras na rin ang lumipas ngunit wala pa ring ni isa sa kanila ang bumaba. Wala ring gumagalaw at diretso lang ang tingin. Bigla siyang kinabahan at nanindig ang kaniyang balahibo.
"Parang may mali," aniya sa sarili.
Ibinaling niya ang atensyon sa nagmamanehong lalaki na katabi lang niya. Tumindig siya at sinilip ito. "Manong, nasaan na po tayo?"
"Ihahatid ka na namin, iha."
"P...Po?"
"Hindi po rito yung daan pauwi sa 'min."
"Hindi ka na uuwi, Jana."
Nagimbal siya nang marinig ang pangalan niya at sa kung anong pinapahiwatig ng lalaki. Agad siyang umatras at bumalik sa kaniyang upuan, ngunit nahagip ng kaniyang paningin ang salamin sa harapan. Muli niya itong tinignan at para siyang binuhusan siya ng malamig na tubig nang makita ang mukha ng mga pasahero. Nanigas siya. Purong itim ang mga mata nila na nakatingin sa kaniya. Nakangiti silang lahat at kitang-kita ang nabubulok nilang ngipin. Lumang-luma ang mga suot nilang damit. Ang balat ay namumutla.
Isang inaagnas kamay ang lumapat sa kaniyang braso at bumaha ang lamig sa kaniyang katawan. Nanginig siya at biglang napaigtad. Napasinghap siya ng hangin at napadaing nang mauntog siya. Pagdilat ng mata niya ay napagtanto niyang nakatulog pala siya. Isang masamang panaginip lang pala. Uminit naman ang kaniyang pisngi sa hiya nang mapagtantong may nakapansin sa kaniyang biglaang pag-igtad. Muli siyang napabuntong-hininga at umayos sa pagkakaupo. Ngunit nang matuon ang kaniyang atensyon sa paligid ay nanindig ang kaniyang balahibo nang mapansing wala pa ring bumababa sa sasakyan. Napakadilim ng paligid; purong kakahuyan na lang at wala nang kabahayan pa. Nagsimulang lumakas ang tibok ng kaniyang puso. Kinakapos na siya ng hangin.
Nangilid ang luha sa kaniyang mga mata nang makitang unti-unting sumilay ang ngiti sa mga labi ng lahat ng pasahero at ipinakita ang mga maliliit, ngunit matutulis nilang ngipin. Napako ang tingin niya sa lalaking katabi at unti-unting bumukas ang bibig nito at lumabas ang dila niyang nahati sa dalawa. Hindi siya makasigaw, animo'y may kung anong bumibikig sa kaniyang lalamunan. Bigla na lang siyang nanghina at bumagsak sa sahig. Napatingin siya sa kaniyang kanang kamay at tinitigan ito. Binilang niya ang mga daliri.
"Isa...dalawa...tatlo..." Naramdaman na niya ang mga kamay ng pasahero na pilit siyang hinihila at pinag-aagawan. Ang mga matutulis nitong daliri ay bumabaon na sa kaniyang balat at pinupunit. "Apat...lima..." Napadaing siya. "...Anim?"
Muli siyang pumikit at pagdilat ng mga mata niya ay muli niyang natagpuan ang sarili na nakatulog sa balikat ng kaniyang lalaking katabi. Nanlabo pa ang kaniyang paningin nang dahan-dahan niyang hinila ang sarili at umupo nang maayos. Natuon lang ang kaniyang titig sa sahig habang pinoproseso pa lang niya ang napanaginipan. Ayaw na niyang tumingin pa sa paligid, sa takot na baka bubulaga na naman sa kaniya ang kahindik-hindik na sinapit ng mga pasahero.
Takot na takot siya. Inisip niya na baka nananaginip pa rin siya. Hindi ito ang unang beses na binabangungot siya ng mga panaginip niya na parang totoo na talaga, kung kaya't tahimik siyang umaasa na magigising na siya. Habang nakayuko ay tinignan niya ang sariling mga kamay at binilang ang mga daliri. Sakto lang ito.
"Ate, paabot po ng bayad."
Nalipat ang kaniyang atensyon sa babaeng nakapuwesto isang metro mula sa kaniya. Ngunit bago pa man niya makuha ang bayad ay laking-gimbal niya nang makita ang lahat ng pasahero na patay na. Nakasandal isa sa isa't isa. May babae na may gilit ang leeg. May lalaking nababalot ng duct tape ang buong mukha. May isa pa na wasak ang mukha. May nasunog. May basang-basa at namumutla. May katawang walang ulo. Tanging siya lang ang buhay sa loob.
Kumawala ang sigaw niya. Namanhid ang katawan niya at ramdam niyang kay gaan na nito. Inabot niya ang nagmamaneho at tinapik-tapik ito, umaasang mapapatigil niya ito. Ngunit nang silipin niya ito at nagtagpo ang kanilang tingin. Laking-gimbal niya nang makitang wala na itong mukha; natuklap ang laman nito at nakalitaw na ang bungo, bilugang mata, mga ngipin, at ang butas sa ilong nito kung saan nakasilip ang nagliliwanag na pulang bagay.
Parang nadurog ang puso niya nang malamang nasa isang kahindik-hindik na panaginip pa rin siya. Kahit anong gawin niya ay nasa loob pa rin siya ng bangungot. Walang mapaglalagyan ang kaniyang takot na nag-uumapaw. Ayaw na niyang manatili pa sa loob ng jeep. Hindi na siya nakatiis at tumakbo palabas. Ngunit bago pa niya marating ang dulo ay may humablot sa kaniya. Sa lakas nito ay bumagsak siya sa sahig. Marahas siyang nagpumiglas at nanlaban sa mga pilit na humihila sa kaniya. Kumawala rin siya at nagpatuloy sa pinaplano. Hindi na siya lumingon pa at diretsong tumalon kahit na napakabilis ng takbo ng jeep.
Mariin siyang napipikit at hinayaan siyang hilain ng grabidad pabalik sa lupa. Nang bumagsak siya ay malakas na nahampas ang kaniyang mukha at ramdam niya ang hindi mawaring sakit nang mabasag ang laman ng ilong niya at natuklap din ang iilan sa mga ngipin niya. Nagpagulong-gulong siya at ramdam niya ang pagguhit ng gasgas sa kaniyang balat nang makiskis ito sa magaspang na daan. Hilong-hilo siya nang tumigil na rin siya sa paggulong. Ramdam niya ang labis na kirot sa kaniyang kanang braso na batid niyang nabali. Sa kabila nito ay dahan-dahan siyang tumindig.
"T...Tulong!" iyak niya sa kabila ng pananakit ng buo niyang katawan.
Nababalot ng kadiliman ang paligid. Walang buwan sa kalangitan o bituwin man lang. Hindi niya maintindihan ang nadarama nang parang nakalutang na lang siya sa gitna ng dilim. Pero mas pipiliin pa niya ito kaysa sa manatili roon sa jeep. Hindi niya alam kung nasaan na siya; kung nasa panaginip pa ba siya o gising na siya. Wala na siyang alam pa.
"Tulong—"
Ngunit isang malakas liwanag ang nagtaboy sa kadiliman ng paligid. Sa bilis ng pangyayari, umalingawngaw na lang ang nakabibinging busina. Paglingon niya ay huli na, nanigas na lang siya nang mabulag siya sa dilaw na liwanag na sumalubong sa kaniya. Lumabo ang paligid hanggang sa ito ay nandilim. Ilang saglit pa. Unti-unting nagbalik ang kulay at liwanag sa kaniyang paningin. Nakikita na niya ang buwan at ang libo-libong bituwin sa kalangitan. Sumilay ang ngiti sa kaniyang labi.
"Gising na ako," saad niya sa sarili.
•••
ISANG MATANDANG LALAKI ang nakipagsiksikan sa mga kumpol ng tao na unti-unting dumadami sa paglipas ng sandali. Napuno ang paligid ng mga bulong-bulungan. Hinawi niya ang mga ito hanggang sa dalhin siya ng kaniyang paa sa gitna ng pinagkakaguluhan. Napatigil siya nang makita ang babaeng nars na nakahandusay sa gitna ng daan. Duguan, durog ang mga braso at binti, at nagkalat ang mga laman nito mula sa tiyan niyang nakabukas na, at naliligo sa sariling dugo. Dilat na dilat ang mga mata nitong nakatingin lang sa kalangitan.
"Anong nangyari?" tanong niya sa katabing lalaki na may hawak na smartphone at kasalukuyang kinukunan ng larawan at video ang bangkay.
"Ang sabi no'ng babaeng pasahero kanina. Bigla raw siyang tumalon sa jeep kahit na rumaragasa pa ito. Sinubukan pa raw nilang pigilan kanina. Hinila nila 'to. Pero kumawala pa rin. Umiiyak daw ito at takot na takot. Nahulog siya at 'di agad napansin no'ng ten-wheeler na truck sa lakas din ng takbo."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top